Part 3
--Nguni’t Maneng, kung ang Ong iyan ay simula ng pangalan ng isang babaing umiibig at iniibig naman?
--Umiibig at iniibig naman!--ang ulit ni Maneng na nag-iisip ng imamatwid.
--Oo; umiibig at iniibig--ang patibay ni Nati na waring nagtagumpay bagamang sa puso ay naghahari ang pangingimbulo.
--Eh kung mapabulaanan ko ang paratang mo Nati?
--Maaasahan mong ningas ma’y susugbahan ka kahit na ipaging abo ng boo kong katawan; nguni’t sa kasawian ko ay hindi paratang yaon Maneng... Saan ka galing at hindi kita namataan maghapon, at magdamag halos ay hindi ka natagpuan ni Selmo sa iyong tahanan? Saan ka naparoroon?
Nalito ang isip ni Maneng. Hindi malaman ang isasagot. Nasaling ang sugat ng kanyang puso.
--Bakit hindi ka tumugon?... Paano si Orang?--Ang bulalas ni Nati.
Tinutop ni Maneng ang labi ni Nati at anya:
--Huwag mong dungisan ang mga labi mo ng pangalan ng isang hamak. Huwag mong ulitin Nati at babagsak sa akin ang langit. At yayamang nasalang mo na rin ang pinakamaantak na sugat niyaring puso ay pahintulutan mo ako na minsan pa’y patunayan sa iyo na ang pagsisinungaling ay di ko kabati.
At pagkapukol ni Maneng ng malas sa boong paligid at napagsiyang hindi sila binabantayan nino man, ay sinimulan ang malungkot niyang pagtatapat.
Ang pook ng bakuran ay tahimik; ang hangin ay palaypalay na naglalampasan at pasasang humahalik sa kanilang mga noo; ang langit ay malinis at animo’y isang bubong na bubog, kasalukuyang nangaguuwian ang mga ibon sa kanikanyang hapunan, at sa ulunan nila, ay palipat-lipat sa sanga ng manga ang dalawang pipit na naghahabulan ng boong ligsi.
VIII KABANATA
PAGTATAPAT
--Nasa Kolehio ka pa noon at ang kapisanan ay di pa nagkakapalad na sumilay sa iyong hiwagang ganda. Bago magbakasiyon ang mga nagaaral ay binawian ng buhay ang pinagpipitaganan kong mahal mong ama, na sanhi ng unang pagtatama ng ating malas na ikaw ay dalaga na, nguni’t ang mata mo’y pigta sa luha ang puso mo’y iniinis ng sakit, kaya’t wala akong nasabi kungdi: “Ako po’y nakikiramay”. At ang kamay mo’y iniabot mo sa akin na tandang napasasalamat, bagamang ang mga labi mo’y di pinulasan ni isang salita man lamang. Nakasaklit ang kamay ko sa baiwang ni Selmo, na tapat at mahal ko sa tanang kababata at hinahandugan ko ng aliw...... Kay lupit na kaugalian na naguutos sa atin, na sa mga gayong sandali ay magliponlipon; para bagang ang pagdamay na yaon sa kadalamhatian ng mga naulila at pinapanawan ng lalong pinakamamahal sa buhay ay dapat panoorin o saksihan man lamang nino mang kaibigan o kakilala.
--Maniwala ka Nati--ang patuloy--na, nang mga sandaling yaon, kungdi lamang natatakot akong maparatangang isang masamang kaibigan at di tapat na kapwa bata, maniwala ka Nati, na bawa’t luhang nanalong sa mga mata mo, sa mga mata ni Selmo at sa mga mata ng nangungulila mong ina ay umiinis sa aki’t naguudyok mandin na lisan ko ang inyong malungkot na tahanan, at ako’y yumaon na nga sana. Kay panglaw na ala-ala ng aking napupukaw!
Ang binibini ay tumungo at idinampi ang kanyang panyo sa mga mata upang salubungin ang mga luhang naguunahang dumungaw.
--Talastas ko Nati na ang bagay na ating pinaguusapan ay labas na labas sa ala-alang itong napupukaw ko ngayon; nguni’t dito ko sisimulan at nang magkaroon ng lalong dakilang uri... Huwag kang tumangis.
Naaala-ala ko pa hangang ngayon ang mga pangaral ng nasira mong ama sa aming dalawa ni Selmo kung siya’y dinadaanan ko upang kami ay maglibot sa madadawag na landasin ng buhay.
