# Ang Pag-ibig ng Layas

## Part 4

Book page: https://www.cyberlibrary.org/tl/books/ang-pag-ibig-ng-layas-46639/index.md

--Wala nga Maneng, ano ba yaon?

--Ano yaon!... Salamat Nati, talagang wala nga.

--Bakit ba naman ganyan ka Maneng!... Ngayon pa namang ako’y umaasang ang ligaya ko’y ganap ay saka ka pa nagalit. Bakit di mo sabihin kung ano yaon?

Tinitigan ng binata ng ubos kayang pag-irog at saka nagpatuloy:

--Ako’y talagang iyong-iyo Nati at talagang dahil sa iyo lamang kaya ko minamahal yaring buhay... nguni’t...

--Nguni’t ano? Kay tatalim ng iyong pangungusap.

--Nguni’t hindi mo ako iniibig Nati.

--Hindi kita iniibig? Kung ang mga dahon ng mangang ito’y maaaring magsalita, sinaksihan ako marahil ngayon at pinabulaanan ang paratang mo. Huwag mo akong pahirapan Maneng. Para mo nang awa.

At nayukayok na luhaluhaan ang mata.

Sinapupo ni Maneng ang kaniyang giliw; pinahid ng saganang halik ang mga luha, at saka tumugon:

--Nati--anya--Natalastas kong wala kang kasalanan at ang kamalian mo’y ang di mo pagkakilalang ganap sa akin.

--Ano ba yang naging kasalanan ko, Maneng?

--Inaantay ko sanang ako ang kasayawin mo sa _Rigodon_, _Nati_.

--Ah!... Oh patawarin mo ako Maneng. Patawarin mo ako at di na muling mangyayari ang gayon.

--Wala na sa akin yaon Nati. Talagang wala, isang kabaliwan ko lamang yaon.--At sa bawa’t patlang ng salita’y binubusog sa halik ng boong pagpapasasa ang magandang binibini.

Isang mainam na “hesitation” ang ipinaringig ng orkesta at buhat sa puno ng manga ay binagayan nila ng bugso bugsong halikan, ang tugtugin.

--Siya na naman Maneng, ako’y hapong hapo na--ang boong lamyos ni Nati.

--Isa na lamang--ang tawad ni Maneng--Isa na lamang!

--Siya na!... Oh! ano pa naman ang ibig mo...

--Isa pa, Nati, isa na lamang... Totoong-totoo na isa na lamang.

--Naman!... Maano namang siyana... Naku!... ito namang si Maneng.

At kapuwa nalasing ang dalawang puso sa kanilang pagka lingid sa mga malas ng matang makasalanan.

Si Maneng na talagang linikha yata upang pasakitan ng mga lipi ni Eva ay may napapansing isang maliit na bagay na ipinanglalamig ng kanyang puso. Bakit di ginagamit ni Nati ang imperdibleng kaniyang binile upang gamitin pa naman sa Marilao?

Hindi niya napansin na yao’y ibinigay kay Binay at nang kaniyang mapuna na di ginagamit ay kinabukasan na sa sayawan. Tinutupok mandin siya ng nasa na alamin kung bakit di ginagamit ni Nati, nguni’t iginalang niya ang lihim na yaon, manatili lamang sa kanila ang katahimikan.

Si Nati naman ay tiwalang tiwala na ang kaniyang kabiglaanang yaon ay maaaring ikagagalit ni Maneng, kaya di makapangahas na yao’y ipagtapat at ang imperdible sa ganang kay Maneng at kay Nati ay umidlip sa sinapupunan ng isang lihim na mahiwaga.

At sa tuwi na silang magtatagpo ay lalong maningas ang pag-ibig ni Nati, lalong malambing, lalong boong tiwalang isinasa kamay ni Maneng ang boong buhay.

Nguni’t ang imperdibleng yaon ay nagiging ulap kay Maneng.

Usisain ko na kaya kay Nati? ang tanong sa sarili. At ang tugon: Oh! Hintay. Ang lalaking mapagusisa ay hangal. Ang lalaki ay dapat makiramdam at gumawa.

