Buhay at Mga Ginawâ ni Dr. José Rizal
Part 3
Sumunod na nan~gag talumpatì si López Jaena [na pinintasán n~g dî cawásà ang m~ga fraile], si Govantes, Cárdenas, Del Val, iláng m~ga filipino, si Nin y Tudo, Más, Azcárraga, Luna (nagpasalamat), Regìdor, Fernández Labrador, Labra, Azcárraga (muling pagtatalumpatì), Morayta, Rodriguez Correa at Moret. Natapos ang piguíng n~g ica 12 n~g gabî.
Pakingan natin n~gayón ang salítà n~g castilang si D. Wenceslao E. Retana tungcol sa talumpatî ni Rizal.
Ganitó ang canyang sinabi:
"Hindî n~g n~gâ macahihin~gî n~g higuít pa sa ritong cagandahan n~g pagcacatalumpatî: nagsalitâ si Rizal sa n~galan n~g Filipinas, na dî tagláy ang pagpapacumbabang hiníhin~gì n~g m~ga castílà sa m~ga anác n~g bayang iyon, cung dî parang isáng "caanib" na cusâ n~g caniláng calooban: "tayo'y dalawang bayan, tayo'y dalawang láhì, cung anó cayo'y ganoon din camí, at yamang gayo'y ibig namin ang inyong ibig. ¿Ipinagcacait bagá sa amin ang inaacálà naming carapatdapat na aming tamuhin?... ¡Dilidilihin ninyo ang panahóng sasapit!... Hindî mangyayaring manatili magpacailán man ang casalucuyang calagayan n~gayon "Walâ pang isá man lamang filipino, lalonglalô na cung gayong na sa haráp n~g m~ga castilang may matatáas na catungculan, na nacapan~gan~gahas magsalitâ n~g gayón. Ibig ni Rizal na manatili ang pagsasama n~g España at Filipinas, n~guni't "hinihin~gî niya", upang mangyari ang pagsasamang itó, na magcaroon ang m~ga filipino n~g m~ga catowiran at m~ga catan~gîang kinacamtán n~g m~ga castílà. Ipinalálagay niyang malakíng caapihán n~g canyang láhì cung dî gayón ang mangyayari, at hindî n~gâ mangyayaring tiisin niya ang gayóng caalimurahan. Hangang dito ang sabi ni Retana. Nang panahóng yao'y kinacathâ na ni Rizal ang novelang _Noli me tangere_, na sa canya'y magpuputong n~g walang hangang capurihán.
Ang m~ga hulíng bowan n~g pagcátirá niya sa España'y guinamit niya sa pag-aaral n~g carunun~gang nauucol sa pag-gawâ n~g m~ga cútà (fortificaciones) sa panahóng pagbabaca, na ang guinamit na salita'y ang wicang inglés, at may m~ga dibujong nagpapaliwanag n~g canyang m~ga isinulat. Pinamagatán niyá ang m~ga dibujong itó n~g "Parapeto Simple."[32] "Caballo de frisa."[33] "Trampas de lobo."[34] "Estacada."[35] "Estacada de perfil."[36] "Reglas para determinar las dimensiones de los parapetos."[37]
Sinabi n~g castilang si Sr. Amador de los Rios, na naguing profesor ni Rizal sa Universidad n~g Madrid sa wicang árabe, na cailán man daw ay hindî pa siya nagcacaroon n~g alagád na macasing tálas n~g isip ni Rizal.
Bago umalís sa España'y nilibot muna ni Rizal ang Andalucía at Valencia, at pinagsicapan nìyang maunáwà ang anyô n~g m~ga lupaíng iyón at ang caugalian n~g m~ga taga roon.
* * * * *
Nang calaghatian na n~g taòng 1885, at n~g macuha na niya ang pagca licenciado sa Filosofía at Letras, at bilang calahátì na ang nacacathâ niya sa _Noli me tangere_, siya'y na pa sa París, sa udyóc n~g manin~gas na han~gad na macapaglibot sa mundo, upang macapag-aral n~g lahat n~g bagay at n~g mabihasa siyang magaling sa pagwiwicang francés.
