Apô-Apô (Zarzuela) at Kung Sinong Apô-Apô (Kasaysayan)
Part 4
--Ikaw ang bahala, ang paagaw na sabad ni Bakokoy, binatak n~g banayad ni Tenteng si Bakokoy at saka binulun~gan n~g wikang:--Masama ang pakiramdam ko sa ating Apô-Apông si Kadiliman ginagawâ tayong sangkalan n~g kanyang pagka talipandás, n~g maantilo ni Bakokoy ang salitang ito ni Tenteng, nagalit si Bakokoy, at pagalit na itinanong kay Tenteng kung matutunayan ang gayon; tinanong pa n~g: ¿Patotohánan mo ang iyong sinasabi? na pinag surot-surot ni Bakokoy sa mukha ni Tenteng.--Oh, tingnan na n~ga lamang ang asal n~g Bakokoy na itó ang pailág na wika ni Kamagong at sinundan n~g salitang: Bago ka magagalit, makapito kang iisip; bago ka matutuá, lilin~gon ka muna sa kana't kaliwâ. at bago ka magkakatiwala tumin~gala ka muna sa lan~git, lin~gonin mo ang iyong tinalikdan, malasin mo ang iyong hinaharap at tumun~gó ka sa lupa't n~g hindi ka magsisi sa huli.--Hindi ko maintindihan ang sinabi mo ang paismíd na sabi ni Bakokoy--Tuligsain mo ang lantak ni Kamagong: N~g panahon n~g tinalikdang kastila ang Frayle ang hari-harian at m~ga _fiscalillo_ ang Apó-Apó.--_Bien_: ang batikos ni Bakokoy, nagulat si Tenteng Kamagong na nasabi tuloy na: Ahá ¿Biglá mo akong kinastila, há? Hindi kailâ sa iyo ang nangyari na siyang ikinalupasay sa hapis n~g ating inang Filipinas.--_Bravo_, ang pabiglá namang sabad ni Bakokoy, mulî na namang nagulat si Kamagong at sinabi sa kabiglaanan: ¿Lumálalâ ka? n~gayon tatanon~gin kita ¿nasa katuiran ba ang m~ga iyan? wala, mangyari m~ga _romano_ ang sagot ni Bakokoy, biglang inagaw ni Tenteng Kamagong ang salitang ito--Hwag natin anyang, dalhin sa _Roma_, ang salitaan ani Kamagong, at tayo'y nandito sa _Filipinas_, ang ating pinag uusapan sa m~ga oras na ito'y ang tungkulin n~g mamamáyang tawo dito sa Filipinas, sinasabi n~g kautusan n~g Diyos; piliin ang bawa't maibigan; sinasabi naman n~g _Bill_, kautusan sa Filipinas: Ang bawa't tawo'y may láyang gumawa n~g kanyang maiisipan, kaya't ang aking masasabi'y ganito: Natanto nating masama ang gawá n~g _Frayle_, masama din naman ang gawa n~g _fiscalillo_ n~g panahong iyon, ¿natatalastas mo kung bakit? sa dahilang ang _fiscalillong_ iyan ay _amén_ n~g _amén_ sa kanyang Apô-Apô; gaya din naman n~g pag amén mo sa ating Apô-Apô na si Kadiliman, na kapag sinabi sa iyo itatayo niya ang _torre_ ni _Babel_ n~g walang kilatis, dudukutin mona ang iyong pesetas para maiambag, kapag sinabi sa iyong igagagapák niya sa loob n~g tatlong araw ang templo n~g _Jerusalem_ dudukutin mo na ang iyong kahati't walo't ibibigay kaagad, halos iyong inaagaw sa bibig n~g asawa mo't anak nang walang kinaoowian. ¿Sino n~gayon sa inyó ni Kadiliman ang may sála? Tila ako ang sagót ni Bakokoy.--Hindi lamang tila, kundi ikaw na n~ga; sa dahilang kung walang _consentidor_ walang magnanakaw, ito ang kasabihan n~g m~ga matatanda, hindi ko salita ito, ang pabalík na wika ni Kamagong. Gayon din naman pag winika sa iyo pumilma ka, pipilma kaagad, pag sinabi sa iyong makipag-away, makipag-away ka naman, samantalang ikaw ay may sariling kalayaan. ¿Ang boto ba n~g isang mámamayang tawo'y gaanong halaga?--Halagang isang copang sorbetes,--Ah, gungong, iyang pagka Bakokoy mo na malapit-lapit kang maging bakoko, pang-ulam sa mahal na araw; piniral ni Kamagong sa tain~ga't sinabing dingin mo itong sasabihin: ¿Iniibig mo ba ang iyong bayan?