XII KABANATA

BABAING POLITIKO

Ang magandang tala sa Bokawe na sinasamba ng pihikang manunulat na si Tomas ay inanyayahan ni Sandiko na magparilag sa kaniyang miting. Anyayang di tinangihan at pinairugan ng boong kaya. At sa pagka’t si Sandiko ay isa riyan sa mga politiko na may sariling kakanyahan, ay maituturing na ang miting ay di sinimulan na gaya ng lahat ng miting politiko, na may mesa presidencial na pinangangasiwaan ng _toastmaster_, at may mga _leader_ na natatalang sunodsunod upang gumamit ng pangungusap tangi pa sa mga talumpaterong pagkakataon na humahanap ng mga pulong upang doo’y ipagmarangya na sila’y isang malaking imbakan ng mga iba’t ibang lumang simulain na bagamang kailan ma’y di naisagawa ni nang nagsalita ni nang mga nakikinyig ay may isang kahulugang kaakitakit sa maraming pandingig na lubhang nakahahalina diyan sa tinatawag na bayan, diyan sa karamihan na siyang baytang na hagdanan ng ating mga politiko upang ang kanilang mga munakala ay bigyan ng katawan kung talagang may banal namang nasa, o ng pagpasasaan naman ang gayong paghahawak ng kapangyarihan sa kapakinabangang sarili at ng kaniyang mga kapanalig kung talagang _politiko de profesion_.

Ang miting ni Sandiko yamang wala pa sa tadhanang oras ay nabunsod sa uring _entre familia_ sa tapat ng maliit, nguni’t makisig na tindahan ni Binay na dinaluhan ng maraming mga taga Bokawe sa tapat ng Plasoleta sa bayang yaon.

Si Mendoza at si Montenegro ay nagkakaharap sa tapat ng tindahan at pinaguusapan ng boong init at ingay ang mga _kabulastugan_ ni Osmeña; kumatlo sa salitaan si Tomas, ang pangbato ng Bokawe at ang tudyuhan ay lalong uminit, at ang taong nagbumilog sa kinalilikmuan ng tatlo ay dumami ng dumami upang pagosiosohan ang mainit na matuwiranan.

Si Sandiko ay wala pa at pagdating nito ay umugong ang: _ayan na ang heneral_ bagay na ikinapatindig ni Montenegro na naging heneral din naman, at nagtaglay pa ng kartera ng _secretaria de estado_ sa ating di malimutang _Biyak na bato_.

Kasama ni Sandiko ang komparsa ng Bokawe, at sa pagka’t ang _arte_ ay gumigising sa _artista_ ay ipinakilala ni Montenegro, sa mga taga Bokawe, tanging tangi sa magandang si Binay, na kung nang panahon ng digma ay ginamit niya ang talibong upang ang ating kalayaan ay matuklas, sa panahon ng kapayapaan ang kaniyang panitik at dila ay katulong sa pagpapanatili ng ating bahagyang kaginhawahang bunga ng madugo, nguni’t kagalang-galang na himagsikan; sa panahong ito naman ng mga mumunting paglilipon, ang kaniyang mga daliri ay lubhang bihasa at boong ligsing kumakalabit ng mga bagting ng gitarra, at siya’y isang _trovador_ ding marunong tumawag sa mga pintuang nakalapat ng mga pusong maawain at dagliang dumiringig sa mga malulungkot na “kundiman” na busog sa kasaysayan at tamis at may uring sariling atin.

Pagkatapos ng palakpakang tumbas sa kundiman ni Montenegro sa kung kaninong Laura ay nagtindig ang Heneral gaya ng lahat ng mapagsamantala at nagpasalamat ng gayari:

--Mga kaibigan:--anya--Lumalaki ang aking puso kung nakikita ko ang kasiglahan ng ating mga kababayan sa sariling atin.

Palakpakan ang pumutol. At ang dugtong:

--Kung ang mga Osmeñista ay hindi tumalikod sa ating makasaysayang sumpa sa Inang Bayan, ang Bill Jones No. 1 sana ay nagtagumpay--at saka hinarap ang makisig na si Mendoza kasabay ng tapik sa balikat at anya--_Que le parece á Vd. compañero?_--hinarap pagkuwan ang ilang binatang estudiente ng paaralang ingles at anya--_This is the way to show our people the parasite politicians. Watch them closely, my young men for the ruin is yours._

Si Montenegro ay labas na lahat ang tinago kung makipagusap sa bayan.

Isa sa mga dumalo ay tumugon:

--Simulan na po natin ang miting at marami ng tao.

At sa isang iglap ay nakapagtayo ng mesa presidencial at ang inanyayahang mag-toastmaster ay ang binatang si Tomás.