Nakisama siya, pagdating sa París, sa bantog na oftalmólogo[38] na si M. Wecker, upang matutuhan niyáng lubós ang panggagamót sa matá. Nagsanay rin siya roon sa m~ga wicang inglés at alemán. Ipinagpatuloy niya sa París ang pagcathâ n~g _Noli me tangere_.
* * * * *
Nang m~ga unang araw n~g taóng 1886 ay lumipat si Rizal sa Alemania. Nagtumirá siya sa ciudad n~g Heildelberg, na kinalalagyan n~g ilog Néckar, na sumasabang sa ilog Rhin. Buhat diya'y nakipagsulatan siya sa Profesor Ferdinand Blumentritt, sa Leitmeritz, (Bohemia). Nacaibigan niya sa Heildelberg ang profesor Dr. Galezowsky.
Hindî nalimutan ni Rizal susumandalî man ang Filipinas, at nagpapatotoo n~g bagay na itó ang canyáng tuláng sinulat sa Heildelberg n~g ica 22 n~g Abril n~g 1886, na pinamagatán niya n~g: "A las Flores de Heildelberg."[39]
N~g macatira siyang ilang bowan sa Heildelberg at sa Wilhelmsdorf, ay napa sa Leipzig naman at doo'y pumasoc n~g pagcacajista upang macakita n~g pagcabuhay.
Nang m~ga unang araw n~g taóng 1887 ay siya'y napa sa Berlin at doo'y canyáng na caibigan ang m~ga bantog na pantás na si Doctor Virchow, na sa canya'y nagpakilala upang siya'y maguing capanig n~g "Sociedad Antropólogica Berlinesa"; si Dr. F. Jagor, dakilang "naturalista" at maglalacbay na sumulat n~g librong "Reisen in den Philippinen", na ipinalimbag sa Berlin n~g 1873; si Dr. Joest, marilag na "geógrafo" at si Dr. Schiilzer, pantás na mangagamot.
Nang taóng 1886 ay natapos ni Rizal ang pagcathâ n~g _Noli me Tangere_, at n~g m~ga unang bowan n~g 1887 ay ipinalimbag sa Berlín ang sinabi n~g libro.
Nang calaghatían n~g taóng 1887 ay dumating sa Maynila ang iláng _Noli me Tangere_; datapwa't pinacaiin~gatang lubhâ n~g bawa't pinalad magcaroon, sa tacot na bacâ dumating sa balítà n~g pinúnò, ó n~g m~ga fraile, ó n~g m~ga guardia civil ó n~g m~ga castílà ay pagbintan~gan siyang "filibustero"[40] at pagusiguin n~g cakilakilabot.
Bawa't macabasa n~g "_Noli me Tangere_" ni Rizal ay nan~gagsasabing ang librong ito'y siyang bagong _Biblia_ n~g bayang filipino; sa macatowid baga'y sa m~ga aral na nababasa sa _Noli me Tangere_ ni Rizal naroroon ang catubusan n~g bayang filipino.
¡Laking pagcacagulo n~g m~ga fraile at n~g lahát n~g m~ga castílà n~g matalastas nila ang napapalamang m~ga casaysayan sa libro ni Rizal!
Pagdaca'y gumawâ ang m~ga fraile n~g isá at waláng higcát na pagpupulong. "¡Laking capusun~gan! ¡Isáng "indio" isang "macacong indio", isang "matsing na indio"--ang sabihan nila--ang nan~gan~gahas pumintas n~g ating m~ga cagagawan!"
