Ang Mestisa. Ikalawang Bahagi (Second Volume)

Part 2

Chapter 2 4,041 words Public domain Markdown

Subali't gayon man, upang huwag yatang maging an~gap ang kanyang m~ga kilos, at nang mawalan na n~g sukat makasaksi sa kanyang pagbibigay panahon sa pagpapakaliklik sa pan~gan~garap n~g gising sa laot n~g m~ga hiwaga n~g pusong inaalihan n~g bulag at walang habas na pagsinta, ang ginawa'y inutusan ang dalawang alilang tan~ging kasama noon sa bahay, na bumili n~g kahi't anong bun~gang kahoy na maaaring magulasina, gaya n~g siko, mansanas o anoman.

--Kung dito po sa malapit sa ati'y walang mabibili niyan,--ipinasubaling tugon n~g m~ga inuutusan.

--Kahi't doon sa palengke'y sumaglit na kayo; at magtagaltagal ma'y makapaghihintay na ako.

At nawala noon din sa harap ni Elsa ang kanyang mababait na alagad.

Nang mapanaog ang m~ga alila ay wala na siyang sukat pan~gilagan sa loob n~g bahay.

Binuksan ni Elsa ang isang lagpas taong aparador na sikip na sikip sa kanyang mahahalagang kasuutan. Kumuha n~g isang sayang sutla; isinunod ang isang may burdang baro; saka ang panyong nauukol na pangalampay. Inilaglag sa sahig ang nasa katawan. At iyon ang inihalili. Lumakad. Lumin~gon sa likod. Lumin~gay. Kumendeng ... At nagparaandaan sa harap n~g isang malaking salamin, at binikasang maigi ang kanyang anyo. Bawa't lupi n~g panyo'y iniayos na mabuti; bawa't lukot n~g baro ay main~gat na pinantay: at ang mahabang buntot n~g saya ay boong husay na binitbit n~g kamay na kaliwa.

Datapwa't ... ¡ayaw niya niyon! Hindi iyon ang dapat niyang ipasalubong kay Tirso. Kung kapagkaraka'y gayak na siya, mawiwika nitong talagang sinadya niya ang gayong pagbibihis.

Naglabas na naman n~g iba: ang isa sa kanyang pinakamagagarang pangbahay ang napiling kunin. At gaya n~g una, ay isaisang inilaglag ang kasuutang nasa katawan. N~guni't hindi rin tumama sa kanyang loob ang damit na huling pinili, kaya't di na naman ipinagpatuloy ang pagsusuot.

¿Alin n~ga kaya ang kanyang marapat gamítin?

Narinig niyang tinugtog n~g isang orasang nakasabit sa dingding ang ikapito n~g gabi; at napadun~gaw siyang saglit sa bintana, gawa n~g pagkainip, wari sa paghihintay sa kanyang tinipanang makata.

--Wala pa,--ang nasabi,--marahil ay mahahatinggabihan n~g dating ni Tirso, yamang ang m~ga tao'y nalalaang magpuyat n~gayon dahil sa pagsalubong sa bumubun~gad na Bagong Taon.

At pagalis sa durun~gawan ay napataas ang kanyang tin~gin sa mukha n~g salaming kaharap. At kanyang nakitang sa boong hugis n~g katawan niya ay walang nalalabing tagapagkubli n~g kahihiyaan liban sa isang manipis at maputing damit pangloob na mula sa dibdib na nakaluwa ay nagtatapos ang luwang sa may kalamnan n~g binting yari mandin sa lalikan. Subali, dahil sa kanyang pagiisa, hindi inalumana ang kanyang pagaanyo, at nagyao't dito pa sa bulwagang binibigkas ang ganito:

Sinungaling iyang tubig, kapag hindi napilitang maginalon at sumulak, kung may apoy na nadarang; ang isda ay mailap nga't di mahuli sa baklaran nguni't dagling nabibinwit, pag may paing nakaumang.

