Part 2
Agad ikinanlóng ang n~giping matalas at n~giting magiliw ang ipinamalas, dinaan sa himok ang hindi pumayag sa gahasang iwa't pakikipaglamas.
Giliw, suyo, luhog at madlang paraya ang ipinatanáw sa mahinhíng Mutya at itó namán ay agad namayapa, nanalig na lubós, nagboong tiwala.
Tinangáp ang haing m~ga panunuyo at hindi nápuna ang handang panghibo, agád nápalulong ang mahinhíng puso at di inakalang yaó'y isáng silo.
Ipinaubaya sa madayang giliw ang lamáng malinis n~g boong panimdím; sinunód na lahát ang bawa't máhilíng niyong may tagláy na kataksilang lihim.
Sa gayó'y nagdaan ang isáng panahón na lubhang panatag at walang lingatong, hanggáng sa nákitang ang hayop na Dulóng ay nagdating asál; nanila na tulóy.
Dito na nangyari ang kasakitsakit, na ang dating laya ay siyang tuman~gis at iyong nan~gako n~g boong pag-ibig ay siyang halimaw na nagpakaganid.
Daya, lupig, dahás ang namaibabaw na siyang nápalít sa panuyong asal, walang bigong-kilos na hindi paghalay, kutya at pahirap na karumaldumal.
Hanggáng sa nagban~gon ang magandáng Mutya at nagpan~garap na n~g ikalalaya, iniwan ang laging pagwawalangdiwa at ang puting kamáy, sa dugo'y pinigta.
N~gunit nagkátaóng noó'y nagkagalít ang masibang Dulóng at yaóng Limatik at ang ating Mutya'y sa hulí humilig dahil sa pag-asang hindi manglulupig.
Nakitulong siya, sa Limatik, noon, dahil sa pan~gako nitóng pag-aampón, dapwa'y nang magahís ang palalong Dulóng ay lalo pang sákit ang kanyáng kinandong.
Sa madlang pag-asa'y pawang pag-hihirap ang siyang nápalit: nagipít, nasalát, ang impók na yama'y nasipsíp na lahát niyong magdarayáng may taksíl na han~gád.
Hanggáng dito yaóng buhay na malungkót n~g Mutyang magandáng di naghunos loob; humanap n~g ibá at ang nákadulóg ay lalo pang ganid, lalo pang balakyót.»
VIII.
¡¡PAN~GARAP!!
Masabi ang gayón n~g nagsasalaysay, naghintong sandali, at saka nagwikang lubhang malumanay: --Huwag ding mangyaring iyong máparahan ang buhay n~g Mutya na aking tinuran.
--Hindi po marahil;--sagót n~g binatá-- pagka't hahanapin ang ikatatagpo n~g m~ga kapuwa na hindi marunong mag-asal kuhila at sa kasamahá'y magpapan~ganyaya.
Aking aakiting alisín ang asal niláng mapagbukód, at upang sa gayón ay aming makamtáng m~ga mangagawa iyong katubusang sa dating ugali'y hindi mahihintáy.
At hahanapin din ang mámumuhunán na sa taong dukha ay hindi marunong umapí't humalay; aking hahanapin na mabigyáng dan~gál ang _puhunang pawis n~g puhunang yaman._
Dahil sa di dapat na pamalagiin ang ugaling itó na walang halagá sa _salaping_ sakím ang pagod na gugol n~g matitiising pusong manggagawa na inaalipin.
Salapi't Paggawa'y dapat na magtimbáng sa tamuhíng tubo ... --¿At ikáw, anák ko,--ang tanóng ni Atang-- ang magpupumilit sa dakilang bagay ang hindi nagawa n~g lalong maalam?....
--Aking pipiliti't kung hindi mákamit-- anang bagongtao-- ay di magsisisi, sa gugol na pawis; ang panúnuntuná'y ang bugtóng na sulit na: "akó'y tumupád sa n~galang maghasík".
