# Balarilang Tagalog

## Part 1

Book page: https://www.cyberlibrary.org/tl/books/balarilang-tagalog-45007/index.md

[Paliwanag ng Tagapagsalin:

Ang tekstong ito ay nasa lumang Tagalog, na gumagamit ng titik g na may tilde sa ibabaw (g̃), na makikita halimbawa sa mga salitang ng̃, mg̃a, at ng̃ayón. Kung hindi maayos na nakikita ang titik g̃, tiyaking UTF-8 ang nakasaad na file encoding sa iyong text reader. Maaari ring kailangang palitan ang font na iyong gamit. Minumungkahi ang mga font na Consolas at DejaVu Sans Mono. Kung hindi sapat ang mga paglutas na ito, gamitin na lamang ang Latin-1 na bersyon ng e-text na ito.

Maraming pagkakaiba ang mga katawagang ginamit ng may-akda doon sa mga ginagamit sa kasalukuyan sa makabagong balarilang Filipino. Halimbawa ay ang “pangdiwà” ng may-akda ay tumutukoy sa noun sa Ingles, nguni’t sa makabagong balarila ang pandiwa ay verb sa Ingles.

Ang mga bahagi ng teksto na may mga pahilig na titik (italic) ay ipinaloob sa mga _salungguhit_. Ang mga bahaging may makakapal na titik (boldface) ay ipinaloob sa mga =simbolong panumbas=.]

BALARILANG TAGALOG

Balarilang Tagalog

SINULAT NI

MAMERTO PAGLINAWAN

_Katulong sa “Taliba” at sa iláng páhayagáng litáw sa Maynilà._

UNANG PAGKÁLIMBÁG

MAYNILÀ.--S. P.

Limbagang Magiting ni Honorio López. Daáng Anloague, blg. 319.--Binundok

1910

Arìng tunay ng̃ Kumathâ.--Pag-úusigin ang magpalimbág ng̃ walâ siyáng pahintulot, at ipalálagáy na nakaw ang aklát na walâng tandâng lihim ng̃ nagpalimbág.

Ang aklát na itó’y ipinagbibilí sa madlâng Aklatan sa Maynilà. Nagbibilí rin ng̃ ting̃î at pakyawan sa bahay ng̃ Kumathâ, Santamesa, blg. 467, (looban 3) Sampalok, Maynilà, K. P.

SA KATAGALUGAN

Ikáw, masayáng bayan ng̃ mg̃a TAGA-ILOG, magandáng lahì ng̃ mg̃a BAYANI, bayan at lahìng sinilang̃an ng̃ mg̃a dakilàng Lakang-Dula at Balagtás, ng̃ magigitíng na Rizal at Bonifacio, bayan at lahìng may isáng wikàng sarili at katutubò, matamís at mayaman, wikàng pinakamámahál at sinásalitâ ng̃ ang̃awang̃aw na pilipino ó ng̃ isáng lahìng may sariling puri, dang̃ál at kabihasnán, ng̃ wikàng pinápang̃arap ko’t ináasahan na, siyáng magigíng WIKÀ NG̃ SANGKAPILIPINUHAN sa _maligayang araw ng̃ Bukas_; ikáw ng̃â, bayan ng̃ mg̃a Taga-Ilog at lahì ng̃ mg̃a Bayani, ang siyáng tang̃ìng pinagháhandugán nitóng muntî at abâng aklát na itó, nang paghahandóg na magiliw sa dibdíb, malugód sa pusò at taós sa kálulwá.

=Mamerto Paglinawan=

Sampalok, Maynilà, Disiembre, 1910.

PAUNAWÀ

Sapúl nang lumunsád siná Magallanes sa mg̃a kawiliwiling baybayin ng̃ lupàíng Sebú, ó dilì kayâ’y nang ituntóng ang kanyáng mg̃a paá sa Kapulùáng Pilipinas na sa kanyáng kariktán ay nagkápalad tulóy tawaging _Mutyâ ng̃ Silang̃an_, sapúl nang kanyáng mátuklás ang lupàíng itó, na may sariling kabihasnán, may sariling pamámahalà, may sariling pananámpalataya, wikà, ugalì, tugtugin, pananamít, atbp., at hanggáng sa mg̃a sandalîng itó na, ang bayang Amérika, ang bayang mábituwín at másalapî ay siyáng nagháhawak ng̃ ating buhay at kapalaran, ng̃ ating kálulwá at pag-íisip, ng̃ ating ginhawa at kalayàan, dito sa mg̃a dakilàng sandalîng itó na nagsusumikap tayo ng̃ buông lakás at kumikilos ng̃ buông siglá sa ikapagtátamó at ikapagwáwagí ng̃ ating BANÁL NA LAYON, hanggá ng̃ayón, máuulit ko, ay walâng nag-akalà ó nang̃ahás yumarì (ipagpatawad sa akin ang pagtátapát) ng̃ isáng wagás na Balarilàng Tagalog upáng mapagbatayán sa tumpák na pagsasalitâ at matuwíd na pagsulat sa mayamang wikà ni Balagtás.