Ang mga bantog na _leaders_ ng TERCERISTA ay doroong lahat; sina Villalon, Lara, San Jose, Mendoza, Montenegro, Gil, Balmori, Santiago at iba’t iba pang mga Ginoo na pawang may maluwag at mariringal na pangungusap, at matatapang sa paglalahad ng mga tuligsa sa mga _Osmeñista at ng kanilang mga kabalbalan_.

Isang panauhin ang laging malayo sa karamihan at nang ang miting ay sinimulan na ay kumubli sa isang dako ng tindahan na naging pook na palamigan ng mga binayani sa pulong na yaon. Ang binatang ito’y si Maneng, ang binatang mayaman na kasintahan ni Nati. Sinilaw siya ng kagandahan ni Binay na nang mga sandaling yaon ay namamayani sa gitna ng lupon kadalagahang Bokawe na inanyayahan ng General Sandiko. Si Binay ay larawang buhay ng “Bagong Babai.”

Lumapit na banayad sa lupon ng mga babaing palamuti ng pulong at mamaang-maang na nagusisa.

--Huwag pong ikagalit ng inyong mga kamahalan; ano pong pulong ito? Pulong po ba ito ng mga Osmeñista?

--Hindi po Ginoo. Wala pong Osmeñista dito sa Bokawe--ang matapang na sagot ni Binay.

--Kung gayon po’y mga _federal_ po pala ang nagpupulong na iyan?

--Aba hindi po; iyan po’y pulong ng mga _tercerista_.

--Ah!... yan po pala ang mga tupa ni Sandiko. Noong Gobernador na nagpatanim ng mga _acasia_ upang pangublihan ng mga aso, noong General na napakatapang,--at sinundan ng isang tuyong ngiti.

--Kahit na po walang nagawang mabuti si Sandiko, Ginoo gaya ng inyong sabi--ang pakli ni Binay--ay inaanyayahan ko kayong dumaliri ng kanyang kamalian at baka mayroong kaming nalilingid na di nalalaman.

--Ang tao po, mahal na binibini, na walang nagagawang mabuti at walang nagagawang masama ay tao na di dapat ibilang ni sa karamihan man lamang.

--Alalahanin mo po Ginoo na nang panahon ni Sandiko, ang Constabularia dito sa Bulakan ay di kinailangan. Sa makatuwid, ay malayo ang Bulakan sa kapanganyayaang nangyayari sa Kabite ng panahon nina Baker, na di miminsang isinakdal ng _Renacimiento_ at _Muling Pagsilang_ sa apat na dako ng pinangagalingan ng hangin. Alalahanin mo po Ginoo, nang sa likod ng bayan ay pagtibayin ng Kapulungan sa Bagyo yaong di malilimutang Bill Borja, na nagbibigay bisa, at tumatangkilik sa isang kabulastugan ng ating naging Gobernador General na si Forbes; sino po ang tumutol ng boong tapang? Alalahanin mo rin po Ginoo na nang ang puhunang mangagawa sa Katubusan ay aagoy-agoy na at tinampalasan ng mga bata ni Osmeña, kung sino ang nagbangon.

--Aba!... Dito po pala sa Bokawe ay may mga babaing politiko. Sayang at di kayo sa Amerika ipinanganak, sana’y nakapagharap kayo ng kandidatura; nguni’t dito sa atin, kahit na maaring kayo ay ihalal at idagdag ko pa ang aking “voto” ay di ako umaasang tayo’y magtatagumpay. Paano ang ating pagtatagumpay sa ang mga Osmeñista ay nakagawa na ng mararaming bagay na mahahalaga; naipayari nila ang Bill Jones No. 2 na nagbigay sa kanila ng boong kapangyarihan. Nakayari na sila ng isang Quezon, nakapatay sila ng isang Gomez na naging kastila kahit na tunay na tagalog, at marami pa pong libolibong bagay na mahalaga para sa Pilipinas, gaya halimbawa ng kasalukuyang dictadura ni Buencamino, nguni’t hindi nila ginawa o talagang ayaw nilang gawin ang isang Batas upang ang babai ay makapaghalal at mapahalal naman.

Itutuloy pa sana ni Maneng ang pagsasalaysay; nguni’t binagabag ng palakpakan ng mga tao ng miting na tumutuligsa sa pagkakahandog ng 25,000 katao sa Presidente Wilson upang dalhin sa digmaan sa Europa, kahit walang pahintulot ang Kapulungan.

