Ang "Filibusterismo" (Karugtóng ng Noli Me Tangere)
Part 7
Ng̃unì’t ng̃ luming̃ón upang tumanáw pang mulî sa kaniyáng bahay, ang bahay na kinapawìan ng̃ kaniyáng kabatàan, at kinasilang̃an ng̃ kaniyáng mg̃a unang pang̃arap sa pagkadalaga; ng̃ mákita niyáng malungkót, nagiísá, walâng tao, sa mg̃a durung̃awáng nakalapat ng̃ kauntì ay walâng nakadung̃aw at madilím na gaya ng̃ mg̃a matá ng̃ isáng patáy; ng̃ mading̃íg ang mahinàng kaluskós ng̃ kakawayanan at nákitang nang̃agduduyan dahil sa simuy sa umaga na warìng nagsasabi sa kaniyáng “paalam”, ay nawalâ ang kaniyáng maliksíng kilos, nápahintô siyá, ang kaniyáng mg̃a matá’y napunô ng̃ luhà at matapos magpatiupô sa isáng sang̃á ng̃ kahoy na nasa tabíng daan ay umiyák ng̃ kahapishapis.
Malaon nang nakaalís si Hulî at mataás ng̃ lubhâ ang araw. Si tandâng Selo ay nakadung̃aw at tinátanáw ang mg̃a nakagayák na taong tung̃o sa bayan upang magsimbá sa _misa mayor_. Halos lahát ay may dalá ó kayâ’y kilik na batàng lalaki ó batàng babai na nabibihisang warì’y tung̃o sa isáng kapistahan.
Ang kaarawán ng̃ Paskó sa Pilipinas, ayon sa matatandâ, ay pistá ng̃ mg̃a batà; marahil ay hindî kasang-ayon sa gayóng akalà ang mg̃a batà, at mahihinalàng kanilá pang kinatatakutan ang araw na iyón. At gayón ng̃â marahil, sapagkâ’t ginigising siláng maaga, linilinis, binibihisan at isinusuót sa kanilá ang lahát ng̃ kagayakang bago, mahal at mainam na mayroon silá, mg̃a sapatos na sutlâ, malalakí’t malalapad na sombrero, damít na lana, sutlâ ó tersiopelo, kasama ang apat ó limáng maliliít na kalmen na may daláng ebanhelio ni San Juán, at matapos na matagláy ang lahát ng̃ yaón ay dinadalá silá sa _misa mayor_ na kulángkuláng sa isáng oras ang habà, pinagtitiís silá ng̃ init at sing̃áw ng̃ maraming taong nagkakasiksikan at nagpapawís, at kung hindî man silá pinagdadasál ng̃ rosario ay kailang̃an namán nilá ang huwag maglilikót, mayamót ó mákatulog. Sa bawà’t kagaslawáng makapagpapadumí sa damít ay isáng kurót ó isáng galit ang katugón; kayâ’t hindî man silá tumatawa ni naggagalák at nábabasa sa kaniláng mg̃a matá ang pag-aalaala sa lumàng kamisola na pang-araw-araw at ang pag tutol sa tungkol may burdá. Matapos yaón ay dinádalá silá sa mg̃a baháy baháy ng̃ mg̃a kamag-anakan upang humalík ng̃ kamáy; doon ay kailang̃an nilá ang magsayáw, umawit at sabihin ang lahát ng̃ ikatutuwâng nálalaman, sa ibig man ó sa ayaw, suot ó hindî man ang kaniláng masisikíp na bihis, na kasama rin ang kurót at galit pag sumuway ó gumawâ noong bagay na dî iniuutos sa kanilá. Binibigyán silá ng̃ kualta ng̃ mg̃a kamag-anak, ng̃unì’t karaniwang hindî man nilá másilip pagkatapos, sapagkâ’t kinukuha ng̃ kaniláng mg̃a magulang. Ang tang̃ìng bagay na kaniláng nápapalâ sa mg̃a kapistahang yaón ay ang mg̃a bakás ng̃ kurót na tinuran, ang mg̃a kasikipán at madalás pa’y isáng pagkasirà ng̃ sikmurà dahil sa pagkabundát sa matamís ó biskotso sa bahay ng̃ mg̃a kamag-anak. Datapwâ’y yaón ang kaugalìan at ang mg̃a batà’y pumasok sa kabuhayan sa gayóng paraan, na sa isáng dako’y siyáng pinaká hindî malungkot, ang pinaká lalòng hindî mahirap sa kabuhayan ng̃ mg̃a taong yaón.
