# Ang Pag-ibig ng Layas

## Part 8

Book page: https://www.cyberlibrary.org/tl/books/ang-pag-ibig-ng-layas-46639/index.md

--Labis po sa akin ang salaping yan, at di yan ang lalong dapat panghinayangan. Ang kalinga ng isang kaibigang makapangyarihan ay di madaling makita sa buhay na ito.

--Tunay po Ginoo; nguni’t lalo pong mahirap na hanapin ang isang payapang budhi.

--At kayo po ba’y natatakot sa ano man? Yaon po’y isang himaling lamang at di sa nasang makaligalig kangino man. Huwag nga kayong magala-ala na ang Hukuman ay makikialam sa bagay na ito.

--Hindi po ako nababahala sa mga Hukuman, hindi rin ako natitigatig sa kalupitan ng mga batas na kung minsan ay naiinis din sa tambak ng salapi.

--Tunay ang inyong sinabi at kung kayo’y mapapanganyaya, ay marami tayong salaping magugugol. Maaasahan ninyo ang aking tulong at yamang di naman tayo maaapi ng sino man, ang payapang budhi ay saka na....

--Salamat po Ginoo sa inyong walang pangingiming pagwawaldas ng sariling kayamanan na walang salang labis na labis sa mga gugulin ninyong karaniwan, nguni’t...... Lalong mabuti ang inyong gugulin sa ano mang pakikinabangan ng tao at di sa ikapapahamak.

--Ang kinatatakutan ko po--ang dugtong pa--ay ang tutol ng sariling budhi, ang pananalig na sarili, at ang malabis kong paniniwala na ang Diyos ay di mapaglalalangan. Sa Kanya’y walang nalilihim.

--Ang Diyos mahal na Pastor ay hindi nakikialam sa mga tao.

--Patawarin kayo ng Dakilang Manunubos, Ginoo. Hindi ko po matutulutang lumawig ang ganyang panunungayaw sa bahay na ito na kanyang liniliwanagan ng masaganang biyaya.

--Kung gayon po’y......

Hindi natapos ang sasabihin at ang kamay ng Pastor ay iniabot sa kanya pagkatapos na masamsam ang salapi at sa kanya ay maisauli.

Yumaon si Maneng na ngitngit na ngitngit at di na nagpatuloy sa Bokawe gaya ng kanyang tangka.

Pinihit ang _auto_ at umuwi sa bahay na taglay sa kaloluwa ang isang malaking ligalig.

Dumating siya nang boong pagkahanga nang madatnan niya roon si Anselmo at ang kanyang Abogado na nagkakaniig at siya ang pakay.

--Limang puong piso po lamang ang multa na kinawian ng basagulo ninyo kahapon mang Maneng--anang Abogado, sa dumating na binata, at isinasauli ang kalabisan ng salaping kanyang ipinagkatiwala sa kanyang taga-pagtanggol.

--Itago ninyo sa inyo kaibigan, at saka na ninyo liwanagin sa akin sa ibang panahon. Iya’y di dapat makabalisa sa inyo.

--Dahil lamang dito kung kaya ako naparini; tangi sa roon upang kayo nama’y matahimik at handugan ko ng maligayang bati.

--Itinawag na lamang sana ninyo sa _telefono_, sana’y hindi na kayo nagabala.... Ang bagay na yan ay inaasahan kong talagang sa gayon mauuwi, lalo na’t sa ilalim ng inyong pantas na pamamatnugot.

--Wala ka pong sukat alalahanin. Nalalaman ninyong ako’y laan sa inyong utos kailan man. Siya po, upang kayo nama’y magkapanahon sa inyong mga ibang kailangan ay yayaon na ako.

At ang Abogado ay umalis pagkatapos na makamayan ang dalawang magkaibigan.

--Hindi ka umiimik Selmo, ano ang nangyari?

--Walang malaking bagay Maneng. Nasa kong pumanatag ka at magusap tayong sumandali.

Ang ulo ni Maneng ay nalito. Inakala niyang baka natalastas ni Selmo ang kanilang kasalanan ni Mameng at dahil dito’y natigilan at di makaimik halos.

--Tumahimik ka Maneng at walang malaking bagay.

--Ano kaya ang maipaglilingkod ko sa iyo Selmo? Bakit kaya sa mukha mo’y nababakas ko ang lumbay?

At si Maneng ay naupong balisang-balisa. Natatakot siya sa hiyaw ng sariling kasalanan.

