# Ang Pag-ibig ng Layas

## Part 2

Book page: https://www.cyberlibrary.org/tl/books/ang-pag-ibig-ng-layas-46639/index.md

Buhat noon ay lalo nang palaging lango ang ama ni Orang. Natuto ng magmonte ang kaniyang ina at ang upo sa pangingihan ay lalong nagulol. Hindi na umuupo sa “poso-poso” kungdi sa peseta at piso buhat noon.

Nguni’t ito’y hindi naglaon at isang pakanang likha ng masamang nasa ang nagtanim ng panibugho sa puso ni Maneng.

Ito’y si Yoyong, si Yoyong na lumalangit kay Orang nguni’t di naman tinutumbasan.

At isang araw nang hindi na yata niya matiis ang pagtatamasa sa galak ni Maneng at ni Orang, noon ay isinagawa ang kaniyang balak.

Sinulatan si Orang ng matatalinghagang liham na tumutukoy ng iba’t ibang panahon na parang tugon sa mga sulat ng birhen ni Maneng. Mga sulat na sa kahangalan ni Orang ay iningatan at hindi ipinagtapat kay Maneng, palibhasa’y di niya tarok ang mga pangungusap na may dalawang kahulugan ni kung yao’y dapat na matalastas ng kaniyang giliw. At ang mga sulat na ito’y natuklas ni Maneng nang si Orang ay nagdaramdam at manganganak ng isang sanggol na bunga ng kanilang pag-iibigan.

Ang panibugho ay nagtagusan sa puso ni Maneng agad-agad at pagkabasa ng mga sulat ni Yoyong ay hinatulan pagdakang taksil si Orang at di man lamang diningig ang kulang palad na binagsakan ng poot.

Dito siya nangaling nang gabing nagdaan at dito na nagsimula ang mali niyang pagsumpa sa lipi ni Eva.

Nguni’t si Orang ay walang kamalay-malay sa mga ipinararatang sa kaniya, at nasa banig palibhasa ay nanatili sa paghihintay na magkausap silang muli ni Maneng.

Samantalang ang kulang palad na si Orang sa sandaling pagiging ina niya sa anak ni Maneng ay binagsakan ng poot noon nang walang kadahilanan at kasalukuyang linulunod ng luha at iniinis ng dalamhati; ang ina niyang walang kalulwa ay galit at nagtutungayaw sa pagka’t walang pupuhunanin.

--Buisit na lalaki iyan--anya--Walang araw na di mo makikitang lasing na lasing. ¡Pueh!

--Ang nanay naman. Manong pagpasiensiahan na ninyo ang himaling ng tatay. Wala na siyang aliwan kungdi yaon.

--Kung ganitong wala akong mapuhunan ay hindi ko maala-ala ang magpasiencia... ¡Pueh!--Ilinura ang sapa at ang habol.

--Wala ka bang kualta diyan Orang? Wala akong mapupuhunan.

--May apat na piso pa rine nanay, nguni’t wala na tayong ipamimile kung inyo pang pupuhunanin. (Si Orang ay nagsinungaling at di ipinagtapat na siya ay may natitipon.)

--Bigyan mo ako kahit na dadalawang piso at kahiyahiya sa sumusundo sa akin; meron pa naman kaming “concierto” ngayon.

--Mano nanay na huwag ka ng maglaro ngayon at alagaan mo na lamang itong inyong apo. Oh tingnan mo nga’t kay ganda-ganda. Tingnan mo nanay ang ilong at kay tangos-tangos, walang pinagibhan sa ilong ni Maneng. Ano nanay?--at siniil ng halik ang sanggol.

Nang mga sandaling yaon ay nasok ang matandang lalaki na hinog na hinog sa alak at parang baliw na nagsabi:

--_Ang ibig ko bang sabihin_, kung mayroon ay nagpapasasa at kung wala ay tumunganga.

--Kung anoanong kaululan ang pinagsasabi nitong lasengong ito--ang yamot na pakli ni aleng Ninay.

--Lasengo! ibig sabihin ay malinaw ang isip. Si Simon ay parang parol na maraming langis; sa makatwid _ang ibig kong sabihin_ ay maliwanag.

--Maliwanag ang isip... Tumahimik ka na nga’t ako’y hindi nakikialam sa iyo. Baka paliwanagin pa kita.

