Buhay at Mga Ginawâ ni Dr. José Rizal
Part 8
Sa lahat n~g correo'y maraming dumarating na m~ga libro, "folleto", m~ga pámahayagan at m~ga sulat na padalá cay Rizal n~g canyang m~ga magulang, m~ga capatid at m~ga caibigan; datapuwa't ang lahat n~g ito'y hindî niya tinatanggap cung hindî muna mabasa n~g Gobernador Carnicero, at cung inaacálà nitong dapat mabasa niya ay ibinibigay; datapuwa't cung hindî ay itinatagò at hindî ipinamamalay sa canya. Gayon din naman ang m~ga ipinadadala niya sa iba't ibang tao; binabasa muna n~g Gobernador, at cung di ibig nito'y hindî ipinadádala, baga man sinasabi, sa canyang ipinadalá na. Isáng castilang "auxiliar de fomento" ang sa canya'y lihim na bantáy.
N~g icá 18 n~g Septiembre ay ipinatawag si Rizal sa convento ni párì Obach, na curang jesuita roon, at sinabi sa canya nitong binigyan na raw n~g "indulto" n~g Gobernador General ang m~ga taga Calambâ, at gayon din ang canyang capatid na itinapon sa Joló, bagay na canyang ikinagalac n~g dî cawasà.
Si Rizal, ang Gobernador Carnicero at isáng castilang nagn~gan~galang Francisco Eguilior ay lumálarò sa Loteria, sa bowán, bowán, at bumibili silang sapisapi n~g isang boong billete, na halagang sampong piso. Nang icawalong oras n~g umaga, n~g icá 21 n~g Septiembre n~g 1892, ay dumatíng sa Dapitan ang vapor-correo "Butuan" na napapamutihan n~g sarisaring bandera. Dalidaling sumalubong ang Gobernador at iba pang m~ga cagawad niya, na may casamang isáng bandang "música", sa pagca't ang boong acala'y may dumating na isáng punong may malaking capangyarihan, at ang unang balitang sinabi sa Gobernador n~g capitán n~g vapor ay tumámà sa dalawangpung libong piso ang billete n~g Lotería, bilang 9.736, na pinagsasapîan ni Rizal, n~g castilang si Francisco Eguilior at n~g sinabi n~g Gobernador. Ang tatlong billete ay ipinadala ni Dr. Rizal sa canyang amá at n~g sin~gilin ang cabayarán n~g tinamaan, at ipinagbílin niyang ipamahagui sa m~ga mahihirap nilang camag-anac at caibigan, at gayon n~gâ ang guinawà, at ang nátira sa canya ay inaacalang ipag-pagawà n~g bahay at puhunanin sa pagpapatanim n~g niyóg at sa pagsasaca n~g lúpà.
Nacabilí si Rizal sa Dapitan n~g isáng malaking lúpà, na may m~ga cahoy na nagbubun~ga n~g pinakikinaban~gan, sa halagang labing walong piso lamang, na ayon sa balác niya'y mapag-aanihan hangang sa halagáng dalawang libong piso sa bawa't isang taón. Bucod sa lúpang iyo'y bumilí siyá n~g lúpà n~g Estado at ang caratig nitong may m~ga labing walong hectárea ay binilí naman niyá cay G. Lucía Pagban~gon. Bumili rin sa nayon n~g Daanglogsod, sacóp n~g bayang Lubun~gan, malapit sa Dapitan, n~g tatlompô at apat na hectárea; at sacâ isá pang lupàng may m~ga limampô at walong area. Binilí niya ang dalawang lupang itó cay G. Sixto Carrión, na taga Dapitan. Tinamnán niya ang m~ga lúpà niyang iyón n~g maraming punong abacá, niyóg at iba pang m~ga cahoy na pinakikinaban~gan. Marami rin namang cawayan ang canyang itinaním doon. Ang lúpà sa Dapitan ay batuhán at bundóc-bundóc. Sa lugar na minagalíng niyá sa canyáng lúpà ay nagtayô siya n~g isáng bahay, na labing isang metro't calahatì ang harapán at sampong metro ang lalim, sa macatuwíd ay halos parisucát ang lakí. Ang bubóng n~g bahay na iyo'y pawid, cawayan ang balangcás, cahoy ang m~ga cahabaan, haligui at ibá pang m~ga casangcapan at tablá ang sahíg. Sa tabí n~g bahay ay nagtayô siya n~g isáng camalig na pitóng metro ang harapán at labing limang metro ang lalim. Cawayan ang balangcás, at pawang cahoy na ang m~ga ibang casangcapan at tablá, ang sahíg.
