Ang Pag-ibig ng Layas

Part 5

Chapter 5 3,857 words Public domain Markdown

Doo’y may isang salaming talihaba na nakakalupkupan ng isang gintong lantay na gilid.

Ang mukha ni Binay ay sumungaw pagdaka. Mukhang natina ng pula sa kabiglaanan; nguni’t buhay palibhasa ang dugo ay tumugon ng boong kapayapaan.

--Maneng--aniya--ako’y napaglalangan mo. Nguni’t gaya ng isang tapat na mangako ay tutupad ako kung sa aking itatanong ay tumbasan mo ng pagtatapat din.

--Ano yaon aking giliw?

--Ilan nang babai ang dumungaw sa salaming iyan, magbuhat ng ingatan mo?

--Iisa pa lamang. Tanging ikaw Binay.

--Hoy!... Ni hindi mo na inisip ang isinagot mo sa akin.

--Papanong iisipin ko pa’y siyang totoo.

--Papano ko mapapaniwalaan.

--Inaakala mo bang ako’y napakabulaan?

--Ipalagay natin na di ikaw ang may sabi at inaakala kong nagsisinungaling.

--Kung ang _recibo_ ng platero na gumawa niyan ay makikita mo, disin maniniwala ka, na kangina ko lamang kinuha iyan at inantabayanan ko pa bago ako naparine; nguni’t.....

--Nguni’t ano?

--Ang recibo ay di ko ipakikita sa iyo upang huwag mong malaman ang halaga.

--Nguni’t ibig ko sana’y walang ibang mukhang babaing dumungaw sa salaming yan Maneng, lalong-lalo na yaong magagandang lulan ng auto nang kami’y mabangga.

--Oh, yao’y huwag mong pagkasalanan. Sila’y para kong mga kapatid.

--Naniniwala ako Maneng at di na natin muli pang paguusapan yaon; datapuwa’t paano ako makapapaniwalang wala nang babaing dudungaw sa salaming iyan. Ipangako mo man lamang.

--Hindi kailangan ang pangako; ang salamin ay iiwan ko sa iyo bilang sangla ng aking patunay.

Di nakaimik ang binibini sa biglang tugong yaon ni Maneng. Ang salaming yaon ay isang mayamang hiyas, gintong lantay na pinakintab ng pait, ilang talsik na diamante ang sa mga palamuting bulaklak ay nangasaubod. Hindi niya nasang hingin at siya’y napahanga ng ialay sa kaniya.

--Ya’y ipinagawa kong para sa iyo Binay. Kung di mo tatangapin ay daramdamin ko at aakalaing isang pagsiphayo.

--Hindi ko maaaring di tangapin ang isang alaalang galing sa iyo Maneng; at mamahalin ko sa pagka’t galing sa iyo.

At ang dalawa gaya ng lahat ng alagad ni Kupido ay malaong nagusap ng panay na kahibangan lamang.

At bago umalis si Maneng ay hinubad ni Binay ang tuhog na kampupot at ilinagay sa leeg ng binatang mapalad, at aniya:

--Mamahalin mo ang bulaklak na yan at ingatang maging laging sariwa, hane?

--Siyang papatnubay sa aking mabuting tala.

--¡Sayang at ang bulaklak ay dagling maluluoy!--ang habol ni Maneng sa sarili nang siya’y nasa ibaba na.

XV KABANATA

SINAGPANG ANG PAIN

Kailan ma’t si Maneng ay may isang himaling ay hindi natatahimik samantalang di napalulugdan ang pita.

At nang mga sandaling ito’y binubuko niya kung ano ang mabuting paraan upang ang magandang taga Bokawe ay pagtamasahan yayamang ang pakikiayon ay ipinagkatiwala na rin lamang sa kaniyang himok.

Yaong ugaling halaghag na kinahihimalingan niya ay hindi magpatahimik.

Nakalikmo sa isang likmuang tikwasin at nakapatong sa kaliwang tuhod ang kanang paa at ang isang pahayagan ay hinahanapan mandin ng balita; nguni’t ang kaniyang ala-ala ay naglalayag na kasalukuyan sa lawak at ligoy ng mga pakana na kaniyang binubuko upang ipagtagumpay ang nasa niyang ang dilag ni Binay ay pagsamantalahang pupulin, kahit na sa kabila noo’y magugol ang gaano man.

