# Ang Mananayaw

## Part 2

Book page: https://www.cyberlibrary.org/tl/books/ang-mananayaw-14794/index.md

Ang tinawag ay hindî sumásagót. N~gunì't nápapan~gitî n~g lihim, pagkâ't noón ay nahalatâ niyáng ang makamandág na init n~g kanyáng katawán ay tumátaláb na sa pusò ni Sawî.

At si Pati ay lumapítlapít pa sa kanyáng kausap, at nakatawa, nakasulyáp na sakdál n~g saráp.

Si Sawî ay lalòng nan~giníg.

Si Pati ay lalò pang lumapit sa kanyá, lalò pang nilambin~gan ang n~gitî, lalò pang pinun~gayan ang suliyáp.

Ibig nang tumakbó si Sawî, ibig nang sumigáw, ibig nang tumakas, upáng makailag sa tuksó.

¡Daráng na daráng na sa init!

N~gunìt noó'y siyáng pagdampî sa kanyáng kamáy n~g nagpúputia't m~ga tabas kandilàng dalirì ni Pati, at kasunód ang magiliw na usisà:

--¿Anó pô ang dináramdám ninyó? ¡nanglálamíg kayó!

--Opò ... opò ... nanglálamíg n~gâ pô.

At sabáy nagtindíg sa pagkakáupô, ibunukás ang dalawâng bisig at iginapos sa liíg ni Pati, at ang samòng namámasag ang tinig:

--¡Pati, Pati, patawarin akó...!

IV.

Mulâ nang unang gabí na kanyáng pagsamyô nang layaw sa kandun~gan n~g magandáng Pati, si Sawî ay nanumpâan nang magíng isá sa lalòng masikap na kampón n~g _diosa_ Terpsícore.

Siyá'y isáng pusakál nang mánanayaw.

Ang m~ga aklát na dati niyáng kaulayaw pagdatíng n~g gabí, n~gayó'y siyáng m~ga matalik niyáng kaaway.

¡Ni isáng sulyáp man, ni isáng saglít pang pakikiníg sa kanilá!...

Ang lahát nang kanyáng panahón ay lúbusang ipanaubayà na sa m~ga alíw n~g sandalî.

At ang kanyáng káluluwá, parang isáng katawáng kulang at salát sa pagkain, untîuntî nang nanunsiyami, untîuntî nang nalúluoy, untîuntî nang naíinís sa dilím na noó'y bumábalot sa kanyáng maulap na lan~git.

At mulà noó'y walâ nang ibáng pinan~gápan~garáp kundî magpakalasíng sa paglagók sa alak n~g pag-ibig sa m~ga maninipis at mapupulâng labì n~g kanyáng marilág na Pati.

Si Pati, pará sa kanyá'y siyá nang lahát: pag-asa, ligaya, pag-ibig, kaluwalhatìan....

¡Oh, ang makamandág na binhî, ang pag-ibig sa isáng salaríng katulad ni Pati, ay lumagô at nag-ugát sa pusò ni Sawî!

Minsán, sa isáng pag-uusap nilá, ay malinaw na nápalarawan ang kadakilàan n~g kanyáng pag-ibig sa magandáng mánanayaw:

--Pati, Pati ko aniya,--¿tunay bang akó'y iyóng minamahál?

Si Pati, sa ganitóng kahalin~gán n~g binatà, ay minsáng namuwalan sa bugsô n~g isáng pagtawang inimpít.

--Sumagót ka, Pati ko, sumagót ka sana.

--Oo--ang bigáy-loób n~g mánanayaw--óo, Sawî ko, gíliw kong Sawî, minámahal kitá.

--¿Gaya kayâ n~g pagmamahál ko sa iyó?

--Higít pa; makálilibo pang mahigít. Iníibig kitá paris n~g pag-ibig n~g bulág sa araw, iníibig kitá paris n~g pag-ibig n~g isdâ sa tubig, iníibig kitá paris n~g pag-ibig n~g banál sa Dios. ¿Nasísiyahán ka ná?