--Maneng--ani Selmo--kagabi ay nasalubong ko dine ang magandang _fondista_, at buhat kagabi ay napapansin kong balisa si Nati. Kangina ay nanggaling ka sa bahay at tayo’y hindi man nagkausap dahilan sa agad kang umalis. Pagkaalis mo’y nagulo na ang ulo ni Nati. Bakit kaya? Ibig mo bang liwanagin sa akin, Maneng?

--Wala akong maala-alang ikabagabag niya, Selmo. Si Orang ay isang babaing kilala mo at kilalang lalo ni Nati. Hindi ko matalastas kung ito ang sanhi ng kaniyang kalungkutan. Noong kamakailan ay iliniwanag ko na kay Nati ang katayuan namin ni Orang. Ang mga sulat ni Yoyong ay natuklas ko at ang mga sulat na ito ay nagsasalitang mag-isa. Ito’y nasa sa kanyang lahat.

--Huwag nating pagusapan iyan Maneng, at may iba tayong bagay na dapat lutasin. Binanggit ko lamang si Orang sa kadahilanang baka ikaw ay may mahigpit na katayuan sa kanya ay nang huwag naman siyang maapi. Narito Maneng, basahin mo ang sulat ni Nati at saka mo ako tugunin kung ano ang dapat nating gawin.

Binasa ni Maneng nangangatal ang liham ni Nati at pagkatapos ay nagsabi:

--Selmo tayo na at di ko mapapayagang ang isang anghel ng kabaitan ay tumangis; lalo na kung dahil sa akin.

At ang magkaibigan ay sabay na nanaog at tinungo ang tahanan ni Selmo.

Kapuwa hindi umiimik na tinahak ang lansangan at dumating silang napapahanga sa kanilang dinatnan.

Ang Doctor na na sa bulwagan ay kausap ni aling Tayang at ni Mameng. Tahimik na tahimik. Halos anasan ang salitaan.

Isang Pari ang nasa loob ng silid at nakayupyop kay Nati; isang sakristan ang nakaluhod na nananalangin at dalawang kandila ang nagniningas sa dambana. ¡Kay lungkot na sandali!

Maya-maya ay tumugtog ang kililing ng sakristan na nagbabalitang ang Katawang mahal ni Jesus ay itinatanyag at ang lahat ay nagluhuran at ang pakikinabang ay ginanap ni Nati ng boong pitagan.

Natalastas ni Maneng kay Dr. F... ang nangyari at paglabas ng Pari ay binalak nila ang isang dagliang kasal kung nabibingit sa kamatayan.... Ito ay isang mabisang biyaya anang Pare.

At si Maneng sa gayong katayuan ay parang isang tupa na maamong-maamo na sumusunod saan man dalhin; kahit na sa dambana na sa kanya’y pagsusunugan.

Sandali pa ang nakaraan at si Nati ay asawang tunay na ni Maneng, pagkatapos ng basbas ng Pare.

XXIV NA KABANATA

ANG PULOT AT GATA

Gumuhit sa diwa ni Maneng pagkatapos ng basbas ng Pare at kakilakilabot na wakas na nakahanda sa kanyang palad sa pagkapakasal na yaong muli; hindi kaila sa kanya na pinaguusig at pinarurusahan ng boong lupit ang lumabag sa kautusang yaon; nguni’t sa harap ng mga pangyayari, sa kanyang alang-alang kay Selmo na kanyang pinagkulangan sa tungkuling dapat taglayin ng isang kaibigang tapat, at sa pag-asa niyang si Nati ay walang salang di niya ipagluluksa sa lalong madaling panahon, siya ay napanibulos na lumusong sa balon ng kapanganiban. Nguni’t ang palad niya gaya ng sa lahat ng halaghag ay talagang linikha mandin upang huwag tumahimik; at si Nati laban sa pag-asa nang lahat, na mamamatay na walang sala, ay gumaling pagkakasal niya kay Maneng.

At ang lahat ng pangyayari na dapat ikatuwa ni Manéng ay lumilikha sa kanya ng lalong kakilakilabot na sandali, para niyang nakikita na sa kabila ng kaniyang pagkadupilas na yaon ay nabuksan ang mga pintuan ng Bilibid upang siya’y bigyan ng puwang na makapasok, at ang nakapangingilabot na damit bilanggo na halang sa katawan ang guhit, sa lahat ng dako ay siya mandin niyang namamalas. Siya’y kinilabutan.