Katapat ng kaniyang likmuan ang isang sopa na kinahihiligan ng isang kaibigang may malaya ring gawi na bilang sinasangunian niya sa binabalak na balahong pagbubuliran kay Binay.

--Paano po kaya ang mabuting paraan sa babaing yaon, Kabisang Terio?

Si Kabisang Terio ay isang matandang _pusakal_ na sa gulang na apat na puong taon ay may tatlong puong anak na pawang panganay. Isang bihasa sa sining na mandaya; kaya’t siyang ipinatawag ni Maneng upang hingan ng hatol.

--Napasagot na ba ninyo ng: Oo?--anang matanda.

--Yaon po’y _de cahon_. Wala pa po akong babaing linigawan na sumagot sa akin ng ayaw.

--Eh bakit hindi ninyo hingan ng isang tagpuan?... Tatanggi po kaya kung ito’y inyong hingin?

--Hiningan ko na po at di rin naman tumangi, nguni’t...

--Para pala naman kayong di lalaki. Di yata’t tumangap na ng anyaya ninyo sa tagpuan ay di pa ninyo naitirik ang watawat ng tagumpay?

--Hindi ko magagawa, Kabisang Terio ang gumawa ng ano man nang walang lubos na pahintulot. Ang hinihintay ko’y boong puso at walang tutol na ihandog sa akin ang saro ng ligaya.

--Eh ano ang tugon niya ng inyong hingin sa huli ninyong tagpuan?

--Isang talinhaga, Kabisang Terio.

--Isang talinhaga?

--Opo isang talinhagang makatuwiran.

--Na ano po?

--Na kung maipakikita ko raw pong sariwa ang tuhog na bulaklak na kaniyang sanla sa akin ay makaaasa akong kamatayan ma’y kanyang tatahakin sa aking kahilingan.

--Ay ano po ang isinagot ninyo?

--Ang pagwawalang kibo po.

--Yaon po’y bugtong, mang Maneng, baka hindi ninyo naturingan.

--Hindi po ba ang ibig sabihin noo’y pakasalan ko siya?

--Yaon na nga ang kauuwian noon sa pagka’t yaon lamang ang tunay at matibay na tanda na ang pag-ibig, na sa bagay pa ito’y ang bulaklak, ay di malalanta.

--Yan ang nakababahala sa akin, Kabisang Terio. Hindi ako matahimik kung hindi ko siya kakamtan at ipalalagay kong napaka-hangal ako.

--Inumangan na po ba ninyo ng salapi?

--Hindi masisilo ng salapi Kabisang Terio. Napakaingat sa karangalan na hindi mapapantayan ng anomang yamang mahahaka.

--Iisa ang daan mang Maneng. Dayain.

--Dayain po?

--Opo, dayain. Sundin ninyong lahat ang nasa, lunurin ninyo sa pakitang loob at gawin ninyong maging kailangan niya kayo sa buhay.

--Napagkikilalang hindi ninyo nakikilala ang kaluluwa ng babaing yaon. Siya’y lubhang mainit na umibig; sabik marahil makipagkita; nguni’t batong buhay mandin na di dumaramdam ang kanyang puso. Iisa ang kanyang pangungusap, at laging mapalalo na laging umuuwi sa gayari; “Hindi ako natatakot sa sasabihin ng sino man; nguni’t iniingatan ko ang ako’y masisi ng sariling budhi”. Sa pag-ibig Kabisang Terio, si Binay, ay isang matatag. Kung ako lamang ay handa nang matali, disin ay napabilango na ako sa kanyang piling.

--Isipin ninyong mabuti mang Maneng. Isipin po ninyong mabuti’t _ang magasawa’y di biro_.

Nang mga sandaling ito’y nasok si Gorio at dalawang sulat ang isinakamay ni Maneng.

Ginapak ni Maneng ang sobre at ang unang sulat ay nagsasabi ng gayari:

“Maneng:

“Ano ang nangyayari sa iyo at ang mag-ina mo ay hindi mo na naala-ala. Kung makailan akong magpabilin upang ipasundo ka, nguni’t minsan ma’y hindi nagkapalad ang inutusan ko na ikaw ay matagpuan. Alin sa dalawa o ako’y pinagtatapatan o ako’y di sinunod; kaya nangyaring ako’y sumulat sa iyo kahit na kabilin-bilinan mong huwag akong susulat ano mang mangyari.

