# Balarilang Tagalog

## Part 4

Book page: https://www.cyberlibrary.org/tl/books/balarilang-tagalog-45007/index.md

N. Ang pang̃alang angkín ng̃ isáng tao ay hindî maáarìng ilagáy sa bilang na dalawá ó marami (ó número plural) kailan ma’t tumutukoy sa sarili lamang niyáng pagkatao. Ng̃unì’t kung ang pang̃alang nátura’y tumutukoy sa kalahatán ó karamihan ay maáarìng ilagáy sa bilang na dalawá ó marami, at sa ganitó’y dî dapat gamitin ang _siná_ kundî _ang mg̃a_ na siyáng ginágamit sa mg̃a bagay; hal.: _Ang mg̃a Pedro_, _ang mg̃a Karlos_, ibig sabihin sa makatwíd ang mg̃a tinátawag na Pedro ó ang mg̃a nang̃áng̃alang Karlos.

G. ¿Paano ang pagbábaling (ó declinación) ng̃ pang-akbáy na _si_?

N. Gaya ng̃ sumúsunód:

PAGBÁBALING NG̃ PANG-AKBÁY NA SI

_Bilang na íisá_ _Bilang na dalawá ó marami_

Pangtukoy Si Pangtukoy Siná Pang-arì { Ni Pang-arì { Niná { Kay { Kiná ó kaná Panglayon { Kay Panglayon { Kiná ó kaná { Ni { Niná

G. ¿Kailán dapat gamitin ang na sa lagáy na pangtukoy?

N. Ginágamit ang _si_ sa bilang na íisá at _siná_ sa dalawá ó marami kailan ma’t tinutukoy ang pang̃alan ng̃ tao, hal.: _Si Kulás_, kung siyá lamang, at _siná Kulás_ kung may ibá pang kasama ó akibat.

G. ¿Kailán ginágamit ang na sa lagáy na pang-arì?

N. Ginágamit ang _ni_ sa íisá at _niná_ sa dalawá ó marami kailan ma’t ang bagay na ináarì ó sangkáp ay unang nábabanggít kay sa may arì ó kinasasangkapán, hal.: _ang aklát ni Lucio_, _ang bahay niná Enchang_. Kung ang may arì ó kinasasangkapán ay siyáng unang nátutukoy kay sa ináarì ó sangkáp ay dapat gamitin ang _kay_ sa íisá at _kiná_ sa dalawá ó marami, hal.: _Ang kay Luciong aklát_, _ang kiná ó kaná Enchang na bahay_.

G. ¿Kailán ginágamit ang na sa panglayon?

N. Ginágamit ang _kay_ sa íisá at ang _kiná_ sa dalawá ó marami, kailan ma’t nagpapakilala ng̃ layon ó anó mang bagay na ninanasà, hal.: _Dumalaw siyá kay Lukas_; _paroón tayo kiná ó kaná Yoyong_. Kung nagpapakilala ng̃ kung sino ang may gawâ ng̃ isáng bagay, ó may akdâ ng̃ aklát ó may likhâ ng̃ anó man ay dapat gamitin ang _ni_ sa íisá at _niná_ sa dalawá ó marami, hal.: _Sinulat ni Diego itóng aklát_, _ang bangkâ’y ginawâ niná Binong_.

G. ¿Kailán hindî dapat gamitan ng̃ pang-akbáy ang pang̃alan ng̃ tao?

N. Hindî ng̃â dapat gamitan kailan ma’t binabanggít sa pagtawag, pag-úutos ó pakikisuyo, hal.: _Emong, halika_; _Lakad na, Tinoy_; _Teban, pakiabot mo ng̃â ang batiyâ_.

G. ¿Dapat bang lagyán ng̃ pang-akbáy ang bawà’t isá kung nagkakasunódsunód ang dalawá ó maraming pang̃alan ng̃ tao?

N. Kung magkakásunódsunód ang dalawá ó maraming ng̃alan ay dapat akbayán ng̃ _si_ ang bawà’t isá lalòng lalò na kung binibilang ó tinutukoy na isáisá, hal.: _Si Pedro, si Karlos at si Fidel ay paraparang mabuti_.

PANG-AKBÁY SA MG̃A NG̃ALAN NG̃ BAGAY

G. ¿Saánsaán dapat iakbáy ang pang-akbáy na _ang_?

N. Dapat iakbáy sa mg̃a panutong sumúsunód:

_Una._--Sa karaniwang pang̃alan ng̃ anó mang bagay, hal.: _ang bayan_, _ang tao_, _ang araw_, _ang hayop_, _ang tubig_, _ang talulót_.