Nguni’t isang kaisipan ang kanyang naaala-ala at anya sa sarili:

“Kung tayo’y mamamatay din lamang bukas ano’t di samantalahin ang araw ngayon?”

At sinikap niyang limutin ang lahat.

Ang tag-init ay nagmamadaling sumasapit pagkaraan ng Karnabal. Ang alinsangan, lalo na dito sa Maynila ay gumagambala sa tanan. Wari lalong mainit ang araw, sampu ng simoy ng hangin ay wari sinasala sa isang malaking siláb: at ang gayari sa lahat ng may mariwasang kabuhayan ay parang nagtataboy upang lumayo sa matao at maingay na Kamaynilaan at humanap ng mga pook na may malamig na singaw. Sa mga piling ng bundok at mga batis.

Ang Bagyo ay siyang dayuhan ng mga kagawad ng Pamahalaan, niyang mga pinagpalang mabuhay at magliwaliw sa pamamagitan ng salaping bayan, at ang Marilao, Silang, Sibul, Los Baños at Antipulo ay nagpapangagaw sa ganitong panahon upang kanilang maging panauhin ang nangagsisilayo sa Pangulong Bayan kung tag-init.

Si Nati ay magiliw na lumapit kay Maneng at aniya:

--Napapansin ko Maneng na palagi kang matamlay; bakit kaya?

--Hindi ko maalaman Nati kung bakit; sa katotohana’y hindi ko nararamdamang ako’y namamanglaw. Marahil ang lagim na bumalot sa aking kaluluwa nang tanggapin ko kay Selmo ang huli mong sulat sa pagkadalaga, ay siyang hangga ngayon ay sumusukob sa akin.

--Ah Maneng, yaon ay lumipat na sa mga pangyayaring yumaon. Huwag mo nang ikabalisa ang isa kong kabiglaanan ay yao’y bunga ng pagpanaw sa akin ng pag-asa. Subali’t ngayon, ngayong sariling sarili natin ang buhay at walang sagwil na ano man, ang langit ng ating palad ay dapat ng magliwanag, hindi ba?

--Yaon ang dapat na mangyari Nati, at ang puso ko’y tigib na tigib sa ligaya, aywan nga lamang kung bakit ang tingin mo’y malungkot ako.

--Ang pusong ninibig Maneng ay di madadaya, nararamdaman kong ikaw ay malungkot at kahit na sabihin mong hindi, sa nakikita ko ako maniniwala; ang mga mata mong dating maningning ngayo’y lumamlam ang kiyas mong dating masigla ngayo’y waring hapo at nanlolomo, sa iyong mga masasayang pangungusap na dinudungawan mandin ng masasaya mong diwa, ngayo’y napalitan ng isang pananahimik na kakilakilabot. Ipagtapat mo sa akin Maneng kung ano ang sanhi at nang kita’y madamayan.

--Wala Nati, maniwala kang wala--at pinilit na pinadungaw sa kanyang mga labi ang isang ngiting pilit na pilit at binusog sa halik ang mairuging asawa.

--Aywan Maneng kung bakit at sa aking puso’y kumakaba ang isang ala-alang nakalulunos. Hindi ba katungkulan ng isang babai ang magtapat sa kanyang pinipintuhong asawa?

--Oo, Nati, sa asawa ay walang dapat na ipaglihim.

--Yan din ang paniwala ko kaya’t ako’y hindi matahimik.

--At bakit Nati, may ilinilihim ka ba sa akin?

--Maneng--ani Nati ng boong tamis--Nahulaan mo Maneng ang iwi niyaring puso, gaya nang lahat na mapagmahal na asawa ay nabasa mo sa aking anyo ang isang pagiingat ng karamdamang di maipagtapat, nguni’t yao’y nagbubuhat sa malabis na pagmamahal ko sa iyo Maneng. Hindi ko nais na dahilan sa aking mga kamusmusan ay dalawin ang puso mo ng bakas man lamang ng dalamhati; at di mo pa man ako asawa ay pinagingatan ko nang gayon na lamang ang huwag makapagdulot sa iyo ng anomang isusukal ng loob at yaon ang dahilan ng kung bakit ninasa kong taglayin sa libingan ang kakilakilabot na maling sapantaha na ayaw humiwalay sa akin; nguni’t hinango ako sa libingan ng kabutihan mo Maneng, ng katapatang loob mong umibig, ng karangalan mo sa pagkalalaki na bihirang taglayin ng iba; at dahil dito’y nagkaroon ako sa iyo ng isang kautangang dapat kong gampanan tuwina at ito’y ang lubusang pagtatapat. Hindi ba ikaw ang suhay ng aking kahinaan?

