# Ang Pag-ibig ng Layas

## Part 6

Book page: https://www.cyberlibrary.org/tl/books/ang-pag-ibig-ng-layas-46639/index.md

Ang mga takilla ay punuan at bawa’t isa ay nagsusumiksik na makapaghulog doon ng kanyang buwis kay Momo, upang makapasok; kung ganito ang sigasig ng tao upang mamili ng _bono_ ng Kalayaan, sampuong Alemania man marahil ay napuksa na sa pesepesetang sa kanila ay tatabon.

Ang mga tramvia ay parang prusision na di makalakad halos, ang mga auto at karromata ay nagsisikip sa boong hinabahaba ng Bagong-bayan at taong lubhang makapal na halo-halo, may balat kayo at wala man, ang animo’y alon ng isang sinisigwang dagat.

Parang hinahalina si Maneng ng gayong kasiglahan.

Nang bagot na si Maneng sa loob ng auto ng panonood ay humandang siya naman ang panoorin at nagkubling sandali sa isang lansangang madilim at ang kanyang katawang may kasuotang buo ay isinuot na pamuli pa sa kanyang taglay na _Pierrot_ at ang gorra at antifas ay isinuot pagdaka.

Pinatigil ang auto sa salikop ng San Luis at Daang Bago at saka ipinagbilen kay Ikong na maghintay doon hangang siya’y bumalik. At lumusong nang napatangay sa agos ng tao na naguumugong sa loob at labas ng Ciudad.

Ang biruan sa loob ng Ciudad ay nasa kanyang kainitan. Ang babaing walang balat-kayo at naparoon upang manood ng kasayahan ay siyang nagiging panoorin ng madla kung pagdumugan ng isang kawang balat-kayo at _bombarheohin_ ng kanilang confetti na pambati.

Lubhang maraming tao, ang magsaya lamang ay di marunong, at sa ganitong kataon nakikilala ang mga taong may uring mahal.

Ang pulutong na unang tinamaan ng malas ni Maneng ay pulutong ng mga taong hamak, na, sa loob ng balatkayo nila ay nanganganinag ang isang kaugalian at asal na binatbat ng kasamaan.

Ang mga babai ay boong kalapastanganan nilang binibiro ng birong malalaswa, at kung may lalaking magtangol ay kanilang tinatampalasan at ang gayon ay sinasamantala upang ang lokbotan ay linisin. Lupon daw yaon umano ng mga _Apaches_.

Nagmamadali si Maneng na lumayo sa kawang yaon na nakaririmarim, at lumibot sa ibang dako ng Ciudad upang humanap ng ibang panoorin na makasisiya ng loob.

At talagang napakasarap na maglibang na parang isang ulol sa gitna ng kanyang mga kasamahan sa loob ng isang Ampunang ganoong kalaki.

Kilala niyang halos ang mga mukhang hindi natatakpan ng maskara o antifas man lamang, samantalang siya’y nakalalapit sa siping ng lalong matalik na kaibigan ng di man lamang siya napapansin.

Magdadalawang oras ang nakaraan nang di man lamang siya nainip, at nang sumagi sa kanyang ala-ala ang lumapit sa gusali ng _Meralco_ ay malapit nang tugtugin ang ikapito ng gabi.

Napaurong siya nang mapagmalas na ang mga kawan ng mga _Apaches_ ay naroon pa rin at umuugong na parang mga sinumpa at ang hinaharap ay isang pulutong ng mga balatkayong may mariringal na karamtan.

Malayo pa siya’y napansin na niya ang kulay perlas na damit ni Nati na napatiwalag sa mga kasama na siyang hinaharap ng pulutong ng mga masasamang kaugaliang tao.

Halos kinapos siya ng panahon sa paglapit sa inaakala niyang si Nati na pagkakita sa kanya ay isinaklit kaagad ang bulak niyang kamay sa bisig na kanyang ihinandog.

At itinulak sila ng agos ng tao na ilinayo nang ilinayo sa liwanag na kinalalagyan ng palalong gusali ng mga ilaw.

At ang kanyang kamay ay isinaklit sa bayawang ng balat kayo na di pa nagsasalita hangang noon, upang pagtamasahan marahil ang handog ng pagkakataon na pawang pangpapasariwa sa kanyang pita na pinaglalabanan ng gayon na lamang.

At sila’y lumabas sa pintuan ng Ciudad sa dakong timog na walang lubhang maraming tao, di gaya nang nakaharap sa kalunuran.