Lumilipas ang mg̃a sandalî, dumaraán ang mg̃a araw, mg̃a araw at sandalîng hindî na magbábalík na, walâ tayong maáanag-ag sa kasaysayan ng̃ ating wikà liban sa malálabò madídilím na talatà. Hindî ko itinátakuwíl ang kasalukuyang pagsulong ng̃ wikàng sarili, hindî ko pinawáwalâng kabuluhán ang masigláng pagsusumikap ng̃ ating mg̃a mánunulát at mánanagalóg sa pagpápading̃ál at pagpapálaganap ng̃ ating kálulwá, bagkús pinakapúpuri ko at pakapúpurihin ang kaniláng mg̃a pagpápagál at pagpapakápuyat. Ng̃unì’t gunítâín nating sumandalî, ng̃ isáng paggúgunitâng mataós at malalim kung paano ang ng̃ayó’y nangyayari sa ating wikà. Náritó na tayo sa kapanáhunan ng̃ _Siglo XX_ at hanggáng sa mg̃a sandalîng itó ay walâ pa tayong mg̃a sariling aklát na sukat pagkákilanlán ng̃ ating mayamang salitâ at matuwíd na pagsulat. ¡Kahì’t manawarìng sa hináharáp ay mag-ibayo tayo ng̃ siglá at huwág tumugot kailan man hanggáng hindî mápatampók sa dakilàng luklukan ang wikà ni Lakang-Dula!

Isá sa maháhalagáng súliranín na ng̃ayó’y karapatdapat pag-úkulan ng̃ ating pagkukurò ay ang náuukol sa súliranín ng̃ wikà. Itóng súliranín ng̃ wikà ay makabuluhán at dakilà, pagkâ’t siyáng diwà ó kálulwá ng̃ Bayan. Hindî káilâ sa atin na, ang may hawak ng̃ayón ng̃ Pámahalàán sa Pilipinas ay ang bayan ni Washington, at hindî rin náliling̃id na, ang kanyáng sinásalitâ’y ang wikà ni Shakspeare. Ang wikàng ginágamit ó pinag-áaralan sa Pilipinas gaya rin namán ng̃ ibáng bayang mahihinà ay ang wikà ng̃ sumásakóp at hindî ng̃ sinásakóp, gayóng ang matuwíd sana at siyáng dapat sundín ay gamitin at pag-áralan ang wikà ng̃ sinásakóp at hindî ng̃ sumásakóp. Dahilán dito, kung kayâ ang wikàng inglés ay siyáng sa ng̃ayó’y itinuturò sa mg̃a páaraláng bayan, sa mg̃a batàng siyáng sa kinábukasa’y mang̃agsisilalakí, at sanhî sa ganitóng pagtuturò at pagpapálaganap ay pinaglálaanán na tulóy ng̃ isáng nápakalakíng gugol. Alín mang Pámahalàán ay may sariling lakás sa kanyáng mg̃a akalà, at dahilán dito kung kayâ ang paglaganap sa isipáng pilipino ng̃ náturang salitâ ay hindî na dapat tawaran.

Ang ganitóng mg̃a pangyayari, mg̃a pangyayaring pará sa ati’y mahalagá, ay siyáng lagì nang pumúpukaw sa matahimik na pagpapáhing̃aláy ng̃ aking gunitâ, siyáng tuwî na’y lumilikhâ sa aking guníguní ng̃ mg̃a panukalà at mg̃a paraáng ikabúbuhay, ikadidilág at ikalálaganap ng̃ayón at kailan man ng̃ matamís at mayamang wikà ni Risál. Itó ang sa aki’y nag-udyók, itó ang nagpasulák sa malamíg na tubig ng̃ aking pusò at iyán ang pumukaw sa mapayapàng pagkakágulayláy ng̃ aking pag-íisip, at dahilán dito’y siyá ang aking kalasag sa pakikipágtunggalî, siyá ang aking baluti sa pang̃áng̃ahás ko ng̃ pagyarì nitóng BALARILANG TAGALOG na dapat panundán sa pagsulat at pagsasalitâ ng̃ sariling wikà.

