# Buhay at Mga Ginawâ ni Dr. José Rizal

## Part 7

Book page: https://www.cyberlibrary.org/tl/books/buhay-at-mga-ginawa-ni-dr-jose-rizal-18282/index.md

"Man~ga mutyáng capatid: Panahón n~g pag-isípin natin ang lalong magalíng na paraan upang mailigtas ang ating Inang Bayan sa cahapíshápis na caalipinang kinatatanicalâan. Capan~gitpan~gitang catacsilán ang magpabayà, tayong manatili sa pagcabusabos n~gayong nagtátapos na ang siglong icalabingsiyám. Pinagcagugulan n~g pagod n~g ísip at n~g catawán n~g iláng m~ga castílà at n~g maraming m~ga filipino, at acó ang isá sa m~ga filipinong iyan, upang camtan natin ang m~ga calayaang tinátamo n~g m~ga europeo at n~g ibá pang m~ga láhì, n~guni't nasayang na lahát ang caniláng pagsusumícap, at nasayang, palibhasa'y nagcacáwatac-watác ang ating lacás; pag-isahín natin ang maraming mumunting cáyang nan~gagcacahiwalay, sa pamamag-itan n~g taimtim at tunay na pag-iibigan at pagmamalasakitan, at makikita ninyong maiguiguibâ natin ang capangyarihan niyang m~ga táong dito'y lubós na nacapangyayari, at siyang mahigpit na humáhadlang n~g pagcasulong natin sa pagdunong na ikinararan~gal at sa casaganaang iguiniguinhawa. ¡Totoong casakitsákit! ¡Tayo ang túbò rito, tayo ang may árì nitó at tayo ang alipin n~g m~ga nanunuluyan lamang! Hindî tayo magtátamong catubusan hangang dito'y nacapangyayari ang m~ga fraile, na siyang tunay na may árì at pan~ginoon n~g Filipinas at n~g calahatlahatang m~ga filipino. Naglambál ang Gobierno n~g España at ang m~ga fraile sa pag-amís sa atin, caya't kinacailan~gang pacaisiping magalíng. Hindî casucatán ang maguing caaway n~g m~ga fraile; kinakailan~gang tumutol tayo sa Gobierno; kinacailan~gang maguing caaway naman tayo n~g Gobierno. Nan~gagcacaisá ang m~ga fraile't ang Gobierno n~g pagcacait sa atin n~g m~ga calayàan. ¿At mangyayari bagáng maatím nating magpacailan ma'y howag na tayong magcamít n~g m~ga carapatáng nauucol sa táo, gayong tayo'y táo rin namang gaya n~g m~ga ibang láhí? ¿Anóng capacanáng tayo'y maguing Abogado ó Médico, anóng capacanáng ibatás sa Código civil na tayo'y m~ga castílà, cung sa catotohana'y inaapi tayo n~g Gobierno n~g castílà, cung sa catotohana'y ibinabawal sa atin ang ilathálà n~g hayagan ang ating m~ga mithî, ang ating m~ga adhicâ, na ano pa't walang pinag-ibhan sa pagbabawal sa ating tayo'y umísip, na gamitin natin ang ating ísip? ¡Busabos n~gang ganáp ang ating tunay na calagayan! Man~gagpipisan n~gâ tayo; man~gagcacáwatasan tayong sa sulác n~g dugo'y nagdaramdam n~g dan~gal n~g pagcatao; man~gagtipon tayo n~g m~ga kinacailan~gan upang masunduan nating sa ati'y ibigay ang ating m~ga catuwiran sa pamamayan; papagtibayin natin, sa isáng salitâ, ang buhay n~g "Liga Filipina". Ang m~ga palatuntunan n~g samaháng itó'y talastas na marahil ninyong lahát, at cung di man alám ninyong lahát, ang caramihan sa inyo'y nacatatalós. Ihalál ninyo sa inyong m~ga casamahán ang m~ga táong mamiminúnò sa adhicáng iyáng sacali't matuloy ay siyang lalong matibay na maaasahang macapaglíligtas sa cahabag habag na caalipnan n~g Filipinas, na dapat nating paghandugan towî na n~g pamumuhay at buhay. Walang salang ang gagawin nating ito'y magbubun~ga n~g ating m~ga pagcapatapon at m~ga pagpapahirap sa atin ... ¡Ah! ¡Tuman~gis cayó! ¡tuman~gis ang anác sa pagcapahamac n~g amá! ¡tuman~gis ang ama sa pagcapahamac n~g anác! ¡tuman~gis ang capatíd sa pagcapahamac n~g capatíd! Datapowa't ang sumísinta sa bayang sa caniya'y pinan~ganacán, at napagtátantò ang m~ga kinacailan~gan upang macamtán ang icagagalíng nito'y dapat lumigaya, sa pagca't sa landás lamang na itó mátatamo ang Calayàan! ¡Manumpâ tayong lahát na sasacsihan natin ang maalab na pagsinta sa Inang Bayan n~g pagbubuhos n~g ating dugô!" Nagsipanumpang lahát ang m~ga naroron.

