# Ang Mestisa. Ikalawang Bahagi (Second Volume)

## Part 3

Book page: https://www.cyberlibrary.org/tl/books/ang-mestisa-ikalawang-bahagi-second-volume-13773/index.md

Si Martinez na sadyang may ugaling di makapagsarili n~g lihim, at si Dr. Nicandro na masasabi namang halos mahibanghibang na sa n~galan at larawan n~g mestisa, ay kapwa hindi gumamit noon n~g pagkakaila at ang tuyo at lagay n~g isa ay ganap na sumakaalaman n~g isa pa. Anopa't sa wakas n~g kanilang salitaang iyon ay lubusang napagtalastas n~g isa't isa na sila ay kapwa nabibilang sa m~ga lalaking gayong pinagpapakitaan n~g mabuting loob ni Elsa ay kung ano't hindi naman magkamit n~g kanilang minimithimithi. At kapwa sila umamin, lubha pa nitong masalubong n~ga nilang kasarilihan ni Elsa sa dilim n~g gabi si Tirso, na ang m~ga lakad n~g makatang ito ay talagang malayo na ang nararating na kung pakahahabulin pa nila'y dili ang hindi mangyari ang sila'y uyamuyamin at n~gisihan na lamang.

--Wala na tayong nararapat gawin, G. Martinez, kundi ang pawiin na sa ating alaala ang mestisang iyan, ang wika n~g manggagamot nang maparaan sa lalamunan ang unang tungga n~g nakalalasing na inumin.

--¡Ah! Kung sa ganang akin n~ga ay walangwala na ang lahat,--iniayon naman n~g pinagpayuhan.--N~guni't ang hindi lamang yata karakarakang mapaparam sa gunita ko ay ang di mabuting iginanti sa akin n~g lalaking pinautan~gan ko n~g magandang kalooban: si Silveira. Ang ginawi n~g lalaking ito anhin ko mang limii'y humihin~gi n~g nababagay na kapalit, n~g nauukol na paghihiganti....

--¡Hintay kayo!--biglang inihadlang ni Dr. Nicandro sa pan~gun~gusap ni Martinez, at ang m~ga mata'y palihim na itinudla't saka binawi sa dalawa pang lalaking nasa isang mesitang di lubhang kalayuan sa kanila,--Sa may tinatalikuran nati'y tila nauulinigan kong ang pinaguusapa'y dili iba't ang pinaguusapan din natin. ¿Ibig ba ninyong makimatyag?

Ang dalawa ay kapwa nanahimik at tinalasan n~g tayn~ga ang sinasabi n~g nasa kanilang likuran na nang kanilang lin~guni'y hindi naman namukhaan.

At ang narinig nila:

--¡Ganoon ang lalaki! ¡Nasusulit ang pagod! Hindi paris mong sa pamamalakaya sa mestisang iyan ay panay na "talo" at walang "panalo"....

--Ang sabihin mo'y lalong mapalad siya kaysa akin. ¿At ano? Kung ako ang nasa katayuan ni Silveira, ¡hindi ko masabi kung saan na kami nakarating!

--¿Ibig mo bang sabihi'y hindi mo magagawa ang paris n~g ginagawa ni Silveira?

--Ang sinasabi ko ay magagawa ko ang paris n~g iyong hinahan~gaan sa kanya, kung ako ang nagkaroon n~g kapalarang maghari sa kalooban at pagibig ni Elsa.