Bulaan ang paroparong di maaakit sa bulaklak. pag ang ganda't kulay nito ay may tamis na kalangkap; gamogamo'y hamak lamang, pag ang ilaw'y walang ningas, datapwa't kung may sindi na'y bayani ring matatawag.

May halamang gabigabi'y tikom nga ang mga dahon. parang taong natutulog na nahapo sa maghapon; n~guni't tao't halaman ma'y nagigising, nagbabangon. pag ang araw'y may sikat nang sa lahat na ay pagukol.

Katiyap n~g panghuling alin~gawn~gaw n~g tulang itong bininigkas sa sarili ay naulinigan n~g mestisa ang ilang sunodsunod na yabag n~g m~ga paang mandi'y pumapanhik sa hagdan. Siya noo'y nabubun~gad sa pintong paharap sa hagdanan, at sa isang pihit n~g tin~gi'y hindi mangyayaring di niya mapagsino ang pumapanhik na iyon. At nakilala n~ga: ang makatang hinihintay na darating.

--¡Ah!...

--¡Oh!...

Sa pagsasagupa n~g kanilang m~ga mata, dalaw at dadalawi'y kapwa napatdahan n~g dila't tila nan~gapatulos sa kanikanyang kinatatayuan....

Inibig ni Elsa na tumakbong magtago o magtun~go sa may sisidlan n~g damit, datapwa't ang kanyang m~ga paa'y hindi naian~gat sa pagkakayapak sa ibabaw n~g tabla.

Si Tirso nama'y nagtangkang manaog na walang paalam upang makaiwas sa gayong napakatuksong pagkakataon. Subali't walang anoano'y tinanggap n~g kanyang m~ga tayn~ga ang ganitong malambing na tawag n~g birheng iyon na wari'y naghihimala sa harap niya:

--¡Magtuloy ka, Tirso!

At ang lalaki'y napalin~gon sa kabila. At ang babae, sa gayong pagkakimi, ay madaling nakahalata. Kaya't sa nakakikiliting kilos ay itinanong n~g boong lamyos:

--¿May hinihintay ka bang kasama?

At si Tirso, sa narinig, ay parang dumamdam n~g hiya. Muling inilantad ang mukha sa harap n~g himalang iyon n~g karilagan, n~guni't noon di'y waring nan~gasilaw ang kanyang m~ga mata. Kaya't ang m~ga ito ay mabanayad na kinublihan n~g isang palad, bagay na siya namang ikinatanong ni Elsa n~g isang paaglahing turing:

--¿At ikaw ba ay napuwing?

At ang makata ay wala nang nagawa kundi sumuko at pabihag na buongbuo sa diwatang iyong naghahatid sa puso niya n~g di mailarawang m~ga tibukin.

Sinaksihan n~g m~ga namamalikmatang balintataw ni Tirso ang banaybanay na pagan~gat at pagdipa n~g dalawang bisig ni Elsa, na, nang m~ga unang sandali'y nagmistulang lawin na dadagit n~g sisiw, datapwa't kaginsaginsa ay nagsalan~gaylan~gayang mandi'y lumalan~goy sa gitna n~g alapaap.

--Nagiisa ka yata ...--pautal halos na namitiw sa m~ga labi n~g lalaki, pagkalipas n~g saglit na walang imikan.

--¿At kung nagiisa man?--isinambot n~g mestisang sinundan n~g isang hakbang na papalapit sa kausap.--¿Nahahalayan ka bang makiharap sa akin n~g sarilihan'?--idinugtong pang punongpuno n~g lambing.

--Hindi naman, Elsa ...--tan~ging naitugong lipos n~g pagkakimi n~g makatang pinaghaharian n~g kabaklahan.

Mabilis na gaya n~g isang nakasisilaw na kidlat, ay kagyat na nagdaan sa papawirin n~g alaala ni Tirso ang larawang mistula n~g kanyang kabiyak n~g dibdib na hindi niya matulusan kung saan naroroon.

