Ang mga Anak Dalita

Part 3

Chapter 3 2,724 words Public domain Markdown

Sumadilidili, na bago makitang dayukdók ang madlang anák at asawa ay dapat utan~gin ang buhay na dalá niyong walang awa't walang kaluluwang pinalalamon na ay nanínila pa.

Yayamang wala ring m~ga kahatulán sukat tuntunín sa pagayóng bagay, lubós nang tinangkang silá ang humirang n~g bagay at kapit na kaparusahán doon sa tao n~ga'y may~asal halimaw.

Ang mahinbíng batis na binabalun~gan n~g lináw na tubig na pang-patíd uhaw'y nag-aanyong baha kapag hinalan~gan ... ¿ang puso pa kayang marunong magdamdám ang hindi sumubó kapag hinahalay?

Kaya't sabaysabáy na wari'y iisá nang sinundán iyong budhing palamara; nagsabáy na lahát, na poot ang dalá ... iiay ... n~g sa alab ay man~gahás sumugbá!! iiay ... n~g madaanan n~g along masiglá!!

XIII.

SA HARÁP AT SA LIKÓD.

Silá'y iwan nati't muling pagbalikán ang tahanang dampa n~g mag-ináng hirang, doo'y nag-iisá ang maysakít lamang pagka't ang binata'y sandaling lumisan.

Samantala namáng siya'y nag-iisá at nag-aantabáy sa anák na sintá, libong panalan~gin ang sumaalala upang magkapalad ang bunsong dalaga.

Aniya'y mangyaring ang hatíd na tahi ay magíng mainam, doon sa may ari, upang bayaran na, nang siya'y mádali at huwag gabihín sa kanyáng pag-uwi.

Kaya't n~g mátanáw ang giliw na bunso'y sumaligaya na ang sumikdóng puso, n~guni't anóng lakí n~g dusang bumugso nang makita niyang luha'y tumutulo.

Halos nápahiyaw at halos nátindíg sa kinahihigáng sirasirang baníg, na, sabay ang wikang--¿Anó, Teta? ¿Bakit? ¿anó ang nangyari't ikaw'y tumatan~gis?

--Iná ko! Iná ko! Tayo'y walang palad!-- ang sagót ni Teta't sabáy napayakap sa giliw na iná-- --¿Anó't umiiyak ka?-- --Akó'y sinuba niyong taong sukáb;

Pagka't di inamin ang haing pagsintá, niyong walang budhí't taong palamara, na kung kaya lamang nagpagawa palá ay upang masunód ang masamang pita.

N~guni't nang tumangí akó't di umamin ay pinagtangkaáng akó'y gahasain, salamat na lamang at aking napigil sa bilís n~g isang tampál na maríin.

Dito inihayag niyong binibini ang lahát n~g bagay na m~ga nangyari, dapwa'y sa gitna pa niyong pagsasabi ay siyang pagdatíng n~g lilong lalaki.

Na tagláy sa loob ang paghigantihán iyong binibining sa kanyá'y tumampál ó kung dili kaya'y sa tulong n~g yaman ay nasang bulagin ang m~ga magulang.

Pagka't di bihira ang amá ó iná na pagkakatanáw sa munting halagá ay silá pang agád ang nag-áabóy na sa puri n~g isáng anák na dalaga.

Dapwa'y hindi pa man halos nakapasok sa munting pintuan ang buhóng na loob ay biglang náhinto, nan~giníg ang tuhod, at munti na sanang siya'y nápaluhód.

Sapagka't nákitang sa kanyá ang titig niyong nápatayong babaing maysakít ... yaón ang babai na kanyáng inamís!... yaón ang babaing sa kanyá'y nanalig!...

Ang pan~galan niya na may _dong_ kaugnáy kung bukhín sa labi n~g m~ga upahán, doon ay nádin~gíg sa bibíg ni Atang na may halong n~gitn~git at dustang paghalay.

--Ang lalaking iyan--ang sabi ni Teta-- ang sa akin iná'y ibig gumahasa, --Taong walang budhi!--aní n~g matanda-- ¿at nan~gahás ka pa na dito'y magsadya?...

Di ka na nan~giming dito'y makaratíng na akay n~g iyong pagnanasang halíng? ¿di ka na pinasok niyong salagimsím kung sino ang iyóng tinangkang gahisín?

Nang dahil sa iyo: ang bukó'y bumuká't nang magíng bulaklák ay agád nalantá, at saka sa n~gayó'y pagnanasaan pa na iyong halayin ang nipót na bun~ga?

