# Ang "Filibusterismo" (Karugtóng ng Noli Me Tangere)

## Part 8

Book page: https://www.cyberlibrary.org/tl/books/ang-filibusterismo-karugtong-ng-noli-me-tangere-47629/index.md

--¡Hang̃ál!--ang sabi nitó, na napigil ang kaniyáng hindî kasiyahang loob na una--¿anó ang malay mo kung umalinsunod sa kolyar na iyan ang kalagayan ng̃ayón ng̃ kabuhayan ng̃ tao? Sa pamag-itan niyan marahil ay násilò ni Cleopatra si Cesar, si Marco Antonio...... iyan ay nakáding̃íg ng̃ mg̃a panunumpâ sa pag-ibig ng̃ dalawáng lalòng bantóg na bayani sa kaniláng kapanahunan, iyan ay nakáding̃íg ng̃ mg̃a banggít na lubhâng ayós at malinis na wikàng latín, at maanong mágamit mo na lamang siyá!

--¿Akó? ¡ni hindî ko pá iyan tawaran ng̃ tatlóng piso!

--Kahi’t na dalawáng pû’y matatawaran, _gonga_!--ang sabing animo’y may pagkabatid ni kapitana Tikâ--mabuti ang gintô at maaarìng gawíng ibáng hiyas kung tunawin.

--Itó’y isáng sinsíng marahil ni Sila--ang patuloy ni Simoun.

Ang sinsíng ay maluwang, buô ang gintô at may isáng taták.

--Iyan marahil ang taták na itinitik sa mg̃a kahatuláng pagpatáy noong siyá ang nag-uutos--ang sabing namumutlâ sa pagkatigagal ni kapitang Basilio.

At tinangkâng siyasatin at hulàan ang ibig sabihin ng̃ taták, dátapwâ’y kahi’t nagpilit at pinihit-pihit ay walâ siyáng nábasa, sa dahiláng hindî siyá maalam ng̃ _paleografia_.

--¡Nápakalalakí ang dalirì ni Sila!--ang sabi tulóy--másusuot na ang dalawáng dalirì ng̃ sino man sa atin; sinasabi ko na ng̃â, tayo’y pumápauróng.

--Mayroon pa akóng mg̃a ibáng hiyas dito....

--¡Kung lahát ay kaayos niyan ay salamat!--ang sagót ni Sinang--ibig ko na ang mg̃a bago.

Ang bawà’t isá’y pumilì ng̃ isáng hiyas, may kumuha ng̃ isáng singsíng, may isáng orasán, may isáng guardapelo. Ang binilí ni kapitana Tikâ ay isáng agnós na may kaputol ng̃ bató na nádiinan ng̃ ating Poong Jesucristo sa ikatlóng pagkakadapâ; si Sinang ay isáng hikaw at si kapitang Basilio ay ang talì ng̃ orasang pabilí ng̃ alperes, ang mg̃a hikaw ng̃ babai na pabilí ng̃ kura at ibá pang bagay na panghandóg: ang ibá namáng magkakaanak na taga Tiani ay bumilí rin ng̃ hanggáng may ibibilí upang huwag máhulí sa mg̃a taga San Diego.

Si Simoun ay namimilí rin namán ng̃ mg̃a lumàng hiyás, nakikipagpalitan, kayâ’t dinalá roon ng̃ mg̃a mapag-impók na iná ang mg̃a hiyás na hindî na nilá magamit.

--¿At kayó, walâ pô ba kayóng ipagbíbilí?--ang tanóng ni Simoun kay kabisang Tales, dahil sa nákitang minamalas nitóng may tagláy na inggít ang mg̃a pagbibilí at pagpapalitan.

Sinabi ni kabisang Tales na ang mg̃a hiyas ng̃ kaniyang anák ay naipagbilí na at ang mg̃a nátitirá ay mg̃a walâng halagá.

--At ang agnós ni María Clara?--ang tanóng ni Sinang.

--¡Siyá ng̃â palá!--ang bulalás ng̃ lalaki, at biglâng kumináng ang paning̃ín.

--Yaón ay isáng agnós na may brillante at esmeralda--ang sabi ni Sinang sa mag-aalahás--na ginamit ng̃ aking kaibigan bago magmongha.

Si Simoun ay hindî sumagót; sinundán ng̃ ting̃ín si kabisang Tales.