N~guní't kung mabatíd n~g kahanapbuhay ang sadyang halagá n~g m~ga katulong n~g isang puhuna'y di na mangyayari itóng kalagayan naming m~ga dukhang wari'y kasangkapan;
Na kukunin lamang kapag gagamitin at kung masira na'y itatapontapo't titisúdtisurin, kaya'y babayaan na iwan at datnín n~g madlang sakuna't akbáy na hilahil.
At ang m~ga pagod, isip, pawis, puyat na pawang ginugol sa ikalalago n~g puhunang pilak ay di magkaroon n~g timbáng na bayad liban sa pag-apí at m~ga pahirap.
Aking hahanapin ang ikahahan~go n~g bayang masipag, niyang manggagawang lagi nang siphayo n~g m~ga may yaman, upáng mapalago ang ugaling banál n~g di mapaglugso.
--Magandáng adhika!--ang putol ni Teta-- --Datapwa't pan~garap!-- ang saglít ni Atang walang paniwala-- iyá'y mangyayari kung dito'y mawala ang pag-aagawán, inggita't pagpula.
Matapos ang gayóng m~ga salitaan ang ating matanda'y lumapit sa dating baníg na hihigan, dalá palibhasa niyong kahinaan, sa gawang maupo'y hindi makatagál.
IX.
DALAWANG PUSO.
Binata't dalaga'y kapuwa naiwan na magkaagapay sa kináuupán; kapuwa tahimik, kapuwa alan~gán at kapuwa mandín nagkakahiyaan, gayóng magkalapit sa isáng luklukan.
Marahil, sa budhi'y kapuwa may tago na ibig sabihin, n~guni't di mátagpo kung saan simulán ang usapang wasto na ikatutun~go at ikabubunggo. sa ibig ihayag n~g kaniláng puso.
Ang isá at isá'y diwa nag-aantáy sa pagpapáuná niyong kaagapay; ang isá at isá'y ibig na magsaysay, datapwa'y pagsapit n~g nasang máturan sa kaniláng labi'y n~gin~giti na lamang.
Hangáng sa nangyaring ang n~giting palihím n~g ating binata'y kay Tetang nápansín ... --N~gumin~giti ka pa--ang wikang mahinhín na may magkahalong hinampó at giliw at diwang ang sintá'y ibig pang sisihin.
--¿Bawal ba ang n~giti? --Oo, aking bawal sa masamang tao. --Kay dali ba namán n~g aking pagsama!! Kakahapon lamang ay mabuti akó ... at n~gayóng málaman na minámahál mo'y ... saka pa humalay?
--¿Bakit ka naglihim? --Pagka't di ko batíd kung may maáantay ang aking pag-ibig, at hindi ko nasang abutin ang sákit na pagkamitín mo n~g tugóng mapaít na mayroon ka nang katipán sa dibdíb.
--Kung nagtapát ka ba'y di sana natanto kung anó ang lamán nitóng aking puso ... --¿At kung ang tamuhín ay ang pagkataho na walang pag-asa ang aking pagsuyo ... ¿hindi lalo ko pang ikasisiphayo?
Hindi mo lang alám ang lakí n~g sintá't ang iniaalay sa isáng kalulwá ... --¿Hindi ko alám? Bah!... --N~guni't di kagaya n~g dináramdám ko, niyong di ko taya na títimban~gán mo ang giliw kong dalá.
Ang dibdíb ko niyó'y wari isáng dagat na laging maalo't lubhang mabagabag, nan~gan~gamba akóng sa iyo'y naagtapát at ang tinátamó'y libolibong hirap kung hindi mangyari ang pagpapahayag.
Sa tuwituwi nang akó'y paparito ay handang handa nang magtapát sa iyo, datapwa'y pagsapit, at mákausap mo, ay walang wala na ang madlang simpán ko't walang nalalabí kung di pagkalitó.