At sa di na yata mapaglabanan ni Maneng ay ilinilis ang talukbong ng balatkayo at boong bilis na ibinunto sa magandang mukha ang busog sa suyong halik.

--Maneng!... Ano naman iyang ginagawa mo?--ani Mameng na dili iba’t ang nagsuot ng balatkayo ni Nati.

Si Maneng ay natigilang sandali at di nakaimik, nguni’t gaya niyang mga lalaking walang sawa sa mga handog na di inaantabayanan ng pagkakataon ay boong tapang na tumugon.

--Huwag kang magtaka Mameng, at kung hindi ko ipinahalata sa iyo noon pang araw ang bukong ito ng puso, ay dahilan sa walang pagkakataon na gaya nito.

--Oh Maneng!... Kalupitan na yang ginagawa mo sa akin.

--Hindi Mameng; hindi, maniwala ka. At kung ang ikasampung bahagi man lamang ng mga lihim na tadhana sa tao ay iyong makikilala kaipala’y di mo pagtatakhan.

At isinakay pagdaka sa auto at sa laki ng pagkahanga ni Ikong ay napahatid sa bahay si Maneng.

--Ito lamang ang babai na dadalhin ng aking panginoon sa sariling tahanan--anang Chaufeur, samantalang ang auto ay parang limbas na lumalayo sa kaharian ng tawanan, at si Maneng at si Mameng ay naglalatang kapuwa sa pagkakapagisang yaon na lingid sa mga malas ng tao.

--Hindi mo nalalaman Mameng ang isang malaking bagay na nangyari. Oh! kay lungkot gunitain.

--Ano yaon Maneng?

--Na si Nati ay di tapat sa akin.

--Si Nati?... At bakit?

--Ah!... Ang babai ay babai kailan man--at isang katahimikang kakilakilabot ang naghari.

--Si Nati ay di tapat sa akin--ang patuloy--at linoob ni Bathala na kita’y magkaniig upang sa iyo ko maihinga ang sama niyaring loob.

--Bakit? Ano ang nangyari? Dapat ko bang malaman?

--Bakit hindi? Ang imperdible na ihinandog ko sa kanya’y kanyang winalang kabuluhan; hindi niya minahal at pinalibhasa dahil marahil sa yaon ay galing sa akin.

Naala-ala ni Mameng na ang imperdible ay iginawad kay Binay nang mabangga ng auto ang karretelang kinalululanan noon; nguni’t di man umimik.

--Talagang ako’y sawi sa pag-ibig Mameng. Kailan kaya ako makatatagpo ng isang magtatapat sa akin.

--Si Nati ay tapat sa iyo Maneng.

--Tapat!... Nalalaman ng Dios...

Si Mameng ay nanliliit, hindi makakibo man lamang.

At sa piling ng binatang yaon ay waring natatakot at nababalisa. Ang puso niya’y tumitibok ng pangamba.

--Ang imperdible ko ay nasa kamay ng ibang lalaki, nguni’t pinagbayaran niya ng mahal ang paggamit ng di sarili. Sinukat niya ang mga baldosa sa _La Campana_ at kumain siya ng lupa, sa pamamagitan ng isang suntok na di ko napigilan.

--Ano ang wika mo Maneng?

--Na ang imperdible ko ay nakita ko kay Tomas, yaong manunulat na kinasayaw ni Nati ng Rigodon sa Marilaw.

--Oh! hindi; hindi magkakagayon. Nalalaman ko kung kangino niya iginawad ang imperdible.

--Kangino Mameng? Kangino? Turan mo.

--Sa babaing nabangga ng ating Auto--ang salo ni Mameng--Naaala-ala mo pa ba?

Hindi mawatasang gaano ni Maneng ang pabulaan ng babai. Lalong nagdilim ang liwanag na kanyang natataho. Ang auto ay sumapit sa kanyang bahay.

* * * * *

Si Orang sa kabilang dako na di man lamang tumatangap ng kasagutan ng kanyang mga pabilin at liham kay Maneng ay nagbihis ng tapang at lakas ng loob ina. Binihisan ang kanyang mutyang sangol at nagpaumat-umat na nagbabantay sa tapat ng bahay ni Maneng.

At nang makitang may tumigil na auto, ang pintuan ay nabuksan at nakiyat ang dalawang balatkayo ay para siyang dinagukan.