--May matuwid ka Nati at ang lahat ng mabuting asawa ay di dapat na magkaroon ng lihim niya na di matatalos ng kanyang kasi sa kanyang kusang loob na pagtatapat.

--Eh kung ang lihim Maneng ay makapagkukulimlim ng katahimikan at kapayapaang naghahari?

--Ang lalaki Nati ay dapat tuwinang magtaglay ng isang pusong napakalaki at isang diwang matibay upang magkatulong na ibalikat sa ano mang anyo ng unós sa buhay na makagagambala ng kasalukuyang ligaya.

--Pinalakas mo ang aking kalooban Maneng at ang lihim ko na kaipala’y siyang tanging sagwil ng ating katahimikan ay pakinggan mo ngayon at kusang loob kong ipagtatapat.

--Ano yaon aking giliw? Turan mong agad at sabik na sabik akong magbigay lunas kung ang lihim na yaon ay umiinis nang iyong puso.

--Nalalaman mo Maneng. Magmula ng huling gabi ng Karnabal na sa kamusmusan ko’y naisip kong kita’y biruin sa pamamagitan ng pagpapalit ng balatkayo namin ni Mameng; ang araw sa akin magbuhat noon ay nagbawas ng liwanag; ang mga bituwin ay nawalan ng kanilang ningning, at sampu mandin ng mga bulaklak ay nawalan ng samyo at naghubad ng kanilang mariringal na damit. At parang hindi pa nasisiyahan ang maitim kong palad ay inalis sa mga labi mo ang ngiti, kung ako’y iyong kausap; pinawi sa mga kilos mo ang sigla, at ang lalong kalunos-lunos, ay ang dapat na magtapat tuwina sa akin, ang dapat kong paglagakan ng katiwala, damdam ko ba’y siyang mahigpit kong kabasangal. Ito ang sanhi ng kung bakit ninasa ko ang pumayapa. Tulutan _kayong_ magkaroon ng laya at huwag ako ang maging hadlang ng ligaya.

--Tulutan _kaming_ maging malaya? Sino ang tinutukoy mo Nati?

--Huwag kang magagalit Maneng, hane?--at isinilo ang kanyang mga bisig sa liig ng asawa at sa gitna ng malamyos na titig, ng matitimyas na halik at boong pusong pagpaparamdam ng kanyang tapat na pagsuyo ay ilinapit ang kanyang mga labi sa taynga ni Maneng at ibinulong ang isang pangalan.

Si Maneng ay nanglamig. Ang lihim nila ni Mameng ay natatalos ni Nati, nguni’t hindi tumpak na yaon ay patotohanan, kaya’t ngumiti ng isang ngiting napakatamis at anya:

--Nati!... Huwag mong papamahayin sa loob mo ang maling hinala. Kawawa naman ang pinsan mo. Inaakala mo bang ako’y pakabababababa hanggang sa gayong kalagayan? Hindi ba Nati at panibulos at pikit mata kong linusong ang pagbabagong kalagayan, maitindig lamang ang kapurihan mong malulugso kung mahayag; at mabigyan naman ng marangal na pangalan ang magiging bunga ng ating pag-ibig?

--Oo, Maneng, ang lahat ng iyan ay tunay; nguni’t nang huwag mapatlangan ang ating ligaya, tayo ay lumayo rito, malayong malayo; at nang huwag nilang mahalata, ay pasa Sibul tayo na parang nagpaparaan lamang ng taginit, nguni’t buhat doon ay alamin mo na’t ayusin ang mga kailangan sa isang paglalakbay at paglilibot sa boong daigdigan upang malimutan natin ang mga bakas kapanglawan na dulot sa atin ng Tadhana sa lilim ng sariling Langit. Ibig mo ba Maneng?

Si Maneng ay nabunsod at nakakita ng lunas sa kanyang mapanganib na katayuan. Natuklas din niya ang paglayo kay Mameng na sa pagkakataon ay naging bihag ng kanyang walang pitagang pita, gayon din ang pag-ilag sa mga malulupit na bala ng mga Batas na maghahatid sa kanya doon sa bayan ng lagim, sa libingan ng mga buhay na tao.

