Balarilang Tagalog

Part 16

Chapter 16 3,359 words Public domain Markdown

N. Ang binubuô lamang ng̃ pangwatas na may ganitóng urì, at walâng tagláy na pang̃ulo ni pangtung̃o, hal.: Umulán, bumagyó, humang̃in, lumindól, kumulóg, kumidlát, umumaga, gumabí, humápon.

G. ¿Anó ang kaisipáng tinátawag na _pangbalak_ (ó activa)?

N. Ang kaisipáng may pangwatas na ganitóng hugis.

G. ¿Sa ilán nabábahagi ang kaisipáng pangbalak?

N. Gaya na ng̃ násabi ay sa dalawá: _pang̃una_ at _pang̃alawá_.

G. ¿Anó ang kaisipáng _pang̃una ng̃ pangbalak_?

N. Ang binubuô ng̃ pang̃ulo, ng̃ pangwatas na kanyáng pinaghaharìan, at ng̃ pangtung̃ong tapát (ó directo), hal.: _Si Beloy ay gumawâ ng̃ bahay_; _ang ibon ay kumain ng̃ saging_.

G. ¿Anó ang kaisipáng _pang̃alawá ng̃ pangbalak_?

N. Ang binubuô lamang ng̃ pang̃ulo at ng̃ pangwatas na pinaghaharìan niyá, hal.: _Si Yoyong ay naglulutò_; _ang batà’y bumabasa_.

G. ¿Anó ang kaisipáng _pangtiyák_ (ó pasiva)?

N. Ang binubuô ng̃ pang̃ulo, ng̃ pangwatas na nasa pangtiyák, at ng̃ pangtung̃ong pinaghaharìan ng̃ _ni_ ó _ng̃_, alinsunod sa ng̃alan ng̃ tao ó bagay, hal.: _Ang lupà ay hinukay ni Lucio_; _ang damít ay kinahig ng̃ manók_.

G. ¿Paano ang pagtutumbalík ng̃ isáng kaisipáng pang̃una ng̃ pangbalak sa isá namáng pangtiyák?

N. Dapat munang mabatíd na ang kaisipáng pang̃una ng̃ pangbalak ay binubuô ng̃ pang̃ulo ng̃ pangwatas at ng̃ pangtung̃ong tapát. Sa pangtiyák, itóng pangtung̃ong tapát ay siyáng ginagawâng pang̃ulo, at ang pangwatas na pangbalak ay inilálagáy sa pangtiyák, at ang pang̃ulo sa kaisipáng pangbalak ay nagigíng pangtung̃o sa kaisipáng pangtiyák sa pamamagitan ng̃ _ni_ ó _ng̃_, hal.: _Ang bahay ay ginawâ ni Beloy_, _ang saging ay kinain ng̃ ibon_.

G. ¿Paano namán kung ibig itumbalík sa pangbalak ang isáng kaisipáng pangtiyák?

N. Dapat gawíng pabaligtád, ó sa malinaw na sabi’y kunin ang pangtung̃o na may daláng pang-akbáy at siyáng gawíng pang̃ulo, ang pangwatas ay ilagáy sa pangbalak, at ang pang̃ulo’y dapat namáng ilagáy sa pangtung̃ong tapát, hal.: _Si Beloy ay gumawâ ng̃ bahay_.

VII KABANATA

Sa mg̃a kaisipáng mayhalò (ó compuesta)

GURÒ. ¿Paano ang pagkakabuôbuô ng̃ mg̃a kaisipáng mayhalò?

NAG-AARAL. Sa dalawáng kaparaanán: una, ang gayón ding ayos ng̃ pangwatas na walâng namamagitnâng ibá pang salitâ na siyáng naglalakip sa dalawáng kaisipán, at ikalawá’y ang gayóng hugis na may namamagitnâng ibáng pang̃ung̃usap; hal.: sa unang paraán: _Ang harì ay nananaog sa hagdán_, _ang mg̃a tao’y nagtiting̃inan sa kanyá_.

G. ¿Anó ang dapat mabatíd ukol sa mg̃a kaisipáng ganitó?

N. Ang pagtatang̃ì sa tinátawag na pang̃ulong kaisipán (ó oración principal) na may kahulugáng ganáp, at ang tinátawag na panghulíng kaisipán (ó oración accesoria) na siyáng nagbibigáy ng̃alan sa kanyá.

G. Sa halimbawàng binanggít, ¿alín ang pang̃ulong kaisipán at alín ang panghulí?

N. Ang pang̃ulong kaisipán ay itó: _Ang mg̃a tao’y nagtiting̃inan sa kanyá_. Ang panghulí ay itó namán: _Ang harì ay nananaog sa hagdán_.