Wala na siyang agam na di si Maneng ay may ibang kalaguyo kung kaya siya pinababayaan.

At lalong sumasal ang nasa niyang makipagkita upang kanyang tapunan kahit na iisang irap, sa harap ng sangol niyang anak, na bunga ng sinumpang sandali, na siya’y parahuyo sa binatang walang kaloluwa.

Si Gorio ay sumalubong kay Orang at anya:

--Mahal na Ginang: Patawarin po ninyo ako na huwag ko kayong papasukin; bilin po ng aking panginoon na huwag kong papasukin kahit sino.

--Ang biling yaon ay hindi kakapit sa ina ng kanyang anak.

At sa pilitan at pakiusapan, upang huwag mabulahaw ang dalawang pusong kaipala’y naglalasing na kasalukuyan, ay pinahintulutan din si Orang na makapasok, nguni’t mapayapang naghintay ng kanyang oras, na ikapagkikita kay Maneng.

At sa gitna ng maringal na bahay ni Maneng na punong-puno ng mga palamuti at hiyas ay dalawang puso ang kasalukuyang nabibilanggo: Si Mameng na bago pa lamang tumutungga sa saro ng buhay at si Orang na nakakilala na ng mapait na bunga ng gayong ginintuang pangarap na panandalian.

* * * * *

--Naku Maneng!...... Ang ginawa mong ito sa akin. Paano ako ngayon?

--Ano ang iyong inaala-ala Mameng? Natatakot ka bang tumangis sa piling ko?

--Natatakot ako Maneng sa nahahandang bukas sa aking palad.

--Sa piling ko Mameng ay walang sawi. Maniwala ka.

--Ano ang mukhang ipakikita ko kay Nati?

--Si Nati ay isang babaing malihim Mameng, at sa kanyang mga himala ay ipinatibong niya ako sa isang kahalay-halay na katayuan.

--Ano ang sabi mo, Maneng?

--Na si Nati ay di tapat na umibig. Oh wala pa akong natatagpuang tapat na umibig hangang ngayon.

--May patunay ka ba noon Maneng?

--Bakit wala?

At hinalungkat ang retrato at doo’y ipinalpal kay Mameng ang kanilang dalawang larawan na sa isang pagkakataon ay nakapisan si Tomas.

--Oh... Eh ano ang ibig mong sabihin niyan Maneng?

--Nakikita mo ang lalaking yaon?

--Oo nakikita ko, nguni’t hindi ko nakikilala.

--Hindi mo nakikilala ang nakasayaw ni Nati ng _Rigodon_ sa Marilao?

--Ah!... Ang manunulat.

--Oo, si Tomas ang kanina’y kamuntik ko ng binunutan ng dila.

--Naku?

--Sa pagka’t ang imperdibleng sadyang ipinagawa ko upang gamitin ni Nati sa Marilao ay ipinagkaloob sa kanya, at ano ang malay ko kung ano ang kasama noon nang kanyang ipagkaloob.

--Oh, iyan ang di ko matutulutang paniwalaan mo. Ang imperdible ni Nati ay nakita ng dalawa kong mata ng ibigay sa kulang palad na babaing nabanga natin ng auto. Sinabi ko na ito sa iyo kangina pa; si Nati ay hindi taksil.

--Oh Mameng anong pagkabutibuti mong pinsan--at sinilsil na muli ng halik si Mameng. Walang salang di ang huling halik na yaon ay patungkol kay Nati.

At sinabayan ng tindig at parang inaanyayahan ang babai na magbihis na at muling ihatid sa pinangalingan.

Ang larawan ni Binay na pumipiling kay Orang sa pagkataksil ay nakikinikinita mandin.

--Hindi na ako makauuwi pa Maneng.... Hindi na nga.

At tinutop ni Maneng ng dalawang palad ang ulo na puputok mandin.

Anong laking gusot ang nakabanta sa kanyang palad.

XIX NA KABANATA

ANG LUHOG NI ORANG

Si Maneng, ay napapasuot sa isang lansangang walang labasan; _Hindi na ako uuwi_--ani Mameng.

Paano ang mabuting gawin? Tumakas kaya? Ipagtabuyan ang dalaga ay hindi magagawa nino mang may kalolwa. Isang babaing dinaya sa bulong ng isang pangakong pinaniwalaan, pinagpasasaang sinaid ang samyo at bini, at ngayon, maari kayang itapon na tulad sa isang bagay na lipas?

