Ang mga Anak Dalita

Part 1

Chapter 1 4,008 words Public domain Markdown

Produced by Tamiko I. Camacho, Pilar Somoza, and the Online Distributed Proofreading Team at http://www.pgdp.net Handog ng Proyektong Gutenberg ng Pilipinas para sa pagpapahalaga ng panitikang Pilipino. (http://www.gutenberg.ph)

[Transcriber's note: Tilde g in old Tagalog which is no longer used is marked as ~g.]

[Paalala ng nagsalin: May kilay ang mga salitang "ng, mga," at iba pa upang ipakita ang dating estilo sa pag-sulat ng Tagalog na sa ngayon ay hindi na ginagamit.]

=ANG M~GA=

=ANÁK DÁLITA=

(NOBELANG TAGALOG)

SINULAT NI

Patricio Mariano

UNANG PAGKALIMBAG

=MAYNILA: 1911=

=Limbagan at Aklatan ni I.R. Morales Liwasang Miranda, 11-13, Kiyapo.=

=Sa mañga binibining manggagawa.=

_Sa inyóng may mura at mahinang bisig na maghapong araw, sa sipag, ay gamit, sa inyó ko handóg yaríng aking awit, bilang paghan~ga ko sa pagmamasákit na inyóng itanggól, sa tulong n~g pawis, ang sariling búhay at tagláy na linis._

Pat. MARIANO.

=Sa bábasa.=

Kaibigan ka man ó di kapanalig, kasuyo ó hindi, kaaway ó kabig, di ko hiníhin~ging huwag mong isulit, sa akin, ang pula na ibig ikapit.

Di ko mawiwikang ipagpaumanhín ang mali ó lisya na iyong mápansín, sabihin mong lahát ang ibig bangitín; may kalayaan ka, di ko sinisiíl.

Di akó gagaya sa ibáng katulad na hihin~ging awa ó ipahahayag na kutád ang isip at bubót ang hagap; kapós palá'y ¿bakit nan~gahás sumulat?

Kaya n~ga't antáy ko ang iyong pasiya yamang ikáw'y siyang susuri't lalasa; n~guni't ang hilíng ko'y _pintás pantás_ sana ang iyong gamitin sa m~ga mábasa.

Di ikasásama nitóng kalooban, pintasán man itó, n~guni't tama lamang; ang dáramdamín ko'y ikáw ang wikaang: _mangmáng palá'y ibig magdunóng-dunun~gan._

Kaya n~ga't bago ka magsabi n~g hatol ay magnilay muna, gamitin ang dunong (kung matalino ka) at saká ipatong ang wíwikain mong di na mahahabol.

Dapwa't, kung sakali, namáng, ang mangyari'y dúdulutan akó n~g iyóng papuri,...... ¡Maraming salamat! (maraming marami) n~guni't nilayin din na lubhang mabuti.

Pagka't ang _tawa_ man, kapág nábulalás ay hindi na _tawa_ kung hindi halakhák; labis na puri'y, karaniwang banság, kung minsan ay _tuya't_ kung minsan ay _libák._

_ANG KUMATHA._

=Ang mañga anák dálita.=

I.

SI TETA.

Sa isáng tahanang lubhang marálita na áalan~gán pa sa pan~galang dampa'y may isáng babaing yayát at matandá na wari'y may sakít, kaya't nakahiga.

Sa kaniyang siping, na abót n~g kamáy, ay may isáng mangkók na lugaw ang lamán at sa dakong paa'y mayroong uupán na wari'y gawa pa n~g amáng si Adán.

Ang tan~ging kasama n~g sangkáp na itó ay isáng tampipi't isáng _baul mundo,_ isáng panahian, kaputol na kayo at ilang balumbón n~g sutlang naguló.

Ang lahát n~g iyo'y siyáng kayamanan niyóng maralita't babaing may damdám kung di mápupuná ang isáng larawan n~g himalang gandá na nasa batalán.

Isáng binibining ang tindíg at anyo, ay nakaáakay sa gawang sumuyo at ang kanyáng titig na lubhang maamo ay makabibihag sa alín mang puso.