Araw-araw, pagcacaumaga, pagcatapos na cumain n~g agahan, ay pumaparoon sa canyang m~ga lupaín si Rizal, nagtatrabajong casama n~g canyang m~ga inuupahan, hangang sa icalabing dalawang oras n~g araw, na umuuwî upang mananghalìan, pagcacain ay nagbabálic sa canyang lupaín, itinútuloy ang canyang paglilinang n~g lúpà ó pagtatanim n~g m~ga halaman, n~g nióg, n~g abacá at m~ga cahoy na namumun~ga, at pagcahapon, paglubog n~g araw ay umuuwî sa tinátahanan at hangang kinabucasan naman.
Cailan mang umaalís siya upang pumaroon sa lupaíng canyang dinídilig n~g pawis, ay hindî nalilimutan ang paghin~gî n~g pahintulot sa Gobernador, hindî niya nililimot na siya'y "deportado," bilangong itinapon doon, baga man ang Gobernador ay nagpapakita sa canya n~g magandang calooban, casama siya sa pagcain sa agahan, sa tanghalian at sa hapunan, at sa bahay niya natitirá. Cung may natatanaw siya sa dagat na ano mang sasacyang patun~go sa Dapitan, caracaraca'y umuuwî siya sa bahay n~g Gobernador na canyang tinatahanan, at n~g howag hinalain cailan man, ó cumapit cayâ sa canya ang bintang, na ibig niyang tumanan doon.
Guinagamit ni Rizal ang gabí at ang araw n~g linggó sa pagtutúrò sa m~ga batâ n~g pagbasa, pagsulat, cuenta at n~g m~ga wicang castílà, latín, inglés, francés at alemán, at nanggagamot n~g walang bayad sa m~ga tagaroon. N~g mápaalis na si Rizal sa Dapitan, ay maraming m~ga batang nacapagwiwicà at nacacasulat n~g castílà, latín, alemán, francés at inglés, bucod sa magalíng na pamamayan at pakikipagcapuwâ táong canya ring pinagtiyagaang itinúrò. Hindî nanghinawà si Rizal n~g paglilimbag sa púsò n~g m~ga batâ, n~g pagsintang maalab sa kinamulatang lúpà, at n~g pagmamalasakit n~g dan~gal n~g láhì at n~g sariling cataohan.
Pinagsikapan din niyáng umayos ang pananamit n~g m~ga babae, hangang sa canyang iaral, na sacali't hindî macagamit n~g zapatos ay man~gag medias man lamang, at n~g huwag mamasdan ang paa; m~ga aral na hindî nasayang, sa pagca't marami ang sumunód sa canya.
Sa canyang m~ga pagpapasial sa dacong hapon n~g m~ga araw n~g linggo at fiestá, madalás na nácacasalubong niya si párì Sánchez, at pagcacágayo'y walâ n~g iniuusap sa canya ang jesuitang ito cung di ang natutungcol sa religión.