--Hangang huling tibok n~g aking hinin~ga, ang tugón ni Bakokoy na waring nagmamalaki.--Kung iniibig mong gaya n~g iyong sabi, ani Tenteng, palilinawan kitá. Ang halaga n~g isang botos n~g mamamáyang tawo, kahalaga n~g inang bayan, sapagka't kung makaladkad ang boto mo n~g isang basong sorbetes at tatlong tanghalian na gaya n~g ugali ni Kadiliman, hindi ikaw ang papatain niyan kundi ang bayang sangkalan, na nalulugami sa madlang hirap; kaya muli't mulî ang bilin ko sa iyo na bago ka boboto titingnan mo ang ugali n~g iyong iboboto, ang m~ga gawâ nito, ang m~ga ginawâ nito at kung mangyayari, pati pa nang gagawin niyan kailan~gan mong pag-aralan bago ka bumoto:--Bayaan mo kompare at ganyan ang aking gagawin, ang pakli ni Bakokoy.--Kung gayon kompare tayo na, magpatuloy sa piging ni Kadiliman, tayo na ang sagot ni Kamagong at n~g maini-init pa ang litsón na ating madatnan, lumakad ang dalawa na nagn~gin~gisn~gisan.
XI.
_Ang pagsasalo-salo sa bahay ni Kadiliman._
Si Kadiliman ay malungkot may taling panyong puti sa ulo, palaging napaghihiló dahil sa sakit na taglay, na ayon sa sabi n~g m~ga medico ang sakit na itó ay, nabubúlok ang pusô, kaya nanghihina, kung kaya naman napaghihiló nabúbugok diumanó ang utak; nakahilig sa isang mainam na luklukan si Kadiliman, palaging nakatin~gala't pinag-iisip ang kahapis-hapis na buhay na kanilang napagsasapit na mag-anak; nakasanglâ halos ang boong kabuhayan sanhî sa pag-gugol at pagkakándido, at sa taglay na karamdaman. Siyang pagdating ni Lolay na galing sa bahay sanglaan at nagsanglâ, inabot-abot ni Lolay ang salitâ ni Kadilimang: «Pag hindi ako nagkaroon n~g katungkulan sa taóng itó magpapakamatay na ako.»--Iyan ang masasapit n~g isang gaya mong ibig Apoin n~g lahat, malasin mo itong ating sinasapit na mag-anak, isinangla ko na n~gayon pati n~g naiwang lupa ni ama, n~gayon handá na naman itong iyong gagawin, ¡gastos na katakot takot!--Ulol na tawo ito, ang pahikayat na sabi ni Kadiliman. ¿Mayroon bang namuhunan na di nakinabang? pag ako'y naging Diputado, pag ako'y naging Concejal, pag ako'y naging Presidente, sa kanila ko din kukunin ang m~ga nagugol kong iyan, ¡siya ineng! iayos mo ang ating handa, malapit n~g dumating sila Bakokoy na ating kapanalig, ang pahimok na sabi ni Kadiliman; pumasok si Lolay sa kálanan upang ayusin ang pagpakaináng gagawin; siyang pagdating ni Bakokoy at Tenteng, dinatnan nila si Kadiliman sa gayong kalungkutan, n~g makita ni Bokokoy ang ayos n~g kanyang maestro na nakahilig, dahil sa sakit na taglay, nan~galigid sa kanyang namumugtong balintatáw n~g matá ang luha at sinabayan n~g sabing: Maestro kong mahal.--Bakokoy ang palambing na tugon ni Kadiliman, hwag mong babayaan ang ating Kapisanan, hwag kayong makikinig sa masasaráp na sabing madalás magbulid n~g aking kapurihan, kahit pabalubaluktok ang aking sasabihin paniwalaan ninyo, n~g ako'y guminhawa, kahit gawin kong tulay kayo sa aking Kadiliman, ako din ang inyong ibigin; nadinig ni Kamagong ang m~ga salitang itó na halos nagpupuyos ang kanyang dibdib; n~guni't di binubuka ang kanyang bibig. Datapwa't si Bakokoy palibhasa'y isang taong binabatak nang sawing palad, halos nahihimlay ang dibdib sa habág sa kanyang Apô-Apông si Kadiliman, lalô na nang mawika ni Kadilimang tatampuhan n~g bayan ang taong hindi makinig sa akin at tuturang makafrayle.