Kung nasa haráp mo ay piping mistula ang nákakabagay n~g labi ko't diwa, n~guní't kung wala ka'y sa lahát kong gawa'y ang iyong larawan ang kasalamuha, kasanggusangguni at laging gunita.
Kung gabíng malalim at di mákatulog, magbaban~gon akó't maglílibotlibót ... ang akala mo ba kitá'y nalilimot?... sa bawa't sulin~gang lan~git, daán, sulok, ang iyong larawan ang nápapanood.
Kung máhimbing namán, sa sandalíng idlíp, agád agád kitáng mápapanaginip sa wari'y kausap: kung minsán ay galít at kung minsán namá'y iyong iniibig ... at ang boong suyo'y aking kinákamit.
Pag ang una'y siyang sa aki'y sumagi, kung akó'y magisíng ... ¡kay laking pighati! n~guni't kung ang hulí'y lalong dalamhati pagka't mákikitang sa isáng sandali.... ang aking ligaya ay biglang napawi.
Kaya't kung nangyaring di ko námalayan ang tamís n~g iyong bukong pagmamahál, dinalá sana hanggáng sa libin~gan ang lihim na sintáng aking tinatagláy.... --Kay sama mong tao!
--Inulit na namán!... --Huwag kang magtangól! Kung iyong dinalá han~gang sa libin~gan ang lihim mong sintá, ¿di pinagtagláy mo n~g dálita't dusa itóng sumusuyó't abang kaluluwa na, kahit di tanto'y, umiirog palá?...
Ikáw ay lalaki't iyong nababatíd ang maraming anyo n~g isáng pag-ibig, n~guni't ang gaya kong pusong matahimik ¿anó ang malay kong ang lamán n~g dibdíb ay isáng paggiliw na abót sa lang~it?
¿Anó ang malay kong iyong agam-agam sa maminsanminsáng hindi mo pagdalaw ay kakulay palá niyong pagmamahál, at ang pagnanasang mákita ko ikáw ay isáng pagsintá't pag-irog na tunay?...
Kung takíp-silim na't di ka dumádatíng ang matá ko'y litó at pasulingsuling; itinátanóng ko sa sariling akin kung nasa saan ka, datapwa'y malalim na buntónghinin~ga ang madalás kamtín.
Kung nápupuná kong ikáw ay may sákit dahil sa mukha mong may larawang hapis, diwa, ay nasa kong sa iyo'y iibís ang gayóng pighati, na lason sa dibdíb, dan~ga't di mahilíng na iyong isulit.
Akó'y kasama mo sa iyong pan~garap ó kung nágigisíng akó ang kaharáp, akó namáng itó, sa lahát n~g oras, ay walang adhika kung di ang matatap kung may sayá ka ó kaya'y may hirap.
Sa gabíng pagtulog ay nágugulantáng pagka't, sa wari ko, kitá'y kaagapay; kung may ginágawa, ay gayón din namán, sa bawa't lagitlít akala ko'y ikáw ang siyang lalapit sa aking likurán.
Ibig kong mangyaring ang lahát mong lihim ay aking matanto, tuguná't damdamín; n~guni't kung sumagi sa aking panimdím na baka sakaling ikáw ay may giliw ... akó'y nagdurusa't puso'y nalalagím.
Ang lubhang madalás, kung akó'y magdasál at sa Poong Dios ay nanánawagan, aking nápupunáng hindi dumadatál ang dalan~ging handóg sa ating Maykapál pagka't ikáw'y siyang dinádalan~ginan.
Ang lahát n~g iyon ay hindi ko batíd na larawan palá n~g isáng pag-ibig, kung di ka sumulat at ipinagsulit sa akin, ni iná, ang lamán n~g dibdíb.... ¿di akó'y nátirá sa gawang magtipíd?
¿Di sa pagtan~gis ko sa iyong paglayo ay di mababatíd na iyó'y pagsuyo? ¿di nangyari sanang ang aba kong puso ay pinagdusa mo't ipinasiphayo gayóng walang sala namáng natatanto?