“Papaanhin mo naman kung ang init ng iyong pagyupyop ay ikinakait mo na mandin. Alalahanin mo sana na ang luha ang lagi kong kasalo-salo sa pagkain, kasiping ko sa pagtulog at kaulayaw naming mag-ina sa araw at gabi.

“Buhat nang ang bata ay sumilang sa maliwanag ay kinatakutan mo manding makita at di na ako nagkapalad na kita’y masilayan pang muli.

“Ano ba ang ipinagtatampo mo aking Maneng?

“Nalalaman kong ang nanay ay totoong napakabigat sa loob mo, nguni’t minsan ma’y di ka nagpahalata sa akin. Ang tatay nama’y isa pa. Oo, sila’y napakalabis; nguni’t maitatapon ko kaya sila?

“Parine ka sana Maneng kahit na sasandali. Yupyupan mo si Nene, na naghihintay ng iyong init at makikita mong ang ligayang maging ama ay napakasarap. Siya lamang ang umaaliw sa akin tuwina. Ang kaniyang maliliit na mga kamay ay palagi ng nakaangat at parang humihingi ng halik at ang bango niya’y hindi lumilipas at hindi ka sasawa na makipaglaro sa sinungaling na sangol natin.

“Huwag mong akalain na dahil sa dalawang buwan na ang lumipas, kaya kita pinaparirini, ay dahilan lamang sa kailangan ko ang kuwalta; hindi. Ang kaonti kong natitipid na napapautang sa mga magiisda, sa tubo lamang ay nakapagtatago pa ako ng kaonti.

“Umiyak na si nene.

“Adios Maneng. Paparini ka, hane?”

Ang iyong ORANG.

Sinabayan ng punit ang sulat pagkabasa at nagkiskis ng _fosforo_ at ipinalamon sa apoy.

--Bakit?--ani Kabisang Terio.

--Naku.... Kung padadala kayo sa suyo niyang linikhang mahaba ang buhok na kung tawagi’y babai, ay mahuhulog kayo sa balong malalim at lulumutin ang ulo ninyo roon.

--Bakit napakainam po bang maglamyos?

--Ang akala ninyo’y totoo ang sinasabi; nguni’t alalahanin ninyong sa tunay na katotohanan, ay kayo’y mapapadual... Naku talagang ayoko nang makipagtalo riyan sa babai. Sa babalutin kayo sa katamisan ng pananalita at luha hangang kayo’y maalipin;--at pinunit ang sobre ng pangalawang liham.

Ito ang nababasa:

“Maneng niyaring buhay:

“Kay sarap ng magmahalan at magkasamang mangarap ng gising kapuwa at sa lahat ng dako ay tulain ang sumasatitig.

“Hayon masdan mo. Sa dako roo’y animo ahas na pilak na gumagapang ang mumunting ilog na umaahon sa mga bukirin upang hagkan ang talampakan ng mga lalong tagong halaman. Kay inam, ano, hindi ba? At ang halamang maawain ay linalaglagan siya ng mga hinog na bulaklak na kanyang yinayakap at itinatakas hangang sila’y kapuwa may buhay. Kay inam na halimbawa na panalaminan ng nangagsisiibig.

“Nguni’t ano yaong aking nakikita. Kay inam na paroparong paligid-ligid at padapo-dapo sa mga bukang bulaklak na sinisimsiman nila ng samyo at tamis. Gayon kaya ang pag-ibig? Salawahan kung gayon. Hindi ba Maneng?

“At Maneng, ako pala’y nanaginip:

“Ako raw ay may isang halamang bumunga ng isang kay gandang bunga, ninasa kong tikman, nguni’t... Oh kay askad. Animo ba’y tinipon ng kanyang ganda ang askad. Namunga uli at nang manibalang na ay tinikman kong pamuli, at asim naman ang namayani. Kay ganda; nguni’t kay asimasim. At hinintay ko uling bumunga. Iginalang ko ang kabiglawan, nang manibalang na’y pinagyaman ko at iningatan hangang mahinog... at Oh! kay tamis marahil... ¡kay sarap kaipala! ¡Kay linamnam!

“Hindi ko pa kinakain.

“Kailan mo ba nasang ating pagsaluhan?”

Ang iyong BINAY.

--Oh tignan ninyo Kabisang Terio ang sulat na iyan. Kay talas ng matang magwari at kay bihasang mag tahi tahi ng mga halimbawa.