--¡Ikaw pala! Sa salitaang nauukol sa babaeng mestisa, ay di na kailan~gan ang paghahanap o paghihintay n~g kapalaran. Ang pagkakapalad n~g isang gaya natin sa harap n~g mestisa, ay di sa mestisa nanggagaling kundi sa atin din. Ang mestisa ay hindi kagaya n~g ating m~ga babaeng ibig na'y ayaw pa. Ang kaibang sangkap n~g dugo n~g isang paris ni Elsa ang nagbibigay sa kanya n~g kaibhan sa wagas na pilipina. Kung sa bagay ay di ko natatalos ang "hulo at luwasan" n~g m~ga lakad sa kanya ni Silveira, n~guni't gayon ma'y hinuhulaan kong kung nagkapalad man ang lalaking iyan ay sapagka't natutuhan niyang tugunan ang m~ga lihim na han~garin n~g mestisa. Nalurok niyang si Elsa ay may kaluluwa na laging nauuhaw sa hamog n~g kabataan, na ang puso'y lahad na parati sa dilig n~g sarisaring aliw na idinudulot n~g kamunduhan; si Silveira nama'y walang sinayang na pagkakataon, at ang lahat n~g iyo'y kanyang inihahandog n~g ubos kaya ... At kung kayo n~g makatang iya'y may pagkakaiba, ay sa dakong iyan kayo talagang nagkakalayo.

--N~guni't si Elsa Balboa ay hindi paris n~g balanang mestisa. Sa dinamidami n~g naaamuyan kong nan~gin~gibig sa kanya, ay iisa lamang naman si Silveira na nakalalamang sa akin. Di siya katulad n~g ibig mong ilarawan na may pusong tuwina'y may pitak sa sangdaan mang pan~galan.

--Kung bagaman ay sa dahilang hangga n~gayo'y nagiisa pa rin si Silveira na natututong bumagay sa maiinit na sulak n~g dugo ni Elsa. Subukin mong gawin ang m~ga "kasanayan" n~g makatang iyan, at makikita mong ako'y hindi nagpapakalabis sa aking m~ga hakahaka.

--¡Aywan n~ga ba sa mestisang iyan!...

--Paris n~gayon: ¿ano ang napanood natin? Samantalang ikaw at ang tanang paris mong tutulogtulog ang damdami't waring naglalaway sanhi sa pagkatin~gala sa isang manggang nakabitin sa puno, si Silveira naman ay boong pagwawaging nagdaan sa harap nati't kakawit-bisig ang mestisa na pumanhik sa isang _hotel_....

Pagkarinig nina Dr. Nicandro't Martinez sa dakong ito n~g salitaan n~g dalawang lalaking hindi nakikilala, bagaman alan~gang asalin n~g gaya nila ay kapwa sila nagtangkang makilahok sa gayong paguusap, upang kung sakasakali'y kanilang matalos kung aling _hotel_ ang binanggit na iyon. Datapwa't hindi naman nangyari, palibhasa ay panunod nang nagsilabas noon din sa pintuan n~g tindahan ang m~ga lalaking kinaringgan n~g gayong salitaan.

--¡Si Elsa at si Silveira sa _hotel_ sa ganitong oras! --ang pakagat-labing nasambit ni Martinez.--¡Ah, talagang ang kapalaran ay kanila na!

--Kaya dapat na tayong magpugay sa kanila,--ang wika naman n~g manggagamot.

--N~guni't kung hindi ang buwisit na _negro_, sana'y hindi nila tayo napaglihuan.

At ang dalawa man naman ay nagsilabas na rin.

Sa nais manding ganap na malimutan ang gayong dagok n~g kasaliwaan ay nagkaisang magpapauwi na kapwa n~g bahay at hindi na tuloy makikibahagi sa kasayahang pinagpupuyatan sa lahat n~g dako.

XVIII

MGA PUSONG NAGLALAMAY

--Kinakailangang gamitin ko na n~gayon ang lahat n~g paraang aking magagamit sa ikapagwawagi n~g aking m~ga adhika,--ang naibulong ni Elsa sa kanyang sarili samantalang pinagmamasdan niya ang masasayang kilos ni Tirso nang sila ay nagsasalo n~g boong lugod sa isa sa m~ga mesa n~g "Hotel de Francia".