Ang mg̃a taong may kagulang̃an na, may sarili nang pamumuhay, ay nákakalahók din sa kapistahang itó. Dumadalaw sa kaniláng mg̃a magulang at mg̃a minamà, iluluhód ang isáng paa at babatìín ng̃ magandáng paskó: ang kaniláng aginaldo ay isáng matamís, isáng bung̃ang kahoy, isáng basong tubig ó isáng muntîng handóg na walâng halagá.
Napagmamasdán ni tandâng Selo ang pagdaraan ng̃ kaniyáng mg̃a kaibigan at malungkót na iniisip na walâ siyáng maibibigáy na aginaldo sa kang̃ino man ng̃ taóng iyón at ang kaniyáng apó ay umalís na walâng tagláy na aginaldo at hindî man lamang siyá nábatì ng̃ magandáng paskó. ¿Isá kayâng kahinhinán iyón ni Hulî ó isáng pagkalimot lamang?
Nang sinalubong ni tandâng Selo ang mg̃a kamag-anakang dumatíng na dalá ang kaníkaniláng mg̃a anák ay hindî makabigkás ng̃ anománg salitâ, kayâ’t sa sarili niyá’y námanghâ; walâng nangyari sa pagpupumilit, hindî nakabanggít ng̃ isá mang sabi. Pinigilan ang kaniyáng lalamunan, pinailíng ang ulo, hindî rin maarì! ¡nagnasàng tumawa at ang kaniyáng mg̃a labì ay kumimbót lamang! ang tang̃ìng napalabás sa kaniyáng bibíg ay isáng ipít na tunóg na kagaya ng̃ sa hungkóy. Gulilát na nang̃agkating̃inan ang mg̃a babai.
--¡Pipí, pipí!--ang sigawang balót ng̃ sindák at nang̃agkaguló.
IX
SI PILATO
Ang balità ng̃ gayóng kasawìán ay dumatíng sa bayan; kinahabagán ng̃ ilán at kinibít na lamang ng̃ ibá ang kaniláng balikat. Walâng may kasalanan sa pangyayaring yaón at ang sino ma’y walâng masisisi.
Ni hindî man namilíg ang teniente ng̃ guardia sibil; tumanggáp siyá ng̃ utos na samsamín ang lahát ng̃ armás, at siyá’y tumupád sa kaniyáng katungkulan; inuusig niyá ang mg̃a tulisán kailan ma’t magagawâ ang gayón, at ng̃ bihagin si kabisang Tales ay linakad niyá agad ang pag-uusig at inauwî niyáng balitî sa bayan ang limá ó anim na taong bukid na kaniyáng pinaghinalàan, at kung hindî napasipót si kabisang Tales ay sapagkâ’t walâ sa bulsá ni sa balát ng̃ mg̃a hinuli na pinakaigihan sa palò.
Kinibít ng̃ uldóg na tagapang̃asiwà sa _hacienda_ ang kaniyáng balikat. Walâ siyáng pakialám sa bagay na iyón; kagagawán ng̃ tulisán! at siyá’y tumútupád lamang sa kaniyáng katungkulan. Tunay ng̃âng kung hindî siyá nagsumbóng ay hindî marahil sinamsám ang mg̃a armás at hindî marahil nábihag si kabisang Tales: ng̃unì’t siyá, si Fr. Clemente, ay kailang̃an niyá ang mag-ing̃at at ang Tales na iyón ay may isáng ting̃íng warì’y humahanap ng̃ dakong patatamàan sa kaniyáng katawán. Ang pagsasanggaláng sa sarili ay katwiran. Kung may tulisán man ay hindî niyá kasalanan; hindî niyá katungkulan ang umusig: katungkulan iyón ng̃ guardia sibil. Kung si kabisang Tales ay namalagì sa kaniyáng tahanan at hindî naglibót sa kaniyáng mg̃a lupàín ay hindî sana nábihag. Yaón ay isáng parusa ng̃ lang̃it sa lahát ng̃ mg̃a lumalaban sa mg̃a utos ng̃ kaniyáng “corporación”.