At binasa ni Kabisang Terio ng basang panalangin, animo ba’y may sakit na malubha si Maneng, na nakikinyig ng taimtim sa puso. Animo ba’y nasasarapan din si Kabisang Terio.

At di nga ba si Maneng ay may-sakit at sakit na walang lunas kungdi ang tagumpay ng pita?

Ilang lingo ang nakaraan at si Binay at si Maneng kahit lihim na lihim ay nagisang puso sa harap ng isang Pastor Protestante, sa kapilyang nasa Avenida Rizal.

Pinagkasunduan nilang manatiling samantala sa dati nilang kalagayan, huwag ipagmakaingay na parang walang ano mang nababago: Tatak ng bagong panahon.

XVI KABANATA

NOO’Y KARNABAL

Dinalaw ni Maneng ang makisig at bantog na _Casa de Modas_ at doo’y kanyang pinanonood ang dalawang suot Turko na animo’y babala ng “Omar”.

Dalawang kasuotang babai na payak na sutlang kulay ginto ang isa, at ang isa’y kulay perlas; at kapuwa may guhit na pula at bughaw. Salawal at baro na pawang maluang at napupungos ng hugos hugos sa laylayan upang matapos sa isang sandallas o babuchang turko, na itim na nahihiyasan ng bulaklak na gintong lantay mandin. Ang talukbong ay payak na puti na sa nipis at lambot ay nagtutulot na mabakas at masinag ang magandang mukha ng kukulubungan; nguni’t sa sinsin noo’y di mangyayaring maaninaw.

Tanging ang mata, ang handang makipagtitigan at siyang tulad sa dalawang durungawang kababasahan ng puso at kalulwa ng nakabalatkayo.

Sa dako roon ay isang pierrot na payak na puti ang linulutangan ng malalaking bitones na itim, at itim ding apat na dali ang lapad ang sa laylayan ng baro at salawal ay bilang palamuti.

Ang tatlong balatkayong ito’y ipinagawa ni Maneng upang magamit nila sa dakilang sayawan ng mga balatkayo.

Sa lahat ng dako ng Maynila, ang “biro” ay siyang namamayani, animo ba’y ang lahat ng tao ay nakalimot na sandali sa dakilang asal at ang araw ay mataas pa halos, ang mga “confetti” ay nagliliparan na, at nagdadapuan sa mga maiitim na buhok ng magagandang dalagang naglalakad, at ang mga _serpentina_ ay kasalukuyang naninilo, datapuwa’t silong marupok, kasing dupok marahil ng isang panandaliang bulong ng pita. Iisang iglap.

Nagkapantay-pantay manding lahat ang mga tao sa loob ng isang maskarang nakatawa kung minsan o nakangiwi kayang animo’y kumagat ng isang bungang kahoy na maasim.

Sa dako roon ay pulutong ng mga lungtian dimonyong animo’y tumakas kay Mandagaran; isang pulutong namang demonyo rin nguni’t mapupula naman ang animo’y mga kawal ni Fausto na nakatakas mandin sa bayan ni Pluton; at mga dimonyo pa rin na payak na itim buhat sa sungay hangang buntot. Talaga yatang ang taong natutuwa ay mahilig sa mga kawal ni Pedro Botero. Ang kamatayan ay di nila gunita. Ang lahat ay inaaglahi.

Ang mga Pierrot na sarisaring kulay, mga dominó, mga suot Principe at iba’t ibang libolibong likha, buhat sa lalong maringal hangang sa kamuramurahan, ang siya lamang halos laman ng lansangan. Kay raming Colombina na nakapangingiki.

Sa dakong Timog ay doon natatayo ang palalo at maringal, na bayan ni Momo. Nakaharap sa bagong Luneta na nagtaboy ng dagat sa dako pa roon.

Panggagaling ni Maneng sa _Casa de Modas_ ay nagtuloy kila Selmo at doo’y ihinatid ang dalawang kasuotang babai na boong kasiyahang tatangapin nang kaniyang mga pinaguukulan.

Gaya nang dapat ng malaman, ang isa noo’y kay Mameng at ang isa’y kay Nati.

--Tayo’y maglinawan--ani Maneng--Ya’y dalawang balatkayong wala akong malamang itulak kabigin. Ibig kong malaman kung alin diyan sa dalawa ang gagamitin mo Nati. Hale mamili ka na.

--Alin ba Maneng ang ibig mong aking gamitin?

