# Ang Pag-ibig ng Layas

## Part 9

Book page: https://www.cyberlibrary.org/tl/books/ang-pag-ibig-ng-layas-46639/index.md

--At ipinababawi ba? Pinagsisihan ba ang pagkakagawad noon sa akin... Dapat niyang malamang yao’y hindi ko hiningi.

--Hindi nga, nguni’t ibig ko lamang makita ang imperdibleng yaon.

--Nakatago at aking minamahal, sapagka’t sa _Kaniya_ galing.

--Nakatago at iyong minamahal?

--Oo Maneng at nagtataka ka?--Si Binay ay nagagalak sa panibugho ni Maneng.

--Bakit hindi? Ang imperdibleng yaon na gawad niya ay minamahal ko pagka’t yao’y kaloob mo sa kanya at sa paggagawad niya sa akin ay parang naging paraan na ikaw ay nahilig sa aking pagmamahal, hindi ba Maneng?--At ilinapit ang kanyang katawan kay Maneng na animo’y naglalambing.

Lumayo si Maneng at pinagmalas ng isang malas na punong puno ng kutiya si Binay, at saka nagpatuloy.

--Kay inam mong magpakunwari. Sinabi mo ng boong katiwasayang ang imperdible ay iniingatan mo. Ito’y isang kabulaanan; sapagka’t ang imperdible ay nasa isang lalaki na pumupugay ng aking karangalan kung ako’y nakatalikod, nasa isang duwag na magnanakaw ng dangal....

--Maneng!.... Dahan-dahan; ang isang lalaking marangal ay hindi parang isang hampaslupa na nagtutungayaw sa likod ng tinutungayaw. Tangi sa roon ay hinahamon kita na di mo mapatutunayan ang mga paratang mo; samantalang ang aking sa iyo’y ipinararatang ay patutunayan kong lahat.

--Nasan ang _imperdible_? Ipakita mo sa akin at nang mabunyag ang kabulaanan mo.... Ako’y hindi nalulungkot kung ikaw ma’y nagbago ng suyo. Makaaasa kang di kita titigatigin; nguni’t ang di ko matutulutan ay ang ako ang maging tagabayad ng mga sirang kasangkapan.

--Ikaw ang bulaan Maneng--at nagtindig at nangangatal na kinuha ang _imperdible_ na isinauli ni Tomas.

--Narito--anya--kilalanin mo ang sangla mo kay Nati na kanyang pinalibhasa at pinawalang halaga. Minamahal ko sana, sapagka’t ang pangalan mo’y naririyan; nguni’t palabintangin ka at inialis mo sa akin ang kita’y pagpitaganan... Naririyan ang iyong _imperdible_--at ihinagis sa kandungan ng binata.

Nagulat si Maneng sa di inaantabayanang nangyari at sa dapat na siya’y magalit ay siya ngayon ang di makaimik sa harap ng katotohanang kanyang nakikita.

Aling _imperdible_ ang kanyang nakita kay Tomas? Ito rin, itong ito; nguni’t bakit na sa kay Binay?

Samantalang ito’y nagsalimbay sa kanyang hinagap, si Binay ay nagpatuloy:

--Nalalaman kong gaya ng lahat ng bulag na asawa ikaw ay lubhang panibughuin, salamat Maneng sa tandang ito ng pagiingat mo ng karangalan, mainam yaon kahit na ako’y ipinalagay mong isang _maawain_; nguni’t ang dito’y natatago, ang nalalaman mo, ang iyong tangka na aking nahulaan, ay ang makipagkagalit ka sa akin sa gayong paraan; nguni’t Maneng, maghunos dili ka. Alalahanin mong ikaw at ako ay iisa sa harap ng Dios. Alalahanin mo na maaari nating paglalangan ang iba, nguni’t tayong nakatatalastas ng ating ginawa, tayo’y di natin madadaya.

At lumapit, na pamuli kay Maneng.

--Ngayon Maneng, ang imperdibleng yan na hinahanap mo ay may matuwid kang mainis nga sa panibugho, nguni’t di sa akin, kungdi sa iyong Nati, na di natutong magmahal sa iyong alaala.

--Aking Nati!...--ang pakunwari ni Maneng.

At inakbayan ng kanyang bisig si Binay na hinigpit sa kanyang dibdib, upang mapaamo marahil.