_Ikalawá._--Ang pamagát ng̃ mg̃a bansá, bayan, lálawigan, nayon, lansang̃an, at mg̃a poók ay karaniwan ng̃ akbayán ng̃ _ang_; hal.: _Ang Pilipinas_, _ang Amérika_, _ang Bulakán_, _ang Sampalok_, _ang Eskolta_, atbp.

_Ikatló._--Ang pamagát ng̃ mg̃a kapisanan, samahán ó simbahan kailan ma’t ibig banggitín, hal.: _Ang Taga-Ilog_, _ang Katubusan_, _ang Katimawan_, _ang Paraluman_, _ang Katedral_.

_Ikaapat._--Ang pamagát ng̃ mg̃a aklát ng̃ karunung̃an ó ng̃ mg̃a kathâng kasaysayan kailan ma’t binabanggít, hal.: _ang Gramátiká_, _ang Pilosopía_, _ang Noli me tángere_.

_Ikalimá._--Ang pang̃alan ng̃ mg̃a araw sa buông isáng linggó at ng̃ mg̃a buwán, kailan ma’t ibig banggitín, hal.: _ang martés_, _ang huebes_, _ang Agosto_, _ang Disiembre_.

_Ikaanim._--Ang pang̃alan ng̃ mg̃a katungkulan kailan ma’t itó’y binabanggít, hal.: _Ang Komisionado_, _ang Kinatawán_. Kung may kasunód na pang̃alan ng̃ tao ay inaakbayán din ng̃ _ang_, bagamá’t maáarì rin ang _si_, hal.: _Ang Komisionado Palma_, ó _si Komisionado Palma_; _ang Hukóm Araullo_, ó _si Hukóm Araullo_.

_Ikapitó._--Ang pang̃alan ng̃ tao, kailan ma’t sinusundán ng̃ _itó_, _iyán_, _yaón_, ó kayâ’y kung tinutuntóng mabuti, hal.: _Ang Yoyong na itó_, _ang Huséng yaón_.

_Ikawaló._--Iniáakbáy rin sa mg̃a pangwatas (ó verbo), hal.: _Ang binabasa ni Pedro_, _ang kinakain ni Mente_, _ang sinusulat ni Huan_.

G. ¿Anó ang dapat gamitin kung ibig tumukoy sa bilang na dalawá ó marami?

N. Ang pang-akbáy na _ang_ ay dapat sundán ng̃ _mg̃a_ kailan ma’t tumutukoy sa bilang na dalawá ó marami (número plural) na siyáng sa bagay na itó’y tang̃ìng ginágamit sa ating wikà, hal.: _ang tao_, kung íisá ang binabanggít; at _ang mg̃a tao_ kung bumabanggít sa dalawá ó marami.

G. Ang dalawá ó maraming pang̃alan ng̃ bagay na nagkakasunódsunód, ¿dapat bang akbayán ng̃ _ang_ ang bawà’t isá?

N. Kung iniisáisá ang pagbanggít sa hang̃ád na bilang̃in ó luminaw kayâ, ay dapat pang̃unahan ng̃ _ang_ ang bawà’t isáng pang̃alan ng̃ bagay, hal.: _Ang matá, ang ilóng at ang taing̃a ay maháhalagáng sangkáp ng̃ katawán ng̃ tao_; _ang ilog at ang dagat ay kapuwà tubig_. Ng̃unì’t kung sa isáng kaisipán ay nagkakasunódsunód ang dalawá ó maraming pangdiwà (ó sustantivo) at dî lubhâng nililinaw ang pagbanggít ay dî dapat akbayáng isáisá ng̃ _ang_ kundî ang una lamang, hal.: _ang masasarap na manggá, lansones, santól at mabulo ay tang̃ìng halaman sa Pilipinas_.

G. ¿Paano namán ang pagbábaling (ó declinación) ng̃ pang-akbáy na _ang_?

N. Gaya nitóng sumúsunód:

PAGBÁBALING NG̃ PANG-AKBÁY NA ANG

_Bilang na íisá_ _Bilang na dalawá ó marami_

Pangtukoy Ang Pangtukoy Ang mg̃a Pang-arì { Ng̃ Pang-arì { Ng̃ mg̃a { Sa { Sa mg̃a Panglayon { Sa Panglayon { Sa mg̃a { Ng̃ { Ng̃ mg̃a

G. ¿Kailán dapat gamitin ang na sa lagáy na pangtukoy?

N. Dapat gamitin ang _ang_ sa íisá at _ang mg̃a_ sa dalawá ó marami kailan ma’t tinutukoy ang pang̃alan ng̃ bagay, hal.: _ang bayan_ kung bumabanggít sa íisá at _ang mg̃a bayan_ kung dalawá ó marami ang ibig tukuyin.