Aniya:
“Ang babai ay isang bato balaning bumabatak sa mga lalaki; lumayo kayo sa kanila, sa layong ang bisa ng kanilang lakas ay huwag umabot sa inyo, sa pagka’t kung kayo ay mabalot ng kanilang mga panghalina ay mahirap nang lubha ang sa kaniya’y humiwalay”.
--Ang ama mo--ang dugtong ni Maneng--ay isang dalubhasang talaisip, nguni’t ako’y isang aralang aayaw maniwala, at di dumingig sa mga aral ng Guro. At pagdating sa lansangan, ay nagkabiyak bunga kami ni Selmo; tumungo siya sa ibang landas at ako naman ay sa iba rin. Isang Sirena ang aking kinahulugan, hindi ko napansin ang kanyang mababang uri. Sinilaw ako ng kanyang ganda. Ipinagtatapat ko sa iyo Nati na siya’y maganda; at sinumpaan kong sa kaniya’y magsuob ng dalisay na pag-ibig.
--Luksa kayo noon at ang laging pagdalaw ko sa inyong bahay ay napigil--ang patuloy.--Kami ni Selmo ay magkita dili, panahong ikinalaya kong magpasasa sa tagayan ng maitim kong kapalaran. Naniwala ako gaya ng sapantaha mo, na, ako’y kaniyang iniibig, kaya’t nang muli ninyong buksan ang inyong mga pintuan at magkapalad akong muli ninyong makahalobilo sa inyong lipunan ay nagbaka sa aking puso ang iba’t ibang damdamin. Ang lalaki ay talagang salawahan at halos lahat ng babaing tamaan ng malas ay nasang bathalain. At ako’y isang lalaking di naligtas sa kasalanang yaon, at ang kagandahan mo ay bumalisa sa akin ng gayon na lamang, bagamang sa harapan mo ay di ako nagsasalita; di ako nagpapahayag. Naging dungo ako tuwina at pinalayulayuan kitang parang kinatatakutan. Tinika kong sariling tangisan ang aking pag-ibig, yayamang wala sa panahon ay naialay ko na sa iba; nguni’t ang gayo’y di ko napaglabanan. Sumapit ang sandali na naidaing ko sa iyo ang damdamin ng puso na di mo man diningig ng lubusan, ay di mo naman itinakwil. Naaala-ala mo ito at di mo malilimutan, at sa dapat na ako’y palulong ay lumayo ako ng lumayo; di miminsang nakarating sa akin ang sinasabi mong ako’y malaking tao dahilan sa ako’y mayaman, at ang gayon ay pinapapasok ko sa isang tainga at pinalalabas sa pangalawa, pagka’t ikaw naman ay mayaman din na gaya ko. Nagkausap pa tayong muli. Ito’y magdadalawang buwan ngayon... Noong magpista sa Santa Cruz. Naaala-ala mo pa ba?
At ang parungit mo’y gayari: “¡Talagang malaking tao!” Nalalaman kong ako’y binigyan mo ng isang anino na umakibat sa akin tuwina at nang malaman mo ang ibig mong malaman ay nanglamig ang pakikiharap mo sa akin, nguni’t ako’y patuloy din sa patumbetumbeleng na pagsuyo na kailan ma’y di mo nagipit na sa iyo’y magtapat. At di mo pa rin ako itinatakwil.
Ang binibini ay taos na taos sa loob nang pakikingig kay Maneng at ito nama’y nagpatuloy:--Lumakad ang panahon na di mapigilpigilan. Ang aking lihim ay mabubunyag na. Ang tanging kublihan na nasa kong panghawakan, upang makipag isang puso sa kaniya ay di malalaunan at sisilay na sa sangmaliwanag. Handa na akong matali sa loob ng bahay, paalipin sa isang puso, magmahal at mahalin. At ang mapanganib na sandali ay dumating, ang kabuwanan ay sumapit, at nang ang pintuan ng bilanguan na pagiging ama ay papasukin ko na, ang aking mabuting tala ay nagising, isinakamay ko sa isang pagkakataon ang isang bungkos na sulat na di ko nabasang makalawa. Ako’y ginising sa isang mahimbing na tulog at napagtanto kong _siya_, ang inaakala mong inibig ay isang _taksil_. Binulag niya yaring mga mata.