Yaóng m~ga pisn~gí, na nagnakaw mandín n~g kulay sa _rosa't_ sa magandáng _jazmin,_ ay natítimban~gán n~g matáng maitím na wari'y hahalay sa m~ga bituín.

Ang isáng makapál at mahabang buhók na nábabalumbón sa malakíng pusód ay inalong dagat ang nákakaayos dahilán sa inam n~g pagkakakulót.

Itó ang himalang hindi nábibilang sa m~ga nákita na hiyas sa bahay, kahit masasabing sa kahalagahan ay siya ang lalong palamuting mahál.

Lalo't kung mabatíd na siya ang anák n~g babaing iyong sa sakít ay lagmák, at siya ang isáng tan~ging naghahanap at nagmamasakit sa buhay na salát.

Siya ang paroon, siya ang parito, gawa niya yaón, gawá niya itó, sa maghapong araw, ang mahinang butó, ay di natitigil n~g kahit gaano.

At sa dinádaláng sadyáng kaliksiha'y kasangkáp na tagláy iyóng kabaitan, kaya't kahit sinong magíng kapanayám, ay nan~gawiwili na siya'y pakingán.

Sa unang sandaling ating pagkákita ay damít ang pigil at siya'y naglabá at nang makatapos, tinignán ang iná kung sa pagkáhiga ay nakaban~gon na.

N~guni't nang inabot ang ináng may sakít ay di kumikilos sa hihigáng baníg, kaya't tinulun~gan, sa gawang pagtindíg, upang ang pagkain ay huwag lumamíg.

Kanyáng iniupo ang ináng may damdám, at saká kinuha ang laang linugaw; --Kumain ka iná--ang wikang tinuran-- n~g upáng lumakás ang iyong katawán.

--Ay giliw kong bunso--ang sa ináng turing-- kung tayo'y mayaman, di mo sasapitin ang hirap na itóng wari'y sapínsapín na nagpapasasang sa ati'y umiríng.

Kundi bagá gayó'y akóng isáng iná na dapat tumulong ay nakadagdág pa sa m~ga gáwaing iyong dinádalá, sa paghahagiláp niyong kakanin ta?

Ang tao n~ga palá, sa mundóng ibabaw, ay dapat mag-impók n~g ukol sa buhay, pagka't kung humina'y walang pagkukunan ... "ang hindi nagbaló'y walang tatan~garan".

At pag sumapit na sa panahóng salát ay walang sulin~gang dapat maapuhap at ang nálalabíng kaya niyong palad ay ang maghinagpís, tuman~gis, umiyak.

Gaya na n~ga nitóng sa ati'y sumapit, salát na salát na, akó pa'y may sakít, at ang kahinaan niyang iyong bisig na murang mura pa'y siyang kinakatig.

Ikáw, sa maghapo'y walang hintong gawa at di dumadaíng kahit ka na pata ¿sinong pusong iná ang di maáawa sa isáng gaya mong labis mag-aruga?

--Aanhín mo iná, sa tayo'y mahirap, --ang maamong sabi n~g giliw na anák-- n~guni kahit tayo madalás magsalát ay wala sa atin namáng isusumbát.

Ang tan~gi ko lamang ikinalulumbáy ay ang di paggalíng n~g sakít mo ináng; kung sa ganáng akin salát ó mayaman pag nasa piling mo'y ligaya n~g tunay.

¿Aanhín ang buhay na lubhang pasasa kundi mákikita ang iná kong mutya? ¿aanhín ang laging walang ginagawa kung ikáw iná ko'y dí kinákalin~ga?

Mahan~ga'y ganitóng laging nasasalát at sa bawa't kilos kitá'y nayayakap; ang yaman, sa akin, ay hindi ang pilak kundi ang matamís na iyong pagliyag.

Mawika ang gayón, sa noo'y hinagkán at saka niyakap ang ináng magulang; --Itó ang yaman ko--ang muling tinuran-- at itó ang tan~ging aking kasayahan.

