Balarilang Tagalog

Part 2

Chapter 2 3,089 words Public domain Markdown

I.--Ang Pagkilala at ang kaniyáng sakláw 39 II.--Salitâng Pang-akbáy (ó Artículo) 43 Pang-akbáy sa mg̃a ng̃alan ng̃ tao 44 Pang-akbáy sa mg̃a ng̃alan ng̃ bagay 47 III.--Salitâng Pangdiwà (ó Sustantivo) 50 Ukol sa iláng bahagi ng̃ pangdiwà 53 Pangdiwàng pangwatas (ó verbal) 56 Pangdiwàng malimit (ó frecuentativo) 57 Pangdiwàng karamihan (ó colectivo) 58 IV.--Salitâng Pangturing (ó Adjetivo) 59 Ukol sa bilang na dalawá ó marami 63 Sa mg̃a salitâng pangtulad (ó comparativo) 65 Sa mg̃a salitâng pangtaás (ó superlativo) 68 Sa mg̃a salitâng panglakí (ó aumentativo) 69 Sa mg̃a salitâng pangliít (ó diminutivo) 70 Sa ibá pang bahagi ng̃ salitâng pangturing 71 V.--Salitâng Pangtayô (ó Pronombre) 72 Pangtayô sa ng̃alan ng̃ tao (ó personal) 73 Pangtayô sa pagtuturò (ó demostrativo) 79 Pangtayô sa pag-áarì (ó posesivo) 81 Pangtayô sa pagtatanóng (ó interrogativo) 83 Pangtayô sa pagbabalak (ó indeterminado) 85 Sa mg̃a anyông isinásama sa mg̃a pangtayô 85 VI.--Salitâng Pangwatas (ó Verbo) 86 Sa mg̃a pang̃ulong bahagi ng̃ mg̃a anyô 89 VII.--Ukol sa pagbabaybáy (ó conjugación) 93 Sa mg̃a ayos ng̃ pangwatas 93 Sa mg̃a panahón ng̃ pangwatas 94 Sa mg̃a bilang at sa mg̃a katawán 97 VIII.--Ang pangbalak na anyông “um” 98 Mg̃a tuntunin sa pagbabaybáy 99 Kágamitán ng̃ anyông “um” 103 IX.--Ang pangbalak na anyông “mag” 106 Mg̃a panuto sa pagbabaybáy 106 Kágamitán ng̃ anyông “mag” 108 X.--Ang pangtiyák na anyông “in” 113 Hugis ng̃ “in” at ang kanyáng mg̃a tuntunin sa pagbabaybáy 115 Kágamitán ng̃ anyông “in” 119 XI.--Ang pangtiyák na anyông “i” 124 Mg̃a pátakarán sa pagbabaybáy 124 Kágamitán ng̃ anyông “i” 127 XII.--Ang pangtiyák na anyông “an” 129 Mg̃a panuto sa pagbabaybáy 131 Kágamitán ng̃ anyông “an” 133 XIII.--Pangtiyák ng̃ anyông “um” 135 XIV.--Pangtiyák ng̃ anyông “mag” 137 XV.--Ang pangbalak na anyông “mang” 143 Mg̃a tuntunin sa pagbabaybáy 144 Pangtiyák ng̃ anyông “mang” 145 Kágamitán nitóng anyông “mang” 148 XVI.