Hindî lamang ang matuling paglaganap ng̃ wikàng inglés ang nagbunsód sa akin sa pagyarì ng̃ aklát na itó. Mayroón pa: ang pagkakáibáibáng ayos ng̃ panunulat na ng̃ayó’y ginagawâ ng̃ ating mg̃a mánunulát at mánanagalóg, pagkakáibáibáng ang isá’t isá’y nagkakálabáglabág at ang bawà’t isá’y may kaníkaniyáng tuntuning sinúsunód sa sarili na siyáng sanhî ng̃ malimit na kamalìán, ng̃unì’t kamalìáng hindî máipalagáy na ganitó dahil sa kasalatán ng̃ mg̃a pátakaráng dapat taluntunín. Sa pagnanasà ko ng̃âng maparam ang ganitóng mg̃a ulap na nakatátabing sa maningníng na liwanag ng̃ ating panunulat, ay pinaginutan ko ng̃âng sulatin ang aklát na itó na siyáng magigíng ilaw at tungkód sa pagtahak sa landasing madilím at madulás ng̃ ating pagsulat. Sa ganáng pagkukurò ko, ang isáng malakíng balakíd na nakapípinsalà sa pagkásulong at paglaganap ng̃ ating wikà ay ang kasalatán ng̃ isáng Balarilà ó Gramátikáng sukat alituntunín ng̃ mg̃a nang̃agsísisulat.

Ang pagkakásalung̃atan sa pagsulat ay nabábatay sa pagkakábukódbukód ng̃ mg̃a mánunulát at mánanagalóg. Sa kasalukuyan, ang mg̃a itó’y nabábahagi sa dalawáng malakíng pangkát: isá’y ang tinátawag na _makalumà_ at pinamámagatáng _makabago_ ang ikalawá. Ang mg̃a makalumà’y sumúsunód sa mg̃a tuntuning lumà ó dati ng̃ pagsulat na siyáng sa ganáng pagkukurò nilá ay tumpák; at ang mg̃a makabago’y sumúsunód namán sa mg̃a pátakaráng bagong likhâ ng̃ pag-íisip ó bagong paraán ng̃ pagsulat ng̃ ating wikà. Ang pagtutunggalìáng itó ay lubhâng mahigpít: isá’t isá’y may sariling ayos ó paraáng pinanánangnán sa pagyarì ng̃ gayóng hugis ó anyô at sa pagsunód sa gayó’t ganitóng pagsulat. Akó, palibhasà’y námulat sa mg̃a hulíng kapanáhunang itó, maibigín sa mg̃a bagong likhâín ng̃ pag-íisip at sapagkâ’t ináakalà kong tumpák ang mg̃a tuntuning sinúsunód ng̃ mg̃a makabago, kayâ’t ang nápita kong sundín ay ang mg̃a kaparaanáng nátuklás at sinúsunód ng̃ayón ng̃ ating maraming mánunulát at mánanagalóg sa likód ng̃ isáng mataós at mahabàng pagsusurì na aking ginawâ ukol sa bagay na itó.

Isá pa rin sa lalòng makákabuluháng bagay na sa aki’y umakit na sulatin ng̃â ang aklát na itó ay ang pagdami ng̃ mg̃a páhayagán, ang pagdagsâ ng̃ mg̃a nobela at ang pagsísimulâ sa paglabâs ng̃ mg̃a aklát na náuukol sa karunung̃an na, paraparang nasusulat sa Wikàng Tagalog. Ang lahát ng̃ itó ay naglálarawan ng̃ maníning̃as na sulô upáng tumangláw at magbigáy liwanag sa mg̃a gunitâng dahóp, sa mg̃a gunitâng hindî nakámasíd ng̃ maningníng na liwanag ng̃ karunung̃an dahil sa kákapusán ng̃ pisìng sukat makáabót sa matayog na luklukan ng̃ pag-áaral. Ng̃unì’t kinakailang̃an namán na, ang mg̃a páhayagáng iyán, mg̃a nobela at mg̃a aklát karunung̃an ay magkaisá sa matwíd na landasin ng̃ pagsulat, at upáng maganáp itó’y kailang̃ang másalig sa mg̃a tuntuning náilagdâ sa Balarilà ó Gramátiká upáng ang pagbábalità, pagsásalaysáy ó pagpapaliwanag ay mápawastô ó mápatumpák.