Sa lahat n~g m~ga nagsidaló sa pulong na iyo'y si _G. Andrés Bonifacio_ ang carukharukhaan; ang m~ga casamahan niya'y m~ga nacacacaya sa buhay; halos ang lahát ay may sariling pag-aarì at marami ang m~ga marurunong; datapwa't si Bonifacio'y isáng abáng "bodero" n~g bahay-calacal ni na guinoong Fressell at m~ga casamahang pawang dî tagarito, at bábahagyà ang tinátangap bowán bowán; n~guni't hindî cailà na si G. Andrés Bonifacio ang siyang nagtulóy n~g adhicâ ni Rizal. ¡Isang catotohanang ang catubusa'y madalás guináganap n~g lalong m~ga dukha!

Mulíng nagcatipon silá n~g gabí n~g icatlong araw n~g bowán n~g Julio n~g 1892, at doo'y nan~gáhalal na pámunuan ang m~ga sumúsunod:

_Nagmunacála_: Dr. Jose Rizal.

_Cataastaasang pang-ulo_: Ambrosio Salvador.

_Taga-usig_: Agustin de la Rosa.

_Taga-in~gat yaman_: Bonifacio Arévalo.

_Calihim_: Deodato Arellano.

_M~ga casangúni_: Andrés Bonifacio, Mamerto Natividad, Domingo Franco, Moisés Salvador, Numeriano Adriano, José A. Dizon, Apolinario Mabini, Ambrosio Rianzares Bautista, Timoteo Lanuza, Marcelino de los Santos, Paulino Zamora, Juan Zulueta, Doroteo Ongjunco, Arcadio del Rosario at Timoteo Páez.

Ang caramihan sa m~ga nakianib sa "Liga Filipina", cung di ipinabaríl ay pinahirapan, ibinilangô ó ipinatapon sa malayong lúpà n~g Gobierno n~g castílà. Ipinabaril si Rizal, Domingo Franco, Moisés Salvador, Numeriano Adriano, José A. Dizon, Luís Villarreal, Faustino Villarroel, Antonio Salazar, Vicente Molina, José Trinidad, at iba pa; pinahirapan at ibinilangô si Agustin de la Rosa, Bonifacio Arévalo, Ambrosio Rianzares, Timoteo Lanuza, Marcelino de los Santos, Arcadio del Rosario, Timoteo Páez at iba pang lubhang marami; ibinilango't ipinatapon sa Mindanao si Pablo Rianzares at doo'y pinatay sa cápapahirap; ibinilango't ipinatapon sa pulóng Chafarinas si Paulino Zamora at iba pang marami.