Nabatíd ni Hermana Penchang, ang matandâng mapanatang pinaglilingkuran ni Hulî, ang nangyari: bumigkás ng̃ dalawá ó tatlóng _susmariosep!_, nag-angtandâ at nagsabing:
--Kung kayâ tayo pinadadalhán ng̃ Dios ng̃ ganyáng parusa, sa kadalasán, ay dahil sa tayo’y makasalanan ó kayâ’y mayroon tayong mg̃a kamag-anak na makasalanan na dapat sanang turùan natin ng̃ kabaitan, ng̃unì’t hindî natin ginawâ.
Sa pagsasabi nang “_kamag-anak na makasalanan_” ay si Hulî ang tinutukoy; sa ganáng sarili ng̃ matandâ ay lubhâng makasalanan si Hulî.
--Sukat ba namáng ang isáng dalagang maaarì ng̃ mag-asawa ay hindî pá marunong magdasál! Jesús, anóng lakíng pagkakasala! ¿Dapat ba namáng bigkasín ng̃ tunggák na iyón ang _Dios te Salve María_ ng̃ hindî humihintô sa _es contigo_, at ang _Santa María_ ay walâng patláng sa _pecadores_, na gaya ng̃ ginagawâ ng̃ sino mang mabuting kristiana na may takot sa Dios? Susmariosep! ¡Hindî nakaaalám ng̃ _oremus gratiam_ at ang sinasabi’y _mentibus_ at hindî _méntibus_! Ang sino mang makakading̃íg sa kaniyá ay mag-aakalàng ang sinabi’y _suman sa ibus_. Susmariosep!
At nag-aantandâng warì’y dî mápalagáy at nagpapasalamat sa Dios na pinayagang máhuli ng̃ tulisán ang amá upang maalís sa pagkakasala ang anák at mátuto ng̃ kabaitan, na alinsunod sa sabi ng̃ kura, ay dapat taglayín ng̃ bawà’t babaing kristiana. At dahil dito’y kaniyáng pinipigil, hindî pinadadalaw sa nayon upang kaling̃àin ang nunò. Kailang̃an ni Hulî ang mag-aral, magdasál, basahin ang mumuntîng aklát na ikinákalát ng̃ mg̃a prayle at gumawâ hanggáng sa mabayaran ang dalawáng daan at limang pûng piso.
Nang maalamang tumung̃o si Basilio sa Maynilà upang kunin ang salapîng naiipon at ng̃ matubós si Hulî sa bahay na pinaglilingkurán, ay inakalà ng̃ babai na ang dalaga’y masasawî na at pakikiharapán ng̃ diablo na mag-aanyông kagaya ni Basilio. ¡Kahit na nakaiiníp, ay lubhâng makatwiran iyóng muntîng aklát na ibinigáy sa kaniyá ng̃ kura! Ang mg̃a binatàng tumutung̃o sa Maynilà upang mag-aral, ay nang̃aliligáw at nanglíligáw pá ng̃ ibá. At sa pag-aakalàng inililigtás niyá si Hulî ay ipinag-uutos dito na basahing mulî’t mulî ang aklát ni _Tandang Basio Makunat_ at pinapaparoon sa bahay-parì upang makipagkita sa kura, na kagaya ng̃ babaing pinakakapuri ng̃ prayleng kumathâ.
Samantala namá’y nagsásayá ang mg̃a prayle; nanalo na silá sa usapín at sinamantalá ang pagkakabihag kay kabisang Tales upang ibigáy sa huming̃î ang mg̃a lupàín nitó na walâng muntî mang karang̃alan, ni walâng kahiyâhiyâ. Nang dumatíng ang dating mayarì at nabatíd ang mg̃a nangyari, ng̃ mákitang inaarì ng̃ ibá ang kaniyáng mg̃a lupaín, yaóng mg̃a lupaíng nagíng sanhî ng̃ ikinamatáy ng̃ kaniyáng asawa’t anák; nang matagpûang pipi ang kaniyáng amá, ang kaniyáng anák ay naglilingkód na parang alilà, at tumanggáp pá ng̃ isáng utos, na bigáy ng̃ tinintí sa nayon, upang alisín ang mg̃a lamán ng̃ bahay at iwan itó sa loob ng̃ tatlóng araw, ay umupô si kabisang Tales sa piling ng̃ kaniyáng amá at hindî man halos nang̃usap sa boong maghápon.