--Patawad Tetay ko! Akin n~ga ang sala kaya't inaantáy ang iyong parusa.... --Kay buti-buti mo; ¡parusahan kitá! ¿di pinasakitan ang akin ding sintá, sákit mo't sákit ko'y hindi ba iisá--
Ang lan~git ma'y hindi magandáng pan~garap at yaó'y sadlakan n~g lahát n~g lunas ay hindi titimbáng sa tinamóng galák n~g puso ni Pedro, dahil sa pahayag n~g kaniyang sintáng pinakaliliyag.
X.
ANG LIHIM NI ATA.
Malaonlaón pa bago nahanganán ang gayóng kasaráp na pag-uusapan, hangáng sa natapos ang tahi ni Tetay at siya'y nagbihis nang upang madalá sa paghahatirán at kanyáng masin~gíl ang ipamimili n~g ikabubuhay.
Kanyáng pinagyaman ang gawang tahii't kay Pedro'y hinin~gi ang siya'y hintaín upang may magbantáy sa ináng náhimbíng sa pagkakatulog; at nang may lumin~gap at sukat tumin~gín (samantalang wala) sa kanyáng may sakít, sakaling mágisáng.
Si Pedro'y naiwa't (Si Tetay sumaglít, na, sa isáng kamáy, ang baluta'y kipkíp) n~guni't di naglao't si Ata'y nagtindíg sa kinahihigán, pagka't hindi tulóg, gaya n~g sinambít n~g anák na giliw, at inantáy lamang na itó'y umalís.
[Larawan: Binata't dalaga'y kapuwa naiwan na magkaagapay sa kinauupan; kapuwa tahimik, kapuwa alan~gán at kapuwa mandin nagkakahiyaan, gayóng magkalapít sa isáng luklukan.--(Pág. 35)]
Kaniyang tinikís na silá'y lisanin upáng mákausap ang binata natin, dahil sa mula pa nang kanyáng malining ang pagsisintahan n~g dalawáng pusong pinakagigiliw ay ibig na niyang ihayág ang isáng mahalagáng lihim.
Nagbalík sa dating kaniyang luklukan at ang bagongtao'y pinakiusapang dumin~gíg sandali sa madlang tuturan na ukol sa lihim niyong maralita't dukhang kabuhayan niláng mag-iiná; bagay na di taho n~g taong sino man.
--«Ang bálong si Ata, ang ulilang Teta, ang babaing hapo, ang magandáng bata, dalawáng mag-ináng mananahi kapwa; itó lang ang laging tan~ging kasagutang kakamtín sa bala mong mapagtanun~gáng kapit-bahay namin.--ang kay Atang wika.--
Datapwa't sino ma'y di nakababatíd kung saan nangaling nang dito'y sumapit, at kung anóng bagay ang siyang pumilít na dito'y tumahán, at kung anóng buhay na kasakitsakit ang aming dinaán kung kaya nangyaring sa dusa'y nagtiís.
Ikáw na kapwa ri't ulilang hinabág n~g palalong yamang _sukál sa mahirap,_ ikáw na malapit mákaisáng palad ni Teta kong sintá'y dapat makabatíd kung saan nagbuhat ang ginigiliw mo; kung siya ay anó't kung kanino anák:
Akó'y isáng bukong kinandóng n~g san~gá sa gitna n~g madlang ulayaw at sintá; walang agam-agam, ang puso'y masayá, walang munting kilos na hindi kaulóng ang madlang ligaya, ang madlang paglin~gap n~g amáng masuyo't m~ga kakilala.
Datapwa'y sumapit sa giliw kong bayan ang isáng binatang anák n~g mayaman at doo'y tumirá upang magparaan n~g iláng panahón sa gawang man~gaso't m~ga paglilibáng, dalá palibhasa na di kailan~gan ang maghanap buhay.
