Part 1
Produced by Tamiko I. Rollings, Jeroen Hellingman and the Online Distributed Proofreading Team at http://www.pgdp.net/ for Project Gutenberg (This file was produced from images generously made available by the Digital and Multimedia Center, Michigan State University Libraries.)
ISMAEL A. AMADO
BULALAKAW ÑG PAG-ASA
Mga Pañgunang Talata
Ni
Iñigo Ed. Regalado
Bulalakaw ng Pág-Asa
Sinulat ni Ismael A. Amado
noong mga unang araw ng kanyang pagkabinata nang ang kanyang gulang ay lalabing walong taón lamang.
Mga Paunang Talata ni Iñigo Ed. Regalado
MGA PAUNANG TALATA
Giliw na Mangbabasa:
Kung sa pagtunghay mo ng mga akdang paris nitó ay wala kang ibáng nais kungdi libañgín ang iyóng kalulwa sa mga pangyayaring tinatawid ng dalawáng pusong nag-iibigan; dalhin ang panimdim sa silíd na pinaglalaguyuan ng mga kalulwang pinagtali ng pag-ibig; mabatíd ang mga hiwaga ng pagmamahalan ng magkasi na karaniwang ibinubuhay ng ating mga mañgañgatha; kung iyán lamang ang iyong hañgád, ay huwag ka nang magpatuloy ng pagbuklat sa mga dahon ng kathang itó, pagka't pananaktan ka lamang ng ulo at maaaksayahan ng panahón: ang aklat na itó'y hindi makatutugon sa iyóng pita. Itó'y bulaklak na waláng bañgó, ñguni't bulaklak. Itó'y parang lañgit na walang buwan ni tala, ni mga bítuing nakaaaliw sa naninimdim na puso; ñguni't may araw na nakapapaso't nakasusunog sa maninipis na balát.
Datapuwa't kung ang layon mo'y dumamá ng isáng sugat na dinamdam ng ating bayan; humanap ng isáng buháy na adhika upang pag-arala't dilidilihin; mag-aral ng mga makabayang halimbawa upang ituro sa ibá alang-alang sa kapakanán ng ating Lahi; kung iyán ang iyóng pita ay buklatín mong isa-isa ang mga dahon ng kasaysayang itó, matiyaga mong tunghan ang kaniyang talata, pagka't titibók ang iyong puso at mabubuhay na lalu't lalo ang mga símulaing inaalagaan mo sa dibdib. Ito'y sigáng nagdiriñgas ñguni't hindi nakatutupok. Ito'y súnog na naglalagablab; ñguni't waláng mga alipatong sukat pañganibang makapagpapalakí ng apoy. Wala: ang layon ng sumulat ay bumuu, hindi gumiba.
Sa pamamagitan ng mga paunang talatang itó ay sukat nang mahinuha ng sinomán ang nilalaman ng Bulalakaw ng Pag-asa: Pag-asa sa isang Bayang matibay na mapapatayo at hindi sa isang Pag-ibig na balót ng mga pagpapakunwari. Ito'y pañgarap; ñguni't yao'y katotohanan.
Gayon man, ang pagkakalabas ñgayon ng aklat na itó ay nañgañgailañgan ng isang paliwanag. Palibhasa'y akó--marahil--ang unang sumaksi sa pagkakasulat ng mga unang dahon nitó, kaya siyang napitang tumungkol ng kailañgang pagpapaaninaw kung anó't ang isáng akdang limbag na noon pang Agosto ng 1909 ay ñgayon lamang natuluyang palabasín at ipagbibilí sa mga aklatan.
Ang Bulalakaw ng Pag-asa ay natapos sa limbagan noon pa ñgang 1909. Inaaklat na lamang ang kaniyang mga salin nang ang kumatha'y tumanggap ng mahihigpit na payo buhat sa maraming "nakatataas" sa kaniya, at kung bagá sa isáng sumisintang ibig mag-asawa, ang nangyari sa kumatha'y natira sa pananabik, pagka't nang dumulóg sa magkakasal, ito'y nagkaít ng tulong at iminatuwid na bukód sa "menor de edad" ay wala pang "konsentimiento" ang mga magulang. Ang kasál ay naurong. O sa lalong maliwanag: ang aklat ay hindi lumabas. Pinigil ang pagpapalabas.