--Pati, Pati ko. ¿tunay ang iyóng sinabi?

--Paris n~g katotohanang madilím ang gabí, may init ang araw, may lamíg ang buwan; paris n~g katotohanang akó ay may pusô, ikáw ay may atáy; paris n~g katotohanang ikáw ay maganda, akó ay pan~git.

--Pati, Pati ... at tinutop ang kanyáng dibdíb na tila ibig máwalat sa pitlág n~g pusòng noón ay dumanas n~g dî gágaanong alíw.

At bago pinigilan si Pati sa manipís niyáng baywáng, hinagkán sa noó n~g isáng matunóg at mahabàng halík at....

--Pati ko--ang turing--¿naríriníg mo ba ang masinsíng tibók n~g aking káluluwá? ¿Hindî? ... pakinggán mo: sinásabi niyáng ikáw raw ang kanyáng búhay, ikáw raw ang kanyáng ligaya, ikáw raw ang kanyáng lan~git ... ¿nálalaman mo na?

--¡Namán!

--At sinabi pa niyáng--ang patuloy ni Sawî na tila hindî pansín ang «namán» ni Pati--at sinásabi pa niyáng siyá ay nagtayô n~g isáng dambanà sa lalòng lihim na pitak n~g aking damdámin, dambanàng sinabugan n~g mapuputîng sampagita upáng suubín sa kanyáng mahinhíng halimuyak ang larawan n~g isáng babae, n~g isáng banál, n~g kanyáng magandáng Pati....

* * * * *

Ang _lintâ_, pagkatapos n~g isáng linggóng pananabíknabík sa dugô n~g kulang-palad na si Sawî, ay hindî na nakatiís.

--¡Dapat na siyáng magbayad!

At mariíng ikinápit ang kanyáng matatalím na n~gipin sa bulsáng saganà sa pilak n~g walâng malay na binatà:

--Sawî ko, gíliw kong Sawî, bigyán mo akó n~g limáng piso upáng máibilí ko n~g barò.

Ang hinin~gán ay latág ang palad na sumagót:

--Náritó, mutyâ ko, tanggapín ang hiníhin~gî mo.

Nagdaán ang unang araw; dumatíng ang ikalawá.

Ang lintâ, ang matakaw na lintâ, ay mulîng sumigíd na namán:

--Sawî ko, gíliw kong Sawî, bigyán mo akó n~g sampûng piso na máibilí ko n~g saya.

¡Sampûng piso na n~gayón!

Gayón man, si Sawî ay hindî rin tumanggí sa gayóng pag-íibayo n~g halagá. At....

--Náritó, mutyâ ko, tanggapín ang hiníhin~gi mo.

Nagdaán ang ikalawáng araw at dumatíng ang ikatló.

At ang lintâ, ang lintâng kailán ma'y hindî na yatà masísiyahán, noón ay pamulîng sumigíd na namán nang sigíd na lalòng mariín pa kay sa m~ga una, lalò pang malakás; at....

--Sawî ko, gíliw kong Sawî--na namán bigyán mo akó n~g dalawáng-púng piso na maibilí n~g sapín, pulbós, paban~gó, medias at....

¡Dalawángpûng piso na!

Dapuwà't si Sawî, ang magaràng si Sawî, ay dumukot pa rín sa kanyáng supot na malamán:

--Náritó, gíliw ko, ang sagót na namáng tila hindî pansín ang kanyáng pagkakápalaot--náritó ang hiníhin~gî mo.

At hindî sa lamán lámang humáhanggá ang kirót n~g m~ga kagát ni Pati, n~g lintâng si Pati, sa katawáng namúmutlâ na n~g binatà, kundî hanggáng sa m~ga butó pa, na pinagtiinán n~g kanyáng matatalím na n~gípin.