Matapós mabuklát ang iláng kahón ay nátagpûán ang hiyás. Pinagmasdáng mabuti ni Simoun, makáiláng binuksán at isinará; yaon ng̃â ang agnós na suot ni María Clara noong pistá sa San Diego, na sa pagkahabág ay ibinigáy sa isáng ketong̃in.

--Ibig ko ang pagkakaayos--ang sabi ni Simoun--¿sa magkano pô ninyó pagbibilí?

Kinamot ni kabisang Tales ang kaniyang ulo, na hindî maalaman kung anó ang gagawín, kinamot ang taing̃a at pagkatapos ay tuming̃ín sa mg̃a babai.

--Naiibigan ko ang agnós na iyan--aní Simoun--¿ibig bagá ninyóng ibigáy sa isáng daan...... limang daang piso? ¿Ibig ninyóng ipagpalít ng̃ ibá? Pumilì kayó ng̃ inyóng ibig.

Si kabisang Tales ay walâng imík at nakamulalàng pinagmamasdán si Simoun na warì’y alinlang̃an sa kaniyáng nádiding̃íg.

--¿Limang daang piso?--ang bulóng.

--Limang daan--ang ulit ng̃ mag-aalahás na nabago ang boses.

Kinuha ni kabisang Tales ang agnós at pinihitpihit; malakás na tumítibók ang kaniyáng palipisan, ang kaniyáng mg̃a kamáy ay nang̃ing̃iníg. ¿Kung huming̃î pá kayâ siyá ng̃ lalòng malakí? Makapagliligtás sa kanilá ang agnós na iyon: ang pagkákataóng iyon ay mainam at hindî na mangyayaring mulî.

Kinikindatán siyá ng̃ mg̃a babai upang ipagbilí na, tang̃ì lamang si Penchang, na, sa pang̃ang̃ambang bakâ tubusín si Hulî, ay nagwikàng:

--Kung akó’y pakakaing̃atan ko iyang warì relikias.... ang mg̃a nakakita kay María Clara sa kombento ay nagsasabing namalas niláng payát na payát na hindî halos makapagsalitâ, kayâ’t inaakalàng mamámatáy na banál.... Pinupuri siyá ni P. Salvi, sapagkâ’t siyá niyang pinagkukumpisalan. Bakâ dahil doon kung kayâ hindî iyan ipinagbilí ni Hulî at pinilì pa ang masanglâ siyá.

Ang pahiwatig na itó’y nagkakabuluhán.

Nakapigil kay kabisang Tales ang pagkaalaala sa kaniyáng anák.

--Kung ipahihintulot ninyó--anyá--ay tutung̃o akó sa bayan at isasangunì ko sa aking anák; babalík akó rito bago magtakipsilim.

Nagkásundô silá sa gayón at pumanaw noon din si kabisang Tales.

Ng̃unì’t ng̃ nasa labás na siyá ng̃ nayon, ay nátanaw niyá sa malayò, sa isáng landás na tung̃o sa kagubatan, ang prayleng nang̃ang̃asiwà sa _hacienda_ at ang isáng taong nákikilala niyáng siyang kumuha ng̃ kaniyáng mg̃a lupaín. Ang pagkagalit ng̃ isáng lalaking nakakita sa kaniyáng asawa na pumapasok na kaakbáy ng̃ ibáng lalaki sa isáng silíd na lihim ay hindî papantáy sa sulák ng̃ galit ni kabisang Tales sa pagkakakita sa dalawáng iyón na patung̃o sa kaniyáng bukid, sa mg̃a bukid na kaniyáng ginawâ at inasahan niyáng maipamamana sa kaniyáng mg̃a anák. Sa warì niyá’y nagtatawanan ang dalawáng iyón, linilibák siyá sapagkâ’t walâng magawâ; pumasok sa kaniyáng alaala ang sinabing: hindî ko ibibigáy kung dî sa dumilíg muna sa kanilá ng̃ sariling dugô at ilibing sa kanilá ang asawa’t anák......

Nápahintô, hinaplós ng̃ kamáy ang noo at ipinikít ang mg̃a matá; ng̃ mulîng dumilat ay nákitang namimilipit sa kátatáwa ang taong iyón at sapol ng̃ prayle ang kaniyáng tiyan upang huwag pumutók sa katuwâán; at pagkatapos ay nákita niyáng itinurò ang kaniyáng bahay at mulîng nang̃agtawanan.