--Eh kung ayaw ka bang makialam sa akin... _Ang ibig kong sabihin eh..._

--Kerami mo namang ibig sabihin... Kung natutulog ka ba’y di mabuti... ¡Pueh!...

--Matulog; mabuti nga; nguni’t ang _ibig kong sabihin_ ay maghintay ka ng ulan kung wala ng tubig--at sinabayan ng alis.

_Ang ibig kong sabihin_, ay siyang palamuti ni Tandang Simon sa kaniyang pangungusap.

Ang dalawang pisong hinihingi ni aling Ninay ay ibinigay ni Orang at parang itinaboy ang babaing alipin ng apat na kaharian na di man napigil ng ligayang handog ng magandang apo.

At si Orang sa gitna ng mapait na pamamanglaw at pagmamalas sa sanggol ay tila nawawalan ng diwa at walang tigil ang pagdaloy ng mga unang luha ng puso.

V KABANATA

SI SELMO AT SI YOYONG

Kahog na kahog si Selmo sa pangangasiwa ng pagyayaman ng tahanang pagpaparanan ng ilang araw na liwaliw ng kapatid niyang si Nati at ng binubuko niyang maging kapalad na pinsang si Mameng.

Ang larawan ni Mameng na siyang laman ng boo niyang diwa, yaong musmos pa’y naging kalarolaro niya ng “takip-silim”, ng sungka, at sintak, ngayo’y parang isang dakilang tanglaw na bumabalisa at nagpapasigla sa masusi niyang karamdaman.

Ang grupo ng magpinsang dalaga ay iniayos niya sa ibabaw ng isang mainam na _consola_ at sa tapat noo’y ginayakan niya ng isang maringal na kalangi ang isang malaking harong bombay na boong ingat niyang pinagyaman. Si Yoyong sa kabilang dako ay parang isang tunay na bihasa; iniayos sa magkabilang dulo ng _galeria_ ang dalawang munting hapag at linigid ng tatlong taburete, para bagang sa kaniyang nasa ay dumudungaw na ang tunay na dapat pairalin sa mga lipuna’y ang tatluhang umpok at di ang dalawa na siyang pinagbagay ng kalikasan at salinsaling panahon at paguugali.

At sa loob loob niya ay nakatutupad siya sa isang kautusan ng _moral_ na bagamang hindi pa naisusulat nino mang _moralista_ ay dapat isagawa sa ating kapisanan na lubhang nagpapakasagwa sa pagsasarilinan at _pagkakalayaan_ tuwi nang ang dalawa katao’y magkaharap.

Ang sumagabal, ay isang mabuting gawa at isang bagong kabanalang kanyang itinuturing upang maingatan ang bini ng ating mga dalaga sa katampalasanan ng ating mga mapagsamantalang binata sa kasalukuyan.

Ang tahanang _napili_ nina Selmo sa Marilaw ay natitirik sa gitna ng isang maaliwalas na halamanan sa dakong likuran ng _Balneario_ naliligid ng ilang-ilang na nagdudulot ng samyo ng kaniyang malalabay na sanga na hitik na hitik ng mababangong bulaklak, sa dako roon ay mga puno ng atis at manga na naghahandog ng malaking lilim lalo na sa katanghalian: sa dakong hilaga ay sagingan na animo’y gubat na mainam paglibliban ng lalong mahiwagang lihim ng pagibig; at sa pagpasok na ng tarangkahan ay iba’t ibang kiyas na _San Francisco_, at begonia, na sa kanilang masasayang kulay ng dahon ay wari bagang talagang sumupling upang maging palamuti at makaakit sa lalong pihikang panauhin; ano pa’t ang pook na yaon ay bagay na bagay pagaksayahan ng panahon ng mga liping iniwi sa kasaganaan.

Nang maiayos na ni Selmo at ni Yoyong ang tahanan ay nasisiyahan kapuwa na kanilang pinanood buhat sa lupa at hanggang sa lalong tagong sulok kung sila’y may nakaligtaang di napagyaman.

--Tila wala na tayong naligtaan--ani Selmo sa kanyang pinsan.

--Wala na marahil? Sampu ng mga gagamba na nangagbabahay sa mga sulok ng bintana ay nabulabog na nating lahat. Ang akala ko’y wala ng ibang kailangan kungdi ang magsidating na sina Nati.