Ang lalong masiba't may taksíl na loob ay hihigtán mo pa kung sa pagkabuktót; marahil námali, sa iyo, ang Diyos, ... ginawa kang tao'y bagay magíng hayop!...

Marami pa sanang bubukhín sa bibíg yaong bumabakás n~g matindíng sulít; n~guni't nápahinto sapagka't nádin~gíg ang guló sa daan; sigawa't paglait.

Sangdaang katao, humigít kumulang, ang nagsisidatíng at naghihiyawan; at ang bawa't isá'y may hawak na urang na ipangbubugbóg sa kinagalitan.

¿Nasaan--anilá--iyang walang lin~gap, taong mapang-apí sa m~ga mahirap? Nádin~gíg ang gayón n~g mayamang oslák; pinasók ang budhi n~g malakíng sindák.

Lumin~gaslin~gas na at sumulingsuling, waring humahanap n~g dapat tun~guhin, litó na ang isip, puso'y nalalagím, pagka't nákilalang siya'y pápatayín.

Hindi na mangyaring siya'y makatanan pagka't nalilibíd n~g tao ang bahay at bawa't sandaling ipag-alinlan~gan ay isáng lundág pa n~g kasakunaan.

Kaya't nang matantong wala nang pag-asa't saan man tumun~go'y kamatayan niya, nanikluhód agád sa haráp ni Ata't humin~ging saklolo na iligtás siya.

¡Iyon ang mayamang sa tulong n~g pilak ay laging umapí sa m~ga mahirap! ¡Iyon ang mayaman!... N~gayó'y nasisindák sa haráp n~g m~ga palaging hinabág!...

Mákita ang gayón n~g babaing galít na lunónglunó na ang dating maban~gis, panasukang awa't ang dating inibig ay pinapagkanlóng sa sulok n~g silíd.

Kisápmatá lamang, at, kung di'y nag-abot ang kinagalita't ang m~ga may poot; sandali na lamang at disi'y natapos ang buhay n~g tao na mapangbusabos.

XIV.

ANG PUSO N~G DUKHA.

Lubhang mapagbatá, pipi't mapagtipíd sa lalong mabigát na m~ga pasakit, sadyáng masúnuri't hindi mapaglaít, walang hinahalay, hindi mapag-usig: sa lalong mababa'y nakikipaniig at tungkól dálita ay kanyáng kapatíd.

Iyan ang mahirap: pusong mahabagin, may mayamang dibdíb sa m~ga damdamin; hindi humahamon, n~guni't pag-iniríng.... sa kanyáng hayakís ay walang patalím, walang kalakasang sukat makasupil ni lalong matibay na di hahamakin.

Silá'y nagsipanhík sa dukhang tahanan, sa nasang máhuli ang lilong mayaman; tangka nilá mandíng doon na mápatay yaong walang pusong hindi na nagtagláy n~g munti mang lin~gap sa m~ga dain~gan at pakikisamo n~g m~ga upahán.

Datapwa'y napigil ang sulák ng n~gitn~git at ang kapoota'y nagwaring lumamíg nang mápaharáp na't kaniláng mámasid ang mukhang maamo n~g ating may sakít, na sa gitna niyóng malakíng pan~ganib ay nag-anyóng kuta na hindi mayaníg.

--¿Anó ang layunín at dito ay hanap-- ang tanóng ni Ata sa m~ga kaharáp. --Aming inuusig iyang taong sukáb nang upang patayín ... --M~ga walang palad! ¿Anó't tutungkulín ang gawang umutás niyang m~ga kamáy na ukol sa sipag?

¿Kay lakí ba kaya n~g pagkakasala at buhay kaagád ang inyóng pinita? Kayó'y man~gagmuni at huwag padalá pa pusók n~g loob --Magmuni'y sukat na, at higít sa labis ang aming binatá diyan sa kuhila't walang kaluluwa.

Nang dahil sa amin, siya'y tumatangáp n~g malakíng tubo at úpang mataás, kamí ang sa kanyá'y nagbigáy n~g pilak datapwa't ang gantíng sa amin ay gawad ay ang kulan~gan pa ang datihang usap at sa kahulihan ay ayaw magbayad.

Ang pinagpagaláng isáng lingóng araw ay ipinatigás na ayaw bayaran dahil sa náhin~ging huwag nang bawasan ang dating palakad na pag-uupahán, at kung mangyayari'y kaniyang dagdagán yamang námamalas itóng kahirapan.