Matapos masunód ang nasang paghalík, isinakandun~gan ang ináng may sakít. ¡Oh! gayón na lamang ang bukong pag-ibig at gayón na lamang ang likás na baít.

[Larawan: Dalawang babae]

II.

ANG MAG-INÁ.

¡Giliw n~g pag-giliw! Kung ang pagmamahál ay ipagagawa n~g sadyang larawan, ang anyo at umpók at ayos na lagáy n~g ating mag-iná, ang dapat huwarán.

Mapalad ang dukha na sa kasalatá'y may kumakalin~ga't dibdíb na hiligán, sapagka't ang gayóng laging kalayawa'y hindi mábibilí n~g gano mang yaman.

¡Ilán ang may pilak na sa karamdaman ay wala mang sukat tumin~gí't dumamay! sakaling mayroon, iyón ay upahán, ¡upaháng pagsuyo'y walang kabuluhán!

Sandali'y lumipas sa pagayóng anyo't nang nasiyahan na ang sabík na puso, iná'y pinakain, n~g irog na bunso, sa tulong n~g iláng maliit na subo.

Datapwa't sa bagsík niyong kasawiá'y kumilos ang iná't tasa'y tinamaán at ang nálalabíng kaunting linugaw ay tumapong lahát sa silong n~g bahay:

Sa gayóng nangyari, kapuwa nagitlá ang dalagang hirang at salantang iná, itó'y sa dahiláng nababatid niya na sa kinásidlá'y walang nátitira.

At walang kakanin ang anák na mahál pagka't walang bigás ó kusíng man lamang na sukat ibilí n~g ikabubuhay na mailuluto hanggáng sa hapunan.

Si Tetay, gayon dín, pinasukang hapís, dahil sa nátapon ang lugaw sa sahíg, gayóng wala siyang ibibilí, kahit, n~g sapát man lamang sa ináng may sakít.

Datapwa't gayón ma'y di nagpahalata, sa kanyáng kandun~gan, iná'y ibinaba, dinampót ang mangkók, pinahid ang basa, at waring lálabas, tun~go'y sa kusina.

--Mag antáy ka muna at aking kukunin ang nátirang lugaw--ang wikang mahinhín-- --¿At kukunin mo pa?--ang sa ináng turing-- ¿Kung gayón ay anó ang iyong kakanin?

Alám kong kagabí'y di ka naghapunan at hangáng sa n~gayó'y di nag-aagahan, kundí pa kakain n~g pananghalian ¿anó ang daratnín n~g iyong katawán?

Hapo sa paggawa, kulang sa pagtulog, ang sa sarili mo'y hindi inaayos, kung ikáw'y mapata, ilayó n~g Dios, ¿sino ang sa akí'y titin~gín n~g lubós?

Ang sagót n~g anák--Ay giliw kong iná, kung sa ganang aki'y huwag mag-alala. sapagka't sa kalá'y lubhang marami pa na makakain ko kung matapos ka na.

--Anóng pagkagandáng kasinun~galin~gan!-- ang wika n~g iná sa anák na mahal-- oo't mayroon pa, sakaling balun~gan ang palyók na tuyó na nasa sa kalán.

Sa gayóng nádin~gíg, si Teta'y nán~giti pagka't batíd niyang ang iná'y di mali, n~guni't ang hinala ni Ata'y pinawi sa magandáng sabing nakabibighani.

--Maniwala iná't tunay na mayroón at di kailan~gan ang siya'y bumalong, kung sa ganáng aki'y di pa nagugutom kanya't kukunin ko ang nátira doón.

Upáng sa sakít mo'y hindi makadagdág iyang kakulan~gán sa kakaning sapát at kung may malabí, iyon na ay sukat na itatagál ko sa maghapong singkád.

Masabi ang gayón, kalán ay tinun~go't walang itinirá kahit isáng mumo, n~guni't n~g makitang kaunting totoó ang nakuha niya, ang puso'y nanglomó.

Pagka't magtipíd man ang kanyang maysakít, ang gayóng karami'y kulang at di labis; dito namighati ang masuyong dibdíb at luha'y tumulo sa lakí n~g sákit.