--Ang pangbalak na anyông “ma” 151 Mg̃a pátakarán sa pagbabaybáy 151 Pangtiyák ng̃ anyông “ma” 152 Kágamitán nitóng anyông “ma” 154 XVII.--Pagbabaybáy sa mg̃a anyông pangbalak 156 Huwaran ng̃ unang pagbabaybáy 157 Huwaran ng̃ ikalawáng pagbabaybáy 162 Huwaran ng̃ ikatlóng pagbabaybáy 164 Huwaran ng̃ ikapat na pagbabaybáy 166 XVIII.--Pagbabaybáy sa mg̃a anyông pangtiyák 168 Huwaran sa unang pangtiyák ng̃ “um” 169 Huwaran sa ikalawáng pangtiyák ng̃ “um” 171 Huwaran sa ikatlóng pangtiyák ng̃ “um” 173 Huwaran sa unang pangtiyák ng̃ “mag” 175 Huwaran sa ikalawáng pangtiyák ng̃ “mag” 177 Huwaran sa ikatlóng pangtiyák ng̃ “mag” 179 Huwaran sa unang pangtiyák ng̃ “mang” 181 Huwaran sa ikalawáng pangtiyák ng̃ “mang” 183 Huwaran sa ikatlóng pangtiyák ng̃ “mang” 185 Huwaran sa unang pangtiyák ng̃ “ma” 187 Huwaran sa ikalawáng pangtiyák ng̃ “ma” 189 XIX.--Sa mg̃a pangtulong na anyô ng̃ pangwatas 191 XX.--Ukol sa anyông “maká” 193 Ang kanyáng pangtiyák 195 Kágamitán ng̃ náturang anyô 197 XXI.--Hinggíl sa anyông “magpa” 200 Ang kanyáng pangtiyák 201 Kágamitán ng̃ násabing anyô 203 XXII.--Tungkól sa anyông “pa” 206 Ang kanyáng pangtiyák 207 Kágamitán ng̃ anyông nábanggít 209 XXIII.--Ukol sa anyông “magpaka” 211 Ang kanyáng pangtiyák 212 Kágamitán ng̃ náturang anyô 215 XXIV.--Hinggíl sa anyông “makí” 217 Ang kanyáng pangtiyák 218 Kágamitán ng̃ násabing anyô 219 XXV.--Tungkól sa anyông “magká” 221 Ang kanyáng pangtiyák 222 Kágamitán ng̃ anyông nábanggít 223 XXVI.--Ukol sa anyông “magíng” 224 XXVII.--Hinggíl sa anyông “magsí” 227 XXVIII.--Tungkól sa anyông “magpatí” 229 XXIX.--Ukol sa anyông “manghí” 231 XXX.--Hinggíl sa anyông “magkáng” 234 XXXI.--Tungkól sa anyông “magsa” 236 XXXII.--Salitâng Pangbago (ó Adverbio) 238 Sa ibá’t ibáng bahagi ng̃ pangbago 240 XXXIII.--Salitâng Pang-ukol (ó Preposición) 242 XXXIV.--Salitâng Pangbigkís (ó Conjunción) 245 Pangbigkís sa pag-íisá 245 Pangbigkís sa paghihiwaláy 248 Pangbigkís sa pagsubalì 249 Ukol sa ibáng pangbigkís 250 XXXV.--Salitâng Pangdamdám (ó Interjección) 252 XXXVI.--Ukol sa Pagbabawas (ó Síncopa) 254 XXXVII.--Hinggíl sa Pangdulo (ó Desinencia) 256