Sa daang Raxa Matandâ ay nagtayô ang m~ga taga Tundó n~g iláng "monumentong" bató na nagpaalaala n~g pagcapagtayô n~g "Liga Filipina" n~g gabí n~g ica 3 n~g Julio n~g 1892, sa tapát n~g lugar na iyón, sa bahay na may bilang 176, daang Ilaya. Ambag na cusâ ni G. Timoteo Páez ang lupang pinagtayuan n~g sinabi n~g monumento.

Namanhic si Rizal sa General Despujol, na mangyaring makipag-usap sa canya, at pumayag namán. Ang unang ipinakiusap ni Rizal sa General Despujol ay mangyaring palabasin sa pagcábilangô ang m~ga napipiit at paowiín ang m~ga tinapon dahil sa canya, yamang siya'y naririto na at handang sumagót sa anó mang sacdal, at ipinagcaloob naman ang gayong cahilin~gan. Nagsalitaan silá n~g maluat tungcol sa bagaybagay na nauucol sa pamamahálâ n~g Filipinas. Nang mananaog na si Rizal ay siya'y tinanong n~g General Despujol:--¿Anó pô ang palatuntunang susundin n~g inyong caasalán dito sa Filipinas?--Makikibagay pô ang palatuntunan n~g aking caasalán,--ang malumanay na sagót ni Rizal--sa caasalang gamitin n~g España sa Filipinas. Cung bíbigyan pô ang Filipinas n~g España n~g m~ga calayâan at m~ga carapatáng ucol, na siyang mithî n~g lahát n~g tagarito, acó po'y castílà, tunay na castílà, at ang pagca castílà co'y higuít sa inyó, higuít sa pagca castílà n~g lahát n~g m~ga castílà; datapowa't cung hindî, cung papapanatilihin ang pagaapí sa cafilipinuhan, ¡ay! pagcacagayo'y ...¡acó pô ang tunay na filibustero, ang lalong ganid na filibustero!

Ipinagbilin cay Rizal n~g General Despujol, na pagcaca araw n~g Miércoles ay makipagusap sa canyá, at gumanáp naman si Rizal. N~g sumunod na pag-uusap niláng dalawa'y nasabi ni Rizal sa General Despujol ang ganitó:--Isáng cagalin~gang malaki ang cautusáng magcaraon ang Gobernador General sa Filipinas n~g capangyarihang magawâ ang bawa't ibiguin, cailan man at nauucol sa icagagalíng n~g bayan.--¿Bakín pô? ani Despujol--Sa pagca't salamat sa cautusang iyá'y magagawâ pô ninyó ang madla't maraming cagalin~gan dito sa cahabaghabag na bayan, ang sagót ni Rizal.--Nagcacamalî pô cayo; ang tutol n~g General, ang cautusáng iya'y waláng casing samâ. Dahil sa cautusáng iya'y hindî maulatang m~ga catampalasanan ang magagawâ, at marahil ay guinawâ na.--Iyan po'y cung masamâ ang General, ang sagót ni Rizal; datapowa't cung isáng Gobernador General na masintahin sa catuwirang gaya pô ninyo'y isáng tunay na cagalin~gan.--Hindi, hindi; ang pagdaca'y isinalabat n~g General; hindî dapat ipagcatiwalâ ang capangyarihang iyan sa lalong banál; banál ma'y mangyayaring mámali, banál ma'y maaaring matucsó ó mapagdayâan. Sa ganitong pan~gan~gatuwira'y si Despujol din ang hindî nalao't nagbigáy catibayan sa canyáng guinawang hindî carapatdapat laban cay Rizal.

Ipinagpatuloy nitó n~g boong casipagan ang paglaganap n~g canyáng m~ga aral. Napasa Bulacan, nagtulóy sa Malalos, at nilibot ang ibang malalakíng bayan sa Capampan~gan at sa Tarlac. Hindî kinacailan~gang sabihing hindî hinihiwalayan si Rizal n~g m~ga cawaning lihim (policía secreta) n~g Gobierno. Nagcacasalusalubong ang m~ga telegrama n~g m~ga Gobernador sa m~ga lalawigan sa Gobernador General, at ang m~ga telegrama nitó sa canilá.