--Hangal!...--ani Maneng,--Maaari bang ang ibang babai ay aking mahalin samantalang ang panunumpa ko ay sa iyo iginawad?

At ang babai, babai palibhasa ay napalamuyot sa mga alo ni Maneng at ang kangina’y nagkakagalit mandin, ngayo’y pamuling nagsilusong sa dagat ng ligaya.

At sinamantala ni Binay ang ganoong kahinaan ng puso ni Maneng, na linasing na mabuti sa suyo at lamyos at nang makaraan ang ilang sandali ang lalaki ay nangusap:

--Binay--aniya--Patawarin mo ako sa aking kabiglaanan. Ang _imperdible_ ay tanggapin mo at di ako sino upang bumawi ng isang bagay na di sa akin galing.

--Itatago ko at tatanggapin ng boong puso bagamang umaapaw sa akin ang poot sa pinanggalingan niyan, sa babaing nagnanasang umagaw ng aking ligaya; nguni’t sa kasawian niya Maneng ay nasa piling kata at ako’y iyong minamahal, ano hindi ba Maneng?

--Nang boong puso Binay, ng boong kaluluwa.

--Ayaw ko nang mawalay pa sa iyo Maneng. Ang tukso ay lumiligid sa akin at ang panganib ay lumiligid sa iyong ibig kang iwalay sa aking piling.

--Bakit Binay?

--Ipinatatalastas ko sa iyo Maneng na ni isang sandali ay di na ako makapagiisa. Natatakot ako sa mga katotohanang umaagaw sa aking katahimikan.

--Ano yaon Binay, ipagtapat mo sa akin at aking lulunasan pagdaka.

--Sa ikaw ay nasa ibang piling Maneng, at gaya ng asawang mairugin ako’y nananaghili.

--Na ako’y nasa ibang piling ngayong ako’y naririto at iyong iyong magisá?

--Oo, Maneng ikaw ay nagkamali, nguni’t pinatatawad kita. Di na ako hihiwalay sa iyo isang saglit man.

--Ano Binay ang ipinagkamali ko?

--Napakasal ka kay Nati. Hindi ba? Pabulaanan mo sa akin Maneng ang katotohanang iyan, at alang-alang sa salita mo’y paniniwalaan kita.

--Oh, hindi, hindi; kailan ma’y hindi ko magagawa ang gayon--ang animo’y baliw na tugon ni Maneng.

--Pabulaanan mo Maneng ang Pahayagang iyan na nagbabalita ng isang paninirang puri--at iniabot ang Pahayagan.--Pagusigin mo kung sino ang naglathala.

--Oh.... yan ay kabulaanan ng mga manunulat. Pag-uusigin ko....

--Oo, kabulaanan nga; at hayan pa ang isang pakana ng mga kaaway mo--at iniabot ang kasulatan ng kasal nila ni Nati.

Kung ang lupa ay mabuka at linamon si Maneng, kaipala’y minabuti niya kay sa nangyaring yaon. Malaong di umiimik at napalagmak sa panlolomo. Ang pawis niya sa noo ay butil butil na sumisibol.

Si Binay ay agad lumapit at anya:

--Maneng, huwag kang malumbay. Ano sa akin kung _siya’y_ isang hangal na sumugba sa ningas? Ang karangalan ay akin at ang kapintasan ay nasa _kanya_, sa _kanya_ babagsak ang pula. Makalilibo ka mang ibigin ng ibang babai ay di ko pinipigil ang iyong laya. Ibahin mo ako Maneng, nguni’t sapagka’t ako’y asawa mo, ay dapat na ang gabi ay ibigay mo sa akin, sapagka’t yaon ay akin. Hindi ba Maneng?

--Salamat Binay, kay laki ng iyong puso.

At ang dalawang magasawa ay magkasamang lumuwas sa Maynila pagkatapos na makuhang lahat ang mga ari-arian ni Binay.

Napatayo si Maneng sa isang katayuang mapanganib, nguni’t ano ang magagawa sa yaon ay likha ng mga pangyayaring di maiiwasan?

XXVII KABANATA

ANG IMPIERNO SA LUPA

Dumating na maluwalhati si Maneng at si Binay sa tahanan ng lalaki. Si Gorio ay hangang-hanga kung bakit at kakakasal lamang ng kanyang Panginoon, ay iba na namang babai ang kasama at sa sarili pang tahanan iniuwi.

--Makikita mo Biyang--ani Gorio--Makikita mo at basagulo na naman ang taglay ng Mang Maneng.

