Part 7
--Araw natin Nati. Hindi ko nawatasan ang kahulugan noon. Ako’y kanyang isinama--ang patuloy ni Mameng--Sumakay kami sa auto at; naku! Ang aking puso’y sumisikde ibig ko nang pakilala, nguni’t umaali pa rin sa akin ang bisa ng pagbibiro. At sumapit kami dini na hindi pa niya ako nakikilala.
--Si Maneng naman--ang dugtong pa rin--ay isang lalaking may dangal, pagdating namin ay dahan dahan niyang inalis ang aking kulubong at nang makilalang ako ang kanyang inakalang si Nati ay napaurong at anya’y: _Ikaw ba Mameng._ At di ako nakapigil ng pagtawa, nguni’t siya ay walang malamang gawin. Wari sinalakay siya ng kahihiyan at sumamo sa akin ng gayari:
--Mameng!... Patawarin mo ako. Isang kamalian itong dinaramdam ko ng labis, nguni’t paano kaya ang mabuting gawin? At nang palulugdan na niya ang hatol kong kayo’y hanapin ay sa darating ang isang babai. Isang ina na kandong ang kanyang sangol at itinututol ang kanyang katuwiran. Nguni’t ang inang ito’y isang _TAKSIL_ sa pag-ibig at ¡Oh! Yoyong ikaw ang katulong niyang lumuray sa puso ni Maneng.
Si Yoyong ay nagwalang bahala.
--Oo, Mameng nalalaman ko na ang buhay na iyan--ani Nati--huwag mo nang buklatin. Ang mga sulat ni Yoyong ay nasa akin at iniingatan ko, sa pagka’t siyang patunay sa akin ni Maneng na siya’y walang anomang katungkulang dapat gampanan kay Orang.
--Orang!...--ang ulit ni Selmo na parang gumuhit sa kanyang gunita ang larawan ng magandang _fondista_.
--Eh paano--ang dugtong ni Selmo--hihintayin ba natin si Maneng?
--Bakit hindi?--ani Nati.
Noo’y sapapasok ang isang tao na sa kanyang anyo, ang kapangahasan ay makabakas. Siya’y isang kagawad na lihim.
Ang bagong dating ay tumanong.
--Si mang Maneng po ay saan naroroon?
--Bakit po Ginoo? Siya rin po naming inaantabayanan.
--Wala pong ano man, may isang tao po silang ipinahatid kangina sa Pagamutan at dahil dito’y kailangang humarap sila sa kagawaran namin, upang managot sa harap ng Hukuman sa kasalanang _Maltrato de Obra_.
--Bakit po kaya?--ani Selmo--Bakit po kaya?
--Dahil po sa _politica_ marahil na kanilang pinagtalunan ng boong init.
--Pagdating po’y sasabihin namin.
--Inaasahan ko pong ako’y hindi nila itatayo sa kahihiyan; ang bilin po sa akin ay dakipin ko sila; nguni’t inaasahan kong ito’y di kailangan at bukas ay haharap sila at ang kanilang tagapagtangol upang lutasin ang usap na ito, na sa palagay ko’y multa lamang ang kailangan.
--Mabuti na lamang kung magkakagayon.
At ang panauhin ay yumaon pagkatapos magpaalam nang boong galang.
At ang magpipinsan ay yumaon na rin; nguni’t nagbilin kay Gorio na paparonin si Maneng pagdating na pagdating o pagkaumaga kung umuwi nang malalim na ang gabi.
Si Nati samantala ay hindi naniniwala sa kuwento na boong kabihasahang ipinahayag sa kanila ni Mameng. Ang pusong ninibig ay panibughuin at ang panibugho ay dumadagang kasalukuyan kay Nati.
--Ako ang may sala--anya sa sarili--Kung hindi ko naisipan ang masama at mapanganib na biro na ang saplot ko’y siyang isuot ni Mameng, disin di nangyari ang kung ano man ang nangyari.
At boong magdamag halos na naguusisaan ang magpinsan, nguni’t si Mameng ay lubhang maingat na di tinulutang mahalata ni Nati na siya’y nahulog sa kamay ni Maneng, bagkus pinatitingkad niya ang katayuan ni Orang na lubhang kawawa bagaman naniniwala siyang yaon ay _salarin_.