G. ¿Anóng salitâ ang dapat ipagitnâ sa paglalakip ng̃ dalawáng kaisipán?

N. Ang salitâng _na_, hal.: _ang bayan NA nakikiníg ng̃ayón, ay siyáng nagpapatotoó_. Ang pang̃ulong kaisipán sa halimbawàng itó ay: _ang bayan ay siyáng nagpapatotoó_; ang panghulí ay: _na nakikiníg ng̃ayón_. Sa unang kaisipán, ang pang̃ulo’y _ang bayan_; at sa ikalawá, ang pang̃ulo’y _ang bayan_ din, ng̃unì’t itó’y kinakatawanán ng̃ salitâng _na_.

VIII KABANATA

Paglalakip na likhâ (ó Sintaxis figurada)

GURÒ. ¿Anó ang _paglalakip na likhâ_?

NAG-AARAL. Yaóng paglalakip na, sa ikalálakás ó ikagagandá ng̃ pagbabadyá ay nagpapáhintulot na baguhin ang likás na ayos ó hanáy ng̃ mg̃a pang̃ung̃usap, bawasan ó dagdagán, ng̃ ilán ó lumabág kayâ sa mg̃a tuntunin ng̃ Paglalakip; hal.: _Dinggín mong mataós sa iyóng pusò ang kalunoslunos na daíng ng̃ mg̃a dukhâ, ng̃unì’t huwág pagpupuri ang iyóng iukol sa halakhák ng̃ mayayaman_.

G. ¿Paano dapat ilagáy ang mg̃a salitâng itó sang-ayon sa sinúsunód na mg̃a tuntunin ng̃ paglalakip na likás?

N. Sa ganitóng ayos: _Ang kalunoslunos na daíng ng̃ mg̃a dukhâ ay dinggín mong mataós sa iyóng pusò, kay sa mg̃a halakhák ng̃ mayayaman, ng̃unì’t huwág pagpupuri ang iyóng iukol_.

G. ¿Ilán at alínalín ang mg̃a pahintulot sa pagbubuô (ó figuras de construcción)?

N. Limá: _pagpapalít_ (ó hipérbaton), _pagkukulang_ (ó elipsis), _paglalabis_ (ó pleonasmo), _pagtatanyág_ (ó silepsis) at _paglilipat_ (ó traslación).

G. ¿Anó ang tinátawag na _pagpapalít_ (ó hipérbaton)?

N. Ang pagkakapalítpalít ó pagkakabagobago ng̃ likás na hanáy ng̃ mg̃a pang̃ung̃usap, hal.: _Hinukay ni Lukas ang lupà_; _nahalò ang bigás sa palay_; na, kung iayon sa talagáng tuntunin ay ganitó dapat sabihin: _ang lupà’y hinukay ni Lukas_; _ang bigás ay nahalò sa palay_.

G. ¿Ang lahát bang salitâ ay maáarì ng̃ gamitin sa paraáng itó?

N. Hindî pò, at ang katunaya’y mayroóng mg̃a pangkát ng̃ kaisipán na hindî maáarìng pagpalitín, gaya ng̃ pang-akbáy, pang-ukol at pangbigkís. Halimbawà’y hindî maáarìng gawíng ganitó: _Lucio SI_; _aklát ANG_; _bahay bató NA_; _tubig Mariláw SA_; atbp., sa lugál na sabihing: _Si Lucio_, _ang aklát_, _bahay na bató_, _tubig sa Mariláw_.

G. ¿Anó ang tinátawag na _pagkukulang_ (ó elipsis)?

N. Ang pag-áalís ng̃ iláng pang̃ung̃usap, na sa biglâng ting̃ín ó paggamit ay walâng halagá, ng̃unì’t lubhâng kailang̃an kung pakasusurìin at iáayon sa tuntuning likás ng̃ pagbubuô. Ginágamit ditong malimit ang mg̃a salitâ sa paggalang ó pagbabatìán, na sa kálawigang totoó ng̃ mg̃a pang̃ung̃usap, kung kayâ’y ináalís ang ilán at ang binibigkás lamang ay yaóng mahalagá na mawawatasan ng̃ kausap.