At may katuwiran si Elsa upang magsaloob n~g ganyang balak. Ang damdamin at palagay na kanyang nadadama sa bawa't kilos at pan~gun~gusap n~g makata nang gabing iyon, ay talagang di na kagaya n~g dating may lamig n~g yelo n~g pagkawalang pakiramdam, kundi may init na n~g apoy n~g isang kaloobang pinapagaalimpuyo n~g lihim na pagiimbot. Ang ginawang paghawak ni Tirso habang nasa kalesa sila sa kanyang dalawang maliliit na kamay na binibigyan pa n~g bahabahagyang pisil na isinasaliw sa kahi't anong sabihin; ang pagpaparinig sa kanya noon n~g m~ga halimbawang may dalawang kahulugan na kung minsa'y makakiliti at kung minsa'y makakalamkam; at ang malimit na paglalagay sa pinggan niya n~g sarisaring ulam nitong nagsasalo na sila; saka ang mahigpit na pagtanggi't pagkakaila ni Tirso nang banggitin niya't pakibalitaan si Teang; ang lahat n~g ito ay m~ga pangyayaring mahigpit sa kailan~gan upang siya, si Elsa, ay magkapaniwalang si Tirso ay dili ang hindi n~ga natatawag na sa di karaniwang alindog na tinataglay n~g kanyang pagkamestisa.

--At ang paraang dapat kong gamiti'y ang lunurin siya sa galak, lasin~gin ang puso niya sa alak n~g aliw at kung mangyayari'y suubin ang kaluluwa niya n~g kamanyang n~g ligaya, hanggang sa pumaimbuyog sa lawak n~g pan~gan~garap ang kanyang diwang kapatid n~g m~ga salamisim,--ang wika pa ni Elsa, habang tanggap siya n~g tanggap sa bawa't putaheng sa kanya'y idulot n~g makatang kapiling.

Sinabayan muna n~g mestisa ang pagtagay n~g _valdepeñas_ ni Tirso bago muling ipinagpatuloy ang lihim na pagduduklay sa sarili n~g ganito:

--Ang ginawa n~g pari sa hihigan ni Teang na natutop ni manang Magda sa tahanan ni tia Basilia ay mabuting ipaghintay ko na muna n~g ibang pagkakataon para ibalita sa kanya sa ayos na magalin~gin ko. Kung iyo'y n~gayon ko sasabihin, anomang balatkayo'y hindi makagigitaw at ang dibdib niya'y papasuking walang sala n~g malaking kalumbayan. Kung magkagayon ay nan~gan~ganib akong maparam na nama't sukat ang ganitong kanyang m~ga kilos at palagay na sa masid ko'y nan~gan~gako n~g aking nalalapit na tagumpay....

--Elsa,--ang sa malambing na tinig ay itinawag sa kanya n~g makatang kasalo, tawag na siyang gumambala sa kanyang pagmumunimuni. --¿Nahuhulaan mo kaya ang sukat isaloob n~g m~ga taong nakamamalas sa ganito nating anyo?...

At ang tanong na iyo'y lalo pang nagparamdam n~g kasiglahan n~g pagasa sa m~ga lamad n~g puso n~g dalaga at siyang nagpapula n~g kanyang mukha sa sandaling iyon. Kaikailan man ay di siya nakaririnig n~g gayong pan~gun~gusap na iniuukol sa kanya ni Tirso. Subali't ¿ano ang marapat niyang itugon?

--Hulaan mo n~ga, Elsa, ang iniisip n~gayon n~g m~ga taong iyang nagtin~gintin~gin sa atin,--ang pan~giti pang saad n~g makata, kasabay ang panakaw na pagpupukol n~g sulyap sa m~ga iba pang taong nagpapasikip sa malaking _hotel_ na iyon.

--¿Hulaan ko?--ang sa di kawasa'y ipinakli n~g mestisa,--Ang aking hula ay iniisip nilang sila'y nakakikita n~g isang lalaki at isang babae na nagsasalo sa mesitang itong ating pinaghaharapan....

--¡Mabuting panghuhula! N~guni't hindi iyan ang ibig kong marinig sa iyo....

--¿At alin pa?

--Nakakikita n~ga sila n~g isang babae't isang lalaki sa mesitang ito; n~guni't ang kung ano ang kanilang ipinalalagay na sanhi n~g ganitong pagsasalo ay siyang ibig kong hulaan mo.