Si Maneng ay salawahan at di nasisiyahan kailan man; subali’t isang lalaking hindi nakagagawa ng gayong pag-api baga mang laging naniniwala at napadadala sa mga sapantahang mali, at lubhang paniwalain lalo na’t kung ang panibugho ang masasalang. Sa kanya’y walang ibang matuwid tangi sa ipinapalpal sa kanya ng kaniyang sapantaha sa alin mang sapiyaw na mapansin. At lalo na sa babai, ang kaniyang PAUNANG HATOL na mga bulaan at mapaglalang at kailan ma’y di magtatapat, ay siyang laging nagpapadalamhati sa kanyang puso.

Sa ganitong kalagayan ay lumikmo sa piling ni Mameng at aniya:--Anong samang masdan Mameng na ikaw ay madungawan dini ng lahat ng makasalanang mata at ang bulong-bulungan ay iukol sa iyo sa pagalipusta. Talastas mong ang gayo’y di ko matutulutan. Paanong ikaw ay mapahihintulutan kong matira dine?

--At itinataboy mo ako Maneng? Ngayong natapos mong simsimin ang kalataklatakan ng iwi kong dangal sa pagkababai ngayong ang aking bini ay nasaid mo nang lahat at napagpasasaan ay tulad sa isang hamak na laruan mo akong itatapon? Nasaan Maneng ang iyong puso? Nasaan ang iyong kalolwa? Lingapin mo ang aking kahinaan at huwag gamitan ng lupit.

Pagkasabi nito ni Mameng ay itinago ang mukha sa dalawang palad at tulad sa isang Magdalenang pinadaloy ang di mapigilang unang luha ng puso. Si Mameng ay isang babaing napakarupok.

Sinapupo ni Maneng na parang hinahatdang ginhawa na sinuklay ng kanyang mga daliri ang buhok na napalugay at parang nasisiyahang ibinulong ang gayaring lalang:

--Mameng. Talagang sa malalaking pangyayari na sa buhay ng tao ay sumasapit, ang luha ay madalas na manguna, upang ibalitang sa kabila’y namimitak ang maligayang araw ng ligaya. Aasahan mo Mameng ang katotohanang yaon, na sisikapin kong maging isang pangyayari.

--Maneng!...

--Oo Mameng, asahan mo; at ang pangako sa ganang akin ay utang na kinasasanlaan ng karangalan ko at di mangyayaring di ko pagbayaran sukdang ang buhay ko’y kailanganin.

--Maneng ang malabis na pangako ay hindi kailangan kung ang mabuting nasa ay siyang papamamayanihin.

--Ang aking pangako Mameng ay itaga mo sa bato, at si Maneng ay mawawala at di mo na makikitang muli pa kung magkukulang sa kanyang pangungusap.

--Salamat Maneng at pinaniniwalaan kong ang kahinaan ko’y di mo sasamantalahin upang maapi.

--Oh kailan ma’y di ko magagawa ang gayon.

--Ang mga luhang ito na iyong pinapahid nang napakasarap mong halik ay di na muling dudungaw, kung ikaw ay di magbabago sa iyong masuyong anyo.

--Hindi na dadaloy kung dahil sa akin. Asahan mo Mameng na di ako magbabago.

--Ngayon, ano ang ibig mong aking gawin?... Utusan mo Maneng ang giliw mo at susundin kang pikit-mata, kahit na sa hukay ay lulusong ako nang boong kasayahan kung yaon ang linoloob mo.

Si Maneng ay natigilan sa lakas ng diwa ni Mameng. Hindi niya akalaing sa pag-ibig, si Mameng ay may isang pusong napakalaki at isang kaloluang napakatibay, kung laki ng puso at tibay ng kalolwa matatawag ang paubayang tumugon sa tawag ng pita.

Ang kangikangina’y inaari niyang isang PAMATID UHAW ngayon ay lumalaki sa kanyang malas at karapat-dapat manding sambahin.

Ang unang talsik ng pamimintuho ay naglalatang sa kanyang puso at di niya maapula ang paglalagablab. Tutupukin manding ang boo niyang katawan ng bagong karamdamang yaon na ngayon pa lamang dinadanas. Magpapatuloy yatang pamayanihan siya ng kagitingan ni Mameng.