Magsalita si Maneng!... ¡Magsalita si Maneng!... ang hiyawan ng lahat. At bumaba sina Villalon at Lara upang salubungin ang katungali ni Binay.

Isang di matapos-tapos na palakpakan ang sumalubong, sa binatang napitang gumamit ng kanyang dilang ginto: Laki ng pagkahanga ni Binay.

XIII KABANATA

KUNG MAGLARO ANG PUSO

--Maneng--ang ulit sa sarile ni Binay na parang may isang malungkot na ala-alang napupukaw.--Ang ginoong yaon ay di miminsan kong nakita; ang gayong tingig ay hindi bago sa aking pangdingig. Saan ko nakilala ang taong yaon?

Ang talumpati ni Maneng ay nagsimula sa kagitingan ng mga babaing Bokawe, niyang mga babaing nakalimot sa manang ugali na: “ang bahay at simbahan lamang ang dapat marating”; mga babaing dapat uliranin ng lahat, sa pagka’t ang kanilang mga dila ay di natatalian, ang kanilang galawan sa pagtatangol ng karapatan ng kanilang anak ay lubhang malawak na maaasahan ng lubhang mapakinabang na bunga.

Ang puso ni Binay ay sumisikdo ng sikdong nagbabalita ng isang bagong bagay na dadanasin sa buhay.

Si Maneng sa piling ni Tomas na kaniyang kasintahan ay isang malaking tao sa lahat ng anyo ng buhay. Lalong mainam ang tindig, lalong mabikas, mataas ang uri at paham mandin sangayon sa mga bigkas niyang animo’y matamis at pigta sa pulot; nguni’t namumulupot na parang ulango sa mga taong kaniyang tinutuligsa.

Nang ang miting ay natapos ay wala nang naging bulaklak ng usapan sa lahat ng dako kungdi ang talumpati ni Maneng.

At si Tomas nang málapit sa umpukan nila Binay ay nagsabing:

--Napakadalawa ang talim ng mga pangungusap ng palalong yaon--tinutukoy niya si Maneng.

--Ang kanyang ipinahayag ay nasasalig sa mga simulaing matitibay--ang tugon ni Binay.

--Alin ang simulaing matitibay na tinukoy mo?

--Ang kanyang ipinahayag na sa _politika_ ay di dapat tuligsain ang mga tao kundi ang kanilang mga pananalig at batayan na itinitimpalak ng kanilang mga hayag na gawa na di maililihim.

--Ah!... Yang paraang yan ay totoong napakalawak; kung baga sa mandidigma ang ganyan ay naghahanda ng uurungan, hindi niya tinitiyak ang tagumpay na sarili, kungdi ang tagumpay ng kalaban.

--Hindi ko napansin kung saan mo hinagilap ang hinuha mong iyan. Ang napansin ko at di ako namamali ay ang sinabi ni Maneng na: si Osmeña, ay lálaki ng malaking malaki kung siya nating papananagutin at siyang dadaganan ng sagutin na dapat lamang panagutan ng bayang nasionalista. Ang aking isinasakdal sa iyo bayang Bokawe--anya--ay ang kalaswaang inaasal ng mga nasionalista ngayong sila’y maakiyat sa kapangyarihan; masdan ninyo ang kanilang mga gawa gaya ng gawa ng isang lapian at di gaya ng gawa ng iisang tao. Sa kanilang pagka-nasionalista ay sinikangan nila ang mga manghahalal sa Maynila na nasionalista rin dahilan lamang sa aayaw doon ng _lukban_; at ang _lukban_ na ipinipilit na kanilang ihandog ay talaga yatang matamis sa mga nasionalistang pinagpala, kaya si Lukban din ang kanilang pilit na binibihisan hangang sa ngayo’y magkaroon na ng tawag na “Veto” na kung mabibigla ka’y masasabi mong “Veto-veto”.

--Ginang,--ang pakutiyang tawag ni Tomas--Buhat pa po kailan kayo naging _Abogada_ ng inyong _defendidong_ si Maneng? Kay haba po ng inyong natandaan sa kaniyang talumpati na nagpapakilalang siya lamang ninyong pinagukulan ng boo ninyong pagiisip.

--At buhat kailan po naman, Ginoo, kayo nagkaroon ng kapangyarihan sa mga kaisipan ng inyong kapuwa?