May nasumpun~gan si párì Pedro Payo, fraileng dominico at casalucuyang arzobispo dito n~g panahóng iyón, na isáng _Noli me Tangere_; dinalidaling binasa itó at pagcatapos ay agád ipinadalá n~g ica 18 n~g Agosto n~g 1887 cay párì Gregorio Echevarría, na fraileng dominicong gaya rin niya, at rector n~g cung tawaguin nila'y _Real y Pontificia Universidad de Santo Tomás de Manila_, upang siya namán ang sumiyasat. Dalîdálì namáng binása nitó at pagcatapos ay nagtatág n~g isáng capulun~gang naboboo n~g tatlóng fraileng m~ga dominico, na ito'y si párì Matías Gómez, si párì Norberto del Prado at si párì Evaristo Fernández Arias, upang silá ang humatol cung ano n~gà cayâ ang nan~gapapalamán sa novelang sinulat ni Rizal.
Nang ica 30 n~g Agosto n~g 1887 ay nagpadalá n~g sulat sa Arzobispo na si párì Payo ang rector sa Universidad na si párì Gregorio Echevarria, at doo'y sinasabing binasa at pinagsiyasat n~g isáng capulun~gan ang _Noli me Tangere_ na ilinathalâ ni J. Rizal, at caniláng lubos napagtantong ang librong iyo'y totoong isáng malakíng heregía, capusun~gán at nacasisirang púri sa Religión at isáng ganáp na paglabág at pag-alimura sa Gobierno n~g España at sa lahát n~g m~ga mahál na capisanang castílà rito, at pangguguló n~g catahimican n~g púsô at n~g budhî n~g bayan at n~g m~ga namamayan dito, at mangyayaring pangalin~gan n~g m~ga casacunaang totoong cahapishapis sa España. Sa maiclíng sabi, alinsunod sa capulun~gan n~g m~ga fraile, ang librong iyon ni Rizal ay casamasamaang panglabág sa Religión, panglait sa España at pangguguló sa calooban at damdamin n~g tagarito.
Ipinadalá namán nì párì Payo ang sulat na iyón sa capitán general na si D. Emilio Terrero.
Sa magcabicabilang panig n~g Maynilâ, n~g boong Filipinas ay pinag-uusapan n~g lihim n~g m~ga castílà, n~g m~ga filipino, n~g m~ga taga ibang lupaín ang pasiyá tungcol sa _Noli me Tangere_, ¡n~guni't waláng nacatatalós, waláng nacacabasa pa n~g _Noli me Tangere_! At lumálakí n~g lumálakí ang bulung-bulun~gan, ang sabihana'y ang librong iyó'y cakilakilabot, calaguimlaguim, waláng cahalintulad n~g samâ ... ¡at lumálakí namán n~g lumálakí ang pagmimithî n~g bawa't macahiguing n~g balitang iyóng mabasa ang _Noli me Tangere_! caya't pinagpilitan n~g lahát at n~g bawa't isá ang magcaroon; n~guni't hindî macakita, mahirap macakita cung dî sa pamamag-itan n~g lalong matatalinong paraan. N~g m~ga unang araw ay nacabibili n~g tatlóng piso bawa't libro, hindî nalao't dumating n~g sampong piso, labingdalawáng piso, labinglimang piso, dalawampong piso ... Nang malao'y hindî na dalawampong piso ang halagá n~g bawa't "Noli", lalô pang malakí, at cahi man malakí ang ìbayad, cung castílà ó mestizong castílà ang humahanap ay hindî macakita; caya't napilitan ang m~ga castílà at ang m~ga punong castílà na magpabilí sa Europa, at sapagca't mainam na pang-udyóc sa anò man ang pakikinabang n~g limá, anim hangang macasampong ibayo, ang m~ga castílà rin ang namilí sa Europa n~g _Noli me Tangere_ sa halagang manalapî, at sacá dinalá rito n~g lihim at ipinagbilí rito n~g lihim sa capowâ castílà rin, sa m~ga fraile, sa m~ga filipino at sa m~ga taga ibáng lupaín sa halagang camalácmalác na dalawampô hangang dalawampo't limang piso ang isá.