Madalás nating marinig ang mg̃a bigáy-galang na: _Magandáng araw pò_; _tao pò_; at ang tanóng na _¿anó?_ Sa mg̃a pang̃ung̃usap na itó ay may iláng inalís, at ang talagáng dapat sabihin ay ganitó: _Bigyán ka pò_ (ó _kayó_ ó _silá_) _ng̃ magandáng araw_; _may táong tumatawag_ ó _humahanap_ at _¿anó ang ibig mo?_ ó _¿anó ang sinabi mo?_

G. ¿Anó ang tinátawag na _paglalabis_ (ó pleonasmo)?

N. Ang pagdaragdág ng̃ iláng salitâ na hindî kailang̃an ó labis, ng̃unì’t nagbibigáy ng̃ magandáng pagbabadyá at nagpapalayô sa mg̃a álinlang̃an ng̃ ibig sabihin ó ipatunay, hal.: _Ang ibo’y nakita ko NG̃ AKING MG̃A MATÁ_; _ang ugong ay NARINÍG NG̃ AKING TAING̃A_. Sa mg̃a halimbawàng itó’y labis ang mg̃a salitâng _ng̃ aking mg̃a matá_, at _ng̃ aking taing̃a_, at sukat nang sabihing: _ang ibo’y nakita ko_, at _ang ugong ay aking nariníg_.

Gayón din ang sukat másabi sa mg̃a salitâng: _umakyát SA ITAÁS_, _pumanaog SA IBABÂ_, _lumipád SA HIMPAPAWÍD_, _lumang̃óy SA TUBIG_, sapagkâ’t ang katotohana’y labis ang mg̃a salitâng _sa itaás_, _sa ibabâ_, _sa himpapawíd_, _sa tubig_, palibhasà’y hindî mangyayaring umakyát sa ibabâ, pumanaog sa itaás, lumipád sa lupà, ni lumang̃óy sa katihan; ng̃unì’t ang mabuting paggamit ay pinagtitibay ang ganitó.

G. ¿Anó ang _pagtatanyág_ (ó silepsis)?

N. Ang ginagawâng pagkakaayon (ó concordancia), na ang ináalam ay hindî ang mg̃a pang̃ung̃usap kundî ang itinatanyág ó kinakatawanán. Sa ating wikà, ang mg̃a pangtayô sa ng̃alan ng̃ tao (ó pronombre personal) na _kayó_ at _silá_ na kapuwà na sa bilang na dalawá ó marami (ó plural), ay malimit gamitin sa bilang na íisá kapág tumutukoy sa paggagalang̃an, gaya ng̃: _KAYÓ pò G. Agustin ang tinutukoy ko_; _SILÁ pò’y si G. Aguilar_, na maáarì rin namáng sabihin at siyá ng̃âng katumbás na: _ikáw pò G. Agustin_, _siyá pò’y si G. Aguilar_.

G. ¿Anó ang _paglilipat_ (ó traslación)?

N. Ginágamit itó sa iláng mg̃a panahón ng̃ pangwatas na may kátuturáng kung pagkasusurìing maigi ay hindî angkáp kayâ’t kailang̃ang halinhán ó ilipat sa ibáng panahón, gaya ng̃ madalás sabihing: _BABASA akó ng̃ayón_ sa lugál na _BUMABASA akó ng̃ayón_; _huwág kang TUMAKBÓ_ sa lugál na _huwág kang TATAKBÓ_; _huwág kang KUMAIN_ sa dapat sabihing _huwág kang KAKAIN_, at ibá pa.

IX KABANATA

Mg̃a kamalìán ng̃ salitâ (ó vicios de dicción)

GURÒ. ¿Alínalín ang mg̃a kamalìáng dapat mailagan magíng sa pagsasalitâ at magíng sa pagsulat?

NAG-AARAL. Ang mg̃a pang̃ulong kamalìán ay itóng mg̃a sumúsunód: _kaibhán_ (ó barbarismo), _kasiràán_ (ó solecismo), _kakulitán_ (ó cacofonía), _kalabùan_ (ó anfibología) at _kahirapan_ (ó pobreza).

G. ¿Anó ang tinátawag na _kaibhán_ (ó barbarismo)?

N. Ang kakulang̃áng nangyayari laban sa mg̃a tuntunin at kalikasán ng̃ wikà. Sinásakláw ng̃ kamalìáng itó ang mg̃a bahaging _Pagkilala_, _Pagbigkás_ at _Pagsulat_.

G. ¿Alínalín ang mg̃a _kaibháng_ nangyayari sa Pagsulat?

N. Ang mg̃a sumúsunód:

_Una._--Kudlitán ang mg̃a pang̃ung̃usap na hindî dapat kudlitán, gaya ng̃ _náyon_, _báyan_, _pagsílang_, _paggíliw_ atbp.; sa lugál na _nayon_, _bayan_, _pagsilang_, _paggiliw_.

_Ikalawá._--Gamitan ng̃ ibáng kudlít ang mg̃a salitâng may sariling kudlít na tagláy, gaya ng̃ _susó_, _laró_, _lahî_, _wikâ_, _binhì_, _ng̃itì_, atbp.; sa dapat gawíng _susô_, _larô_, _lahì_, _wikà_, _binhî_, _ng̃itî_.