X
KAYAMANA’T KARALITAAN
Kinabukasan, sa gitnâ ng̃ pagkakamanghâ ng̃ boong nayon, ay nakituloy sa bahay ni kabisang Tales ang manghihiyas na si Simoun na may kasamang dalawáng batàán na may pasáng malalakíng takbá na nababalutan ng̃ lona. Sa gitnâ ng̃ kaniyáng pagdadálitâ ay hindî nalilimutan ni Tales ang magandáng ugalì ng̃ tagarito, kayâ’t nagugulumihanan sapagkâ’t walâ siyáng sukat maíhandóg sa dayuhang yaón. Datapwâ’y may tagláy nang lahát ng̃ bagay si Simoun, mg̃a alilà at kakanin, at walâ siyáng nais kun dî ang manirahan ng̃ isáng gabí’t isáng araw sa bahay na iyón, sapagkâ’t siyáng pinakamalakí sa nayon at sa dahiláng nápapagitnâ sa San Diego at sa Tiani, mg̃a bayang inaakalà niyang may maraming mámimili. Inusisà ni Simoun ang kalagayan ng̃ mg̃a daan at itinanóng kay kabisang Tales kung sukat na ang kaniyáng rebolber upang makapagtanggól sa mg̃a tulisán.
--May mg̃a baríl na malayò ang abót--ang sabi ni kabisang Tales na nátatang̃á.
--Hindî na páhuhulí ang rebolber na itó--ang sagót ni Simoun na nagpaputók, na ang pinatamàán ay isáng punòng bung̃a na may dalawáng daang hakbáng ang layô.
Námalas ni kabisang Tales ang pagkahulog ng̃ ilang bung̃a, ng̃unì’t hindî umimík at nagpatuloy sa pag-íisíp.
Untî untîng dumadatíng ang mg̃a taong akay ng̃ kabantugán ng̃ mg̃a hiyás na dalá ng̃ mag-aalahás: isá’t isá’y nagbabatìán ng̃ maligayang paskó, nang̃ag-uusap ng̃ tungkól sa misa, mg̃a santó, masamâng ani, ng̃unì’t gayón man ay gúgugulin ang kaniláng naiipon sa pagbilí ng̃ mg̃a bató at mg̃a bagay bagay na galing sa Europa. Balitàng balità na ang mag-aalahás ay kaibigan ng̃ Capitan General at hindî magiging isáng kalabisán ang pakikipagkilala sa kaniyá dahil sa mg̃a bagay na bakâ mangyari.
Si kapitáng Basilio ay dumatíng na kasama ang kaniyáng asawa, ang kaniyáng anák na si Sinang at ang kaniyáng manugang, na nang̃ahahandâng gumugol ng̃ hindî bábabâ sa tatlóng libong piso.
Nároroon si Hermana Penchang upang bumilí ng̃ isáng singsíng na brillante na ipinang̃akò niyá sa Birhen sa Antipolo; iniwan niyá sa bahay si Hulî na isinásaulo ang isáng muntîng aklát na nábilí niyá ng̃ dalawáng kualta sa kura; ang arsobispo ay nagbibigáy ng̃ apat na pung araw na _indulgencia_ sa sino mang bumasa ó makading̃íg ng̃ pagbasa ng̃ aklát na iyón.
--¡Jesús!--ang sabi ng̃ mabaít na mapanata kay kapitana Tikâ--ang kaawà-awàng batàng iyán ay lumakí ditong warì’y kabutíng itinaním ng̃ tikbalang!.... May makálimáng pûng ipinabasa ko ng̃ malakás ang aklát ng̃unì’t walâng náisaulo ni bahagyâ; warìng isáng buslô ang ulo, na, punô lamang sámantalang nasa sa tubig. Marahil ay hindî lamang dalawáng pûng taóng indulgencia ang aming tinamóng lahát, sampû ng̃ aso’t pusà sa pakiking̃íg sa kaniyá.
Inihandâ ni Simoun sa mesa ang dalawáng takbá na kaniyáng dalá: ang isá’y malakílakí kay sa isá.
--Marahil ay ayaw kayó ng̃ hiyás na _double_ ni batóng huwad lamang.... Itóng ali--ang sabing tinukoy si Sinang--ay brillante marahil ang ibig......