At sila’y yumaon upang gampanan ang pinagkasunduan sa Sibol, liwaliwan kung tag-init ng mga mariwasang tao.

XXV KABANATA

ANG HIGANTI NI TOMAS

Si Tomas ay nagbuko ng isang walang maliw na higanti kay Maneng. Una ay dahilan sa ang kaniyang mutyang si Binay ay inagaw sa kanya, at ang inaasam niyang dilag noon, ay napariwara; pangalawa’y dahil sa pagkakatampalasan sa kanya ni Maneng isang hapon sa minandalang _La Campana_.

At buhat na noon ay naging anino siya ni Maneng at ang pangangamoy ay higit sa isang masigasig na tiktik ng mga kagawad na lihim.

Natalos na ang Pastor sa malaking Sambahan sa Daang Avenida Rizal, ay sinusuhulan ng halagang dalawang libong piso at pagkaalis ni Maneng ay sinulatan yaon ng isang walang lagda na anya’y:

“Natatalos nang lahat na ang salapi ay makapangyarihan, nguni’t ang balaraw ng mapaghiganti ay di magiging mabilis gaya ng malilikha ng panitik na ang mga batas ay pagalawin upang ang mga lumalabag ay ibukod sa karamihan.

“LAGING DILAT”.

At nang tanggapin ng Pastor ang liham na ito ay itinuloy sa _basket_ at anya sa sarili:

“Kailangan ko kaya ang ganitong mga paala-ala upang gampanan ko ang aking katungkulan? Patawarin kami ng Panginoon”.

Natatalos ni Tomas ang lihim na kasal ni Maneng sa magandang taga Bokawe, bagay na sanhi ng kanyang di na idinalaw na muli kay Binay. Subali’t ang gayaring lihim na kanyang hinahawakan ay iniingatan niyang tulad sa isang mainam na sandatang pamuksa.

At nang kanyang matalos na si Nati ay pinanumpaang muli pa ng salawahang kanyang naging kabasangal ay gumawa ng isang tudling sa mga pahayagan na gayari:

LIHIM NA PAGIISANG PUSO

“Gaya nang ang bulong ay mahigit sa hiyaw ay sumapit sa aming kaalaman na ang makisig na binata at mayamang mangangalakal na si G. Manuel San Juan, ay nanumpa ng isang di magmamaliw na pag-ibig sa matalino, marilag at napakagandang bulaklak ng ating Kapisanan na si Bb. Natividad Lopez. Ang gayo’y ginanap nang nabibingit sa kamatayan ang babai.”

“Ang pulot at gata na napataon sa tag-init ay idaraos ng dalawa sa pinagdadayong bukal sa Sibul, gayon din ng pagpapalakas ng galing sa sakit na Ginang.”

“Ang aming maligayang bati sa mga kaibigang nasabi.”

Sa biglang tingin ang balitang ito ay waring walang pangalawang hangad, nguni’t sa mapapansin ng aking giliw na mambabasa sa dalaw na ginawa ni Tomas sa masayang si Binay ay mapagtatanto ang laki ng saklaw ng gayong balita.

--Binay--ani Tomas--Naparito ako upang isauli sa iyo itong _imperdible_ na ninanasa mong sa iyo’y aking isauli, sapagka’t di lihim sa akin ang sa lahat hanggang ngayon ay lihim pa na ikaw ay Ginang na ni San Juan.

Ngumiti si Binay sa pagtanggap ng balitang yaon sa dating kasintahan, at boong kakirihang sumagot:

--At di mo man ako hinahandugan ng isang maligayang bati, gayong talastas mo pala ang di pa natatalos ng marami?...--at tinitigan si Tomas ng isang titig na kagaya ng kanyang panghalinang ginagamit tuwina na, kung nais niyang siluin ang alin mang puso.

Si Binay ay may isang ugaling ibang-iba sa ibang mga kababai. Hangad niya ang magtamasa sa buhay, pagaliwan ang lahat ng makikisig na binata, nguni’t kailan man ay di siya napabibihag upang siya’y labilabian pagkaraan noon. Ligaya niyang itinuturing ang marami siyang mangingibig lalo na’t kung ang mga ito’y nangagbabangay. At ang lahat ay nababahaginan niya ng pangako at ngiti.

Ang kaniyang nabalitaang pagaaway ni Tomas at ni Maneng ay inaakala niyang siyang sanhi ng kung bakit ang kaniyang dating mairuging asawa ay di dumalo sa kanyang tiyap na hiling.