Bakit?
Ang sabi ng nañgagpayo: masama ang panahon, sa papawiri'y naglipád-lipad ang mga ibong mangdaragit ... ang mga sisiw ay kailañgang mañgagtago upang huwag mapahamak. Nang mga araw na yao'y sariwang-sariwa pa ang usapín ng "Muling Pagsilang", at pinag-aalinlañganan ng marami ang katibayan ng malayang paglalathala ng anománg babasahin, magíng ito'y aklat o pahayagan kaya. At ... sa pakikibagay sa panahon--hindi sa takot--ang kumatha nitó'y dinaíg ng makatuwirang payo at ang kaniyang aklat ay malaong natulog sa "isang madilím na silid".
Buhat noon, ang pañgalan ng kumatha, na, nang mga araw na sinabi'y hinañgaan ng Bayang Tagalog dahil sa matatapang niyang lathalang lumalabas sa mga pahayagan, ay naligpit na rin at di na napagdiníg. ¿Saan naroon si Ismael A. Amado? ¿Saan naroon ang batang manunulat na tubo sa San Mateo? Kasalukuyang hinahanap ng sumusulat nitó ang katugunan sa mga tanóng na iyan, nang walang anú-anó'y sa sisipót at inilalahad sa akin ang kaniyang palad.
--Isang mahigpit na kamáy at yakap, kaibigan--ang wika niya sa akin;--akó'y maglalayág na patuñgo sa Amerika.
--At ang Bulalakaw ng Pag-asa?--ang pamangha kong tanong.
--Aywan ko kung saan naparoon, at aywan ko rin kung ano ang kaniyang kahihinatnan. Marahil ay sinunog na nilá.
Nakaraan ang mga buwan at taón. At... patí na akong isá sa matatalik na kaibigan ng naglalayag ay hindi tumanggap ng kahi't anóng balita. Parang namatáy sa larañgan ng Panitikang Tagalog ang pañgalang Ismael A. Amado!
Walang anú-anó, pagkaraan ng ilang taón, ay napabalitang ang manunulat na tagá San Mateo ay dumating, matapos makapag-aral sa Amerika. Sa una naming pagkikita'y wala kamíng napag-usapan kungdi ang kaniyang "nakatulog" na Bulalakaw... Ang kaibigan ko'y napañgiti lamang at nagpahayag ng ganito:
--Ang Bulalakaw ng Pag-asa ay dinatnan ko pa sa aking silíd, naroong nagtalaksan; ñguni't marahil ipasusunog ko na. Kay sama ng pagkakasulat at akóng itó ang una-unang nakakakilala ñgayon ng kasamaan, hindi lamang ng pagkakasulat, kungdi lalu't higít ng iláng isipang doo'y aking inilarawan.
¡Sayang na aklat!
Gayón man, salamat sa pagpapayo ng maraming kamanunulat sa wikang tagalog, at si Amado'y napilitang sumunod sa kanilang adhika.
--Natalo akó kaibigan,--ang wika sa akin.--Ang Bulalakaw ng Pag-asa ay tila ipaaaklat ko rin; ñguni't hindi na upang masunod ang una kong hañgarin, kungdi upang makatulong na lamang sa pagpapayaman ng mga aklat na nasusulat sa ating sariling wika. Dapat mong mabatíd na akó ang una-unang kumikilala na ang aklat na iyá'y hindi nababagay sa panahong itó ng pagtutuluñgán at mabuting pagsasama ng sinasakop at nakasasakop. Ang paglalathala ko nitó'y buñga na lamang ng aking nais na magkaroon ng kahi't isáng aklat na magpapaalala ng mga nangyari ng panahong nakapaiibabaw rito ang katuwiran ng lakás at di ang lakás ng katuwiran. Alaala sa panahong iyan, at wala... Iyán lamang ang nagbunsod sa akin upang ipaaklat ang maralita kong Bulalakaw.