--Siya nga Gorio; sa tuwing ang ating Panginoon ay magdadala ng babai dito sa bahay ay kawil-kawil na gulo ang dumarating. Nakita mo noong Karnabal?

--Oo, at lalong kataka-taká ay iba ang dinala, iba ang naanakang naghahabol at iba ang naging asawa.

--At ngayon ay iba na naman ang dala rito. Ano kaya ang magiging buntot ng dalaginding na ito?

--Hintayin natin at makikita mo’t komedya na naman itong walang pagsala.

Hindi pa natatapos ang salitaan at bago pa lamang halos nagiinit ang pagkaupo ng dalawang magkalaguyo sa isang maringal na _sofa_ ay satatawag sa bahay ang isang lalaking anyong buhat sa lalawigan na may kasamang dalawang kagawad na lihim at isang sa bikas ay Abogado mandin.

Sinalubong ni Gorio at nang mapagtanto na ang pakay ay ang kanyang Panginoon, ay ipinagkaila at sinabing _wala roon_, sapagka’t kinakabahan siya mandin; nguni’t tinangaan siya ng kagawad ng kanyang _revolver_ at anya:

--Maiwan ka rine at kami ang aakiyat upang mapagalaman natin kung wala nga.

Kumalat sa boong katawan ni Gorio ang isang kahambal hambal na kagitlahanan at pagkasilip ni Biyang sa nangyayari ay nasabi sa sarili ang gayari:

--Sinasabi ko na’t ang basagulo ay di malayo,--at nagdudumaling tumawag sa silid ng kanyang Panginoon.

--Mang Maneng po.... Mang Maneng. Marami pong tao sa lupa at si Gorio ay dinadakip mandin. May mga revolver pang hawak.

Napaigtad si Maneng at boong galit na lumabas at sinalubong ang dumarating:

--Ano ang kalapastangang ginagawa ninyo sa aking tahanan mga Ginoo, Gorio bakit?

--Ewan po Mang Maneng, kayo po ang kanilang hinahanap.

--Kung ako ang inyong pakay mga Ginoo ay mangagsituloy kayo at huwag gagamit ng anomang kagahasaan. Huwag kayong biglabigla sa aking mga alila at ako’y handang makipagtuos kangino man.

At ang mga panauhing di kilala ay nangagsipanhik na lahat sa bahay tangi sa isang di napakilala at naiwan sa lupa; siya’y si Tomas na siyang may pakana ng lahat.

--Ano ang aking maipaglilingkod sa inyo, mga Ginoo upang magkalutas tayo agad. Sino po ang ikinararangal kong kausapin?

--Ako po Ginoo, upang tayo’y magkadalian, gaya ng inyong sinabi, ay siyang ama ng babaing inyong itinakas buhat sa Bokawe. Nalalaman na ninyo? Ako ang ama ni Binay. Saan siya naroon?

--Marami pong salamat--ang tahimik na tugon ni Maneng.--At ano po ang aking maipaglilingkod? Ipagpaumanhin ninyo ang di ko pakikiharap, sapagka’t tunay na hindi ko kayo nakikilala--at dumungaw sa silid at tumawag.

--Binay!--anya--Parini ka’t narito raw ang tatang.

Natigilan ang panauhin sa katiwasayan ni Maneng na di man nababahala.

Hinarap silang muli ni Maneng at anya:

--Ipagpatawad po ninyo sa amin ang kabiglaanan ng pagluwas; nguni’t inaakala ko pong hindi ninyo sukat ikabalisa, sapagka’t si Binay ay nasa sarili niyang tahanan. Ako ang kanya pong asawa.

At si Binay ay lumuhod sa ama, at anya:

--Ang anak mo tatang ay hindi tumakas upang pairugan lamang ang maling pita ng katawan. Ang anak mo po’y sumama sa kanyang asawa, bagay na di mo po dapat na pagtakhan. Ito’y tumpak at kinakalinga ng mga Batas.

--At kayo ba’y kasal na Binay? Bakit di na ninyo ipinatalastas sa akin?

--May ilang buwan na po tatang; nguni’t sa mga ganitong pagkakamali na ang puso ay siyang namamahala sa tao, ang agarang hatol ng iba ay nawawalan ng saysay sa harap ng katotohanan, kaya ama, patawarin mo ang aming kamalian at igawad mo sa mga nabiglaanang anak mo ang inyong pala. Kami ay nasa biyaya ng Poon.