Si Mameng sa harap ng pagwawari ni Maneng ay isang babaing uliran ng kapuwa babai. Isang babaing marunong paalipin ng ganapan sa udyok ng budhi at walang agam-agam na lulusong sa lalong malalim na bangin ng siphayo kung yaon ang linoloob ng kanyang pinagkatiwalaan ng kanyang dilag. Siya’y isang bulag na mangingibig.

Sa pagwawaring ito’y napagulantang na bigla si Maneng nang sa di kawasa ay nakaringig ng tangis ng isang sangol sa loob ng kanyang bahay.

--Ano yaon Maneng?--ang tanong ng dalaga na animo’y ginising sa isang mahimbing na pagkakatulog.--Ano yaong nariringig ko?

--Aywan, aalamin ko. Diyan ka munang sandali. Huwag kang lalabas hane?--At si Maneng ay lumabas sa silid.

At sa diwa ni Mameng ay gumuhong lahat ang mga pangaraping binubuko... Di yata’t sa bahay ni Maneng ay may isang sangol? Sino ang batang yaon, at sino ang kanyang ina, at bakit naroroon?

Si Maneng ay boong kapalaluan at poot na lumapit sa panauhin na di iba’t si Orang.

--Orang--aniya--Bakit ka naririto?

Si Mameng ay lumapit sa dako ng silid na kinaulinigan niya ng iyak ng sangol at pinakingang lahat na walang naaksaya ng salitaan.

--Oo, Maneng--anang babai--Magtataka ka na ako’y maparini, nguni’t ang pusong ina ay hindi lumilingon sa sasabihin ng mga tao. Naparito ako nang maidalaw ko sa iyo ang iyong anak yayamang di ka na nagkaloob na dumalaw sa amin. Ikinagagalit mo ba ang gayon?

--At di mo nahahalatang kaya ako hindi napaparoon ay nahayag na sa akin ang iyong lihim na ikinukubli sa aking kaalaman?

--Lihim ko?--ang taka ni Orang.

--Oo, ang lihim mong pakikipagsuyuan kay Yoyong.

--Kay Yoyong?... Oh!... Yao’y kabulaanan. Si Yoyong ay di ko sinisinta.

--Oo si Yoyong na isang kaibigang di marunong tumupad ng kanyang tungkulin. Si Yoyong na pinagkatiwalaan kong makatalastas ng ating pagsusuyuan. Doon ka nasungabang.

--Ang aking kapatid ang pinaguusapan--ani Mameng sa sarili--at kanyang inaalipusta. Oh iyan ay di ko dapat tulutan.--At handang lalabas, nguni’t mabubunyag ang isang pagkakataong parang tiniyap; na si Yoyong ang umagaw ng dilag ng kasuyo ni Maneng, at siya, si Mameng na kapatid ni Yoyong ay siya namang umugaw ng katahimikan ng kasuyo ni Orang. Kay lungkot na tungkulin ang ginagampanan nilang magkapatid sa dulang yaon ng buhay. Ang kaniyang kapatid ay siyang lumustay sa kalolua ng kanyang Maneng at siya nama’y siyang sanhi ngayon ng mga pagtangis ni Orang.

--Oh, iyan ay isang paratang na walang patunay, Maneng. Maghunos dili ka.--Ani Orang.

--At kulang pang patunay ang mga sulat na iniingatan mong higit sa isang mayamang kiyas. Bakit mo ilinilihim sa akin ang mga sulat ni Yoyong?

Namutla si Orang pagkabangit ng sulat. Yao’y di niya akalaing natuklas ni Maneng.

Tunay nga na ang mga sulat ni Yoyong ay iningatan niya, nguni’t si Yoyong ay walang maipakikitang sulat na sa kanya galing.

Pagkaraan ng isang saglit ay tumugon.

--Ang mga sulat ni Yoyong, Maneng ay hindi patunay ng aking sa iyo’y pagkukulang. Isinusumpa ko sa harap ng sanggol natin na ako’y tapat sa iyong pag-ibig, at kung naging kahinaan ko man ang paglilihim sa iyo ng mga sulat ni Yoyong ay dahilan sa pinagiingatan kong huwag kang dalawin ng sukal ng loob. Talastas ito ng langit, Maneng, na ako’y hindi nagkukulang sa pagtatapat sa iyong pag-ibig.

--Di ka nagkulang ng pagtatapat, pagkatapos magkaroon ng lihim sa akin? Ah! Orang ang kasalanan mong ginawa ay walang patawad. Humihiyaw sa langit at humihingi ng parusa.