Samantala'y pinagbabalaan si Despujol n~g m~ga fraile at n~g m~ga castila, na cung dî niya ipararákip agád si Rizal at ipabíbilangò ay ipalálagay niláng casabuat siya nito sa tacsíl na acalang pag-labag sa capangyarihan n~g España. Gulong-guló ang ísip ni Despujol; cung dî niya sundin ang m~ga fraile at m~ga castila'y siya ang lubhang nan~gan~ganib mapahamac, at cung sundin naman niya'y tampalasan siya sa isang táong walang ibang casalanan cung dî ang pag-sintang maalab sa kinamulatang bayan. ¿Ano ang dapat niyang gawín? Itó ang madalás niyang tanong sa sarili. Nagtagumpay, sa cawacasan, ang pag-ibig sa sariling catahimican; caya't umisip siya n~g paraang dapat ipagpahamac cay Rizal. Ipinag-utos niya sa lahat n~g m~ga puno n~g guardia civil veterana dito sa Maynílà at gayon din sa m~ga Gobernador sa m~ga lalawigang sa icasiyam na oras n~g umagan~g ica 5 n~g Julio n~g 1892, sabay-sabay na salicsikin (requisahin) ang lahat n~g bahay na tinatahanan n~g m~ga taong inaacalang caibigan ni Rizal ó cacampí ni Rizal, at tingnan cung may m~ga sulat ó ano mang pahayagan ó librong laban sa España ó sa Religión Católica. ¡Caguiláguilalás! Dalawa pa munang oras bago gawin dito sa Maynílà ang pagsalacay sa bahay bahay n~g m~ga filipinong kilala rito n~g m~ga panahong iyong cacampí ni Rizal ay tumangap ang m~ga taóng ito n~g pasabing:--"Iligpít ninyo agad agad at itágò ang m~ga casulatan, pámahayagan ó librong sa inyo'y macapapahamac, sapagca't sa umaga ring ito'y cayo'y sasalacayin n~g veterana." Ang nan~gagpasabi ay ang m~ga capanig sa pamunuan n~g Liga Filipina, na pinagsabihan naman n~g isang taga Naic, Cavite, na n~g panahong yao'y madalás sa palacio n~g Malacanyang, at canyáng narin~gíg ang m~ga pag-uutos n~g General Despujol sa m~ga púnò n~g Veterana. Salamat sa gayong pasabi'y nacapag-in~gat ang lahat at hindî naracpan sa canicanilang bahay n~g ano mang sucat icapahamac. Sa m~ga lalawiga'y hindî gayon ang nangyari, palibhasa'y walang sucat magamit na paraang macapagpaunawà sa canila n~g darating na pan~ganib, caya't sa canila'y maraming m~ga násamsam na "La Solidaridad", "Noli me tangere", "Filibusterismo", m~ga dahong limbag na laban sa fraile at m~ga sulat at larawan ni Rizal at iba pang m~ga filipinong na sa Europa at na sa Hongkong. Dinakíp at ibinílangô ang m~ga násamsamán.

Nagcásiya n~g maguing cadahilanan ang m~ga nasamsam na m~ga pamahayagan, m~ga libro at m~ga dahong limbag, na walang caanoanomang laban sa España, cung dî pawang laban lamang sa masasamang m~ga gawâ n~g m~ga fraile, upang iparakip si Rizal at ipapiit sa cútà n~g Santiago (fuerza de Santiago) at ipalathalâ sa "Gaceta de Manila" n~g ica 7 n~g Junio n~g 1892 ang isáng "decreto" ó cautusang ipinatatapon si Rizal sa isa sa m~ga pulô (sa Dapitan) n~g dacong Hilaga n~g Filipinas, dahil sa casalanang pag-cathâ, pagpapalimbag at paglalaganap dito n~g "Noli me tangere" at "Filibusterismo" at n~g m~ga dahong limbag na laban daw sa Religión Católica Apóstolica Romana, at dahil daw naman sa nacuhang m~ga dahong limbag na laban sa m~ga fraile, sa balutan n~g banig at unan ni Rizal at n~g canyang capatid na babae, at n~g masiraang púri ang Martir natin ay sinabi pang itinutol daw ni Rizal, na hindî siya ang may dala n~g m~ga dahong limbag na yaon, cung dî ang canyang capatid na babae. Ipinag-uutos din naman ni Despujol sa decretong iyon, na canyang ipinagbabawal ang pagpapapasoc at pagpapalaganap dito n~g lahat n~g m~ga kinathâ at isinulat ni Rizal at iba pang laban sa religión católica at sa capanatagan n~g capangyarihan n~g España.