--Ang ibig ko?.......... Nalaman mo na Nati na ang mainam sa iyo ay siya kong ibig. Tangi sa kapuwa mainam ang dalawang iyan.

--Nalalaman mo rin naman na kung alin ang mapili mo ay siya kong mamainamin. Alin ba ang ibig mo Maneng na aking gamitin?

--Hindi ba mainam Nati itong kulay perlas?

--Yan nga, yan din ang aking napipili. Talagang iisa yata ang ating diwa.

--Siya mong isuot, hane?...

--Eh ikaw ba ano ba ang iyong karamtan?

--Ako’y isang pierrot na maputi. Nguni’t ang kasuotang ito’y maraming kamukha.

--Eh ano ang ating palatandaan?

--Ang singsing kong panganan na dati mong kilala. Ang auto ay ipadadala ko rine mamayang a las cuatro, gamitin ninyo sa paglilibot at sa Ciudad na tayo magkita.

--Sa Ciudad?

--Oo, sa Ciudad na.

--Saan doon? Lubhang malaki ang kaharian ni Momo.

--Siya nga; nguni’t buhat sa ikapito hangang ikasiyam ng gabi ay sa boong paligid ng gusali ni “Meralco” tayo maghihintayan.

--Bakit hindi ka pa ba sumabay sa amin?

--Marami akong lulutasing gamlay, ngayon, at di ko maipagpapaliban.

Nang matapos ang biling ito ni Maneng ay yumaon ng parang hinahabol. Paano’y may tiyap siya kay Binay, na doon manananghali sa araw na yaon.

Nang si Mameng ay nasok ay nadatnan si Nati na nagsusukat ng balat-kayo at gaanong pagkahanga ang kaniyang dinanas ng makita niyang si Nati sa kulay perlas ay lubhang kaakit-akit.

--Halika, Mameng, isukat mo nga yang balat-kayo mo. Hali na.

At isinukat ni Mameng ang kaniyang karamtan na di rin napahuhuli sa dingal at ganda sa karamtan ni Nati.

--Talagang pihikang mamili yaong si Maneng, ano Nati. Tignan mo at kay gaan sa katawan, maluwang at di nakaiinis.

--Talagang may pihikan siyang gawi Mameng. Ito’y kaniyang katangian. Nguni’t Mameng, hindi ba ang mga araw na ito’y araw ng “biro”.

--At araw ng “tawa”.

--Kung gayon ay bibiruin ko si Maneng.

--Ano bang biro ang naisip mo?

--Ang ibig niya’y ito ang aking isuot at doon na raw magkita sa Ciudad. Ang iniisip ko’y gayari. Ang balat-kayong ito na pinili niya para sa akin ay siya mong isuot at yang balat-kayo na para sa iyo ay siya kong gagamitin. Ano ang sabi mo Mameng?

--Magpapalit tayo kung gayon?

--Oo, magpapalit tayo, at walang salang di ikaw ang lalapitan na iisiping ako.

--Baka magalit Nati?

--Hindi; pagkatapus ay sasabihin kong nagustuhan ko ang iyong damit at siya kong ginamit.

--Eh ano ba ang kanyang balat-kayo?

--Pierrot, nguni’t sa singsing makikilalang agad. Hindi mo ba natatandaan ang kanyang singsing?

--Bakit hindi?

--Iyan ang kanyang ipakikita paglapit.

--Eh ano ang aking gagawin Nati?

--Huwag kang pakikilala at tignan mo lamang kung ano ang kanyang gagawin.

Kung natatalos ni Nati ang magiging wakas ng komediang yaon na kanyang naisip na hangang sa isang birong kaibigan lamang sa kanyang akala, nguni’t maaring maging daan ng isang di inaantabayanang gusot o kagampanan ng mga lihim na tadhanang di talastas ng tao, disin ay di niya isinagawa.

Ang kanilang komparsa ay binubuo ng maraming babai na pawang nasa kapanahunan at payak na mga kapit-bahay si Nati at si Maneng ay siyang namumukod sa inam ng balatkayo na nagtitimpalak ng kapangyarihan ng salapi.

XVII KABANATA

¡OH!, ANG PANIBUGHO

Sa lilim ng lihim na kasal ni Maneng at ni Binay ay nagtatamasa sa likod ng malas ng madla ng masarap at napakaligayang alo ng pagsusuyuan.

