Bulalakaw ng Pag-asa

Part 2

Chapter 2 3,754 words Public domain Markdown

Sa haráp ng ganyáng mga adhikà, katakátaká kayâ na nang mabágo ang pámahalaan, pagkalagánap dito ng kautusáng nagpapahintúlot sa mga bayán-bayán ng maláyang pagpilì sa kanikanilang pinunò; katakátaká kayâ na maisipan ni Kápitang Memò na samantalahin ang pagkakátaon sa pagbabakásakáling siya ang máhalal na presidente sa kanyang bayan?

Alám ni Kápitang Memò na lubhâng marami ang kanyáng kaáway; na ang kanyáng kabangisán ng panahóng lumípas ay di pa nalilimot ng mga manghahalál; na ang tákot at pangingilag sa kanyá ay di pa nakakatkát sa mga apdó ng karamíhan; na ang kanyáng kalupitán sa pamumunò ay sariwàng-sariwà sa kanilang alaala. Batid ni Kapitang Memò ang lahát ng iyan. At iyan ang mga dahil kung bakit siya'y maláon ding nabalisa at nagalinlangan, bago natuluyang magharáp ng kanyang kandidatura sa nálalapit na halalán.

Dápwa't hindî ang isang Kápitang Memò ang uúrong. Bakit ba hindî niyá titikmán? Ay anó kun sakálì ma't siyá'y mátalo? Hindî ba siyá datihan sa pagkatálo ... sa mga templo ng San Jórge at mga titiláok?

--"Walâ! walâng úrong-úrong!" ang matigás niyáng sábi sa kanyá rin.

At hindî nga namán umúrong.

Sinimulan na ang pangatawanang paglákad.

Nagkatúsak ang kanyang mga leaders na walâng humpáy ng talumpatì dini at talumpatì doón.

Nagpagawâ sa Maynilà ng libo-libong carteles na kinatítitikan ng mga salitang:

VOTAD POR Sr. D. Maximo San Jorge de los Santos. CANDIDATO para PRESIDENTE. Libertad, Igualdad, Fraternidad.

Sa di kawasà'y dumatíng ang áraw ng halalán. Dumatíng ang oras ng pagbílang ng mga boto.

Nápagaláman sa wakás na tatlong-daan at limá ang bilang ng boto kay Kápitang Memò; samantalang dádalawang-dáan at ánim ang tinanggap ng kaniyang kapáligsahan.

¡Talinghagà ng mga pangakong matatamis!

¡Talinghagà ng mga gantíng-palang makalansing!

¡Talínghagà ng mga mukhâng-hudas na nakangitî!...

Tigás na tuwâ ng Kápitan.

Sa tatlong araw na sumunod sa halalán, si Kápitang Memò tuwing magiisá, maging sa pagkain, maging sa paghigâ hanggang sa pagtulog, ay wálang nábibigkas kundî ang gayari:

--"Sa makatwid, ako ay presidente na ngayón ha! ha! ha! At sa makatwid, akó ay makapangyarihan na namán! ha! ha! ha!... Ganitó, ganitó ang mabubuhay ... láging nasa itáas, láging tinitingalâ at hindî nasusuwáy! ha! ha! ha!"

Iyán ang si Kápitang Memò.

IV

ANG MGA MÁGINOO...

Talagá yatàng sinasamâ ang mga magsasakdal. Ang presidenteng sinadyâ sa bahay-pámunuan ay walâ rin doon.

Hindi pa dumárating. Ang oras na iyon ay hindi pa oras ng pagdatíng ni Kápitang Memò sa kanyang tanggápan. Iyón ay oras lamang ng kanyang pagbángon, ng paghiwaláy sa mapanghalína niyang higàan, ng pagpapaalam sa isang kinawilihang pangarap....

Si Kápitang Memò ay di nararápat bumangon ng maága; hindi ito nababágay sa kanya. Siya'y isang máginoo, isang kápitan, isang presidente na sumasahod buwán-buwán ng walongpúng pisong matunóg. Bumángong maága ay nababágay lámang sa mga mahihirap, sa mga magsasaká, sa kanyang mga kasamá, alila at mga hindi máginoong gaya niya.