At narito't pinaaklat ñga at ñgayo'y buong pusong inihahandóg sa mga giliw na mangbabasa.
Gaya nang nasabi na sa dakong unahan nito, ang Bulalakaw ng Pag-asa ay limbag na noon pang Agosto ng 1909. Mula noon hangga ñgayon ay mahigit nang siyam na taón ang nakararaan. Kung ang naturang aklat ay isá lamang buñgang kahoy, nanatili man ang magandang kulay, marahil ay tuyo na't walang katas. Sukat ng makuro ng mga mangbabasa na ang aklat na ito, dahil sa ganiyang pangyayari, ay wala ng katas na pangkasalukuyan. Gayon man, palibhasa'y buháy ang mga pangyayaring tinutukoy sa aklat, ito'y maaaring pakinabañgan ng sinomang may ibig makinabang.
¿May katañgian ang aklat na ito? Sa ganang akin ay mayroon, ñguni't wala. Datapuwa't may isang dakilang katañgian: nakahambing siya ni Kristong umano'y nabuhay na muli, matapos malibing sa hukay.
¿Marami kayang kamalian? Sa ganang akin, ay marami rin; ñguni't wala. Marami, sapagka't talagang marami. At wala, sapagka't ang kumatha na rin ang una-unang nagsasabing napakasama ng pagkakayari sa aklat na ito.
Nguni't sinabi ko na: kailañgang isaalang-alang natin ang pangyayaring ang aklat na ito'y sinulat ng kumatha noong bago siya magtuñgo sa Estados Unidos at kaya lamang niya pinalabas ñgayon ay sapagka't siya'y napilitan.
Gaya nang nasasabí na sa dakong unahan nito, ang layon ng sumulat sa aklat na itó'y dakila sa lalong dakila: itanim sa puso ng lahat ng Pilipino ang pag-ibig sa Tinubuang Lupa. Lamang ay mapapansing ang sumulat, ay wala sa kanyang sarili nang ito'y sulatin. Manapa'y pinapagsasalita siya ni Rizal, minsa'y sa pamamagítan ni Elias sa "Noli Me Tángere" at kadalasa'y sa pamamagitan ni Simoun sa "Filibusterismo". Ang wika niya: "... kinakailañgang mátanim sa puso at mabatid ng bawa't Pilipino, na ang una at hulíng tungkulin niya sa iyo (sa Bayan) ay ang matutong gumiba, gumutay, tumupok, nang walang kapañgipañgimi, sa dapat igiba, gutayin at tupukin". Nguni't ang kumatha'y may katwiran. ¿Ano't hindi iukilkil tuwi na ang makabuluhang aral ni Rizal, hinggil sa Bayan at sa Lahi?
Ang mga giliw na mangbabasa'y hindi naman dapat mag-isip na ang kathang ito'y nakakatang sa mga pag-iisip ni Rizal. Ni hindi maituturing na hañgo. Ni plahio! Ni ano pa man! Kung baga sa paghahasik, ang mga isipang naririya'y tinipon ng ating Bayani sa isang sisidlán at isinasabog namán ni Amado, hindi upang aksayahin, kungdi upang itanim at nang tumubo, mamulaklák at mamuñga.