Ang kanilang mga gawi ay bubo sa bagong kaugalian at ang ganito’y pinagpasasaan nila ng boong pagtatamasa, bagamang ang lalaki’y isang Don Juan din sa kaniyang tahanan; at ang babai, ay ang dati ring mayuming dalagang tagalog sa halamanan ng kanilang anak.

Kapuwa sila bihasang maninining na di mawawalan ng malilikhang pakana upang magtagpuan, bagay na di nila sana kailangan, danga’t ang kanilang himaling, ay ang paglalangan ang lahat, nguni’t simula sa kanilang sarili. Anong ligaya ng kanilang sandasandaling pangangarap!

Ang buhay ay ginagawa nilang isang laruan, at laruang mapanganib. Isa’t isa sa kanila’y parang tunay na may laya baga mang ang tanikala ng pagiisang puso, sa kanila ay nakabigkis.

Sa lahat ng ito’y ang kulang palad na si Tomas ay humahanap ng isang kataon upang si Maneng, ay matagpuang muli pa, bagay na di pa yata tulot ng tadhana, sapagka’t ngayon pa namang araw-araw ay na pasa sa Bokawe, ay ngayon pa niya hindi makita; paano’y hindi na gaya ng dati na humahayag, kungdi ang auto ay laguing tumitigil sa labas ng bayan at doon na niya natatagpuan tuwina, ang magandang si Binay.

Doon nila sinisimulan ang malayang pagsagap ng hangin kung saan saan dako at maituturing na wala silang naging sariling pugad sa pagsasaliw ng awit ng puso, at tulad sa mga ibon na kung saan tawagin ng pita ay doon idinadaos ang kanilang mga kalayaan. Sampu nang sa kanila ay magpahiram ng tahanan ay ibinububulid nila sa pagkakasala.

Ito’y isang bagong paraan ng “pulot at gata” na maituturing na napakaligaya sa ganang kay Maneng at kay Binay, sa pagka’t tuwina’y parang bagong tagpo, tuwina’y pinaniningas ang kanilang nasa ng kasabikan, at animo’y nakaw lamang ang lamyusan nilang pinagtatamasahan. Talaga yatang ang _nakaw_ sa pagtagay sa saro ni Kupido, ay napakasarap.

Tumutungo na ang araw nang si Maneng ay bumalik sa Maynila at nang si Binay naman ay umuwi sa Bokawe na parang may ginawa lamang na anomang kailangan sa kalapit na bayan na pinananahanan ng kaniyang ama.

Linipad ni Maneng ang Maynila. Nagbago ng damit pagkatapos na makapagalis ng alikabok sa katawan, binalumbon ang _pierrot_ at pamuling lumakad, pagkasiyasat na ang Supersix ay wala na roon at ipinadala na ni Gorio kina Selmo sangayon sa kanyang utos.

Sumagi sa kanyang nasa na sa _La Campana_ magminindal gayong sa sarili ay iniwang nakahain ang lalong masasarap na pamatay gutom na ihinahanda ni Biyang.

Ang bahay ni Maneng ay parang isang _Babel_ gayong sila’y lilima halos. Di sila nagkawatasan kailan man gayong doo’y di dumadalaw ang pagtatalo.

Araw-araw halos ay _banquete_ para kina Gorio, sa pagka’t maigagamot ang araw na doon ikinakain ni Maneng; nguni’t di naman nagbibigay ng bilin kailan man na di darating at di naman pumapansin ng gugol kumain man siya o hindi sa bahay.

Ang kanyang katiwala ay ubos kay Gorio na nakakikilala sa kanya ng ganap, kaya’t naglilingkod naman ng higit pa sa isang aliping binili.

Dumating si Maneng na parang hayok na hayok sa gutom sa minandalang _La Campana_ at pagkatapos na maituro sa utusan ang mga bilang ng Menu na kanyang napili ay tinunghayan ang isang linguhan na nasa ibabaw ng lamensang bubog na minandalan.

Di pa man halos natutunghan ang linguhan ay para siyang dinagukang bigla at tinamaan ng malas ang hambog na si Tomas na nasa kabilang dako at parang ipinagmamalaki sa kanyang korbata ang imperdible na nakikilala na natin.

Napakalaki ang imperdibleng yaon upang gamitin sa korbata; nguni’t kinusa yaon ni Tomas sa nasang pasakitang loob si Maneng kung makatagpo sa paniwalang yaon ay sanla ni Maneng kay Binay na kasintahan niyang tumalikod sa salitaan.