Samantalang gayón iyong pag-uusap sa ibaba namán ay lubhang masulák; walang hintóng lait ang nanánambulat: hin~ging ipanaog yaong máninibad upáng papagkamtín n~g parusang tapát sa kanyáng inasal sa m~ga mahirap.

--Ipanaog dito nang agadagaran!-- ang sigáw n~g taong nan~gasa lansan~gan; may nan~gaghahanda na ibaóng buhay, may nagpanukalang ibitin na lamang at may humihin~ging bugbugín ang hungháng bago kaladkarín hanggáng sa mamatáy.

Sa gayóng paghin~gi na lubhang marahás ay muling nag-init ang nasa itaas, kaya at sa tulong n~g salitang tahás, nilimot na sampung pitagang inin~gat at dadaluhong nang dudumugi't sukat iyong nagtatagong hindi makalabás.

Datapwa'y humadláng sa kaniláng nasa ang dating may sakít at lunóng matanda: --Man~gagmuni kayó--ang maamong wika-- huwag na palulong sa biglang akala pagka't kung masunód ang inyóng adhika ay kayo ring tunay ang kaawaawa.

¿Hindi bagá kayó'y may m~ga magulang, anák at asawang pinakahihirang, na liban sa inyó'y walang aasahang sukat na katigin at ikabubuhay, sa balát n~g lupà? ¿Anó't ititimbáng ang gayóng karami sa isáng halimaw?

Kung inyóng masunód ang pakay at nasa at kayó'y usigin dahil sa ginawa ¿ilán ang sa inyó'y man~gagsisiluha? ¿ilán ang dudumog sa pagdadálitá? ¿iláng anák ninyó ang mápapan~gangyaya at man~gun~gulila n~g lubhang mahaba?

Kayó'y pinipigil, hindi pagka't ibig na aking itangól ang taong bulisik; mahigít sa inyó ang aking tinipíd nang dahil sa kanyá; kayá'y di nagtiis n~g sumpa't tun~gayaw, n~g pula at lait at pag-alipustang di dapat mákamít.

Ang aba kong puso ay kanyáng dinaya, ang aking pag-asa'y nilantá nang kusa, ang madla kong luhog ay inalipusta, ang linis ko't puri ay pinakadusta at sa kabulagán n~g budhing kuhila'y, sa anák ding tunay, siyang gagahasa.

¿Higít pa ba riyan ang inyóng tinangáp na m~ga pasakit? Ang upang katumbás n~g sanglinggóng araw ¿magin kayang sukat sa pagkakalun~gi n~g puring inin~gat at pagkáhiwalay sa madlang kaanak at pamamalagi sa dálita't hirap?...

Akó ang babaing kanyáng pinugayan n~g puring malinis na minahálmahál, at n~gayó'y' akó rin ang nagsasangaláng ... bakít akó gayón? sapagka't alan~gán sa sapát kong gantí, ang íisang buhay; ang nasa ko'y iyóng walang katapusán.

Isáng guniguníng hindi lumilipas kahit na magbalot sa buntón n~g pilak, isáng pagkakutya sa sariling hagap, magíng akbáy niya sa lahát n~g oras, isáng wari'y hukóm na magpapahirap saan man tumun~go at siya'y lumagak.

Ang nasa kong kamtán ay isáng higantí na higít na lubha sa lalong malakí, gantíng tataglayín niyong dilidili at sa isá niya ay man~ganín~ganí, at hindi na ibá ang siyang mangdiri kung di siya na rin sa kanyáng sarili.

Ibig kong mabuhay iyang alibugha, datapwa't sa kanyá'y ipauunawa na itóng dalaga na kanyáng ninasa ay anák din niya at anák kong mutya, n~guni't kailan ma'y hindi mápapala na tawaging amá ang isang kuhila.

Sa sinabing itó'y nágitlá ang lahát at ang kalooban ay pawang naglubág, at lalo pa mandíng silá'y nan~gagulat nang sa kinanglun~gán ay biglang lumabás iyong inuusig at pinaghahanap, na luhaluhaa't paluhód ang lakad.

XV.

PATAWAD.

Yaóng nahirati sa pagpapatanghál n~g kaniyang poot sa m~ga upahán, n~gayó'y lunóng lunó, at walang masaysáy yaong m~ga labing laging nakasigáw, liban sa pasamo't salitang marahang: --¡Patawad anák ko! ¡Patawad na Atang!