Tinutugtóg ang ikasampung oras nang si Kápitang Memò ay magbángon noong umagang iyón. Ang mga hikáb niyang sunodsunod at mga matáng pipikitpikit ay nagpapakilálang di pa nasisiyahán sa túlog. At mulî sanang mahahandusáy ang mahal nating ginoo, dangan at nagitlá sa íngay ng maraming táo na noó'y naghuhugusan sa tapát ng kanyang báhay. Ang mga táong ito'y siyang kasunódsunód nina Gerardo mulâ ng iwan nila ang tindahan ni Julio; ibig sana nilang mapanoód ang paglilítis, dapwa't nabuktót na lahat sa pagiintáy sa presidente, kaya't ngayo'y nangaguuwian na. Salámat sa ingay nila at nabugábog ang masipag na pinunò ng bayan; sa wakás ay natulúyan ding mámulat ang mga namumugtông matá na animo'y nagsasábing "¡Kami ay busóg na busóg!"

Pagkakáin ng almusalán, ang ating máginoo ay humílig sa isang sillón; at dito'y sinimulán ang waláng lagót na pagpapaúsok sa isang "Germinal".

Hinintáy pa munang mangalahátì ang sagisag na iyón ng isa sa mga masasamáng hilig ng tao, bágo nagbihis si Kápitang Memò upang dumaló sa bahay-pamunuan.

Tinutugtóg ang ika labing-isáng óras ng umága nang siya'y sumapit doón. Pagpások na pagpások ng pintô, ay isang tuksó ang kaagád ay sumagupà sa kanyá. Sa dákong kaliwâ ay may isang malápad na bangkô at sa ibabaw ng bangkô ay nakatukmól ang isang pulís na uugâ-ugâ ang ulo, nakabuká ang bibig, at untî-untîng nábababâ ang mga balintataó. Sa ganitong anyô na bilang pasalúbong sa kanya ng káwal niyang hinihíla ni Antók, ang makisig na pinunò ay biglang siniglán ng pangungupinyó. Anó ba't ang buísit na iyon eh, tila ginagagád ang anyô niya kanina ng siya'y bago lang kagigísing?

Dáhandáhang lumápit ang nagngingitngít, sinunggabán sa bátok ang tuksó at walang sábi-sábi'y niluglóg ito ng walang kapatúpatumanggâ.

--"Ah, salbáhe! demónyo! di nahúli rin kitá!... Iyán, (suntok) iyán, (sipa) at iyán (dagok) ang bágay sa iyo, tamád! walang hiyâ! háyop! Kung kayâ ka bá binabayáran ng sampúng piso buwán-buwán ay para magtulóg ka rito? Waláng hiyâ!"

Gitláng gitlá ang pinupog ni Kápitang Memò. Sa kagulatan ay nakálundag tuloy sa di oras ng limáng dipá.

Samantalang nagbúbubusá ang bibíg ng Kápitan ang iba namang mga pulís ay pawang nagpuputlàan at nanginginíg, lahat ay nangagtáyò ng tuwid na tuwid, walang makahumá kahi't isa.

Pagkatápos ng ganitong pagpapakíta ng gilas sa silong, ang mabangís na punò ay dahandahang nanhík na nanglilisik ang mga matá.

Sina Gerardong inis na inis na sa pagiintáy ay napabuntóng-hiningá na lamang ng maramdamang siya'y dumádating.

V

SA LIKÓD NG KASALUKÚYAN

"Aba, mang Julio", ang bigkás ng binatà; "lumuhód po kayó at nárito na ang ating Czar!"

Si Julio'y napabulalás ng tawa.

"Angkáp na angkáp nga sa kanyá ang ngalang iyan!"

Hindi lumawig ang pagtatawá ni Julio; humalili sa kanya ang isang pagkamanghâ, pagkatapos na maibáling ang paningin sa dákong hagdánan. Pati si Gerardo ay nápa-abá!...