Siya ay bihasá't ugaling Maynila, makiyas ang tindíg, mabikas magwika, walang isáng bangít n~g pananalita na malulusután nang isáng tukuyi't handugán n~g nasa sa n~galang pagsintáng animo'y larawan n~g boong adhika.
¿Anó ang dadatnín n~g bata kong puso sa gayóng katamís na m~ga pagsamo?... akó'y nápalulong sa gawang sumuyo at sa bisig niya'y linagók ang tamís n~g madlang pan~gako na di maglililo.... at di babayaang akó'y masiphayo.
Hangáng sa sumapit ang isáng panahóng ang punlang pagsintá namí'y nagkausbóng at akó'y iniwang sakbibi at kalong n~g m~ga pan~gambá: lipós agam agam, kipkíp n~g lingatong, balót kahihiyán sa madlang kilalá't sa amáng may ampón.
Nápalaot akó sa maraming hirap, sa bawa't sandali puso'y alapaap, wari sa sarili'y batíd na n~g lahát ang kalagayan ko, at ang aking lihim ay bantóg at kalát sa boong bayanáng handa sa pagkutya't diladilang libák.
Ang pakikisama't pakikipanayám sa kasuyosuyong m~ga kaibigan ay napawing lahát, aking iniwasan sampung makiulóng sa m~ga kaanak at madlang pininsan, dahil sa takot ko, na baka matanto yaóng kalagayan.
Sa gayón n~g gayón, araw ay dumatíng na di na magawang itago ang lihim, at sa pagkatakot sa amá kong giliw, akó ay nagtanan; dinalá ang munting hiyas at dámitin upang mahanap ko ang pinagsanglaán n~g puri't panimdím.
Aking pinagsadya nang upáng isamo na kanyáng lin~gapin ang sariling dugo, ang bun~gang malusog n~g aming pagsuyo, n~guni't ... ¡ay n~g palad! nang mátagpuán ko ang giliw n~g puso ay walang tinamó kung di ang pagdusta't madlang pagsiphayo:
Akó'y itinabóy sa kanyáng tahanan at pinagkamít pa n~g wikang mahalay. na, umanó'y, iyong bun~gang tinátagláy, ay hindi kaniya, at akó'y babaing walang karan~galan, pagka't sa bala na ay nakilaguyo't nakipagsintahan.
Kahit isáng mundó ang biglang bumagsák ay di nakatulíg, sa akin, ang lagpák nang kagaya niyong salitang masakláp sa karan~galan ko; akó'y bumulagta't ang diwa'y tumakas; n~guni't nang magbalík yaong pagkatao'y wala na ang sukáb.
Tinulun~gan akó sa gawang magtindíg n~g isáng utusáng may tagláy na tubig, at saka nang akó ... ¡sa laki n~g hapis! ay namimighati, sinabi sa aking dapat nang umalís at doon ay walang magpapahalagá sa pinag-uusig.
At sabáy sa gayóng wikang walang tuós, pitong lilimahing pawang gintóng pulós ang ibiníbigay at iniáabót sa akin ... Bathala!... yaón ang halagáng sa akin ay limós niyong walang budhing nag-abóy sa palad na kalunoslunos.
Matá ko'y nagdilím; hindi napaghaka na ang kaharáp ko ay isáng alila, aking sinungabán ang salaping handa't saka inihagis sa harapan niyóng taong alibugha, na sabáy ang sabing: akó'y di babaing walang puri't hiya.
Magmula na noon, akó ay naghanap. upang ipaglaban ang buhay na salát; akó ay nanahi hangáng sa nan~ganák at ang sintáng bunso, na n~gayó'y tangulan sa madla kong hirap, ay nagíng tao na at siya'y nagtanáw n~g unang liwanag.
Kaya't iyang bukong iyong linalan~git ay anák n~g isáng mayamang malupít at itóng kaharáp ay isáng nagkamít n~g n~galang buhaghág, pagka't di nagawang ang puri'y iligpít at naipaglaban sa gahasang udyók n~g isáng pag-ibig.