IKATLÓNG BAHAGI Paglalakip ó Sintaxis

I.--Ang Paglalakip at ang kaniyáng sakláw 258 II.--Ukol sa pagkakaayon (ó concordancia) 259 III.--Hinggíl sa paghaharì (ó régimen) 261 IV.--Tungkól sa pagbubuô (ó construcción) 266 V.--Ukol sa mg̃a kaisipán (ó oración) 269 VI.--Sa mg̃a kaisipáng dalisay (ó simple) 272 VII.--Sa mg̃a kaisipáng mayhalò (ó compuesta) 274 VIII.--Paglalakip na likhâ (ó Sintaxis figurada) 275 IX.--Mg̃a kamalìán ng̃ salitâ (ó vicios de dicción) 278

IKAAPAT NA BAHAGI Pagsulat ó Ortografía

I.--Ang Pagsulat at ang kanyáng sakláw 282 II.--Hinggíl sa malalakíng titik 283 III.--Paggamit ng̃ iláng titik ayon sa kanyáng tunóg 285 Hinggíl sa _E_ at _I_ 285 Hinggíl sa _O_ at _U_ 286 Hinggíl sa _B_ at _P_ 288 Hinggíl sa _K_ at _G_ 289 Hinggíl sa _D_ at _T_ 291 Hinggíl sa _I_ at _Y_ 292 Hinggíl sa _U_ at _W_ 293 IV.--Tungkól sa kudlít (ó acento ortográfico) 294 V.--Mg̃a tuntunin sa pagkukudlít 295 VI.--Sa mg̃a pang̃ulong tandâ ng̃ pagsulat 301 Ang pangtigil (ó coma) 302 Ang tuldók at pangtigil (ó punto y coma) 303 Ang dalawáng tuldók (ó dos puntos) 305 Ang tuldók (ó punto final) 306 Ang pangsugpông tuldók (ó puntos suspensivos) 306 Ang pangtanóng (ó interrogación) 307 Ang pangtaká (ó admiración) 308 VII.--Sa mg̃a pangtulong na tandâ ng̃ pagsulat 309 VIII.--Ang panghatì at ang paraán ng̃ pagkakabahábahagi ng̃ mg̃a pantíg 311 IX.--Ukol sa pagsulat ng̃ iláng salitâ 313 X.--Tungkól sa mg̃a salitâng hirám 317 XI.--Kung paano ang pagpapalít sa Wikàng Tagalog ng̃ mg̃a titik na walâ sa kanyá 319 Ukol sa c 320 Hinggíl sa ch 320 Tungkól sa f 320 Ukol sa j 321 Hinggíl sa ll 321 Tungkól sa ñ 321 Ukol sa q 321 Hinggíl sa rr 321 Tungkól sa v 322 Ukol sa x 322 Hinggíl sa z 322 XII.--Mg̃a salitâng daglî na malimit gamitin sa Wikàng Tagalog 322

Balarilang Tagalog.

Simulâ.

GURÒ. ¿Anó ang tinátawag na _wikà_ ó _salitâ_?

NAG-AARAL. Tinátawag na _wikà_ ó _salitâ_, ang kabuùan ng̃ mg̃a pang̃ung̃usap at ang mg̃a paraán ng̃ pagsasalitâ sa bawà’t bayan ó bansá.

G. Kung gayón, ¿anó ang tinátawag na Wikàng Tagalog?

N. Tinátawag na Wikàng Tagalog[1] ang wikàng ginágamit ng̃ Katagalugan ó kayâ’y ng̃ mg̃a táong tubò sa gitnâ at ibabâ ng̃ Lusóng[2].

G. ¿Anó ang _Balarilà_ (ó Gramática) ng̃ isáng wikà?

N. Balarilà (ó Gramática) ng̃ isáng wikà ay ang katípunan ng̃ mg̃a panuto (ó arte) hinggíl sa mahusay niyáng pagsasalitâ at ng̃ tumpák na pagsulat.

G. Kung gayón, ¿anó ang _Balarilàng Tagalog_?

N. Balarilàng Tagalog ay ang tumpák na pagsasalitâ at tugmâng pagsulat sa wikàng tagalog.

G. ¿Sa ilán nabábahagi ang Balarilà?

N. Sa apat: _Pagkilala_ (ó Analogía), _Paglalakip_ (ó Sintaxis), _Pagbigkás_ (ó Prosodia) at _Pagsulat_ (ó Ortografía).

G. ¿Anó ang tinátawag na _Pagkilala_ (ó Analogía)?

N. Ang panig ng̃ Balarilà na nagtuturò at nagpapakilala ng̃ káhalagahán at tungkulin ng̃ mg̃a pang̃ung̃usap.

G. ¿Anó ang _Paglalakip_ (ó Sintaxis)?

N. Ang bahagi ng̃ Balarilà na nagtuturò ng̃ mg̃a kaparaanán ukol sa pagbubuô ó paglalakiplakip ng̃ mg̃a salitâ.

G. ¿Anó namán ang _Pagbigkás_ (ó Prosodia)?

N. Ang panig ng̃ Balarilà na nagtuturò ng̃ mg̃a paraán hinggíl sa tuwíd na pagbigkás.

G. ¿At ang _Pagsulat_ (ó Ortografía)?

N. Ang bahagi ng̃ Balarilà na nagtuturò ng̃ angkóp na paggamit sa mg̃a titik at ibá pang mg̃a tandâ na gamit sa pagsulat.