Hindî nawáwalà ang galit n~g m~ga fraile cay Despujol, baga man ipinatapon na niya si Rizal, caya n~ga't hindî sila tumitiguil n~g pag-uusig upang paalisín dito ang General Despujol. N~g magtatapos na ang taóng 1892 ay naalís sa camay n~g "partido conservador" ang pamamahalà n~g Gobierno n~g España, at ang nahalili nama'y ang "partido liberal". Nahalal na Ministro n~g Ultramar si Maura. Sumulat ito, sa udyóc n~g m~ga fraile, cay General Despujol, na inaanyayahang siya'y magbitaw n~g catungculan. Hindî sumang-ayon ang General Despujol, sumagot na hindî siya macapagbibitaw n~g canyang tungcol, yamang cáya niya ang pagganap at gumáganap naman siya n~g boong pag-iingat catalinuhan; n~guni't cung minámasamâ siya n~g Gobierno'y mangyayaring bawîan siya nito n~g catungculan, at gayon n~ga ang nangyari; siya'y inalís at ang inihalili sa canya'y si D. Ramón Blanco, na teniente general n~g hucbó n~g España. Hindî n~ga pinakinaban~gan n~g General Despujol ang lahat n~g canyang guinawang pagbibigay loob sa m~ga fraile upang tampalasanin si Rizal sa cadahilanan lamang na nakikita nilang tunay n~ga't sumusunod si Despujol sa canila sa m~ga pithayang pagpapahirap sa m~ga masintahin sa calayaa'y pinagpipilitan namang dito'y lumaganap ang m~ga carunun~gan at ang paglago n~g m~ga pagsasapi-sapì, at sacá hindî lubós ina-amís si Rizal.
Sa udyóc n~g m~ga fraile, pagcatapos na maipadala sa Dapitan si Rizal, ay binawìan n~g catungculan si G. Manuel Arguelles, na n~g panahong iyo'y "Auxiliar de fomento" sa lalawigan n~g Batan~gan; si G. Pedro Serrano, maestro n~g m~ga batà sa pan~galawang Escuela n~g Binundóc; si G. Antonio Consunji, "Gobernadorcillo" sa San Fernando, Capangpan~gan, at si G. Ruperto Laxamana, teniente primero sa México, Capangpan~gan; at ipinatapon sa maláyò si G. Doroteo Cortés na taga Maynìlà; si G. Mariano Alejandrino na taga Arayat, Capangpan~gan; si G. Antonio Roxas, na taga Malolos, Bulacán; si G. León Apacible, na taga Balayang, Batan~gan; si G. José Basa, na taga San Roque, Tan~gway, at si G. Vicente Reyes, na taga Santa Cruz, Laguna, ayon sa Superior Decreto n~g sinabi n~g General Despujol, n~g ica 13 n~g Septiembre n~g 1892, na inilathálà sa "Gacete de Manila" n~g 20 n~g Septiembre n~g 1892.
May m~ga nangyaring nagpapakilalang nabawasan n~g dî sápalà ang alang-alang at pag sambá, sa m~ga fraileng nagpapanggap na "cahalili n~g Dios." N~g panahóng na sa Dapitan pa si Rizal ay nagcaróon n~g isáng piguíng sa isáng bahay sa Balayang, Batan~gan; sa piguíng na iyo'y dumaló ang fraileng cura párroco roon. Pinahalíc niya sa canyang camay ang m~ga táong doroon, n~guni't tumangguí sa paghalíc sa camáy niya ang isáng magandang dalagang anác n~g isáng guinoo. Ipinilit n~g fraile recoletanong humalíc ang dalaga, at nanatili itó sa pagtangguí. N~g magcagayo'y sinampál n~g fraile ang dalaga, casabay ang lalong masasacláp na pagmura; nuha ang dalaga n~g isáng tungcód at hinambalos n~g walang toos ang fraile, at itó nama'y tumugón n~g suntóc, sicad at tabig ... N~g mabalitàan sa Maynílà n~g capisanan n~g m~ga fraileng recoleto ang nangyaring ito'y nagcaguló n~g dî cawasà, at canilang binagabag ang Gobierno n~g dî gayon lamang, sa paghin~ging parusahan n~g mabigat ang dalagang iyón, ang m~ga casambahay at si Rizal, na siyang may cagagawan daw n~g lahát n~g nangyayari.