Nguni’t sa kabila noon, kay Mameng ay naglaho mandin ang liwanag. Ang mga pangako ni Maneng ay parang nakikinita niyang sa tubig lamang napaguhit. Hindi naman tumpak na ang kaligayahan ay agawin niya kay Nati.
Natatayo siya sa isang kalagayang alanganin, at, walang wala nang nalalabi sa kanya kungdi ang bakas ng yumaong pagkasungabang.
XXI KABANATA
KAILAN TAYO PAKAKASAL?
Magdamag na papihit-pihit si Maneng sa kanyang malambot na hihigan; ginugunita ang magusot na suliranin ng buhay na likha ng pagkakataon. Ang kanyang maling sapantaha kay Nati na inakala niyang siyang naggawad ng imperdible ay bumabalisa ng gayon na lamang; at sa isang kapusukan na hindi niya pinagtatakhan, si Tomás ay nasa pagamutan ngayon at siya ang dahil. Pagkakataon din ang naghatid sa kanya upang si Mameng ay samyoing di kinukusa, at ang palad na di pa nasisiyahan mandin ay iliniwanag pa sa kanya ang magusot na kasaysayan ng _imperdible_ na nang magkalupit-lupit ay ang babaing ngayo’y asawa na niya bagaman lihim na lihim ay siyang di tapat sa kanyang pag-ibig at pangalang kanyang ikinatiwala.
Mga pakana ito ng magusot niyang palad na naghahatid sa kanya sa pook ng lagim, bagamang siya’y kasalukuyang lumulutang sa mga alo ng kapanahunan.
Parang isang mahabang _pelikula_ na humaharap sa kanya nang gabing yaon ang kapalaran ng mga birhen niya, na may iba’t ibang anyo at kiyas.
Si Orang at si Binay na kakampi ng kataksilan sa kanyang mga malas ay nasa kabilang dako. Tumatangis ang una na nakayupyop sa kanyang sanggol. Si Binay ang pangalawa ay nagagalak na ipinagwawagi ang kasulatan ng kanilang pagiisang puso.
Sa kabilang dako ay si Nati na natutupok sa panibugho dahil sa pangyayaring di inaantabayanan nang gabing yaon, at ang kulang palad na si Mameng ay walang ibang panimbulan sa lawak ng pagkasawi kungdi ang tangisan ng lihim na lihim ang kanyang pagkapariwara.
Wala siya nang kaligayahang makahayag man lamang at makapagsabing _Ang makata ko ay si Maneng_.
Nagsisikip sa ulo ni Maneng ang kaniyang kapalaran na napakagusot at anya sa sarili: Kung si Orang ay naging isang babaing tapat, sana’y natipid ang pagdaloy ng maraming luha; sana’y kakaunting puso ang tumangis at kaipala’y di ako ang sanhi.
At pinilit na hinanap si Morfeo, nguni’t ang Diyos na yaon ng pag-idlip ay mailap sa kanya at magdamag siyang pinagtampuhan.
Si Nati ay balisang balisa rin, ibig niyang makita si Maneng. Ibig niyang mabasa sa anyo noon ang bakás ng mga nangyari ng gabi ng mga _BIRO_. Ibig niyang maringig na muli pa ang bulong na: _INIIBIG KITA_ sa kabila ng hinala na ang _imperdible_ ay ibinigay niya kay Tomas, yaong binatang pagkakilala na niya ay panay nang sigalot ang dulot sa kanilang kalagayan.
At si Nati ay nagtindig at sumulat kay Maneng ng gayari:
“Maneng niyaring buhay:
“Magdamag akong di pinatulog ng pangyayaring nagdaan.
“Talaga nga yatang sa pagkakamali nagbubuhat ang ikinasasawi ng tao.
“Nagkamali ako ng pagkagawad ng _imperdible_ na ala-ala mo sa akin, sa babaing nasawi na ating nabangga noong paroon tayo sa Marilao, kamaliang naghatid sa iyo sa isang panibughong lihim hangga sa mabulalas at isang kulang palad ang natampalasan. Ito’y natanto ko kay Mameng.
“Nagkamali akong muli nang pakikipagpalit ng balatkayo sa aking pinsan, at kamaliang naghatid sa akin _sa nalalaman_ mo na di ko ikaidlip sandali man.