Si Tandang Atong (ang ama ni Binay) ay natigilan.

Ang dalawang Kagawad na lihim ay naglipatan ng tingin at inakalang sila’y kalabisan na roon at madaling napaalam.

Pagkaalis ng mga _secreta_ ay sinalubong ni Tomas at tinanong:

--Ano ang nangyari mga kaibigan?

--Ah!... Ang _rapto_ na siya naming sapantaha ay gumuho at ang galit na ama gaya ng maaasahan ay gumuhong lahat din sa pakikiayon sa manugan na mayaman, mabikas at ang diwa’y busog sa tanglaw ng talino.

--Oh namamali kayo ng sapantaha, ang ginoong yaon na inakala ninyong isang matalino ay isang hangal na hindi marunong magpapanatili ng kaligayahan na ikinatiwala ng palad sa kanyang kapamahalaan.

--Hindi ko makita ang inyong sinasabi?

--Hindi?... Kahit ninyo ipikit ang inyong mga mata upang huwag makita, kahit ninyo takpan ang inyong mga tainga upang huwag maringig, ang dapat na mangyari ay mangyayari at gaya nang ako’y inyong kausap ngayon ay magiging panauhin sa pook ng mga salarin ang palalong mayaman na inyong sinasapantahang batbat ng liwanag ng katalinuhan.

--Hindi ko malaman kung bakit at sa isang tao na may marangal na gawi, bagamang palalo; may dakilang asal at mapitagan hanggang sa lalong mapanganib na katayuan na, ang lalong malakas na diwa ay nadudupilas at nababalisa; at sa isang taong tahimik na sa gitna ng sigwa sa buhay ay di nababalino at di nakalilimot sa mga aral ng dakilang asal, kahit na magipit ng isang kagipitang likha mandin ng kanyang kapangahasan; hindi ko malaman kung bakit at sa isang tao na gaya noon ay nagbubuko ang iba ng masasamang nasa. Hindi ko malaman kung bakit dapat na mapabilang sa mga salarin.

--Ako po ang tanungin mo at ako ang makaaalam kung bakit--ang salo ng kasama.

--Turan mo nga po--ani Tomas.

--Sapagka’t isang hapon na di ninyo dapat na malimutan ay ipinasukat sa inyo ng taong yaon (tinutukoy si Maneng) ang makintab na baldosa ng _La Campana_.

At ang dalawang tiktik ay nagtinginan na wari naala-ala ang isang pangyayaring nakabalisa kay Tomas.

--Hindi dahil doon mga Ginoo, hindi dahil sa ako’y kanyang tinampalasan.

--Ay dahil sa ano?

--Dahil sa inaakala ko na ang batás ay may sariling bisa sa harap ng mayaman at dukha man.

--Ano ang ibig ninyong sabihin?

--Na si Maneng, ang asawa ng taga Bokawe, ang mayaman, matalino, makisig na lalaking tahimik na tahimik ay nasa sa lilim ng kapamahalaan ng mga Hukuman, pagka’t siya’y lumabag sa mga batas na nagpapanatili ng kapayapaan ng ating Kapisanan.

At nang huwag kayong magalinlangan ay alamin ninyo na si Maneng ay _makalawang pakasal_, at ang ganitong paglabag ay pinarurusahan ng boong higpit.

--Ah, yan po’y hindi sa amin nauukol Ginoo. Wala po kaming karapatang magusig. Kami ay mga galamay lamang na ginagamit upang mapapanatili ang kapayapaan at ang mga Batás ay igalang at pairalin.

At ang tatlo’y naghiwalay.

At si Tomas ay tumungo sa Pasulatan upang yumari ng isang tudling na mahayap na magpapasakit ng gayon na lamang kay Maneng.

XXVIII KABANATA

ANG PAGGUHO NG TAHANAN

Pagkatapos na masiyasat ni Mang Donato na ama ni Binay ang patunay ng kanilang pagiisang palad at makapagmalas na pawang kasaganaan ang ibinabadha sa lahat ng sulok ng tahanan ni Maneng ay nasisiyahang nagwika:

--Pagpalain kayo ng Panginoon, mga anak ko, at nawa’y manatili kayo sa kaligayahan.

At binigkis sa yakap ang dalawang anak na pinagpapala.