--Maaga pa naman Yoyong. Tila lalong maigi ay iakiyat natin ang dalawang pilon ng malvarosa sa dalawang dako ng _galeria_. Ano ang wika mo?

--Mainam nga at makapagdudulot pa ng masamyong halimuyak.

At ipinatuloy ng dalawa ang mga huling pagaayos.

Samantalang ito’y nangyayari ay sadaraan ang isang karretelang patungo sa Maynila na kinalululanan nina Binay.

Ito’y isang magandang bulaklak ng Bukawe, Barrio ng T... na patungo sa Meykawayan upang dumalaw sa kanyang ama na may isang tindahan doon. Siya’y mulat sa paaralang bayan na likha ng Bill Gabaldon.

Sa kanyang madilaw na kasuotan ay nayaya ang malas ni Yoyong na di napigil ang sabing:

--Hoy, Selmo. Tingnan mo ang babaing yaon: kay ganda! Ano?

At ang dalawa ay napatigil na ihinatid ng malas si Binay.

Kasakay ng dalaga ang isang magulang nang babai at ayon sa kanilang anyo at kiyas ay angkan ng pag-gawa; nguni’t kabilang diyan sa mga taong marunong makibagay sa panahon, sangayon sa kaayusan ng kanilang bihis, kahit na pawang babarahin lamang at murang kayo at tapis na baliwag ang taglay na kasuotan ay bagay na bagay naman at pawang malinis.

Isang sayang may madidilat na guhit na dilaw at _cafe_ na halang-halang; barong madalang na dilawan din at may guhit na magkaagapay ang laylayan ng mangas, panyong malambot na sutlang Baliwag na nakasampay sa balikat, ang kabuoan ay animo’y isang kulliawang masaya, sa loob ng isang hamak na tangkal: Ito ang bihis ng dalaga.

Kay inam ng bihis ni Binay gayong kamumurang damit ay bagay sa kanyang siksik at bilugang katawan, balat na kayumangi at kulot na buhok. Mga tagong bulaklak ng ating mga lalawigan. Mga larawang nalalabi ng dalagang tagalog; mga buhay na sagisag ng kakanyahan ng ating lahi na ilinigaw ng Bagong Panahon.

Nawalay sila sa malas nina Selmo nang lumiko ang karretela na kinalululanan.

At ang dalawang magpinsan ay nagpatuloy pa din ng kanilang pag-aayos.

VI NA KABANATA

ANG MATULING BWICK

Napakainam na tanawin ang idinudulot ng umagang yaon.

Ang mga taga-bukid na nagluluas ng gulay na galing sa dakong Kalookan, Maypajo at Gagalangin ay masisipag at boong tulin na ihinahabol ng panahon ang kanilang munting lako. Bawa’t isa sa kanila’y kakikitaan ng ilang patola, pumpong ng sitaw, mumunting tangkal ng ibon, atis, at dalawa o tatlong sisiw na bagong walay; puspos karangalan nilang tinutuklas ang pangagdog buhay. Mayroon din naman sa kanilang nalahiran na ng pagdadaya ng malalaking tikma gaya halimbawa ng ginagawa ng ilan na namimili ng mga itlog ng manok na buhat sa Sunsong na di kalugdan ng mga tagarito sa pagka’t lubhang malansa, iniuuwi nila sa bukid upang buhat doon ay muli nilang iluwas sa Maynila ng boong pagyayaman at ipagbile na gaya ng tunay na itlog ng manok bukid na lubhang pinaghahanap at inaabangan kung umaga ng mga may kayang kabuhayan. Ang daya mandin ay talagang talamak na rine sa atin at sampu ng mga tagabukid ay nahahawa na. Sino kaya ang may dala dine ng pagdaraya? Ang mga insik nga kaya?

Hindi rin naman nagpapahuli ang maggagatas at magpapatis na may kanikaniyang talino sa pagbibile ng kanilang lako. Ang maggagatas at magaalak ay magsingtulad sa dunong.

Ang maggagatas ay may tindang binyagan at hindi. Ang binyagang gatas ay kasama na pati inumin ng mamimile. ¡Ang tubig ay nagagawa rin namang gatas! Ang magaalak ay gayon din. Ang magpapatis sa kabilang dako ay may dalang tatlo o apat na sididlan ng patis na tangi pa sa isang galunggalungan na siyang pinakaimbakan; at kung dumating sila ng bayan at ang ninili ay nangangailangan ng patis Malulos, Malabon o Kabite kaya, ay maaasahan mo giliw na mambabasa na ang patis na gawa kahit na saang kamalig ng kapit bahay mo, ay magiging galing sa Malulos, sa Malabon o sa Kabite, salamat sa pagkabukodbukod ng sisidlan.