--¿Sanhi n~g pagsasalo? ¡Alin pa kung hindi ang pagkain!

--¡Kay pilyapilya mo!

--¿At ano? ¿hindi ba tama ang aking hula?

--Pagkain n~ga ... subali't ¿magano ang palagay nila sa atin? Alalaong baga: ¿magkapatid o magkaibigan? ¿magkaibigan o magsinggiliw, ¿magsinggiliw o magkaaway?

--¡Magkaaway!...

--¡Diyan ka natalo!

--¿Ikaw: ano ang hula mo?

--¿Ang hula ko? Ang hula ko'y ... itinuturing nilang tayo ay dalawang pusong iisa ang tibukin....

--¡Tirso!...

--¿At ano? ¿Hindi?

--Makikita mo't iiwan kita, kapag ganyan pagkapilyopilyo mo....

--¿Iiwan mo ako? ¿At kanino ka sasama?

--¡Salbahe!

--¿Kung kanino n~ga, eh?

--¡Sa lelang mong panot!

--¡Pilya!

At biglang itinungga ni Tirso ang nalalabing laman n~g kopang nasa harap niya. Pagkatapos ay nagmukhang malungkot, saka itinanong sa mestisa:

--¿Kung iiwan mo n~ga ako, Elsa, ay kanino ka sasama?

--¿Nahihibang ka ba, Tirso? ¿Ano ang nangyayari sa iyo?

--¿Malinaw ang aking pagiisip. Datapwa't nais ko lamang na magkaroon na n~g wakas ang m~ga pagaalinlan~gan ko....

Sumikdo ang dibdib ni Elsa.

--¿Pagaalinlan~gang paano?--kanyang itinanong.--¡Sukat na n~ga, Tirso, iyang m~ga kaululan! Limutin mo muna ang iyong pagkamakata....

--¡Kaululan ... pagkamakata!...

--Ako'y bantad na sa iyo....

--¿Bantad na paano?

--Na ako'y may labis nang pagkakilala na ikaw ay nagsasalitang lumilipad sa malayo ang isip....

--Iyan ang hindinghindi mo mapatutunayan.

--Ako ay may pinagbabatayang m~ga pangyayari....

--¿Pangyayaring ano?

--Itigil mo na muna iyang kaululan, sabi eh ... Ang isipin mo ay kung saan tayo nararapat dumalo pagkakain natin: o sa Pandakan na o magdaan pa kaya sa inyong klub.

--Sa klub muna namin.

--Maging saan man ang tun~go nati'y dapat mong paggayakan kung ano ang imamatuwid mo, sakaling makarating sa m~ga tayn~ga ni Teang ang ganitong ating pakikipaglamay sa kasayahan n~g gabing ito.

--Si Teang ay wala na sa akin, at ni di ko maalaman kung saan siya naroroon sa m~ga oras na ito.

--¿Wala na sa iyo? ¿Ay kapag naalaman mo kung saan siya naroroon?

--Magkagayon ma'y wala akong sukat na ikabahala.

--¿Tunay?

--¡Tunay na tunay!

At ang mestisa ay nan~giti. At ang makata ay napatitig.

--Sabihin mo n~ga, Elsa, kung saan naroon si Teang.--ani Tirso mayamaya.

--¿Sabihin ko sa iyo?--ang tanong n~g dalaga.

--Kahi't wala na siyang anoman sa aki'y ibig ko lamang matalos ang kinadoroonan niya.

--¡Talagang may pagmamalasakit!

--Wala, Elsa....

--Hamo't mayamaya, at kung hindi matuloy ay sa iba nang araw.

Nagkataon namang sa lalapit ang tagapaglingkod na may idinudulot na malamig na sorbetes, bilang pangwakas na nasasaysay sa di pangkaraniwang _menu_ na inihandang pangbagong taon n~g "Hotel de Francia."