Yumaon pagkalipas ng isang sandali, na di binigyang sagwil bahagya man ang inaakala niyang mga nananabik na bagong magasawa, sa pulot at gata ng bagong kalagayan.

Nguni’t sa katotohanan si Maneng ay lalong dinalaw ng balisa. Ang lihim na lihim na kasal niya kay Binay ay bunyag na ngayon.

Paano kaya siya sa harap ng kapisanan, paano ang gagawin niyang pakikiharap sa maganak ni Selmo at higit sa lahat ng ito ay paano ang gagawin niya upang ang kanyang mahal na si Nati ay manatili sa katahimikan.

Hinagkan si Binay ng boong tamis, at napaalam na sandali upang lutasin ang kanyang mga nabibiting suliranin.

At parang nakahinga si Maneng nang siya’y hagkan ng malamig na simoy at nagiisang malayo kay Binay, malayo kay Nati, naaawa kay Mameng at sumusumpa kay Orang.

Oh... ang buntong hininga ni Maneng--at binilisan ang takbo ng auto na pinalilipad halos.

Binagtas ang mga lansangan; wala siyang anomang napapansin. Sa kanyang diwa’y nagsisikip ang isang mahigpit na suliranin ng kanyang buhay at sa gayong pagwawari ay parang hiyaw na tuwi na sa kanyang pangdingig, parang kidlat na gumuguhit sa kanyang pantanaw ang gayari:

_Ang araw ngayon ay iyo bukas ay di mo malaman kung para sa kangino._

At sa kanyang puso’y kumalat ang isang karamdamang nakaaaliw sa kanyang diwa at nagbalak ng isang balak sa sarili:

“Kung ang sasakyan ko’y ibinubuno ng alon, ipinaghahampasan ng sigwa, at pinapaslang ng walang pitagan kong maitim na tala; kung natatalastas kong ang kaya ng tao ay lubhang maliit, ang diwa ay nagkakait ng tanglaw at ang puso’y tumitibok ng pangamba, ano ang aking magagawa?”

At nagbago ang hantungan ng diwa at pinasiyahang bumili ng isang bagong tahanan na mapagpugaran ni Binay. Hindi dapat na sinomang babai, kasakdalang kanya mang sinasamba halos, kahit na si Nati pa, na sukdulan ng kanyang pitagan, ay tulutan na ang kanyang tahanan ay dalawin.

Damdam ba niya’y ang babai ay laging nagdadala sa kanyang tahanan ng ligalig, kaya’t panibulos na nagtatag ng panibagong tahanan na laan sa kanyang taga Bukawe.

At salapi palibhasa ang namahala ay karakarakang nakapagtayo ng isang munting langit sa Manga Avenue sa Santa Mesa, at sa dambana ng tahanang yaon ang Pintakasi ay si Binay.

Pagkatapos na mailipat sa bagong tahanan ang taga Bukawe, ang tunay niyang asawa sa harap ng mga batas, ang babaing masaya na laging masunurin sa kay Maneng sa lahat ng hibo ng kalupaan, ay lumiham kay Nati ng isang lalang, upang maitago ang kanyang magusot na pamumuhay: Gayari ang nasa liham ni Maneng:

“Nati ko; aking Nati:”

“Hindi ako tumelegrama pagdating dito pagka’t iniilagan ko na matalastas ng nanay ang ating binabalak na paglalakbay.”

“Linulutas kong kasalukuyan ang mga kinakailangan upang huwag tayong dalawin ng gipit sa paglalayag sa paglilibot sa boong daigdig, upang doo’y tuklasin ang ligaya na ikinakait sa atin sa sariling lupa; at sa silong ng ibang langit, doon marahil tayo tutunghan ng buwang lalong maliwanag, ng mga bituwin na lalong maniningning, at ang pagtatamasa ay di ikakait sa atin ng ating malupit na tadhana.”

“Umaasa ako Nati, na doo’y di tayo gagambalain ng mga ala-alang mapanglaw ng aking kahapon, at palibhasa ay wala tayo doong kakilala man lamang, ang pagmamahal ko’y mauubos sa iyo at ikaw naman sa akin ay maguubos ng iyong ganap na pagmamahal. Hindi ba Nati?”