Naghumugong ang kaniyáng taing̃a, náramdamán sa kaniyáng palipisan ang higing ng̃ isáng hagkís, ang ulap na pulá’y sumipót na mulî sa kaniyáng paning̃ín, mulîng namalas ang katawáng bangkáy ng̃ kaniyáng asawa’t anák at sa kapiling ay ang lalaki at ang prayleng nagtatawá na pigil ang tiyan.

Nalimot niyá ang lahát, lumikô at tinung̃o ang landás na linalakaran ng̃ lalaki at ng̃ prayle; yaon ang landás na tung̃o sa kanyáng bukirín.

Si Simoun ay nabagót sa kaaantáy kay kabisang Tales sa gabíng yaón.

Nang mágisíng siyá kinabukasan ay nápunáng ang supot na katad na kinalalagyan ng̃ kaniyáng rebolber ay walâng lamán; ng̃ kaniyáng buksán ay nakakuha sa loob ng̃ kaputol na papel na kinababalutan ng̃ agnós na may esmeralda at brillante at kinasusulatan ng̃ iláng salitâ sa wikàng tagalog, na ang sinasabi ay:

“Ipagpatawad pô ninyo, ginoo, na kahi’t nasa aking bahay ay pagnakawan ko kayó: ng̃unì’t ang pang̃ang̃ailang̃an ay siyáng nag-udyók sa akin, ng̃unì’t iniwán kong kapalít ng̃ inyóng rebolber ang agnós na pinakananasà ninyó. Kailang̃an ko ang armás at makikisama na akó sa mg̃a tulisán.

Ipinagbibilin ko sa inyóng huwag ipagpatuloy ang inyóng lakad, sapagkâ’t sa dahiláng walâ na kayó sa aking bahay, ay hihing̃án namin kayó ng̃ malakíng tubós pag kayó’y aming nábihag.

TELESFORO JUAN DE DIOS.”

--Nátagpûán ko rin ang taong aking hinahanap!--ang bulóng ni Simoun--may kauntî pang balisa...... ng̃unì’t lalòng mabuti; mátututong gumanáp sa kaniyáng ipang̃akò.

Ipinag-utos sa kaniyáng alilà na tumung̃o sa Los Baños na sa dagat-dagatan magdaan at dalhín ang malakíng maleta, at doon siyá hintín, sapagkâ’t siya’y sa katihan magdáraán na dalá ang kinalalagyán ng̃ mg̃a batóng mahahalagá.

Ang pagdatíng ng̃ apat na guardia sibil ay lalò pang nakagalák sa kaniyá. Húhulihin ng̃ mg̃a sibil si kabisang Tales, ng̃unì’t sa dahiláng hindî nákita ay si tandâng Selo ang dinalá.

Tatlóng patayan ang nangyari sa gabíng yaón. Ang praileng nang̃ang̃asiwà sa _hacienda_ at ang bagong hahawak ng̃ mg̃a lupà ni kabisang Tales ay nang̃átagpûáng patáy, baság ang ulo at may sumpál na lupà sa bibíg, sa kalapít ng̃ mg̃a lupaín nitó; sa bayan, ang asawa ng̃ bagong mag-aarì ng̃ lupà na pinatáy ay patáy ding inumaga, na punô rin ng̃ lupà ang bibíg at pugót ang ulo, at may kasiping na papel na kinasusulatan ng̃ pang̃alang “Tales” na ang ipinanulat ay dalirìng isinawsáw sa dugô......