--Ang aking patawád--tugón n~g may sakít-- magpakailan ma'y hindi makakamít, sa aki'y hindi ka nagtaksíl n~g labis kundi sa dugo mong itinakwil, kahit walang kasalanan kundi magíng bihis sa dusa n~g aking nádayang pag-ibig.

Mákita ang gayón, n~g magkakasama, na ang hinahanap ay kaharáp nilá'y dinaluhong agád; disi'y nasawi na, kung hindi humadláng ang ating dalaga at nagpumagitna sa amáng may sala at m~ga kawaníng may masamang pita.

--Man~gag-antáy kayó, huwag pagtulun~gán ang isá kataong hindi lumalaban: ang inyóng gágawí'y hindi nábabagay sa tungkól lalaking may kaunting dan~gál at lalo pa mandíng tiwali't alan~gán sa kagaya ninyóng anák kasipagan.

Oo't may katwirang kayó'y maghigantí sapagka't ginipít ó kaya'y inapí; n~guni't kayo'y pawang may pusong lalaki, sa bawa't ulila'y marunong kumasi, hindi humahabág sa tungkól babai kundi bagkús pa n~gang mapagbigay puri.

Sapól pagkabata ay aking dinalá yaong sapantaha na akó'y ulila, wala akóng tuwa liban na kay iná at n~gayóng nabatíd na akó'y may amá ¿di yata't bigla ring aagawin siya sa sabík kong puso sa kanyáng pagsintá?

Kayó'y gaya ko rin na _anák-dálita,_ at kauri ninyó akóng namagitna; magíng balato man, sa aki'y maawa: patawarin ninyó ang amá kong mutya, ¡alang alang kahit doon sa Lumikha! ¡kahit alang alang sa aking pagluha!

Siya'y magtitika't hindi na aasal n~g ugaling lihís na karumaldumal; ang bahala'y akóng sa kanyá'y aakay sa tuwid na landás na dapat daanan n~g m~ga may puso't paglin~gap na tunay sa kagaya ninyóng m~ga mang-aaráw.

Sa salitang iyon ay muling nagbalík sa datihang anyo ang maamong tubig, naglubág ang poot, napawi ang ban~gís niyong maawaing m~ga _anák pawis_ ... paano'y kay gandá n~g humin~ging bibíg at napakaamo ang kaniyang hibík!?

Kaya't yaóng dating nagtumuling baha na ibig tumabon sa daanang lupa'y muling nagíng batis, nukál ang payapa; at saka nan~gako ang Nan~gan~gasiwa na daragdagán pa sa upaháng takda at pagbabayaran ang m~ga nagawa.

XVI.

¡¡¡PAALAM!!!

Matapos ang gayóng m~ga sálitaa't matapos pumayag ang m~ga upahán, ang wikang nápalit sa dating sigawa'y ¡Mabuhay ang sipag! ¡Si Teta'y mabuhay!

Katuwaang lahát, sa lahát n~g bibíg pawang kagalakán ang nan~gasasambít, dapwa'y nápatan~ging may pataw sa dibdíb ang ating si Pedro na di makaimík.

Malaon nang lubhang siya'y nároroon at minamatyagán kung saan hahantóng iyong salitaan, n~guni't n~g manuynóy ang lahát n~g bagay ...nagtagláy lingatong.

Kaya't n~g mapuná, ang gayón, ni Tetay ang hirang na sintá'y agád linapitan, pinakáusisa, hanggáng sa tinuran, n~g ating binata, yaong dináramdam.

Siya'y maralitá't ang kaniyang hirang ay hindi na dukha, anák n~g mayaman, ¿di kaya masabing iyong pagmamahál ay may halong lin~gap sa pilak na kináng?

[Larawan: Yakap na magiliw at masuyong halík, sa salitang iyon, ang siyang nápalit.....

¡Kay saráp n~g buhay kapag umiibig!...

............................--(Pág. 72)]

Anyá'y samantalang hindi magkapalad na kanyáng pantayán ang maraming pilak n~g ama ni Tetay ay di man~gan~gahás na mulíng bangitín ang kanyáng pagliyag.

At siya'y tutun~go sa malayong bayan, kung saan kikita n~g maraming yaman, puhunanin kahit ang sariling buhay ay di lilin~gunín, sa laki n~g pakay.

Ang bawa't kaputók na pananalita, sa dibdib ni Teta, ay nagiging iwa, kaya't nang matapos ay di naapula sa kaniyáng matá ang agos n~g luha.