“Napakasaklap ng patlang na ito ng ating kasalukuyan. Ang pagkawalay ko sa iyo’y lubhang napakalungkot sa akin at ang aking mga sandali dini sa Maynila ay nagiging malalawig at kalunos-lunos. Dini ay wala ang mga hunihan ng mga ibon, ang matuling lagaslas ng tubig sa mga batisan, ang lagitikan ng mga siit kung ginagahasa ng hangin at ang kahanga-hangang katahimikan pagdungaw ng gabi upang tayo ay malayang tulutan na makapagbubo ng samyo nang lalong banal na pagiibigan. Dito ay pawang ingay ang namamayani. Mga kaaway na dibdib ang sa kahilingan ng mabuting gawi ay yinayakap. Mga tampalasang kamay na may dungis pa ng balaraw na handang papaglagusin sa ating puso ang kinakamayan ng boong higpit. Mga ngiting pilit at pinagaralan, at ang pagkukunwari’y siyang pangkasalukuyan. Isang walang katapusang balatkayo na di ko matatalima.”

“Nguni’t ang lahat ng ito’y tulong-tulong na nagtataboy sa atin upang tahakin ang malalawak na dagat at sa ibang lupa, humanap ng ibang simoy, ibang kaugalian at doo’y itayo ang mga muog ng ating gusali ng ligaya na matibay na matibay.”

“Kung di ko pipigilin ang panitik ko Nati, kung ikaw ang aking kinakaulayaw, ay maging papel man yata ang malawak na langit at maging tinta ang kalawakan ng dagat ay di mandin matatapos ang sa iyo’y ibig kong ibalita.”

“Nguni’t huwag nating aksayahin ang panahon, ang kislap daw ng ngiti ay sasandali lamang na dumudungaw sa mga labi samantalang ang bakas ng kapanglawan ay di yumayao karakaraka sa ating anyo.”

“Maghintay ka nga at ang ating mabubuting sandali ay namimitak na.”

“Ang laging iyo,” MANENG.

Busog sa kasayahang binasa ni Nati ang liham ni Maneng, at binubusog sa halik, samantalang binabasang paulit-ulit at sinisinag doon ang kaluluwang matimtiman at pusong mairugin ng giliw niyang si Maneng.

Noon, malayo man siya kay Maneng, ay nararamdaman niya na nasa kanyang piling mandin sa lahat ng sandali at binabalot siya ng walang maliw na ala-ala. Ang pangungulilang saglit ay di naghari sa kanyang karamdaman, nguni’t ang luha ng galak ay nagsusumungaw sa kanyang mata.

Maya-maya’y isang liham na naman ang dumating.

Ang puso niya’y sumikdong muli pa.

--Talagang si Maneng--anya--ay napakamairugin--at binuksan ng boong ingat ang sobre:

Anang liham:

“Ginang:”

“Huwag mo pong pagtakhan ang kapangahasang ito; nguni’t ang isang tapat na kakilala ay di dapat maghalukipkip at di dalidaling sumaklolo kung ang isang iginagalang ng boong pagmamahal ay nababalaan ng isang sakuna.”

“Ang kalakip pong _pilas_ ng Pahayagan ay siya nang magtatapat sa inyo ng di ko masabi; sapagka’t ako’y natitigilan sa bangis ng katotohanan.”

TOMAS.

--Sinong Tomas ito--ani Nati--at ugaling babai palibhasa na hangad na mataho ang tanang bagay kahit na lasong pangpatay ang taglay noon ay binasa ang _pilas_ ng Pahayagang kalakip ng sulat.

ISANG MAUGONG NA ALINGAW-NGAW

“Kumakalat ang balita na ang Kagawaran ng Tagausig (Fiscalia) ay nababalinong kasalukuyan sa isang maingay na usapin na nasa kanyang kamay ngayon.”

“Umano’y ang tanyag na mangangalakal na si G. Manuel San Juan na nakipagisang puso kay Bb. Natividad Lopez ay nagsisikap na kasalukuyan upang iliblib sa pamagitan ng paglalagalag sa ibang lupain ang una niyang kasal na sinumpaan sa isang magandang taga Bokawe na nagngangalang Severina Francisco. Ang mga kagawad ay di umiidlip at may mga kautusan nang ilinagda upang sagwilan ang nagnanasang maglaro sa mga batas na umiiral.”

“Ang mga sumusunod na kasulatan ay siyang mga patunay na ang nasabing Ginoo, na nasiraan mandin ng bait sa mga panghalinang dilag ng dalawang babai, ay nakagawa ng isang kalapastanganan.”