Minsán, sa kaniláng pagsasarilí, si Sawî ay nagpakasawàng magdampî n~g m~ga labì niyá sa m~ga namumúrok na pisn~gi ni Pati. Itó, pagkatápos maparaán ang gayóng kahiban~gán n~g binatà, ay tumanóng na may halòng birò:

--¿Iláng halík ang ibinigáy mo sa akin?

Si Sawî, lasíng sa m~ga sulyáp ni Pati, sa sin~gaw n~g kanyáng malusóg na katawán, ay sumagót na dî magkangtututo:

--Isá ... dalawá ... tatló ... apat ... sampú, labínglimá ... ¡marami! ¡¡maramingmarami!! ... aywán ko na ba kung ilán.

--Báwa't halík ay babayaran mo n~g piso.

--¡Piso!...

¿Saán hindî masasaid ang bulsá ni Sawî sa ganitóng pamamaraán ni Pati?

Ang bariles, punôngpunô man, pag hindî naampát ang paglabás n~g tagas ay dáratnán din n~g pagkatuyô.

At gayón ang nangyari sa kulang pálad na binatà: untîuntîng naubos ang yaman, baytángbaytáng na bumabâ sa kailalimang pinagháharìan n~g dilím, dilím n~g pananalát, dilím n~g karálitâan.

¿Anó pa ang kanyáng gágawín? ¿Man~gutang? ¿Magsanlâ? ¿Magpalimós?

Tila salun~gát sa pagkatao niyá ang m~ga ganitóng gawâ.

N~gunì't ¿paano si Pati? ¿paano ang kanyáng pag-ibig kay Pati? Mangyáyaring siyá'y uminóm n~g luhà, n~g sarilingluhà, bagamá't masakláp; mangyáyaring siyá'y magtiís n~g gutom; dapuwà't ¡iwan si Pati, iwan pa si Pati! ... Ang gayó'y tunay na dî niyá maáatím, pagkâ't si Pati ang kanyáng «pag-asa,» si Pati ang kanyáng «luwalhatì,» si Pati ang kanyáng «buhay,» si Pati ang araw n~g kanyáng káluluwá, si Pati ang init na nagbíbigay siglá, lakás at tibók sa kanyáng pusò.

¡Oh, si Pati ay isáng halaman at ang pusò niyá'y isáng halamanan!

At ang halama'y nag ugát at hindî na mangyáyaring bakbakín pa sa lupàng kinátutubùan kundî isásabog ang lupàng iyán; ¡at ang lupàng iyá'y ang pusò ni Sawî!

M~ga iláng araw nang siyá'y hindî sumísilay sa bahay ni Pati dahil sa dináranas niyáng pananalát. ¿Saán pa siyá magnánakaw n~g pilak na ikasúsunód sa pithayà n~g babaeng itó?

--¡Ah, mabuti ay magsanlâ na!

At nagsanlâ.

At naúbusan na namán.

Nan~gútang: naúbos din.

At nanghin~gî: gayón din.

--¡Oh! ¿anó pa ang aking gágawín?

¿Sumúlat sa kanyáng m~ga magúlang?

N~gayó'y walâ na siyáng amá, walâ na siyáng iná, ni kapatíd, ni kamaganakan. Lahát ay sumawà na sa kanyá. ¡Siyá'y itinatákuwíl n~g kanyáng m~ga pinagkákautan~gan n~g buhay!

¿At sinong banál na m~ga magulang ang hindî tátalikód sa m~ga anák na paris niyá?

Lusakin ang kaniláng dan~gál pagkatapos maubos ang pilak na kaniláng natipon sa tulong n~g tiyagâ at walâng humpáy na pakikiagaw sa masun~git na kabuhayan; kaladkarín ang kaniláng pan~galan sa lansan~gan, payurákyurakan sa bálana, ipakutiyâ-kutiyâ, ¡oh, anóng gaming-palà sa kaniláng pagmamahál!