TALABABÂAN

[1] Hindî ko pa máitawag sa matamís at mayamang wikà natin ang pamagát na WIKÀNG PILIPINO na siyá ko sanang nais, sapagkâ’t kung tunay mang ang wikàng itó ni Balagtás ay siyáng kinagigiliwan ng̃ maraming pilipino, malaganap at may mataás na urì kay sa ibá, ay tunay rin namáng hanggá ng̃ayón ay lubhâng marami pa rin ang dî gumágamit sa kanyá, lalòng lalò na ng̃ mg̃a tagá Bisayà, Iloko, Mindanáw, Kapangpang̃an, Panggasinán, at ibá pa. At sakâ na natin iangkóp ang náturang pamagát, sakalìng ang pinapanukalang paglalakiplakip ng̃ ibá’t ibáng wikà na ng̃ayó’y ginágamit sa Pilipinas ay maganáp sa ibáng araw.

[2] Ang mg̃a bayang nagsasalitâ ng̃ wagás na Wikàng Tagalog ay Bagong Esiha, Bulakán, Risál, Bataan, Maynilà, Kabite, Laguna, Tayabas, Batang̃an at Mindoro. May mang̃ilánng̃ilán ding nang̃ung̃usap sa bayang Sambales, Tarlák, at ibá pang kanugnóg nitóng Lusóng.

UNANG BAHAGI

Pagbigkás ó Prosodia[3]

I KABANATA

Ang Pagbigkás at ang kaniyáng sakláw

GURÒ. ¿Anó ang kátuturán ng̃ _Pagbigkás_ (ó Prosodia)?

NAG-AARAL. Ang Pagbigkás ay isáng bahagi ng̃ Balarilà na nagtatatág ng̃ mg̃a panuto sa ikatutuwíd ng̃ pagbibigkás (ó pronunciación) at pagdidiín (ó acentuación) ng̃ mg̃a titik (ó letra), pantíg (ó sílaba), pang̃ung̃usap at kaisipán.

G. ¿Anó ang tinátawag na _tinig_ (ó voz)?

N. Tinátawag na _tinig_ ang tunóg na nilílikhâ ng̃ hang̃ing itinapon ng̃ bagà pagkálabás sa gulunggulung̃án.

G. ¿Anó ang pinamámagatáng _titik_?

N. Ang muntîng bahagi ng̃ tinig pag binigkás ang isáng tunóg na maiklî at malinaw.

TALABABÂAN

[3] Minárapat kong iuná ang bahaging itó ng̃ BALARILA, sapagkâ’t lubhâng kailang̃ang mabatíd muna natin ang náuukol sa Abakadá, bago tayo tumung̃o sa pagkilala ng̃ halagá at tungkulin ng̃ mg̃a pang̃ung̃usap, sa paglalakiplakip nitó, at pagkátapos ang nahihinggíl namán sa tumpák na pagsulat.

II KABANATA

Abakadáng tagalog[4]

GURÒ. ¿Anó ang tinátawag na abakadáng tagalog?

NAG-AARAL. Tinátawag na abakadáng tagalog ang kabuùan ng̃ mg̃a titik na ginágamit sa sariling wikà.

G. ¿Iláng titik mayroón ang ating abakadá?

N. May dalawangpû lamang lahát, at itóng mg̃a sumúsunód:

a, b, k, d, e, g, g̃, h, i, l, m, n, o, p, r, s, t, u, w, y.