“Ang isang kasal, gaya ng makita sa siping ilinathala namin ay idinaos ng biglaan at ginanap ng isang Pastor Protestante at ang pangalawa ay sa bahay ng binibining huling pinakasalan na ganap ng Cura sa mataong bayan Tundo, nang ang nasabing babai ay nabibingit sa kamatayan.”

LAGING-DILAT.

Naguló ang ulo ni Nati, ang diwa niya ay nalitó, ang puso niya ay linunod ng pighati at ang hininga ay sandaling pumanaw.

At nang siya’y pagsaulan ng bait ay ang mairuging ina, si Balong Tayang ang siyang sa kanya’y tanging sumaklolo.

--Maneng--ang hibik ni Nati--Maneng, saan naroon si Maneng? Tawagin si Maneng nanay.

At si aling Tayang ay agad nagpadala ng isang telegrama sa Maynila. Gayari ang nasasaad:

Anselmo Lopez, Tundo, Maynila, K. P.

Parine kang agad at ibalita kay Maneng na si Nati ay malubha.

Tayang.

XXIX NA KABANATA

¡WALONG TAON!

At si Maneng ay nababalisa sa piling ng magandang taga Bokawe.

Ang “Mongolia” ay tutulak sa ating lunsod patungo sa Hilaga at nakahanda nang lahat ang kailangan nina Maneng upang tumakas sa mga batas na walang awang kaaway sa sariling lupa.

Ang mga Pahayagan ay di nababasa ni Maneng palibhasa’y gulong gulo ang kanyang diwa at litonglito ang pagiisip sa magusot na suliraning sarili.

Inakala niya na si Binay ay langong lango sa pag-ibig na kanyang ipinagbudyakan. Inakala niyang sa kanyang pakikisamang ilang araw at sa walang patumangang pagyayaman sa kanilang langitlangitan sa Santa Mesa, ay tahimik na ang butihin niya at masayang birhen; at tahimik na nga; at lubos ang pakikiayon sa buhay na yaong sariling sarili; di man lamang natitigatig kahit sasandali; at di mandin kinakabahan na siya’y lalayasan ng giliw.

Datapua’t si Maneng ay dinadalaw ng isang alaalang nakababalino. Siya’y yayaon at kaipala’y di na muling babalik pa; magagawa kaya niyang lumayo ng malayong malayo nang di man lamang makausap si Mameng?

Si Mameng na bulag na lumusong sa libingang kanyang hinukay; si Mameng na sakbibi ng panglaw dahil sa kanya; si Mameng na di man niya iniibig ng tapat, pagka’t di na magagawa ang gayon, nguni’t pinipintuho naman ng kanyang kalolua, sinasamba ng kanyang diwa, at nais niyang magawaran ng isang pahimakas; nais niyang pagpaalaman; at kahit hindi? Hangad din naman niyang bilang baon sa paglalayag at paglalagalag na parang isang _Samuel Belibet_ ay taglain niya ang isang huling alaala, isang patibay na muli pa ng sanla na kanyang pinuti niyaong karnabal na nagdaan.

At ang bahay ni Selmo ay dinayo pagdaka; hindi siya marahil paghihinalaan nino man, magkaniig man sila ni Mameng, sapagka’t talastas ng lahat doon na siya’y asawa ni Nati. Doo’y wala marahil na makasalanang malas na maghihinala man lamang sa kanya ng sanhi ng kanyang pakay.

At napataong si Selmo ay kaalis pa lamang sa bisa ng _telegrama_. Umalis, na, ang tagubilin kay Mameng ay gayari:

“Kung si Maneng ay mapaparini, ay sabihin mong hintin ako”--at anya sa sarili--“kawawa naman, hindi niya dapat na malaman agád ang sakunang nangyayari sa kanyang asawa.”

Si Yoyong ay nasa kanyang gamlayan.

Pinalad si Maneng na datnan si Mameng na halos nagiisá at tangi sa isang matandang ali at mga utusan ay walang ibang tao sa bahay. Parang tiniyap sa pagkakasala.

At ang dalawang puso’y nagtibukang pamuli.

--Mameng--ani Maneng pagkaraan ng isang saglit--ang palad natin ay linikha mandin upang magdusa, ako sa kasalukuyan ay nasa langit mandin, sapagka’t ako’y nasa piling mo, nguni’t bakit ba’t ang ligaya ay saglit lamang dumungaw sa aking puso? ¡Napakaramot!

--¿..............?

--¡..............!