Nang mapakingan ni Kamagong ang huling binigkas sa bibig ni Kadiliman, umalimpuyó ang galit sa dibdib at sinabing: ¿Ang bayan kaya'y na sa sa lawak pa n~g Kadiliman? mulî na namang nan~gusap si Kadiliman natin n~g: ¿Ano po ba ang palagay mo sa pilipino, hindi na bagá kayâ maging mabuting pilipino kundi patun~go sa landás n~g Kadiliman? siyang pagdating nila Giday Lasenga at sina Posotsoy, masasayang nagbigay galang kay Kadiliman; si Giday dahil sa may kalasin~gang dumating, siyang sumigaw n~g: ¡mabuhay! ang tugon nang lahat at napaban~gon si Kadiliman n~g madinig ang papuri't sinabayan n~g wikang Lolay, ilabas mo ang parol.--Oo, ang sigaw naman ni Lolay at maghahain na tuloy ako, inilabás ang parol, nag-inuman, n~g nan~gagmamalainibay na silang lahat naghain na si Lolay, tinadtad na ang mainit na litsón, pinaghiwahiwa na ang inihaw na pabo at nagsidulog ang m~ga panauhín, lumagay na si Kadiliman sa kanyang lugal na pinakapangulo, saka nagsalita: ¿Anong kahulugan nitong ating piging? si Tengteng Kamagong hindi kumikibô, datapwa't sa kanyang sarili ang nawika: ¿Mayroon bang dapat na makaalam n~g lahat nang bagay na nangyayari kundi ikaw? umulit na namang tumanong si Kadiliman: ¿Bakit walang makasagot sa inyo? yayamang hindi ninyo masagot, sasabihin ko na: kaya ako pinan~gan~ganlang Apô-Apô, dahil sa kabutihan ko, sapagka't ipinagsasálo ko kayo sa aking dulang; pagka sabi nito, tumalikod si Kadiliman at sa sarili'y sinabing. (kayâ ko lamang kayo ipinagsasalo, dahil sa nais kong ako'y inyong ibotos sa anomang katungkulan) muli na namang hinarap ang m~ga kaawá awa, siya simulan na natin ang pagkakainan. Tinawag ang kanyang anak na si Arkelaw at binulun~gan, na ganitó ang ibinulong: Arkelaw na anak ko: ang m~ga kasalo nating iyan, marami ang bin~gi, bulag at pipe, ang m~ga iba niyan ay m~ga hindi ganoon, huag mong lubhang pakikisamahan pagka't hindi mo mau-ulol, sa makatuwid wala kang mapapakinabang, ang m~ga paraang ito'y dapat mong mahahin sa akin at sa iyong nunong namatay na si Pirong Botete, kung ibíg mo din lamang guminhawa sa ibabaw n~g mundo, hwag kang makisama sa kasingtaas mo, n~g iyong mapagharian. Akong si Kadilimang iyong ama talastas mong na sa karamdaman, hindi natin mahulaan sa n~gayon kung kailan mapapatid ang tan~gan kong hinin~ga; n~g mamasdan ni Tengteng Kamagong ang bulun~gang itó nang mag-ama kinalabit si Bakokoy at pabulóng na sinabing: Matagal ang bulun~gan n~g mag-ama ni Kadiliman at Arkelaw.--Lantakán mo n~g lantakán ang litsón hindi kung anong pinagmamasdan mo, ang sagot ni Bakokoy; siyang pagdatal ni Tarorang Susô at humahan~gos, pakingan ninyo anyá ang aking balita: Ang lahat ay napatan~ga sa kanya, pumigura si Tarorang Susô at saka nagsalitâ: Ako anya'y galing sa Sampalok, doon ay nabalitaan kong hindi naaprobahan ang kalahat lahatang hiling n~g _Bill_ Adriático na ang bawa't pook ó _distrito_ ay magkakaroon n~g isang _Concejal,_ hindi ganito ang kinahinatnan kundi dalawa lamang sa boong Kamaynilaan isa sa Katimugan at isa naman sa Kahilagaan (isa sa N. at isa sa S.) n~g madinig ni Kadiliman ang balitang itó ni Tarora, naghimatay si Kadiliman at nabwal sa kinauupang luklukan, siyang pagkakaguló n~g gibikan n~g lahat sa ating Kadiliman, ang iba'y humihin~gi n~g tubig ang iba'y Eter, ang kalahatan naman ay ilaw nang tayo anya'y magliwanag dahil sa laganap sa boong bahay ang Kadiliman, ipinasok sa silid si Kadiliman, si Bakokoy at Kamagong hindi tumitinag sa kinauupan, kaya't sila lamang ang naiwan, at nasok sa silid ang lahat.