Ang hugos na parang agos ng mga anak ni Pag-gawa na tungo sa mga iba’t ibang tikma o gamlayan ay parang isang pelikula ng Revista Pathe na kung umaga ay masasala ng iyong paningin, ang mga trambia ay punuan at animo’y talaksanan ng kahoy; kay dami ng nangagsabit na animo’y panike, salamat at ang ating Hunta Munisipal ay nagising din at naglagda ng isang kautusan sa bagay na ito. Matanda at bata, lalaki at babai ay maagang dumalo sa kanilang tuklasan ng buhay nang araw na yaon.

Ang mga karro ng tinapay ay humihinto sa bawa’t tindahan at nagrarasion ng tinapay; ang mga karihan, bibingkahan at mga tindahan ng suman at sampurado ay pawang puno ng mga suki; gayon din ang mga magpuputo bungbong ay di makaagad ng pagluluto: Badha ng sipag.

Subali’t ang lahat ng mga tanawing ito ay di na inabutan nina Maneng at tangi sa mangisangisang magbabakiya na buhat sa Pulo at Meykawayan at ilang mga dalagindeng ng Panghulong Ubando na nagtatawag ng: _Kalamay kayo sa latik diyan, ampaw, suman, atsara’t puloot..._ na parang nagaawit ay wala nang iba pang makikita sa pagka’t mataas na ang araw.

Ang matandang monumento ng mga kastila sa kanal de la Reina sa pagakiyat ng tulay ng Pretil ay gaya ng lahat ng lipas na bagay ay linulumot at parang isang tuod na nakatayo nang walang saysay. Katapat pa naman ng libingan ng Tundo na nakalapat din ang pintuan at aayaw ng tumanggap ng panauhin; bangkay ma’y hindi na dumadalaw doon.

Naggugubat ang makapal na damo at mga kalasutse na naglalaganap ng isang samyo na nakaliliyo. Ang monumentong yon marahil na labi ng yumaong panahon ng kastila ay itinayo doon upang magbantay sa mga kaloluwang nagmumulto at nagsisipanakot sa mga paniwalain.

Ang lipas na ring kamalig ng dating tren sa Malabon na katungko ng libingan at ng monumento ay parang isang kasangkapang luma at puno ng kalawang.

Ang mahabang lansangan ng Gagalangin na ngayo’y Juan Luna ay tahimik na tahimik patag na patag at matangi sa nagpapapangit na mga sasabunging nangatutulos sa mga looban at sa mga pulupulutong na nagkakahig at nagbibitaw upang subukin ang kanilang mga tinali ay pawang kawiliwili ang handog na tanawin kung umaga.

Malalagong punong kahoy na nagbibigay lilim; mga sampalok at kamatsile na nagdidilim sa tataba; kawayanan sa dakong likuran ng mga bahay; mga mumunting kubo na halos dikit-dikit habang nalalayo sa Maynila ang nagtitimpalak ng karukhaan; para bagang ang kahirapan at pagsasalat ay di makalipat, natatakot at lumalayo sa kamaynilaan na siyang pinakamaringal sa boong Kapuluan at umaapaw sa kasaganaan, salamat sa matalinong VETO ng Alkalde.

Nadaanan nila ang malalaking sabungan sa Maypajo. Yaong kalipunan kung linggo at pista ng ating mga _tahur_ at magsasabong: punong puno ng panglaw at maliban sa maminsanminsang hunihan ng tuko at ng tilaok ng mga sasabungin ay walang ibang katangian. Yaon ang malalaking baklad na pinapasukan ng boong tinipid ng ating mga manggagawa sa boong sanglingo. Di iilang maganak ang pinatatangis kung natatapos ang sabong sa mga kamalig na yaon. Libolibong mga mananabong ang pangagaling doon ay pigta ng pawis, malalim ang mata, at ang bulsa’y baligtad; di kakaunti sa kanila ang di pa nanananghali. Mga manok na pinakaalaga-alagaang taunan ay duguan at nahinainan nang bitbit sa dalawang paa at parang idinayo lamang doon upang patain at ng magawang pakang.