N~gayóng talós mo na ang lihim n~g buhay nitóng pinara mong tunay na magulang at n~gayóng talós din ang pinanggalin~gan ni Teta mong sintá, ikáw ang magsabi, kung ang pagmamahál na tinátagláy mo'y marapat ó hindi magbago n~g kulay.»
Sa gayóng tinuran, si Pedro'y nagwika, na tutóp ang dibdíb--Dan~ga't magagawa na pagibayuhin ang sintáng alaga, dapat pong alamíng, dinagdagán sana, pagka't naunawa ang inyóng tiniís sa laláng n~g isáng lalaking kuhila.
¿Sino ang may sala: ang pusong naghandóg n~g isáng matapát at boong pag-irog ó ang nagkuhila, dumaya't umayop sa nagkatiwala? Kung sa ganáng akin, ang dapat mahulog sa lusak n~g kutya'y ang sa kanyáng dugo'y natutong lumimot.
--Salamat, anák ko,--ang putol ni Atang-- at di ka kagaya n~g ibang isipan; magíng awa, kahit, ang iyong tinuran ay nagpapahayag na sa iyong piling ay di sisilayan ang giliw kong bunso n~g isáng pagdusta sa pinanggalin~gan.
XI.
ANG YAMAN AT ANG PURI.
Isang bagong Creso kung sa kayamanan at isang Atila sa kaugalian, isang Carlo-Magno sa nauutusan at Cingong alipin sa pinápasukan.
Walang karan~galang di nasa kaniya, ang lahát ay daíg, sa m~ga pamansá, walang linilin~gap na katwirang ibá liban sa katwiran n~g kanyáng bituka.
Wikang kababayan, ay isang salita na ang kahulugán, sa kanyá, ay bula; ¿kalahi, ay anó? ¿anó kung madusta may salapi lamang na sukat mápala?
Sa loob n~g bahay na pinápasukang gawaang tabako'y walang pakundan~gan sa m~ga mahirap na nan~gag-aaráw na kung pagmurahín ay gayón na lamang.
N~guni't kung sa haráp n~g namumuhunan ay piping mistula at mababang asal, sumagót pa'y waring binibining banál na hindi marunong magtaás n~g tanáw.
Itó ang ginoong sa dukha ay hari datapwa'y alipin niyóng may salapi, at siya rin namán ang taong mayari n~g m~ga gawaing kay Teta'y patahi.
Siya'y, nagpagawa sa ating dalaga n~guni't hindi dahil kailan~gan niya, kung hindi sapagka't ang tagláy na gandá niyong binibini'y kanyáng pinipita.
Yao'y isáng silo, laláng at pakana upang maihayag ang tagláy na nasa, ang nasang mahalay na palaging gawa sa m~ga dalagang kanyáng manggagawa.
Kaya't nang mákitang si Teta'y dumating na dalá sa kamáy ang m~ga tahiin ay agad iniwan ang m~ga kapiling na m~ga upaháng sa kanyá'y nádaíng.
At biglang tinapos ang kaniláng usap sa wikang gahasa na lubhang matigás: --Kung hindi sang-ayon--aniya--sa awás sa upa, ay dapat na kayó'y lumayas.
At ang kakulan~gán ninyóng inuusig ay di mangyayaring bayaran pa, kahit magsakdál. Sulong na, at baka mag init pa ang aking ulo, kayó'y máhagupít.
Masabi ang gayón, ay agád iniwan ang m~ga kapulong na kanyáng upahán, at saka tinun~go ang kinalalagyán n~g ating dalagang di lubhang nag-antáy.
Datapwa'y hindi man nakuhang minasíd ang pagkakayari n~g pagawang damít, agád inialók ang kanyáng pag-ibig na wari ay batang matakaw at sabík.