Katakátaká nga nama't lubhâng mahiwagà ang mapapansín ng isang nagmamasíd sa pinamagatáng Czar na sa sandalíng iyón ay kapapanhík pa lamang.

Pagkákitang pagkákita sa amerikánong isasakdál (na noó'y nagkátaong nakatalíkod at kasalukúyang nawiwíli sa pagtingin sa isang nakasábit na magandang laráwan ng nunò ng mga Federál,) ang presidente ay natigilan nang biglâng biglâ; túlos na túlos sa púnò ng hagdanan; ang mga matá ay pinanáwan ng panglilisik at kúsang napakò sa likod ng amerikáno. Tumindíg sina Julio at nagbigáy ng "magandang araw", dapwa't ni tangô, ni tingin man lang, ni ano pa mang tandâ ng paggantí, ay dí sila nagkamít.

Papaáno'y ang boông pag-iisip ni Kápitang Memò ay nabubuntón sa isásakdál na mulâ, nang tamáan ng kanyáng matá ay pinasikdósikdó ang loob niyá nang gayón na lang. ¡Kanyá mandín natatandâan ang húbog ng pangangatawán ng amerikánong itó!... Túnay nga kayáng ito'y si ... si ... si Stag?

Habang nagtatagál ang kanyang pagmamasíd ay lalò at lalòng nakikilála ang pinagmamasdán.

Isang matinding tikím na kinaugalían, at isáng magasláw na kilos ng nakatalíkod, at ... ¡biglang namutlâ ang natutúlos sa punò ng hagdán!

Ang tikím at kilos na iyón ay kilaláng-kilalá niya; wala kundi si Stag lang ang marunong kumílos at tumikím ng ganoon.

"At bakit itó'y nápaparíto ngayón?..."--ang kahi't di sinasadya'y naibulong sa sarilí ng namumutlâng pinunò--"Akó kayâ ang talagáng hanap?... Alam kayáng presidente na ako ngayón?... Maánong huwag ng maalaála...!"

Hindî man ibig ni Kápitang Memò ay kusang ipinadpád siya ng kanyang gunitâ sa panahóng nagdáan--sa taóng 189...--sa isang háting-gabíng madilím nang silang dalawá ng amerikánong itó, ay magkasámang lumanság sa isang pintóng nakalápat sa lalawigang Tarlak.

Sariwàng sariwà pa sa kanyáng alaála ang mga nangyari noón! Hindi, oh hindî niya malilimutan ang pagkaparoól ng isang amá, isang amáng tagalog, na noo'y walang malay na naligò sa sariling dugô--dugông pinaágos ng kanyang kamay, kamay niya--ni Kápitang Memò!

Hindi pa rin nakakatkát sa kanyang gunitâ ang mga himutók, at pananambítan ng dalágang anák ng amáng iyon--anák na sa isang sandalî ay inagáwan ng magúlang, at pinagnakáwan ng tánging kayamánan ng isang dalága: ang saríling púri. At ang nagnákaw, ang naglubálob sa lusák sa púring iyón ay siyá rin, siya--si Kápitang Memò!

At lalong hindî pa rin nalilingíd sa kanyáng guniguni ang kináng at dámi ng pilak na sa bahay ding iyon ay kanyáng nalíkom. Ang pílak na itó ay umabót sa halagáng -P-10,000--salapîng pinagkayariang hatiin nilang dalawá ni Stag na lubhang malaki ang pagod na ginugol sa kapangahasa't katampalasánang iyon. Ang paghaháting ito, sapagka't hindí maáring gawin noon din, ay ipinagpaliban sa umága ng kinabukasan at sa bahay ni Kápitang Memò sa Tarlák.

Dapwa't ang paghahatì ay di natupad: noon ding gabing iyon, ang makisig at túsong kápitan ay nakalipád sa ibang lupálop. Tagláy niya ang -P-10,000 piso at isang sariwàng katawán. Sa minsang sabi, si Stag ay nàlinlang niya, ni Kápitang Memò!....