--Hinahamon kita Maneng na makapagharap sa akin ng isa man lamang sulat ko kay Yoyong; kung ito’y magawa mo bagay na di mangyayari ay igawad mo ang parusang minamarapat mo sa akin.

--Hindi kailangan yaon Orang. Si Yoyong ay maaaring pinagbilinan mong sunuging lahat ang mga sulat mo sa kanya lalo na nang matalastas mong ang mga sulat niya ay natutop kong lahat; at sa pagka’t siya’y ninibig ay sinunod ka niya marahil sa iyong samo. Ano nga ang kailangan na bungkalin ko pa ang baho na iyong ilinilihim?

--Ah! Maneng, tapatin mo na sa akin na ako’y iyo ng pinagsawaan. Na, diyan sa loob ay may isang babai na higit sa akin at aapihin mo rin kung siya’y pagsawaang gaya ko. Nguni’t talastasin mong kawawa naman ang ating sangol. Lingapin mo sana siya. Siya’y dugo ng iyong mga dugo; buto ng iyong mga buto at hinog na bunga ng ating suyuan. Lingapin mo si Nene--at humagulgol ng iyak.

--Namamali ka Orang. Kaming lalaki ay hindi nagaanak, sa pagka’t yao’y di itinulot sa amin ni Bathala. Ang anak nga ay iyo; wala akong alinlangan noon--ang aglahi.

--At itinatakwil mo si Nene?

--Siya’y iyong tunay.

--May lakas kang magtakwil sa sangol na itong buhay mong larawan?

--Ipinaglihi mo marahil siya sa akin.

--Oh lubos na yan. Maaari mo akong dustain, maaaring ang sumpa ay ibabaw mo sa akin kung naging kasalanan ko ang malabis kong pagiingat na ikaw ay dalawin ng masamang sandali, nguni’t dustain mo ang walang malay nating sangol, ito’y isang kalupitang di ko matutulutan. Ikaw ay isang amang walang kalolwa.

--Nang wala ng maraming salitaan, ay mabuti pa Orang na umuwi ka na at bayaan mo akong tumahimik. Hindi dapat pagtalunan ang bagay na yan.

--Oo, babayaan kitang tumahimik sa piling ng iyong bagong Bathala na naririyan at saksi ng ating salitaan ngayon; talastasin niya na siya’y babai din at magiging ina rin siyang paris ko at kung ang palad ko’y kaniyang sapitin ay siya at ako’y magkakasama din sa dagat ng walang pangpang ng pagtangis ng puso.

--Sulong na Orang--napakahaba ng sermong yan. Nalalaman mo nang sa iyo at sa akin ay pitong matatarik na bundok ang namamagitan. Hindi ka na nga dapat pang lumapit sa akin gaya ng ako’y di magkakamaling lalapit sa iyo. At tayo’y kapuwa patawarin ng Panginoon.

At tinawag si Gorio pagkatapus at aniya:

--Gorio. Ihatid mo ang babaing ito sa pintuan.

At sinabayan ng tindig ng boong kapalaluan at tinalikuran ang kulang palad na babai.

Ihinatid ng malas hangang pintuan at anong laking pagkamangha ng makitang ang _SUPERSIX_ na kanyang ihinandog kila Nati ay tumigil at si Selmo at Yoyong ay nanagsilunsad.

XX KABANATA

ANG SIGWA

Napaurong si Orang nang masalubong ang nangagsidating na baga mang nangakabalatkayo ay walang antifas at bilad na ipinakikilala ang kanilang mga mukha.

Si Yoyong na lalong mukhang hangal nang mga sandaling yaon si Nati na animo’y larawang lilok na nagbabadha ng _PANGANIB_, at si Selmo na sa gayong mapanganib na pangyayari ay tahimik na tahimik na animo’y walang anomang malaking bagay na nangyayari ay sunodsunod na lumunsad.

Si Mameng sa kabilang dako ay gulilat na sumaklit sa leeg ni Maneng na noo’y nasok sa silid.

--Mameng--ang anas--Ang sigwa ay dumarating.

--Nalalaman ko nang lahat Maneng. Nalalaman kong ang puso mo’y linuray ng babaing yaon na kinatulong ni Yoyong na kapatid ko sa paghukay sa libingan ng iyong puso. Ang kanilang kamalian, ó sa malinaw na sabi, ang kasalanan ng kapatid ko sa dulang ito ng buhay ay binayaran ko na ng labis at labis.