Nagagalak siya ng gayon na lamang, sapagka’t inaakala niyang si Maneng ay nalulunod sa panibugho. Kung nalalaman yata niyang si Maneng ay nasusuklam sa kanya at tumatalikod na tahasan, kaipala’y nagbago ang kanyang kasalukuyang galak.

At hinarap si Tomas at anya:

--Hindi ka na tumugon. Nagtatampo ka ba sa inyong dating kapuwa bata?

--Hindi Binay, nguni’t ang magpakunwari ay hindi ko ugali at yaon ang sanhi nang hindi ko maibati sa iyo ng maligaya, sa pagka’t sa katotohanan ay wala akong ibang hangad kundi ang kayo’y maging sawi.

--Ohu?... At may hinanakit ka sa akin kung gayon?

--Wala Binay. Nguni’t pakinggan mo ang aking ibabalita sa iyo:

Noong ikaw ay tumakwil sa aking pagsuyo ay wala na akong nasabi sa sarili kundi ang ikaw ay isang salawahan, nguni’t nang matalastas kong ikaw ay lihim na nakipagisang puso at sa isang binatang haligi ng yaman, ay nasabi ko sa sarili na: “May matuwid si Binay, tumpak ang siya’y mamili ng makabibili ng ligaya”. At ano nga ba ang maihahandog sa iyo ng isang kawal ng panitik kundi pawang panagimpan lamang. Kita’y iniibig ng boong puso. Ipinagtatapat ko sa iyo. Datapuwa’t ang panahon ay lumakad sa hindi niya mapipigil na pagtanda, at... ako sa hindi mo nahuhulaan kung bakit niya ako ihinatid dito sa iyong harapan.

--Sinabi mong upang isauli ang _imperdible_, hindi ba?

--Oo; nguni’t ang pangalawang hangad, yaon ang iyong turingan.

--Pangalawang hangad? At may iba ka bang nasa tangi sa tumupad ng dapat mong gawin?

--Yan ngang dapat kong gawin ang pinatuturingan ko sa iyo?

--Ang iyong ginampanan; ang isauli ang isang bagay na hiniram lamang.

--Yaon ay nagampanan na; nguni’t ano pa ang dapat kong gawin?

--Ah, huwag kang magnasa ng anomang masamang nasa sa akin at kay Maneng--ang biro ni Binay--Hindi ba Tomas?

Hinaplos ni Tomas ang kaniyang buhok na naglalaguan at saka tumugon.

--Huwag magnasa ng anomang masamang nasa sa inyong magasawa?

--Oo, Tomas, yaon nga.

--Kung gayon ay hindi ko magagampanan ang inaakala mong dapat kong gampanan.

--Bakit, labag ba ang gayon sa dakilang asal?

--Oh, hindi Binay, hindi, nguni’t paano maihahatid sa iyo ang mabuting balita na ikagaganap ko ng aking kautangan, sa pagka’t kita’y iniibig pa hanggang ngayon, kung ang balitang ito’y malalaban naman sa kanya?

--Iniibig mo ako hanggang ngayon? Salamat Tomas, salamat, nguni’t hindi mo ba talastas na ako’y isang may asawang tao, na di makaiibig pa, ng pag-ibig na iba ang hugis kay sa sa kahilingan lamang ng mabuting gawi?

--Nguni’t ang pagka mayasawa mo Binay ay ibang iba.

--Natatalastas ko Tomas, na kami ay may ibang himaling. Na sa ganang amin ni Maneng ang pagmamahalan ay dapat pagingatan na huwag makasuya, ang ganitong himaling marahil ay di mo minamainam at itinuturing mong ibang iba ako sa lahat ng babai, nguni’t; anong ligaya ng manabik!

--Hindi Binay, lahat ng paraan ay di ko pinapansin, at wala akong ibang tinitiyak kungdi ang wakasin. At banta ko’y hangad ninyo sa ganyang paraan ang lalong maging matimyas ang mga sandali, lalong maging maringal sa ganang iyo ang bihis ng mga bulaklak, lalong maging masaya ang mga gabi at ang langit ay maging tuwi na’y maaliwalas, hindi ba?

--Oh, may matuwid ka Tomas.

--Nguni’t Binay ang palad ay sumalungat sa iyo. Ang Anangki ay napakalupit na nagguho ng iyong mga pangarapin.