Ang Kápitan ay papanáog na sána at ang tangka'y umuwî noón din upang siya'y makapagtágò sa pinangingilágan.

Dapwa't, ¡hulí na! Hindi pa man lang nakatátalikod ay hinaló na siya nang sunódsunód ng dati niyang kasákasama.

Kun sa pagbatì sa Kápitan ang bibig ni Stag ay nakangitî ang kaluluwá naman niya'y nagngingitngit sa pagsigáw ng: "Háyop, di ka na muling makawawalâ sa akin!"

Ang kaawà-awàng presidente ay hindî na nakatulóy ng pagpanáog. Anó ang dápat niyáng gawin ngayón? Wala, kundî ang maglakás loob. Hinaráp ang kanyang dáting kaibígan at bumigkás ng ganitóng mga pangungúsap:

"¡Oh, si Mr. Stag! Kayo palâ! Hindi ko kayó nákilala! Ipagpatáwad ninyo! Saán kayó gáling? Ang akalá ko'y umuwî na kayó sa Amérika. Nguni't magtulóy, magtulóy kayó!"

Binuksán ang pintô ng tanggapan ng presidente at silang dalawá ay nagsipások.

Maláwig ang kaniláng salitàan. Tuwâng tuwâ, si Stag nang maaláman na itong kaibígan niyá ay "umasénso" na palâ. At laló pa mandíng nag-ibáyo ang kanyáng pagkatuwâ nang maalámang ang batà niya'y siya palâng huhukóm sa usapín niláng dalawá ni Julio. Si Kápitang Memò namán ay punông punô ng salitáng "patáwad!" Bawa't pangungúsap niyá ay may kalákip na isang "patáwad!" Walang magasláw na salitâ si Stag na di niya tinugón ng isang malambíng na "patáwad!"...

Natápos ang kaniláng lihim na pagpapanáyam pagkaráan ng isang óras at kalahatì.

Binuksán ng presidente ang pintò ng kanyáng opisina at sinigawán ang sargento ng mga pulís. Ang tináwag ay hálos mag-kandarapà sa pagmamadalî nang pagharáp sa kanyang pinunò.

"Papasukin dito iyang mga táong may ihaharáp na sakdál", ang utos ng presidente.

"Opó, señor!"--ang tugón naman ng sargento.

VI

¡TALAGÁNG PALALÒ!

Iká isáng óras ng hápon nang máharap sa presidente siná Julio at gayón ma'y malaon pa ring sila'y naghintáy na hindî man lang kinikibô. Sinamantala ni Gerardo ang panahón; pinagaralan sandalî ang nalalaráwan sa mga mukhâ ni Kápitang Memò at ng kanyang katóto. May isa siyang hinalà, na ibig maláman kung túnay ó hindî. Tiningnáng una ang amerikano. Ibáng ibá ito ngayón: walâ na ngayón ang úlong kanína'y nakayukô; walâ na rin ang mga lábing kanína'y nangangatál; walâ na ngayón ang mga matáng duwág na kanina'y dî makalában sa kanyá ng títig. Ibáng ibá ngâ ngayón si Stag; mistúlang harì na namán na íbig magpasukò sa lahát, pati sa Diyos! Ang báwa't títig niyá kay Kápitang Memò, wari'y naghahatíd ng mga ganitóng salitâ: "Ako ang panginóon mo ngayón. Ó ako'y ililigtás mo sa usapíng itó, ó ang úlo mo'y aking paliliparín! Mamilì ka!"

Sa bawa't títig ni Stag na may ganitóng kahulugán ang kápitan ay may isang magiliw na tugón:

"Huwág kang magalaála katóto... Madalî ang pagliligtás sa iyó."

May katwíran si Kápitang Memò sa kanyang sinabi: ililigtás niyá si Stag at ang paráan na kanyáng gagamítin ay madalîng madalì. ¡Dadaánin sa bagsik, sa dahás, sa sigáw! Aling kaluluwá sa boóng báyang iyón ang di manginginíg sa isa niyáng dárag, sa isa niyang pandidílat?...