At sa pagka’t si Nati, ng mga sandaling yaon, na iba’t ibang karamdaman ang dinadanas samantalang di natatapos ang salaysay, ay di umiimik, ay binuksan ang kalupi na dinukot sa lokbotang dakong likod ng salawal at iniabot kay Nati ang mga liham na sanhi ng kanyang pagsumpa kay Orang. At ang sabi: Nariyan ang patotoo.
Binasa ni Nati ng boong bilis ang tatlong liham at pagkatapos ay tiningnan si Maneng ng boong tamis.
Ang kanilang mga mata ay nagusap ng lihim.
--Ngayon,--ang basag ni Maneng sa katahimikan.--Naniniwala ka na? Ngayon ano ang hatol mo sa akin? Di ba ako’y malayang makapamintuho sa iyo ng walang kabalabalakid? May lakas ka pa bang ako’y itakwil?
Bilang tugon ni Nati ay itiningala ang kanyang mukha at nang muli pang gawaran ni Maneng ng puspos pag-giliw na halik, niyaong halik na di nakaw kundi lubos na kapahintulutan; at sinilo ang liig niya ng mga bisig ni Nati at ang dalawang labi nila’y nagdaop na malaong sandali, at ang kanilang mga puso’y nagkaramdaman ng tibok.
Ang araw ay lumiblib sa kalunuran at ipinagkatiwala sa nagmamadaling gabi ang kanilang palad.
IX NA KABANATA
NOO’Y LINGO
Ang paliguan sa Marilao ay lubhang masigla, maaga pa’y ang hugos ng mga autong paupahan ay nagdating-dating at sangasanganakan ang nagsisiibis sa tapat ng Paliguan.
Iba’t ibang kiyas ang handog ng tanawin; sarisaring bihis na pawang nakawiwili sa malas, at sarisaring ganda na kanikaniyang yumi at katangian ng mga dalaga ang pinagkakalipunan ng lalong mabibikas na binata sa lalawigan na tumataon sa mga gayong araw upang makipagkita sa mga taga-Maynila na dumadayo doon ng paliligo.
Ang mga dalagang pulo-pulo ay parang mga tipak ng matamis na linalamgam sa karamihan ng sunod na may iba’t ibang pakay.
Ang tanghalang yaon ng lalong mariringal na damit na pasaya ng pasaya samantalang tumataas ang araw, ay lalong dumadami, lalong sumisigla at ang pagtatalik sa lahat ng pulutong ay nakayayaya sa mga mapansinin.
Sa dako roon ay tuksuhan at tawanan ang nangingibabaw. Sila’y binubuo ng mga binatang buhat kung saan-saan, at parang doon nagtiyap. May kinatawan sa kanila ng kalakal; may ng tikma; may ng gamlayan, at di rin naman iilan ang kawal ng pag-gawa na sa kanila’y napapahalo sa gayong pagkakatipon. Namumukod sa kanilang pulutong ang isang binatang magilas; nakasalamin, palalo ang tindig, maringal ang bihis at sa kaniya’y mababasa ang kasaganaan. Sa kalingkingan ay nagaalab ang isang batong animo’y mata ng pusa kung tinatamaan ng liwanag; bituwin manding nahulog buhat sa langit.
Gaya ng dapat na sapantahain, ang binatang magilas ay si Maneng na talagang tumiwalag kina Nati, na nang mga sandaling yaon ay nasa loob ng Paliguan.
Kaumpok din nila ang isang binatang lalawigan na sa anyo ay nababakas ang isang mataas ding uri; magilas din bagamang pawang puti ang kulay ng boong kasuotan, buhat sa sapin hangang sombrero.
Isang munting kadenang ginto ang animo’y di palamuti, kundi isang gamit na lubhang kailangan ang sa kaniyang _chaleko_ ay nakabalatay. Nakataling walang pagsala sa isang orasang karaniwan at walang dingal na di man dinudukot. Di gaya nang marami na upang sapantahaing ginto ang kanilang orasang plake, ay maya’t maya ay sinasangunian.
Siya’y si Tomas; ang kawal ng panitik na buhat sa lalawigan ay sumusulat ng sarisaring kiyas na mga tudling sa lalong mga tanyag na pahayagan sa Maynila. Naroon siyang walang pagsala upang sumagap ng mga kasinungalingang maihahandog sa mga mambabasa, tungkol sa mga kasaysayan sa Marilao.