¡Manahimik kayó, mapapayapàng tagá Kalambâ! Sa inyó’y walâng nagng̃ang̃alang Tales, sino man sa inyó’y hindî siyáng nakagawâ ng̃ kasalanan! Ang mg̃a pang̃alan ninyó’y Luis Habaña, Matias Belarmino, Nicasio Eigasani, Cayetano de Jesús, Mateo Elejorde, Leandro López, Antonino López, Silvestre Ubaldo, Manuel Hidalgo, Paciano Mercado, kayó ang boong bayan ng̃ Kalambâ!.... Lininis ninyó ang inyóng mg̃a bukirín, ginugol ninyó sa kanilá ang boong búhay, ang mg̃a naimpók, mg̃a pagpupuyát, pagtitipíd, at pagkatapos ay inalís sa inyó, pinalayas kayó sa inyóng mg̃a tahanan at ipinagbawal sa ibá ang kayó’y patuluyin! Hindî pa nasiyahang lapastang̃anin ang katwiran kundî niyurakan sampû ng̃ mg̃a banal na kaugalìan ng̃ inyóng bayan.... Naglingkód kayó sa Harì at sa España, at ng̃ sa ng̃alan nilá’y pinag-usig ninyó ang katwiran ay itinapon kayó’t sukat ng̃ hindî man linitis, inilayô kayó sa yakap ng̃ inyóng mg̃a asawa at sa halík ng̃ inyóng mg̃a anák.... Mahigít sa tiniís ni kabisang Tales ang tiniís ng̃ bawà’t isá sa inyó, ng̃unì’t gayón man, ay walâ sa inyóng naghigantí. Hindî nagkaroón sa inyó ng̃ ling̃ap ni kaawàan at pinag-usig pa kayó hangáng sa kabilâng buhay, gaya ng̃ ginawâ kay Mariano Herbosa.... ¡Lumuhà kayó ó matuwâ sa mg̃a liblíb na pulông iyóng linálagalág nang hindî alám ang sasapitin! Kinakandili kayó ng̃ España, at sa málao’t mádalî ay tatamuhín ninyó ang katwiran!

XI

LOS BAÑOS

Ang kataastaasang Capitan General at Namamahalà sa Kapulùang Pilipinas ay nang̃aso sa Busóbusó.--Ng̃unì’t sa dahiláng may abay na isáng bandang músika (sapagka’t ang gayóng kataás na tao’y hindî dapat máhulí sa mg̃a santóng kahoy na ipinagpuprusisyón) at sa dahiláng ang pagkagiliw sa dî matingkalâng arte ni Sta. Cecilia ay hindî pa laganap sa ugalì ng̃ mg̃a usá at baboy-damó sa Busóbusó, ay walâng nahuli ni isá mang dagâ, ni ibon, ang General na may kasamang banda ng̃ músika at kaalakbáy na mg̃a prayle, mg̃a militar at mg̃a kawaní.

Inakalà na ng̃ mg̃a may kapangyarihan sa lalawigan na may maaalis sa katungkulan ó kayâ’y malilipat; ang mg̃a kaawàawàng kapitán sa bayan at mg̃a kabisa ay hindî nang̃ápalagáy at hindî nang̃ákatulóg sa pang̃ang̃anib na baká masumpung̃án ng̃ maalindog na máng̃ang̃asó ang ipalít silá sa mg̃a hayop sa gubat na hindî marunong umalinsunod, gaya ng̃ ginawâ na ng̃ isáng _alcalde_ noóng mg̃a nakaraáng araw na napapasán sa tao, sa boô niyáng paglalakbáy, sapagkâ’t walâng mabaít na kabayong maaásahang hindî magbabagsák sa kaniyá. May isáng balitàng kumalat na mayroón ng̃âng gagawín ang General sapagka’t ang gayóng pangyayari umanó ay isáng simulâ ng̃ paghihimagsík na dapat sugpûín kaagád: na ang isáng pang̃ang̃asong walâng náhuli ay makasisirâ sa karang̃alan ng̃ mg̃a kastilà, at ibp., at humanap na tuloy ng̃ isáng kahabaghabág na taong papagsusuutín ng̃ suot usá, nang sinabi ng̃ General (sa udyók ng̃ isáng pagkahabág na hindî natimbang̃án ni Ben Zayb ng̃ salitâng pagpuri) at pinawì ang lahát ng̃ pang̃ambá at sinabi, na siyá’y naaawàng pumatáy ng̃ mg̃a hayop sa gubat.

Kung ipagtatapát ay sadyâ ng̃âng nasisiyahang loob ang General at _inter se_ ay nalulugód siyá, sa dahiláng ¿anó ang nangyari sana kung hindî tumamà sa pagtudlâ sa isáng usá na hindî nakababatíd ng̃ ugalìng dapat ipamalas sa mg̃a gayóng kaparaanan? ¿saán masasadlák ang karang̃alan ng̃ nakapamamahalà? ¿Bákit? ¡Isá ba namáng Capitang General ang hindî tumamà na warì’y bagong nang̃ang̃aso! ¿anó na lamang ang wiwikàin ng̃ mg̃a indio, na, sa kanilá’y mayroón din namáng iláng mabuting manudlâ? Málalagáy sa kapang̃aniban ang tíbay ng̃ Inang bayan.....