--¡Teang! ...--ang naibulong na lamang sa sarili.

Datapwa, ang paglalatang n~g budhi n~g mestisa ay patuloy na walang untoluntol, sumusulak na tubig na nahahandang mamayani sa kanyang maaaring lakumin.

--Halika sa loob, Tirso, kung hindi ka talagang nahahalayang makiharap sa akin sa ganitong ayos,--anya.--Masok ka, at may m~ga kalugodlugod na balita akong iuulat sa iyo.

Pagkarinig sa gayong binigkas n~g dalaga, isang pagkahalinang hindi mapaglabanan ang kaagad naramdaman n~g makata sa kaibuturan n~g kanyang sumisikdong puso. Kaya't pigil halos ang paghin~gang sumunod sa nais n~g magandang si Elsa.

Dalawang mesedorang magkaagapay na anaki'y tinatanuran n~g isang nakapatun~gong salamin ang napili nilang pagtigisahan. At pagkahilig sa tinurang likmuan ay si Elsa ang unang nagbukas n~g pananalita.

--¡Pinapagtataka mo akong lubha sa m~ga kilos na iyong ipinamamalas sa akin!--ang wika.--Natatalastas kong ikaw ay makata, isang lalaking anak sa tulaan at marahil ay magpapakatapos sa m~ga tulain. Datapwa, sa di iilang pangyayari'y napagkilala kong ikaw ay isa pa pala riyan sa m~ga kawal n~g pagpapakunwari ... Gayon man, ay pakikibagayan din kita....

--¡Elsa!

--¿Na ikinahihiya mo ang ganito kong ayos na iyong nataunan sa iyong pagdating? Magdadamit ako, kung gayon.

Pagkawika nito, ang mestisa ay maliksing tumindig; tinun~go ang magarang aparador at nuha n~g isang marin~gal na kasuutan, yaong kakulay n~g apoy na nakadadarang at nakapapaso hanggang sa puso ... Pagkapagbihis ay muling pumiling sa kinahihiligan n~g lalaki. ¡Oh, gaanong pagkasilaw ang nangyari noon sa m~ga balintataw n~g makata!

--¿Di ba tayo pasasa Pandakan?--ang mayamaya'y naitanong ni Tirso, nang mamasdan niyang si Elsa'y parang naghihintay sa kanya n~g anomang sasabihin.

--Oo n~ga,--isinagot n~g mestisa,--n~guni't mamayang maghahatinggabi, pagkatapos na tayo ay makapagpasyal sa Escolta at makapanood sandali n~g sayawan sa Plaza Moraga.

--Kung gayon, ay tayo na.

--Bago tayo lumakad ay ibig ko munang man~gako ka: ¿hindi mo na kaya ako lilisaning walang paalam na gaya n~g iyong ginawa noong tayo'y nakaautong magtun~go sa Luneta?

Hindi naikubli ni Tirso ang isang n~giting may lihim na kahulugan, bago nakapakli.

--Ibig kong ibalita sa iyo, Elsa,--anya,--na sa m~ga sandaling ito marahil ay pinasisimulan na ang taunang sayawan n~g "Club Filipino", at gaya n~g pagkaalam mo, ako ay kaanib sa klub na iyan. Gayon ma'y wala ako sa sayawang iyon at n~gayo'y nasa piling mo, alangalang sa isa mong hiling na samahan kita sa Pandakan. Sa pangyayaring ito, ay dapat nang mahulaan mo na kahi't abutin tayo roon n~g umaga, ay nalalaan akong hindi magsasawa ni lalayo sa iyong piling.

--¿Diyata? ¿At sino ang kapareha mo?

--¡Sino pa! Walang iba kundi ang aking mabait at butihing kaibigang nagpahatid sa akin kanina n~g isang mahalagang aginaldo, ang pinakatatan~ging mestisa na kausap ko n~gayon....

--¡Mestisa! ... ¡ang mestisang lagi mong inihahatid sa alan~ganing kalagayan!...