--Ano ang sabi mo Tomas?

--Basahin mo ang balitang ito ng mga Pahayagan.

Binasa ni Binay.

--Ah!... Tomas ang pahayagan ay napakasinungaling. Hindi magagawa ni Maneng na siya’y magasawang muli. Si Maneng ay hindi hangal.

--Hindi nga, nguni’t may kasabihang: ANG HUMAHANAP NG PANGANIB AY DOON NAMAMATAY.

--Ano ang ibig mong sabihin?

--Na ang mapanganib niyang libangan ay nagbunga na. At kung ayaw kang maniwala sa pahayagan at animo’y sinungaling, ay maniwala ka sa katotohanan na siya’y nagasawang pamuli sa MAGANDANG si Nati.

Liniwanagan ni Tomas ang salitang magandá upang mangimbulo si Binay.

--Kapag ang balitang yan Tomas ay kabulaanan ay nalaman mo nang ako’y walang pakundangan. Mananagot ka Tomas mananagot ka.

--Alamin mo at saka mo hatulan kung ako’y tapat sa iyo. At kung matalastas mo na ang katotohanan, ay humihingi ka ng isang sipi ó patunay ng kasal na yaon at saka mo makikita kung si Tomas ay tapat sa iyo.

Nagalimpuyó sa diwa ni Binay ang di maisaysay na poot at anya kay Tomas:

--Bukas ay parini ka at nang tayo’y magkaniig.

--Alipin mo ako sa iyong ikaliligaya Binay.......

--Hangang bukas.--anang babai.

--Hangang bukas.--ani Tomas naman.

At ang dalawang pusong nagkakalayo ay pinaglapit ng iisang hangad na dili iba’t si Maneng ay pahigantihan.

Samantalang ang mga maya ay nagaawit sa Sibul animo’y wala ng kamatayan ang bagong kasal na nagpapasasa sa pulot at gata ng kapanahunan.

Si Tomas ay naglalamay sa ikapanganganyaya ni Maneng at walang pinatawad na pangyayaring di sinamantala.

Si Binay naman na nginangatngat na kasalukuyan ng panibugho ay nagmadaling lumuas sa Maynila upang alamin ang katotohanan.

Palibhasa ay totoo ang balita ni Tomas ay di siya nahirapan na magkaroon ng isang sipi ng pagiisang puso ni Nati at ni Maneng.

Kasulatang kanyang iningatan na parang isang sandata upang ipalpal kay Maneng at ito’y gawing isang kasangkapang hamak na pakikilusin ng kanyang diwa.

XXVI KABANATA

NABIGO ANG PAGLALAKBAY

Iniwang sandali ni Maneng sa kanyang biyanang babai ang mutya niyang si Nati at sa pagka’t talastas na kung ano ang sanhi ng pagyao ni Manéng na dili iba’t ang paghahanda ng kanilang paglalakbay na binabalak, ay di man tinutulan muntik man.

Pagdaan ni Maneng sa Bokawe ay napataong nakadungaw ang masayang si Binay, kaya’t lumunsad si Maneng na parang doon talaga ang kanyang pakay.

Naganyong mabalasik si Maneng na animo’y larawan ng lupit, samantalang si Binay naman ay parang sabik na sabik at walang anomang nangyayari na sumalubong sa asawang dumarating. Kay inam nilang magpakunwari.

--Maneng--ani Binay--Anong laon nang di mo idinalaw sa akin. Bakit nga kaya’t tila nagtatampo sa akin ang tanging giliw ko?

--Dapat mong mahulaan--ang saad ni Maneng ng boong saklap.

--Dapat kong mahulaan ang ano Maneng? Ako’y ginugulo ng iyong anyo. Tinanggap mo ba ang liham kong kita’y inaantabayanan?

--Oo, Binay, at talagang tinikis kong hindi dumalo upang yumaon sa akin ang masamang sandali.

--Masamang sandali? Ano ang dahilan aking Maneng?

--Ang dahilan?...

--Oo, ang dahilan Maneng. Linawin mo nga sa akin?

--Naaala-ala mo ba ang kalagimlagim na sandali nang ang auto ko at ang sasakiyan mo’y nagkabangga, ay iginawad sa iyo ng aking mga kasakay ang isang _imperdible_?

--Oo, nguni’t kasintahan ang sabihin mo at hindi kasakay.

--Kahit na gayon. Ang imperdible ay saan naroroon?