--Iyán ng̃â pô, mg̃a brillante at mg̃a matatandâng brillante, mg̃a matatandâng bató ¿há pô?--ang sagót--ang magbabayad ay si tatay at ibig niyá ang mg̃a matatandâng bagay, mg̃a bató sa una.
Kung gaano ang pagbibirô ni Sinang sa kakauntî at masamâ pang latín na nalalaman ng̃ kaniyáng asawa ay gayón din namán ang sa maraming latín na nalalaman ng̃ kaniyáng amá.
--Sadyâ ng̃â pông mayroon akong mg̃a hiyás na lubhâng matatandâ--ang sagót ni Simoun, na inalís ang balot ng̃ muntîng takbá.
Yaó’y isáng sisidláng bakal, na patalím na kininis, at maraming palamutìng _bronse_ at mg̃a matitibay at pasuotsuot na panará.
--Mayroon pô akóng mg̃a palamutì ng̃ liig ni Cleopatra, mg̃a sadyâng tunay, na nákuha sa mg̃a pirámide, mg̃a singsíng ng̃ mg̃a senador at mg̃a ginoong romano na nákuha sa mg̃a labíng muog ng̃ Cártago......
--Marahil ay ang mg̃a ipinadalá ni Anibal ng̃ matapos ang labanán sa Cannes!--ang sabing walâng kaping̃asping̃as na birò at lipús kagalakán ni kapitáng Basilio.
Ang mabuting ginoo natin, kahit na nakábasa ng̃ maraming kasulatan na ukol sa matatandâng kapanahunan ay hindî pá nakákikita ng̃ mg̃a bagay bagay ng̃ panahóng iyón dahil sa walâng _museo_ dito sa Pilipinas.
--May dalá rin akó ritong mg̃a mahahalagáng hikaw ng̃ mg̃a marang̃al na babaing romana, na nákuha sa bahay liwaliwan ni Antonio Mucio Papilino sa Pompeya......
Iginagaláw ni kapitáng Basilio ang kaniyáng ulo, na ang ibig sabihin ay alám niyá ang mg̃a bagay na tinuran, at ninanasà niyáng mamalás kaagád ang mg̃a mahahalagáng labíng iyón. Sinasasabi namán ng̃ mg̃a babai na ibig niláng magkaroon ng̃ galing sa Roma, mg̃a kuwintás na benenditahan ng̃ Papa, mg̃a _relíquias_ na nakapagpapatawad ng̃ mg̃a kasalanan na hindî na kailang̃an ang mang̃umpisál, at ibp.
Nang mabuksán ang takbá at maalís ang bulak na panakíp, ay námalas ang isáng lalagyáng punô ng̃ singsíng, agnós, _guardapelo_, krus, alpiler, at ibp. Ang mg̃a brillante na sinaglitán ng̃ mg̃a batóng may sarìsarìng kulay ay kumíkináng at nagniningníng sa gitnâ ng̃ mg̃a bulaklák na gintô na ibá’t ibá ang kulay, may gisuk na _esmalte_ at may sarìsarìng liluk at kudyá.
Inalís ni Simoun ang bandeha at lumitáw ang isá namáng punô ng̃ mg̃a kahang̃àhang̃àng hiyás na dapat ng̃ makasiyá sa pitóng binibini sa pitóng araw na sa kinabukasan ay magdadaós ng̃ sayawang parang̃al sa kanilá. Ang ayos ay sarìsarì, mg̃a pagkakasaglítsaglít ng̃ mg̃a bató at perlas na anyông mg̃a hayuphayupang may mg̃a kulay bugháw at balok na nang̃ang̃aninag; ang mg̃a sápiro, esmeralda, rubí, turkesa at brillante ay magkakasamang anyông tutubí, paróparó, panilan, pukyutan, uwang, ahas, himbubuli, isdâ, bulaklák, kumpól, at ibp.; may sukláy na ayos diadema, gargantilya, pamutì ng̃ liig na perlas at brillante, na dahil sa kagandahan ay hindî tulóy napigil ng̃ iláng dalaga ang isáng pahang̃àng ¡inakú! at si Sinang ay napapalaták, kayâ’t kinurót siyá ng̃ kaniyáng ináng si kapitana Tikâ, sapagkâ’t bakâ lalòng mahalán ng̃ mag-aalahás ang daláng lakò. Patuloy pá rin si kapitana Tikâ sa pagkurót sa kaniyáng anák kahit may asawa na.