--¿Inihahatid sa alan~ganing kalagayan?

--Sukat na, Tirso. May sayawan n~ga pala kayo sa "Club Filipino", ang sabihin mo sa aki'y kung ano't hindi ka na naganyaya....

--Alalahanin mong may sulat ka sa akin tungkol sa sayawan sa Pandakan; anyayahan kita sa klub ay sasabihin mo na lamang na talagang binibigo ko ang iyong m~ga lakad.

--Tirso, tila bumabait ka na n~gayon....

--Mangyari'y nagaaral sa m~ga turo mo....

Sa lihim na pitak n~g dibdib ni Elsa ay dumalaw noon ang ilang tilamsik n~g liwayway na waring naghatid sa kanyang kaluluwa n~g m~ga unang balita n~g isang kapalarang di maglalao't mapapakanya. Nang sandaling iyon ay naitanong ni Elsa sa kanyang sarili kung tunay nang ang kilos na yaong namamasdan sa makata ay nagtataglay n~g ibang damdamin, ibangiba, yaong di papalayong gaya n~g una, kundi papalapit na't magbibigay kasiyahan sa kanyang m~ga lihim na pan~garap. Tiningnan niya si Tirso n~g isang tin~ging parang nan~gun~gusap. At ang bilang naging tugon n~g makata:

--¡Kay ganda mo, Elsa!

Kaikailan man sa boong pagkikilala nila ay di magunita n~g mestisa na siya ay nakarinig na n~g gayong hayagang pagpuri n~g makatang si Tirso, kundi nang gabing iyon. ¿Magdudulot na n~ga kaya n~g masaganang ani ang m~ga pananim ni Elsang inaalagaan sa pitak n~g kanyang dibdib?...

--Maalaala ko pala,--ang mayamaya'y narinig kay Tirso,--¿di ba't wika mo sa iyong sulat na ako'y babalitaan mo n~g ilang bagay na mahalaga ukol sa aking kasaysayan, kaya mo ninasang n~gayo'y maparito ako?

--Oo n~ga,--ang amin n~g dalaga,--n~guni't nagaalaala akong baka hindi mo na naman paniwalaan....

--¿At bakit hindi? Huwag lamang bang hindi ikaw ang magbabalita eh....

--¡Nanuya ka na naman!

--Sabihin mo na n~ga, Elsa.

--Mabuti'y panggagaling na natin sa Pandakan.

--¡Ayoko!

--¡Anhin ko kung ayaw ka! ¡Di mo matatamo ang mahalagang balitang may kinaalaman sa babaeng kinauululan mo!

At dagling nakaramdam si Tirso n~g malaking pananabik.

--¿May kinaalaman kay Teang?--itinanong na agaran.

--Hindi ako nagbibiro,--ang matatag na sambot n~g mestisa.

--¿Ay bakit ayaw mo pang sabihin n~gayon?

--Sinasabi ko sa iyong mamaya na.

--Kung gayo'y tayna sa Pandakan.

--Subali't ... ayoko na yatang sa Pandakan tayo magtun~go.

--¿Ibig mo sa aming klub? Mabuti, kung magkagayon. N~guni't lalong mabuti kung madaluhan natin kapwa ang dalawang sayawan sa gabing ito.

--¿Sa klub at saka sa Pandakan pa?

--Una muna sa "Club Filipino", saka kapag maghahatinggabi na'y tumawid tayo sa Pandakan.

Ikinatuwa n~g mestisa ang mungkahi n~g makata. At noon di'y inilabas na ang kanyang mahahalagang hiyas, isinakatawan ang m~ga ito, at pagkatapos ay isinuot ang kanyang bagong sapatos na kakulay n~g ginto.

Dumating ang m~ga alila na taglay ang m~ga ipinabili ni Elsa.

--Hinuhulaan ko na n~ga bang paririto n~gayon si mang Silveira,--ang manawanawang ibinulong n~g isa sa m~ga alila sa kanyang kasama, pagkaabot kay Elsa n~g kanilang m~ga binili.