Ang simbahan ng Kalookan na napinsala ng mga digmaang yumaon, ay kababakasan pa ng mga tanda ng mga punglo ng kanyon na nagbuhat sa mga kastila na rin noong una at pagkatapos ay sa mga americano na pinamamahalaang kasalukuyan noon ng imperialismo.

Nadaanan nila ang Sangang-daan at kaaya-ayang palayan magkabila na parang isang malapad na balabal na lungtian na doo’y ilinatag ay nagsimula na. Ang sikap ng mga tagabukid na pangbuhay sa mga taga-bayan. Kay inam na tanawin.

Ang mga maya ay nalalabugaw sa hagibis ng “Bwick” at parang inaalon ang palayan at ang alikabok ay animo’y usok na nagdidilim. Ang tahulan ng aso na humahabol pa kung minsan ay namamayani.

Sinapit nila ang hanganan ng Rizal pagkatapus na masampa nila ang tulay na matarik ng Tinajeros at sandali pa’y lupang Bulakan na ang kanilang tinatahak.

Saloob na saloob ni Maneng ang pagkakahawak ng _Manivela_ at ni hindi man lamang lumilingon kungdi manakanaka kung ang kurutan at tawanan ng magpinsan na parang kinikiliti na nakayayamot kay aling Tayang, ay nakaaakit sa kaniya na tapunan ng sulyap na pinatatagos sa nandidilat niyang salamin.

Dumating sila sa Meykawayan at ang monumento ni Rizal na unang napansin ay inukulan ni Nati ng tuligsa:

--Tingnan mo,--aniya kay Mameng--ang monumento ni Rizal na yaon, tila isang kimpal na luad lamang. Bakit ba naman pinintahan ng kulay putik.

Tinapunan ng titig ni Mameng ang tinukoy ni Nati at ang tugon:--Napakawalang sining ang Komite na namamahala niyaon. Napagkilalang malayo sa simbahan. Wala kayang kabinataan sa bayang ito?

--Malayo pa ba sa simbahan yaong halos katapat,--ang salo ni aleng Tayang.

--Malayo po sa Maynila ang ibig kong sabihin--at nangagtawanan parang kiniliti. Paano’y kinurot na naman ni Nati.

Napalingon si Maneng at pinagmasdan ang monumento na palayo na sa kanila at di napansin ang isang karretela na kinalululanan ng dalawang babai na pasalubong sa kanila sa makipot na lansangan bago umakyat ng tulay. Pinisil ang bocina ni Ikong (ang Chouper) na nasa siping ni Maneng at umangil na parang isang malaking halimaw.

Ang kabayo ng karretela ay nagulat at nagalma at nang abutin ng malas ni Maneng ay malapit na mabanga; at di na maiiwasan. Pinatigil niyang biglang-bigla ang makina; hinigit ng ubos lakas ang _freno_, na nagngalit at nailihis din ng kaunti nguni’t ang “Bwick”... ¡Oh!--ang tilian ng mga nangakakita. Ang Bwick ay nabanga.

Salamat at hindi naman nasapol ang karretela. Ang mga baras noo’y nangabali, at napatid ang rienda. Ang nagpapalakad ay gumulong sa lupa; ang kabayo ay nagtatakbo ding di napigilan at dala ang kapiraso ng karretela at guarnicion at ang dalawang babai ay nagkadaganan na parang dalawang balutang ihinugos.

Lumundag pagdaka si Maneng at ang Chouper.

Sinaklolohan nila ang dalawang babai na sa kabutihang palad, likha niyang mga himalang hindi maliwanagan kung bakit, ay hindi man lamang nangagalusan; nguni’t putlang-putla, parang dalawang bangkay sa laki ng sindak. Walang malamang gawin si Maneng sa pagsaklolo.

Bumaba rin si Nati at si Mameng na nagsidalo, samantalang ang cochero na parang sanay sa mga gayong pagkahulog, ay nagtindig, pinagpag ang alikabok sa salawal at baro, at hinabol ang kabayo na nahuli na ng mga taong bayan.

Hindi nalaunan at nagbalik na tumitika at dinadampian ang gasgas ng tuhod at mukha na kapuwa may dugo.