At hindî pa rito lamang humáhanggá ang pagkapariwarà ni Sawî: mulâ nang siyá'y magkábaónbaón na sa utang, mulâ nang siyá'y magíng maghihin~gì, mulâ nang siyá'y magíng karumaldumal na pag-uugalì, ang m~ga dati niyáng kasama sa páaralán, ang m~ga dati niyáng kasama sa m~ga pasyalan, ang m~ga dating nagbíbigáy sa kanyá n~g pamagát na katoto, ay isáisá nang nan~gilag sa kanyá, isá-isá nang natakót, paris n~g paglayô't pan~gin~gilag sa isáng may sakít na nakaháhawa.

At lalò pa mangdíng nag-iibayo ang hapdî n~g m~ga ganitóng kasawîan kung siyá'y nakakasalubong sa daán n~g m~ga dating kakilala na pagkakákita sa kanyá'y walâ nang ibáng pan~gunang batì kundî ang isáng halakhák, ang isáng mutunóg na halakhák, ang isáng n~gitî, ang isáng mapagkutiyâng n~gitî; n~gitî at halakhák na kung minsa'y sinásabayán pa n~g isáng pagdalirì sa kanyá at n~g m~ga salitâng:

--Nariyán ang hampás-lupà.

Bawà't bigkás na ganitó'y isáng palasô namáng tumitimò't sumúsugat sa kanyáng pusò, sugat na labis nang hapdî sugat na labis nang anták.

--¡Limutin ko na kayâ si Pati! ... ang takót na naisanggunì sa sarili, nang minsáng siyá ay náhihigâ na.

N~gunì't ¡oh, pagkakataóng labis n~g sun~git!

Nang siyá'y na sa m~ga ganitóng paghahakà, ay siyáng pagkáriníg sa kanyáng pintùan n~g tawag n~g isáng boses na kanyáng ikinápaban~gon.

--¿Sinó?--ang tanóng sa tumawag.

At lumapit sa pintûan na noó'y minsáng bumukás sa tulak n~g dalawáng malakás na bisig.

--¡Si Tamád!--ang nasambitlâ agád ni Sawî nang mákita ang dumatíng.

--_El mismo_, ang sagót n~g sinambít--akó n~gà.

Si Sawî, pagkakita sa taong itó na nagíng sanhî n~g kanyáng pagkakápalun~gì, ay minsáng dinalaw n~g poót, nan~gunót ang mapalad at mataás na noó, nanlísik ang dalawáng matá na nápatulad sa dalawáng apóy, at....

--¡Tamád!--ang sigáw na kasing-tunóg n~g kulóg--¡láyas, láyas sa bahay ko!...

Nágulat si Tamád.

¿Bakit gayón ang pagkakásalubong sa kanyá n~g dáting magiliw na katoto? ¿anó ang nangyari?

--¡Tamád! ang nárinig pa niyáng ulit ni Sawî--¡láyas, láyas sa bahay ko n~gayón dín!

Si Tamád, pagkaraán n~g sandalîng pagkakápamanghâ, parang kawal na pinagsaulán n~g ulirat, pagkaraán n~g unang ulán n~g punlông kaáway, ay patawá at paaglahìng tumanóng:

--_Chico, chiquito_, ¿bakit ka nagkakáganyán?

--Tamád: huwág nang sumagót. Iwan ang báhay ko n~gayón din.

--¡Báh, kung akó'y walâng sadyâ sa iyó!...

--¿Sadyâ? ¿anông sadyâ pa ang sinásabi mo?

--Akó'y pinaparito _niyá_--ang matuling sagót n~g bugaw ni Pati--akó'y pinaparito NIYA, ang ulit pang nang-lalakí ang boses at sakâ minalas malas ang kanyáng kausap na tila bagá warìng sinúsukat ang kanyáng m~ga pananalitâ.