G. ¿Kailán ginágamit ang na sa lagáy na pang-arì?

N. Sa íisá’y ginágamit ang _ng̃_ at _ng̃ mg̃a_ sa dalawá ó marami, kailan ma’t ang bagay na ináarì ó sangkáp ay unang nábabanggít kay sa may arì ó kinasasangkapán, hal.: _ang panitik ng̃ mánunulát_, _ang ulo ng̃ sanggól_, _ang mg̃a bulaklák ng̃ dalaga_. Kung ang may arì ó kinasasangkapán ay siyáng unang nátutukoy kay sa bagay na ináarì ó sangkáp ay dapat gamitin ang _sa_ sa íisá at _sa mg̃a_ sa dalawá ó marami, hal.: _ang sa mánunulát na panitik_, _ang sa sanggól na ulo_, _ang sa dalagang mg̃a bulaklák_.

G. ¿Kailán namán ginágamit ang na sa panglayon?

N. Ginágamit ang _sa_ sa íisá at _sa mg̃a_ kung dalawá ó marami kailan ma’t nagpapahiwatig ng̃ lugál, nasà ó anó mang bagay na náuukol dito, hal.: _Maglalakbáy siyá sa Mindanáw_, _umanib tayo sa mg̃a kalahì_. Kung nagpapahayag namán nang kung sino ang gumawâ, kumathâ ó lumikhâ ng̃ anó mang bagay ay ginágamit ang _ng̃_ sa íisá at _ng̃ mg̃a_ sa dalawá ó marami, hal.: _Ang aklát ay niyarì ng̃ limbagan_, _ang lansang̃a’y ginawâ ng̃ mg̃a tao_.

III KABANATA

Salitâng Pangdiwà (ó Sustantivo)

GURÒ. ¿Anó ang kahulugán ng̃ _salitâng pangdiwà_?

NAG-AARAL. Salitâng pangdiwà, ang bahagi ó pangkát ng̃ kaisipán na tumutukoy ó nagpapakilala ng̃ mg̃a pang̃alan ng̃ tao, hayop ó bagay sang-ayon sa kanyáng kalikasán, diwà ó halagá; hal.: Bahay, tubig, dagat, Pedro, Bulakán. Dapat mabatíd na ang _pangdiwà_ ay maáarìng lumagáy ó lumagì sa kaisipán sa kanyáng sarili lamang, at dahil dito kung kayâ ikinapit ang ganyáng pamagát.

G. ¿Alín ang pang̃ulong bahagi ng̃ pangdiwà?

N. Ang dalawáng itó: _pangdiwà sa bagay_ at _pangdiwà sa tao_.

G. ¿Anó ang pangdiwà sa bagay?

N. Ang náuukol sa madlâng pang̃alan ng̃ tao, hayop ó bagay na karaniwan na tumutukoy sa íisáng panig ó hugis, hal.: tao, pusà, ilog, mg̃a pang̃alang bumabanggít sa lahát ng̃ tao, sa lahát ng̃ pusà at sa lahát ng̃ ilog.

G. ¿Anó namán ang pangdiwà sa tao?

N. Ang náuukol sa tiyák na pang̃alan ng̃ tao, hayop ó bagay upáng mápaibá ó huwág mápalahók sa ibáng pang̃alang tumutukoy rin sa kanyáng panig ó hugis, hal.: _Maynilà_, _Ricardo_, _Bagumbayan_, mg̃a pamagát na bumabanggít sa isáng bayan, sa isáng tao at sa isáng daán ó lansang̃an.

G. ¿Anó ang dapat matantô ukol sa salitâng pangdiwà?

N. Na, sa Wikàng Tagalog, ang pangdiwà’y hindî pabagobago sa kiyás (ó género), hal.: áso, pusà, kabayo, mg̃a salitâng hindî matiyák kung ásong lalaki ó pusàng babae, ó anó man.

G. ¿Pano ang dapat gawín upáng matiyák ang kiyás ng̃ pang̃alan ng̃ isáng tao ó hayop?

N. Ang mg̃a pang̃alang tumutukoy sa tao ó hayop ay dapat dagdagán ng̃ _lalaki_ kung sa kiyás na itó bumabanggít at _babae_ kung dito namán náuukol, upáng mákilala ang tagláy na kiyás ng̃ isá’t isá; hal.: sa batà, batàng lalaki, kung itó ang nais tukuyin, sa pusà, pusàng babae, kung itó namán ang ibig banggitín.