Papanong di siya lubhang magdáramdam sa wala n~g sukat dapat na asahang makapagbibigay ó mauutan~gan n~g ipamimilí sa kinabukasan.

Kaya't n~g pumasok na dalá ang tasa ay hindi napigil ang luha sa matá, datapwa'y sa nasang ilihim sa iná ay nagpakunwaring siya'y tumatawa.

Ang ina'y namangha sa nakitang anyo n~g bugtóng na anák at giliw na bunso: waring nakan~giti, luha'y tumutulo, bibig nakatawa't matá'y namumugto.

--¿Anó ka mayroon?--ang tanóng ni Ata-- ¿anó't namumugto iyang m~ga mata? ¿anó ang hapis mo, bakit di ibadyá? --ang kay Tetang tugo'y--Walang bagay iná.

Naalala lamang na kungdi ihatid yaríng aking tahing panyong maliliit ay wala na tayong sukat ipangtawid sa loob n~g araw n~g lingong sasapit.

Kaya't kung ibig mo, ináng ginigiliw, ay maghinahon na't ikaw ay kumain, n~g upáng matapos ang aking tahii't aking maihatíd sa n~gayón n~gayón din.

--Ikáw na anák ko ang siyang humigop niyang nátitirang nakuha sa palyók --ang wika n~g ináng halos nalulunod sa lakí n~g dusang sa puso'y nagdoop.

Dito na nangyari ang pagpipilitán, n~g bugtóng na anák at sintáng magulang; aayaw ang isá't ang isá ay ayaw, na wari'y kapuwa busóg na n~gang tunay.

Kahit mapag-aba't matigás na dibdíb ang sa anyong iyo'y minsang makásilip ay mahahabág di't pápasukang pilit niyong pagkaawa sa mag-ináng ibig.

Pagka't ang kaniláng pagpapasunuran ay buko n~g isáng boong pagmamahál, ang ibig ni Ata'y mabusóg si Tetay at si Tetay namá'y ang kanyáng magulang.

¿Sino n~ga bang iná ang makababatá na hindi kumain ang anák na sintá? n~guni't sinong anák ang makakakaya na makitang gutóm ang giliw na iná?

Kaya't ang nangyari, silá'y nagkásundo na ang bawa't isá'y tig-iisang subo doon sa nálabí na pagkaing luto na kaunting lugaw ina may luhang halo!

III.

¡GUMIGILIW!

At n~g makatapos, iná'y pinagyama't saka iniupo sa sadyang luklukan na kahit sira na'y mayroong hiligán na nakasasaló sa dakong likurán.

At siya'y lumuklók sa dakong ibaba upáng bigyang hanggá ang náhintong gawa, n~guni't anóng lakí n~g tinamóng mangha nang ang panahia'y kanyáng mausisa.

Sapagka't sa loob n~g kanyáng tahiin ay may nakatagong kaputol na _papel_ na hindi mabatíd kung saan nangaling, kaya't itinanóng sa inang kapiling.

--¿Sino ang may dalá n~g sulat na itó? ¿naparito bagá kanina si Pedro?-- --Oo--aní Ata--siyang nakita ko na tan~ging gumaláw n~g panahian mo.

At saka umalís na tila may lumbáy sapagka't malungkót niyong magpaalam at ang idinugtóng sa huling tinura'y ang bábalík siya sa katanghalian.

Ang puso ni Tetay ay halos tumahíp sa sabi ni Ata na kanyáng nadin~gíg, pagka't hindi niya lubós na maisip ang pinanggalin~gan n~g gayóng ligalig.

¿Anó't ginawa pa ang siya'y sulatan? ¿anó ang sa _papel_ ay nápapalamán? yaó'y talinghaga, kaya n~ga't binuksán, upang mapagtanto ang lamán n~g liham.

Dátapwa ... ¡Oh lan~git! Di pa natatapos sa kanyáng pagbasa, ang luha'y umagos, at sabáy sa isáng matinding himutók, mukha'y nápatun~gó't kamáy pinagduóp.