Ang dating namúmulâng mukhâ ni Sawî, noón ay namutlâ.

¿Sinóng _niyá_ ang sinásabi ni Tamád? ¿Si Pati?

¡Oh, pan~galang walâng kasingtamís, Venus na walâng kasinggandá!

Nápansín ni Tamád ang ganitóng pagbabago ni Sawî, kayâ't nagpatuloy n~g pagsasalitâ.

--Akó'y inutusan _niyá_ rito upáng sabihin sa iyóng ...--at ang patalím ay untîuntîng ibinaón sa pusò ni Sawî hanggáng sa itó'y dumatíng sa m~ga sandalîng humin~gî n~g tawad kay Tamád sa kanyáng pagkápabiglâ.

--Ipagpaumanhín mo, kaibigan, ang aking pagkakámalî: ¿anóng bilin niyá ang dalá mo sa akin?

At buông pananabík na inulit-ulit ang ganitóng tanóng:

--Ipinagbilin niyá sa akin ang paós at marahang paklí n~g inúusisà --na sabihin ko sa iyóng ikáw raw ay nagmámalakí n~gayón....

--¡Nagmamalaki!...

--Kung nálalaman mo kung gaanong luhà, ang itinapon ni Pati n~g dahil sa m~ga iláng araw na hindî mo pagdalaw sa kanyá....

--Luhà, lumuhà si Pati n~g dahil sa akin?

--Lumuhà n~g dahil sa iyó. Pagkâ't kung dî akó namámalî, ay ... tila, tila may hináhabol sa iyó.

--¡Ang _puri_ niyá!--ang náibulóng ni Sawî sa sarili.

¡Puri! ... mainam na puri ang sa isáng talimusák.

Samantalang si Sawî ay natítigilan sa m~ga ganitóng pag-íisip, si Tamád, sa kanyáng sarili'y walâng hintô namán n~g kábubulóng:

--¡Talagáng _martir_ n~gà ang binatáng itó! ¡iláng sun~gay ang na sa ulo niyá! ¡mahigít pa sa isáng demonio sa impierno!

Pagkatapos ay hinaráp na pamulî ang kanyáng dinalaw at ang m~ga hulíng bigkás:

--Sawî: bukód sa pasabi ni Pati, ay nárito ang isáng sulat niyáng ipinadádalá sa iyó....

At yumao nang walâng liwagliwag.

Nanabík si Sawî na binuksán ang liham.

Doó'y nabasa niyá ang sumúsunód:

Ibon ko:

_Mag-iisáng linggó na n~gayóng akó'y inúulila mo sa laot n~g m~ga himutók at pagluhà. ¡Isáng linggóng hindî ka mákita, pará sa aki'y isáng linggóng pagkamatáy n~g Dios!_

_¿Nálimot mo na kayâ ang kulang palad na si Pati? ¿nálimot mo na kayâ ang abâng mánanayaw, pagkatapos manakaw ang kanyáng PURI? ¿nálimot mo na kayâ ang m~ga dakilàng sandalî na dinanas sa kanyáng piling? ¿nálimot mo na kayâ ang m~ga dampî n~g labì mong ibinakás sa aking m~ga pisn~gi, m~ga dampîng hanggá n~gayó'y nararamdamán kong wari'y nag aalab pa sa apóy n~g pag ibig? ¿nálimot mo na kayâ ang m~ga sandalîng sinamyô sa aking kandun~gan, sa nin~gas n~g aking m~ga suliyáp, sa lambing n~g aking m~ga n~gitî, sa tunóg n~g aking m~ga halík?_

_¿Nálimot mo na ba?_

_¿Nálimot mo na ba ang gabíng yaón na ikáw ay máhimláy sa m~ga bisig ko na, minsán, makalawá't maikatlóng AWITIN ang m~ga tagumpáy ni Kupido? ¿nálimot mo na ba ang sandalîng yaón na iyóng isinimsim sa m~ga labì ko n~g walâng kasingtamís na pulòt n~g pag ibig? ¿nálimot mo na ba ang m~ga sandalîng yaóng katasin sa m~ga labì ko ang alak na nakalálasíng ni Kupido?_