--Talagang ang salapi nga nama’y malakas at makapangyarihan.

--Ay ano ba ang ibig mong sabihin noon Tomás?

--Na si Manéng ay mayaman.

--Kung mayaman ay ano?

Ang tudyuhan ng dalawang dating magkasintahan ay umasim ng umasim hangang sa sina Montenegro, Mendoza, Sandiko at iba pa ay dumating. Huling huling sumungaw si Maneng na parang hindi kasali sa talaan ng mga “leader” baga man siya’y isang bantog na mananalumpati. Si Binay sa nasang lalong pasakitang loob si Tomas ay umumpok sa kinalalagyang dako ni Maneng at di naglaon at silang dalawa na lamang ang nagusap.

--Natanto ko po kay Angko mahal na binibini, na ako’y may malaking utang sa inyo, at ang gayong bagay ay ihinihingi ko sa inyong pahintulot na mabayaran ko ng isang dalaw sa inyong tahanan bukas ng hapon--ang sabi ni Maneng ng boong pitagan.

--May utang kayo sa akin ang sabi ninyo at idinugtong pang ang maysabi sa inyo ng gayon ay si Angko? Sino pong Angko at anong utang ang inyong sinasabi?

--Isang bagay pong hindi mapaguusapan ng sangdalian kaya ako humihingi sa inyo ng pahintulot at kung kailangan pa’y magsasabi din ako sa inyong mga magulang, lalong lalo na sa inyong ama, kahit hindi ko pa nakikilala upang malaman ninyong ang nasa ko’y tapat.

--Sayang po’t si tatang ay wala po rine at palagi sa Meykawayan, kung naririne po disi’y nagkaroon ako ng karangalang ipakilala sa inyo. Siya po’y may malayang pananalig na gaya ko rin.

--Sa Meykawayan!--ang ulit ni Maneng--¡Meykawayan! Oh malaking suliranin ang handog sa akin ng bayang yaon.

--Sa Meykawayan. Talaga pong sa mga binata ang lahat halos ng bayan ay may suliranin. Marahil po’y may Celia kayo roon?

--Celia po at sa Meykawayan?... Opo may matuwid kayo. Doon ako nakakita ng unang hiwagang mahigit pa kay Celia, ng taga Panginay na si Kiko, ngunit ako’y isang hangal, hindi ako makata, ang umawit ay isang sining na di ko kilala at ang Celiang nakita ko ay parang kinain ng laho; nawalang animo’y ulap na itinaboy ng hangin, nguni’t walang pinagibhan sa pangarap na muli akong pinalad na sa kaniya’y sumilay.

--Maaari po bang makilala Ginoo? Marami po akong kakilala sa Meykawayan na mababayani nating kung kailangan ang tulong.

--Bakit po hinde? Makikilala po ninyo bukas kung pahintulot ninyong ako’y makaparine.

Sa lahat ng ito ay parang nasa isang hurno na nabalisa mandin si Tomás.

Si Binay ay napakaganda sa malas ni Maneng. Ang kanyang malalamang dibdib, na nasisinag sa maninipis na barong madadalang, ang bilugan niyang katawan at mabilog ding bisig, ang kulot niyang buhok, ang kaniyang kiring lalawigan at malayang kaugalian, mainam na pakikiharap; ang lahat ng yaon ay tulong tulong na sumilo kay Maneng na nang mga sandaling yaon ay bihag na bihag na ng talaghay ni Binay.

Ang patalim na kuko ng panibugho gayon din ang matatalas na pangil noon ay kasalukuyang humihimay sa puso ni Tomas. At ang isang ginintuang pangarap na busog sa pangako ay nagpasiglang lalo kay Binay.

Nang ang mga panauhin ay yumaon nang lahat ay mapitagang lumapit si Tomas at anya:

--Binay ang imperdible mong kaloob sa akin ay maaasahan mong igagawa ko ng isang malungkot na kasaysayan.

--Yao’y di ko kaloob sa iyo; dapat mong malaman na di ko maipagkakaloob kangino man ang kaloob lamang sa akin, kaya’t kung mangyayari, utang na loob, na aking kikilanlin sa iyo ay mangyaring isauli lamang sa akin. Sinasabi ko na nga bang may kahulugan ang mapiling hingi mo.

--Hindi mo kaloob sa akin ang inaasahan kong isang sanla?