Nang sila ay manaog sa gusaling yaon, ay kasunod na nila ang kung anoanong bulun~gan n~g m~ga taong mapagbigay n~g kahulugan sa kahi't anong makitang kilusan n~g isang babae't isang lalaki na gaya na n~ga n~g kina Tirso at Elsa.

--¡Masama ang lagay n~g dalawang iyon!

--Malamang na malayo ang abutin n~g kanilang m~ga lakad....

--Pagkakabisala'y may maipagsusulit silang masarap na ... Bagong Taon n~gayon sa kanikanilang m~ga magulang.

--¡Ang asal n~ga naman n~g kabataan sapanahong ito!

--¡Sa aba n~g m~ga ina at ama na naninibulos n~g pagtitiwala sa kabaitan n~g anak!

* * * * *

At ang mestisa't ang makata, makailang saglit pa, ay kasalamuha na sa di magkamayaw na taong naglisawlisaw mula sa Plaza Moraga hanggang sa pasalapang na dulo n~g Escolta.

Sa m~ga pook na sinabi, gaya n~g ginagawa sa taon-taon, nang gabing iyo'y lumundo ang di mabilang na taong kung saansaang dako nagbuhat, m~ga taong paraparang kinababadhaan sa mukha n~g kagalakang hindi masayod. Sa magkabilang bangketa at hanggang sa gitna n~g lansan~gan ay salusalubong ang m~ga nagbibiruan n~g boong tiwala. Naghihiyawang animo'y m~ga kawal na galing sa pinagwagihang digma. May pinatutunog n~g ubos lakas na m~ga pakakak o tambol, lata o anomang bagay na makatutulong sa kaingayan. Naghahagisan n~g _confetti_ hanggang sa man~gapuwing at man~gasamid. Nagsisiluan n~g mahahabang _serpentina_. Lumalakad n~g papasingpasing; umaanyo n~g katawatawa; nagpapahid sa mukha n~g kung anoanong kulay; n~gumin~gisi, sumisigaw, humahalaklak ... Anopa't kung ang Bathalang sinasamba n~g m~ga taga mundong ito ay siyang tunay na Bathalang nakababatid n~g tanang ginagawa n~g Kanyang m~ga nilikha, ay labis na sanang makapagpalubag n~g Kanyang poot ang gayong pagdurumog n~g Kamaynilaan sa walang habas na pagdiriwang bilang tanda raw n~g pasasalamat sa Kanya tuwing sasapit ang paghahalili n~g m~ga taóng binibilang sa kabuhayan n~g m~ga tao. At ang bayang ito ay di na sana Niya inibig na ipadalaw na lagi sa sarisaring salot at kapan~ganyayaang gaya n~g kolera, pagsasalat sa ani at pangdadayupay n~g m~ga dayuhan....

Subali, sa may napapala o wala man, sa natatalos o hindi ni Bathala ang gayong inaasal, ang totoo'y mistulang ulol n~ga ang lahat kapag gayong gabi na n~g pagsalubong sa Bagong Taon. Sa m~ga, bahaybahay ay halos m~ga sanggol lamang na walang isip ang natitira sa higaan. Babae't lalaki, lipas ma't nasa kapanahunan, ay dili ang hindi nagbabata n~g puyat at nakakayag na magsadya sa Escolta at sa pakikipaggiitan sa kapal n~g tao'y doon na naghihintay n~g pagtugtog n~g ika-12 n~g hatinggabi. Pagsapit n~g oras na ito, ay nagsasabaysabay namang gigimbal sa apat na panulukan n~g himpapawid ang m~ga sipul n~g m~ga pagawaan at sasakyang dagat; ang m~ga batin~gaw ay magsisiawit n~g ubos kaya mula sa kanikanilang kinalalagyan sa m~ga taluktok n~g simbahan, hudyat na nagbabalita sa lahat na bagong yugto na naman n~g panahon ang humahandog sa buhay n~g tao.

At si Elsa at si Tirso ay nagdaan pa n~ga muna sa Escolta na kaparis n~g balana.