Sa mga ganitong tagpuan ay walang pakikilalanan at bawa’t isa ay nagsisikap na makapagpakilala sa kanyang sarili sangayon sa kaparaanang abot ng kanikaniyang kaya.
Si Selmo ay dumating at humalo sa umpukan at aniya kay Maneng:
--Tanghali na’y wala pa ang Orquesta. Hangang ngayo’y di pa nagsisidating. Nanganganib ako na baka tayo’y sinugalan ng masamang sugal.
Pinakingan ng boong katahimikan ni Maneng hangang sa natapos na parang dumidingig ng isang panalangin, at pagkatapos ay tumugon:--Mahal magkakahalaga ang kanilang masamang biro pagkakataon.
--Sina Mameng, di pa ba nakapaliligo?
Di tinugon ni Maneng ang tanong ni Selmo at wari’y may mahalagang iniisip.
Binabalak niya kung paano ang mabuti, sakaling ang mga musiko ay di magsidating. Ang bailuhan ay matatayo sa isang malaking pagkabigo. Siya pa nama’y naroroon. Kahiyahiya...
Dinukot ang kanyang orasan at sumanguni. Doo’y natalos niyang ganap na ikasampu na ng umaga.
Paliparin man niya ang “Bwick” ay gagahulin din sa pagtitipon ng tao. Ang mga musiko ay kalat-kalat at di natitipon sa isang tawag.
Si Nati at si Mameng ay nangagsilabas na bihis na. Ang kaisipan ni Maneng na nababalisa sa kagipitang kalalagyan ni Selmo sa kanilang bailuhan nang araw na yaon, ay parang binihis na daglian ng dilag ng dalawang mag-pinsan.
Sa unang baitang pa lamang ay sinalubong na si Mameng at aniya:
--Umakiyat ka ng kaonti Mameng at ang iyong mata ay doon mo itingin sa dakong timog nang masapol ng liwanag ang maganda mong pilipisan.--At umurong ng dalawang hakbang, upang malasin kung mainam na ang anyo; at nang masiyahan mandin ay hinarap si Nati na payak na pula ang suot.
--Ikaw naman--anang binata ng boong tamis--ay hawakan mo ang kanyang kaliwang kamay na kunwari’y inaalalayan mo siya ng pagbaba. Dito ka sa pangalawang baitang.
--Eh ako naman?--ang salo ni Yoyong; at sinabayan ng upo sa isa sa mga baitang ng paliguan. Tiningnan ng isang makabuluhang tingin ni Maneng na parang nagsasabing: _nakasasabagal ka naman_, at pinaglabanan naman ng titig ni Yoyong na parang tumutugong: _EH ANO?_
Tinapatan pagkatapos ng kodak at sa isang pindot ay nakuha ang larawan.
Pinagala ni Nati ang kaniyang malas sa mga lupon at nang makakita ng mga kilalang mukha ay nagsabi:
--Inaanyayahan ko kayo ngayon sa bahay. Mayroon kayong isang sandaling kasikian na aming ikaliligaya at ikararangal. Isama ninyo ang mga kakilala.
Boong ayos ang pagkasabi, at ang lahat ng mata halos ay sa kaniya tumingin nang mga sandaling yaon.
Naala-ala ni Maneng ang mga musiko, at sandaling gumuhit sa kaniyang ala-ala ang kabalisahan.
Nang ang magpinsan ay patungo na sa kanilang maringal na tahanan, si Maneng laban sa dating ugali niya ay lumapit kay Ikong at ang sabi:
--Ngayon din ay lumipad ka sa Bukawe at bumalik kang kasama mo ang _komparsa_ roon, upang magamit sa sayawan. Nalalaman mo?--at dumukot ng isang _Mayon_; isang dadalawang puing piso na isinakamay ni Ikong--Iyan ay patinga na ibibigay mo, at kung gaano pa ang kulang ay singilin, wika mo, sa akin. Walang salang di mo sila aabutang nagsasanay.
--Opo; ngayon din po.
--Hintay ka; huwag mong kaligtaang di sabihin na magsipagbihis ng malinis na damit, hane. Yaong pamista wika mo.
--Hindi ko po malilimutan.
At ang “Bwick” ay humagibis na animo’y nakikipaghabulan sa lakas ng hangin.