Si Ata'y nágulat sa gayong nákita at biglang tinanóng ang anák na sintá. --Ay iná kong giliw! Anáng pagkapaklá nitóng kapalarang aking dinadalá!

Akó, inang irog, ay lubhang mapalad sa gitna n~g ating madlang paghihirap at yaring dibdíb ko'y lubós na panatag at walang ligalig akóng mátatawag.

Datapwa't aywán ko, aywán ko kung bakit at di ko mapigil ang paghihinagpís dahil sa paglayong sa sulat sinambít n~g kapuwa bata't kalaro kong ibig.

Yaríng abáng puso'y nalulunod mandín sa bayóng malakas nitóng paninimdim, na sakasakali na tayo'y lisanin ay baka hindi na muling mákapiling.

Aywán ko kung bakit, n~guni't yaríng luha ay di ko mapigil sa kanyáng pagbaha at kung gunitaín ang bawa't salita n~g sulat na itó, akó'y nanglálata.

At diwang ang aking boong kaluluwa ay nababalutan n~g matinding dusa ... ¿anó kaya itó?--Iyan ay pagsintá-- ang pan~giting sagót n~g giliw na iná.

--¡Oh! pagsintá itó?--Ang tanóng ni Tetay na tutóp ang dibdíb n~g dalawang kamáy, --Oo, aking anák; iyang pagmamahál na tinátagláy mo ay pagsintáng tunay.

Iyan ang larawan n~g isáng paggiliw na anák n~g iyóng pagirog na lihim; di mo natatanto pagka't nahihimbing, sa kapayapaan, ang iyong panimdím.

N~guni't n~g magdamdám n~g munting gambala, gaya n~g paglayong hindi inakala'y sumilakbóng agád ang pamamayapa, at nagpakilala sa sabík na nasa.

Iyan ang nangyari sa bata mong puso na di nakabatíd n~g iba pang suyo liban sa malambíng at tapát na samo nitóng iyong ináng matanda na't hapo.

Malaon nang lubhang aking naramdamán ang inyóng matapát na pagsusuyuan, n~guni't di pinigil, bagkús binayaan ang binhi n~g inyóng sintáng tinatagláy.

Sapagka't alám kong totoong malinis ang pagsusuyuang inyóng ginagamit ... --Kung gayón, iná ko--ang kay Tetang sulit-- ¿ang unang silakbó n~g sintá'y pasakit?

Diyata't hindi na mangyaring mabatyág ang lasáp n~g sintá kungdi sa pahirap? --Hindi namán gayón--ang sa ináng saad-- kung minsa'y ganyán n~ga't kung minsa'y malunas:

Kung minsan, sa piling n~g kapayapaa'y núnukál ang binhi n~g pagmamahalan at sa pagtatama n~g dalawáng simpán, ang muntíng sandali, ay nagiging tuláy.

Upang ang pagsuyong sabik sa pahayag ay magpakilala sa irog at liyag at ang puso namáng nagtimping maluwat ay magpahalata n~g kanyáng paglin~gap.

Sapagka't ang sintá ay hawig sa puno na ang binhi niya'y ang n~galang pagsuyo at pinakadilig, nang upáng lumago, ay ang katamisan n~g m~ga pagsamo.

Kahit na maunlád ang kanyáng paglakí ay di mahalata nang may daláng kasi, kungdi matatangki't mapagmunimuni na may ibáng nasa ang pusong sakbibi.

Nasáng náhahawig sa isáng gunita, nasa na animo'y uhaw ang kamukha, n~guni't kung suriin ay mahahalata na ibá ang ayos, at iba n~gang sadya.

Sapagka't ang dating iyong pagmamahál sa ibáng kilalá't m~ga kaibigan ay hindi rin iyon ang suyong bubukál sa isáng pagsintá na bagong dinamdám.

Yaón ay taganás na pagmamasakit, pagpapaumanhí't pakikikapatíd, n~guni't itóng isá'y damdaming matamís na may panibugho't madlang pagtitiís.