G. ¿Paano kung bigkasín ang bawà’t isá?

N. Ang pagbigkás ng̃ bawà’t isá ay ganitó:

a, ba, ka, da, e, ga, ng̃a, ha, i, la, ma, na, o, pa, ra, sa, ta, u, wa, ya.

G. Ang mg̃a titik, ¿sa anó nabábahagi?

N. Nabábahagi ang mg̃a titik sa tinátawag na _ting̃ig_ (ó vocal) at _pangtinig_ (ó consonante).

G. ¿Anó ang tinátawag na _ting̃ig_ (ó vocal)?

N. Tinátawag na ting̃ig (ó vocal) ang titik na maáarìng bigkasín sa kaniyáng sarili lamang at bumubuô ng̃ isáng pantíg (ó sílaba).

G. ¿May ilán ang ting̃ig sa tagalog?

N. Limá: _a_, _e_, _i_, _o_, _u_.

G. ¿Anó namán ang tinátawag na _pangtinig_?

N. Tinátawag namáng pangtinig ang titik na dî máibibigkás sa kanyáng sarili, at itó’y nang̃áng̃ailang̃an ng̃ tulong ng̃ isáng ting̃ig (ó vocal).

G. ¿May ilán namán ang pangtinig sa ating wikà?

N. Labinglimá: _b_, _k_, _d_, _g_, _g̃_, _h_, _l_, _m_, _n_, _p_, _r_, _s_, _t_, _w_, _y_.

TALABABÂAN

[4] Pinamagatáng _abakadá_ sa tagalog ang tinátawag na _alfabeto_ ó _abecedario_ sa kastilà, sang-ayon sa kapasiyahán ng̃ “Samahán ng̃ mg̃a Mánanagalóg,” sapagkâ’t ang pinanggaling̃an at pinagbatayán ng̃ tinurang salitâ ay ang apat na pang̃unang titik sa tagalog na _a_, _b_, _k_, _d_, na kung bibigkasín ay _a_, _ba_, _ka_, _dá_.

III KABANATA

Pagbigkás ng̃ mg̃a ting̃ig (ó vocal)

GURÒ. ¿Paano ang pagbigkás ng̃ _a_ sa wikàng tagalog?

NAG-AARAL. Ang pagbigkás ng̃ _a_ sa ating wikà ay kawangkîng kawangkî ng̃ pagbigkás sa wikàng kastilà, liban lamang kung nagtatagláy ng̃ mg̃a kudlít na mariín (ó agudo) at banayad (ó grave), palibhasà ang tunóg ng̃ mg̃a kudlít na itó’y lubhâng kaibá sa tunóg ng̃ kudlít ng̃ salitâng kastilà.

G. ¿Paano namán ang pagbigkás sa _e_?

N. Ang pagbigkás sa _e_ ay katulad din ng̃ sa kastilà, liban kung may tagláy na kudlít paris nang sinabi sa _a_.

G. Ang _i_, ¿paano namán ang pagbigkás?

N. Ang _i_, sa una at kalagitnâan ng̃ pang̃ung̃usap ay walâng iniwan sa kastilà. Kung nasa sa hulíng pantíg (ó sílaba) ang tunóg ay bumubukás ng̃ kauntî, at may bahagyâng pagkakahawig sa mg̃a salitâng inglés na _sorry_, _carry_, atbp., na ang tinurang tunóg ay isáng pagduduób ng̃ _e_ at _i_.[5]

Halimbawà ang salitâng _lalaki_: ang _i_ dito ay dî ganitó binibigkás, kundî _ie_ ó ang pagduduób ng̃ mg̃a tunóg ng̃ _i_ at _e_.

G. ¿Paano ang pagbigkás sa _o_?

N. Sa gitnâ ng̃ pang̃ung̃usap ay paris din sa kastilà ng̃unì’t sa katapusán ang kanyáng tunóg ay nagigíng katumbás ng̃ _ou_.