--Kapag naghintay ay talagang may darating ...--itinugon namang lihim n~g pinagsabihan.

At hindi naglipat sandali't nasarili na naman n~g makata at n~g mestisa ang loob n~g kabahayan.

--Naito ang mansanas,--ang magiliw na alok ni Elsa sa kanyang panauhin.

--Nagpabili ka pa pala niyan,--ang nawika ni Tirso pagkamalas sa ipinagaanyaya n~g mestisa.

--Nagpabili ako nito, Tirso, at nais kong sa pamamagitan nito ay mahulaan ko ang iyong m~ga niloloob....

--¿Sa paanong paraan?

--Kung mamasarapin mo ang m~ga _frutas_ na ito, ay ituturing kong mamasarapin mo rin ang pakikipareha sa akin ngayon; datapwa't kung mapuna kong hindi mo ito ikinasisiya, ay ipalalagay ko namang magpaunlak ka ma'y napipilitan lamang....

--¡Mabuting panghuhula! At sa panghuhula mong iya'y walang pagsalang matutunayan mong boong kaluluwa't boong pagkataong ikagagalak ko ang pagdalo nating magkapareha sa sayawan n~gayon, sapagka't kakanin ko n~g boong pananabik ang ... iyong mansanas.

Natawa si Elsa. At natawa rin si Tirso.

Makasandali ay saka nagsalita ang mestisa.

--Natatandaan mo marahil na sa sulat ko'y nasasabing magsasalo tayo sa gabing ito,--anya, samantalang tinatapos sa bibig ang huling kagat n~g isang mansanas na kanyang tinalupan.--Ang pagsasalong iya'y matutuloy; hindi n~ga lamang dito kundi sa isa sa m~ga _hotel_ o _restaurant_ sa Maynila, sapagka't hindi na napigil ang pagpapauna sa Pandakan kanina pa n~g m~ga kapatid ko.

--Tayna, kung gayon,--tan~ging naipulas sa bibig ni Tirso.--May kalesang naghihintay sa atin sa daan.

--¿Mayroon ba?

--Óo.

At pagkapagiwan n~g ilang tagubilin sa m~ga alila, ang mestisa't ang makata ay magkasunod nang nanaog at nawala noon din sa dilim n~g gabi....

XVII

¡ANG BUWISIT NA _NEGRO_!

Ang kalesang sinasakyan ni Elsa at ni Tirso na isang _de primerang_ walang taglay na bilang sa likod at hila n~g isang masipag na kastanyong ayaw manding madiktan n~g pamalo sa katawan, ay sinusundan n~g dalawa pang mahahagibis ding kalesa na lumiwa sa tapat n~g gusali n~g "Germinal" at paakyat sa tulay n~g Ayala, nang masalubong n~g isa pa ring kalesang kinalululanan naman n~g dalawang lalaking sa wika ni Cervantes naguusap.

Pagkalampas n~g sasakyan nina Tirso ay halos nagkasabay ang pagulat na turing n~g dalawang lalaking kasalubong:

--¡Si Silveira at ang mestisa!

At kapwa hinabol n~g tanaw ang kanilang nakita.

At ang kanilang kutsero ay hinudyatang huminto.

--¿Nakilala ba ninyong mabuti? Dr. Nicandro?--itinanong n~g nasa kanan sa kanyang kaagapay.

--Kailan ma'y hindi ako pinagdadayaan n~g m~ga mata ko, G. Martinez,--ang naging sagot n~g nasa kaliwa.

--Sa pagkatin~gin ko man ay sila rin.

--Kung gayo'y madali tayong magpihit at sila'y tultulan natin.

--Mabuti n~ga,--at sa isang tukoy sa tagapagpalakad n~g sasakya'y sinabi:--Kutsero, _vuelta_.