“Parini kang agad Maneng ko at pabulaanan mo ang aking mga sapantaha. Kawawa naman si Mameng na hindi ko pa pinaniwalaan kahit na ano ang sabihin sa akin. Kung bakit bumigat na biglang bigla ang loob ko sa kanya, gayong kung siya ay napanganyaya man ay walang ibang may kasalanan kung di ako.
“Parine ka Maneng sa lalong madaling panahon at hanguin mo ako sa lawak na ito ng kapighatian.
“At ako’y may ibabalita sa iyo na isang malaking bagay na iyong ikagagalak. Hindi ko maipagkatiwala sa liham ang lihim na ito. Ibig kong basahin sa iyong mga mata ang dudungaw na ligaya kung ang balitang ito’y iyong tanggapin.
“Hulaan mo Maneng kung anong mabuting balita yaon, at sa unang pagkikita natin ay siya mo agad sabihin sa akin, hane?
“Pipilitin kong huwag mahalata ni Mameng na ako’y nagaalinlangan sa kanyang kalinisan at kung nais mong mailigtas siya sa maling sapantahang ito ay parine kang agad at pabulaanan mo nang mawala sa aking gunita ang makasalanang paratang na tumutupok sa aking kalolua.
“Tanggapin mo ang talagang iyo lamang na ala-ala ng iyong”
_NATI_
At pagkaumaga’y dalidaling dumalo si Maneng sa tahanan nina Selmo, pagkatangap ng liham.
Si Mameng ang tinamaang unang-una ng kaniyang malas, ang mukha ay namamarak at mandi’y magdamag na naglamay.
Kawawang si Mameng na hindi man lamang maisilay ang titig sa makisig na binata.
Sino ang makapagsasabi na ang binatang yaon ay siya na lamang laman ng diwa ng apat na dalagang bayani ng ating kasaysayan?
At sino ang di maniwala sa mga lalang ng panibugho sangayon sa iba’t ibang anyo na dinadanas ni Maneng?
Kung nababasa lamang natin sa mga pangyayari ang mga bunga ng maling hinala, kaipala’y iniwasan natin na huwag tayong maging parang isang kasangkapan na iyinayari ng Tadhana ng kapangyayaan ng mga walang malay na madalas na maging sawi.
Disin ay naiwasan nating ang maraming kalunos-lunos na pangyayari na pawang utang sa mabilis nating hatol.
[Duplikadong teksto]
Di naglipat sandali at dumating si Nati at ang dalawang puso’y nagkaniig:
--Ako’y binalisa ng iyong sulat Nati, at narito ako upang hugasan agad-agad ang marurumi at makasalanang sapantaha mo laban sa kulang palad na si Mameng. Siya ay isang matimtimang babai, tapat na pinsan at taga-pagtanggol mo tuwina. Nalalaman mo bang may kasalanan ka sa akin?--Si Maneng nang mga sandaling yaon ay guro ng kabulaanan.
--Ano yaon?
--Ang _imperdibleng_ gawad ko sa iyo ay hindi mo minahal dahilan lamang sa galing sa akin. Ano?
--Maneng, huwag mong sabihin yaon. Ang _imperdible_ ay ipinagkaloob ko sa babaing kamuntik mo nang mapatay. At bagaman ako’y nabigla nang pagkakaloob ng isang bagay na ala-ala mo, ay inaasahan kong yaon ay di mo dapat na ikagalit.
--Kung hindi ipinaliwanag sa akin ni Mameng, disin ay sinumpa na kita. At talagang iliniligtas din tayo ni Bathala; at kung nagkataong ikaw ang aking natagpuan nang mga sandaling yaon na si Tomas ay pinagulong gulong ko sa palamigang “La Campana”, kaipala’y nalagot ang tanikala ng ating pagiibigan; nguni’t nakatagpo ka ng isang tagapagtanggol: si Mameng.
--Salamat na lamang Maneng at naniwala ka, disin ay naging sawi ako kung napadala ka sa iyong maling sapantaha. Maala-ala ko Maneng, nahulaan mo ba ang aking ibabalita sa iyo?
--Ano yaon Nati, tunay na hindi ko mahulaan. Ano kaya yaon?
--Ilapit mo ang tainga mo at aking ibubulong...
.................................................................
--Nakú?...
Si Maneng ay parang binusan ng tubig sa balitang tinanggap.
--Oo,--ang dugtong ni Nati--at kinakailangang lutasin mo kung kailan natin pagiisahin ang ating puso nang huwag mabunyag ang lihim. Kailan tayo pakakasal?