_Ikatló._--Gawíng salitâng pagbabawas (ó síncopa) ang pang̃ung̃usap na hindî maáarìng gawíng ganitó, gaya ng̃ _dwág_, _hwág_, _twíd_, _bwíg_, _bwán_, _bwál_, _twád_, _twî_, atbp. sa lugál na _duwág_, _huwág_, _tuwíd_, _buwíg_, _buwán_, _buwál_, _tuwád_, _tuwî_.

_Ikaapat._--Hatìin ng̃ masamâng paghahatì ang mg̃a salitâ, gaya ng̃ _ku-dlít_, _tu-klóng_, _pa-tláng_, _ma-twíd_, _ba-dyá_, _bi-gwás_, atbp.; sa dapat gawíng _kud-lít_, _tuk-lóng_, _pat-láng_, _mat-wíd_, _bad-yá_, _big-wás_.

_Ikalimá._--Sulating masamâ ang mg̃a pang̃ung̃usap, gaya ng̃ _mabutE_, _lalakE_, _pulEs_, _alipEn_, _butU_, _tubU_, _kutUs_, _utUs_, _sukaP_, _hikaP_, _haráB_, _higoB_, _suntoG_, _bagsíG_, _lamíK_, _baníK_, _lipáT_, _sisiT_, _awiD_, _sapoD_, _haKdán_, _baKság_, _puGpóG_, atbp.; sa dapat gawíng _mabuti_, _lalaki_, _pulís_, _alipin_, _butó_, _tubó_, _kutós_, _utos_, _sukáb_, _hikáb_, _haráp_, _higop_, _suntók_, _bagsík_, _lamíg_, _baníg_, _lipád_, _sisid_, _awit_, _sapot_, _hagdán_, _bagsák_, _pukpók_.

_Ikaanim._--Gamitin ang isáng salitâng hindî angkáp sa talagáng kátuturán, hal.: _SINIPÌ ko ang magandáng talumpatì ni Osmeña_, sa dapat sabihing _hinaláw_ ko, atbp.; sapagkâ’t ang isáng nakikiníg ay hindî mangyayaring sumipì ng̃ isáng talumpatì kundî humaláw lamang. _Sumipì_ ay kuning buông buô, at _humaláw_ ay kunin ang bahaging lalòng mahalagá.

G. ¿Anó ang tinátawag na _kasiràán_ (ó solecismo)?

N. Ang pagsirà sa iláng pátakarán ng̃ Paglalakip sa mg̃a bahagi niyáng _pagkakaayon_, _paghaharì_ at _pagbubuô_.

G. ¿Alín ang mg̃a kasiràáng nangyayari sa pagkakaayon?

N. Itóng mg̃a sumúsunód:

_Una._--Ukol sa bilang (ó número), hal.: _ang ibon at isdâ ay MAGANDÁ_; _ang tao at hayop ay MAMAMATÁY_; sa dapat sabihing _ang ibon at ang isdâ ay magagandá_; _ang tao at hayop ay mang̃amamatáy_.

_Ikalawá._--Ukol sa lagáy (ó caso), hal.: _Ang batà’y bumilí ng̃ aklát, AT ANG AKLÁT NA ITÓ’Y itinapon lamang_; sa lugál na sabihing: _ang batà’y bumilí ng̃ aklát, at itó’y itinapon lamang_.

_Ikatló._--Hinggíl sa katawán (ó persona), hal.: _KAYÓ ay marunong_, _itóng bahay ay ATIN_, sa dapat sabihing _ikáw ay marunong_, _itóng bahay ay amin_.

G. ¿Alín ang kasiràáng nagagawâ sa paghaharì?

N. Magkapalitan ang mg̃a pang-ukol (ó preposición), hal.: _máng̃ang̃alakál SA abaká_; _nagmamayarî SA bahay_; sa dapat sabihing _máng̃ang̃alakál ng̃ abaká_; _nagmamayarî ng̃ bahay_.

G. ¿Alín ang kasiràáng nangyayari sa pagbubuô?

N. Ang masamâng pagkakálagáy ng̃ mg̃a pang̃ung̃usap, hal.: _may siyáng bayabas_, sa lugál na sabihing _may bayabas siyá_.

G. ¿Anó ang tinátawag na _kakulitán_ (ó cacofonía)?

N. Ang masamâng tunóg na nilílikhâ ng̃ pagkakaulitulit ng̃ mg̃a pantíg ó mg̃a titik na may íisáng hugis, hal.: _ang naSÀ’Y pasaSÂ ng̃ maririwaSÂ_; _ang laNG̃ITNG̃IT ng̃ saHIG ay nakatutuLIG_; _ang huNI NI NInoy ay marahan_.