Niyon ding m~ga panahong iyo'y nangyari naman sa isa sa m~ga bayan n~g Bulacán ang isáng caguluhan. Napatun~go ang isang fraileng franciscano sa isang bahay na walang namamahay cung dî dalawang dalaga. Nang papasoc na siya'y sinansala siya n~g isa sa m~ga dalaga, at sinabi sa canyang sa pagca't capowa babae ang tan~ging na sa bahay, hindî magaling na panooring tumátangap n~g lalaki: Nagmatuwíd ang franciscanong sa pagca't siya'y párì ay hindî macarurun~gis ang pakikiusap niya sa capurihan n~g sinoman. Nanatili ang dalaga sa pagsansala sa canya, n~guni't nagpupumilit din ang fraile, at n~g mákita nitong ayaw na totoong papasukin siya, ang guinawa'y tinampal n~g boong lacás ang dalagang iyón. Pinagtulun~gan siyang dinaluhong n~g dalawang dalagá, na ano pa't n~g umalís siya roo'y punit-punit ang caniyang pananamit. Sabihin pa ang galit n~g lahat n~g m~ga fraile, n~g canilang mabalitaan ang gayong m~ga nangyari. Buhat sa púlpito n~g simbahan n~g San Agustin dito sa Maynílà, ay itinalác ni párì Coco, fraileng agustino ang ganitóng saysay: "¿Ibig ninyó ang dugô ...? ¡¡Daranac ang dugô!!"
Samantala'y nagcacasundong mabuti ang Gobernador Carnicero at si Dr. Rizal. Dating caugalian ni Carnicero ang ipapalô sa lansan~gan ó sa guitnâ n~g plaza ang bawa't magcasalang filipino. N~g mapanood ni Rizal ang gayo'y nakiusap cay Carnicero na howag gayonín ang táong bayan, sa pagca't lálong sásamà--¿At bakit, ang tanóng ni Carnicero.--Sa pagca't sa ganyang guinágawâ pô ninyó, ang tugón ni Rizal, ay nawawalâ ang cahihiyan n~g táong bayan. Salamat sa gayóng m~ga paghimoc at iba pang pan~gan~gatuwirang matimyas, ay nagbago ang ugalì ni Carnicero, at ang dating maban~gís at malupit ay gumandá ang asal. Nalalao'y lalong nagmamahalan si Rizal at si Carnicero, bagay na totoong ikinagagalit n~g m~ga paring jesuita, caya n~ga't pinagpilitan nilang mahalinhan si Carnicero sa pagca Gobernador sa Dapitan. Sumulat ang jesuita, na si párì Juan Ricart, n~g ica 23 n~g Abril n~g 1893, cay Don Federico Ochando, Gobernador General interino dito sa Sangcapuluan, na sinasabing malaon na raw na hindî nagsísimba ang Gobernador Carnicero cahi't dakilang araw, bagay na totoong napupuna, dahil sa Dapitan ay walang castílà cung dî siya, at sacâ isáng itinapon doon, at cung sacali't magsimbá man ay hindî lumuluhod, cahi't sa sandalíng itinataas ang "hostia." At pagca umaga n~g Viérnes Santo ay nagpapatay n~g vaca ang Gobernador na iyon, na ipinadaláng walà man lamang takíp sa Comandancia n~g oras pa namang lumálabas ang m~ga táo sa simbahan. Dahil dito at sa m~ga iba pang cawalang-galan~gan sa "religión"; siya'y tinatawag na moro n~g m~ga táong-bayan at iba pa. Dahil sa sulat na ito'y inalís ni Ochando si Carnicero sa pagca Gobernador sa Dapitan, at ang inihalili'y si D. Juan Sitges y Pichardo, capitán n~g Infantería at médico. Umalís sa Dapitan si Carnicero n~g ica 4 n~g Mayo n~g 1893, sa macatowid ay totoong mahigpít ang capangyarihan n~g humin~ging siya'y bawîan n~g catun~gculan.