N~guni't ang hayop na humihila ay tila suwail na hindi kadaglidagling nakukuha sa m~ga pabiglabiglang ubos. Nagumurong pa muna sa m~ga tabi n~g bakod na parang tumututol sa m~ga hampas na tinatanggap sa kutsero bago pumayag na bumalik n~g lakad at muling tumakbo.

Nang makapihit ang sasakyan ni Dr. Nicandro at ni Martinez ay di na nila mapagsiya kung alin sa tatlong kalesang nagpapatulinan ang kina Tirso at Elsa. Gayon ma'y pinilit nilang magdagdag n~g bilis ang mabilis nang takbo n~g kanilang kabayo, sa nais na mapalapit din sa tatlong nagpapalusutan.

--¡Palo, kaibigan!--ang utos pang nagkakanggagahol ni Martinez sa kutsero.

--¡Buwisit na kabayo!--ang payamot namang saad ni Dr. Nicandro na sinasabayan pa n~g kamot n~g ulo.

--¡Pagkabagalbagal!

--Babayaran ka namin n~g _doble_, abutan lamang natin ang isa sa tatlong kalesang iyon,--sinabi pa ni Martinez sa kutsero.

At ang kutsero, sa panghahawak sa karan~galan n~g pan~gun~gusap n~g m~ga maginoong sakay niya ay walang imik na sunod na lamang n~g sunod sa bawa't sa kanya'y sabihin, samantalang ang likod n~g kabayo'y siyang nag-uumasó halos sa malimit na lagpak n~g pamalo.

--¡Kaliwa!

--¡Kanan!

Ilan pang sandali sa paghahabulan at nakita nina Martinez na iisa na lamang ang kalesang kanilang nasusundan. At nagtibay sa kanilang paniwala na iyon ang kinasasakyan n~ga n~g makata't n~g mestisa. Ang iba ay nagsiliko marahil sa ibang daan at hindi na nila mabakas.

--¡Habol, at malapit na tayo!--ani Dr. Nicandro.

--¡Huwag na tayong hihiwalay sa sinusundang iyan kahi't saan makarating!--ang wika naman n~g isa.

Samantala, ang m~ga sanhing naguutos n~g gayong pagtultol n~g dalawang lalaking magkasama sa lakad n~g sasakyan nina Elsa at Tirso, ay mapagkikilala sa ganito nilang salitaan:

--N~gayon tayo dapat maniwala sa kutob n~g ating loob,--ang sabi n~g isa kay Martinez.

--Siya n~ga po, Dr. Nicandro,--ang ayon n~g kapiling.--at ito po'y hindi na kutob lamang n~g loob, kundi isang katotohanan nang itinatalampak n~g m~ga pangyayari sa ating m~ga mata.

--Ako rin ang may kasalanan, kung sa bagay, sa ganitong aking napagsapit,--ang wika pa n~g manggagamot habang nagkukumamot halos ang kanilang kabayo.

--¿Bakit po?

--Sapagka't gayong sa "Club Nacionalista" ay may nahalata na ako ay kung ano't hindi pa nagbago n~g loob sapul noon.

--¿At matagal na rin bang nahahalina kayo sa mestisang iyan?

--Mula pa po noong una kong makita iyan at makatabi sa sine "Ideal". ¿Kayo naman, kailan pa naging paris kong umasaasa sa pagkakapalad sa nasabing mestisa?

-¿Ako? ¡Oh, di ko na ibig alalahanin, doktor! Sukat ang nalalaman na ninyong kapwa tayo sinawi n~g ating pagasa, at wala na. Sa ganang aki'y wala na n~ga pong nalalabi kundi ang masunduan ko n~gayon kung saan naroroon ang pugad na pinagpapasasaan n~g aliw n~g dalawang ibong iyan....

--¡Kundan~gan naman kasi'y nagpakahilam tayo sa babaeng iyan! ¡Parang ipinagtatanong pa natin kung ano ang mestisa!...