G. ¿Sa tuwîtuwî na ba’y masamâ ang ganitóng pagkakaulitulit?

N. Hindî pò, sapagkâ’t ang kadalasá’y nagigíng magandá at tumpák, palibhasà’y nagkakaroón ng̃ tamís at lambíng ang gayóng pagpaparisparis, lalò na kung gugunitâing sa Wikàng Tagalog ay totoóng malimit ang ganyáng tunóg.

G. ¿Anó ang _kalabùan_ (ó anfibología)?

N. Ang kadilimáng ibinubung̃a ng̃ hindî tumpák na pagkakásalansán ng̃ mg̃a pang̃ung̃usap, hal.: _Mg̃a damít pará sa mg̃a lalaking matitibay_, sa dapat gawíng: _mg̃a damít na matitibay pará sa mg̃a lalaki_.

G. ¿Anó ang _kahirapan_ (ó pobreza)?

N. Ang madalás na paggamit ng̃ isáng pang̃ung̃usap sa maraming salitâng tinutukoy, hal.: _Ang bagyó ay SUMIRÀ ng̃ bahay, ng̃ halaman, ng̃ simbahan, ng̃ tuláy, ng̃ lansang̃an_, atbp. Ang halimbawàng itó’y dapat sabihin ng̃ lalòng marikít sa ating wikà: _Ang bagyó ay siyáng sumirà ng̃ bahay, pumalís ng̃ halaman, nagpaguhô ng̃ simbahan, nagpagibâ ng̃ tuláy, nagpasamâ ng̃ lansang̃an_, atbp. Ang kahirapan ay hindî dapat pairalin sa may mayayamang salitâ gaya ng̃ tagalog, sapagkâ’t náwawalâ ang gandáng dapat madiníg at nagpapasirà sa kayamanang tagláy ng̃ isáng wikà.

IKAAPAT NA BAHAGI

Pagsulat ó Ortografía

I KABANATA

Ang Pagsulat at ang kanyáng sakláw

GURÒ. ¿Anó ang _Pagsulat_ (ó Ortografía)?

NAG-AARAL. Pagsulat, ay isáng Bahagi ng̃ Balarilà na nagtuturò ng̃ tumpák na pagsulat, sa mabuting pagkakaayawayaw ng̃ mg̃a titik at ng̃ mg̃a ibá pang tandâng ginágamit.

G. ¿Anó ang kaibhán ng̃ Pagsulat (ó Ortografía) sa tinátawag na Kaligrapía?

N. Na, ang Pagsulat (ó Ortografía) ay nagtuturò ng̃ paggamit na dapat gawín sa mg̃a titik, gayón sa mg̃a kudlít at sa mg̃a tandâ ng̃ pagsulat; at ang Kaligrapía’y ang kaparaanáng sinúsunód ukol sa mabuti at magandáng tindig, anyô ó hugis ng̃ mg̃a titik.

G. ¿Sa anó nabábahagi ang mg̃a titik?

N. Ang mg̃a titik ay nabábahagi sa _malalakí_ (ó mayúscula) at _mumuntî_ (ó minúscula).

MALALAKÍNG TITIK:

A, B, K, D, E, G, G̃, H, I, L, M, N, O, P, R, S, T, U, W, Y.

MUMUNTÎNG TITIK:

a, b, k, d, e, g, g̃, h, i, l, m, n, o, p, r, s, t, u, w, y.

II KABANATA

Hinggíl sa malalakíng titik

GURÒ. ¿Anó ang hang̃ád ng̃ malalakíng titik?

NAG-AARAL. Ang hang̃ád nitó’y itang̃ì ang mg̃a pang̃ung̃usap na lalòng dakilà, marang̃ál ó mahalagá nang lalòng lumiwanag ang sulat ó pagsulat.

G. ¿Alín ang mg̃a tuntuning dapat sundín upáng gamitin ang malalakíng titik?

N. Dapat gamitin ang malalakíng titik sa mg̃a sumúsunód na tuntunin:

1.)--Ang unang titik ng̃ bawà’t sulat, at ang una rin pagkátapos ng̃ tuldók (ó punto final), hal.: _Tinanggáp kong malugód ang iyóng liham kaninang umaga. Napagtantô kong lahát ang ibig mong sabihin._

Kung minsan, kahì’t walâng sinusundáng tuldók ay ginagawâ ring malakíng titik kailan ma’t ang sumúsunód na salitâ ay katumbás sa simulâ ng̃ sulat, hal.: _Ang nakalagdâ’y nagsasabi: Na, yamang akó’y inihalál na punong bayan sa lálawigang...._

2.)--Lahát ng̃ mg̃a kátawagán sa Dios, gaya ng̃ _Bathalà_, _Lumikhâ_, _Maykapál_, _Hesukristo_, _Mánunubós_, atbp.