Sa wikang malambót ay inisáisá ang maraming yamang ihahandóg niya --Tangapín mo lamang inéng yaríng sintá'y di na kailan~gan ang maghanap ka pa,
--Mahál na ginoo--anáng binibini-- nagkámali ka po sa hain mong kasi, akó'y maralita't walang yamang iwi, n~guni't di marunong magbilí n~g puri.
Ang pag-ibig ko po'y di siyang dahilán kung kaya nárito sa iyong harapán, akó'y náparito n~g upang mákamtán, ang sapát na upa sa gawa kong tagláy.
Ipagpatawad po kung di ko matanggáp ang inihahain na iyong pagliyag, may kapantáy ka po, ikáw ay humanap, at huwag habagín ang gaya kong hamak.
--Oo't mangyayari ang iyong tinuran na akó'y humanap n~g aking kapantáy kung hindi n~ga sana, ang nálalarawan, dini sa puso ko'y larawan mo Tetay.
Iyong pag-isipin: ikáw ay magandá, sa iyo'y di bagay ang maghirap ka pa; n~guni't kung tanggapín ang aking pagsintá ay masusunód mo ang lahát n~g pita.
Ikáw magíng akin, at bukas na bukas, may bahay kang bató't sarisaring hiyas, may sasakyán ka pa't hindi maglalakád, at salaping labis sa gugol mong lahát.
Mádin~gíg ang gayón n~g ating dalaga'y nagtindíg sa upo, ang mukha'y namulá, at biglang naparam sa noong magandá iyong kaamuang laging dinádalá.
--Di ko akalain--ang wikang matigás-- na ikáw'y mámali sa iyong pangmalas; akala mo yata'y sapagka't mahirap ay nárarapa na sa ningníng n~g pilak?
Akó'y marálita, at kung di gamitin ang munti kong lakás ay hindi kakain, datapwa'y libo mang hirap ang danasin, ang handóg mong sintá'y hindi maaamin.
Di ko kailan~gan ang magandáng hiyas, ni ang titiraháng bahay na mataás ... ang buntón n~g yama'y pisanin mang lahát ... walang kabuluhán sa aking paglin~gap.
¿Ang kataasan ba nitóng batóng bahay ay tataas kaya sa pulang kakamtán? ¿at ang m~ga ningníng n~g hiyas at yama'y makatakíp kaya sa puring hahapay?
Kung ang karan~gala'y hindi mo kilalá't ang pilak, sa iyo, siyang mahalagá; unawain mo pong sa aking pangtaya'y sa salapi't hiyas ang puri ay una.
Sapagka't ang tao, kahit na mayaman, kapag walang puri'y walang kabuluhán, ¿aanhín ang hiyas, ang pilak, ang bahay kung akó'y yagít na't yúyurakyurakan?
Mahan~ga'y ganitóng dukha't nasasalát, may kapuwa tao, kahit m~ga hamak, at hindi pasasang baluti n~g hiyas at wala n~g linis ang dan~gál na hawak.
--Mataas mag-wika-- --Talagáng mataas kapag dinudusta ang isang mahirap na may pagmamahál sa puring inin~gat; nariyan ang tahi, antáy ko ang bayad.
--¿Ang bayad? kung ikáw sa aki'y iibig hindi lamang tumbás ang ipakakamít, datapwa kung hindi, ay ipagkakaít ang sampu n~g upa sa m~ga náhatíd.
Mádin~gíg ang gayón n~g ating dalaga ay halos nanglumó, ang puso, sa dusa, sapagka't sumagi sa kanyáng alala na hindi kakain ang salantang iná.
Kaya't namalisbís sa matá ang luha, at sumabudhi na ang magmakaawa, n~guni,t ang kausap na ma'y maling nasa ay hindi dumin~gig sa anó mang wika.
Subali't nag-ulól sa pakikiusap na siya'y lin~gapin sa haing pagliyag, at sinamahan pa ang balang marahás n~g kapan~gahasang gahasai't sukat.