Mulâ n~g dumatíng si Sitges ay nag-iba ang calagayan ni Rizal. Pinaalís siya sa bahay n~g Gobernador, pinatirá sa isáng bahay na malapit doon, pinahaharap siya sa Gobernador pagcacaumaga, tanghalì at hápon, nagpalibot n~g bando sa boong bayang nagpapakilala n~g pagcuculang tiwálà cay Rizal, at iba't iba pang paghihigpít. Sumacláp n~g dî ano lamang ang calooban ni Rizal, n~guni't camuntî ma'y hindî siya naparaíg sa samâ n~g loob. Ipinagpatuloy na parang walang ano mang nangyayari ang canyang pagsasaca n~g lúpà, panggagamot na walang bayad, pagtuturò sa m~ga bátà at pagcacaawang-gawâ. Inaanyayahan niya sa canyang bahay ang m~ga anác n~g dukhâ, pinacacain, pinararamtan at tinuturuan n~g m~ga dunong, at madalás na isinasama silá niya sa m~ga cagubatan, upang turuan at sanayin sa mabuting pagbaríl, sa pagkilala n~g sarisaring cahoy at damó. Pinapanghuhuli n~g lahát n~g bagay na paróparó upang tuyuin at maipadala sa Europa, casama n~g m~ga dahon, ugat, balát, bun~ga at dagtâ n~g m~ga cahoy at damóng canyang hinihirang. Pinapan~gun~guha rin naman silá n~g sarisaring m~ga cabibi at iba pang m~ga catowatowang nacucuha sa buhan~ginan n~g m~ga pasigan, na itinuturò niya cung alín ang may m~ga cahulugán. Pinápalit sa canya n~g m~ga taga Europa ang lahát n~g iyón n~g maiinam na m~ga libro at n~g mahahalagang casangcapan sa "cirugía" at "oftalmología".
Sinabi co nang hindî nagpapabayad si Rizal, sa lahát n~g m~ga taga Dapitang canyang guinágamot; datapuwa't sinísin~gil cung m~ga ibang láhì at ang nasísin~gil niyang ito'y canyang ipinamímili n~g m~ga cailan~gang ipinamamahagui sa mahihirap, ó cung dilî caya'y guinugugol sa icagagaling n~g bayan. May na pa sa Dapitang isáng inglés na may bilíg ang isang matá upang ipagamót sa pahám na itinapon doon. Guinamot siya ni Rizal, inalis ang bilíg at lumiwanag ang matá. Nang magaling na'y sinin~gil siya ni Rizal n~g limangdaang pisong guintò, at pinagbayaran naman n~g inglés n~g maluwag sa loob. Ang salaping ito'y guinugol ni Rizal sa pagtatatag n~g m~ga ilaw sa m~ga lansan~gan at plaza n~g Dapitang dating wala roon. Nagtayô si Rizal n~g isáng Hospital sa tapat n~g canyang bahay, at doon niya dinadala, pinacacain, inaalagaan at guinágamot ang lahat n~g m~ga mahihirap na nan~gagcacasakit. Sariling salapî ni Rizal ang guinugol sa pagpapagawâ n~g hospital na iyon, at sariling salapî rin niya ang guinugugol naman sa m~ga cailan~gan at casangcapan n~g hospital at ang sa m~ga gamót, pagcain, pag-aalagâ at iba pa. Sa cagandahan n~g canyang loob ay culang na lamang ang siya'y sambahín n~g m~ga taga Dapitan, na pagcakita sa canya'y bumabatî at nagbibigay galang n~g higuit sa pag-galang sa páring cura at sa Gobernador, palibhasa'y paggalang na cúsà at udyóc n~g tunay na pag-irog sa táong mapagcaawang gawà, ulirán n~g calinisan n~g púsò, mapagsumicap sa icarurunong at idarangal n~g cálahì at inaaring mahigpít na catungculan ang tapat at maalab na pagsinta sa capowa tao.