3.)--Ang unang titik ng̃ lahát ng̃ pang̃alang náuukol sa tao, hal.: _Rizal_, _Bonifacio_, _Burgos_, _Del Pilar_, _Jaena_, _Mabini_, _Balagtás_, _Lakandula_, atbp.

4.)--Lahát ng̃ mg̃a pang̃alang mararang̃ál ng̃ katungkulan, gaya ng̃ _Gobernador_, _Speaker_, _Komisionado_, _Kinatawán_, _Mahistrado_, _Hukóm_, _Abogado_, _Médiko_, atbp.

5.)--Ang unang titik ng̃ mg̃a pamagát ng̃ limáng panig ng̃ Daigdíg, hal.: _Europa_, _Asia_, _Aprika_, _Amérika_ at _Oseanía_.

6.)--Ang lahát ng̃ pang̃alan ng̃ mg̃a bansá, bayan ó lahì at lálawigan, hal.: _Pilipinas_, _Amérika_, _Espanya_, _Pransia_, _Maynilà_, _Bulakán_, _Kabite_, _Laguna_, atbp.

7.)--Ang mg̃a pamagát ng̃ mg̃a ilog, bundók, yung̃íb, bulkán, atbp., hal.: _Pasig_, _Makiling_, _Sta. Géronima_, _Mayón_, _Taál_, atbp.

8.)--Ang mg̃a pamagát ng̃ mg̃a páhayagán, gaya ng̃ _Taliba_, _Ang Mithî_, _Ang Democracia_, _Katuwiran_, _Lunas ng̃ Bayan_, _Plaridel_, atbp.

9.)--Ang mg̃a pamagát ng̃ mg̃a páaralán, gaya ng̃ _Liceo de Manila_, _La Jurisprudencia_, _Instituto Burgos_, _Colegio Mercantil_, _La Regeneración_, atbp.

10.)--Ang mg̃a pamagát ng̃ ibá’t ibáng kapisanan, hal.: _Samahán ng̃ Mánanagalóg_, _Mutyâ ng̃ Silang̃an_, _Malayàng Araw_, _Taga-Ilog_, _Ang Sulô_, atbp.

11.)--Lahát ng̃ mg̃a pamagát ng̃ mg̃a aklát at dulâ, hal.: _Banaag at Sikat_, _Busabos ng̃ Palad_, _Anino ng̃ Kahapon_, _Walâng Sugat_, _Karaniwang Ugalì_, _Ang Kalupî_, atbp.

12.)--Ang mg̃a paggalang, lalòng lalò na kung nasa mg̃a salitâng daglî (ó abreviatura), hal.: _Kgg._ (kagalanggalang), _G._ (ginoó), _Bb._ (binibini) atbp.

13.)--Ang iláng salitâng karaniwan kung bumabanggít sa ibáng kátuturán, hal.: _Puhunan_, _Salapî_, _Pawis_, _Sandata_, _Panulat_, _Kariwasaán_, _Kahirapan_, _Pagtulog_, _Dálitâ_, _Paraluman_, _Liwaywáy_, _Pag-asa_, atbp.

14.)--Lahát ng̃ pang̃unang titik ng̃ tulâ, baga ma’t maáarì ring isulat sa mumuntîng titik.

III KABANATA

Paggamit ng̃ iláng titik ayon sa kanyáng tunóg

HINGGÍL SA _E_ AT _I_[34]

GURÒ. ¿Alínalín ang mg̃a tuntunin ukol sa paggamit ng̃ _e_ ó _i_?

NAG-AARAL. Ang mg̃a tuntuning sumúsunód:

_Una._--Sa unang pantíg ng̃ madlâng pang̃ung̃usap na tagalog, magsimulâ man sa ting̃ig (vocal) ó kayâ’y pangtinig (consonante), ay nárarapat gamitin ang _i_ na siyáng tumpák at hindî _e_ na bihiràng bihiràng magamit; hal.: _Itó_, _Ikáw_, _Ilaw_, _Iná_, _Iwan_, _Ibig_, _Iyák_, _dIlág_, _tIbay_, _dIto_, _sItaw_, _tIklóp_, _tIrá_, _tIsod_ at ibá’t ibá pa.

_Pásubalì._--Ang mg̃a salitâng binawasan (ó sincopado) paris ng̃ _eto_ (náitó), _ewan_ (aywán), _meron_ (mayroón), _tena_ (tayo na), _bewang_ (baywáng), atbp., at sakâ ang pangdamdám (ó interjección) _eh! eh! eh!_ Gayón din ang mg̃a palayaw ó pang̃alang buhat sa kastilà, paris ng̃ _Edeng_, _Entang_, _Menang_, _Teban_, _Teto_, atbp.