--Hinampás ni Kamagong sa n~gusô si Bakokoy n~g hità n~g manók niyang pinapan~gal at saka tinanong n~g ganitó: Hulaan mo Bakokoy kung bakit nabaligtad si Kadiliman sa pagkaupô?--Ang palagay ko'y lasing kung kaya nahilo, ito ang naging tugon ni Bakokoy.--Musmós ka n~ga palang tawo ang paagad na pakli ni Kamagong--Nagalit si Bakokoy at sumigaw n~g boong lakás; pag ako'y ganitong may kalasin~gan hwag mong aalipustain si Kadiliman at babasagin ko sa ulo mo itong bote.--Hwag mo bang initan ang ulo mo, sapagka't ang malamig kailanman ay siyang magaling ¿di mo ba tanto na ang pamatay sa apoy ay tubig? Kaya't dumin~gig ka: Haya't nahilo si Kadiliman sa dahilang kaya siya naggugol n~g pagpapakain upang siyang ihalal natin kung napagtibay ang _Bill Adriático,_ n~gayo't hindi, kaya't sumubó ang dugô; kaya magmula n~gayon itong aral ko'y siya mong sundin n~g di ka mabalahô, sa panahong itó hwag kang lubhang magtitiwala sa masasayang mukha, dahil sa ang kadalasan nito'y mag-ani n~g mapait na luhâ, hwag kang padadakip sa gaya ni Kadiliman na sa kasabikan sa tungkol, lahat n~g buti ang ipinakikita, n~guni't pakitang tawo lamang, diyan ay marami pang nalisaw na ... Kahit ang laman n~g Lan~git ay ipan~gan~gako masunod lamang nila ang nais, ¿ayaw ka pa ba sa m~ga n~giting ginamit kahapon, sa m~ga yakap na ginawa kamakalawa, sa m~ga pan~gakong napako kanina, sa m~ga tamis n~g dilang ipinalasap kani-kaniná at sa masasarap na bukang bibig na ginawang sagisag kahapon? ¿Anong ibinun~ga?--Aywan ang sagot ni Bakokoy.--Ang ibinun~ga: ¿alam mo? ang sabi ni Kamagong: pawang hapis, pawang dalamhati at lubang walang lagot. Kahapon ako nakadinig sa bibig n~g gaya ni Kadiliman na ... bibihisan ang aking iná, tuturuan ang aking kapatid, hangang sa kukunin ang independencia, kapag siyang malalagay sa tungkol; ang lahat n~g ito'y naging bun~gan~gâ lamang. Kaya ang kahuli-hulihang ipagbibilin ko sa iyo'y ito: «ang tunay na pag-ibig hindi bumubukal sa bibig, kundi sa pusô; ang lahat n~g mabuting nasa hindi nakukuha n~g bun~gan~ga, kundi sa gawa.»--¿Bakit ipinan~gan~gako ni Kadiliman, na makukuha ang independencia, pag siya ang nagkaroon n~g tungkol?--Ulol, ang pasalág na sabi ni Kamagong, ang dapat mo anyang asahan, iyong inasahan n~g ating mananakop na Rizal, nang siya'y na sa Madrid na sinabi sa kanya n~g m~ga _republicano_ doon n~g taong 1882[1] _Ang Kalayaan ó pagsasarili, na hihin~gi n~g tala at hindi n~g pamamalingkahod._ Kaya kailan man makadidinig ka n~g salitang hihin~gin n~g bibig ang _independencia_ umun~gol ka, saka ikaw ay sumagot n~g baka n~ga sakali. Sapagka't si Moisés nang bigyan n~g Diyos n~g Kasarinlan upang siyang magtanghal n~g sampung utos n~g Diyos ay nakaupo sa likod n~g kalabaw, baka sakaling ganito din ang mangyari kay Kadiliman, siya tayo na, umalis ang dalawa sa bahay ni Kadiliman nang walang paalam.