Ang buhok n~g mestisa ay sinaliksik at ginusot n~g m~ga saboy n~g _confetti_; ang m~ga tayn~ga ni Tirso ay nabin~gaw halos sa itinututok na sigaw n~g m~ga tambuli, at sila kapwa, bagaman magkakawit n~g bisig at di naglalayo bahagya man, ay nagbata n~g di gagaanong pagkalukot n~g damit at pagkalupiras halos n~g boong katawan ... Gayon man ay lalo pa silang nagalak, katulad n~g madlang nakasalamuha nila. At kung hindi lamang totohanan nang wala silang daan upang masilip man lamang ang sayawang ginagawa sa binilogbilog n~g liwasang Moraga, disi'y nalimutan na nila ang pagsasadya sa Pandakan, matapos na magpalipas n~g m~ga lima o sampung tugtugin sa sayawan sa balitang klub sa Avenida Rizal.

* * * * *

Ibinabalita na n~gang kasalukuyan n~g m~ga sipul n~g pagawaan n~g yelo n~g pamahalaan at n~g m~ga sasakyang nalilimpi sa palibidlibid n~g ilog Pasig ang maluwalhating pagpasok n~g taong 1916, nang si Elsa at si Tirso ay magkakawit ang m~ga palad na sumasakay sa isang munting bangka na, animo'y maitim na kabaong na lumulutang sa ibabaw n~g mahinhing agos n~g ilog sa may Nagtaha na ang tubig noo'y nakikikulay sa kadiliman.

--¡Elsa, lumigaya ka nawa sa Bagong Taong ito!

--¡Tirso, maging mapalad ka sana sa m~ga pan~garap mo!

Dinatnan n~g dalawa ang isang lalaking may kagulan~gan na, na sa anyo at pagbabansag ay napagkilala nilang siyang tagapagpalakad n~g tinurang sasakyan. Ayon sa pahayag n~g lalaking iyon, ang bangka niya ay isa sa labingdalawang bangkang sadyang inilaan n~g maypiging sa Pandakan upang ipaglingkod na talaga sa tanang dumating na panauhin. At ang ganyang pahayag ay pinatitibayan naman n~g m~ga napapansin n~g magkasama na m~ga palamuting palaspas n~g niyog, maliliit na watawat at m~ga parol hapóng walang sindi, saka tanikalang papel na nagsalabat sa lahat n~g panig n~g nasabing bangka.

Narinig ni Tirso na painong itinanong ni Elsa sa matanda:

--¿Bakit po wala kayong ilaw?

At ang naging sagot n~g pinagtanun~gan:

--Kanina pong maagaaga pa'y mayroon, n~guni't pawang nan~gamatay sa hihip n~g han~gin.

Si Tirso, na nang gabing iyo'y napanibaguhan n~g malaki ni Elsa dahil sa m~ga kilos at pananalitang kung tayahi'y parang nagpapahayag na ang mestisang ito na lamang ang tan~ging naghahari sa kaibuturan n~g puso niya; pagkarinig sa gayong pagbanggit n~g tungkol sa ilaw ay malamyos na bumulong sa kanyang kapiling.

--¿Bakit, Elsa, iniino mo pa ang pakawalang ilaw?--anya.

--¿Nadidimlan ka ba sa piling ko?

Si Elsa'y biglang nakaramdam n~g kaba n~g dibdib. ¿Ano na kaya ang ibig sabihin n~g gayong pagtatanong?...

--Sabihin mo, Elsa,--ang wika na namang narinig sa lalaki,--¿natatakot ka bang makipagsarilihan sa akin sa laot n~g kadiliman at sa loob n~g isang bangkang paris nito na tila duyang inuugoy sa ibabaw n~g tubig?

At ang mestisa ay nangliliit manding sumagot n~g bahagyang:

--Hindi naman, Tirso....

--Kung hindi, ay ¿bakit mo pa pinapansin ang kawalan n~g ilaw?

--Mangyari ay madilim.

--Tayo, Elsa, ang hindi ko malaaman kung kailan pa mangyayaring magkaisa n~g iniisip at dinaramdam....