G. ¿Mayroón kayâ sa ating wikà ng̃ mg̃a salitâ ó pang̃alan na sa kaniyáng sarili’y tumutukoy sa lalaki ó sa babae, kahì’t na ang mg̃a itó’y hindî idagdág?

N. Mayroón pò, bagamá’t ang mg̃a salitâng itó’y kákauntî, hal.: _amá_, na sa lalaki tumutukoy, at _iná_ sa babae namán, amaín at ali, binatà at dalaga, bagongtao at binibini, at ibá pa.

G. ¿Anó ang dapat mabatíd ukol sa mg̃a ng̃alan ng̃ tao?

N. Ang mg̃a ng̃alan ng̃ tao na ng̃ayó’y kasalukuyang ginágamit natin, palibhasà’y hirám sa wikàng kastilà ay may sariling kiyás na tagláy, sa makatuwíd bagá’y ang isáng ng̃alan ay nauúnawàan agád kung nahihinggíl sa lalaki ó sa babae; hal.: Claro ó Clara, Domingo ó Dominga, Pascual ó Pascuala.

G. ¿Paano ang paglalagáy sa bilang na dalawá ó marami (ó número plural) ng̃ mg̃a salitâng pangdiwà?

N. Sa dalawáng kaparaanán:

_Una._--Kung pangdiwàng dalisay (ó simple) ay sa pamamagitan ng̃ _mg̃a_, hal.: mg̃a tao, mg̃a bahay, mg̃a hayop, mg̃a bulaklák.

_Ikalawá._--Ang isáng pangdiwàng mayhalò na nagbuhat sa _mag_ ay inúulit ang unang pantíg ng̃ ugát, hal.: mag-iná, mag-amá, magbayáw, ay ginagawâng mag-íiná, mag-áamá, magbábayáw, kung tumutukoy sa dalawá ó marami.

G. ¿Paano ang pagbábaling sa salitâng pangdiwà?

N. Sa pamamagitan ng̃ mg̃a pang-akbáy na _si_ at _ang_ at ang kaníkanyáng sinásakláw. Náitó ang mg̃a halimbawà:

PAGBÁBALING NG̃ PANGDIWÀ

SA NG̃ALAN NG̃ TAO

_Bilang na íisá_ _Bilang na dalawá ó marami_

Pangtukoy Si Lucio. Pangtukoy Siná Lucio. Pang-arì { Ni Lucio. Pang-arì { Niná Lucio. { Kay Lucio. { Kiná ó kaná Lucio. Panglayon { Kay Lucio. Panglayon { Kiná ó kaná Lucio. { Ni Lucio. { Niná Lucio.

SA NG̃ALAN NG̃ BAGAY

_Bilang na íisá_ _Bilang na dalawá ó marami_

Pangtukoy Ang aklát. Pangtukoy Ang mg̃a aklát. Pang-arì { Ng̃ aklát. Pang-arì { Ng̃ mg̃a aklát. { Sa aklát. { Sa mg̃a aklát. Panglayon { Sa aklát. Panglayon { Sa mg̃a aklát. { Ng̃ aklát. { Ng̃ mg̃a aklát.

UKOL SA ILÁNG BAHAGI NG̃ PANGDIWÀ

G. ¿Sa anó pa nabábahagi ang salitâng pangdiwà?

N. Sa tinátawag na _dalisay_ (ó simple) at _mayhalò_ (ó compuesto).[11] Tinátawag na _dalisay_ ang salitâng walâng idinaragdág na anó man sa kanyáng pagigíng salitâ ó kayâ’y ang salitâng tinátawag na ugát, hal.: sanggól, bahay, kahoy, banál. Tinátawag na _mayhalò_ ang salitâng dalisay ó ugát na dinagdagán ng̃ anó mang anyô (ó partícula) magíng sa una ó hulihán kayâ, hal.: kabatàan, kabuhayan, kasalo, pabang̃ó, pag-ibig, pag-asa, atbp.

G. ¿Paano ang mg̃a kaparaanáng ginagawâ nang ang salitâng dalisay ay magíng salitâng mayhalò?

N. Sa mg̃a paraáng sumúsunód:

_Una._--Lahát halos ng̃ mg̃a salitâng dalisay ó ugát na inangkapán ng̃ _ka_ at sinugpung̃án ng̃ _an_ ó _han_ sang-ayon sa mg̃a pangyayari, hal.: buhay, bayan, batà, gandá, buti, linis, atbp. ay nagigíng kabuhayan, kabayanan, kabatàan, kagandahan, kabutihan, kalinisan.