Sumandalîng pagbalikán sa ating mg̃a gunitâ yaóng tumutukoy sa mahalagá at mádakilàng súliranín ng̃ isáng wikà. Sa _El Filibusterismo_ ni Rizal, itóng bantóg na aklát sa Europa ma’t Amérika ay nagsaád ng̃ isáng mahalagá at dakilàng aral, na: ANG WIKÀ AY SIYÁNG PAG-ÍISIP Ó KÁLULUWÁ NG̃ BAYAN. Dito’y mápipigâ natin ang isáng masaganà at makabuluháng katás, isáng masaráp at malinamnám na lasa na dapat sundín, pagyamanin at ipagtanggól. Tinutukoy ko ang Wikàng Tagalog, ang wikàng mahál sa ating mg̃a pusò, hiyás ng̃ ating lahì, sagisag ng̃ ating ugalì at larawan ng̃ ating kabihasnán, na, sang-ayon sa pantás na aral ng̃ ating _Bayani ng̃ Kalayàan_ ay kinakailang̃ang mahalín, pagyamanin at ipagtanggól sa mg̃a nang̃ag-áakalàng uminís ng̃ kanyáng hining̃á, sa mg̃a nang̃agnánasàng sumugpô ng̃ kanyáng kasiglahán at sa mg̃a nang̃agnánais na pumatáy sa kanyáng dakilàng diwà at sa kanyáng maningníng na urì.

Atin ng̃âng mahalín, pagyamanin at ipagtanggól ang katutubòng wikà na ginamit niná Lakang-Dula, Pilapil, Balagtás, Rizal, Mabini, Plaridel, atbp. at ng̃ wikàng ng̃ayó’y ginágamit ng̃ buông Katagalugan magíng sa pag-ibig, sa pananámpalataya, sa pag-awit, sa pakikípanayám, sa pagpúpulong, sa pakikípaglarô, sa pagtulog, sa paglíliwalíw, at sa lahát na ng̃ mg̃a kilos ng̃ katawán, galáw ng̃ bisig, mithî ng̃ pusò, pang̃arap ng̃ diwà, adhikâ ng̃ damdamin, udyók ng̃ kalooban, tibók ng̃ dibdíb, likhâ ng̃ pag-íisip at ibá’t ibá pa, sukdáng ang magiliw na pagmámahál at masigláng pagtatanggól na itó ay pagkaramayan ng̃ maraming paghihirap, pagkagugulan ng̃ ating mg̃a bisig at pagkáhandugán ng̃ ating mg̃a buhay, huwág lamang makapanaíg ang mg̃a nang̃ag-áakalàng uminís ó pumatáy sa káluluwá at buhay ng̃ isáng wikàng ginágamit ng̃ ang̃awang̃aw na tao at ng̃ isáng lahìng may sariling dang̃ál at may sariling kabihasnán.

Bayàáng ang isáng wikà ng̃ bayan ay mápasailalim ng̃ isáng kapuwà wikà, bayàáng ang wikàng yaó’y malanság at magkadurogdurog, itakwíl sa gunitâ’t alaala, ay katumbás ng̃ pagpapabayà na yurakan ang kanyáng watawat, na sakmalín ang kanyáng buhay, na durugin ang kanyáng káluluwá, na lansagín ang kanyáng lahì. Walâ nang katotohanang gaya nitó, palibhasà ang wikà ay anino ng̃ ugalì ng̃ isáng bayan, larawan ng̃ kanyáng mg̃a kilos at hilig, sagisag ng̃ kanyáng angkán, banaág ng̃ kanyáng kabihasnán at bakás ng̃ isáng mataós na pag-ibig at pagmámahál sa bayang kinágisnán. Sino mang nagmámahál sa isáng wikà ay nagmámahál din sa kanyáng bayan at sa kanyáng lahì. Sino mang tumátakuwíl sa wikàng sarili ay tumátakuwíl din sa bayang kinágisnán at sa lahìng nagbibigáy ng̃ kanyáng dang̃ál at kabuhayan.