¿Tunay n~gâ cayang nararapat na parusahan si Rizal at siráan siya n~g púri sa gayong parâan?

Sino ma'y waláng naniniwalang nagsabî si Rizal na ang canyang capatíd na babae ang may dalá n~g m~ga dahong limbág na násamsam sa balutan n~g baníg at unan, Kilala n~g lahát ang ca-acasan at camahalan n~g loob ni Rizal, na ano pa't cung icapapahamac n~g canyáng capatíd, cahit maguing totoong itó ang may dalá n~g m~ga dahong limbág na iyón, aangkinin ni Rizal ang casalanan, howag lamang magdusa ang capatíd niyang babae; hindî cailâ sa canyáng capatíd na pagdatíng nila rito'y pacasisiyasating magalíng ang caniláng m~ga dalá, cayâ hindî n~gâ masasapantahang siya'y man~gan~gahas na magdádala rito n~g m~ga bagay na talastás niyang icapapahamac, liban na lamang cung sirâ ang isip, at ang capatíd na babaeng casama n~g pag-owî rito'y matalino at mapag-in~gat, lalò n~g hindî maaacalang si Rizal ang siyang magdádala n~g m~ga dahong limbag na iyón dito, sa pagca't nalalaman n~g lahát ang catalasan n~g canyang ísip; kinacailan~gan n~gang may isáng taksíl na camáy na doo'y naglagáy, at itó n~gâ ang catotohanan: Ang sumiyasat n~g balutan n~g banig at unan n~g capatíd na babae ni Rizal ay ang teniente n~g carabineros na naga-apellidong _Nozaleda_, pamangking boô n~g arzobispong Nozaleda, fraileng dominico, at sa acalâ n~g lahat ay itó ang naglagay sa balutang iyón n~g m~ga dahong limbág na laban sa m~ga fraile, at ang nagpatibay n~g sapantahang ito'y ang dî nalaon at nangyari. May isáng filipinong taga Naic, nagcanuló cay Don Miguel Rodriguez Berriz Juez de primera instancia sa Intramuros, (loob n~g Maynílà) na ang m~ga dahong limbág na dito'y ilinalaganap, laban sa m~ga fraile at laban sa Gobierno n~g España'y pawang gawâ n~g m~ga fraile sa canilang limbagan sa Malabón, at m~ga cainalám din m~ga fraile ang nan~gagcácalat, upang mapagbintan~gan at maipahamac ang m~ga filipinong hindî marunong manghinuyò sa m~ga fraile, na caniláng lihim na pinadadalhán n~g m~ga dahong limbag na iyón. Sa pagcaibig ni Don Miguel Rodriguez Berriz na matantô niya cung catotohanan ó hindî ang sumbong sa canyá, lihim na naparoon siyáng may iláng casama sa "Asilo de huérfanos, (Ampunan sa m~ga ulilang lalaki) sa Malabon--na n~g panahóng iyo'y sacóp n~g lalawigang Maynílà, at n~gayo'y sacóp n~g lalawigang Rizal--na sa ilalim n~g pamamahálà ni párì José Rodriguez, fraileng agustino, at doo'y canyáng násamsam ang m~ga "molde" n~g m~ga ikinacalat ditong laban sa m~ga fraile. Natotohanan n~gang doon din guinawa ang m~ga "dahong limbag" na pinagpatacaran n~g pagtatapon cay Rizal sa Dapitan. Inusig si párì José Rodriguez, datapowa't hindî nailáng arawan at namatáy na biglâ itó, baga man waláng sakít, batà at matabâ ang pan~gan~gatawan. Salamat sa nangyaring ito'y nawalâ ang pinacapan~gulong dapat managót sa gayong catacsiltacsilang gawâ.