G. At ang _u_, ¿paano kung bigkasín?

N. Ang pagbigkás sa _u_ ay katulad din ng̃ sa kastilà kailan ma’t na sa gitnâ ng̃ pang̃ung̃usap.

G. ¿Ang _o_ at _u_ ay magkawang̃ís bagá?

N. Hindî pò, sapagkâ’t ang isá’t isá ay may sariling tunóg at may sariling kágamitán.

G. Kung may sariling tunóg ang bawà’t isá, ¿bakit ang _o_ ay nagigíng katumbás ng̃ _ou_ sa katapusán ng̃ pang̃ung̃usap?

N. Ang bagay na iyá’y isáng pagduduób ng̃ _o_ at _u_, pagbigkás ó tunóg na katutubò sa mg̃a dilàng tagalog na siyáng sanhî ng̃ ipinaghihirap sa pagbigkás ng̃ mg̃a europeo.

Halimbawà ang salitâng _utos_: ang _o_ dito ay dî ganyán dapat bigkasín paris bagá ng̃ pagkakásulat kundî ang paglalakip ng̃ tunóg na _o_ at _u_ ay siyáng nárarapat gawín.

G. Sa ganitóng pag-áalang̃aning pagbigkás na nangyayari magíng sa _e_ at _i_ at magíng sa _o_ at _u_ sa katapusán ng̃ salitâ, ¿ay paano ang tumpák na pagsulat na dapat sundín?

N. Ang pag-áalang̃ang pagsulat na ibinubung̃a ng̃ ganyáng pagduduób, gaya ng̃ _lalaki_ ó _lalake_, _utos_ ó _utus_, atbp., ay maliliwanagan sa bahagi ng̃ Pagsulat (ó Ortografía).

TALABABÂAN

[5] Sa matandâng kasulatan natin ay tatlóng ting̃ig (ó vocal) lamang ang kinikilala: isá’y ang _a_, ikalawá’y ang _e-i_ at ikatló’y ang _o-u_.

IV KABANATA

Pagbigkás ng̃ mg̃a pangtinig (ó consonante)

GURÒ. ¿Anóng tunóg mayroón ang mg̃a pangtinig na _b_, _l_, _m_, _n_, _p_, _s_, _t_ at _y_?

NAG-AARAL. Ang tunóg ng̃ madlâng titik na itó ay kaparis din ng̃ sa kastilà, kailan ma’t may kasakasamang ting̃ig (ó vocal).

G. ¿Anó ang tunóg ng̃ _k_?

N. Ang tunóg ng̃ _k_ ay katumbás ng̃ _ca_, _co_, _cu_, at _qua_, _que_, _qui_, _quo_, _quu_ sa kastilà, hal.: _cuadro_, _caballo_, _querubín_, atbp., ay nagigíng _kuadro_, _kabayo_, _kerubín_.

G. ¿Anó ang kabutihang idinudulot ng̃ _k_ sa tagalog?

N. Marami pò: unang una ay nagigíng madalî ang pag-áaral at pagtuturò, at ikalawá’y siyáng angkóp na angkóp sa mg̃a pang̃ung̃usap natin.

G. ¿Anóng tunóg mayroón ang _d_?

N. Ang tunóg ng̃ _d_ ay kawang̃ís sa kastilà kailan ma’t na sa una at hulihán ng̃ salitâ; ng̃unì’t nagigíng _r_ kailan ma’t pinagigitnâan ng̃ mg̃a ting̃ig (ó vocal) at ang sinusundán niyá ay dî katapusán ng̃ pang̃ung̃usap. Halimbawà: _mARAmi_, _mARIlág_, _kARAmdaman_, _mabutI RIto_, _masam RIyan_, atbp. Dátapwâ’t kung sinusundán ng̃ pangtinig (ó consonante), ó dî kayâ’y pinakasimulâ ng̃ salitâ ay dî na dapat baguhin ó paltán. Halimbawà: _buhaT Dito_; _sulonG Diyán_; _dumito ka katotO, Diyán ay mápapahamak ka_. Dapat ding mabatíd na dî sa tuwîtuwî na’y dapat baguhin, hal.: _madalî_ at dî _maralî_; _madilím_ at dî _marilím_; _madilat_ at dî _marilat_, atbp. At dapat ding matantô na, kapág ang mg̃a pangtinig (ó consonante) na _w_ at _y_ ang siyáng sinusundán ay nárarapat ding baguhin; hal.: _buháY Rin siyá_, _sumigaW Rito_, atbp.