May isang mañgañgathang nakabasa na nitong Bulalakaw ng Pag-asa na sa aki'y nagpahiwatig na karamihan pang mga isipan ng kumatha ay hañgo sa ilang isipan ni Rizal, tungkol sa Bayan natin. Ako'y hindi naniniwala sa bagay na itó, pagka't kung magkakaganyan ay matitiyák nating ang Busabos ng Palad ni Aguilar ay plahio sa Resurrección ni Tolstoy, itó nama'y plahio rin sa La Dama de las Camelias ni Dumas ... At, itó namán, ang Dama de las Camelias, na isang kathang nagtamó ng papuri sa sangdaigdig ay isang plahio lamang sa isang dramang hapón na pinamagatang Kami Ya-Giyé. Ang "argumento" ng mga kathang iyan na aking binanggit ay halos nañgagkakaisa: si Celso ni Rita ay siya ring si Neclindeff ni Maslova sa Resurrección; ñguni't si Neclindeff ni Maslova ay siya ring si Armando ni Margarita sa La Dama de las Camelias; datapwa't ang Armandong itó ay siya ri't di iba ang Giyé ni O'Hare sa dramang hapóng Kami Ya-Giyé, na, unang di hamak sa La Dama; ñguni't kailan ma'y walang nañgahas na magsabing ang walang kamatayang kathang iyán ni Alejandro Dumas (anák) ay plahio lamang sa isang dramang hapón.
Ang totoo, sa ganang akin, sa apat na panulukan ng Sandaigdig, ay di nawawalán ng dalawa kataong nagkakaisa ng isipan sa iisang araw at oras. Ang mga isipan ni Amado ay may sariling uri at taták, kay sa mga pañguñgusap ni Rizal sa mga labi ni Elias at ni Simoun.
Sa anu't anó man, ang aklat ay narito't yari na. Sa pañgalan kong sarili'y buong pitagang inihahandog sa mga giliw na mangbabasa at sila na ang bahalang humatol.
Opo, hatulan ninyo ang aklat na itong kinalalarawan ng isang pusong pinag-aalaban ng pag-ibig sa Tinubuang Lupa, ng isang dibdib na pinatitibok ng dalisay na pagsinta sa Lahi, ng isang kaluluwang pinadadakila ng adhikang mapatayo ang isang Bayan matibay at malinis, sa ibabaw ng mga labi ng isang Bayang bulók at pinaghaharían ng mga kasamaan.
Iñigo Ed. Regalado, Tagapamatnugot ng Ang Mithi.
BULALÁKAW NG PAG-ÁSA
I
MGA DUWÁG!!...
--"Ako'y makapangyaríhan dito.
"Ang báyang itó ay akin.
"Ang mga báhay na iyan ay akin.
"Ang mga búkid at bundók na iyón ay akin din.
"Ang mga táong iyán ay nanúnulúyan laang dito. Walâ siláng báyan. Ang báyan nila'y binilí ng aking báyan.... Silá ang mga talúnang gúgu, ang mga di dápat lumayà at magsarilí, sapagka't walang káya, sapagka't mga mangmáng, mga incivilizado, mga tamád, at sapagka't kapag pinalayá, silá at hindî kami ang mabubusóg sa mga búkid at bundók na iyan na bawa't kimpál ng kanilang lupa ay isang kimpal na gintô!"
Humigit kumúlang ay ganitó ang wari baga'y ibig ipahiwatig ng lákad, dagunot ng paa, imbáy, galáw ng mga nagluluwángang matá, at anyô ng mukhâ ng isang anaki'y leon na nagkatawáng tao; isa manding Nicholás II; isang tila baga matáas na matáas na di marunong yumukô, ó di nakakakilála sa alin mang punô.
Ang máginoong ito ay isa riyan sa mga diyosdiusang mister na laging puputákputák sa Pilipinas. Kararating laang niyá noóng umágang iyon sa báyan ng Libís.
Sa walang tígil na kalalákad, siya'y sumapit sa tapát ng isáng tindahán ng álak. Lumapit. At pagkatapos na matingnán ng isang tinging-uháw ang mga boteng naggigilásan sa loob, ay sinutsután pagdaka ang may-áring si Julio at ípinahiwatig dito ang kanyang ibig.
Ibig niya ay makitang umíkot ang mundó, dapwa't sa kasamáng palad ay walang dalang maibabáyad sa magpapaíkot; kaya't isanamó niyang siya'y pautangin.