Yaón ang sanhî kung kayâ’t ipinag-utos ng̃ General (na nakatawa ng̃ tawang koneho at anyông mang̃ang̃asong masamâ ang loób) ang pagbabalík kaagád sa Los Baños, at ipinaghambóg, sa paglalakbáy, ang kaniyáng kagiting̃an sa pang̃ang̃aso sa ganitó ó gayóng páng̃asuhán sa España at warìng ibig ipahiwatig ang pag-alipustâ niyá sa mg̃a pang̃ang̃aso sa Pilipinas, bagay na inaakalàng kapit sabihin dahil sa nangyari; ¡psé! ang paliligò sa Dampalít (daáng paliit), ang sigang̃an sa baybay ng̃ lawà, ang paglalarô ng̃ _tresillo_ sa palasyo at pagdayo sa gayón ó ganitong kalapít na binúbulusán ng̃ tubig ó sa lawàng kinalalagyán ng̃ mg̃a buwaya ay mainam pá kay sa roón at hindî pá mápapará ang karang̃alan ng̃ inang bayan.

Nang isá sa mg̃a hulíng araw ng̃ buwan ng̃ Disiembre ay nakikipaglarô ng̃ _tresillo_ ang Capitang General samantalang inaantáy ang oras ng̃ pananghalìan. Katatapos pá lamang niyáng maligò at pag-inom ng̃ isáng basong sabáw at lamán ng̃ buko, kayâ’t ang mg̃a sandalîng iyón ay siyáng bagay samantalahín sa paghing̃î ng̃ mg̃a biyayà. Isá pang nakapagpaparagdág sa kaniyang katuwâan ang pananalo, sapagkâ’t pinupunyagî ni P. Irene at ni P. Sibyla, na kaniyang mg̃a kalaban, ang lihim na pagpapataló, samantala namáng si P. Camorra ay nagng̃íng̃itng̃ít sapagkâ’t, sa dahiláng karáratíng pa lamang ng̃ umagang yaón ay hindî niyá batíd ang mg̃a pakanáng iyón. Sa dahiláng pinagbubuti ng̃ parìng-artillero ang pakikipaglarô ay namúmulá at nápapakagát labì sa tuwîng malilibáng ó mámamalî sa pagsugál si P. Sibyla, ng̃unì’t hindî siyá makaimík dahil sa malakí niyáng pag-aalang-alang sa dominiko; datapwâ’y si P. Irene namán ang pinagbubuntuhán niyá ng̃ galit, sapagkâ’t ipinagpápalagáy niyáng mapagpusà at sa gitnâ ng̃ kaniyáng kabuhalhalan ay dî binibigyáng halagá. Hindî man lamang siyá tinitingnán ni P. Sibyla: binabayàan siyáng mag-uung̃ól; datapwâ si P. Irene, sa dahiláng mapakumbabâ, ay humihing̃îng tawad samantalang hinihimas ang tungkil ng̃ mahabà niyáng ilóng. Ang General namán ay nagagalák at sinasamantalá ang pagkakámalî ng̃ kaniyáng mg̃a kalaban, sapagkâ’t siyá’y mabuting magparaán, alinsunod sa payo ng̃ kanónigo. Hindî batíd ni P. Camorra na ang pinaglalaruán sa ibabaw ng̃ dulang na iyón ay ang ikalulusog ng̃ pag-iisip ng̃ mg̃a pilipino, ang pagtuturò ng̃ wikàng kastilà, sapagkâ’t kung nalalaman niyá, ay malugód sanang nakihalò sa _láruan_.

Sa mg̃a durung̃awáng bukás ay pumapasok ang malinis at masaráp na simoy at nátatanaw ang lawà, na ang kaniyáng tubig ay mahinhíng bumúbulong, sa paanan ng̃ bahay, na warìng nang̃ang̃ayumpapà. Sa dakong kanan, sa malayò, ay nátatanáw ang pulông Talím na lubhâng bugháw; sa gitnâ ng̃ lawà at halos katapát lamang ay may isáng pulông kulay dahon, ang pulô sa Kalambâ, na walâng tao at ang ayos ay warìng kabiyak na buan; sa kaliwâ, ang magandáng pángpang̃in na nahihiyasán ng̃ kakawayanán, isáng bundók bundukang tanáw ang boong lawà, malalawak na bukirín, sa dako pá roon ay bubóng na sagà sa mg̃a pagitan ng̃ kulay na berdeng maitímitím ng̃ mg̃a dahon, pagkatapos ay ang bayang Kalambâ at sa hulíng dakong abót ng̃ tanáw ay warìng bumábabâ ang lang̃it sa tubig ng̃ lawà na anyông dagat, na siyáng sanhîng tawagin siyáng “dagat na tabáng” ng̃ mg̃a taga roon.