_¿Nálimot mo na ba?_

_¿Nálimot mo na ba ang m~ga sandalîng, sa bugsô n~g iyóng nag aapóy na damdamin ay sinabi mo sa aking: «Pati, ikáw ang pusò ko, ikáw ang buhay ko, ikáw ang diosa ko»?_

_¿Násaan ang pagtupád sa m~ga ganitóng pan~gakò?_

_¡Ay, Sawî! ¡ay, ibon ko! pumarito ka't sa lahát n~g oras ay bukás na áabutan mo ang haulang nagíng pugad n~g ating m~ga ginintûang pan~garap n~g ating m~ga ligaya't alíw!_

ANG KALAPATI MO.

Si Pati, babaeng walâng káluluwá kundî pawàng lamán, ay nátutong magtirik n~g m~ga karayom sa m~ga talatang itó n~g kanyáng liham, m~ga karayom na siyáng dumurò at sumigíd sa hayop, sa maban~gis na hayop, na iníin~gatan in Sawî sa pusò: ang pag-ibig sa kanyá.

At noó'y isaisáng nagban~gon sa alaala n~g binatà ang m~ga gunitâ n~g nagdaán, parang m~ga patáy na sa tawag n~g Mánunubos ay mulîng nagsilabás sa hukay n~g libin~gan.

At ang ganid, ang ganid na alagà ni Sawî sa kanyáng pusò, ay minsáng nagban~gon, uman~gil, pumalág, hanggáng sa si Sawî ay mapatindíg sa pagkakáupò at ulit na masabing:

--¡Pati, Pati, papariyanán kitá!...

=WAKAS=.

Hating gabí.

Madilím, maulap ang lan~git, at ang han~gin na animo'y isáng mahabàng hinin~gá, ay kasalukuyang nagn~gin~gitn~git; kayâ't bawà't datnín n~g kanyáng malakás na hampás ay tumutunóg, umáan~gil na anakì'y tumátanggáp n~g isáng ubos diíng sampál.

Mápamayâmayâ'y bundókbundukang usok ang napatanáw sa malayò.

Makasandalî pa'y bumuhos ang ulán.

M~ga kulóg na nakabibin~gáw ang dumadagundóng sa lupà, at sa lan~git ay nagháhagarán ang matatalím na lintík na anakì'y m~ga gintông ahas.

Sa malapad na liwasan n~g Azcárraga, sa oras na itó ay isáng mahiwagàng naglálamay ang napamámasíd.

¿Sinó siyá?

¿Sinóng káluluwà ang matapang na naglálamay sa gitnâ n~g ganitóng sigwá?

Nagtútumulin sa kanyáng paglakad, tun~gó ang ulo, at walâng lin~góng-likód.

N~gayó'y dumáratíng na siyá sa tapát n~g bahay na nátitirik sa gawîng kaliwâ n~g líwasan. Sa bahay na itó'y walâng tumátanglaw kundî ang isáng ilaw na kúkutikutitap.

Hakbánghakbáng na lumun~go sa pintûang noó'y nálalapat pa ang dalawáng dahon, n~gunì't nang siyá'y nálalapit na ay siyáng pagkabukás nitó sa tawag n~g isáng nakatalukbóng na itím.

At isáng mukhâ ang sumilip doón, mukhâng babae, ¡ang mukhâ ni Pati!

--¿Pumarito pa kayâ?--ang tanóng sa mánanayáw n~g aninong tumawag sa pintô.

--Hindî na; marahil ay hindî, pagkâ't umúulán. Tumulóy ka.

Ang pinagsabihan n~g ganitó ay túluyang pumasok sa loób.