_Ikalawá._--Ang mg̃a salitâng dalisay ó ugát na inangkapán ng̃ _ka_ ay nagigíng mayhalò, na, ang kahulugá’y náuuwî sa may akibat ó may kasama ó may kaakbáy, hal.: salo, sunò, sama, sabáy, piling, sakáy, larô, tulong, atbp. ay nagigíng kasalo, kasunò, kasama, kasabáy, kapiling, kasakáy, kalarô, katulong. Dapat alamíng ang mg̃a itó’y nagbabadyá lamang ng̃ isá sa mg̃a kasama, akibat ó kaakbáy, at kung ibig magsulit ng̃ dalawá ay kailang̃ang angkapán pa ng̃ anyông _mag_, hal.: magkasalo, magkasunò, magkasama, magkasabáy, atbp. Kung nagbabadyá namán ng̃ karamihan ay dapat ulitin ang unang dalawáng pantíg ng̃ ugát, hal.: magkasalosalo, magkasamasama, magkasabaysabáy, atbp.

_Ikatló._--Ang mg̃a salitâng dalisay na maáarìng gawíng pangwatas ay nagigíng mayhalò kung angkapán ng̃ anyông _pa_, hal.: sa dusa ay parusa, sa bang̃ó ay pabang̃ó, sa hiyás ay pahiyás, sa utang ay pautang, sa mana ay pamana, atbp.

_Ikaapat._--Ang mg̃a salitâng dalisay na bumabanggít sa ng̃alan ng̃ mg̃a kamag-anak na inangkapán ng̃ anyông _mag_ ay nagigíng mayhalò na ang kahulugá’y tumutukoy sa dalawá, hal.: amá, iná, bayáw, asawa, pinsan, anák, atbp. ay nagigíng mag-amá, mag-iná, magbayáw, mag-asawa, magpinsan, mag-anák. Kung nais tumukoy sa tatló ó marami ay dapat ulitin ang unang pantíg ng̃ salitâng dalisay, hal.: mag-áamá, mag-íiná, magbábayáw, magpípinsan, atbp.

_Ikalimá._--Ang mg̃a salitâng dalisay na nagbabadyá ng̃ anó man na angkapán ng̃ _pinaka_ ay nagigíng mayhalò na ang kahulugá’y ang bagay na humahalili, hal.: tao, hayop, walís, tinapay, tubig, magulang, iná, amá, alilà, atbp. ay nagigíng pinakatao, pinakahayop, pinakawalís, pinakatubig, pinakaanó, pinakaalilà, atbp.

_Ikaanim._--Ang mg̃a dalisay na tumutukoy din sa mg̃a ng̃alan ng̃ mg̃a kamag-anak ay nagigíng mayhalò kailan ma’t inangkapán ó sining̃itan ng̃ anyông _in_ at inulit ang kanyáng unang pantíg, na ang kahulugá’y ang mg̃a ng̃alang hindî tunay ó hawa lamang, hal.: amá, iná, anák, ali, kapatíd, atbp. ay nagigíng ináamá, iníiná, ináanák, ináali, kinákapatíd.

_Ikapitó._--Ang mg̃a dalisay na tumutukoy sa mg̃a ng̃alan ng̃ bung̃a, ng̃ bulaklák, ng̃ kasangkapan, atbp. ay nagigíng mayhalò kailan ma’t inangkapán ó sining̃itan ng̃ _in_, na ang kahulugá’y ang pagkakatulad ó pagkakáparis, hal.: balimbing, santól, gulay, sampaga, sampagita, kamatsilé, karayom, sandók, tabò, ay nagigíng binalimbing, sinantól, ginulay, sinampaga, sinampagita, kinamatsilé, kinarayom, sinandók, tinabò.

_Ikawaló._--Ilán sa mg̃a salitâng dalisay ay nagigíng mayhalò kung angkapán ó sing̃itan ng̃ _in_ at sugpung̃án ng̃ _an_, na, ang kátuturá’y ang katapusán ng̃ anó man, hal.: kayas, tabas, pilì, atbp. ay nagigíng kinayasan, tinabasan, pinilìan. Kung nagbabadyá ng̃ karamihan, ang _in_ ay dapat dagdagán ng̃ _pag_, na sa madalìáng sabi ay nagigíng _pinag_ at sakâ sugpung̃án ng̃ _an_, hal.: pinagkayasan, pinagtabasan, pinagpilìan.