_Ikalawá._--Sa hulíng pantíg ng̃ mg̃a pang̃ung̃usap, magtapós man sa ting̃ig ó pangtinig na nag-áalang̃aning isulat ng̃ _e_ ó _i_ ay dapat gamitin ang _i_ na siyáng lalòng nálalapit sa likás na pagbigkás natin kay sa _e_ na lubhâng malawig sa ating dilà at masaguwâng dinggín sa pakinig.

Náitó ang mg̃a halimbawàng sumúsunód:

Lalaki at dî Lalake. Maigi „ Maige. Mabuti „ Mabute. Gabí „ Gabé. Saksí „ Saksé. Malakí „ Malaké. Batì „ Batè. Harì „ Harè. Lahì „ Lahè. Parì „ Parè. Ng̃itî „ Ng̃itê. Budhî „ Budhê. Tagurî „ Tagurê. Mithî „ Mithê. Atis „ Ates. Lupít „ Lupét. Dilis „ Diles. Sumpít „ Sumpét. Pulís „ Pulés. Alipin „ Alipen.

_Pásubalì._--Ang mg̃a salitâng _babae_, _page_, _gabe_, _tae_, _butsé_, atbp., at hindî _babai_, _pagi_, _gabi_, _tai_, _butsi_, na lubhâng matigás dinggín. Gayón din ang mg̃a palayaw ó pang̃alang galing sa kastilà, paris ng̃ _Mange_, _Ige_, _Bale_, atbp., at sakâ ang mg̃a salitâng kastilà na ináarì natin, gaya ng̃ _anghél_, _kiles_, _kingké_ at ibá pa.

HINGGÍL SA _O_ AT _U_

G. ¿Alín namán ang mg̃a panutong dapat pairalin ukol sa paggamit ng̃ _o_ at _u_, upáng mabigyáng hanggá ang malimit na pag-áalang̃anin sa pagsulat?

N. Ang mg̃a panutong dapat sundín ay itóng mg̃a sumúsunód:

_Una._--Ang simulâng pantíg ng̃ mg̃a salitâng tagalog, magsimulâ man sa ting̃ig ó kayâ’y pangtinig, ay dapat gamitin ang _u_ na siyáng lalòng tumpák at may maraming gumágamit kay sa _o_ na lubhâng masaguwâ sa unahán. Halimbawà: _utos_, _uling_, _uban_, _usá_, _ulól_, _bulág_, _tutol_, _lubáy_, _kulam_, _luhog_, atbp., at hindî _otos_, _oling_, _oban_, _osá_, _olól_, at ibá pa paris ng̃ ginagawâng pagsulat ng̃ mg̃a praileng mánanagalóg.

_Pásubalì._--Ang mg̃a salitâng _oo_, _opò_, _oróy_, _¡oh!_, _loób_, _boo_, _poót_, _poók_, _totoó_, at ibá pa, at sakâ ang mg̃a salitâng buhat sa kastilà, gaya ng̃ _oras_, _oros_, at ibá pang gangganitó.

_Ikalawá._--Ang katapusáng pantíg ng̃ mg̃a salitâng nag-áalang̃aning isulat ng̃ _o_ at _u_, magtapós man sa ting̃ig ó kayâ’y pangtinig, ay _o_ ang dapat gamitin na siyáng lalòng angkóp sa ating pagbigkás at pangdiníg kay sa _u_ na lubhâng matigás at masamâng pakinggán.

Náitó ang iláng halimbawà:

Tubó at dî Tubú. Tuksó „ Tuksú. Butó „ Butú. Pusò „ Pusù. Birò „ Birù. Suyò „ Suyù. Dugô „ Dugû. Larô „ Larû. Sulô „ Sulû. Buslô „ Buslû. Mánunubós „ Mánunubús. Maramot „ Maramut. Tapós „ Tapús. Utos „ Utus. Tutol „ Tutul. Kutós „ Kutús. Maayos „ Maayus. Subok „ Subuk. Lipós „ Lipús. Bastós „ Bastús.

_Pásubalì._--Ang mg̃a salitâng _nakú!_ _hú!_ _sús!_ atbp. na dapat gamitan ng̃ _u_ at hindî _o_. Gayón din ang iláng salitâng kastilà na isinusulat sa wikà natin, gaya ng̃ _Hesús_, at ibá pa.

HINGGÍL SA _B_ AT _P_

G. ¿Hindî ba magkaibá ang tunóg ng̃ _b_ at _p_?

N. Magkaibá ng̃â, ng̃unì’t napapagkamalán ang isá’t isá sa talagáng paggamit.

G. ¿Saán malimit mangyari ang ganitó?

N. Ang kadalasán ng̃ ganyáng pangyayari’y sa katapusán ng̃ pang̃ung̃usap, samantalàng sa dakong simulâ at kalagitnâan ay bihibihirà.