Sa sulsol ni párì Payo ay ipinadalá naman n~g capitan general na si Terrero ang _Noli me Tangere_ sa "Comisión Permanente de Censura"[41] upang ito'y maglagáy namán n~g canyáng pasiya. Si párì Salvador Font, fraileng agustino ang siyang naglagda n~g pasiyá, na doo'y pinacacalaitlait si Rizal hangang sa tawaguing isáng "han~gal" daw na waláng pagpalagyan sa catacsilán at samá. Ang _Noli me Tangere_, aní párì Font, ay isang paglabág at pamumusóng sa Religión n~g España; isang paglabág at pamumusóng sa Pan~gasiwaan, sa m~ga castilang cagawad n~g Gobierno at sa m~ga Tribunal n~g justicia; isang paglabág at pamumusóng sa hucbó n~g Guardia Civil, isang paglabág at pamumusóng sa icapapanatili n~g m~ga nasasacop n~g España, at pagcatapos n~g ganitong bugsô n~g "paglabag at pamumusóng" ay sinabi niyang sa canya raw pasya at acálà, ay dapat ipagbawal n~g capangyarihan n~g capitán general ang pagdadala rito, paglilimbag ulî rito at paglalaganap dito n~g librong _Noli me Tangere_, na totoong nacacapahamac.
Bucod sa lalong m~ga casakitsákit na m~ga pag-alimura cay Rizal at m~ga pagpaparatang n~g m~ga gawang hindî man lamang napapanaguinip n~g ating capatid na Martir, ay idinugtong pa ni párì Font ang ganitong m~ga salitâ: "ANG TANGING HANGAD ni Rizal ANG CASARINLAN NG LUPAING ITO, at ang adhica niya'y iwalat ang mahal na catibayan n~g Bayang sarili[42], niyang Bayang sariling sa canya'y nagbigay n~g pagcatáo, na sa canya'y nag-arúgà at nagpasúso sa m~ga dibdib na maran~gal, na sa canya'y nagpacain n~g tinapay at n~g m~ga aral n~g magagandang asal; at ang Filipinas na dating sumasamba sa di totoong Dios, mangmang at mahahalay ang caugalian ay guinawang ganap na bayang católico, bayang lalong may calayaan at marunong sa lahát n~g m~ga bayang nabubuhay sa ilalim n~g pagtatangkilic n~g m~ga nación sa Europa, at ang lahing lalong sumasaligaya sa ilalim n~g nacapagbibigay guinhawang lilim n~g mapagcalin~gang m~ga cautusan sa India"; ... at iba't iba pang m~ga salitang nagpapakilala n~g masilacbó niyang poot cay Rizal. At winawacasan niya n~g ganitong saysay: "Itó n~gâ ang pasiya n~g napifirma sa ibabâ nitó, upang ipagbawal n~g mahigpít ang dito'y paglaganap n~g librong itó ... Maynilà, ica 29 n~g Diciembre n~g 1887.--_Fr. Salvador Font_, agustino calzado."
Ipinalimbag ni párî Font at inilaganap sa boong Filipinas at sa boong España ang canyang pasiyang itó, at sa ganitong nangyari ay lalô namang lumakí ang pagmimithî n~g maraming mabasa ang cathâ ni RizaL, caya't ang guinawang iyon ni párì Font ay siyang nacatulong n~g dî cawasa n~g pagcalat n~g _Noli me Tangere_ sa boong daigdig.