Sa isáng dulo ng̃ salas ay nároroon ang kalihim na nakaupô sa haráp ng̃ isáng mesa na kinapapatung̃an ng̃ iláng putol na papel. Ang General ay masipag at hindî niya ibig ang mag-aksayá ng̃ panahón, kayâ’t tinatapos ang iláng gáwàin samantalang nag-aalkalde sa tresillo ó samantalang namimigáy ng̃ baraha.

Samantala namáng naglalarùan ay naghihikáb at nabubugnót ang kalihim. Ang ginágawâ sa umagang iyon ay ang pagpapalitpalit ng̃ bayang dapat kalagyán ng̃ mg̃a kawaní, mg̃a pag-aalís sa katungkulan, pagpapatapon sa malayòng lupà, pagbibigáy ng̃ biyayà at ibp., ng̃unì’t hindî pá dumárating sa malakíng usapang inaantáy ng̃ lahát, ang ukol sa kahiling̃an ng̃ mg̃a nag-aaral na pahintulutan siláng makapagtayô ng̃ isáng Academia ng̃ wikàng kastilà.

Ang isáng kawaníng may mataas na katungkulan, si don Custodio at isáng prayleng nakatung̃ó at warìng may iniisip ó may kabigatan ang loob (P. Fernandéz ang kaniyáng pang̃alan) ay nang̃agtatalong marahan ang usapan, samantalang payao’t dito silá sa dalawáng dulo ng̃ salas. Sa isáng silíd na kalapít ay nádiding̃íg ang tunóg ng̃ mg̃a bola ng̃ billar, tawanan, halakhakan, ang boses ni Simoun; itó’y nakikipagbillar kay Ben Zayb.

Si P. Camorra ay bigláng nagtindíg.

--¡Si Cristo na ang makisugal sa inyó, _puñales_!--ang pabulalás na sabing kasabáy ang paghahagis ng̃ mg̃a barahang nálalabí sa kaniyá, sa ulo ni P. Irene--¡puñales! ang tayâ ay sigurong siguro na, kundî man ang _codillo_, at natalo pá dahil sa tawag! ¡Puñales! si Cristo na ang makisugal!

At galít na galít na isinasalaysáy sa lahát ng̃ naroroon ang pangyayari, lalòng lalò na sa tatlóng naglalakád, na warìng siyáng ibig niyang pahatulin. Sumúsugal ang General, siyá ay laban, may tiklóp na si P. Irene: humatak siyá sa espada at ¡puñales! hindî pinasunód ng̃ kamoteng si P. Irene ang kaniyáng masamâng baraha. ¡Si Cristo na ang makilarô! Siya’y hindî naparoon doon upáng magpatalo ng̃ salapî at durugin ang kaniyáng ulo sa walâng kapararakan.

--Ang akalà marahil ng̃ neneng itó--ang patuloy na námumulá--ay kinikita ko ang salapî ng̃ papalikwatlikwat lamang. ¡Ng̃ayón pá namáng ang aking mg̃a tao’y nang̃agsisitawad na!

At umuung̃ol na tumung̃o sa kinalalagyán ng̃ billar, na, hindî na pinakinggán ang mg̃a hing̃îng ipagpaumanhín ni P. Irene na nagtatangkâng mang̃atwiran sa tulong ng̃ paghaplós ng̃ ilóng.

--¿Ibig pô bá ninyóng umupô, P. Fernandez?--ang tanóng ni P. Sibyla.

--Masamâng manglalarò akó ng̃ _tresillo_--ang sagót ng̃ prayle.

--Kung gayó’y paparituhin si Simoun--ang sabi ng̃ General--¡eh! Simoun, eh, mister! ¿ibig bagá ninyóng makilahók sa isáng larô?

--¿Anó ang ipasisiyá tungkól sa mg̃a “armas de salón”?--ang tanóng ng̃ kalihim na sinamantalá ang pagkakáhintô.

Dumung̃aw si Simoun.

--¿Ibig bagá ninyóng maupô sa lagáy ni P. Camorra, ginoong Simoun?--ang tanóng ni P. Irene--ang itatayâ ninyó’y brillante at hindî tantós.