Iláng pagkukuròng maháhalagá ang akin namáng tutukuyin ng̃ayón ukol sa mg̃a wikà sa Pilipinas at ang káhalagaháng tagláy ng̃ Wikàng Tagalog. Tatlóng wikà lamang ang pinakámalaganap sa kasalukuyan: isá’y ang _bisayà_, na sinásalitâ sa dakong Timog ng̃ Kapulùán, _tagalog_ ang ikalawá na sinásalitâ sa gitnâ at ibabâ ng̃ Lusóng at _ilokano_ ang ikatló na sinásalitâ namán sa dakong Hilagà ng̃ Pilipinas. Kung isásalig sa dami ng̃ mg̃a táong gumágamit, ang wikàng bisayà’y siyáng pang̃ulo sa lahát, sang-ayon sa talâng nábasa ko. Ng̃unì, kung úurìin sa kagandahan ng̃ isá’t isá, sa katamisán, sa kayamanan, sa karamihan ng̃ mg̃a páhayagán, sa kasaganàan ng̃ mg̃a aklát at mg̃a dulâ, ang Wikàng Tagalog ay siyáng pang̃ulo at siyáng may mataás na urì sa lahát, lalòng lalò na kung isaságunitâ ang masisigláng kilos sa hulíng kapanáhunang itó na walâng tigil ng̃ pagpápalimbág ng̃ mg̃a aklát, ng̃ pagpápalabás ng̃ mg̃a páhayagán at ng̃ pagpápatanghál ng̃ mg̃a dulâ. Alinsunod sa mg̃a pangyayaring itó, ay labis ang aking pag-asa na, ang araw ay dárating na mátutupád ang aking pang̃arap na, ang wikà sa haharapín ng̃ Kapilipinuhan ay ang wikà ng̃ mg̃a Taga-Ilog, ang wikàng matamís ng̃ mg̃a Lakang-Dula, ng̃ mg̃a Balagtás, ng̃ mg̃a Risál, ng̃ mg̃a Mabini, atbp.

Bábanggitín ko rito ang mg̃a aklát na aking pinagsaligán sa pagnanasà kong makayarì ng̃ isáng Gramátikáng buô at wagás na wagás na tagalog. Sinanggunìán ko ang _Diccionario_ ni San Lucar, pinag-aralan ko ang mg̃a _Gramática Hispano-Tagala_ niná Fr. Minguella at Campomanes, sinurì ko ang maháhalagáng lathalà ni Rizal ukol sa bagong pagsulat ng̃ tagalog na nápalathalà sa _La Solidaridad_, nilitis ko ang makákabuluháng lathalà ni G. Eusebio Daluz, inisáisá ko ang maháhalagá ring lathalà ng̃ katotong Sofronio G. Calderón, at mataós kong sinurì at pinag-aralan ang ibá’t ibáng pagkukurò at sarìsarìng palagáy ng̃ mg̃a litáw na mánunulát at mánanagalóg, gayón ang mg̃a aklát sa sariling wikà na akdâ ng̃ ating magigitíng na kababayan. Bawà’t salitâ, bawà’t palagáy at bawà’t tuntuning sinipì ko ó hinaláw kayâ sa mg̃a náturang aklát at lathalà ay malabis kong pinasásalamatan sa bawà’t isá at sa lahát.

Ng̃ayó’y magsásalaysáy akó ng̃ iláng haláw na pagkukurò ukol sa aklát na itó. Itóng BALARILANG TAGALOG ay may apat na pang̃ulong bahagi: _Pagbigkás_ (ó Prosodia); _Pagkilala_ (ó Analogía); _Paglalakip_ (ó Sintaxis) at _Pagsulat_ (ó Ortografía). Hindî ko na íisáisahín ang bawà’t bahagi upáng ipaliwanag ang káhalagahán ng̃ isá’t isá, sapagkâ’t itó’y hindî nátutungkól sa akin kundî sa mg̃a babasa at mag-áaral. Tang̃ìng bábanggitín ko rito ay ang náuukol sa pagkakásalaysáy. Pinagpumilitan ko, hanggá’t maáarì, na ang bawà’t tuntunin ay máihanáy na maliwanag, ang mg̃a salitâ’y magíng wagás na tagalog at málagyán ng̃ mabábabaw at maháhalagáng halimbawà na angkóp na angkóp sa mg̃a panuto (ó regla) upáng mawatasang maigi ng̃ babasa at madalîng mátutuhan ng̃ bayan.