--N~guni't kung ang babae po ay di ko pinagn~gin~gitn~gitan; at ang kanyang pagpapahalaga sa iba ay walang anoman sa akin na gaya rin n~g pagkawalang anoman n~g pagkahalina ninyo sa kanya. ¿At di ba ninyo natatantong tayo ay wala kundi dadalawa lamang sa hanay n~g di mabilang na m~ga lalaking paris natin na naaakit din ni Elsa sa minsang pagbabati o sa isang pagkakatitigan kaya? At ang kilos na iyan ni Elsa ay siyang talagang kilos na sarili n~g mestisa.

--¿Samakatwid ay kay Silveira kayo nagtatanim?

--Paano po'y pinamuhunanan ko n~g magandang loob ang lalaking iyan, saka ganito ang iginanti sa akin....

--¡Ah, magkasama n~ga raw yata kayo sa "Philippine Law School"!

--Tangi po sa riya'y nakatukatulong din niya ako sa kanyang m~ga lakad para sa isa pang babaeng kababayan ko pa naman.

--¿At may nililigawan pa bang iba?

--Di po lamang nililigawan, kundi talagang nobya na.

--¿At saka n~gayo'y si Elsa Balboa naman ang kasama?

--¡Iyan po ang labis kong ipinagdurugo n~g puso!

--Tunay n~ga palang ang _poeta_ ay walang kabusugan, walang hindi pinipintuho, walang hindi inaawitan n~g kanilang m~ga tulain. ¡Paano ka n~ga ba sa m~ga taong iyan!

--¡Pasasaan ba't hindi ako makagaganti!

Pagsapit dito n~g salitaan n~g dalawa, ay namalas nilang ang sinusunda't ayaw hiwalayang sasakyan ay biglang nagtigil sa isa sa m~ga tagong lansan~gan sa Sampalok.

--¡Aha, at dito pala!--ang sabi ni Martinez, kasabay n~g pigil sa balikat n~g kutsero.

-¡Nalalaman na natin n~gayon!--ang susog naman ni Dr. Nicandro.--Kutsero, huwag tayong pakalapit at baka makita nila.

N~guni't ang kabayong nagn~gin~gitn~git mandi'y hindi napigil n~g nagpapalakad kung hindi nang halos ay mabunggo na lamang n~g kanilang kalesa ang kalesang sinasapantaha nilang kinaroroonan ni Tirso at ni Elsa. Sa gayo'y kapwa walang maalamang gawin sa pan~gun~gubli, dahil sa malaking pagaalaalang sila'y makikita n~g makata at n~g mestisa, kung ang m~ga ito'y magsiibis sa sasakyan. Datapwa't wala nang magagawa; nagkasubuan na. Maghintay na lamang sa pagibis n~g dalawa. Ang dilim n~g gabi ay maaari na marahil na maglin~gid sa kanila sa m~ga mata ni Tirso at ni Elsa.

Nang m~ga sandaling hinihintay nina Martinez at Dr. Nicandro ang panunod na pagpanaog sa sasakyan n~g mestisa't n~g makata, ay siyang paglunsad sa malapit sa kanila n~g isang malaki't mabigat na katawan n~g isang lalaking ang kulay n~g mukha ay nakikipan~gagaw sa dilim n~g gabi.

--¡Isang matabang negro!--ang naibulong na punongpuno n~g mangha n~g kutsero sa dalawa niyang sakay.

--¡Negro! ¡Negro n~ga!--ang hindi naman magkantututong sambot n~g dalawa.

At noon di'y namasdan nilang sila'y nilapita't kinikilala n~g tinurang _negro_. At pagkalapit sa kanila'y tumanong:

--_What are you doin, here, hombre? Por que sigue conmigo_?

Ang kutsero, sa kabiglaana't pagaakalang siya ang tinatanong, ay halos mautal sa pagsagot n~g:

--No gat, sinyor, no gat; mi bueno hombre....