X KABANATA
ANG PAGKAINIP NI SELMO
Ang magandang halamanan at malawak na bakuran ng bahay nina Selmo ay nagdudulot ng isang kaaya-ayang tanawin. Animo’y yaong mga likha ng mga _Hada_ o mga halamanan ng pangarap sa _Mil y Una Noches_, na ang mga halaman ay namumunga ng mga granadang ginto, bagamang sa halamanang ito’y pawang mga parol na papel na iba’t ibang kulay lamang ang nagsabit na tagabalita dito sa ating masaganang lupain ng kasipagan ng mga hapon. ¡Kailan pa kaya tayo gagamit ng sarili nating yari!
Kahanga-hanga at kagila-gilalas ang banta ng pista. Lubhang marami na, ang dalong panauhin, na buhat sa iba’t ibang pook. Mga lalong tanyag sa mga bayang kalapit. Mga dalagang lalawigan na may kanyang sariling tatak na pagkakakilanlan, maging sa yumi, sa kilos at sa pagsasalita; may mga tingig silang nakakikiliti, may mga pangungusap silang kawiliwili, mga anyong kapintupintuho, talaghay na nanghahalina at mga ngiti at titig na tumitigatig sa mga pusong pangarapin; yumayayang umawit sa may diwang makata, at manikluhod, sumuyo at sumamba sa mga kawal ng kapanahunan. Mga binata na parang kakambal ng mga babai sa mga gayong pistahan na di rin naman nagpapabaya. Sa kanilang anyo, ay mababasa ng mga mapapansinin ang tatlong kiyas na iba’t iba.
Mayroon doong mahahabang buhok, amerikanang mahahaba rin, nguni’t makipot at maigsi ang salawal na natatapos sa isang saping malapad ang dulo at tikwas. Sila’y ang mga yari ng bagong panahon, ang bunga ng _civilización moderna_, sa kapanahunang ipinakikipamuhay natin sa mga inakay ng dakilang lawin ng mga Washington. Ang kanilang mga salita ay maingay, mapalalo ang anyo at magaslaw ang mga kilos na salungat na salungat sa yumi ng tagalog, nguni’t mga diwang maliwanag, o matang malilinaw, bagamang marami’y gumagamit ng salamin, at may mga kaisipang mapapangahas.
May pulutong namang binubuo ng _kaugaliang yumao_ niyaong mulat at aral sa mga paaralang kastila at ang kanilang mga anyo kahit hindi palalo ay kagalang-galang at mapipitagang makipagusap, at pihikan ang mga kilos. Mga buhay na Bantayog ng limang daang taong pagkaidlip.
Nguni’t ano mang kapangyarihan ng dalawang _civilizacion_ na nagsumikap pumatay ng ating likas na kakanyahan, ay nababakas din ang dati nating mga kiyas maging sa mga magugulang na, na nangakabarong tagalog, sa mga binatang nadaramtan ng mga damit na pang antipolo, at sa mga dalo na gumagara sa pamamag-itan ng kanilang mga kasuotang pinya, husi, at sinamay, sangayon sa pahintulot ng kanilang kalagayan at kaya.
Sa lahat ng ito’y bakit ang mga musiko’y di nagsisidating?
Balisa si Selmo at di mapatahimik, parang dinuduro ng karayom, yao’t dito at palaging sa malayo ang tingin. Si Maneng ay poot na poot sangayon sa ibinabadha ng kaniyang nangungunot na kilay na nagbibigay sa kaniyang mukha ng isang anyong mabalasik. Si Nati at si Mameng at sampu ni aleng Tayang ay dinadalaw ng lungkot sa malaking kahihiyang sasapitin. Tumugtog ang orasan at bumilang ng labing isa; labing-isang palo ng bakal na nagbigay ng taginting na nanunuod sa mga buto ni Selmo, nagpapalungkot ng gayon na lamang kina Nati at Mameng, gayon din naman kay aling Tayang, na lumapit kay Selmo na nasa tabi ng tarangkahan at aniya:
--Kundangan ka lamang ay kung bakit kumatikati pa ang balat mong sa Maynila pa sumita ng Orkesta sa dito naman sa Marilao ay may kamada din ng musiko.
Si Selmo ay hindi umiimik at isinungaw pang muli ang kanyang ulo sa tarangkahan.