Síno doón ang di niya mapaaáyon sa kanyáng maibígan? Walâ! Síno ang mangangahás na makipagsagútan ó makipagtálo sa kanyá? Walâ! Síno ang humaráp sa kanyá na di niya napayukô? Walâ!

Ngunì't ... si Gerardo? Si Gerardo! Pshé! Síno iyán? Isang nagtatapáng-tapángan; isang palalò, hambóg, walâng gálang! Iyan ang hangál na láging lumilibák sa kanyang pagkapinúnò. Iyan ang nagdudunúng-dunúngan na tumatáwa sa palákad ng kanyáng pamahalàan. Iyan ang ulól na maláon nang iniíbig niyáng másukol sa isang súlok úpang ... máalis ang pagka-ulól!

Salámat, at ngayo'y násukol na niyá!

Ngayón niyá malalasáp ang tamís ng pakikipagtálo sa isang Kápitang Memò.

Ngayon silá magkakaalám at ngayón magbabáyad ng mga útang ang hambóg na iyan!

Pinanglísik ng Kápitan ang kanyang mga matá, kinunót na mabuti ang nóo at saka minasdan ang binatà......

Talagáng walâng hiyâ, talagáng hambóg, talagáng palalò!

Diyata't ang títig niyáng iyón ay dî man lang iginalang, hindi man lang ininó? Diyáta't hindî man lang kumisáp, diyata't ang ulo'y hindî inayukô? Ano't ang anyô ng "ulol" na itó ay animo'y nanghahamón, animo'y nagtatawá, nangungutyâ? Bakit at ang mga kamáy ay hindî nakahalukipkíp, bakit hindi namumutlâ, bakit hindi nanginginíg gayóng nasa haráp niyá--niyá, ni Kápitang Memò?...

Nang mamalas ito ng mabalasik na pinunò, ang di masáyod na pagkapóot niya sa dati nang kinapopoótang binatà, ay lalong nagíbayo, lalo siyang ininís.

Sa wakas, ay hindi na nakapagpigil, hindi na nakapagbatá: inalabás na ang pagka-Kápitang Memò!

VII

HALAGÁ NG BÚHAY

Pagkatápos na masípang makaitló ang inupáng silla, ang presidente ay hinaráp si Gerardo at nanginginíg na tumanóng:

--"Ikaw! anó ang daládalá mong iyán?"

Lumápit ang binatà sa mesa ng hukóm, inilapág doón ang rebolber ni Stag, at saka sumagót:

--"Iyan po, G. Presidente, ay...."

--"Sssttt!!" ... ang putol ni Kápitang Memò; "Ang rebólber na iyán ay akíng kilalá, kilalá ko! Alam ko na ang may arì diyan ay hindi ikáw. Bakit at ngayo'y nasasa iyó? Bakit ayaw mong ibigay sa may arì? Ha? Bakit ka nakikialám sa arì ng may arì? Ha? Bakit at kabatang-batà mo pa ay lubhâ kang mapanghimások? Vamos á ver!..."

--"Ginóo!" ... ang hadlang ni Gerardo.

Ang Kápitan ay dî napigil:

--"O ngayón di'y isasaulì mo iyán sa tunay na may arì, ó papások ka sa bilangúan! Mamilì ka!..."

Isang madiîng suntók sa mesa ang isinunod sa "bilangúan."

--"Magdahandahan, po tayo...!"

--"Anóng dáhandáhan!"

--"Napakabilís pò kayóng humátol, G. Presidente. Ang útos mo pò"...

"Ha?" ang pakli ng pinunò. "Ang aking útos? Ay anó ang aking útos? Ang útos ko ay tumpák, nasasálig sa matwíd! At anó? Hindi ba matwíd ang ipasaulì ang arì ng may arì? Kun ayaw kang sumunód, kun ikaw ay magmamatigás, kun di mo isasaulì ang rebolber na iyán, ngayon di'y papások ka sa..."