--¿At hindi ba totoong madilim?

--¡Aywan n~ga ba sa iyo! Sa ganang akin, kahi't natuturang madilim na ganyan ang gabi,--kung ganitong kasama kita, kasarilihan sa laot n~g katahimikan at lin~gid sa mata n~g m~ga makasalanang tao, ay ... kalabisan na lamang ang liwanag n~g iba pang ilaw.

Mistulang nasusian ang bibig ni Elsa. Kaikailan man sa malimit na pagtitiwala niya n~g kanyang pagkadalaga sa pagkalalaki ni Tirso, ay noon lamang siya totohanang sinidlan n~g takot sa makatang ito.

Kinusa niya ang pagliham kay Tirso upang ito ang kanyang makasama sa pagdalo sa Pandakan, pagkapalibhasa'y hinahan~gad niyang pataban~gin ang loob n~g nasabing makata sa pagkababae ni Teang sa bisa n~g ibabalita niyang "himala ni pari Casio" na napatanghal sa bahay n~g kanyang ale: at ang pagtabang n~g loob ay kanyang hinahan~gad, upang mapapagiba niya n~g hilig ang m~ga pan~garap n~g makatang iyan, matutong umunawa sa masisidhing pitlag n~g kanyang puso, at kung mayayari'y matuto ring magpahalaga't tumugon n~g nararapat sa lihim na pita n~g kanyang kaluluwa. Ang ganitong tun~guhin ay siyang namumugad sa kanyang isipan, kung kaya't nang mapanhikan ni Tirsong siya'y nakasuot pangloob lamang ay hindi na siya nagkubli. Ito rin ang nagatas sa kanyang matiwalang pagsalo sa makatang iyan sa _hotel_. At siya rin namang nagbigay sa kanya n~g balak na kung maaari'y lunurin na niya noon sa alak n~g aliw ang boong pagkalalaki n~g tinurang makata upanding magkamit na lamang n~g kasiyahan ang kanyang m~ga hinahan~gad. Subali't n~gayong ang kanyang pain ay tila hihigitin na, at ang ibong pagkailapilap ay waring darapo na rin sa iniuumang niyang bitag, ay aywan ba niya't kung bakit siya na rin ang nagkagayong nasindakan n~g loob, napatdahan n~g dila at pinanglamigan n~g boong katawan. Higit kailan man ay noon pa lamang naniwala ang kanyang pagkamestisa na siya pala ay babae ring katulad n~g manipis na kristal na napapan~ganib na lubha kapag nalalapit sa matigas na bakal....

--¿Malayo pa po ba tayo sa pampang, mama?--ang naitanong na lamang makasandali ni Elsa sa tagapagpalakad n~g bangka.

--Malayolayo pa rin po,--itinugon n~g matandang nakapatag n~g upo sa isang dulo n~g sasakyan at walang tahan n~g kasasagwan.

At si Tirso ay may sinasabi na naman sa lalo pang paanas na salita:

--¿Ikinaiinip mo na ba, Elsa, itong pamamangka natin?

At ang mestisa'y pumakli:

--Baka ako'y pinakahihintay na n~g aking kapatid....

--Sinasabi ko na n~ga ba't talagang nagkakalayo tayong lagi n~g pagaakala!--pabuntonghinin~ga pang saad n~g makata. Saka idinugtong:--Samantalang ang ibig mo ay agad tayong makaahon sa pampang, di ko na lamang naman anhi'y huwag nang matapos ang pamamangka nating ito....

--Tirso, di ko pala dapat paniwalaan ang sinabi mo kanina nang tayo'y nasa bahay pa....

--¿Alin iyon?

--Yaong winika mong kahi't abutin tayo n~g umaga sa pakikipagsayaw sa Pandakan, ay natatalaga ka ring makikipagtagalan at di magsasawa. ¿Alin pang sayawan ang tinukoy mong kahi't abutin n~g umaga, kung ganyang nasa pamamangka palang ganito ang iyong loob?