¿At ano ang sinasabi sa librong iyon upang macaligalig n~g dî ano lamang sa m~ga fraile at m~ga castila, macabagbag n~g loob n~g m~ga filipino at bigyan n~g dî ugaling cahulugan n~g m~ga taga ibang lupaín? Man~ga bagay na hindî himalâ, m~ga bagay na hindi dapat pagtakhan; walang sinasaysay cung dî ang cactotohanan; nagcámalî aco, walang sinasaysay roon cung dî ang culabóng anino n~g catotohanan n~g m~ga nangyayari rito sa Filipinas na pananampalasan, pag-amis, paglapastan~gan, paninirang puri at walang licat na pan~gun~gulimbat sa m~ga filipino n~g m~ga fraile; ang m~ga pag-iríng at pagpapahirap n~g guardia civil dito, at ang m~ga hidwang cagagawan n~g ilan sa m~ga empleado[43] at hindi empleadong castila. Walang sinasabi sa librong iyon cung dî ang m~ga hidwang caasalán at ang m~ga malíng pananampalataya n~g halos lahat n~g m~ga filipino, at ang canilang labis na pagca mapaniwalain sa lahat n~g sa canila'y pasampalatayanan n~g m~ga nagpapangap na cahalili n~g Dios, niyang Dios na totoong mahabaguin, dakila sa pagca masintahin sa canyang kinapal, walang han~ggan ang pagca mairuguin sa catowiran; niyang nan~gagpapangap na corderong ma-amo, nagsipanumpang mananatili sa carukhaan, sa pagpapacalinis n~g budhî at calolowa, sa paglayô sa cahalayan at sa maruruming layaw n~g catawan, sa tunay na pagpapacumbaba at pagca masunurin, bago'y ang guinagawa'y lihis na lihis sa canilang m~ga catungculang banal, sa canilang m~ga sumpâ, sa m~ga damdamin n~g bawa't taong may dalisay na calooban....
Mulâ niyo'y nagcalayong lalo ang dating nagcacahiwalay n~g pagtitin~ginan n~g m~ga castila't n~g m~ga filipino, baga man sa hayagan, sa paimbabaw ay hindî nagbabago. Napopoot n~g dî cawasà ang m~ga fraile't ang m~ga castílà na ang isang "indiong" gaya ni Rizal ay magsalitâ n~g catotohanan, at nalulugod namán ang m~ga filipino sa pagcacasalitâ n~g catotohanang iyan. Pakinggan natin ang sabi n~g castilang si Wenceslao E. Retana tungcol sa bagay na ito:
"¡At anó! anang m~ga filipino--¿diyata't ipinalalagay na dî capaslan~gan ang sa araw araw at sa boong panahón ay sumulat n~g sari-saring m~ga paglait at m~ga pagpaparatang na laban sa amin, at n~gayo'y mamasamain nilang ang isáng filipino'y "minsang" macasulat n~g boong catotohanan?"
"Filibustera" ang novela ni Rizal, sa pagca't isang filipino ang sinasabing cumathâ; cung ang nalagay na cumatha'y isang castílà--at marami n~ga sa m~ga castílà ang dî mag-aalinlan~gang magsabing yao'y gawâ niya--hindî n~ga nila pan~gan~galanan n~g gayon."
"Inulit-ulit ni Costa[44] hangang sa nagsawa ang sabing: "bayan (ang España) n~g m~ga eunuco"[45]; at sinabi naman ni Unamuno[46] ang ganito: "bayan (ang España) n~g m~ga dowag." Datapwa't si Costa at si Unamuno'y hindî ipinan~ganac sa Filipinas."
Dumating sa Senado n~g España n~g Junio n~g 1888 ang ligalig dahil sa _Noli me Tangere_. Ipinagcanulô n~g senador Vila sa canyáng m~ga casamahang, sa Filipinas daw ay may ipinasoc na isang libro na cung tawaguin ay "novela" at ang pamagát ay _Noli me Tangere_, na kinathâ n~g isang "indio" na canyáng alám ang pan~galan, doctor sa Medicina n~g Universidad sa Madrid, caibigang matalic n~g Principe de Bismarck at sa canyáng dunong ay nahalal na catedrático n~g Medicina sa isang Universidad n~g Alemania. Ang "novelang" yaon ... anang senador Vila ... isang pangcalat n~g aral na laban sa religión católica, pang-akit sa protestantismo, tagapaglaganap n~g aral ni Proudhon, at iba't iba pang gaya nitong pawang hindi catotohanan.