"Kahi't pô saán ako'y handáng pumások," ang matigás na sagót ni Gerardo; "ibig ko po lang dinggín ninyó ako sandalî kung mangyayari. Tingnán ninyo: ako'y inyong pinipílit na isaulì ko ang rebolber na itó sa amerikanong iyán. Wika ko po sa inyo'y waláng kailangang ako'y inyóng pilítin, walang kailángang ako'y inyó pang baláan at lálong waláng kailangang kayo'y magpadiníg ng mga ganganyáng pangungúsap at magpakíta ng mga ganganyáng kílos na mulâ ng likhâin ang hukúman ay di nakikíta sa alin mang hukóm na may iwing dangál. Ang lahát ng iyán ay hindî kailangan, ang sábi ko, sapagka't tantuín mo pô, G. Presidente, na ang isá sa mga dáhil ng áking ikináparito, ang isá sa mga dáhil kung kayâ ko napagtiisán ang hálos kalaháting áraw na pagiintáy sa inyóng kamahálan, ay upang áking maibigáy kaagád sa ilálim ng kapangyaríhan ng hukúman ang sandatang itó na tinikis kong kúnin sa nagmamayarì. At ang dahil po kung kayâ ko tinikís ito ay sapagká't sa pamamagítan ng sandátang iyán, ay muntí na niyang baságin ang ulo nitong aking kasáma, at kung nagkataon ay munti na niyang alisan ako ng búhay. Naito pô ang aking sugat na hangga ngayo'y dumudugo pa"....

--"Sugat!" ang hadláng ng hukóm na may kahálong ingos; "At anó ang mapatutunáyan ng sugat na iyán? Kung kayâ ka sinugátan ng iyong kalában ay sapagka't hinátaw mo siyá sa ulo!"

--"Kung kayá ko pô siya ginanón ay sapagka't lumábag siya sa átas ng matwíd, yumúrak siya sa kadakilàan ng tahánan at tinaksíl doón ang isa niyang kapwà dáhil na dáhil lang sa di pagpáyag nitó sa hidwâ niyáng nais!"...

--"At ikáw ba ang tinaksíl, ikaw ba ang tinampalásan?" ang tanóng ng nandidilat na Kápitan.

--"Hindî pô ako, nguni't....."

--"Ikáw ba'y kamag-anak noón?"

--"Hindî pô, datapwa't....."

--"Ah! gayón pala, ay ano't ikáw ay nanghimások sa kanilá? Sino ka bagá rito sa báyan?"

Hinagísan ni Kápitang Memò ang kaibigan niyáng noo'y walang kakibô-kibô, ng isang tingin na wari'y nagsasábing: "Ligtás ka ná!" Paniwalàng paniwalà siyá na ang mga hulí niyang salitâ ay yuyukûang pílit ng binatàng katálo. Anó pa ang ikakatwiran ng binatíllong uhúging iyón?

Nabigô ang pag-ása ni Kapitang Memò. Ang nóong iniintay na iyukô, ay lálong ipanagtáasan.

--"Itinanóng mo pò," ang marahang sapól ni Gerardo, "kung ako'y síno sa báyang itó. Hindî ko na pô sána kailángang sagutin iyán sapagka't lábis na ninyóng talós. Gayon man ay pagbibigyan loob ko rin kayo. Akó pô, G. Presidente, ay isang hámak na mámamayán, isang may mababàng urì, isang musmós. Datapwa po't sa gitnâ ng aking pagkamababà, sa gitnâ ng aking kamusmusán, ay may isá akóng kayamánang nakikilála at maipagmamalakí--ang mga gintóng karapatán, ang mga katutubòng kapangyarihan ng báwa't táong malayà.

"Karapatán pô at kapangyaríhan ng isáng táo na ipagtanggól ang saríling búhay; kapangyaríhan din niyá ang itagúyod ang búhay ng ibá, ng isang inaapí at tinatampalásan.

"Naitó pô ang dáhil kung bákit akó, akó na isang hámak, ako na isang mababà, akó na isang musmos, ay nanghimások na mamagitnâ sa amerikánong iyán at dito sa áking kasama nang sila'y nagaáway; at náriyan din pô ang dáhil kung bákit di akó nagalinlángang hatawin noóng sandalíng iyón iyáng inyóng katabí, na, kagáya ng lahat ng mga duwág, ay sinamantalá ang isang pagkakalingat ng kanyáng kalában upang ito'y lubós na mapipílan at nang sa gayo'y sumakanyá ang pagwawagí."