Halos ang lahát n~g m~ga pamahayagang castílàng inilalathálà rito at sa España, pagcatapos na mailagdâ nilá ang utos ni Despujol na itapon sa Dapitan si Rizal, pinacamura-mura nila itó n~g walang áwà, liban na lamang sa "El Globo," na nagtanong, cung dapat ipalagay na hindî umíbig sa España ang bawa't hindî pumupuri sa m~ga fraile, dahil sa ipinatapon si Rizal sa pagca't sumulat lamang n~g laban sa m~ga fraile; ang sabi n~g "La Correspondencia Militar"; ang guinawâ raw ni Despujol ay pagtulad sa asal n~g tribunal n~g Inquisición, at ang wicâ naman n~g "El País" ay di raw espada cung dì pangwisíc n~g tubig na bendita ang tan~gan ni Despujol at siya'y General n~g m~ga dominico. Tumutol n~g maalab na pan~gan~gatuwiran laban sa masamáng cagagawáng iyón ni Despujol ang lahát n~g m~ga pámahayagang inglés sa Hongkong; ang "O Independente" sa Macao, ang "Almeine Zeitung" na malaking pamahayagan sa Munich at ang mahalagang pámahayagan sa Lóndres na ang pan~gala'y "London and China Telegraph." Ipinagmalasákit n~gâ si Rizal n~g ilang m~ga pámahayagan sa Madrid, n~g lahát n~g m~ga pámahayagan sa Hongkong at sa Macao, at n~g m~ga mahahalagang pámahayagan sa Inglaterra at sa Alemania. Bucod sa rito'y nagharáp n~g isáng manin~gas na pagtutol ang Cónsul n~g Inglaterra dito sa Maynílà sa gayong pag-amís cay Rizal.

Maiinam na casulatan ang m~ga inilathalà sa "La Solidaridad" sa pagsasangalang cay Rizal. Sumulat ang ating macabayang si Gat Marcelo Hilario del Pilar Gatmaitan n~g isang pan~gan~gatuiran lubhang magandá ang ayos, na doo'y ipinagmamalasakit niya n~g boong lacás si Rizal, datapuwa't; ¡ay! ¡nagpacabin~gí ang España sa tinig n~g catotohanan at n~g cagalin~gan! ¡Hindî niya inacalang ang canyang di paglin~gap sa catuwira'y mamumun~ga ang pagcálugsò n~g canyang capangyarihan sa m~ga lupaing ito!

Mula n~g ica 7 hangang sa ica 14 Julio n~g 1892, ay nanatili siya sa pagcábilanggô sa Fuerza n~g Santiago. N~g kinabukasan, pagcaumagang umagga'y binalitì siya at ipinadalang líhim sa pangdigmang vapor "Alava" na, sa canya'y naghatid sa Dapitan, na nasa pampan~ging dacong ibabáng silan~gan n~g pulô n~g Mindanaw.

* * * * *

Nabalitaan agad ni _Andrés Bonifacio_ ang pagdakíp cay Rizal. Hindî panglulumó ang pumasoc sa loob niya sa cahambalhambal na nangyari; cung dî sa bugsô n~g matindíng hápis sa pagyurak sa capurihán at catuwíran n~g inapíng capatíd, ay sumibol sa canyang pusò ang maalab na han~gad na ihayin ang buhay sa pagwawacsì n~g capangyarihan n~g Españang gumawa n~g gayong calaitlait na calupitan sa m~ga mapagtiís na anác n~g Filipinas. Pagcabalità niyá n~g pagdakíp cay Rizal; pagcatapos n~g sandalíng pag-iisip ísip, n~g araw ding iyon, _icapito_ n~g Julio n~g 1892, ay canyang inanyayahan sa pagpupulong na lihim si na guinoong Deodato Arellano, Briccio Pantás, Teodoro Plata, Valentin Díaz, Ladislaw Diwà at José Dizon. Hindî naluatan at dumaló ang m~ga guinoong ito, na pinagsabihan ni Andrés Bonifacio ganitó ó cawan~gis nitong pananalità:

"M~ga Capatid:"

"Tayo'y di m~ga pantás, caya hindî maririn~gal na talumpatî at dî maririkit na sulat ang ating idaraos; sa gawâ natin daanin: ang catubusa'y hindî nacucuha sa salita ó sa sulat; kinácamtan sa pagsasabog n~g dugô."

"Talastas na ninyo ang calupitáng guinawâ sa ating capatid na si Dr. Rizal, iya'y maliwanag na halimbawang nagpapakilala sa ating di tayo macaliligtas sa caalipnan cung dî daraanin sa pakikibaca."

"¡Sucat na ang pagpapacababà! ¡Sucat na na ang pan~gan~gatuwiran! ¡Nan~gatuwiran si Rizal ay hinuli pagcatapos na mapag-usig ang m~ga magulang, capatid, kinamag-anacan at cacampí!"

"¡Sucat na! Papagsalitain natin naman ang sandata! ¿Na tayo'y pag-uusiguin, mabibilango, ipatatapon, papatayin? Hindî dapat nating ipanglumó ang lahat n~g ito, mabuti pa n~ga ang tayo'y mamatay cay sa manatili sa pagcabusabos."

"At n~g maganap natin ang dakilang cadahilanan n~g pagpupulong nating ito'y ating maitayô ang isáng malacás, matibay at macapangyarihang catipunan n~g m~ga anác n~g Bayan."

"¡Mabuhay ang Filipinas!!!"

Sumang-ayong waláng alinlan~gan ang m~ga capulong, at n~g gabí ring yaong ica 7 n~g Julio n~g 1892 ay nátatag ang _Kataastaasan Kagalang galang Katipunan n~g m~ga Anac Bayan_.

Dinaíg n~g pananampalasan ni Despujol ang lahát n~g m~ga sinulat ni Rizal, Marcelo H. del Pilar, Mariano Ponce at iba pang macabayang filipino; salamat sa pananampalasang iya'y napucaw ang púsô m~ga Anac-Bayang pagwaray-warayin ang capangyarihang umaalipin.

At sa cagalinggalin~gan ang palacad n~g asal n~g nan~gapapanig sa Katipunan: "Gumawâ n~g gumawâ n~g waláng imíc", cabaligtarán n~g maraming capisanang. "Salitâ n~g salità'y walà ginagawâ." Hindî nagluat at libolibong filipino ang umanib sa Katipunang iyon.

* * * * *

Pagdatíng ni Rizal sa Dapitan ay ibinigay siyá sa Gobernador doong si Don Ricardo Carnicero y Sánchez, capitán sa infantería, casama n~g pagbìbigay na iyon ang isáng sulat, na bucod sa m~ga iba't ibang bagay, ipinag-uutos sa Gobernador na patahanin si Rizal sa convento roon n~g m~ga jesuita, at sacali't hindî mangyari itó, ay doon siya patirahín sa bahay n~g Gobernador. Tinanggap din naman ni párî Antonio Obach; jesuitang misionero sa Dapitan, ang isang sulat ni párì Pablo Pastells, Superior n~g Misión n~g m~ga páring Jesuita sa Filipinas, na doo'y ipinagbibiling sacali't ibig ni Rizal na tumirá sa convento n~g misionero, ay sa ilalim n~g tatlong bagay na gágawin ni Rizal: Una, hayag na tátalicdan at pagsisisihan ni Rizal ang canyang m~ga sinabing laban sa religión católica, at maghahayag siyá n~g m~ga pagpapatotoong iniibig niya ang España at kinalulupitan niya ang m~ga cagagawang laban sa España; icalawá, na bago siya tangapín ay gágawâ muna siyá n~g m~ga "santo ejercicio" at sacâ "confesión general," n~g canyang dinaanang buhay; at icatló, na sa háharaping panahon ay magpapacagalìng n~g asal, na ano pa't siya'y maguing ulirán n~g ibá sa pagca masintahin sa religión católica at sa España. Hindî pumayag si Rizal sa gayong cahin~gian sa canyá, caya't hindî siya tinangáp n~g paring jesuita at doon siya nátira sa bahay n~g Gobernador na si Carnicero.