G. Ang _g_ ¿paano namán ang tunóg?

N. Ang _g_ sa wikàng tagalog ay malumanay kung bigkasín, dî gaya sa kastilàng malakás. Nakákatumbás niyá ang _gua_, _gue_, _gui_ sa kastilà, bagamá’t walâng _u_ sa gitnâ; hal.: _gintô_, _gising_, _pigíng_, _lagì_, atbp.

G. ¿Anó namán ang tunóg ng̃ _g̃_?

N. Ang tunóg nitó ay nagbubuhat sa ilóng at tumutulóy sa lálamunan. Ang lalòng magaling at angkóp na pagbigkás ay anyông pahumál.

G. ¿Anó ang káhalagaháng dapat idulot ng̃ _g̃_ sa ating wikà?

N. Ang _g̃_ na katumbás ng̃ _ng̃_ ay nápakamahalagá, pagkâ’t bukód sa siyáng tang̃ìng titik na makasusunód sa ating mahirap at magandáng pagbigkás na, ang tunóg ng̃â’y sa ilóng at lálamunan (nasal-gutural) at siyáng ikaiibá sa ibáng wikà, ay siyá pang madalî, malinaw at tugmâng tugmâ sa pahumál na pagbigkás, na lubhâng marami sa wikà natin[6].

G. ¿Paano kung bigkasín ang _h_?

N. Ang _h_ sa tagalog ay may hang̃in kung bigkasín, at itó’y hindî náwawang̃ís sa _h_ ng̃ kastilà: mana pa’y nálalapit ng̃ bahagyâ sa _j_ bagamá’t marahan dito; hal.: _halík_, _hawíg_, _luhà_, _buhò_, at ibá pa.

G. Ang _r_, ¿paano kung bigkasín?

N. Ang pagbigkás sa _r_ ay malumanay. Dapat matantô na ang titik na itó’y mahirap makita sa simulâ ng̃ salitâ, bagamá’t may mang̃ilánng̃ilán din, paris ng̃ _rahuyo_, _rahá_, atbp. Sa hulí ó katapusán ay lalò ng̃ walâ, bagamá’t noóng dakong una ay palasák na palasák ang paggamit, at sa lugál niyá’y _d_ ang náhalili.[7] Sa gitnâ ng̃ pang̃ung̃usap ay malimit gamitin kailan ma’t napapagitnâan ng̃ dalawáng ting̃ig (ó vocal).

G. ¿Anó namán ang tunóg ng̃ _w_?

N. Ang _w_ ay isáng bago at mahalagáng titik na náparagdág sa tagalog. Lubhâng nápabuti at nápatumpák ang maraming salitâ dahilán sa kanyá. Sa dating bigkás na _kalabao_, _arao_, _sing̃ao_, _ilao_, atbp., ay nagíng _kalabáw_, _araw_, _sing̃áw_, _ilaw_, na siyáng tumpák na tumpák. Siyá rin ang nagíng kahalili ng̃ ting̃ig _u_, hal.: _wikà_, _walâ_, _káluluwá_, _tuwâ_, atbp., sa dating _uica_, _uala_, _kaloloua_, _toua_.[8]