--Walâng kailang̃an sa akin ang gayón--ang sagót ni Simoun na lumapit at ipinapagpág ang yeso na nasa kaniyáng kamáy--at kayó ¿anó ang inyóng itátayâ?

--¿Anó bá ang maitatayâ namin?--ang tugón ni P. Sibyla--Ang General ay makatátayâ ng̃ maibigang itayâ, ng̃unì’t kamí, mg̃a parì, mg̃a _sacerdote_......

--¡Bah!--ang putol na pakutyâ ni Simoun--ang ibabayad ninyóng dalawá ni P. Irene ay mg̃a kaawànggawâ, panalang̃in, kabaitan, ¿anó?

--Batíd ninyóng ang mg̃a kabaitang tagláy ng̃ isá’t isá--ang talád na walâng halòng birò ni P. Sibyla--ay hindî kagaya ng̃ mg̃a brillante na maaarìng másalin sa ibá’t ibáng kamáy, ipagbilí na sa isá’t ipagbilí pa nitó.... yaón ay dalá ng̃ tao, mg̃a bagay na hindî málalayô sa katawán......

--Kung gayón ay papayag akóng sa salitâ na lamang ninyó akó bayáran--ang paklíng masayá ni Simoun--Kayó P. Sibyla sa bawà’t limáng tantós na ibíbigay ninyó sa akin ay sasabihin na lamang ninyó, sa halimbawà: lilimutin kong limáng araw ang karálitàan, ang kababàang loob, ang pagkamasunurin.... kayó namán P. Irene: lilimutin ko ang kalinisang ugalì, ang pagkamahabagin, at ibp. Nakita na ninyó na napakauntîng bagay, at akó, ang ibibigáy ko’y ang aking mg̃a brillante.

--¡Nápakatang̃ìng tao itóng si Simoun, kung anó anó ang iniisip!--ang sabing tumatawa ni P. Irene.

--At _itó_,--ang patuloy ni Simoun na tinangkî sa balikat ang General--ang ibabayad nitó sa akin sa bawà’t limáng tantós ay isáng _vale_ na katimbáng ng̃ limáng araw na pagkakábilanggô, sa isang _solo_ ay limáng buwan, sa isáng _codillo_ ay isáng utos na pagpapatapon, na walâng nakatalâng pang̃alan, sa isáng _bola_.... ay isáng utos sa guardia sibil na makabaríl sa daán sa taong parurusahan, samantalang ipinaghahatiran, at ibp.

Ang hamon ay napakatang̃ì. Ang tatlóng lálakadlakád ay nang̃agsilapit.

--Ng̃unì’t ginoong Simoun--ang tanóng ng̃ mataás na kawaní--¿anó ang máhihitâ ninyó sa pananalo ng̃ kabaitan sa bung̃ang̃à, at mg̃a buhay ng̃ tao, mg̃a pagpapatapon at mg̃a pagpatáy?

--¡Malakí! Bagót na akó sa kádiding̃íg ng̃ mg̃a usapang tungkol sa mg̃a kabaitan at nasà kong maipong lahát, ang lahát ng̃ nákakalát sa mundo, na nakapasok sa isáng supot upang itapon sa dagat kahi’t na kailang̃aning pamataw ang lahát ng̃ aking brillante.

--¡Sumpóng din iyán!--ang bulalás na tumatawa ni P. Irene--¿at anó namán ang gágawín ninyó sa mg̃a pagpapatapon at pagpapapatáy?

--Upang linisin ang bayan at pawìin ang lahát ng̃ masasamâng budhî.

--¡Ah! hanggá ng̃ayó’y may galit pá kayó sa inyóng mg̃a tulisán, gayóng mangyayaring hing̃án sana kayó ng̃ lalòng malakíng tubós ó kinuha sana ang lahát ng̃ inyóng alahas. ¡Huwag namán kayóng walâng utang na loob!

Ipinamarali ni Simoun na siya’y hinarang ng̃ mg̃a tulisán, na pagkatapos siyáng mapigíng na isáng araw, ay pinabayàan siyáng magpatuloy ng̃ lakad na walâng hining̃îng tubós kundî ang dalawá niyáng rebolber na Smith at ang dalawáng kahang punglô na kaniyáng dalá. Idinugtóng pang ipinakukumustá raw sa kaniyá ang Capitan General.