Kung isang lintik ang bumagsak sa harapan ni Maneng ay di marahil nabahala ng gayon na lamang; ngunit....... ¡Ama na naman!... At kailangang pakasalan si Nati, upang maikubli ang lihim na yaong nagtitimpalak ng kanyang kasalanan.
Si Selmo ay mahal ni Maneng at di ibig dulutan ng anomang sama ng loob, dangan at ang puso niya’y napakarupok sa harap niyang Bathalang may laman at may buto, at may mga ngiti at titig na naghahatid sa lalaki hanggang sa kahamakhamakang kalagayan.
Paano ang kasal nila ni Binay? yaong inaakala niyang taksil na asawa, at lilo sa pagibig ay siyang may ganap na karapatan sa kanyang palad.
Ang mga batas ay napakalupit sa ganitong mga kasalanan, kaya’t di siya nakasagot kay Nati, at anya pagkaraan ng ilang saglit:
--Bahala na...--at napaalam na parang may humahabol. Nagmamadaling yumao.
At ang bulong sa sarili:
Bakit walang Batas na nagsasauli sa dating kalagayan ng lalaki kung ito’y pinagtataksilan ng asawa?[1].
Sukat na ba ang ipagbunyagan na siya’y isang _sungayan_, sa pamamagitan ng pagbibilanggong ilang taon na hindi naman lumalalo sa kahatulan lamang ng Hukuman na takda ng mga batas pagka’t kinakalag naman pagdaka ng Gobernador General sa pamamagitan ng pagpapatawad?[2].
[1] Nang sulatin ang nobelang ito ay hindi pa pinagtitibay ang _Bill de Devorcio_.
[2] Nang panahon ni Harrison, ang ADULTERIO ay ipinagdurusa lamang na mga ilang buwan.
XXII KABANATA
ANG PAGHIHIÑGALO NG MGA KALOLWA
Linisan si Nati sa isang alanganing katayuan. Ang puso niya’y nanggigipuspos at sisinghapsinghap sa dagat ng sakit.
Bakit hindi man lamang siya tinugon ni Maneng? Bakit yumaong sakbibi ng lungkot? Bakit di linutas ang kanyang kahilingan?
Ngayon pa namang ibinalita niyang ang bunga ng kaniyang kasalanan ay tumitibok na at nagtitimpalak, at di na malalaunan ay sisilang.
Gaanong kalunos-lunos na sandali ang bumibigti sa puso niyaong kulang palad na bihag ng malupit na pag-ibig ni Maneng!
May mga tao na likhang talaga mandin upang maging sanhi ng kapahamakan ng kanyang kapuwa at sa ganitong pangyayari palibhasa’y nagiging kasangkapan siya ng tadhana upang sawiin ang may maiitim na palad ay di naman niya matuklas ang katahimikan.
Sa mga ganitong likha ay kabilang ang kasuyo ni Nati, ang sanhi ng mga luha ng kulang palad na si Orang, ang kasawian ng dapat maging mapalad na si Mameng, at ano ang malay natin kung siya ring maging dahil ng mga maiitim na sandali ng masayang si Binay.
Nagkulong si Nati sa kanyang silid nang huwag mahalata ng kanyang mga kasambahay ang kasalukuyang pagbabakang nagwawasak ng kanyang puso, nagpapalumo sa kanyang kalolwa at gumugutay sa lahat ng ginintuang pag-asa na kinalaro-laro tuwina ng kanyang diwa.
At nang siya’y nagiisa na at wala ng kinatatakutang malas na makapapanuod ng kaniyang pang-gigipuspos ay binigyang laya ang dalamhati sa pamamagitan ng luhang naguunahan sa kanyang mga mata, mga unang luha ng kalolwang naghihingalong kasalukuyan dahil sa dagok ng sakuna na lalang ng isang kapangyarihang lumilikha ng mga kapinsalaan ng palad.
Anang ibang talaisip ang luha daw ay siyang buntuhan ng dalamhating umiinis sa atin kung ang puso ay nalulunod na sa kadalamhatian, kaya’t ang luha’y siyang dagliang dumadaloy kung ang ating katawan at kalolwa ay inuunos na ng sakuna.