Si Maneng, ay hindi makausap. Malayo sa karamihan. Kay bilis mandin ng lakad ng orasan.
Si Yoyong sa kabilang dako sa nasang makasabagal ay maya’t maya’y naghahandog ng mga hititin at cerveza sa mga binata, at bulaklak naman at _vermouth_ sa mga babai. Ang kasaganaan ng alak at iba pang kailangan ay hindi na mahuhuli sa isang lalong maringal na piging; nguni’t piging na walang musiko ay piging na walang pinagibhan sa isang halamang malago nguni’t walang bulaklak, o bulaklak kayang napakadidilat gaya ng gumamela nguni’t wala namang samyo.
Kung nang mga sandaling yaon, ay may humarap na Tikbalang kay Maneng, ipinagpalit niya disin ang kaniyang kaluluwa, huwag lamang matayo sa kahihiyan si Selmo.
Nang mga sandaling yaon ay para silang iniinis kapuwa ng iisang kabalisahan, kapuwa nginangat-ngat ang kanilang puso ng isang di makitang kaaway, at nagpapasasa sa kanilang kahinaan.
Tumugtog na pamuli ang orasan at ang balita’y isang mataginting na “tang” ibig sabihi’y kalahating oras na naman ang yumaon.
Lumapit si Selmo kay Maneng ng boong lungkot at hinarap naman kaagad ng linapitan na parang di man lamang nababahala.
--Huwag kang malungkot Selmo at iya’y isang malaking subok sa atin. Tinataya lamang kung gaano kalaki ang ating diwa.
--Maneng... Hindi na ako mahuhulog na muli pa sa ganitong katayuan.
--May pinagsulatan ba kayo ng Nangangasiwa ng Orkesta?
--Oo. Mayron.--at dinukot ang isang tiklop na papel ng kasunduan nila ng “Orkesta San Juan.”
Hindi pa nababasa ni Maneng nang makitang “Orkesta San Juan” ay aniya:
--Si Kapitang Kikoy ay isang taong mahal at di maaaring magpakasira.--At tinunghan ang kasunduan. Nang mga sandaling yaon ang magkaibigan ay parang wala sa isang malaking pista, katulad nila’y ang mga Patnugot ng kalakal na bumabasa ng isang babala tungkol sa mga bagay na tatanggapin sa isang sasakyang dumadaong at nasang makapamahagi agad sa mga suki, o niyang mga Pamunuang digma na nagmamasid ng boong ingat ng mga balak, ng labanan.
--Talagang hindi magpapakasira si Kapitang Kikoy--ang patunay ni Maneng at ang dugtong--O, basahin mo--at itinuro ang tanda ng oras.
“Sayawan pag-kapananghali hangang sa hating gabi.”
--¡Leekat!... Ako ang may kasalanan kung gayon; hindi ako dapat mabahala at mainip, sila’y walang salang di lulan ng tren sa _a las doce_. Ano ang wika mo Maneng?
--Yaon ang inaasahan ko.
Ang angal ng “Bwick” ay nagbalita sa kanilang si Ikong ay dumarating at walo kataong manunugtog ang kasama. Isang _comparsa_ ng mga bandurrista na binubuo ng panay na binata na pawang nakabarong madalang. Parang tiniyap sa isang piknik.
XI KABANATA
SA BAILUHAN
Ang mga hapag ng kainan ay pulupulutong tandang matalinong nangangasiwa ng tanghalian ay nagpapakilala ng kanyang kasanayang maghanda upang ang lahat ng panauhin ay sabay sabay kumain at wala isa mang malipasan ng gutom sa gayong kasaganaan. Ito’y isang mabuting aral sa ating mga piging na boong dingal na idinaraos, nguni’t umasa ka nang madadayukdok pag di ka nabilang sa unang dulugan.
Ang mga bandurristang Bokawe ay nagpamalas ng kisig sa pamamagitan ng malilinis nilang tugtugin at mga bagong likhang higing silangang pawa. Dumating din kagaya ng inaantabayanan, ang mga orkesta sa kalahatian pa lamang ng pagkain.
At bago natapos ang piging ay nagtalumpatian na sa mga ganitong pagtitipon ay sinasamantala ng mga binata natin.
Hindi rin naman nagpabaya ang kababaihan: Si Bg. Laurel ay nagparingig ng isang magandang tula niya na bilang paligsa sa mga tula nina Ben-Ruben at Gatmaitan na isinasalit sa bawa’t talumpati.