_Ikasyám._--Gayón ding pagbubuô ang dapat gawín ukol sa pagbabadyá ng̃ iláng ng̃alan ng̃ anó mang bagay na ginamitan, nilagyán ó ginawâng gayón sang-ayon sa ugát na tagláy, hal.: sa pulót ay pinulután, sa gulay ay ginulayan, sa burdá ay binurdahán, sa guhit ay ginuhitan, sa pulá ay pinulahán, atbp.

_Ikasampuô._--Kung iangkáp ang anyông _pang_ sa ibá’t ibáng ugát ay nagigíng pangdiwà, na, ang kahulugá’y ang kasangkapang iginagawâ ng̃ anó man. Dapat lamang alamín na itóng _pang_ ay siyáng bumabago sa iláng titik ng̃ ugát, gaya ng̃ mápupuná sa mg̃a kabanatang haharapín. Halimbawà: panghakot, panghuli, panggapas, pang-ahit, panarók, pamalò, pamahid, pangtunóg, pang̃ahig, panilò, atbp.

PANGDIWÀNG PANGWATAS (Ó VERBAL)

G. ¿Anó ang tinátawag na _pangdiwàng pangwatas_?

N. Yaóng pangdiwàng nagbuhat ó nanggaling sa mg̃a pangwatas.

G. ¿Alínalín ang mg̃a pangdiwàng pangwatas?

N. Ang mg̃a sumúsunód:

1.--Nagagawâng mg̃a pangdiwà ang mg̃a pangwatas na binaybáy sa _um_ sa pamamagitan ng̃ anyông _pag_ na iniangkáp sa mg̃a salitâng ugát, hal.: basa, sulat, lakad, takbó, lang̃óy, kain, araw, ulán, suntók, upô, sigáw, atbp. ay nagigíng pagbasa, pagsulat, paglakad, pagtakbó, paglang̃óy, pagkain, pag-araw, pag-ulán, pagsuntók, pag-upô, pagsigáw.

2.--Nagagawâ ring mg̃a pangdiwà ang mg̃a pangwatas na binaybáy sa _mag_ sa pamamagitan ng̃ anyông _pag_ na iniangkáp sa mg̃a ugát na inulit ang isá ó dalawáng titik ng̃ unang pantíg nitó, hal.: aral, salitâ, saing, lutò, sabi, wastô, masíd, habol, hanáy, buô, lakip, atbp. ay nagigíng pag-áaral, pagsasalitâ, pagsasaing, paglulutò, pagsasabi, pagwawastô, pagmamasid, paghahabol, paghahanáy, pagbubuô, paglalakip.

3.--Ang mg̃a pangwatas na binaybáy sa anyông _mang_ ay nang̃agagawâ ring pangdiwà sa pamamagitan ng̃ anyông _pang_ na inúulit ang unang dalawáng titik ng̃ ugát na binago, tagláy ang kanyáng pagkakabagong malimit mangyari, hal.: huli, isdâ, utang, pulót, puti, bató, tiklóp, pitás, atbp. ay nang̃agigíng panghuhuli, pang̃ing̃isdâ, pang̃ung̃utang, pamumulot, pamumuti, pangbabató, paniniklóp, pamimitás.

4.--Nagagawâ pa ring mg̃a pangdiwà ang mg̃a pangwatas na binaybáy sa _ma_ sa pamamagitan ng̃ anyông _pagká_, na iniáangkáp din sa salitâng ugát, hal.: tuto, tulog, higâ, hulog, takot, gulat, bagód, iníp, atbp. ay nagigíng pagkatuto, pagkahulog, pagkatakot, pagkagulat, pagkabagód, pagkainíp.

PANGDIWÀNG MALIMIT (Ó FRECUENTATIVO)

G. ¿Anó ang tinátawag na _pangdiwàng malimit_?

N. Yaóng nagbabadyá ng̃ kadalasán sa paggawâ ó ginagawâ sang-ayon sa mg̃a gawâ ó kilos ng̃ ugát.

G. ¿Paano ang mg̃a paraán ng̃ pagbubuô sa bagay na itó?

N. Sa ibá’t ibáng kaparaanán:

_Una._--Sugpung̃án ng̃ _an_ ó _han_ sang-ayon sa tuntuning sinúsunód ng̃ salitâng ugát, hal.: sa damó ay damuhán, sa halaman ay hálamanán, sa ikmó ay ikmuhan, sa saging ay saging̃án, sa niyóg ay niyugan, sa kawayan ay káwayanán, sa bahay ay bahayán, sa paligò ay paligùan, sa pusalì ay pusalìán, atbp.