Dinala ni Maneng pagdaka sa Botika ng Meykawayan at doo’y tinapalan ng unang gamot na kailangan.

Dinukot ang kaniyang kalupi at itinala ang pangalan noon at dalawang dadalawang poing piso ang isinakamay ng kochero kasabay ng gayaring sabi:

--Ito’y sa mga unang gugol mong kakailanganin samantalang ang karretela mo’y sira.--At sumulat ng mga ilang talata sa isang tarheta ng gayari:

Sa Karroceria Meykawayan:

Ayusin ang karretela ng may taglay nito sa loob ng lalong madaling panahon.

Ang gugol ay ipasingil sa akin.

MANENG

At iniabot sa kochero na walang kakibokibo na nasiyahan mandin sa kabutihang loob ng Ginoong kaharap. Hinarap ni Maneng ang dalawang babaing inaaliw ni Nati at ni Mameng at pinagbigian ng boong kasiyahan ng loob na pagmamatwid.

Ihinandog ang kanyang auto upang ihatid sa paroroonan ang dalawang babai; nguni’t tinangihan ng mga ito sa pagka’t malapit na rin lamang ang kanilang paroroonan.

Binigian din ng kanyang tarheta ang mga babai na dili iba’t ang nakadamit kuliyawan na napansin ni Yoyong at ni Selmo. Kinalag ni Nati ang isang alfiler na “imperdible” at iniabot din sa babai. Samantalang ang auto ay sinisiyasat ni Maneng.

--Ang ala-ala pong yari--ani Nati--ay magiging tanda ng ating pagkikilala.--Tinangihan ito ng dalaga; nguni’t sa matimyas na samo ni Nati ay tinanggap din at pinasalamatan.

Kungdi balisa si Maneng napansin marahil niya na ang lulan ng karretela ay isang babaing hindi karaniwan ang ganda at gayon din ng imperdible na iginawad ni Nati na di iba’t ang kanyang sanla na taglay ang kanyang pangalan.

At sila’y nagpatuloy na parang walang anomang nangyari hangang sila’y dumating sa Marilao; pagkatapos siyasatin ni Maneng na muli pa ang auto ay nagsabi kay Ikong: Dalhin mo ang auto sa “Estrella Auto Palace” at kumpunihin ang tapa-lodo at lagyan ng bagong lente ang parol.

VII KABANATA

NANG HAPONG YAON

Ang balita ng pagkakabangaan ng “Bwick” at karretela ay siya na lamang halos napagusapan ng maganak sa unang pagkakatipon at masasabi, na walang ibang mahalagang bagay na nangyari; nguni’t ang pagkasira ng _tapalodo_ ng “Bwick” at ang pagkabasag ng parol ay naging dahilan ni Maneng upang magpalumagak, bagay na napaayos naman sa nasa ni Nati na sila’y magkaniig.

Sa kabilang dako, si aleng Tayang ay isang inang di maingat, dahil sa talagang tapat na sa kaniya, na manugangin si Maneng; pangalawa’y parang di siya napapansin nino man at natatakpan siya ng dingal ng anak niyang bukod sa bata ay talagang maganda, kaya’t para niyang ibinubunsod sa pagaasawa.

Sa magdadalawang taon na pagkabao ni aleng Tayang ay mapapansin nang makasalanang mata ng mga mapagmalas, na higit pa sa dalaga ang kanyang kilos, sa nasa marahil na magasawang muli; nguni’t wala pang nalalabuan ng mata na sa kaniya’y nagmamalas sa piling ng talaghay ni Nati at ni Mameng.

Si Selmo na sa kalakhan ng pagibig kay Mameng ay di makapagsalita at parang napipipi sa harap ng pinsang kasambahay, ay nasisiyahan na sa mga salitang pangmaramihan, makaharap lamang siya ni Mameng, at ang damuho namang si Yoyong sa nasang makasabagal ay di humihiwalay kay Mameng, bunso niyang kapatid na kanyang kinakatluang palagi upang pagharian ng _Moral_ sangayon sa kanyang pagkakilala.

Sa pagka’t sila’y lilima nang hapong yaon na nasa halamanan ay hindi namayani ang magtatlo-tatlo, at ang kakaniyahan ng tao na pagkamakaako ay nakatulong kay Yoyong na si Maneng at si Nati ay magkaniig upang si Orang, ang magandang “fondista” ay malimutan ni Maneng.