Dapwa'y nang dulugín, sa kinátayuán, ang ating dalagang nag-íisá lamang, itó'y ay lumayo't ang lilong mayaman ay pinapagkamít n~g mariíng tampál.
--Iyan ang marapat sa isáng kuhila na di gumagalang sa bawa't mahina upang matuto kang huwag gumahasa sa hindi pumayag sa buhóng mong nasa.
Nang masabi iyon ay biglang iniwan ang nahilóhilóng taksíl na mayaman, saka nang sumapit sa pinto n~g daan ay muling linin~gón ang pinangalin~gan.
--Walang budhi--anyá--Taong walang damdám! Ikaw, kung tawagi'y: mayaman! maran~gal! n~guni't walang kayang gipití't tamban~gán kung hindi ang dukhang walang kakayahán.
Iwan natin siya sa kanyáng pag-uwi na ang nagíng bao'y isáng dalamhati, at ang unawain ay ang m~ga sawi na _anák paggawa_ na namimighati.
XII.
ANG M~GA MANGGAGAWA.
Isáng lingóng singkád na pigta sa pawis at kinakabaka ang madlang pan~ganib, kahit nanglalata ang n~galáy na bisig ay di makahinto, at nagsusumakit na ang pitóng araw'y kanyáng maisulit.
Pagka't alaala ang giliw na anák, ang sintáng asawa, ang ináng naghirap ó kaya'y ang madlang kandiling kaanak na walang timbulan kung di iyóng hanap na sa pagkain lang ay di pa sasapát.
Di namán mangyari, sa dukhang may dan~gál, ang gawang mang-umít sa pinápasukan, kay n~ga't ang tan~ging pinanánan~gana'y yaong pinan~ganláng _bayad kapagalan_ na di halos upa kundi limos lamang.
Sapagka't ang bagay na pan~ganláng _bayad,_ ay yaóng katimbáng n~g puhunang _hirap,_ datapwa'y ang labí n~g sakím na _pilak_ na hindi marunong humati n~g sapát, ay di nababagay sa _upang_ pag tawag.
Iyán ang matimping kampón ni Minerva, iyán ang may tagláy n~g igiginhawa nitong Sangsinukob; silá, silang silá ang nagpapayaman, n~guni't alimura nang m~ga puhunang may gútom buwaya.
Silá ang kaulóng n~g Nan~gan~gasiwa n~g itó'y abutin n~g ating si Teta, silá ang katun~gong nagmamakaawa na huwag nang gawín iyong pagbababa sa dating upahá't kabayaráng takda.
Datapwa, ang ganid, sa wikang matigás, (labis pa sa bagsík n~g sadyang may pilak) ay inalimura iyong mahihirap, at saka matapos pan~galán n~g tamád ay di ibinigáy ang ukol na bayad.
--Kayó'y m~ga hungháng, m~ga waláng isip, ibig pang lumampás sa puhunang kabig; kung ayaw tumangáp n~g upa kong nais, kayó ang bahala; n~gayón di'y umalís at baka abutin ang akó'y magalit.
At biglang iniwan ang m~ga kausap, matapos masambít ang ilán pang sumbát, (na ating natalós sa dakong itaas); doon na nangyaring si Teta'y hinaráp na ang katapusá'y tampál na malakás.
Siya ay iniwan na hilóhiló pa niyong namumuhing mahinhíng dalaga, dapwa'y nang magbalík ang diwang nágitlá'y nag-alab ang poot at ang pinagmurá'y ang m~ga upaháng kapulong na una.
At saka nagbihis n~g lubhang madali, sinunda't hinabol iyong mananahi, hindi na ininó ang pamimighati n~g m~ga upaháng nan~gaglulungatíng ibigáy ang upang ukol sa nayari.
¿Iláng m~ga lunó't matandang magulang, iláng m~ga anák at asawang hirang ang hindi kakain sa gayóng inasal niyong walang lin~gap!? Kaya 't pinasukan din n~g pagn~gin~gitn~git ang m~ga upahán.