_Ikalawá._--Sugpung̃án din ng̃ _an_ ó _han_ ang ugát, sakâ ulitin ó dalawahín ang unang pantíg nitó, hal.: sa kain ay kakanán, sa silíd ay sisidlán, sa upô ay úupán, sa higâ ay hihigán, atbp.

_Ikatló._--Angkapán ng̃ _ka_ at sugpung̃án ng̃ _an_ ó _han_ ang salitâng ugát, sakâ ulitin ang unang pantíg nitó, hal.: sa tisod ay katitisuran, sa hulog ay kahuhulugan, sa dapâ ay kadadapâan, sa untóg ay kauuntugán, atbp.

_Ikaapat._--Nagagawâ ring pangdiwàng malimit ang iláng mg̃a pangwatas sa kanyáng mg̃a panahóng haharapín, hal.: paghuhukumán, pagbibitayán, pagbabarilán, pagpapatayán, pagbibinyagán, pagbabaunán, atbp.

PANGDIWÀNG KARAMIHAN (Ó COLECTIVO)

G. ¿Anó ang tinátawag na _pangdiwàng karamihan_?

N. Yaóng na sa bilang na íisá ay tumutukoy sa maraming ng̃alan, bagay ó anó man sang-ayon sa lamán ng̃ ugát.

G. ¿Paano ang kanyáng pagbubuô?

N. Sa mg̃a kaparaanáng sumúsunód:

_Una._--Ang iláng salitâng ugát na nagbabadyá ng̃ panahón na angkapán ng̃ anyông _mag_ ay nagsasaysáy ng̃ kabuùan, hal.: sa hapon ay maghapon, sa damág ay magdamág.

_Ikalawá._--Kung iniangkáp ang _sang_ na nagbuhat sa _isá_, ay nagbabadyá ng̃ lahát ó kabuùan ng̃ anó mang bagay na tagláy ng̃ ugát, hal.: sang-oras, sang-araw, sanglinggó, sangbuwán, sangtaón, sangpuô, sangdaán, sanglibo, sanglaksâ, sangyutà, atbp.

_Ikatló._--Sa mg̃a ugát na nagsusulit ng̃ poók ó anó man na angkapán ng̃ _sang_ at sugpung̃án ng̃ _an_ ó _han_ ay nagbabadyá rin ng̃ karamihan ó kabuùan, hal.: sangbahayán, sangbayanán, sangdaigdigan, sangsinukuban, sangtinakpán, atbp.

_Ikaapat._--Kung angkapán ng̃ _sang_ ang mg̃a pangdiwàng mayhalò sa pamamagitan ng̃ _ka_ at _an_ ó _han_ ay nagbabadyá namán ng̃ ganáp na kabuùan, hal.: sangkapulùán, sangkatauhan, sangkalang̃itan, sangkalupàan, at ibá pa.

TALABABÂAN

[11] Ginawâ kong íisáng salitâ ang _mayhalò_ bagamá’t ang katotohana’y dalawá, upáng máitumbás natin sa salitâng _compuesto_ ng̃ kastilà.

IV KABANATA

Salitâng Pangturing (ó Adjetivo)

GURÒ. ¿Anó ang kátuturán ng̃ _salitâng pangturing_?

NAG-AARAL. Salitâng pangturing ay isáng bahagi ó pangkát ng̃ kaisipán na siyáng inilalakip ó idinaragdág sa pangdiwà upáng mabago ó mákilala ang kátuturán nitó.

G. Ang mg̃a salitâng pangturing, ¿sa ilán nabábahagi?

N. Sa dalawá, gaya rin ng̃ pangdiwà: _dalisay_ at _mayhalò_. _Dalisay_ ang salitâng walâng idinaragdág na anó man sa kanyáng pagigíng salitâ, hal.: tamád, pang̃it, duwág, payapà, tahimik. _Mayhalò_ ang salitâng ugát ó dalisay na dinagdagán sa una ó hulihán ng̃ anó mang anyô (ó partícula), hal.: mabuti, mataás, malakí, masamâ, magandá.

G. ¿Marami bagá sa ating wikà ng̃ mg̃a pangturing?

N. Sa mg̃a salitâng dalisay ó ugát ay hindî lubhâng karamihan, samantalàng sa mg̃a salitâng mayhalò ay siyáng lubhâng marami.