Dahil doon at sa dahiláng ibinalità ni Simoun na ang mg̃a tulisán ay maraming _escopeta_, baril at rebolber at sa gayóng mg̃a tao’y hindî maaarìng makalaban ang nag-íisá kahi’t na may sandata, ay lalagdâ ng̃ bagong utos ang Capitang General na ukol sa mg̃a “pistolas de salón” upang maiwasan na ang mg̃a tulisán ay magkaroon ng̃ armás.

--¡Huwag, huwag!--ang tutol ni Simoun--sa ganáng akin, ang mg̃a tulisán, ay siyáng mg̃a taong lalòng may karang̃alan sa lupaíng itó; silá ang tang̃ìng kumikita ng̃ ikabubuhay sa mabuting kaparaanan...... ¿Inaakalà ba ninyóng kung akó’y nahulog sa mg̃a kamáy...... ninyó sa halimbawà, ay pakakawalán ba ninyó akó ng̃ hindî kukunin ang kalahatì man lamang ng̃ aking mg̃a hiyas?

Tututol sana si Dn. Custodio; tunay ng̃âng isáng amerikanong _mulato_ na walâng pinag-aralan ang Simoun na iyon, na sinásamantalá ang pakikipag-ibigan niyá sa Capitan General upang alimurahin si P. Irene. Tunay ng̃â kung sa bagay na kung si P. Irene ang nakádakíp sa kaniyá ay hindî siyá nakawalà ng̃ dahil sa gayóng kaliit na bagay.

--Sa ang kasamaán ay walâ sa pagkakaroon ng̃ tulisán sa mg̃a bundók at kaparang̃an--ang patuloy ni Simoun--ang kasamâan ay nasa sa mg̃a tulisáng bayan....

--Na gaya ninyó--ang dugtóng na tumatawa ng̃ kanónigo.

--Oo, gaya ko, gaya natin, tayo’y mang̃agtapát; dito’y walâng indio na nakadiding̃íg sa atin,--ang dugtóng ng̃ mag-aalahás--ang kasamâan ay nasa pangyayaring tayong lahát ay hindî mg̃a tulisáng hayág: kung ito’y mangyari at manirahan na tayo sa gubat, sa araw na iyan, ay ligtás na ang bayan, sa araw na iyá’y sisibol ang isáng bagong kalipunán na siyá na sa sarili ang mag-aayos.... at sa gayón ay matiwasáy nang makapaglalarô ng̃ _tresillo_ ang Capitan General, na hindî siyá kailang̃ang linlang̃ín ng̃ kalihim....

Nang mg̃a sandalîng iyón ay naghihikáb ang kalihim at nag-iinát na itinataás sa ulo ang mg̃a kamáy at iniunat sa ilalim ng̃ mesa ang mg̃a paa niyang nagkakapatong.

Ang lahát ay nagtawanan ng̃ siyá’y mákita. Pinutol ng̃ General ang pag-uusap at matapos na bitiwan ang barahang kaniyang sinúsuksok ay nagwikàng:

--¡Siyá, siyá! Siyá na ang birûan at sugalan; gumawâ tayo, pagbutihin natin ang gawâ, kalahatìng oras pá ang kúlang sa oras ng̃ pagkain. ¿Marami bagáng bagay ang kailang̃ang lutasín?

Lahát ay naking̃íg. Sa araw na iyón pagtatalunan ang ukol sa pagtuturò ng̃ wikàng kastilà, kayâ’t may iláng araw nang nároroon si P. Sibyla at si P. Irene. Batíd nang ang una, sa dahiláng siya’y Vice-Rector, ay laban sa panukalà, at ang pang̃alawá ay kumakatig at kinakatigan namán ng̃ _condesa_.

--¿Anó, anó?--ang tanóng na naíiníp ng̃ General.

--Hang hunghol ha maha hama he halon--anáng kalihim na tinimpî ang isáng paghihikáb.

--¡Ipinagbabawal mulâ ng̃ayón!

--Ipagpatawad pô ninyó, aking General,--ang sabi ng̃ mataás na kawaní--Ipahintulot po sa akin ng̃ inyóng karang̃alan na sabihing sa alin mang bansâ sa Sangsinukob ay hindî ipinagbabawal ang mg̃a “armas de salón”.

Ikinibít ng̃ General ang kaniyáng balikat.

--Hindî tayo nakikigaya sa alín mang bansâ sa mundó--ang matigás na sabi ng̃ General.