[Talababa 1: Revista internacional en Barcelona.]
XII.
_Nang naglulubha si Kadiliman._
Si Kadiliman ay nakahiga sa isang gulanit na banig, at halos walang makain, taglay n~g pagdadálitang kanyang sinasayod, mula n~g makaraan ang may dalawang buan n~g paghahalalan, na sanhi sa pag-gugugol nitó sa kanyang kandidatura ay naipagbiling lahat ang kanyang ari-arian at hindi siya ang lumabás, kaya't siyang naging mula n~g sakit niyang pagka hibang at pinaglalaruang palagi siya n~g m~ga demonyo at kalulwa ayon sa kanyang panaginip, pagka't nililibon-libon sa lagnat, si Lolay na kanyang asawa ay nakapan~galumbaba sa palababahan n~g bintana at binabantayan ang kahapis-hapis na may sakít.
Nang nag-aagaw gising sa pagtulog si Kadiliman ay nanaginip na siya'y linapitan n~g Kaluluwa n~g isang Frayleng may taglay na lubid na kabo-negro, at nagsalita n~g: ¡Kadiliman! ¡Kadiliman! magsisi ka na n~g iyong m~ga kasalanan, ako ang biyenan mong iyong ipinan~gan~galandakan n~g sama, kaya't ang mamanahin mo na lamang ay ang aking solar at bahay, huwag na ang aking kasamaan; tinatalian sa paa si Kadiliman n~g kabo-negro, samantalang sinasabi ang salitang ito; sumagot si Kadiliman n~g binabatak ang hinin~ga, nagsisisi na po ako _Papá,_ lumayo ka na lamang sa akin at siyang paglapit n~g m~ga kalulwa ni Rizal, Burgos at Zamora, taglay ang tig-isang ilaw, lumapit sa kanang dako n~g kinahihiligan ni Kadiliman, ayon sa kanyang panaginip at nan~gagsabing: ¿Hindi ba iniwan namin sa Pilipinas ang iba't ibang tanglaw upang pagliwanagan ang napadadalá pa sa ulap n~g kasamaan? ¿Bakit ipinaghahanap buhay mong palagi ang aming n~galan? magsisi ka at malapit n~g pumanaw ang buhay mo Kadiliman; siyang pagdating n~g tatlong demonyong naglalakihan ang sun~gay na may m~ga taglay na sibát at inaasintá ang puso ni Kadiliman, saka nan~gagsalita n~g ... sapagka't masamang budhî ka sa iyong m~ga kababayan at madalas mong ululin, ang puso mo ang aming sisibatín, inakmaan n~g sibát, hindi pa halos umaabót sa dibdib ni Kadiliman ang saksak ay napasigaw n~g: patawarin ninyo ako't di ko nalalaman ang aking ginawa; siyang pagkagising ni Kadiliman at humin~gî n~g tubig sa asawang nalulunos, kumuha kapagdaka si Lolay at pinainom ang kaawa-awang maysakit, n~g matapos makainom, tinanong ni Lolay n~g: ¿Anong nangyayari sa iyo't ga ikaw ay naghihinagpós?--¡Oh asawa ko! ang naitugon, kakila-kilabot na bun~gang tulog ang sa aki'y dumalaw, panaginip na nagbigay gambala sa ating sinasaad n~gayong pagdaralita.--Salitin mo sa akin, asawa ko, ang palambing na usisa ni Lolay.