At ang kulang palad na si Nati na pinahihirapang kasalukuyan ng pagaalanganin ni Maneng ay nangungunyapit na kasalukuyan sa maiinit na bagting ng tanikala na dulot sa kanya at isinilo ng Anangki niyang nakapangingilabot.
Si Maneng namang yumaon na ay tulad sa isang sasakyang walang ugit; susuling suling na hindi matukoy kung anó ang dapat na gawin.
May mga taong mahihina at agad sumusuko sa mga bayo ng dusa at kung magkabihira’y walang ibang pinagbubuntuhan kundi ang kabiglaanan, dagliang hatol o ang dagliang pagbibigay sa mga udyok ng pita. Sa diwa ni Maneng ay nagsulpot-sulpot ang mga ala-ala niyaong mga sawi na nagpapatiwakal dahil sa pag-ibig.
Sa lahat ng yaon ay walang mapili si Maneng na dapat niyang uliranin. Nasusuklam siya sa palad nang mga nagpapatiwakal na kanyang binabawan ng tawag na _duwag_ at nangagsisitalikod sa katungkulang banal ng tao na makibaka sa buhay.
At boong tapang na tinungo ang kanyang tahanan at nagkulong din sa kanyang silid at yao’t ditong di mapakali, na sinusukat ng kanyang banayad na hakbang ang maaliwalas niyang pahingahan.
--Paano ang mabuti kong gawin?--Ani Maneng sa kaniyang sarili.--Pakasal na muli kay Nati pagkatapos ng kasal kay Binay, ay ganap na pagpapatiwakal din sa kapisanang ito na aking pinakikipamayanan. Kami’y may mga batás na napakalulupit sa ganitong paglabag. Bakit ba’t di pa ako sa mga bayang tumatangkilik ng Poligamia sumilang? Disin ay di ako naghihirap ng paglutas ngayon nitong magusot na suliranin ng aking buhay.
At napatigil na sumandali; lumikmo sa kanyang maringal na likmuan at pinagwawari ang dapat na gawin.
Mayamaya, ay napatampal sa hita at aniya:
--Lutas na ang suliranin kung papayag ang Pastor na nagkasal sa amin ni Binay. Ano ang mawawala sa kanya kung ang talaan ng aming pagkakasal ay mawala halimbawa? Ang salapi ay isang mainam na panilaw. Atuhan natin sa paraang ito. Limang puong libong bagay ang kay daling lutasin, nguni’t ang tao ay napakahangal na sa isa lamang dito, ay natutulig na, at di magkatuto ng paglutas.
At nagmadaling nagbihis.
Sinidlan ng maraming salaping papel ang kanyang kalupi at nagsilid sa dalawang sobre ng tiglilimang daang piso na handang pansuhol sa Pastor ng Iglesia Metodista na kanyang handang upatan.
At nanaog na daglian, nguni’t nasalubong siya nang _cartero_ na nagabot sa kanya ng isang sulat.
Lumulan sa kanyang _auto_ na laging nakahanda at doon na binasa ang liham pagkatapos maipagbilin kay Ikong na paroon sa bahay ng Pastor, sa Avenida Rizal.
Gayari ang nasasabi sa liham:
“Maneng ko: Parine kang agad at nang maaga tayong makabalik at ang tatang ay darating daw ngayong hapon.”
“Kung pahintulot mo ay ihayag na natin sa kanya ang lihim nating pagiisang puso.”
“Siya ay isang taong marunong maghunos dili at kung kanyang makita na huli na ang kanyang tutol ay maaasahan nating ang kaniyang pakikiayon sa atin, bagamang hindi na yaon kailangan.”
“Mabuti na rin ang walang pinangingilagan at inaala-ala. Ano ang sabi mo Maneng?”
“Ako’y uhaw na uhaw sa iyong masuyong alo na inaasahan kong di mo ipagkakait sa iyong tapat at tuwina’y mairuging asawa.”
BINAY.
Sinabayan ng punit ang liham, pinaggutay-gutay at ipinalipad sa hanging humahagunot sa matulin niyang sasakyan.
At ang sabi sa sarili:
--Tapat na asawa!....... Kung ang lahat ng tapat ay gaya niya, ay baligtad na ang daigdig. Wala ng taksil; wala nang maituturing pang pagkakanulo sa puring dapat na ingatan at mahalin tuwina...... ¡¡Tapat na asawa!!.......