--Hayan pô ang mg̃a brillante sa una--ang sabi ng̃ mag-aalahás--ang singsíng na iyán ay inarì ng̃ princesa Lamballe, at ang mg̃a hikaw na iyán ay sa isáng dama ni María Antonieta.
Ang itinurò’y iláng magagandáng brillante na kasinglakí ng̃ butil ng̃ maís, ang kintáb ay mang̃asúlng̃asul, mainam, na warìng tagláy pá nilá ang mg̃a pang̃ing̃ilabot noong kapanahunang tinawag na “_mg̃a araw ng̃ hilakbót_”.
--¡Ang dalawáng hikaw na iyán!--ang sabi ni Sinang na ang ting̃ín ay sa kaniyáng amá at ipinagsasanggaláng ng̃ kamáy ang bisig na nálalapít sa kaniyáng iná.
--Ibáng lalò pang matatandâ, ang mg̃a romana--ang sagót ni kapitáng Basilio na sabáy ang kindát.
Inisip ng̃ mapanatang si Hermana Penchang na kung yaón ay ihandóg niyá sa Birhen sa Antipolo ay pahihinuhod at ipagkákaloób ang kaniyáng pinakamasidhîng hang̃ád: malaon ng̃ humihing̃î siyá ng̃ isáng kababalagháng bunyág na kahalò ang kaniyáng pang̃alan upang huwag nang mapawì ang pag-aalala sa kaniyá dito sa lupà, at pagkatapos ay magtulóy sa lang̃it, gaya ni kapitana Inés ng̃ mg̃a kura, kayâ’t itinanóng ang halagá. Ng̃unì’t tatlóng libong piso ang turing ni Simoun. Ang matandâng babai’y _nag-angtanda_. ¡Susmariosep!
Inilahad ni Simoun ang pang̃atlóng lalagyán.
Punôngpunô ng̃ mg̃a orasán, kalupì, lalagyán ng̃ pósporo at mg̃a agnós na pinamutihan ng̃ brillante at maninipís na mumuntîng larawang esmalte.
Ang pang-apat ay siyáng kinalalagyán ng̃ mg̃a lagás na bató, at ng̃ buksán, ay isáng paghang̃à ang kumalat sa bahay; nápapalaták na mulî si Sinang, kayâ’t kinurút siyá ng̃ kaniyáng iná, ng̃unì’t itó mán ay nakabitíw din ng̃ isáng pahang̃àng ¡Sus María!
Hanggáng sa mg̃a sandalîng iyón ay walâ pang nakákikita ng̃ gayóng karaming kayamanan. Sa kahóng iyon, na may balot na tersiopelong bugháw na mang̃itímng̃itím, na may mg̃a halang, ay namamakás ang katunayan ng̃ mg̃a pang̃arap sa “Isáng libo’t isáng gabí”, ang pang̃arap ng̃ mg̃a salamisim sa kasilang̃anan. Mg̃a brillanteng kasinglakí ng̃ mg̃a garbansos na nagkikinang̃ang nagtatapon ng̃ kisláp na nakasisirà ng̃ matá, na warìng ibig matunaw ó mag-alab sa kintáb; mg̃a esmeraldang galing sa Perú na ibá’t ibá ang tapyás at ayos, mg̃a rubí sa India na mapupuláng warì’y paták ng̃ dugô, mg̃a sápiro sa Ceylán na bugháw at putî, mg̃a turkesa sa Persia, perlas na makinis ang balát, na ang ilan sa kanilá’y namúmulámulá, mang̃abóng̃abó at maitím. Ang makabubulay ng̃ anyô ng̃ sisidláng iyon, ay yaóng nakakita lamang sa gabí ng̃ isáng kuwitis na nagsabog ng̃ mumuntîng liwanag na sarìsarìng kulay, na ang kináng ay nakapagpapalamlám sa mg̃a walâng kupas na bituwin.