--Ayon sa aking panagimpan, ang pasimulang pagsasalita ni Kadiliman, ako'y dinalaw n~g m~ga kalulwa nila Burgos, Zamora at Rizal at ako'y pinan~garalan at ganitó ang pan~garal na sa akin ay sinabi: ¿Bakit mo tinatakpan ang matá n~g ating m~ga kababayan, n~g ikaw lamang ay maluklok sa trono n~g panunungkol? ¿Hindi ba nan~gan~galisag ang iyong m~ga balahibo, na sa tatlong daang taong mahigit, na pinagharian n~g kadiliman ang ating bayan, na siyang dahil n~g pagkakalupasáy sa hirap n~g m~ga bálo't ulila n~g dahil sa kanya'y pag-ibig, at n~gayo'y siya mo pang uululin? ¡Ay asawa ko! ang pabuntong hini~ngang sabi ni Kadiliman, samantálang ito'y itinatanong sa akin n~g m~ga kalulwa ay tinatalian ang aking m~ga paa't kamay, at siyang pagdatal n~g m~ga demonyo na buhat yata sa Infierno at ako'y kinakalawit at pinapandilat ang m~ga matá nabinubukalán n~g mistulang apoy, at gayari ang sa akin na ipinagturing: ¡Kadiliman! ¡Kadiliman! sasama ka sa amin n~gayon din, sapagka't ang kalulwa mo'y na sa amin n~g kaharian, dahil sa sala mong magsisisúnod: Una. ikaw ang nan~gakong kukunin mo ang independencia pag ikaw ang naging punô; ikalawa, madalas kang bumili n~g botos, ito'y nalalaban sa kautusan n~g Diyos at kautusan n~g tawo; ikatlo, ikaw ang nangagahis sa layâ n~g tawo, ikaapat at huli, ikaw ang nagnanais na kung ikaw ang naluluk-lok sa panungkol, daragdagan mo pa n~g lalong hirap ang iyong kababayan, kaya't ang kahariang ito'y hinatulan ka n~g kahit ang katawan mo'y buhay, dapat ang kalulwa mo'y kunin namin at dalhin sa bayang Infierno, kilanlin mo: LUCIPER HARI SA INFIERNO, matapos na sa aki'y masabi ang m~ga kahatulang ito, kinalawit ako n~g dalawa at sasaksakin ni Luciper naman ang aking puso, dahil sa siya daw ay may kabulukan, ako'y napasigaw n~g ... patawarin ninyo ako't hindi ko nalalaman ang aking ginawa, siya kong pagkagising; kaya asawa ko, yayamang wala na din lamang akong sukat ikaguinhawa dito sa lupa at doon man sa lan~git, ako sa iyo'y nagpapaalam, niyakap ni Kadiliman si Lolay at sakâ sinungaban ang sundang na nasa kanyang lapit, at saka nagsalita: Ang kalulwa ko'y nasa infierno na, ang katawan ko'y nandito pa sa lupa; n~guni't naubos na ang aking man~ga kaibigan mulâ n~g ako'y maghirap, ¡mabuti! ¡¡¡magpatiwakal!!! umakmang sasaksakin ang kanyang dibdib, napasigaw si Lolay n~g: ¡Asáwa ko! at pinigilan ang kamay na may sungdang, hwag ka anyang gumawa n~g ganyan dahil sa walang ibang gumawa niyan kungdî si Judas lamang, na nagtakal kay Cristo sa halagang tatlong pung..... salapi kaya't walâ kang mabuting gawin, yamang nakilala mo na ang hari sa infierno at ang gawa ni Judas, dapat layuan ang m~ga bagay na iyong ninanasa, dahil sa ito'y hindi mabuti; at walang mainam gawin tayo kundi ang magtrabajo, magpapatak n~g pawis, umibig n~g tunay na pag-ibig sa bayan kinamulatan, yayamang ang bin~ging kaliwanagan na ibininhî n~g m~ga mártir sa sarili, ay siyang mapan~gan~gatigang tanglaw na maliwanag, upang tumun~go sa landas n~g ligaya. Mulâ sa n~gayon, asawa ko, ito ang aking gagawin, ang pakli ni Kadiliman.--Kung gayon, ay tayo na ang sagót ni Lolay, paalam sa inyo bumabasang guiliw.