Sa silong ng isang matabang punong manga ay nagkaniig; nagkasarilinan si Nati at si Maneng at nang matiyak ng binata na silang dalawa’y nawawalay sa malas ng tatlong magpinsan na di magkatapos sa balita ng bangaan ng auto at karretela, ay nagnakaw si Maneng ng isang halik sa nakatungong si Nati.

--Naman si Maneng!... Bakit ba naman ganiyan--ang malamyos na tumbas ni Nati--Nakayayamot ka naman.

--Sa ako’y bulag na Nati, sa ang kapangyarihan ni Kupido ay siya na lamang nagpapagalaw sa akin, patawarin mo ako.

--Pasasaan ba yaon Maneng kung yao’y mangyayari nguni’t biglaw, hindi maaring mahinog kailan man. Sa iyo at sa akin ay may malaking hadlang.

--At bakit Nati? Sino ang makapipigil? Alin ang itinuturing mong hadlang?

--At di mo ba nalalaman? Ibig mo bang sa akin pang bibig mangaling?

--Ang alin Nati? Pinapamamahay mo ako sa alinlangan.

--Ang alin daw, kay inam mong mandudula, kay inam mong magmaang-maangan hindi ka nga mahuhuli; nguni’t sa harap ng katotohanan...

--Sa harap ng katotohanang ano? Liwanagan mo nga. Kung ako’y nagkamali Nati ay talastasin mong marunong akong umamin ng kasalanan. Ang pagsisinungaling ay kaaway ng aking ugali at makaaasa ka, paniwalaan mo nang walang agam-agam na aaminin ko sa harap mo, kung aking kasalanan at tatanggapin ko ang iyong minamarapat na parusa, kahit na ikamatay ko ang katotohanan nang sinasabi.

Sinabi ito ni Maneng ng boong liwanag na parang totoong-totoo nga, at nang nagaalinlangan pa si Nati, pagka’t di umiimik, ay dinukot ang makisig na revolver at aniya:

--Naririni Nati, masdan mo. Sa loob niya’y mayroong limang magkakapatid na kambal. Isa lamang sa kanila, ay labis upang matapos sa akin ang lahat. Hawakan mo nga at gamitin kung inaakala mong kailangan.--At iniaabot kay Nati ang revolver.

--Itago mo Maneng, itago mo’t ako’y natatakot sa kasangkapang iyan.

--Kung gayo’y ipagtapat mo kung ano pa ang nakapipigil sa iyo sa anyaya kong tungain natin ang pulot at gata ng pagsusuyuan?

--Yayamang nais mo Maneng ay manainga ka: Talastas mo marahil na ang ninanasa mo ay siya kong tanging karangalan sa buhay na ito at talagang talastas ng Diyos, na sa iyo ko itinataan; subali’t maari ka bang makapamangkang sabay sa dalawang ilog?

--Ano ang ibig mong sabihin?--ang pakli ni Maneng.

--Kaawaawa naman ako Maneng, at papaano naman SIYA?

--Kaawaawa ka!... Papaano _siya_--ang ulit ni Maneng--Kaawaawa ka sa pagka’t hindi ako karapatdapat sa iyo marahil; sa pagka’t may lalong mapalad na ibang linikha kay sa akin Nati; nguni’t sinong _siya_ ang iyong tinutukoy?

Tumungo ang dalaga at ang daliri niya’y iginuhit ang isang “O” sa lupa.

--Ano ang kahulugan niyan Maneng?--ang tanong.

--Kung ganyang nagiisa ay nangangahulugang balon na pagbubuliran mo sa aking puso at pagibig na magkasamang diya’y malulunod. Nangangahulugan din naman ng gayari--at itinundo ang kaniyang revolver sa piling ng malaking _O_, at ang kanyon ng revolver ay gumawa ng isang _O_ din nguni’t maliit nga lamang. At ang patuloy:

--Kung ang dalawang ONG iyan ay magkahiwalay, ay kilabot ng kamatayan ang balita, nguni’t kung magkasunod at sa mga labi mo mangagaling upang pikit matang tangapin ang aking luhog, yayamang si Kupido, ang Diyos ng Pag-ibig ay bulag din at di nakakikita, ay isang ligayang di maisasaysay, isang langit na walang kasing-ligaya, isang kaganapan ng ating pangarap.