Si Julio ay di pumayag; sapagka't totoóng malabis ang pag-aalinlángan niya sa táong ito, na hanggá ng hanggá ay noón lamang natamaan ng kanyang matá. Sa mukhâ, pananamit, mga anyô, pananalitâ ng bagong datíng, ay wala siyang sukat mabanaágang tandâ ng pagkamalínis na budhî.
Dahil sa walang màliw na pagtanggí ni Julio, ay biglang umínit ang tuktók ng maginoong mister.
Ipinalálagáy daw siyang masamâng tao na di marúnong magbáyad ng utang--sa makatwid, tulad na ng magnanákaw! Sa nóong kunót ng kausap, ay isang malamig na ngitî ang itinugón ni Julio.
--"Hindi pô iyan ang dahil";--anya--"talagá pong naugalían na ng aming tindahan ang huwag magpaútang sa mga di naniniráhan dito, kaya't inyong ipagpatawad."
At hinagísang muli ng isang ngitî ang nabigô. Nguni't hindi naampát ang dingas. Lalong sumikláb ang sigâ. Kumanyón na nang sunód-sunód at walang lagót, ang Diyos Bungángá. Katákot-tákot na bála ng pag-alimurà ang lumagpák sa mga taynga ni Julio! Ito'y nakapagpígil sandalî, dapwa't sandalî lamang, at di na nakapagbatá ang kanyang dangal. Ang palángitî niyang mukhâ, ay bigláng nagdilím. Yaóng tumitibók sa kabilâ ng kanyang dibdíb, ay bigláng napukaw. Natikom ang mga daliri, nanginig ang mga bísig.
--"Ginoo!"--ang inihadláng ni Julio sa nagpúpuputók--"wika ko sa inyo'y di ko kayó pauutángin at ang pasyá kong itó ay waláng pagkatinag! Walang tao sa ibabaw ng lupà na may kapangyaríhan pumílit upang bagúhin ko ang aking salitâ. Ako ba'y inyóng nauunawàan?..."
Pagkasábi nitó, si Julio ay tumalikod nang kauntî. Sinamantalá ang pagkakataóng iyon ng kanyang kaalít. Maliksíng hinúgot ang daláng rebólber, lumundág sa loób ng tindáhan at pinukól ng tatangnán ang úlo ni Julio. Ito'y nanghinà nang kauntî, gayón ma'y hinaráp niyá nang pangatawánan ang mapangahás. Di naglaon at gumúlong kapwà sa sahíg; animo'y nililindól ang tindáhan; ang mabuway na kinahahanayán ng mga bóte ng alak, ay nátagilid; gumuhô ang lahat ng lamán. Katákot-tákot na íngay! Dumalóng nagtutumilî ang dalagang anák ni Julio. Isang sípang ikinasubásob ng binibíning nananángis, ang dito'y isinalúbong ng halimaw. Kahabág-habág na mag-amá!
Sa karátig na tindahan ay may ibáng nangyayari:
Dalawáng pulís ng bayan at si Gerardo ang nahandoon. Si Gerardo ay isang binatang maglálabing-siyám ang gúlang: Matibay na pusò, maliwanag na isip, katawáng malakás, at mapangahás na loob sa alin mang gawàing mapanganib.
Mula pa sa mga unang sandaling mabanaágan ni Gerardo ang masakláp na bunga ng mga sagútan ni Julio at ng kaniyang kalában, ay sinimulán na niya ang pagpapaála-ála ng kanilang katungkúlang sa mga pulís na nataunán niya roon; alalaong baga'y mamagitnâ silá sa dalawa.
Umakmáng lalapit ang mga pulís, di ang hindi. Datapwa't sa masamáng pagkakataón, ay násabay ang paglápit na ito sa pagbunot ng rebólber ng kaaway ni Julio. Isip yata'y sila na ang susugúrin, kaya't biglâng nangamutlâ at dáli-dáling nangagsiúrong.