At ang bali--Hindi ako pahahalata. Makikipagkita ako kay Binay at kung siya’y madaya ko yamang ako’y dinaya din lamang niya, ay walang salang di magiging mapalad ako sa piling ni Nati.
Samantalang ito’y nangyayari si Nati naman sa gitna ng gayong dagok ng kapighatian ay waring walang ikakaya at ang kaniyang pihikang katawan ay linulupig ng dalamhati.
Ang ulo niya’y parang iginigiba sa paniwalang siya’y pinaglalaruan ni Manéng at di siya marahil nasang pagtapatan. Ang paniwalang si Mameng ang siyang pinaguubusan niya ng suyo at sanhi ng gayong alinlangan ay uutas mandin sa kanyáng buhay.
At ngayon pa namang ang kanyang kalagayan ay napapanganib.
Ang lagnat ay katulong din namang sa kanya’y gumagahasa at mahina palibhasa ang loob at mairugin tuwinang magbasá niyang mga balitang “_nagpatiwakal dahil sa pag-ibig_” ay nagwawaging kasalukuyan sa kanyang diwa ang nasa na magkitil ng sariling buhay.
At gaya ng ibang hibang na sumusulat muna bago pugtuin ang hininga ay hinawakan ang panitik at ang inaakala niyang HULING PATI ay itinitik:
KAY MANENG
“Ang di mo pagtugon sa aking ilinatag na suliranin sa iyo na di mo linutas; Ang katayuan kong _talastas mo na_; Ang iba’t ibang pangyayari na alam mo na rin, na siyang nagudyok sa iyo ng pagbabalintulot. Ang lahat ng ito ay tulong tulong na humahatol sa akin na dapat na akong _magpahinga_.
“Kung ang sulat na ito ay sumaiyong kamay, kaipala’y ang kaluluwa ko’y kaharap na ni Bathala upang kanyang litisin.
“Yayaon ako Manéng na taglay ko ang maningas na pag-ibig sa iyo na ipinunla mo sa aking puso. Ang ating... ay di na tunay na malaking _kahihiyan_ natin.
“Iligtas ka ng Panginoon sa anomang kapanglawan at sa libingan ko’y ilagay mo lamang ang gayari:
“_Isang kulang palad na ayaw maging iná ng isang anak na walang amang tatawagin_”.
Si Mameng ay parang tinutupok sa anyo ng kanyang pinsan na pagkaumaga na’y di man lamang siya kinakausap, at sa hinala na baka may ipinahahayag na si Maneng na sanhi ng gayong pagwawalang imik ni Nati, ay di siya mapalagay. Waring siya’y napapaso.
Sapagka’t si Nati ay nagkulong sa kanyang silid ay ginahis din si Mameng ng ugaling babai na tumaho ó magnais na tumaho ng lihim ng ibá, kaya’t sinilip niya sa butas ng susian ng pintuan kung ano ang nangyayari sa loob ng silid.
At ang kanyang nakita ay ang pagsulat ni Nati ng kanyang liham. Nakita ni Mameng na binabasa ni Nati ang kanyang sulat at pagkatapos ay nakita niyang may binubuksang isang kahita at doo’y kumuha ng isang _pastillas_ na pikit matang isinamual. Sa kahita ay ang mapulang bungo ang napapansin.
At naramdaman yata sa lasong isinamwal na kasama noon ang kamatayan ay napahindusay na agad na ang dalawang kamay ay napabitin na parang pinanawan ng lakas.
Napahiyaw si Mameng ng ubos lakas at ang tanang kasambahay ay nagkagulong dumaló sa silid ni Nati.
Kay lungkot na tanawing nagbabalitang ang bahay na yaon ng katahimikan ay may isang panauhing kakilakilabot: Si Kamatayan.
Dumalo si Anselmo at si Mameng na sinaklulohan ang hibang na si Nati na sa pagkagulat ay bumagsak sa hihigang walang diwa at hawak sa kamay ang tagasiwalat ng lihim na kanyang huling liham.
Binasa ni Anselmo ang liham na nagbubunyag ng pagtatapat ni Nati at nang kakilakilabot na gagawin na ginanap na at nang ito’y natalastas ay isinalokbotan ang kalatas nang huwag matalastas nino man.