--Hindi, Tomas, hindi nga.

--Sa sanla man at sa hindi; ang isang bagay na galing sa iyo ay pahintulutan mong aking mahalin pa...

--Mahalin!....

--Oo, Binay mahalin ang iyong imperdible.

--Yao’y hindi akin inuulit ko sa iyo at ipinaala-ala ko rin na yaon ay hiniram mo lamang sa akin. Isauli mo sana, hane Tomas.

--Binabawi mo ba?

--Kung gayon ang ibig mong ipalagay ay maaari. Nakapangungupinyo ka naman.

--Tila ka may ipinagmamalaki Binay.

--Kahit na wala... At kung mayroon ma’y ano?

--Talagang ang kiyas nga naman ng pilak. ¡Oh! ang tanikalang ginto ay kay daling ipanali...

--Tomas...... Labis na yata iyan.

--Kulang pa Binay; kulang pa.--Ang boong galit na animo’y baliw na sagot ng binata:--Kulang pa lahat yaon. At kung magagawa kong luran sa mukha, sa harap mo, ang hamak na si Maneng, kungdi lamang ang gayon ay isang kaimbihan, nakita mo sanang ginawa ko.

--Labis na yan, murahing patalikod ang isang tao ay nalalaman mong di ko pahihintulutan, kaya yumaon ka na. Yumaon ka na Tomas.

--Ang imperdible ay di na masasauli sa iyo kahit saan tayo dumating. Ang letra noo’y “M” at “S”, at animo’y “Nati” ang may-bigay sa iyo noon. Hindi ko mapaniwalaan. Malaman mong yao’y isang hiwaga para sa akin. Isang suliraning balot ng lihim at ngayon lamang nagliliwanag. Ang imperdibleng yao’y ipapalpal ko sa kaniyang mukha nang malaman niya kung gaano kahirap tumangis ang puso.

--Hindi mo gagawin ang gayon Tomas. Wala siyang kinalaman sa imperdible.

--Gagawin ko alang-alang sa aking karangalan.

--Huwag, hindi dapat.

--Saka mo makikita, Binay; saka mo makikita.

At yumaong gaya ng isang frances na di man nagpaalam.

XIV NA KABANATA

NAHULE SA BITAG

Gaya ng pinagkasunduan ni Maneng at ni Binay, kinabukasan ay kapuwa sila nagsihanda sa isang pagtatalastasan gaya ng dalawang bihasang magsamantala sa buhay.

Kung ang mga mandidigma sa ganitong tagpuan ay nag-uubos ng boong talino, sandata at mga paraan sa ikapagtatamo ng tagumpay, si Maneng at si Binay sa ganang kanila ay may mga _pambulaga_ na nakahanda bawa’t isa sa kanilang hinahandaang kabaka na nasang mahuli ng buhay.

Ang katakot-takot at libolibong paraan na naisagawa na ni Maneng sa kung ilan nang kulang palad na napasusuko ng kanyang panghikayat ay di niya nasang gamitin sa tala ng Bokawe, na pagka’t ang kalolwa nito ay ibang iba kay sa kanyang mga sinawi. Si Binay ay baga man talagang pusong babai ay may isang malayang bait na gumagalaw sa isang malawak na galawan, na kinakailangang pagaralan niyang lahat upang makalatan ng balahong katitisuran. Inaakala rin naman niya na ang pagpapahayag ay dapat niyang papanimulain sa tungalian yamang si Binay mandin ay nakatatagpo ng ligaya sa ganitong aksayahan ng panahon ng mayaman at mahirap man, at tanging pinakikinabangan lamang niyaong mga pantas at talaisip na nakakukuha ng mapapakinabang na bagay sa mga lalong walang saysay na pangyayari.

Hindi nakuha ni Binay ang matulog ng tanghali; at si Maneng ay hindi man lamang nakakain ng boong kapayapaan. Kapuwa binabalisa ng nasa ang dalawang pusong ito na hindi pa man halos nagkakawatasan ay nagtitibukan na at nagkaramdamang ang isa at isa’y nagkakailanganan.

May isang kasabihang tagalog na aniya’y: “_Huwag palapit (sa apoy) at madadarang, huwag palayo at magiginaw_” at ang bisa ng salawikaing ito ay siyang sa kanila, sa gayong mga sandali, ay namayani.