Samantalà, ang naiwan sa labás, ang unang násumpun~gán natin sa haráp n~g ganitóng námasdán, ay minsáng napakagát-labì at ang nagn~gán~galit na turing:

--¡Oh, tila dinadayà akó!

At sandalîng natigilan na áandáp-andáp ang loób.

¿Sinó ang kanyáng pinapasok? Kilos lalaki, lalaki sa kanyáng tayô, kilos at pan~gan~gatawan ... ¡Dinádáyà akó! ¡¡dinayà akó!! Pati, Pati, magbabayad ka, pagka nagkátaóng napatunayan ko ang aking panibughô!

At ipinatulóy ang kanyáng paglakad: sandalîng tumigil sa labás n~g pintûang pinasukan n~g unang nákita na natin, at pagdatíng doón ay marahang nakimatyág. Walâ, walá siyáng máriníg.

Minsáng itinulak ang pintûan, patakbóng pumasok sa loób, at hálos sa isáng lundág lamang ay dumatíng sa itaás n~g bahay.

Nang naroroón na'y isáng káluskusan sa may dakong silíd ang kanyáng náhiwatigan.

--¿Sinó ang nag-uusap na naririníg ko?

¡Tinig ni Pati ang isá at ang isá ay tinig lalaki!

--¡N~gitn~git n~g Dios! ... ¡tinátaksíl akó! ¡¡tinátaksíl akó!! ¡¡¡tinátaksíl akó!!!...

Ang katulad n~g isáng balíw na labnót ang buhók, nagaalab ang dalawáng-matá, na pumasok sa loób n~g silíd.

¡Oh, kataksilán!...

--¡Si Pati, sa piling ni Tamád!

Si Sawî (na dî iba't kundî itó ang dumatíng) sa haráp n~g gayóng pag-yurak sa kanyáng dan~gál ay biglâng dinatnán n~g isáng dilím n~g tin~gín.

Lumapit sa dalawá na bumubugá n~g apóy ang panin~gín, nanínindíg ang m~ga balahibong animo'y maliliít na pakòng nagtimò sa kanyáng balát, at bágo nilurhán sa mukhâ si Pati, nilurhán sa mukhâ si Tamád, at si Pati at si Tamád ay kapuwàng pinisíl sa liíg n~g tigisáng kamáy.

--¿Dios ko?--ang panabáy na sambit n~g m~ga sinakál.

Noón ay minsáng nabuksan ang m~ga labì ni Sawî, m~ga labìng nagdúrugûan pa sa baón n~g n~gipin, at ang matunóg na sigáw sa lalaki:

--¡Imbíl!...

At sa babae'y

--¡Magdarayà!...

Si Pati'y hindî nakahuma.

Si Tamád, na warì'y nadaráng sa alab n~g poót ni Sawî, ay umambâng tátakbó.

N~gunì't, ang malalaking dalirì n~g binatà ay lumatay noón sa mukhâ n~g bugaw:

--¡Anák ni Lusiper! ¿Ibig mong tumanan? ¡Ah, duwág!

--¡Patawad!...

--¡Patawad! ... ¿patawarin kitá pagkatapos dumhán ang pagkatao ko? ¿patawarin kitá pagkatapos na akó'y maibulíd sa impierno, pagkatapos na akó'y matuksó, at akó'y malinláng?

--Hindî na....

--Hindî na ... ¿hindî na, pagkatapos na akó'y masipsipán n~g katás, pagkatapos na akó'y maghirap, pagkatapos na akó'y mainís sa kandun~gan n~g babaeng itó?--at sabay itinurò si Pati, na noó'y nan~gan~gatál sa takót.

--At ikáw--ang pihit dito--na nagíng dahil n~g aking m~ga kasawîang dinanas; ikáw, na nagíng dahil n~g aking pagkakápalayô sa m~ga dating kaibigan; ikáw, na nagíng dahil n~g aking pagkakápalayô sa amá't iná, n~g pagbawî sa akin n~g kaniláng pagmamahál; ¿nasaán ang pusò mo upáng akó'y gantihín n~g ganitóng kataksilán? ¿Mainam na bayad sa pilak ko na iyóng nilusaw; mainam na bayad sa dugô ko na iyóng ininóm!