Si Tomas ay isang mabuting Toastmaster na sa boong panahon na sila’y nagsasalosalo ay di nagpabayang di ang piging na yaon ay maging isang makabagong lamayan, na ang tula, talumpati, alak, tugtugin at lapang-lapang na ulam na ilinilibot ay tumapos ng kulang kulang na tatlong oras; panahong labislabis upang ang mga orkesta ay makakain, makapaglatag ng mga _atril_ at sa isang kisap mata pagkaliban ng sandaling salitaan at pagiimis ng mga hapag ay pasimulan na ang pagsamba kay Tersipcore sa malawak na Halamanan.
Ang _rigodon_ na siyang unang bilang ay binuo ng maraming pareha at nagkatapat na _vis_ si Mameng at si Nati; kaabay nitong huli si Tomas.
Bakit si Maneng ay hindi sumayaw kay Nati?
Tumugtog ang isang mainam na _hesitation_, isang “rag”, isang “fox-trot”, mga “one step”, at iba pang pawang nakakayag sa mga mawiwilihin sa sayaw. Sa kalagitnaan ay nagkaroon ng isang “extra”. Si Mameng at si Selmo ay sumayaw ng _Tango argentino_; nasiyahan sa kanilang ipinakitang kasanayan na hinangaan ng lahat. Si Maneng ay di nakita sa mga Sumamba kay Tersipcore. Bakit kaya? Saan kaya nagsuot?...
Kay Nati ang kanyang tingin buhat sa isang sanga ng manga na kaniyang pinangublihan.
Naglisaw ang mga mapagsamantala sa liklikin ng halamanan. Kaipala’y nangagtatago sandasandali sa mga makasalanang malas upang doo’y magdaos ng mga panandaliang kalayaan na di dapat masaksihan nino man.
Si Nati ay nabalisa at hindi matahimik sa bagong inaanyo ni Maneng, na ngayon ay parang suya na at di man lamang lumalapit sa kanyang piling. Bakit kaya?... Minasama kaya niya ang pagkasayaw ng _rigodon_ kay Tomas? Tunay nga at si Nati ay hindi sumayaw na muli pa, nguni’t bakit si Maneng ay malayo, pinanawan niyaong dating masiglang pakikiharap at pagkamairugin tuwi na?
Sinuliyapan ni Nati ang “Bwick” at nasa sa kaniyang dating tayo na parang isang kimpal na bakal na walang buhay. Animo’y isang kanuno na nagpapangilabot sa kanyang katawan.
Hindi siya matahimik. Hinanap niya sa lahat ng sulok at parang nagtatagong hindi niya mahuli.
Ang hapon ay hapo na. Ang mga parol ay nagniningningan na sa mga sanga ng halaman na parang mga alitaptap na nangakadapo. Ang mga ilawang gasolina na nakatirik ng layo-layo sa mga baybay ng bakuran ay nakikibanga at di nanaghili sa maniningas na _voltaico_ ng Kamaynilaan.
Gugol na walang patumanga ang ibinadha saan mang dako. Lahat ay sakbibi ng tuwa at ligaya; nguni’t bakit si Maneng ay hindi makisalamuha sa karamihan?
Patuloy ang paghanap ni Nati at nang dinalaw na yata ng yamot ay lumikmo sa lilim ng puno ng manga at doo’y handang tangisan magisa ang kaniyang kulang palad na kalagayan.
Dito nababakas niya na sa isang iglap na ligaya ay tali-taling hirap ang kakambal, sa gitna ng langit-langitang yaon ng tuwa ay isang malawak na dagat ng kapanglawan ang kaniyang tinatawid.
Dalawang mabangong kamay ang sabay na tumutop sa kaniyang mata buhat sa dakong likuran, na parang siya’y pinapanghuhula.
Hinawakan niya ng banayad na parang kinikilala at saka nagsabi:
--Maneng!... Naku si Maneng naman!... Saan ka ba nagsuot?
--Nati. May kasalanan ka sa akin, kasalanang walang kapatapatawad. Alalahanin mo.--Ang boong tamis na sabi ng binata.
--Ano kaya ang ginawa ko, na isinukal ng iyong loob?... Wala akong maala-ala Maneng!... Wala akong maala-ala!
--Wala kang ma-alaala?...