Kung may matuwid si Tomas o wala ay bayaan natin, sa pagka’t ang mga akay ng panibugho may matuwid o wala man ay walang ibang nagagawa kungdi kapanganiban.

Pinagmalas-malas ni Maneng ang binata na nagpapalamig na kasalukuyan sa tulong ng isang copang sorbetes.

Sinusukat niya buhat sa paa hangang ulo, na animo ba’y ibig na tirisin nang walang tanong-tanong at sa pagka’t yao’y ibinabawal ng dakilang asal ay nagtindig na gahasa na nangapalingon ang mga nagmiminandal na kasabay nila, linapitan si Tomas at boong kabanayaran, nguni’t punong-puno ng kutiya na tinanong:

--Ginoo. Kung di po isusukal ng inyong loob ay maaari po bang sabihin sa akin kung saan galing ang imperdibleng yan ng inyong korbata?

Si Tomas ay sumandal. Minasdan pamula sa ulo hangang sa paa si Maneng na nang mga sandaling yaon ay baliti na ng poot, at saka tumugon:

--Ginoo; tinatanong ninyo ako ng isang tanong na nakatatawa; at nang huwag naman kayong magmukhang api ay malaman ninyo, na sa isang daang libong bagay na di ninyo dapat malaman ito ay isa. Hindi ninyo dapat na malimutan na kapag _saya_ ang napagitna sa mga _salawal_ ay pangit na totoong ibuyangyang.

--Ninanais kong malaman Ginoo--ani Maneng ng boong galit--at kung hindi ako bibigyang liwanag na ikasisiyang loob ko ay......--at ang kamay ay ipinakitang higpit na higpit.

Tumindig si Tomas na handang magtatangol, nguni’t ang kamay ni Maneng ay bumagsak na bigla sa mukha ni Tomas.

Lamensa, tao at kasangkapan ay nangagsigulong sa lupa kasabay ng tilihan ng mga babai, at tindigan ng mga lalaki, na handang aawat.

Namagitan ang mga suki ng _La Campana_ at ang dalawa’y di na nagabot na muli pa; nguni’t ang dugo sa mukha ni Tomas ay nagdadanak.

Nagbigay paliwanag sa may-ari ng _La Campana_ si Maneng at pagkatapos na nakapagbigay ng pangungusap na babayaran niya ang kapinsalaang nangyari ay lumulang pamuli sa kanyang auto at iniwan si Tomas sa gitna ng gulo.

Nang dumating ang mga pulis na tagapagpapatili ng kapayapaan si Maneng ay malayo na. Wala nang makatugon kung saan siya napatungo.

XVIII KABANATA

SAPANTAHANG NAGBAGO

Nagpatuloy si Maneng sa Luneta upang magparaan ng oras yamang maaga pa rin.

Ang araw ay kasalukuyang lumiliblib na sa mga bundukin ng Bataan at ang kaniyang mga huling sinag ay naglalagak sa langit ng mga bakas na pula na parang anag-ag ng isang malaking sunog.

Ang mga balatkayo sa kabi-kabila ay nangagtatawanan, nangagsasayawan, at ang kanilang mga boses na iniimpit upang huwag mangakilala ay nagpaparingig ng isang tinig na nakapamumuhi.

Ang mga _confetti_ ay parang gamogamong nagliliparan ng boong saya at ang isang angaw na ilaw na napipiit sa loob ng kaharian ni Momo ay nagsisikip at nasasaklaw niya sampu ng papawirin na sa kanya’y tumutunghay at nanunuod mandin ng kahangalang ginawa ng mga tao na hibang na hibang sa malaking kasayahan.

Ang mga kuwitis na pagputok ay animo’y bituing nadurog ay naglalaganap sa sapot na itim ng gabi ng mga sarisaring kulay na animo’y lumulutang sa dagat ng hangin na na sa papawirin.

Ang mga pananglaw ay nagsalisalimbay sa apat na sulok ng kaharian ni Momo, at ang kanilang liwanag ay gumagapi sa angaw angaw na ilaw na nagpaparingalan.

Ang taong parang hinahalo ay parang agos na sinasakmal ng malalaking pintuan ng Ciudad, na boong Maynila ma’y makapagsasayaw marahil sa loob ng maaliwalas niyang mga lansangan.