G. ¿Alín ang mg̃a panutong dapat sundín hinggíl sa tumpák na paggamit ng̃ isá’t isá?

N. Totoóng mahirap maglagáy ng̃ panutong sukat taluntunín sa bagay na iyán.

G. Kung walâng tuntuning sukat máitatág, ¿walâ na bang ibáng kaparaanáng dapat sundín upáng huwág mahulog sa kamalìán ang isáng nag-áalinlang̃an?

N. Mayroón pò, at ang paraáng itó’y siyáng másasabing tang̃ì na dapat gamitin, sakalìng ang isáng pang̃ung̃usap ay nag-áalang̃aning isulat ng̃ _b_ ó _p_. Halimbawà ang salitâng _sagíp_; nang matantô nating kung itó’y tumpák na ang pagkakásulat ó kayâ’y malî, ay kailang̃ang ibahín ang salitâ at sa hulí’y dagdagán ng̃ _in_ (sa halimbawàng itó), kung magkaganitó’y magigíng _sagipín_, at dito matataya natin ang _sagíp_ ay tumpák, sapagkâ’t ang _sagíb_ ó _sagibín_ ay walâ sa salitâng tagalog. Ganitó rin ang marapat gawín sa ibáng pang̃ung̃usap, baga ma’t ang idinaragdág ay nagkakaibáibá.

Nang lalòng lumiwanag ang bagay na itó at huwág mangyari ang pagkakámalî, ay náritó ang isáng tálâán ng̃ iláng mg̃a pang̃ung̃usap na dapat gamitan ng̃ _b_ at _p_, upáng magíng huwaran at batayán sa mabuti at tumpák na pagsulat.

B

Anib Dibdíb Liblíb Talahib Sukáb Sabsáb Tukláb Hikáb Salakáb Lagabláb Duób Loób Sinukob Dubdób Lublób Kutób

P

Panaginip Alitaptáp Halukipkíp Alapaáp Hinagap Tiklóp Silip Haráp Talop Kupkóp Hirap Ganáp Apuhap Dahóp Higop Hihip Idlíp Lasáp Sagíp Tanggáp Sulyáp Saráp Ling̃ap Usap Langkáp Kisláp Ulap Iníp

HINGGÍL SA _K_ AT _G_

G. ¿Hindî ba magkaibá rin ang tunóg ng̃ dalawáng pangtinig na itó?

N. Ang _k_ at _g_ ay magkaibá ng̃â rin sa tunóg, ng̃unì’t malimit mangyari ang pagkakáagáw sa paggamit kailan ma’t na sa katapusán ng̃ pang̃ung̃usap.

G. ¿Walâ rin bang panutong sukat masundán nang maiwasan ang pagkakámalî?

N. Walâ pò.

G. ¿Walâ kayâng ibáng paraáng dapat sundín?

N. Mayroón pò, at ang paraáng itó’y kaparis din ng̃ sa _b_ at _p_, na, sakalìng nag-áalinlang̃ang magtapós sa _k_ ó _g_ ang isáng pang̃ung̃usap paris ng̃ salitâng _bihag_ sa halimbawà, itó’y nárarapat dagdagán sa hulí ng̃ _in_ upáng mákilala kung ang pagkakásulat ay tumpák ó hindî; kung magkagayón ang salitâng _bihag_ ay magigíng _bihagin_, at dito matatantông tugmâ ang pagkakásulat; sapagkâ’t kung _k_ ang gagamitin, ang _bihak_ ay magigíng _bihakin_, pananalitâng malî kung hindî man másasabing walâ sa ating wikà. Ganitó ring paraán ang dapat pairalin sa mg̃a salitâng nagtatapós sa _k_.

Nang lalòng luminaw ang bagay na itó at málayô sa mg̃a kamalìán, ay náitó ang isáng tálâán ng̃ iláng mg̃a salitâ na dapat gamitan ng̃ _k_ at _g_ tálâáng maáarìng gawíng huwaran at saligán sa ibáng mg̃a salitâng gangganitó.

K

Halimuyak Bulaklák Sindák Tadyák Gayák Tabák Bulak Iyák Tahimik Bagsík Siksík Tiktík Hibík Halík Tiník Lalik Himutók Pukpók Buhók Batok Tibók Suntók Salok Subok

G

Banaag Liwanag Lagalág Dilág Liyág Habág Tibág Dilág Lantíg Lamíg Baníg Ibig Tinig Bisig Bibíg Panalig Tagalog Alindóg Tulog Irog Hulog Ilog Bilog Handóg

HINGGÍL SA _D_ AT _T_

G. ¿Anó ang dapat másabi ukol sa _d_ at _t_?