Isinusulat n~g Gobernador Sitges sa Gobernador General n~g Filipinas ang lahát n~g m~ga asal at gawâ ni Rizal, at canyang ipinagmamapurí ang canyang paghihigpít sa marilág na filipinong sa canya'y pinábabantayan.
N~g dumating dito ang General Blanco ay lumuwag ang calagayan ni Rizal. Ipinag-utos sa Gobernador Sitges na pagpitaganan at pacalin~gapin si Rizal, howag hahabaguin camuntî man, howag pahaharapin sa canya cung di totoong cailan~gan, at bigyang calayâan n~g pagsulat at pagtanggap n~g sulat canino man. Mulâ niyo'y nagbago ang asal ni Sitges, sinabi cay Rizal ang m~ga caluwagang utos n~g General Blanco, n~guni't hindî sinabing sa utos na itó, cung dî parang galing sa cusà niyang pagcacaloob, at ipinahiwatig pang ¡cung cailan daw niya ibig ay mábabalíc si Rizal sa dating cahigpitan!... Baga man gayo'y cailan man at walang capansana'y humaharap si Rizal sa Gobernador sa araw araw, sa towing tanghalì bago cumain. Hindî nagculang cailan man si Rizal sa pagpipitagang walang halong caruwagan, sa cahinusayan at cakinisan n~g pananalità, sa mahinhíng kilos at sa matimyas na pakikipagsalitaán. Laguing malinis ang catawan, ang pananamit, ang bahay at ang m~ga casangcapan, at cailan ma'y hindî námamasid sa canya ang cagusutan n~g ísip, n~g asal n~g catawan, n~g buhoc at pananamít. Bago pa lamang nagbúbucang liwayway ay nacapaglinis na n~g boong catawan, sucláy na ang buhóc, bihís at handà na sa lahát n~g bagay.
Pinagasisicapan niyang sa pakikipagmatuwiran tungcol sa religio'y huwag sugatan ang pagsampalataya n~g ibá; malumanay siyang tumututol, at gumagamit siya n~g magagalíng na paraan upang huwag siyang camuhîan n~g canyang causap. Minsa'y sinadyâ siyá sa canyang bahay n~g jesuitang si párì Obach, at pinakiusapan siyang siya'y magbigay n~g caunting ambag sa gugugulin sa pagpifiesta cay San Roque, na pintacasi sa pangulong nayon n~g Dapitan:
--Hindî pô maaarî, padre--ang isinagot ni Rizal na nacan~gitî at maámò ang pananalitâ--¿papaano po bang ibig ninyong aco'y umambag sa pamumuhay n~g isáng capan~gagaw co? Sa araw na si San Roque na lamang ang siyang macapan~gan~gasiwâ sa panggamót, ¡mawawalan acó n~g cabuluhan sa ibabaw n~g lúpà!
Guinagawang liban~gan ni Rizal ang pakikipagsalitaan sa m~ga batang dukháng caniyang inaampon, at binibigyan niya n~g m~ga ganting pálà, alinsunod sa canicaniyang carapatan n~g pagcatuto n~g m~ga dunong na canyang itinuturò at n~g m~ga wicang castílà, inglés, francés at alemán. ¿Sino ang hindî iirog sa canya sa ganitong gawâ?
Cusang tumulong ang caramihang canyang m~ga catoto sa pagtatayò n~g isáng daanang bató n~g malinaw na tubig na nagmumulà sa isáng saluysoy, upang sumapit hangang sa canyang bahay na ipinagawâ at canyang tinatahanan.