Pagkátapos máilahád ang mg̃a abâ kong pagkukurò, pagkátapos máisulit ang mg̃a tibók ng̃ aking sariling damdamin ay walâ akóng másasabi at máipagtatapát kundî _akó’y tao_. Sinabi ko ang ganitó, upáng ipakilala na ang tao’y nagkákamalî, at sapagkâ’t akó’y ganitó ay hindî malayòng magkámalî rin sa aking mg̃a ginawâ. Ináasahan ko, ng̃ayón pa, na akó’y magkaroón ng̃ mg̃a malî sa pagyarì ng̃ aklát na itó, gaya rin namán ng̃ pag-asang mábubulíd sa hukay ang isáng táong lumálakad sa poók na ganitó sa mg̃a gabíng kadilimán. Dahil sa paníniwalàng itó ay malugód kong tinátawagan ang mg̃a mánunulát at mánanagalóg at ang madlâng mahiligín sa sariling wikà na mangyaring pansinín ang aking mg̃a kamalìán na kaniláng mápupuná sa aklát na itó. Sino mang pumansín ng̃ aking mg̃a malî, sino man ang magpalagáy ó magmungkahì kayâ na ang gayó’t ganitóng tuntunin ay hindî tumpák, sino man ang magdagdág ng̃ anó mang palagáy ó anó mang paghahakà, kailan ma’t ang mg̃a itó’y náuukol sa ikawáwastô ng̃ mg̃a tuntunin at ikasúsulong ng̃ ating wikà ay malabis kong pasásalamatan, ng̃ isáng pasásalamat na taós sa pusò. Sa ganitóng kaparaaná’y naníniwalà akóng lílinis ó húhusay ang mg̃a pátakaráng sinúsunód sa ating pagsasalitâ at pagsulat, at sa haharapí’y magkakároón tayo ng̃ isáng wagás, buô at tumpák na Balarilàng Tagalog na siyáng haligi ng̃ ating pagsulat at ng̃ ating wikà.

Sa wakás ay tanggapín ninyó, mg̃a kababayang mahíhiligín sa Wikàng Tagalog, ang isáng muntîng aklát na itó na nilikhâ ng̃ pahát kong isip at ng̃ muntî kong lakás sa likód ng̃ masigláng pagsusumikap, ng̃ masaganàng pagál at maraming pagtitiyagâ sa sariling katawán, udyók lamang na magkaroón tayo ng̃ isáng aklát na mapagbábatayán sa ating pagsasalitâ at sa ating pagsulat. Ang pusò ko’y malúlunod sa katuwâan kung ang pagkakálabás ng̃ aklát na itó ay makátulong sa pagpápadilág at pagpapálaganap ng̃ ating wikà. Ang damdamin ko’y mabúbusóg sa galák kung ang aklát na itó’y pag-áralan natin, upáng máipakilala minsan pa ang ating wagás na pag-ibig at magiliw na pagmámahál sa sariling arì, sa sariling diwà at sa sariling káluluwá ng̃ ating iníibig na bayan. At káhulíhuliha’y isáng mataós na dalang̃in, dalang̃ing nagbuhat sa pusò, na, maano nawàng sa hináharáp ay magíng wikà ng̃ Sangkapilipinuhan ang wikàng matamís ng̃ mg̃a Taga-Ilog, ang wikàng mayaman ng̃ mg̃a Lakang-Dula, ng̃ mg̃a Balagtás, ng̃ mg̃a Risál, ng̃ mg̃a Mabini, at ibá pa!

=Mamerto Paglinawan.=

TUNTUNIN

KABANATA TUDLÍNG Paunawà 7 Simulâ 17

UNANG BAHAGI Pagbigkás ó Prosodia

I.--Ang Pagbigkás at ang kaniyáng sakláw 19 II.--Abakadáng tagalog 20 III.--Pagbigkás ng̃ mg̃a ting̃ig (ó vocal) 21 IV.--Pagbigkás ng̃ mg̃a pangtinig (ó consonante) 23 V.--Tungkól sa mg̃a pantíg (ó sílaba) 26 VI.--Hinggíl sa mg̃a diptongo 27 VII.--Sa mg̃a pang̃ung̃usap ó salitâ 29 VIII.--Ukol sa diín (ó acento prosódico) 30 IX.--Tungkól sa paglilihim (ó sinalefa) 35 X.--Hinggíl sa mg̃a pang-anib (ó ligazón) 36

IKALAWÁNG BAHAGI Pagkilala ó Analogía