--"Ano't tíla kayo'y nátukâ ng áhas?"--ang pagdáka'y itinanóng ng binata sa bayáning mga pulís.
--"Abá!"--ang kaniláng tugón--"kami ba'y mga ulól at ipapáin ang áming búhay sa kamatáyan? Di mo ba nakikita't marrikáno iyang may 'ribulber'? Kami'y waláng kaarmás-armás, kung kami'y labánan, anó ang aming magagawâ?"
Nagngitngít si Gerardo sa mga salitâng ito.
--"Mga duwag!"--ang malakás niyang sigaw na sinabayan ng isang matinding túlak sa mga pulis na kamunti nang ikinábaligtád nilá; at di lamang ito ang nagawâ: nilabnót pa sa mga bayaning iyon ang dala-daláng mga batúta.
Singtulin ng kidlat na dumaló ang binatà sa sigalót.
II
¡SAKÂ KAYÓ MAGSISÍSI!...
Si Julio sa mga sandaling iyón, ay latâng latâ na sa kanyang pakikilámas; kaya't ang pagdalo ni Gerardo ay napapanahón. Pagpások ng binatà sa loob ng tindáhan ay sinigawan siya ng kalában ni Julio na huwag manghimások sa kanilá. Hawak nitó ang rebolber; dapuwa't sa gayóng anyô ng kaáway, ang batóng loób ni Gerardo ay lalong tumigás mandín, lalong nabuhay ang kanyang dugô. Waláng ágam-ágam na lumápit sa nananampalásan, at úbos lakas na inihátaw sa ulo nitó ang daláng káhoy; nguni't ang hinataw ay nakapagpaputók din, at saka dahan-dahang nahílo, nalugmók, nawalán ng diwâ.
--"Mang Julio, nakagantí na kayó!!"--ang noó'y biglang pumúlas sa mga labi ng mapúsok na binatà.
Tumagís ang bála sa kaliwang bisig ni Gerardo.
Tumutulò ang kaniyang dugô; samantalang sa tapat ng tindáhan ay nagkakatípon ang mga táong páwang pagpuputlaan, nagluluwángan ang mga matá, at naghahabaán ng liig.
Isang lalaking mataás ang di nagluwat at pumások; siya ang sargento ng mga pulís. Kasunod niya ang dalawáng bayani ng sindák. Nilapitan ang binatà at tumanong:
--"Bakit inágaw ninyó ang mga batúta ng mga pulis na iyan?"
Hinagísan muna ni Gerardo ng isang nagbabágang tingin ang tatlóng kawal na iyón ng pamunúan bágo tumugón:--
--"Sapagka po't áking kinailángan sa pagsugpô sa kapaslangan ng isang táong ganíd! Ngayón na di ko na kinakailángan, sila'y akin nang isinasaulì."--At inaabót ng binata ang mga batuta sa sargento, na muling tumanong:
--"At bakit naman sila'y di man laang ninyo pinagpitaganan?"
--"Sapagka't iyang inyong mga pulís ay mga duwag!"--ang napabiglang tugon ng binata.--"Sapagka't sila'y aayaw magsitupad sa kaniláng katungkúlan; nakíta, ng kaniláng mga matá ang gayóng pagyúrak at paglaít sa kaniláng mga kabalát, ang gayong pagluhà ng Matwid; at gayon man, sa haráp ng karáwaldáwal na nangyari, ang mga pulís na iya'y di nag-kaloób na kumílos, humalukipkíp na lámang, nagpatáy-patáyan!... Ganyan po ba ang mag-iingat ng kapayapaan? Sa mga táong gaya nila'y anó ang mahihintáy ng Báyan? Walá! kundi isang di makakátkát na kahihiyán at pagpulà sa kanyá ng ibáng láhì!..."