N~g buwan n~g Agosto n~g 1892 ay dumatíng sa Dapitan, sa capahintulutan n~g General Blanco, ang ina at isáng capatid na babae ni Rizal, na may casamang isáng alilang lalaki. Nagtamó n~g dî masayod na galác ang ating Mártir sa gayong pagdatíng, at inubos niya ang caya sa paglilingcod at pagpapakita n~g pag-ibig sa canyáng iná at capatíd.
N~g icapat n~g buwan n~g Noviembre n~g 1893 ay dumatíng sa Dapitan ang isáng táo, nanagn~gan~galang Pablo Mercado, na pagca gabí ay lihim na napa sa bahay ni Rizal, at itó ang caniláng naguing salitaan:
Rizal.--¿Sino po ba cayó?
_Ang dumating_:--Pablo Mercado pô ang aking pan~galan, at sa catunayan po'y narito at tingnan pô ninyó ang letra n~g m~ga botón n~g aking puños. Cararating co pa pô lamang na galing sa Calambâ. Acó po'y inyong camag-anac, pinsan co cayó ...
Rizal:--("Sinalabat ang causap.") Hintay pô muna cayóng sandalî at may gagawin acó. Cayó po'y maupô.
Pumasoc si Rizal sa kinalalagyan n~g iná at capatíd na babae at tinanóng n~g marahan cung nakikilala nilá ang táong iyong bagong datíng, na ang sabi'y camag-anac daw nilá. Lumabás ang iná at capatíd ni Rizal; pinagmasdang magalíng ang bagong datíng pagcatapos ay nasoc at sinabi cay Rizal na hindî nakikilala.
Lumabás si Rizal at ipinagpatuloy ang pakikipag-usap sa nagsabing canyá raw camag-anac:
Rizal--¿At ano po ba ang inyong sadyâ sa akin?
_Ang bagong dating_--Caya po aco napirito'y ibig cong matalastas ang inyong calagayan. Dinaramdam co po at dinaramdam n~g labís n~g lahat ninyong m~ga cababayan ang sa inyo'y catampalasanang guinagawâ. Sa Maynílà po'y nagtatag n~g isáng capisanan upang cayo'y ipagmalasakit at sumunod sa bawa't inyong magalin~ging ipag-utos, cahi't icaramay n~g buhay.
Pinagcaisahan po n~g capisanang iyang lihim na aco'y pumarito, at ipinamamanhic po sa inyong sa canila'y ipag-utos ang bawa't inyong ibiguin, sa icagagaling n~g bayang na sa catacot-tacot na caalipnan, at sa icaliligtas pô naman ninyo sa inyong pagcapatapon dito, at n~g maniwalâ pô cayo'y ipinadala nilá sa akin itong inyong larawan. Maipagcacatiwala pô ninyong lubos sa akin ang inyong m~ga sulat sa ating m~ga cababayan, at mahigpit na gáganapín co ang bawa't inyong ipag-utos, sucdang aking icabitay.
Rizal (Nagtindig na malaki ang galit) At marapat ca n~gang bitayin, sa capan~gitan n~g iyong damdamin. Umalís ca n~gayon din dito, tacsíl na carugô at n~g dî ca mapahamac. At ipinagtulacan ni Rizal ang taong iyon hangang sa mapanaog sa canyang bahay.