--Yaon Mameng ay naligtasan na natin. Si Orang ay yumaon na tumatangis at nagugunita marahil ang kaniyang pagkakamali na ako’y kanyang paglaruan; nguni’t siya rin ang hangal sa kanyang sarili; ang kanyang palad ang kanyang pinaglaruan at siya rin ang humukay ng libingan ng kanyang pag-asa. Nguni’t si Anselmo, si Nati at si Yoyong ay narito na at tayo ang pakay--at ang dugtong--Ayoko nang ako’y kanilang abutan. Wala akong mukhang ipakikiharap sa kanila kung aking mababasa sa kanilang anyo na sila’y may hinala sa _GINAWA_ natin.

--Ay paano ang mabuti?--ang tanong ng dalaga.

--Lumabas kang agad at ikaw ang bahalang magtangol ng karangalan natin. Sabihin mo ang lahat mong naringig kay Orang at sabihin mo ring ako’y yumaon upang sila’y paghanapin. Magsinungaling ka kung kailangan. Gamitin mo ang lahat ng paraan upang maligtas ang ating puri.

At si Mameng ay lumabas pagdaka, samantalang si Maneng ay nagkubli sa isang sulok na kanyang mapagtataguan; sulok na malapit sa kabahayan at nagtutulot na kanyang maringig ang lahat ng paguusapan. Ang sulok na kinalagyan ni Mameng. Nagpalit sila ng papel; ngayo’y siyang makikingig ng paguusapan.

Sina Selmo at Nati ay nakiyat samantalang ang ugaw na si Yoyong ay sumunod kay Orang sa nasa marahil na gumanti sa kapanganibang kinatatayuan ni Mameng at kahit na sa sapantaha man lamang ay pagkasanlan siyang kasintahan nga ni Orang.

--Aling Orang--ang bati ni Yoyong--Pahintulutan ninyong kayo’y maihatid at nang maipagtangol ko kayo sa aglahi ng mga balat-kayo.

--Salamat po. Hindi ko po kailangan ang inyong pangangalaga.

--Bakit naman aling Orang.

--Aba!... Nakayayamot naman ang taong ito--ang asik ni Orang--Sinabi ko nang hindi ko kailangan ang inyong pangangalaga eh.

--Lason ba ako sa inyo, aling Orang. Ngayon pa naman na ang paninibugho ni Maneng ay nagtatagumpay na ng ganap...

--Huwag nga kayong maulit. Kagisagisa ninyo’y...--at pinukol ng irap.

--Ngayon pa namang handang handa na akong maging ama ng iyong sanggol... Ay! aling Orang, kung ipahihintulot mo po lamang ay asahan mo pong aking aariing akin ang sangol na iyan.

--Sinabi ko na mang Yoyong na huwag kayong makabuisit eh... Para naman kayong aso na susunod-sunod sa akin. Manong lumayo kayo--at tinulinan ang lakad na parang hinahabol.

Si Yoyong ay nagmadali ring sumusunod; nguni’t napansin yata niyang napakapangit ang kanyang papel na tinutupad kaya’t nagbalik na pumisan sa kanyang mga kasamahan na nagsituloy sa bahay ni Maneng.

Walang kapangit-pangitang tanawin gaya ng inasal ni Yoyong na susunodsunod sa isang babai na sa kanya’y naririmarim at binayaan sa kapanganiban ang kapatid niyang gaya ng isang sisiw na dinagit ng limbas.

Inabutan niyang nangagkakaumpok doon ang nangagsidating at ang dinatnan, at samantalang parang inaantabayanan nila si Maneng ay nangaguusapan ng malakas at pangkaramihan.

--Eh ano ang nangyari sa inyo Mameng--ang tanong ni Nati.

--Ang mga _apache_ na gumulo sa atin ay kasalukuyang namamayani at ako gaya ng dapat ninyong sapantahain ay napalayo nang napalayo at ninanasa ko mang masagasa ang kapal ng tao ay di nagawa nang aking kahinaan at sa takot namang malamog sa nagaalimpuyong kapal ng tao. Walang ano-ano ay isang _pierrot_ ang lumapit sa akin. Ipinakita ang kanyang singsing, ihinandog sa akin ang kaniyang bisig at ibinulong sa akin ang gayari:

