Ang "Filibusterismo" (Karugtóng ng Noli Me Tangere)
Part 4
--Kung sa araw araw ay naglilimós akó sa isáng pulube upang huwag na lamang akóng yamutín ¿sino ang makapipilit sa akín na magpatuloy akó sa pagbibigay, kung nagpapakasagwâ namán?
At walâng makapag-patinag sa kaniyá sa gayón at walâ namáng bantâng makapagpalubág sa kaniyá. Walâng nangyari sa Gobernador M.... na naglakbáy at sinadyâ siyá upang takutin; ang lahát ay sinasagót niyá nang:
--Magagawâ ninyó ang ibig gawín, G. Gobernador, akó’y isáng mangmáng at walâ akóng lakás. Ng̃unì’t inayos ko ang mg̃a bukiríng itó, ang asawa ko’t anák ay nang̃amatáy sa pagtulong sa akín sa paglilinis, kayâ’t hindî ko siyá maipagkákaloob sa sino mang hindî makagawâ sa kanilá ng̃ higít sa ginawâ ko. Diligín muna silá ng̃ dugô ng̃ nagnanasà at ilibíng sa kanilá ang asawa’t anák.
Ang kinahinatnán, sa katigasang itó ng̃ ulo, ay ang bigyán ng̃ katwiran ang mg̃a prayle ng̃ mg̃a matapát na hukóm, at siya’y pinagtátawanán ng̃ balà na at pinagsasabihan pang hindî naipapanalo ang mg̃a usapín ng̃ dahil sa katwiran. Gayon man ay patuloy din siyá sa paghahabol, linalagyán ng̃ punlô ang kaniyáng baríl at mahinahong liniligíd ang kaniyáng lupaín. Sa kapanahunang iyón ay warìng isáng pang̃arap ang kaniyáng kabuhayan. Ang kaniyáng anák na si Tanò, binatàng kasingtaas ng̃ amá, at gaya ng̃ kapatíd na babai sa kabutihan, ay násundalo; pinabayàan niyáng lumakad at hindî ibinayad ng̃ mákakapalít.
--Magbabayad akó sa mg̃a abogado,--ang sabi sa anák na babaing umíiyák:--kung manalo akó sa usapín ay mapababalík ko siyá, ng̃unì’t kung akó’y matalo ay hindî ko kailang̃an ang anák.
Lumakad ang anák at ang tang̃ìng balitàng tinanggáp ay ang pinutulan ng̃ buhók at natutulog sa ilalim ng̃ isáng karreta. Nang makaraan ang anim na buwan ay may nagsabing nákitang dinalá sa Carolinas; may iláng nagbabalitàng tila nákitang suot guardia sibil.
--¡Guardia sibil si Tanò! ¡Susmariosep!--ang pamanghâ ng̃ ilán na sabáy sa pagtatalukob kamáy:--¡Si Tanò na napakabuti at napakabaít! ¡Rekimeternam!
May iláng araw na hindî binatì ng̃ nunò ang amá, si Hulî ay nagkasakít, ng̃unì’t hindî tumulò ang isá mang paták na luhà ni kabisang Tales; dalawáng araw na hindî umalís sa bahay, na warìng nang̃ang̃ambá sa pagsisi ng̃ kaniyáng mg̃a kanayon; natatakot tawaging siyáng pumatáy sa kaniyáng anák. Ng̃unì’t ng̃ ikatlóng araw ay mulîng lumabás na dalá ang kaniyáng baríl.
May nagsapantahà na siya’y may nasàng pumatáy ng̃ tao at may isáng nagsabi na náding̃íg umanóng ibinúbulóng niyá ang balàng ibaón ang uldóg sa mg̃a lubák ng̃ kaniyáng bukirín; kayâ’t mulâ noo’y kinatakutan na siyáng lubhâ ng̃ prayle. Dahil dito’y pumanaog ang isáng utos ng̃ Capitán General na nagbabawal ng̃ paggamit ng̃ baríl at ipinasásamsám na lahát. Ibinigáy ni kabisang Tales ang kaniyáng baríl, ng̃unì’t nagpatuloy dín sa kaniyáng pagbabantáy na ang dalá ay isáng mahabàng iták.
--¿Anó ang gágawin mo sa iták na iyán sa ang mg̃a tulisán ay may baríl?--ang sabi sa kaniyá ni matandâng Selo.
--Kailang̃an kong bantayán ang aking mg̃a pananím,--ang sagót;--ang bawà’t isáng tubó doon ay isáng butó ng̃ aking asawa.
Inalisán siyá ng̃ iták dahil sa nápakahabà. Ang ginawâ namán niyá ay kinuha ang matandâng palakol ng̃ kaniyáng amá at ipinatuloy ang kaniyáng paglalakád na nakapang̃ing̃ilabot.
Si matandâng Selo at si Hulî ay nang̃ang̃ambá sa tuwîng áalís siyá ng̃ bahay. Si Hulî ay títindíg sa habihán, dudung̃aw, nagdádasal ng̃ mg̃a nobena. Ang matandâ namán ay hindî mátumpák kung minsán sa pagyarì ng̃ buklód ng̃ walís at násasabisabíng pagbábalikán ang gubat. Ang pamumuhay sa bahay na iyón ay nápakahirap.
Nangyari din ang kinatatakutan. Sa dahiláng ang bukid ay malayò sa pook ng̃ mg̃a bahay, kahì’t na may palakól si kabisang Tales ay nabihag ng̃ mg̃a tulisán, na may mg̃a rebolber at baríl. Sinabi sa kaniyá ng̃ mg̃a tulisán na yamang mayroon siyáng náibabayad sa mg̃a hukóm at tagatanggol-usap ay dapat din namán siyáng magkaroon ng̃ máibibigay sa mg̃a náwawakawak sa kabuhayan at mg̃a pinag-uusig. Dahil doon ay hining̃án siyá ng̃ limáng daang pisong tubós sa pamag-itan ng̃ isáng tagabukid at pinatibayan pang pag may nangyari sa utusán ay itítimbáng ang búhay ng̃ dakíp. Dalawáng araw ang ibinigáy na taning.
Ikinasindák na lubhâ ng̃ mag-anak ang balità at lalò pa mandíng naragdagán ang gayón, ng̃ mabatíd na lálabás ang Guardia sibil upang usigin ang mg̃a tulisán. Kung magkátagpô at magkálabanán ay alám ng̃ lahát na ang unang mápapatáy ay ang dakíp. Nang tanggapín ang balità’y hindî nakatinag ang matandâ, at ang anák na babai, sa gitnâ ng̃ pamumutlâ’t pagkasindák, ay makáilàng nagnasàng mang̃usap, ng̃unì’t hindî nangyari. Datapwâ’y isáng hinalàng lalòng mabigát ang nakapagpabalík sa kaniláng diwà. Ang sabi ng̃ tagabukid na inutusan ng̃ mg̃a tulisán, ay marahil magsisilayô silá, kayâ’t kung magluluwát sa pagbibigáy ng̃ tubós ay lalawig ang araw at si kabisang Tales ay pupugutan ng̃ ulo. Ang sabing itó’y nakatulíg sa dalawá, na kapuwâ mahihinà at kapuwâ walâng magawâ. Si tandâng Selo ay mápaupô’t mapatindíg, akyát manaog, hindî malaman ang tung̃uhin, hindî malaman ang lapitan. Si Hulî’y padulógdulóg sa kaniyáng mg̃a larawan ng̃ santó, ulî’t ulîng binilang ang salapî, ng̃unì’t ang dalawáng daang piso’y hindî nararagdagán, ayaw dumami, bigláng magbibihis, iipunin ang lahát ng̃ kaniyáng hiyás, hihing̃îng sangunì sa matandâ, tatangkâíng makipagkita sa Kapitán, sa hukóm, sa tagasulat, at sa teniente ng̃ Guardia sibil. Oo ang sagót ng̃ matandâ sa lahát, at pag sinabi ng̃ batàng huwag ay huwag dín namán siyá. Dumatíng ang iláng babaing kapitbahay na kamag-anakan at kakilala, mg̃a marálitâ, at may maralitâ pa kay sa ibá, mg̃a walâng malay na tao at minámalakí ang lahát ng̃ bagáy. Ang pinakamatalas sa lahát ay ang pusakál na pagingera na si Hermana Balî na nanirahan sa Maynilà upang mag _ejercicio_ sa beaterio ng̃ La Compañía.
Ipagbibilí ni Hulî ang lahát ng̃ kaniyáng mg̃a hiyás liban lamang ang isáng agnós na may brillante at esmeralda na bigáy ni Basilio. Ang agnós na iyon ay may kasaysayan; ibinigáy ng̃ _monja_ na anák ni kapitáng Tiago sa isáng ketong̃in, dahil sa pagkakagamót ni Basilio sa may sakít ay ibinigáy nitó na parang isáng handóg. Hindî niyá máipagbilí hanggáng hindî maalaman ng̃ nagbigáy.
Madalíng ipinagbilí ang mg̃a sukláy, hikaw at kuwintás ni Hulî sa isáng mayamang kapitbahay at dinagdagán pá ng̃ limáng pûng piso; kulang pa rin ng̃ dalawang daan at limang pû. Maaarìng isanglâ ang agnós, ng̃unì’t nápailíng si Hulî. Iminunkahì ng̃ isáng kalapít na ipagbilí ang bahay, bagay na sinangayunan ni tandâng Selo ng̃ boông lugód, sapagkâ’t bábalík sa gubat upang makapang̃ahoy na mulî na gaya noong una, ng̃unì’t ang gayón ay hindî mangyayari ang sábi ni Hermana Balî sa dahiláng walâ ang tunay na may-arì.
--Minsan ay pinagbilhan akó ng̃ isáng tápis ng̃ asawa ng̃ hukóm, sa halagáng piso, at kadumatdumat ay sinabi ng̃ asawa na walâ raw kabuluhán ang bilihang iyon sapagkâ’t walâ siyang malay. ¡Abá! Kinuha sa akin ang tápis at hindî isinaulî sa akin ng̃ babai ang piso hangga ng̃ayón, ang ginágawâ ko namán ay hindî ko siyá binabayaran sa panginge kung siya’y nananalo, abá! Sa gayóng paraan ay násing̃íl ko siyá ng̃ labíng dalawáng kualta; dahil lamang namán sa kaniyá kung kayâ akó nagsusugál. Hindî ko mapapayagang hindî akó pagbayaran, abá!
Tátanung̃ín sana ng̃ isáng kalapít kung bakit hindî siyá pinagbabayaran ni Hma. Balî sa isáng maliit na utang, ng̃unì’t natalasan ng̃ pangingera, kayâ’t nagpatuloy kaagád:
--¿Alam mo Hulî ang mabuti mong gawín? Isanglâ mo muna sa halagáng dalawáng daan at limáng pùng piso ang bahay, sanlâng pagbabayaran hanggáng sa manalo ang usap.
Itó ang pinakamabuti sa mg̃a balak, kayâ’t tinangkâng gawín noon ding araw na iyon. Sinamahan ni Hermana Balî at linibot nilá ang lahát ng̃ bahay ng̃ mayayaman sa Tiani, ng̃unì’t walâng pumayag sa gayóng kasundûan: anilá’y talo ang usap, at ang pagtulong sa isáng kalaban ng̃ mg̃a prayle ay parang humahandâ na sa paghihigantí nitó. Sa kahulihulihan ay nakátagpô rín ng̃ isáng matandâng mapanata na nahabág sa kaniyáng kalagayan, ibinigáy ang halagá sa pamag-itan ng̃ kasundûan na si Hulî’y paaalilà sa kaniyá hanggáng sa mabayaran ang utang. Sa isáng dako namán ay walâng maraming gagawín si Hulî, manahî lamang, magdasál, samahan siya sa simbahan, magpanatá maminsánminsán ng̃ patungkol sa kaniyá. Lumuluhàng pumayag si Hulî sa kasundûan, tinanggáp ang salapî at nang̃akòng sa kinabukasan, araw ng̃ Paskó, ay maglilingkód na siyá.
Nang matantô ng̃ matandâ ang gayóng halos pagbibilí ng̃ katawán, ay nag-iiyák na warì’y batà. Dî yatà’t ang apó niyáng yaón na ayaw niyáng palalakarin sa init ng̃ araw upang huwag masunog ang balát, si Hulîng may maliliít na dalirì at mapuláng sakong, ¡dî yatà! ang binibining yaón na siyáng pinakamagandá sa nayon at marahil ay sa boong bayan, na lagì nang tinátapatán ng̃ mg̃a binatàng nagtutugtugan at nagkakantahan, ¡dî yatà! ang bugtóng niyáng apó, ang kabugtóng niyáng anák, ang tang̃ìng lugód ng̃ malabò niyáng paning̃ín, yaong pinang̃arap niyáng nakasayang mahabà, nagsasalitâ ng̃ wikàng kastilà at nagpapaypáy ng̃ pamaspás na may mg̃a pintá, na kagaya ng̃ mg̃a anák ng̃ mayaman, ¿yaón ang papasók na alilàng kagagalitan at pagwiwikàan, upang masirà ang kanyáng mg̃a dalirì, upang mákatulog sa kahì’t saang sulok at mágisíng nang walâng patumangâ?
Ang matandâ’y walâng humpáy sa kaiiyák, sinásabisabíng siya’y magbibigtí at magpapakamatáy sa gutom.
--Kung áalís ka--ang sabi--ay babalík akó sa gubat at hindî na akó tútuntóng ng̃ bayan.
Pinapayuhan siyá ni Hulî na kinakailang̃ang makabalík ang amá, at pag nanalo ang usapín ay madalî siyáng matutubós sa pagkaalilà.
Dinaang malungkót ang gabíng yaon; alín man sa dalawá ay hindî nakakain at ang matandâ’y nagmatigás na hindî humigâ, at magdamág na naupô na lamang sa isáng sulok, walâng imík, ni kakibôkibô, at hindî man kumikilos. Sa isáng dako namán ay tinangkâ ni Hulî ang matulog, ng̃unì’t malaong hindî nápikít ang mg̃a matá. Nang mapayapà na dahil sa kapalaran ng̃ magulang, ay ang kaniyá namáng kalagayan ang inisip ng̃unì’t tinitimpî ang pag-iyak na walâng humpáy upang huwag máding̃íg ng̃ matandâ. Sa kinabukasan ay alilà na siyá, at yaón pá namán ang araw na karaniwang idatíng ni Basilio na galing sa Maynilà’t may daláng handóg sa kanyá.... Dapat na niyáng limutin ang pag-irog na iyon; si Basilio, na dî malalao’t magiging manggagamot, ay hindî maaarìng mag-asawa sa isáng maralitâ.... At nákikiníkinitá niyá na tumutung̃o sa simbahang kasama ng̃ pinakamayaman at pinakamagandáng dalaga sa bayan, na kapuwâ silá gayák na gayák, maliligaya at kapuwâ nang̃akang̃itî, samantalang siyá, si Hulî, ay súsunódsunód sa kaniyáng pang̃inoon at ang dalá’y nobena, hitsó at durâan. Pagsapit sa dakong itó’y nakáramdám siyá ng̃ isáng paghihigpít ng̃ lalamunan, isáng pataw na malakí sa pusò at hiníhing̃î niyá sa Birhen na mamatáy na muna siyá bago mámalas ang gayón.
--Datapwâ’t--aniyá sa sariling budhî--málalaman niyá na pinilì ko pá ang akó na ang másanglâ kay sa masanglâ ang agnós na bigáy niyá sa akin.
Ang pagkukuròng itó’y nakapagpalubág ng̃ kauntî sa kaniyáng samâ ng̃ loob at nagpang̃aráp na siyá ng̃ sarìsarì. ¿Sino ang makapagsasabi? maaarìng mangyari ang kababalagháng makakuha siya ng̃ dalawáng daán at limáng pûng piso sa ilalim ng̃ larawan ng̃ Birhen; marami na siyáng nábasang kababalaghán na gayón ang pangyayari! Maaarìng huwag sumilang ang araw at samantalà’y mapanalo ang usap bago mag-umaga. Maaarìng makabalík ang kaniyáng amá; makapupulot siya sa bakuran ng̃ isáng gusì, ang mg̃a tulisán ang siyáng may padalá sa kaniyá ng̃ gusì; ang kura, si P. Camorra na nagbíbirô sa kaniyáng parati, ay mangyayaring dumatíng na kasama ng̃ mg̃a tulisán.... lumalaon lumalaon ay untî-untîng naguguló ang kaniyáng mg̃a pag-íisip hanggáng, sa, dahil sa pagkapatâ at pagdadalamhatì ay nákatulog, na pinapang̃arap ang kaniyáng kabatàan doon sa gitnâ ng̃ kagubatan: siyá’y naliligò sa batis na kasama ang dalawá niyáng kapatíd, may mg̃a isdâng sarìsarì ang kulay na napahuhuling warì’y tang̃á, at nayayamót siyá sapagkâ’t hindî siyá masiyahang loob sa panghuhuli niyóng mg̃a isdâng nápakaamò: si Basilio ay nasa ilalim ng̃ tubig, ng̃unì’t hindî niyá maalaman kung bakit ang mukhâ ni Basilio ay ang sa kaniyáng kapatíd na si Tanò. Silá’y minamatyagán mulâ sa pangpáng ng̃ kaniyáng bagong pinaglilingkuráng babai.
V
ANG “NOCHE BUENA” NG̃ ISÁNG KOTSERO
Dumatíng si Basilio sa San Diego ng̃ mg̃a sandalíng inililibot ang prusisión sa mg̃a lansang̃an ng̃ bayan. Siyá’y nabalam ng̃ iláng oras sa kaniyáng lakad sapagkâ’t náhuli ng̃ guardia sibil ang kotsero na nakalimot magtagláy ng̃ sédula personal at dinalá sa kuartel upang iharáp sa comandante, matapos mabigyán ng̃ iláng halibas ng̃ kulata.
Mulîng napigil ang kalesa upang paraanin muna ang prusisión at ang kotserong nábugbóg ay nag-alís ng̃ sombrero at nagdasál ng̃ isáng _Amá namin_ sa pagdaraan ng̃ isáng larawan, ng̃ isáng bantóg na banál mandín, na nasa andás. Anyông matandâng may mahabàng misáy na nakaupô sa gilid ng̃ isáng hukay na nasa ilalim ng̃ isáng punòng may sarìsarìng pinatuyông ibon. Isáng kalán na may isáng palayók, isáng lusonglusung̃an at isáng kalikut na pandurog ng̃ hitsó ang kaniyáng mg̃a tang̃ìng kasangkapan, warìng upang ipakilala na ang matandâ ay naninirahan sa gilid ng̃ libing̃an at doon linulutò ang kaniyáng pagkain. Iyón ay si Matusalem, ayon sa pananampalataya sa Pilipinas; ang kaniyáng kasama at marahil ay kapanahóng taga Europa ay si Noel ng̃unì’t may matalagháy at masayáng anyô, kay sa kay Matusalem.
--Nang kapanahunan ng̃ mg̃a banál--ang hakàhakà sa sarili ng̃ kotsero--marahil ay walâng guardia sibil, sapagkâ’t kung mayroon, ay hindî silá mabubuhay ng̃ malaon dahil sa pang̃ung̃ulata.
Makaraán ang matandâ ay sumunód ang tatlóng Harìng Mago na nang̃akasakáy sa mg̃a kabayong tátalóntalón, lalònglalò na ang sa maitím na harìng Melchor na warìng ibig sagasàin ang kaniyáng mg̃a kasama.
--Walâ, walâ ng̃âng guardia sibil noon--ang patuloy ng̃ kotsero na kinaíinggitán sa sarili ang mg̃a maliligayang kapanahunang iyon,--sapagkâ’t kung mayroon ay nádalá na sa bilanggùan ang maitím na iyan na naglílilikót sa piling niyáng dalawáng kastilà (si Gaspar at si Baltazar).
Ng̃unì’t sa dahilang nápuna niyá na ang maitím ay may korona at harì ding kagaya ng̃ dalawáng kastilà, ay sumaisip niyá ang harì ng̃ mg̃a tagalog at nagbuntónghining̃á.
--¿Alám pô ba ninyó--ang magalang na tanóng kay Basilio--kung ang paang kanan ay nakakalág na?
Ipinaulit ni Basilio ang katanung̃an.
--¿Paang kanan nino?