Kinabucasan, pagcaumaga'y humarap sa Gobernador si Rizal, at sinabi niya ang lahat n~g sa canya'y sinalitâ n~g taong iyon. Ipinarakip ito n~g Gobernador sa pamamag-itan ni G. Anastasio Adriático, na n~g panahong iyo'y Gobernadorcillo sa Dapitan, at n~g napipiit na'y sinabi niya ang ganito sa harap n~g nabanguit n~g Gobernadorcillo at dalawang sacsì:
"Ang totoong pan~galan co'y hindî Pablo Mercado, cung dî _Florencio Nanaman_, ayon sa cédula personal na ipinakikita co, may tatlompong taóng gulang, binatà at tubò sa Cagayan n~g Misamis. N~g buan n~g Mayong nagdaan ay ipinatawag pô aco n~g fraile recoletong cura sa Cagayan n~g Misamis, at itó ang sinabi sa akin: Humanap ca n~g isáng larawan ni Rizal. Cung macakita ca na n~g larawang iyon ay pumaroon ca sa Dapitang kinalalagyan ni Rizal. Sa pamamag-itan n~g dalá mong larawan ay makikilala mo agád siyá at hindî ca magcacamalì. Magpacunuwarî cang icaw ay totoong cacampí niya, at sabihin mong cahit iyong icabitay, nahahandà cang gumanap n~g ano mang canyang ipag-utos, tungcol sa icatutubos n~g Filipinas. Sabihin mong ang iyong pan~gala'y Pablo Mercado, icaw ay túbò sa Calambâ at camag-anac ca niya. Huag mong limutin; ang pan~galan mo'y "Pablo Mercado" (inulit pa n~g Cura sa sakin) sa pagca't Mercado ang apellidong tunay ni Rizal. At sabihin mong ang nag-uutos sa iyo'y isáng capisanang itinayo n~g m~ga filipino sa Maynílà, upang iligtas ang Filipinas sa caalipnan n~g España. Cung macacuha ca cay Rizal n~g m~ga sulat na pag-akit sa m~ga filipino n~g paghiwalay sa España, cata'y bibigyan n~g totoong malaking ganting pálà, na ano pa't yayaman ca n~g dî cawásà. Sacalit aco'y mamatay, dahil sa aco'y maysakít n~gayon, pumaroon ca sa convento n~g m~ga recoleto sa Maynílà, sabihin mo roon ang utos co sa iyo, at nalalaman na roon, tuloy ibigay mo ang m~ga sulat ni Rizal, at pacagagantihin ca roon n~g sagánà sa iyong tapát na paglilingcod sa amin. Sa paglilibot mo sa m~ga bayang iyon daraanan ay pagsicapan mong macacuha ca n~g m~ga librong cáthà ni Rizal, ó n~g ano mang sinulat niya laban sa España ó sa m~ga fraile, at dalhin mong lahat sa akin. Hindî magcuculang tiwalâ sa iyo ang m~ga filipino at gayon din si Rizal, cung matuto ca sa pananalitâ at sa paggawâ n~g m~ga paraan, sa pagca't icaw ay caláhì nilá. Ililihim mong mabuting mabuti ang bagay na itó, na ano pa't sino ma'y walang macaalam. Howag cang manimdim sa ano mang pan~ganib na capahamacan. Walang napapahamac na sino man sa paclilingcod sa m~ga fraile; talastas mo ang calakilakihan naming capangyarinan. Tangapin mo itong pitompong pisong baon mo, at cung culan~gin ca sacalî ay magsabi ca sa akin agád, ó sa convento n~g recoletos sa Maynílà, at pagdaca'y tatangap ca n~g iyong macacailan~gan." Itó pô ang sinabi sa akin n~g cura. Napasa Maynílà pô acó at doon acó nacacuha n~g larawan ni Rizal. Si Estanislao Legaspi, na taga Binundoc, ang nagbigay sa akin, at binigyan pa acó nitó n~g dalawang botóng may m~ga letrang P. M. caucol n~g m~ga unang letra n~g aking bagong pan~galan at apellido, at n~g lalong maniwálà si Rizal. Naparito pô acó rito, at aco'y tumulóy sa bahay n~g teniente mayor. Sa isá sa m~ga pinagdaanan cong bayan ay nacaumit acó n~g dalawang librong cathâ ni Rizal na dalá co n~gayon. Pagcagabí ay naparoon pô acó sa bahay ni Rizal, at pinagpilitan co pong bigyan niya acó n~g ano mang casulatan, at walâ pô acong nápalà cung dî aco'y ipagtabuyan at palayasin".