Ang bawa't salita nitóng nan~gun~gusap, sa dibdib ni Teta ay nagpapahirap, pagka't unti unting kanyáng námamalas na pawa n~gang tunay ang sa ináng saad.

Kaya't, ang kaniyáng kamáy, pinagduop, sa haráp n~g iná'y biglang nápaluhód, at sabáy sa luhang sa matá'y nanagos, náwikang:--¡Iná ko, akó'y umiirog!

Kung yaring hinagpís nitóng kaluluwa at pagkabagabag n~g damdaming dalá ay tanda n~g aking paggiliw sa kanyá.... ¡patawad, iná ko!... akó'y sumisintá!...

--Patawad! ¿at bakit?--ang kay Atang turing, na lubhang masuyo, sa anák na giliw. --Pagka't nagawa kong sa iyo'y maglihim n~g damdaming dalá n~g puso't panimdím.

IV.

SI PEDRO.

Isáng manggagawa, ginoo n~g sipag, mabikas ang tindíg, noo'y aliwalas, di mayamang suot ay nagpapahayag, na siya'y matalik na kawal ni "Hirap".

Ang magandáng tin~gi'y nagpapahalata n~g ugaling mahál, kahit marálita, at ang kanyáng labi'y hindi nagbabala n~g asal na ganid n~g m~ga kuhila.

Itó ang binatang bigláng nakiluhód, sa harap ni Atang nápagitlá halos, na sabáy ang sabing:--Salamat, sa loob na ipinatanaw sa aking pag-irog.

Ang ating dalaga'y nagulumihanan, pagka't nákilalang silá'y nápakingán ninyong kapwa-batang kanyáng minámahál at iniirog pa nang higít sa buhay.

Mukha'y itinun~go n~g ating dalaga at ayaw isilay ang magandáng matá; waring nahihiya nang _ang lihim niya ay hindi na lihim_ sa tunay na sintá.

Ang ináng may sakít, na siyang matanda na nakatataho n~g damdaming bata, ay siyang sumagót n~g tugóng payapa sa pamamagitan n~g ganitóng wika:

--Oo, tunay Pedro; ang iyong pag-ibig ay malaon na n~gang may sadyang kapalít at kahit nangyaring malabis kong batíd ay hindi humadláng, bagkus nanahimik.

Sapagka't alám kong ang iyong paggiliw sa sintá kong Teta'y lubhang taimtím at walang gabahid na ikadudusing n~g tagláy na puring kanyáng inaangkín.

Batíd ko rin namáng sa isáng gaya mo ay lubhang malayo ang ugaling lilo, kaya't pinayagang ikáw ang magtamó sa pusong malinis n~g sintáng anák ko.

Datapwa't ang tan~ging aking dináramdám ay ang lagáy naming lipos kasalatán at wala na mandíng mábangít na yaman liban na sa dagsa nitóng kahirapan.

--Iná ko, sukat na ¿yaman pa'y aanhín kung isáng biyaya ang magiging akin? at saka sa kulay n~g aking paggiliw ay di náhahalo ang sa yamang ningníng.

Akó'y inianák sa pagdadalita at kámpón ni _Hirap_ sapol pagkabata. musmós pa man halos bísig ko'y pinata at nagíng kawal na n~g haring _Paggawa._

Ang tan~gi ko lamang pinakahahanap ay ang isáng pusong mayaman sa lin~gap at ang pusong itó'y aking natatatap na si Tetay lamang ang siyáng may in~gat.

Datapwa'y gayón man, kahit aking batíd, na, sa sarili ko, siya'y iniibig ay hindi ginawang aking ipagsulit, sa tunay na irog, ang lamán n~g dibdíb.

At talagá sanang aking itatago nang lubhang malalim sa loob n~g puso, at baka sakaling ang kanyáng pagsuyo ay naidulot na sa ibáng sumamo.

At kungdi nangyaring akíng nápakingán ang m~ga salita n~g irog kong Tetay, salitang nagbukás niyong kalan~gitán sa palad kong aba, di sana nagsaysáy.