--¡Nang harì!--ang sagót na maraha’t malihim ng̃ kotsero.
--¿Sinong harì?
--Ang harì natin, ang harì ng̃ mg̃a tagalog....
Si Basilio ay ng̃umitî at ikinibít ang balikat.
Mulîng nagbuntonghining̃á ang kotsero. Ang mg̃a tagá bukid ay may isáng alamát na, ang kaniláng harì umanó na nakúkulong at nakatanikalâ sa yung̃íb ng̃ San Mateo, ay dárating isáng araw at sila’y palalayàin. Bawà’t isáng daang taón ay napápatíd ang isá niyáng tanikalâ, kayâ’t nakakawalâ na ang mg̃a kamáy at paang kaliwâ: walâ nang nátitirá kundî ang paang kanan. Kung nagpúpumiglás ó gumágaláw ang harìng itó ay nagigíng sanhî ng̃ paglindól at pang̃ing̃iníg ng̃ lupà; nápakalakás, kayâ’t ináabután siyá ng̃ isáng butó, na nadudurog sa kaniyáng pisíl, ng̃ sino mang nakikipagkamáy. Tinatawag siyáng Bernardo ng̃ mg̃a tagalog, nang hindî maalaman kung bakit, marahil ay pinagkakamaláng siyá ang Bernardo del Carpio.
--Pag nakakalág na ang paang kanan--ang bulóng ng̃ kotsero na tinimpî ang isáng buntónghining̃á--ay ibíbigay ko sa kaniyá ang aking mg̃a kabayo, paglilingkurán ko siyá at magpapakamatáy na akó ng̃ dahil sa kaniyá.... Ililigtas niyá kamí sa mg̃a guardia sibil.
At sinundán ng̃ may hapis na ting̃ín ang tatlóng harìng lumálayô na.
Sumúsunód ang dalawáng hanay na batàng malulungkót, mg̃a walâng katawatawa, na warìng pinilit lamang. Ang ilán ay may daláng huepe at ang ibá ay kandilà, at ang ibá ay paról na papel na may tukod na kawayan, at nang̃agtitilìan sa pagdarasál ng̃ rosario, na, warìng may kaaway. Sumúsunod si San José na nasa marálitâng andás, na ang anyô ay malungkót at pakumbabâ at ang tungkód ay may bulaklák ng̃ asusena, sa gitnâ ng̃ dalawáng guardia sibil na warì nakáhuli sa kaniyá: sakâ pá lamang natahô ng̃ kotsero kung bakit gayón ang anyô ng̃ santó. Dahil sa siya’y nagulumihanan sa pagkakakita sa guardia sibil ó kayâ’y dahil sa walâ siyáng paggalang sa santóng may gayóng kaakbáy, ay hindî nagdasál ng̃ kahit isáng _requiem eternam_ man lamang. Sa likurán ng̃ San José ay sumúsunód ang mg̃a batàng babaing umiilaw na nang̃akatalukbóng ng̃ panyông nakabuhól sa ilalim ng̃ babà, nagdadasál din ng̃ rosario, ng̃unì’t hindî lamang kasinglakás ng̃ mg̃a batàng lalaki. Sa gitnâ’y ilán ang may hilahilang mumuntîng konehong papel, na ang buntót na papel ding ginupít ay nakataás at naiílawan ng̃ isáng muntîng kandilàng pulá. Dumádaló ang mg̃a batà na dalá ang mg̃a laruáng iyón upang sumayá ang prusisión. At ang mg̃a hayúphayupang matatabâ’t mabibilog na warì itlóg ay masasayá mandín kayâ’t nápapalundág, napapagiwang, nabubuwal at nasusunog; lalapitan ng̃ may arì upang patayín ang lágabláb, hihip dito, hihip doon, mapapatáy ang ding̃as sa kápapalò at kung minsán ay umiiyák, pag nákitang sirâsirâ ang laruán. Malungkót na nápupuná ng̃ kotsero na umuuntî sa taón taón ang lahì ng̃ mg̃a hayop na papel, na warìng násasalot ding kagaya ng̃ mg̃a buháy na hayop. Naalaala niyá, siyá, ang binugbóg na si Sinong, ang kaniyáng dalawáng magagandáng kabayo, na upang máilayô sa pagkakahawa sa sakít, ay pinaggugulan niyá ng̃ sampûng piso upang benditahin, alinsunod sa hatol ng̃ kura--yaon ang pinakamabuting panglaban sa episootia na natagpuán ng̃ kura at ng̃ Pamahalàan--ng̃unì’t gayón man, ay nang̃amatáy din. Datapwâ’y kinakalamay niyá ang sarili, sapagkâ’t matapos máwisikán ng̃ agua bendita, matapos ang mg̃a latín ng̃ parì at mg̃a _ceremonias_, ay nagtagláy ng̃ ugalìng pagmamataás ang mg̃a kabayo, nang̃agmalakí na, ayaw pasingkáw, at sa dahiláng siyá’y mabuting kristiano ay hindî niyá mapalò, sapagkâ’t sinabi sa kaniyá ng̃ isáng Hermano tercero na benditado ang mg̃a kabayong iyón.