Dito'y hinaráp ang nagsisiksíkan at nagngangang mga tao sa labás ng tindahan; ibináling muna ang paningín sa lahát ng dáko at sakâ nagpatúloy:
--"Sa mga sandalíng itó, mga kababáyan, huwag lilimútin na ang Matá ng boong Sangdaigdigán ay napapakò dito sa Pilipinas. Báwa't kilos, báwa't gawâ, pagkakámalí ó pagkakásulong, ay minamasdan nilá. Kinukúro, tinitimbàng lahát na iyân, upang pagkatápos ay pasiyáhan kun táyong mga pilipino ay may matwíd ó walâ sa paghingî ng Kalayáan! Kaya nga nararápat na sa mga araw na itó ay magpakaíngat tayo sa áting mga kílos. Huwag tutulútang makasinag dito ang mga tagá ibáng lupâ, ng anó máng gawáng maipupulà sa atin. Iyáng kahináan ng loob, tákot sa mga gawang lában sa katwíran, ay di nararápat kailán man na ipamálas ng isáng báyang gaya nito, na naghahangád lumayà. Upang ang báyang iya'y kaalang-alanganan ng ibá, ay kailangang ipakíta sa lahát nang panahón, na ang kanyang mga anak ay di natutulog sa hangad ng ibáng dungisan at idiwarà ang kanyang puri't karangálan--Iyang mahálay na pag-aalaála sa saríli na nababagay láang sa mga loob na marurupók ay kinakailangang iwaksi sa mga ganitong pagkakataón; sapagka't ang malíng pag-aalaálang iyán ay siyang nagdudulot ng karupukán sa pusò, siyang nagpapatúlog sa dugô, gumuguló sa isip, at nagpapaúrong sa kaluluwá úpang lumayô at tumalikod sa pangánib na dapat sagupàin at sugpuin!"...
Napútol ang salitâ ni Gerardo, dahil sa bigláng pagkílos ng nalulugmók. Násaulì na ang pagkatáo, idinílat ang mga matá at titindig sana, nguni't ¿sino yaong nasa kanyáng haráp at pígil sa kamay ang isang rebólber na nakaúmang sa kanya?... Nápaupông muli. Sino itó? Si Kamatáyan na ba? Kakalawitin na kayâ siya? Inapúhap sa likód ang kanyang sandata: dapwa't walâ!... Lálong namutlâ ang mukhâ, lalong nanginíg ang katawán.
Nangusap ang kinatatakútan sa wikà ni Shakespeare:
--"Kung ang búhay mo'y iyóng pinahahalagahán ay huwag kang kikilos!... Nauunawáan mo ba?"
Isa na lamang tangô ng pagáyon ang naitugón ng nangangatál, sapagka't di maibuká ang bibig, di mabigkás ang íbig sabíhin.
Nagpatúloy si Gerardo.
--"Ibig kong mabatíd kung ikáw ay taga-saán."
--"A-a-amerikano", ang maráhang sagót ng nanglálamig.
--"Ah!, amerikano!... amerikano!"--ang úlit ng binatà, na may kahálong mapaít na ngitî.--"At anó ang sumuót sa amerikáno mong tuktók at ikáw ay nanánampalásan díto?"
--"..........."
--"Ang akála mo ba'y sapagka't natúran kang amerikáno at ang kaharáp mo'y mga kayumanggí ay maaárì mo nang yurákan ang kaniláng karapatán at isalúsak ang kaniláng karangálan?...
"Di mo na inalaálang silá ay iyóng kapwà? na silá ay iyóng kapantáy?
"Oh, kayóng mga dayuhang halímaw!
"Sino kayóng paparíparíto sa isang báyang di inyó at pag-náhandito na'y walang kakalasagin kundí ang pangdadahás at paghaharìharìan?
"Iyán bagá ang inyong igagantí sa báyang itó na kahima't hiráp na'y tiís pa rin nang tiís, masunód lang kayó? kahi't hapô na'y híla pa rin nang híla, kayó lámang ay mapagbigyáng loob?
"Ah, mga walang túring!.... Mga pusòng masasakím at mapagmatáas!