Si Kápitang Memò ay tumungó, nagsalikód-kamay at lumakad ng paroo't parito.

Nagpatuloy ang binatà:

"Hindî ko nga pô lang ináring karapatán at kapangyaríhan ang manghimások at ipagtanggól ang áking kakilála sa mapangánib niyang kalagáyang yaón, kundî ibinílang ko pang isáng katungkúlan rin sa áking lagáy na pagkatáong-báyan. Iyáng inyóng mga pulís na nangaroón, iyán pông mga káwal ninyó na siyáng lálong may tungkúling tumupád sa áking tinungkól, ang mga iyán na sakdál ng tatápang sa pagdárag sa kapwà niláng tagálog at pagdahás sa mga mahihinà, ng mákitang amerikanong malaki palá at hindî tagálog na maliit ang nanampalásan,--ang mga iyan ay páwang nangagsitanggíng sumugpô sa gayóng katampalasánan, pawang nangagsiúrong na animo'y hinágad ng libolibong kulóg. At ang iminatwíd ay sapagka't may sandáta raw ang sinapantáhang Anti Kristo, nguni't silá ay walâ!"

Biglâng tumígil ang pinunò sa kanyang inalakad-lákad; hinaráp si Gerardo at di magkantutúto sa pagsigaw ng:

--"Pu--pu--pués, may katwíran silá! May katwiran siláng magingat; at, at, at, ¿kung sila nga nama'y barilin? Hindi ba't ikaw rin ang may sabing karapatan ng isang tao ang itaguyod ang saríling búhay?"

--"Tunay nga pô, dapwa't ang taal na púsong laláki--ang púsong tinatangkílik ng karangálan--ang púsong nananálig at umiirog sa matwid--ang púsong napopoót sa mga hidwâng ásal, ay huling nagaala-ala sa kaniyang sarili, nililimot ang halagá ng saríling buhay at iniíbig pang ito'y maparoól maipagtanggól lámang ang katwíran ng isang kapwàng nilulúpig!"

--"Ha?"--ang pútol ni Kápitang Memò,--"di yata't pipilítin mo siláng magpakamatáy, mailigtás lang ang búhay ng iba?"

--"Ang lahat pô, G. Presidente, ay dapat pangahasán kapag kailángan."

--"Kaululán!" ang sigáw ng pinunò na muling tumungó, nagsalikod kamay at nagyao't dito--"Ang mga ulol na nagsasawa sa búhay ang tangi lang makasusunód sa mga áral na iyán! Ang mga pulís ko ay hindi mga ulól! Kung kayâ sila nangagsiúrong na gaya ng sabi mo ay hindî sapagka't sila'y mga duwag, kundi sapagka't sila'y nátutong gumamit ng ulo, natutong gumamit ng sentido común. Alám nilá ang halagá ng búhay; silá ay mga padres de familia; may mga anak, asáwa, magulang na sa kaniláng-kanilá lang umaása; bakin kayâ at hihinting sila'y magpatiwakál?"-- at dito'y hinaráp na naman ang binatà.--"Bakit sasawiín ang búhay nilá sa walang katuturán? At ang kaniláng mga magulang, mga asawa, mga anák? Mapapantayán mo ba ang luhà at dalitàng sasapítin ng mga ulílang iyán?"