TALABABÂAN

[6] Ang palagáy ni G. Mariano Ponce sa aklát na _Guillermo Tell_ ni Rizal hinggíl sa pag-áalís ng̃ kudlít sa _g̃_ at isulat ng̃ _ng_ na walâng kudlít sa itaás, pag-áalís na nagkakahulugán ng̃ pagpawì sa titik na _g̃_ ay dinaramdám kong dî sang-ayunan gaya rin namán ng̃ dî pagsang-ayon ng̃ maraming mánunulát at mánanagalóg. Ang násabing ginoó ay nagbitíw ng̃ mararami at maháhalagáng katwirang pinagbábatayán niyá, na ang isá’y násasalig sa ibá’t ibáng wikà at ang ikalawá’y ang kapansanang mangyayari sa _g̃_ sakalìng magpalimbág sa ibáng lupà ng̃ mg̃a kasaysayang tagalog. Akó man sana ay talagáng sang-ayon na rito, dang̃a’t dî maamin niyaring kalooban ang pagtatapon sa titik na bugtóng at katutubò na siyáng pinakadiwà ng̃ ating wikà at siyáng katang̃ìán sa ibá. Bukód sa rito, ang _g̃_ ay siyáng angkóp na angkóp sa pagbigkás at tunóg ng̃ ating mg̃a pang̃ung̃usap. At kung ang titik na iyá’y ating papawiin at papaltán ng̃ ibá, marahil ang mg̃a salitâ natin ay magigíng garíl kung bigkasín. At tang̃ì pa rin dito, yamang isinaád ni Risál na: “ang sulat tagalog ay dapat magíng sulat tagalog,” kung gayón, upáng matupád ang dakilàng salitâng itó ng̃ magiting na bayani ay dapat gamitin natin ang _g̃_ na siyáng katutubò at siyáng diwà ng̃ wikà ni Balagtás.

[7] Noón ng̃âng araw ay malimit gamitin ang _r_ sa katapusán ng̃ pang̃ung̃usap, at ang madalás gumamit nitó’y ang mg̃a parì sa kaniláng pang̃ang̃aral at sa kaniláng mg̃a kasulatan at dásalan, paris sa halimbawà ng̃ _capatír_, _bacor_, _lubir_, atb., sa lugál na sabihing _kapatíd_, _bakod_, _lubid_. Sa iláng bayan ng̃ Batang̃an ay gayón din ang pagbigkás, at kung dî akó malî ay hindî nagbabago hanggá ng̃ayón.

[8] Noóng mg̃a panahóng lumipas, palibhasà ang _w_ ay dî pa nátutuklás na gamitin sa ating wikà, kung kayâ ang ginágamit sa lugál niyá (paris ng̃ sinabi ko) ay ang ting̃ig _u_ gaya sa mg̃a salitâng _uica_, _uala_, atbp. At sanhî sa kadahilanang itó kung kayâ sa _Ensayo de Gramática Hispano-Tagala_ ni Fr. Minguella ay ipinalagay tulóy na ang _ua_ at _ui_ ay diptongo, pagpapalagáy na walâng katotohanan sapagkâ’t walâ nitó sa mg̃a salitâng wagás na tagalog.

V KABANATA

Tungkól sa mg̃a pantíg (ó sílaba)

GURÒ. ¿Anó ang kátuturán ng̃ _pantíg_ (ó sílaba)?

NAG-AARAL. _Pantíg_ sa ting̃ig ng̃ _Pagbigkás_, ang tunóg ng̃ isá ó iláng titik na ibinibigkás na biglâ ng̃ tinig, (ó voz) at ang pakinig namá’y warìng tinatanggáp ng̃ minsanan.

G. ¿Maáarì bagáng magkaroón ng̃ pantíg kung walâng ting̃ig isá man?

N. Hindî pò: magkakároón ng̃ pantíg kailan ma’t may isáng ting̃ig (ó vocal) na kasama.

G. ¿Iláng titik maáarìng magtagláy ó bumuô ng̃ isáng pantíg?

N. Ang isáng pantíg ay maáarìng magtagláy ng̃ isá, dalawá, tatló ó apat na titik, hal.: _ó_, _sa_, _din_, _kung_.

G. ¿Anó ang tuntuning pangkahalatán (ó regla general) ukol sa pagbigkás ng̃ mg̃a pantíg sa mg̃a salitâng wagás na tagalog?