"Di na ninyó inísip na doon sa Langit ay may isáng Diyós!--Isáng Diyos na nagmamasíd sa inyóng mga kilos, isáng Diyos na walang kinikilíngan, ang Diyos na huhukóm sa inyóng mga gawâ!!...
"May araw ring kayó'y sasayáran ng Kanyáng kamay, may araw rìng lalagpák sa inyóng mga úlo ang mabisàng sumpâ at higantíng kakilákilábot ng isáng Báyang dinadayá!
"Ah! mga kahabághabág!... Sakâ kayó magsisísi!!..."
Hindî nasáyang ang mga salitâ ni Gerardo: sa labás ng tindáhan ay boong báyan na halos ang sa kanya'y nakikiníg.
Pagkaráan ng iláng sandalî ay pinatindíg ang amerikano. "Lumabás ka rito"--aniya,--"at humaráp ka ngayon din sa hukóm."
Ang inutusan ay nakayukông tumindíg, nakayukông lumabás at nakayukông sumapít sa pintô ng hukuman. Sinusundan siya nina Julio, Gerardo at ng maraming táong bayan.
Di naláon at dumatíng ang mga nagsasakdál sa tanggápan ng hukóm; nguni't sa masamáng pagkakátaon, itó noo'y walâ sa loob ng bayan. May nagsasabing siya'y napa sa Maynilà, at di máalaman kun kaylán babalík.
Inaharáp ang sakdál sa pangalawáng hukóm, dapwa't ito'y tumanggíng lumítis sa usapín, sapagka't siyá'y kamag-anak ng nagsasakdál na si Julio.
Ayon sa kautusán, ang presidente municipal ng isang bayan ay siyang mákakahalíli ng mga hukóm kapág ang mga ito'y walang kaya ó karapatáng lumitis sa isang usapíng "criminál". Sapagka nga't ito ang ipinaguútos, ang mga magsasakdal noon di'y nagsitungo sa báhay-pamunúan upang dumulóg sa haráp ng presidente.
III
SI KÁPITANG MEMÒ.
Máximo San Jórge de los Santos ang túnay na ngalan ni Kápitang Memò, ulo ng yaman at presidente municipal sa Libís. Siya ay isang lalaking may matáas na tindig, mukhâng bilóg na kinabábanaagan ng ilang paták ng dugông diláw, úlong tihabâ na napapalamutíhan ng mapuputing buhók, mga matáng busóg na animo'y ipinaglihí sa mga matá ni Mutsu-Hito, ilóng na hinirám kay San Mateo, bibig na inihawig sa bibig--Limahóng at tiyang kauri ng tiyang--Taft.
Ang máginoong itó ay isá riyán sa mga nábantog na kápitan noong mga araw na ang Pilipinas ay kasalukúyang iniinís ng kakastilàan; siya'y nábantog, sapagka't tangì sa masalapî, ay lubhâng malupít sa mga táong bayan, mapagbalák ng mga masasagwâng útos na pawàng udyók ng kasakimán, mapagparátang at mapagparusa ng mga parúsang háyop sa mga binúbuhátang nagkásala. Walang tumutol sa mga hidwâ niyáng kagagawán na di niyá sinumbatán ó pinangakùan ng ganitó ó gayóng pagkapahámak.
Ibig supilin ang lahát; paáno'y walâ siyáng pinakamimithî kundî ang sambahín, kilalánin at tawaging harì--harì sa lahat ng bagay, harì ng lahát ng táò, kung mangyayári, ng kanilang mga pag-aarì, katawán at damdamin... Iyan ang kanyang adhikà sa gitnâ ng gayóng mga nagyukòng masunúrin, mga tikóm na bibig, mga dilàng alípin.
Iyán ang kanyáng pinangápangárap, ang boô niyáng hangad mulâ sa sandalîng mapasakanyà ang tungkód ng kápitan--ang mahiwagà't makapangyarihang tungkód na siyáng lálong pinagkakautangan ng kanyáng pagkamasalapî, pagkamalupain, at pagkamapalalò.