--Irog!... Sinun~galing!--ang wikang banayad n~g ating dalaga--kung akó ay liyag, ¿bakit mo nagawa ang lálayo't sukat, gaya nang tinuran sa iyong sinulat?

--Iná naming irog; ikáw ang humilíng sa anák mong sintáng akó'y patawarin. --Pinatatawad ka, n~guni't sásabihin kung bakit náisip ang kamí'y lisanin.

Kayó'y man~gagtindíg--ang wika ni Ata sa ating binata't sa ating dalaga-- kayo'y magsiupo at saka ibadyá ni Pedro ang sanhi n~g pag-alís niya.

V.

PAGHABÁG N~G PUHUNAN.

Matapos na silá'y makapag-upuan sa papag na siráng ang paá ay kulang, binuksán ni Pedro't agad sinimulán ang sanhing nag-udyók n~g kanyáng pagpanaw:

--Akó'y isáng bugtóng ni amá't ni iná at batíd na ninyóng malaong ulila, kaya n~ga't nangyaring kahit hindi kaya nitóng katawán ko, akó'y nagpaupá.

Gayón na n~ga lamang ang isáng mahirap, na walang mag-ampó't sukat na lumin~gap, dapat ugaliin, ang butó, sa batak kung ibig mabuhay at huwag masalát.

Bukód pa sa roon, ang taong may dan~gal ay dapat batakin ang butó't magpagal, at huwag mabuhay n~g hambáhambalang ó kaya'y umasa sa m~ga sugalan.

Kahit may salapi't nakaririwasa kung ang pamumuhay ay pagalagala at di ginagamit ang butó sa gawa, ay tinatawag din namáng: _hampáslupa._

Akó ay naglingkód, na bilang nag-aráw, sa isáng gawaan n~g di kababayan, n~guni't sa pagpasok ay may kasunduang kung maraming gawa'y may upang katimbang.

Inihalál akóng magíng katiwala sa isáng pulutóng niyóng manggagawa. na kagaya ko ring pawang maralita n~guni't lalong salát sa kaya at haka.

¡M~ga abang tao! ¿anong sasapitin? súsunód na lamang sa bawa't sabihin, kung busabusaang animo alipin ay wala n~g kibó't mababa ang tin~gín.

Paano'y, ang mangmáng, kahi't may matuwid, ay umíd ang dila at pipi ang bibig; laging nananan~gan sa tuntuning lihís na _kabaitan_, daw, _ang hindi pag-imík._

Sa gayón n~g gayó'y nákaugalian n~g nan~gan~gasiwa ang paglapastan~gan ... waláng bigong kilos na hindi may tampál, suntók, sikad, batok, sa munting magkulang.

¡O, gayón na lamang ang pag-alipusta sa inuupahang m~ga maralita! ibayo't ibayo ang dagdág sa gawa at sa upa namán ay baba n~g baba.

Datapwa't ang tao'y hindi makadaíng pagka't natatakot na silá'y alisín, dahil sa maraming kahit na gayonín ay nakikiagáw, dahil sa kakanin.

Sa bawa't umalís na isáng pinasláng ay sampu ang palít na nag-uunahán, kahit na mababa ang upang ibigáy ay tatangapín ding walang agam-agam.

Nakikita itó n~g lilong mayama't ikinatutuwa ang pagayóng asal n~g nagpapaupá, kaya't kadalasa'y malaon mang lingkód ay di tinitingnán.

Sa munting magkulang ang kahi't na sino, magíng matanda man ó kaya ay bago, daglíng áalisin at tamád dikono kahit na ang sanhi'y may sakít ang tao.

Ang ibig mangyari n~g namumuhunan ay ibaibayo ang tubong mákamtán, dapwa't ang katulong na _puhunang pagál_ ay huwag magtamó n~g milmá man lamang.

¿Paanong di gayón, ay hindi kabalát? ¡ang puhunang dayo ay walang paglin~gap..! ¿anó kung mamatáy tayo ritong lahát yumaman lang silá't magbalón n~g pilak?