Sa Congreso naman n~g España ay pinagcaligaligan din ang _Noli me Tangere_. Nagsalitâ naman doon ang general na si D. Luis M. de Pando, n~g ica 12 n~g Abril n~g 1889, n~g sari-saring paratang sa librong iyón. Datapowa't hindî nababasa n~g senador Vila at n~g general Pando ang _Noli me Tangere_; walà silang nabasa cung di ang pasiya lamang ni párì Font. Ang guinawang ito n~g m~ga pantas na castílà at ang walang licat na pag-uusig n~g m~ga fraile sa librong iyon, sacá ang matamáng pagbabalitâ naman ni Blumentritt sa m~ga pan~gulong pamahayagan sa sangdaigdigan, sa carikitan n~g kinathâ ni Rizal, ang siyang lubhang ikinabantóg nitó sa lahát n~g m~ga nación.
* * * * *
Mulâ sa Marzo hangang Mayo n~g 1887 sinulat ni Rizal ang iba't ibang bagay. Isinatagalog niya ang ilang m~ga tulâ ni Goethe; kinathâ sa wicang francés ang m~ga librong "Histoire d'une clef", ang "La Pécheuse et le poison," isang maiclíng casaysayan tungcol sa linggo n~g palaspas, ang "Tartarín sur les Alpes," ang "Unter den Linden," ang "Le pistolet de la petite Baronne" at saca ang wicang inglés na: "Are account of the Life and Writings of Mister James. By Patrick Murdock, D. D. F. R. S."
Nang magtatapós na ang Abril n~g 1887, si Rizal ay nanaw sa Berlin at na pasa Dresde, at doo'y nakilala niya at naguing caibigan si Dr. A. B. Meyer, marunong na filipinólogo[47] at tagapamatnugot n~g _Museo Etnográfico_ roon, na siyang pan~gulo sa galíng sa lahát n~g kilala sa boong daigdíg tungcol sa bagay na iyon. Nagalác n~g dî sapálà ang Dr. Meyer n~g makilala niya si Rizal, at pinagpakitaan niya itó n~g ganáp na magandang calooban. Pumaparoon si Rizal sa Museong iyon sa araw-araw at canyang pinagsusumag ang anyo at calagayan tungcol sa baít at hilig n~g lahát at bawa't isá sa m~ga láhì.
Nalís si Rizal sa Dresde at na pa sa Leitmeritz (Bohemia) at doon tumuloy sa bahay n~g cakilala na niyang dati sa pagsusulatan lamang na si Profesor Ferdinand Blumentritt, na namamatnugot n~g Ateneo Municipal sa ciudad na iyon at marilag na pantas na umiibig sa Filipinas n~g dî paimbabaw, na gaya n~g dî mamacailang ipinakita na niya at ipinakikita pa sa gawâ. Bagaman hindî nacararating dito sa Filipinas ay malaki pa marahil ang pagcakilala niya sa lupaing ito at sa m~ga tagarito cay sa maraming nagpapangap na nacacakilalang lubos sa sangcapuluang itó[48]. Sinasabi ni Blumentritt na nagtamo siya n~g isa sa m~ga casayahang lalong malakí, n~g makita at mayacáp niya si Rizal. Nag-ibigan siláng tulad sa tunay na magcapatid, at hindi sila nagpupupuan. Iniin~gatan niya hanga n~gayon n~g boong pagmamahal ang isang larauan niyang guinawa ni Rizal sa sandalíng pagguguhit n~g lápiz.