--Nang akó'y hikahós--anyá--ay mapalad, walang kalungkuta't ang puso'y panatag, akó'y maligaya, kahit naghihirap, at walang damdaming ikinaiiyák.

Datapwa't sa n~gayóng íisáng sandali pa halos na akó'y wari may salapi, ¿agád agád na bang isáng dalamhati ang tataglayín ko sa ubod n~g budhi?

Kung gayón din lamang at dahil sa aking bagong kalagayan ikáw'y maninimdím, ang lahát n~g iyo'y aking lilisanin kung magigíng tumbás n~g iyong paggiliw.

--Huwag na Tetay ko, huwag ipagdamdám kung sakasakaling akó'y lumayo man, ¿anó kung maghirap n~g mahabang araw kung sa dakong hulí'y ikáw ang katimbáng?

--Kung sa dakong hulí!... at sa hulí akó! n~guni't una muna ang kataasan mo! Huwag lang maturang humigít sa iyo'y lalasunin mo na ang boong buhay ko!

--Huwag mong damdamín; sa ngayó'y mapait na akó'y málayo sa iyong pag-ibig, n~guni't sa kabila'y libolibong tamís ang siyáng katumbás nitóng pagtitiís.

Akó ay may puso, na kagaya mo rin, na minámapaít ang kitá'y lisanin ... datapwa'y hindi mo dapat na limutin na ang marálita'y lubhang maramdamin.

Marahil, sa bawa't gamunting salita'y ipagdurusa ko't lubós ikaaba, ¡paano'y katulong sa bawa't paghula ang pagkakilalang ako'y marálita!?

Kaya't bayaan na ang aking pagpánaw, paglayong marahil di maluluwatán ... --¡¡Hindi n~ga maluwát, n~guni't kaigihan na yaríng puso ko'y magkawaraywaray!!

XVII.

KATAPUSÁN.

Ang usapan palá namá'y nábabatyág n~g lunóng babaing nahan~go sa hirap; sila'y linapita't saka siniyasat kung anó't malungkót iyong pag-uusap.

Hindi ikinaít n~g ating binata ang sanhi n~g kanyáng paglayong akala; inayunan namán n~g ating matanda sapagka't nataya ang tuwíd na nasa.

Sa gayóng nangyari, si Teta'y nagsulit; --Pumapayag akó na ikáw'y umalís, datapwa'y yayamang kitá'y iniibig akó ay sasama, saan man sumapit,

--Iiwan mo akó!?--ang pabiglang turing n~g ináng nágitlá. --¿Kami'y lilisanin?-- ang tanóng n~g amá. --Kung di ibabaling ni Pedro ang nasa. Siya ang himukin.

Alám kong ang sanhi n~g kaniyang pakay ay dahil sa akin; kaya't akó namá'y nasang makihati sa anó mang bagay na kanyáng sapitin: mamatáy, mabuhay.

--Sukat na, sukát na, aking m~ga anák-- ang sabi n~g amá sa magkasinliyag-- magmula sa n~gayón si Pedro'y gáganap sa aking tungkulin. --Amá ko, salamat.

--Sa gayóng paraa'y hindi kailan~gan ang siya'y dumayo sa ibá pang bayan; at kaming dalawá'y ... --Hahati na lamang sa ligaya ninyó--ang putol ni Atang.

................................... ...................................

Yakap na magiliw at masuyong halík, sa salitang iyon, ang siyang nápalit.... ¡Kay saráp n~g buhay kapag umiibig!... ¡Pag yáon n~g sigwá'y kay ganda n~g lan~git!...

WAKAS.

Maynila, Enero, 1907.

Ginawang aklat n~g Disiembre n~g 1911

=ÍNDICE= =Pág.= I. Si Teta................... 7 II. Ang mag-iná............... 11 III. ¡Gumigiliw!............... 16 IV. Si Pedro.................. 21 V. Paghabág n~g puhunan...... 24 VI. Walang katubusan.......... 27 VII. Isáng alamát ni Ata....... 29 VIII. ¡Pangarap!................ 32 IX. Dalawáng puso............. 35 X. Ang lihim ni Ata.......... 40 XI. Ang yaman at ang puri..... 47 XII. Ang m~ga manggagawa....... 53 XIII. Sa haráp at sa likód...... 56 XIV. Ang puso n~g dukha........ 60 XI. Patawad................... 65 XVI. ¡Paalam!.................. 68 XVII. Katapusan................. 71