--"Kung sakálì man pò, G. Presidente,"--ang banayad na sagót ni Gerardo--"sakáli man pò at sinápit silá ng pagkasawî, ang mga kamag-ának niláng maiíwan ay hindi dapat manghináyang ni dí dapat ipaghinagpís ang kaniláng kamatáyan, sapagka't kagáya ng mga tunay na laláki, sila'y nagpakamatáy sa pagtupád ng katungkúlan! Nábaon man ang mga katawán nilá sa ilalim ng lupà, ang kaniláng alaála ang kaniláng mga ngálan, ang kaniláng kabayaníhan ay makikintál sa diwa't pusò ng kaniláng lahî upang kailan ma'y manariwà doón. Ang mga anák nila, ang kaniláng kaapú-apúhan, at lahát káming mga bagong síbol ay láging aawítin ang kadakilaan ng kaniláng gawâ, pipintuhúin námin at igagálang ang kaniláng alaála, at sisikapíng tuláran ang inihasík niláng halimbawà. Ang Ináng Báyan, ang pinakaiírog na Ináng Báyan ay yayakápin ang kaniláng mga bangkáy, hahandugán silá ng matatamís niyáng halík, at pagkatápos na maisúlat ang sagísag na "Mártyr" sa kaniláng mga nóo, ay ituturò silá sa boóng Sangsinúkob, kasabáy ang sábing:--'Ang mga anák ko ay mga bayáni ng Matwíd!'--May kamatáyan pô bang diya'y dadakilà pa?"

--"Pshé!"--ang íngos ng presidente;--"que bayani ni que buláti ... que bayani ng matwíd!--Bayani ng kaululán!" At pagkatápos na makámut ang úlo ay nagpatúloy:--"Nguni't... pero ikáw ba namán ay walà nang kaísip-ísip, at di mo makúrong ang pinagsasabí mong iyán ay pulós na kahibangán? Síno bagá ang iyóng mapaniniwalá na... Jesús Maria y José!--ako lang ay pinagtatawá mo! Diyáta't ako'y magpapakamatáy mailigtás ko lang ang isa kong alílà, ang isang íta, ang isang insík? Diyata?

"Laking kabulastugán!... Ha, ha, ha!"...

--"Ang isá pong magliligtas"--ani Gerardo--"ay hindî sinisíno ang sinasaklolóhang napapangánib hindi inuúsisà kung ang ililigtás niya ay kamag-anak, kaúrì ó hindî, hindî siya tumitingín sa kúlay ng balát; ang kinukurò niyá ay kung nararapat na iligtás ang napapangánib: alalaóng bagá'y kung ito'y kinakandilì ng katwíran".

Mulíng napahalakhák si Kápitang Memò; ang pagkapoòt niya kay Gerardo at pagkatigagál sa mga pinagsasabí nito ay nagtatálo sa kanyáng loób.--Iilíng-iling na sumagót:

--"Mga halíng na pag-iisip! mga halíng!... Palibhása't ikaw'y bátà pa, ay hindî mo kinukurò ang iyong pinagsasabí."

Napangitî si Gerardo; muntî na siyáng mapa-Ehem!

--"Pero... Ibig mo bagáng ipakíta ko sa iyó ang kaululán ng iyóng teoria?"--ang dagdág ng Kápitan na ngayo'y nagbóses-parè.

--"Ipagkákapuri ko pô, kung inyóng mamarapátin."

--"Bueno!".....

Si Kápitang Memò ay nagsindí muna ng isáng tabáko, bago nagpatúloy:

--"Makiníg ka:

"Sa kaníno mang táong may gadáling noó ang sariling búhay ay siyáng lálong pinakámahalagá, siyáng pinakamámahal niyá higit sa alín mang bágay at sa kaníno man.

"Ito'y isang katotohánang di mo mapupuwíng sa áking haráp; ako'y matandâ na,... at kilalá ko ang lákad ng mundó.

"At sa katunayan ng aking sinábi ay náriyán ang líbolibong táong napa-aalípin úpang magkaróon lang ng maipagtatawíd buhay; nariyán ang dáan-dáang babáe sa Maynilà na ipinag-bíbili sa bálana ang kaniláng mga katawán at púri úpang magkaroón lang ng maikabubúhay! Nariyán ang mga táong taga-labás na nanghahárang at pumapatáy ng kapwà úpang magkaróon lang ng ikabubúhay! Ano pa't lahát ay ginagawâ upang mabúhay lang! Samakatwíd, lahát ay búhay at búhay ang hánap!