Ang pinakamainam na damit ni Binay ay isinuot maaga pa, nagtuhog ng masinsing-masinsin ng mga tikom na kampupot at ipinulupot sa kaniyang liig. Kay-inam na panghalina ng napili ni Binay. Ang mabangong samyo.

Sa kabilang dako naman si Maneng na sawang-sawa na sa mariringal na bihis ay nagsuot na lamang ng isang kasuotang sutlang puti na siya niyang pangkaraniwan, nguni’t sa kaniyang “Supersix” sumakay upang huwag namang masuya ang matang laging nakakikita sa kaniyang “Bwick” na talagang panglakbay bayan.

Napakalaki ang sasakiyang yaon sa iisang tao. Pangyayaring nagpatinkad na minsan pa na ang kaniyang pananagana ay labis na labis at lutang na lutang siya sa kaligayahan ng mga iniwi ng biyaya.

At ganap na ikaapat ng hapon ay nagkaniig na ang dalawang tinipon sa Bokawe ng kapangyarihan ni Kupido.

--Sinasabi ninyo--ani Binay--na kayo’y may utang sa akin. Hindi ko ito nalilimutan, at sa pagka’t hindi ako makatatanggap ng bayad sa isang pautang na di ko talastas, kung mamarapatin ninyo ay mangyaring ipaliwanag upang magkawatasan tayo.

--Tunay mahal na Binibini--anang binata--Tunay na ako’y may utang sa inyo at utang na napakalaki, at kailan ma’y di ko mapatatawad ang kapabayaan ko na yao’y di ko pa nababayaran, hanga ngayon. Noo’y ihinandog ko sa iyo ang boo kong kaya, at tinugon ninyo ako ng boong tamis na _sa iba ng kataon_. Naala-ala pa po kaya ninyo?

--Tunay pong hindi. Ibig ba ninyo akong tulungan upang alalahanin?

--Naparon kayo noon sa Meykawayan. Ang damit ninyo’y payak na dilaw at ang kasama ninyo’y di ko kilala; lulan kayo ng isang karretela at ang inyong kotsero ay si Angko.

--Ah!... Noo’y nabanga kami ng isang “auto” na kamuntik na kaming patain. Opo naala-ala ko na.

--Ang “Auto” po ay akin at ako ang nagpapalakad. Ako ang may kasalanan Binay--hindi na pinupo ni Maneng--Napakahangal ako noon. Ang bait ko’y pumanaw sa aking katawan at ang gayong kapanganyayaan ay naging bunga ng aking kapaubayaan. Ninais kong tuntunin ang iyong tahanan, ang Meykawayan ay naliglig ko, nguni’t sino ma’y walang nakapapaghatid sa akin sa kaganapan ng aking nasa, pagkapalibhasa’y ngalan man lamang ay wala akong natandaan kundi ang kay Angko lamang at ito’y dahilan sa itinala ko sa aking _Memo_. Datapuwa’t isang kataon na hindi ko sinasadiya ay napasuot ako sa pulong nina General Sandiko at nang di ko sinasadya ay natagpuan ko ang aking pakay. Narito nga ako sa harap mo Binay at handang tumupad ng aking handog na paglilinkod. Minamarapat mo baga?

--At kung magalit ang inyong Celia na taga Meykawayan?--ang biro ni Binay.

--Hindi magagalit ang aking Celia, Binay, sa pagka’t siya’y kilala mo rin. Dala ko rine ang kaniyang larawan. Ibig mo bang makita?

--Tignan ko nga; saan ba naroon?

Dinukot ni Maneng ang kaniyang kartera at pagkatapus makalingap sa boong paligid ay boong pitagang nagsabi:

--Binay!... Ang larawang ito’y malaon kong iniingatan sa aking diwa. Sa aking dilidili’y di mawawalay at ngayon ko pa lamang naipahayag kaya’t pahintulutan mo akong hingan kita ng isang pangako. Tinutulutan mo baga?

--Pangakong ano?

--Na ako’y tutulungan mong lumuhog upang ang aking pitang banal ay huwag mawakawak.

--Kung kilala ko’y inyong maaasahan.

--At di mo papayagang ako’y siphayuin?

--Ah... yao’y kahit hindi ko kilala ay katungkulan kong ipagsangalang ang sinisiphayo.

--Kung gayo’y...--at iniabot ni Maneng ang isang kahitang balat na agad binuksan ni Binay.