Warìng upang lalòng maragdagán ang pagkakamanghâ ng̃ mg̃a kaharáp ay hinalòhalò ni Simoun ang mg̃a bató ng̃ kaniyáng kayumanggí at mahabâng dalirì at warìng naiigaya sa tagintíng at sa pagdudulasang warì’y paták ng̃ tubig na nagbibigáy kulay sa bahag-harì. Ang kináng ng̃ gayóng maraming tapyás at ang kahalagahan nilá’y nakaaakit sa mg̃a matá. Si kabisang Tales, na lumapit dahil sa nasàng makakita namán, ay ipinikít ang mg̃a matá at lumayông biglâ na warìng upang mapawì ang isáng masamâng akalà. Ang gayóng karaming kayamanan ay warìng nakaaalipustâ sa kaniyáng kahirapan; naparoon ang taong yaon na ipinagpaparang̃alan ang kaniyáng malakíng yaman sa kasunód pá namán ng̃ araw na iíwan niyá ang bahay na iyon dahil sa kakulang̃án sa salapî at sa sukat mag-ampón.
--Nárito ang dalawáng brillanteng itím na pinakamalakí sa lahát--ang sabi ng̃ mag-aalahás--mahirap tapyasán, sapagkâ’t napakatitigás.... Ang batóng itó na may kauntîng kulay pulá ay brillante rin, gayón din namán itóng berde na marami ang nag-aakalàng esmeralda raw. Tinawaran na iyán sa akin, ng̃ anim na libong piso, ng̃ insík na si Quiroga upang ibigáy sa isáng _señora_ na malakás ang kapit.... At hindî pá ang mg̃a kulay dahon ang pinakamahal sa lahát, kungdî itóng mg̃a bugháw.
At ibinukód ang tatlóng bató na hindî namán lubhâng malalakí ng̃unì’t lubhâng makakapál at mabuti ang pagkakatapyás, na may kauntìng kulay bugháw.
--Kahit na mumuntî iyán kay sa mg̃a kulay dahon--ang patuloy--ay ibayo ang halagá.
Tingnán ninyó itó na pinakamaliit sa lahát, na ang timbáng ay hindî hihigít sa dalawáng kilatis, nábilí ko ng̃ dalawáng pûng libong piso at ng̃ayó’y hindî ko maibibigáy ng̃ kulang sa tatlóng pûng libo. Upang mabilí ko lamang iyan ay linakbáy ko pang sadyâ. Itóng isá na nákuha sa mina sa Golconda ay tatlóng kilatis at kalahatì ang timbáng at ang halagá’y higít sa anim na pûng libo. Tinatawaran sa akin iyan ng̃ labing dalawáng libong _libras esterlinas_ nang Virrey sa India, sa pamag-itan ng̃ isáng sulat na tinanggáp ko kamakalawá.
Sa haráp ng̃ gayóng karaming kayamanan na naipon sa kamáy ng̃ taong iyón, na palagáy na palagáy kung mang̃usap, ay nagdaramdám ng̃ warì’y paggalang na may halòng sindák ang mg̃a nároroon.... Makáilang pumalaták si Sinang at hindî siyá kinurót ng̃ kaniyáng iná, sapagkâ’t natutubigan marahil ó kayâ’y sa dahiláng inaakalà niyá na ang isáng mag-aalahás na kagaya ni Simoun ay hindî magnanasàng magtubò ng̃ limang piso pá, humigít kumulang, dahil sa isáng bulalás na hindî napigil. Ang lahát ay nakating̃ín sa mg̃a bató, walâng nagpapamalas ng̃ nasàng humipò, nang̃atatakot. Natitigilan silá dahil sa pagkakamanghâ. Si kabisang Tales ay sa kaparang̃an nakatanáw at iniisip na ang isá lamang sa mg̃a brillanteng iyon, ang pinakamuntî marahil, ay sukat ng̃ maitubós sa kaniyáng anák, huwag maiwan ang bahay at marahil ay maipagpagawâ ng̃ ibáng bukid.... ¡Dios! ¡diyatà’t ang isá lamang sa mg̃a batóng iyon ay mahalagá pá kay sa tahanan ng̃ isáng tao, sa ikaliligtás sa pang̃anib ng̃ isáng dalaga, sa kapayapàan ng̃ isáng matandâ sa kaniyáng mg̃a hulíng araw!