Salamat sa ganitong nakatatawang tugon n~g kutserong nahintakutan n~ga yata sa itim at laki n~g tinukoy na amerikano, si Martinez at si Dr. Nicandro ay kapwa malamig ang loob na humin~gi n~g nauukol na paumanhin matapos na ipaliwanag ang kanilang pagkakamali. Ang amerikano'y anyong nagalinlan~gan pa sa m~ga ipinahayag n~g dalawang magkasama, subali't dahil sa napaghalatang sila'y m~ga tao ring may pinagaralan, alangalang sa kanilang malinis at sanay na paggamit n~g inggles, saka sa mabuting ayos n~g kanilang pananamit na di mahihintay sa m~ga may masasamang loob na dapat paghinalaan sa gayong pangyayari, ay nagkibit na lamang n~g balikat bago tumalikod na pumanhik sa isang bahay na nakaurong sa daan.

Gayon na lamang ang nangyaring tawanan n~g m~ga naliho n~g kadiliman n~g gabi. At habang nililisan nila ang pook na yaon, ang pagn~gin~gitn~git n~g loob ay pinararaan sa matunog na halakhakan.

--¿_Pero_ wala ka bang nakitang isang babae't isang lalaki sa m~ga nasalubong natin sa may tapat n~g "Germinal"?--itinanong ni Martinez sa kutserong nagtututop n~g tiyan sa di mapigil na tawa.

--Mayroon n~ga po....

--¿Ay saan nagtun~go?

--Aywan po ba; ang boong asa ko'y talagang ang nasusundan natin.

At si Dr. Nicandro'y halos hindi makapagsalita sa pagiihit n~g tawa.

--¿Ano, G. Martinez, ibig ninyong magbalik tayo sa Pasay upang matiyak kung siya n~ga o hindi ang ating nakita?--ang tanong makailang saglit.

--Hindi na po kailan~gan,--ang tanggi n~g tinukoy.--¿At di ba kayo naniniwalang talagang siya at si Silveira ang nasalubong natin?

--Naniniwala rin, n~guni't ¿nasaan sila? ¿Ano't isang matabang _negro_ ang nakatun~go natin pahinto n~g ating sasakyan?

--¡Ang buwisit na _negro_!

At sumunod na naman ang pagkakain~gay n~g tawanan.

Sa mungkahi ni Martinez, ay minarapat n~g dalawang makikisig na binatang kabilang sa, hanay n~g m~ga nabibighani n~g dilag ni Elsa n~guni't di nagtatamong pala, na magtuloy sa isang _bar_ sa Santa Cruz upang kung mangyayari'y lunurin ang malaking pagkabigong kanilang kinamtan sa loob n~g ilang kopita n~g alinmang inuming pumapaso sa lalamuna't dumadarang sa diwa. Anopa't dahil n~ga sa kabiguang iyon at pagkapahiya pa sa harap n~g isang amerikanong itim, ang pagkamanggagamot ni Dr. Nicandro ay walang nagawa kundi makiayon sa gayong mungkahi n~g kasama.

* * * * *

Sinarili ni Martinez at ni Dr. Nicandro ang isang munting mesa na nasa isang dulo n~g tindahang iyon n~g sarisaring alak, n~g sa isipan nila'y walang namumugad kundi ang larawan ni Elsa at ni Tirso na magkapiling n~g boong laya, sa loob n~g isang kalesang aywan nila kung saan nagtun~go.

Ang dalawang binatang ito ay nagkita nang gabing iyon sa liwasang Goiti. At sapagka't nagkakilala sila sa sayawan sa "Club Nacionalista" nang isang gabing kasama ni Martinez si Elsa, ang ginawa n~g manggagamot ay kinaulong ang lalaking ito n~g ang mestisang sinabi ang tukoy n~g kanyang pakikipagusap.

Sa pagniniig nilang iyon ay dili ang hindi sila nagkatapatan n~g kanikanyang loob hinggil kay Elsa, at napagkaisahan n~ga tuloy na sila'y magsadya kapwa sa Pasay, at magpasumalang maganyaya sa mestisa sa pakikigalak sa Bagong Taong bumubun~gad,