¿Sa kanilá'y anó kung tayo'y masawi, masasawi bagá ang kanilang lahi? silá ay dayuha't dayo ang salapi, kahit makaapí'y walang n~gimin~gimi.

VI.

HIRÁP ANG MAHIRAP.

Ang bagay na itó'y mapaglalabanan kung ang mangagawa'y man~gagtútulun~gán, n~guni't hindi gayó't bagkús ang irin~ga'y siyang naghahari sa m~ga upahán.

Madalás, na, silá ang nan~gaguudyók n~g upáng ang ibá'y magtamóng pag-ayop; silá, sa kasama, ang nan~gaglúlubóg sa nasang maagaw ang sa ibáng sahod.

Ang pusong masakím (n~g sahól sa kaya) ay walang dalahin kungdi ang mamansá n~g madlang pagdusta sa galáw n~g ibá yamang di mangyaring mapantayán niya.

Si Inggit, si Lihim, si Dimapagtapát ay siyang sambahing laging náuunlák, samantala namáng sa luha'y násadlák si Damay, si Tulong, si Ampó't si Lin~gap.

Walang bigong kilos na hindi kaaway niyong mangagawa ang kapwa upahán, na mapagmapurí't dila ang tangulang ipinangtutulong sa namumuhunan.

Sa madaling sabi: di lamang ang lupít n~g lilong salapi ang nakaiinís, kung hindi sampu pa n~g ugaling ganid n~g kaisang uring taksíl sa kapatíd.

Kaya't matatawag na silá ang uway na laging panggapos sa m~ga kawayan; silá ang kapatíd, silá ang kakulay at siláng silá rin ang nakamamatáy.

Mahalagá't tunay iyong sáwikaíng: "hiráp ang mahirap sa anomang gawín; hiráp sa harapán n~g umaalipin at hiráp sa asal n~g kasamang taksíl".

Ang bagay na itó'y siyang nangyayari sa pinapasuka't gawaan kong dati, kaya't náisip kong makapagsarilí ó masok sa ibáng hindi mapang-apí.

Sapagka't sa aking m~ga kasamahán ay wala ang budhing marunong dumamay, silá silá na rin ang nag-iinisan gayóng ang marapat ay ang magtulun~gán.

Sa gayóng pahayag, si Ata'y sumagót n~g payong maraha't salitang malambót, na anyá'y:--Anák ko, huwag panibulos sa bigláng sigabó n~g bata mong loob.

Kahit anóng gandá sa bigla mong tin~gí'y huwag na mabulag ang iyong damdamin, hindi pawang ginto ang nan~gagniningníng, maná pa'y marami ang magíng kalaín.

«Maging anóng buti n~g hindi kilala'y mahirap timban~gán kay sa kilala na» iyong pag-usiging huwag kang mapara sa isáng nangyari. Ikaw'y manain~ga:

VII.

ISANG ALAMAT NI ATA.

«Sa isáng lupaíng lubhang maligaya na tapát n~g lan~git na laging masayá'y may Mutyang sumibol na tan~gi sa gandá at nakawiwili sa tumin~gíng matá.

Kaya't ang sino mang sa kanyá'y lumapit ay nabibighaning sumuyo't umibig at walang matigás, ni bakal na dibdib, na hindi naakay n~g tagláy na dikít.

Siya'y mapayapa at walang ligamgám, puso'y náhihimbíng at laging tiwasáy, walang ninanasa kungdi ang mabuhay na lubhang malaya, sa katahimikan.

Maná isáng araw, na di iniisip, siya'y linapitan n~g Dulóng na ganid, na tagláy ang nasa at tangkang magahís ang yaman at gandá n~g Mutyang marikít.

Datapwa't ang budhing hindi nan~gan~galay mag-iwi sa isáng boong kalayaan ay hindi umayon, at sa kalakasan n~g Dulóng ay lakás ang ipinatanáw.

Ang mahinhíng asal ay bigláng pinawi, sa n~gipin ay n~gipin ang itinungalí, hanggáng sa mangyaring ang palalong budhi n~g manggagahasa'y nagbago n~g uri.