Si Pati ay nan~gín~giníg na sumagót:

--¡Patawarin!...

--¿Nálalaman mo, Pati--ang patulóy ni Sawî--nálalaman mo kung gaano ang nagíng halagá n~g pag-ibig ko sa iyó? Pilak, maraming pilak ... gintô, gintóng dakótdakót. Gintô't pilak na bawà't piraso'y nagkákahulugán n~g isáng sarong pawis, isáng sarong dugô n~g aking m~ga banál na magulang.

--¿At ang pan~galan ko--ang dugtóng na hálos mahirin sa nag úunaháng piglás n~g m~ga salitâ--ang aking pan~galang n~gayó'y siyáng hantun~gan n~g lahát nang pulà, n~gayó'y isáng sukal na kinaririmariman n~g lahát nang bibíg, paris n~g pagkarimarim sa isáng pusalì, sa isáng tambakan n~g mabahòng yagít? ¿saan mo inilagáy ang pagkatao ko?

Si Pati'y hindî sumasagót.

Nagpatuloy si Sawî:

--¡Ah, n~gayó'y lúbusan nang pinaníniwalàan ko ang sabi n~g m~ga páhayagáng sa m~ga _palaisdâan_ (bahay-sáyawan) na nilalan~guyán mo ay walâng ibáng nápapansíng kundî pawàng isdâng kapak, isdâng pawàng kintáb n~g kaliskís ang námamalas sa labás, bago'y pawàng burak ang lamán n~g loób!

--¡Sawî, patawad ... akó'y walâng sala!

--¡Walâng sala! ...--at gumuhit noón sa gunitâ ni Sawî ang m~ga pamamaraáng ginawâ sa kanyá n~g mánanayaw, ang unang pagtatagpô nilá sa isáng handâan, ang pagkakádalaw niyá sa bahay-sáyawan, ang m~ga kasinun~galin~gang sinabi sa kanyá ni Tamád tungkól sa kabuhayan n~g babaeng itó, ang lahát n~g yaón ay napagkurò niyáng pawáng laláng lamang na iniumang sa kanyá, upáng siyá, tagálalawigang walâng kamalayán sa buhay-Maynilà, ay magiliw na pumasok sa lambát ni Pati, na gaya n~g isáng isdâ sa pabahay n~g baklád.

At lalò pang nag-alab ang kanyáng damdamin, lalò pang nag-ulol ang kanyáng poót; kayâ't sa isáng pag-lalahò n~g isip ay minsáng dinaklót si Pati sa kanyáng gulónggulóng buhók, at ang tanóng dito sa buháy na tinig:

--¿Walâ kang sala, ang sabi mo?

--Walâ, walâng walâ.

--¿At bakit, bakit walâ kang kasalanan sa aking pagkakapàlun~gi?

Si Pati, sa ganitóng tanóng, ay kimî at hálos pabulóng na sumagót.

--Pagkâ't alám mo nang akó'y MÁNANAYAW....

* * * * *

BAGONG PARE

NOBELANG TAGALOG

NI

Ros. Almario

KASALUKUYANG TINATAPOS SA LIMBAGAN

* * * * *

"Pinatatawad Kitá!..."

Nobelang Tagalog na ipinagbibilíng kasalukuyan sa lahát n~g Librería dito sa Maynilà, sa halagáng Isáng Peseta.

Maykatha: MATANGLAWIN.

* * * * *

Huling Habilin

(NOBELANG TAGALOG)

KATHA NI

Maximino de los Reyes.

Ipinagbibilí sa lahát n~g Librería buhat sa unang araw n~g Juliong papasok, 1910.