--Nasabi ko iyon sa kahulugang saan man tayo makarating at saan man tayo maparoon ay natatalaga akong umagahin sa iyong piling ... At sapagka't dito man sa bangka ay nasa piling mo rin ako, kaya baga aking pinanghihinayan~gan ang madaling ikatatapos n~g ating pamamangkang ito.

--N~guni't sayawan at hindi pamamangka ang ating ipinarito....

--Sa ganang aki'y iisa ang katuturan niyan, kailan pa ma't tayo rin ang magkapiling, ang magkapareha, ang magkaakbay ... At kung ako'y pamimiliin mo kung alin sa pagsasayaw at sa pamamangka ang aking ibig, ay masasabi ko sa iyo n~g boong pagtatapat na ibig ko na ang ganitong pagsasarili natin sa ibabaw n~g payapang tubig kaysa magtun~go pa sa maalin~gasn~gas na sayawan.

Hindi na maalaman n~g babae kung ano ang kanyang isasagot.

Ang himig n~g m~ga katagang iyan, na bagama't marahang ibinubulong sa kanya'y naririnig naman n~g boong linaw hanggang sa liblib na liha n~g kanyang puso, ay labis na nakababalisa sa kaluluwa niya at nagdudulot sa kanyang diwa n~g di mapaglabanang pan~gamba.

Nang ang makatang yao'y anyong nagbibin~gibin~gihan sa m~ga silakbo n~g kanyang naglalatang na damdamin, marahil ang m~ga katagang iyan at hindi iba ang pinananabikan niyang marinig. N~guni't ngayong ang m~ga iya'y boong lambing nang umaalin~gawn~gaw sa kanyang m~ga pangulinig, nanggagaling sa m~ga labing hirati sa pag-awit n~g mapapanglaw na hibik n~g puso't taghoy n~g kaluluwa, n~gayon n~ga, ang pagkababae niya ay kung ano't parang tinatawag n~g kapan~ganyayaang sukat ikabalino n~g lalong matining na kalooban.

Nagunita ni Elsa na ang lalaking yaon na kinahahabilinan noon n~g boo niyang puri ay may kinabibighaniang ibang alindog: si Teang. At ang tinatangka niyang paglalarawan sa babaeng ito sa harap n~g naturang lalaki sa anyong sukat ipamutla n~g mukha't ipangrimarim n~g budhi, ay hindi pa niya nagaganap. ¿Hindi kaya isang marun~gis na pagiimbot lamang ang umaaling iyon kay Tirso upang gumamit n~g gayong m~ga bigkasin at kilos na lubhang nakababahala sa kanyang pagkadalaga?...

Tila ang m~ga napagdaranasan ay nagtuturo kay Elsa na ang pagiin~gat kailan ma'y hindi kalabisan, at ang malabis na pagtitiwala sa lalaki kung minsa'y maaaring magbudlong sa babaeng gaya niya sa ban~gin n~g pagkapariwara....

--¿Ito po ba, mama, ang ilog na sinasabing pinamangkaan daw yata ni Balagtas at n~g kanyang Selia?--ang narinig na naman ni Elsa na itinatanong ni Tirso na nakapalin~gon sa matanda.

--Hindi po,--ang naging sagot,--tila po ang nababanggit sa "Florante at Laura" ay ang m~ga ilog n~g Kahilom at Beata.

--¿Malayo po ba tayo n~gayon sa m~ga ilog na iyon?--ang usisa pa ni Tirso.

--Sa Beata po ay malapit na, n~guni't ang Kahilom ay may kalayuan pa.

At ang mestisa na naman ang kinausap na pabulong n~g makata.

--Elsa,--anya,--¿nalalaman mo ba kung bakit pinakikibalitaan ko ang m~ga ilog na nilakbay n~g Hari n~g m~ga, Makatang Tagalog?

--¿Bakit n~ga?

--Sapagka't ... ibig ko sanang ipagpalagay n~gayon, kung tayo ay nasa alinman sa m~ga ilog na iyon, na ako ay si Balagtas at ... ikaw naman ang aking Selia.