Hindî maalis sa ala-ala ni Rizal ang m~ga pag-alipusta n~g m~ga fraile sa m~ga filipino, caya n~ga't sa canyang m~ga pakikipag-usap sa canyang matalic na caibigang si Profesor Blumentritt ay canyang nasalità ang ganito:
"Na ang lahat n~g m~ga lahi n~g m~ga tao ay nagcacaibaiba lamáng sa canicanilang anyô at caugalian sa dacong labas, n~guni't alinsunod sa Psicología[49] ang maputi, ang abo-abo, ang marilaw, ang caymangui at ang maitim ay nagcacaisa ang naramdaman, nagcacawan~gis ang m~ga umuudyok na budhî at hilig, na nagpapatibóc n~g púsò: at ang pinagcacaibahan lamang ay ang paraan n~g pagsasaysay ó paggawâ.
"Na walang napagkikilala ang m~ga antropólogo[50] cung dî ang m~ga lahi; na ang napagmamalas lamang n~g m~ga mapagmasid n~g m~ga pamumuhay n~g bawa't nación ay ang pagcacaiba't iba n~g calagayan n~g mayaman at mahirap, n~g mahal at timawa; na sa m~ga nacióng lalong m~ga paham, na gaya baga n~g Francia at Alemania, ang lalong marami sa m~ga nananahan doo'y casing pantay rin n~g calagayan n~g pag-iisip n~g m~ga tagalog, at ang culay n~g balat, pananamit at wicang guinagamit ang bilang caibhan lamang."
"Na ang pag-íisip ay tulad sa m~ga cayamanan at cung may m~ga nacióng mayaman at mahirap, ay may m~ga tao ring mahirap at mayaman; cung may nagbabalac na táong siya'y ipinan~ganac na pagdaca'y mayaman, ang gayong tao'y namamali, sa pagca't siya'y sumilang sa sandaigdigang dukhâ at hubád na cawan~gis n~g alipin; minamana ang catalasan n~g isip na tulad naman sa cayamanang naipamamana. Pawang mayayaman sa pag-íisip ang m~ga nación sa Europa; datapwa't ang m~ga tao roon n~gayo'y hindî mangyayaring macapagsalitâ, cung di ring lamamg maghahambog, na pagdaca'y mayaman na sila sa pag-íisip mulâ n~g mátayô ang canilang m~ga nación; nagcailan~gan silang gumugol n~g maraming siglo[51] sa pagpupumilit sa pamamag-itan n~g pagbabaca upang camtán ang m~ga calayâan, magagaling na m~ga cautusan at iba pang sarisaring paraan, at n~g masundoan ang m~ga cayamanan n~g pag-iisip na canilang ipinamana pagcatapos sa m~ga táo n~gayon; ang m~ga nagpapakinang n~g isip n~gayon, ang catowid baga'y ang nagtuturo n~gayon sa m~ga cabataan, di n~ga nila magagawâ ang gayong m~ga bagay cung hindî sana nila sinamantala ang salinsaling natutuhan n~g m~ga táong sinundan nila, at cung hindî naman sila lubos na nagsumakit; ang bagay na ito'y sinasacsihan n~g Historia[52] n~g panahong una'y hindî higuit ang cagalin~gan n~g pagpapalagay n~g m~ga romano sa m~ga alemán, sa pagpapalagay n~g m~ga castílà sa m~ga tagalog."
"Na ang m~ga pagpintás na guinagawâ n~g m~ga taga Europa sa nan~gagcacaiba't ibang m~ga lahing may culay (ang m~ga caymangui, maitim, marilaw ó abo-abó) ay hindî mabigyang caliwanagan sa isáng matibay na catowiran; cayâ silá nagcacagayo'y dahil sa talagang handâ na ang caniláng calooban sa dî paniniwalâ, at dahil naman sa canilang pagcaisip na sila ang nauucol macapangyari sa m~ga láhing hindî mapuputî. Talastas n~g lahát na nan~gan~ganib ang m~ga lahing may culay na baca sila'y pawaláng halaga n~g lahing putî, at sa ganitong dahil, cung sila'y naglilingcod sa m~ga taga Europa ay malaki ang sa canila'y ikinalalamang, at bucod sa rito'y sa pagca't pinagwawárì na hindî magagamit ang lahing may culay sa m~ga linilimbag. Datapwa't cung paglilinin~gin, ang m~ga lahing may culay na canilang tinutucoy ay m~ga táong totoong timáwà at waláng pinag-aralan, masasabing ang halaga n~g m~ga pasiya n~g m~ga lahing putî ay capantay lamang n~g sa isang tagalog, na sa canyáng paglalacbay sa Francia at Alemania ay ibig na ipalagay na ang lahát n~g m~ga tagaroo'y pawang catulad n~g m~ga manggagatas, m~ga alílâ at m~ga cocherong francés at alemáng canyáng nakita."