G. ¿Pano ang paraáng ginagawâ nang ang mg̃a salitâng ugát ó dalisay ay magíng salitâng mayhalò?

N. Ang karaniwang gawín ukol sa bagay na itó ay dinaragdagán ng̃ _ma_ sa unahán ng̃ salitâng ugát ó dalisay.

Náritó ang isáng tálâán ng̃ mg̃a salitâng ugát ó dalisay na nagigíng salitâng mayhalò sa mg̃a salitâng pangdiwà (ó sustantivo) at sa mg̃a pangturing (ó adjetivo).

_Ugát ó dalisay_ _Salitâng pangdiwà_ _Salitâng pangturing_

Buti Kabutihan Mabuti Samâ Kasamâan Masamâ Pulá Kapulahán Mapulá Lakí Kalakihan Malakí Habà Kahabàan Mahabà Lakás Kalakasan Malakás Bigát Kabigatan Mabigát

Nagigíng salitâng pangturing ang mg̃a ugát na nagbabadyá ng̃ pagkakáparis ó pagkakápantay kailan ma’t inangkapán ng̃ _ka_, hal.: kaparis, katulad, kapara, kawang̃ís, kahambíng, kamukhâ, kawangkî, kapantay, at ibá pa.

Nagigíng pangturing din ang mg̃a ugát na nagsusulit ng̃ pagkakahatì ó kalagayan ng̃ anó man kailan ma’t inangkapán ng̃ _ka_, hal.: kahatì, kaputol, kapiraso, kabiyák, kauntî, kapaták, karampót, atbp.

Nagigíng pangturing pa ang mg̃a ugát na nagsasaysáy ng̃ anó man kailan ma’t inangkapán ng̃ _ka_ at inulit ang buông ugát ó unang dalawáng pantíg nitó, hal.: kagulatgulat, katakottakot, kagitlágitlá, kasindáksindák, kahapishapis, kakilákilabot, katawátawá, kalugódlugód, kaibig-ibig, kaayaaya, atbp. Ang mg̃a pangturing na itó’y maáarì ring sabihin sa pamamagitan ng̃ _naka_ na inulit ang unang pantíg ng̃ ugát, hal.: nakagugulat, nakatatakot, nakagigitlá, atbp.

G. ¿Mayroón pa bagáng ibáng pangturing na nagbubuhat sa ibá?

N. Oo pò na nanggaling sa pangwatas at pinamagatáng _pangturing na malimit_. Náitó ang ibá’t ibáng paraán ng̃ kanyáng pagbubuô.

_Una._--Angkapán ng̃ _ma_ ang salitâng ugát at sugpung̃án ng̃ _in_ ó _hin_ sang-ayon sa sinúsunód na tuntunin, hal.: masintahin, maawàin, mahabagín, maibigín, mawilihín, masuwayin, masunurin, mairugín, at ibá pa.

_Ikalawá._--Angkapán din ng̃ _ma_ at sugpung̃án ng̃ _in_ ó _hin_, sakâ ulitin ang unang dalawáng titik ng̃ unang pantíg ng̃ ugát, hal.: matutulugín, matatawanín, magagalitín, malilimutín, masasaktín, mapapalarín, malulugdín, matatakutín, atbp.

_Ikatló._--Sugpung̃án lamang ng̃ _in_ ó _hin_ ang salitâng ugát, hal.: gálisin, mutàin, bulutung̃ín, pigsahin, hikàin, iyakin, sumbung̃in, tiyanin, bukulin, atbp.

_Ikapat._--Nagigíng pangturing din ang mg̃a panahóng haharapín ng̃ pangwatas na binaybáy sa _mag_, hal.: magsasakâ, magpapandáy, magbabaká, magbababóy, magguguláy, magpapalayók, magpapasán, magbubuhát, atbp.

_Ikalimá._--Nagigíng pangturing pa rin ang mg̃a panahóng haharapín ng̃ pangwatas na binaybáy sa _mang_, hal.: manggagawà, manggugupit, manghahabi, mangwawalís, mang̃ing̃isdâ, mánunubós, máninilâ, mánunulát, mánunulâ, mámamahayág, máng̃ang̃athâ, mánanalaysáy, mánanagalóg, atbp.

_Ikaanim._--Angkapán ng̃ _mapag_ ang mg̃a salitâng ugát, hal.: mapagbirô, mapaglarô, mapagmasíd, mapagpuyát, mapagbulóng, mapaglibák, mapagbiyayâ, mapagdasál, atbp.

_Ikapitó._--Angkapán namán ng̃ _palá_ ang ugát, hal.: palakaín, palainóm, palausáp, palasumpâ, palatakbó, palasulát, palabasá, palasayáw, palasuwáy, palasigáw, palalarô, palabihís, atbp.