At dahil sa warìng nahuhulàan ni Simoun ang kaniyáng iniisip ay sinabi sa mg̃a kaharáp na magkakaanák na:
--At tingnán ninyó, tingnán ninyó; dahil lamang sa isá sa mg̃a maliliit na batóng bugháw na itó, na warìng walâng kamalaymalay at dî makasásamâ sa kang̃ino man, malinis na warìng buhang̃ing natanggal sa lang̃it, sa isá lamang nitó na ihandóg sa ukol na panahón ay nagawâ ng̃ isáng tao ang ipatapon ang kaniyáng kagalít, isáng magulang na may inaampóng mg̃a kaanak, na warì’y nangguló sa bayan.... at dahil sa isáng muntîng bató pang gaya nitó, mapuláng warì’y dugô ng̃ pusò, gaya nang nasàng paghihigantí at kumikisláp na gaya ng̃ luhà ng̃ mg̃a ulila ay binigyang layà, ang tao’y nakauwî sa kaniyáng tahanan, napagbalikán ng̃ amá ang kaniyáng mg̃a anák, ng̃ asawa ang kaniyáng kabiyák ng̃ pusò, at marahil ay nailigtás ang isáng boong mag-aanak sa isáng marálitang sasapitin.
At samantalang tinátapiktapík ang sisidlán:
--Mayroon akó dito, gaya ng̃ nasa tatagûan ng̃ mg̃a manggagamot--ang patuloy sa wikàng tagalog na hindî tumpák--ang buhay at ang kamatayan, ang lason at lunas, at sa isáng dakót na itó ay magagawâ ko ang lunurin sa luhà ang lahát ng̃ tao dito sa Pilipinas!
Ang lahát ay sindák na nápating̃ín sa kaniyá sa pagkâ’t nabábatíd niláng tunay ang sinasabi. Sa boses ni Simoun ay nápupuná ang isáng kakaibáng ting̃ig at matalas na ting̃ín ang warì’y namumulás sa kaniyáng salamíng bugháw sa matá.
Warìng upang maputol ang pagkakamanghâ ng̃ mg̃a taong iyón sa pagkamalas sa mg̃a batóng nakita, ay itinaás ni Simoun ang bandeha at inilantád ang ilalim na pinagtatagùan ng̃ _sancta sanctorum_. Mg̃a sisidláng balát sa Rusia, na hiwáhiwaláy dahil sa mg̃a halang na bulak ang siyáng pumúpunô sa káilalimang ang balot ay tersiopelong mang̃abóng̃abó ang kulay. Lahát ay nag-aantáy na makakikita ng̃ mg̃a kahang̃àhang̃à. Ináantáy ng̃ asawa ni Sinang na makakita ng̃ mg̃a karbungko, mg̃a batóng nag-áapoy at kumíkináng sa gitnâ ng̃ kadilimán. Si kapitáng Basilio ay nasa pintô ng̃ kabantugan; makakikita ng̃ bagay na may katuturán, bagay na katunayan, ang katawán ng̃ kaniyáng mg̃a lagìng pinang̃arap.
--Ang pamuting itó sa liig ay kay Cleopatra--ang sabi ni Simoun at maing̃at na kinuha ang isáng kahang lapád na ang ayos ay kalahatìng buwán--isáng hiyás na hindî mahahalagahán, isáng bagay na nárarapat lamang ilagáy sa mg̃a museo, sa mg̃a pamahalàang mayayaman lamang nauúkol.
Yaón ay isáng warì’y kolyar na binúbuô ng̃ ibá’t ibáng palawít na gintô na mg̃a ayos anitong uwang na kulay dahon at bugháw, at sa gitnâ’y may isáng ulo ng̃ buitre na gawâ sa bató, na ang kilabot ay katang̃ìtang̃ì, na nápapagitnâ sa dalawáng pakpák na nakabuká, sagisag at hiyas ng̃ mg̃a harìng babai sa Ehipto.
Nang makita ni Sinang ay ikinimbót ang ilóng at ng̃umuwîng paalipustâ na warì’y batà, at si kapitang Basilio kahi’t na may malakíng hilig sa mg̃a lumàng arì ay hindî nakapigil ng̃ isáng ¡abá! na anák ng̃ hindî kasiyaháng loób sa nákita.
--Isáng mainam na hiyas na naing̃atang mabuti, kayâ’t mayroon nang dalawáng libong taón ang tandâ.
--¡Psh!--ang sabing agád ni Sinang upang huwag mahulog sa tuksó ang kaniyáng amá at nang huwag bilhín.