"Na ang dahil n~g caimbihan n~g m~ga túbò rito sa Filipinas ay nagmumulâ lamang sa culay n~g balat. Maraming lalaki't babae sa Europa na nagmulâ sa lalong carukharukhâang pamumuhay, na nangyaring naca-akyat sa lalong cataastaasang calagayang lubhang mahahalagá, ang iba'y nan~gatututong bumagay sa canilang bagong calagayan at hindî ikinahihiyâ ang canilang abang pinanggalin~gan, cung dî bagcos pang ipinalálagay nilang isang malaking capuriháng nangyaring nasunduan nila, sa canilang sariling pagpupumilit, ang gayong pagcápaunlac; ang iba nama'y pinagtutuyaanan at inaaring salát sa catalinuhan, dahil sa canilang dî wastóng paghahambog. Ipinalálagay n~g m~ga táong may culay, na sila'y ucol sa m~ga dapat uyatín at pawaláng halagá, baga ma't sila'y m~ga táong mahal na lubós, palibhasa'y isáng sacsìng nagpapatotoo n~g canilang pinangalin~gan ang canilang pagmumukhâ, at ang bágay na ito'y siyáng sa canila'y nacapagbíbigay n~g cakimian, dahil sa talastás niláng sa canila'y pagpapawaláng halagá n~g m~ga taga Europa: masamâ ang pagtin~gîn n~g m~ga europeo sa m~ga tagalog; anó máng waláng cabuluháng pagcacamalî nitó, na mangyayáring gawín din namán n~g cahi't dalisay mang lahî n~g isáng tubò sa Montmorency, ay linílibac n~g m~ga europeo, at isinisiwalat nila sa pananalitáng: "¡anó n~gâ bagá ang maaasahang gawíng mahusay n~g isáng taong may cúlay!" Mangyayáring datnin niyáng siyá'y maguing isáng magalíng na Abogado, isáng dakilang Médico, datapowa't cailán may hindî nila ipalalagay na itó'y isáng caraniwang bágay; ang pinaca malakíng magagawâ lamang nilá'y isáng panguiguilalás, na hicayat n~g pagpapalamáng, na gaya n~g pagtatacâ, sa isáng malakíng áso sa circo, n~guni't hindî n~gâ nilá, matatangáp na magcacapantáy ang pag-iísip n~g tagalog at n~g europeo".
Sa matiyagá at masalicsic na pagsisiyasat ni Rizal ay caniyang lubós napagkilalang nagcacapantay-pantay ang caya n~g pag-iísip n~g lahát n~g m~ga láhì: putî, caymangui, mariláw, abo-abó ó itím, at yayamang gayó'y mangyayaring ipagcaloob sa isá't isá ang lahát n~g bágay na pamamahálang magalíng sa báyan, ó m~ga cautusán bagáng nagbíbigay n~g lálong malalakíng calayàan; at sa ganitóng pananálig niyá'y guinugol ang boóng lacás upang camtán n~g caniyáng m~ga cababayan ang m~ga calayàang totoong kinacailan~gan, at n~g dito'y lumagô ang caguinhawahan at lumucloc ang Ináng Filipinas sa trono nang caran~galan.