Hindî nalaón at tumangáp si Rizal cay párì Pastells n~g isáng librong sinulat n~g presbíterong si Don Félix Sará, y Salvany, at sa handog na iyo'y napasalamat si Rizal at nan~gacong siya'y tútumbas, bagay na tinupád niya n~g ica 15 n~g Enero n~g 1893, na nagpadalá naman siyá cay párì Pastells n~g isáng marikit na esculturang larawan ni San Pablo, na canyáng guinawâ. Nagsulatán si párì Pastells at si Rizal mulâ n~g Agosto n~g 1892 hanggang Mayo n~g 1893. Pinagpipilitan ni párì Pastells na maakit si Rizal sa pagbabalic-loob sa religión católica. Hindî pa nagcasiya'y inutusan ni párì Pastells na pumaroon sa Dapitan si párì Francisco de Páula Sánchez upang causapin si Rizal at pagtiyagaang hicayatin sa pagcampí sa religión católica.

Kinaibigang magalíng si Rizal n~g Gobernador Carnicero, upang mataróc niya ang lalim n~g m~ga iniísip at minimithî n~g canyang bilanggô, at bawa't sabihin ni Rizal sa Gobernador na iyon, pagdaca'y ipinagbibigáy alám cay General Despujol.

Iniudyoc ni Carnicero cay Rizal na ang mabuti'y man~gasíwà na lamang siya sa pagpapasaca n~g lúpà, na doo'y totoong matabâ at sagánà, at n~g mangyari ang gayo'y anyayahan niyá ang canyáng familia at n~g doon na mátira, at maniwalang hindî magsisisi n~g pagcáparoon.

--Cung gayon--ani Rizal--pasimulaan pô ninyó ang pagpapatibay n~g inyóng salitâ, sa pamamag-itan n~g pag-gawâ n~g magalíng upang macaparito ang siyam cataong na sa Joló n~gayon, sa pagca't doon sila itinapon n~g Gobierno, dahil sa akin.

Nan~gacô si Carnicero, na siya ang bahalang mamanhíc sa Gobernador General, at n~g ipagcaloob.

--Hindî pô maláyò--ani Carnicero cay Rizal--na ipagcaloob n~g Gobierno ang aking cahin~gìang dito'y magcaroon n~g isáng "médico titular"; ¿cung ipagcaloob pô ba'y ibig ninyong sabihin co sa Gobernador General na cayó na ang ihalál na médico titular dito?

--Marahil po'y tangapín co ang catungculan iyan--ang sagót ni Rizal--sacali't pumarito at pumayag na mamayan dito ang aking familia; cung dî pô silá mananahan dito'y hindî co tátanggapin ang catungculang sinabi ninyo.

Humin~gî si Rizal, at pumayag naman ang Gobernador, n~g malakíng lupang walang nagmamay-árì at walang pananím, sa dacong ilaya n~g Dapitan, at canyang tinamnán n~g sarisaring cahoy na namumun~ga n~g macacain at n~g iba't ibang halaman.

Iniakit ni Rizal sa Gobernador Carnicero ang pagpapagawa n~g isáng mainam na "plaza" n~g Dapitan, at sa pagca't pumayag ay iguinawâ niya n~g isang magandang "plano".