Ipinagbilin ni Selmo kay Mameng na huwag hihiwalayan si Nati ano mang mangyari, samantalang hindi siya dumarating at tinungo ang tahanan ni Maneng na sanhi ng lahat ng yaon pagkatapos na matawag si Dr. F... upang dumalo nang daglian sa kanilang tahanan.
At dinatnan ng Doctor na pinagaagaw si Nati, at sa bibig na bumubula ay dinudukot ni Mameng ang lason na nadurog na at animo’y gabok na mapula na kanyang hinuhugasang palagi kung sa kanyang kamay na idinudukot sa bibig ni Nati ay pumigta ang _sublimado corrosivo_ na nagdadanak sa laway ng nagpatiwakal.
Pinainom ng pangpasuka ni Dr. F... at sa panahon, ay pinalabas sa kanya ring pinasukan si _Kamatayan_ na piniging ni Nati upang siya’y ilipad na sa bayang payapa.
Si aling Tayang ay walang malamang gawin at gahol na gahol na pinatawag si Yoyong ng Pare.
XXIII KABANATA
ISANG MATIBAY NA PUSO
Dumating si Maneng sa bahay ng Pastor at doo’y humingi siya ng pahintulot na sila’y magkaniig lamang. At siya’y pinahintulutan at malugod na tinanggap.
--Ako’y naparine mahal na Pastor--ani Maneng--upang makipagtalastasan sa inyo ng isang bagay na bagamang maselang ay kailangang lutasin agad.
--Ano po ang maipaglilingkod ko sa inyo, Ginoo?--ang tugon ng Pastor.
--Ako po ba’y inyo pang naaala-ala?
--Patawarin po ninyo ako kung ako’y may mahinang pananda. Kayo po ba ay sino?
--Lalo pong mabuti na huwag na ninyo akong makilala.
At dinukot ang isang sobre na kinalululanan ng dalawang puo at limang _Mayon_ at isinakamay ng Pastor.
--Mabuti mahal na Pastor ang magkatalastasang agad. ANG PANAHON DAW PO AY GINTO ANANG MGA INGLES.
--“At talastasan daw pong pagbasa ay sinigang manding may lasa” anang salawikain--ang tugon ng Pastor samantalang binubuklat ang mga dadalawampuing piso na sadyang ihinanda ni Maneng upang bulagin ang Pastor at magamit niyang kagaya ng isang kasangkapan sa kapakinabangang sarili.
Pagkatapos na mabilang ng Pastor ng boong ingat ay inalis ang salamin sa mata na nakasasagabal mandin kung wala siyang ginagawa at aniya:
--Limang daang piso!.....
--Opo, limang daang piso, na inyong tunay--at dumakot pang pamuli at iniabot sa Pastor ang isa pang sobre.
At binilang pang pamuli ng Pastor ang bungkos ng salapi:
--Isang libong piso po ang kabuoan.
--May matuwid kayo at iyan ay ipinadadala sa inyo ng isang kaibigan ko, bilang kapalit sa isang bagay na hihilingin naman.
--Ano po yaon--at binitiwan ng Pastor ang salapi na pinatawan ng isang pabigat upang huwag manambulat at humingi ng kalayaan kung pahiramin ng hangin ng kaniyang pakpak.
--May isang Ginoo po na ikinasal ninyo ng lihim dini sa isang binibining taga Lalawigan.
--Ay ano po?
--Ang kasulatan po ng kasal na yaon ay nasang mawalan ng bisa o punitin ninyo kaya nang wala ng matunton; at katumbas po noon ang salaping yan na bilang papala sa inyo....
At ang dugtong pa ni Maneng:
--At maaasahan po ninyo ang bulag na pagkakalinga sa inyo ng isang makapangyarihang kaibigan na magagamit ninyo sa panahong kailanganin.
--Mahirap pong totoo ang nasa ninyong bilhin, Ginoo, at di ko po kayang gampanan; kaya’t likumin mo pong muli ang salaping yan na hindi makakatumbas ng nasa ng inyong kaibigan na aking gawin.
--At isang libo pa po na idaragdag ko mahal na Pastor upang mahango kayo sa pagaalanganin. Isipisipin mo po ng banayad.
--Huwag na kayong mabahala Ginoo--anang Pastor ng buong katiwasayan.
--At aayaw ninyong tanggapin ang handog kong ito?
--Itago mo po at marahil ay kakailanganin ninyo sa mga araw na haharapin o sa ibang bagay na lalong mahalaga.