Ang panghulí ng̃ prusisión ay ang Birhen, suot “Divina Pastora” na may sombrerong ayos _frondeuse_ na may malapad na pardilyas at mahahabàng pakpák ng̃ ibon upang ipakilala ang paglalakbáy sa Jerusalem. At upang maipahiwatig ang pang̃ang̃anák, ay ipinag-utos ng̃ kura na patambukin ang tiyan at lagyán ng̃ mg̃a basahan at bulak sa ilalim ng̃ saya, upang walâng mag-alinlang̃an sa kaniyáng kalagayan. Ang Birhen ay isáng magandáng larawan, na may anyông hapís, na kagaya ng̃ lahát ng̃ larawang gawâ ng̃ mg̃a pilipino, ayos na nahihiyâ dahil sa ginawâ sa kaniyá marahil ng̃ P. Kura. Sa dakong harapán ay may iláng kantores at sa likurán ay iláng músiko at ang mg̃a kaukuláng guardia sibil. Gaya ng̃ maaantáy ay hindî kasama ang kura, matapos ang kaniyáng ginawâ: nang taóng iyón ay masamâ ang loob, sa dahiláng kinailang̃an niyáng gamitin ang boô niyáng katalinuhan at pananalitâng pasilòsilò upang ang mg̃a taong bayan ay magbayad ng̃ tatlóng pûng piso sa bawà’t isáng “misa de aguinaldo” at hindî dalawang pû na gaya nang dating halagá.
--Nagiging pilibustero kayó--ang sabi.
Lubhâng natutubigan marahil ang kotsero dahil sa mg̃a bagay na napagkitá sa prusision, sapagkâ’t nang makaraán itó at nang ipag-utos ni Basilio na magpatuloy, ay hindî nápuná na ang ilaw ng̃ paról ng̃ karomata ay namatáy. Sa isáng dako namán ay hindî rin nápuna ni Basilio sapagkâ’t nalilibáng sa pagmamasíd sa mg̃a bahay na naiilawan, sa loob at labás, ng̃ mg̃a paról na papel na maiinam ang ayos at ibá’t ibá ang kulay, mg̃a bituwing nalilibid ng̃ bilog na may mahahabàng palabuntót, na pag náhipan ng̃ hang̃in ay naglalagaslasan, at mg̃a isdâng ang ulo’t buntót ay gumágaláw, na may baso ng̃ ilaw sa loob, na pawàng nakasabit sa balisbisan ng̃ bahay at siyáng nagbibigáy nang anyông masayá. Namamasdán ni Basilio na ang mg̃a pag-iilaw ay umuuntî rin, na ang mg̃a bitwín ay nawawalâ, na nang nakaraang taón ay kakauntî na ang mg̃a palamutì at palawít, at nang taóng itó ay lalò pa manding kauntì kay sa nakaraán.... Bahagyâ ng̃ nagkaroon ng̃ músika sa lansang̃an, ang masasayáng galawan sa mg̃a kúsinàan ay hindî na námamalas sa lahát ng̃ bahay at ang gayón ay sinapantahà ng̃ bagong tao na alinsunod sa kasamaán ng̃ panahón, ang asukal ay matumal, ang ani ng̃ palay ay nasirà, nang̃amatáy ang mahigít sa kalahatì ng̃ mg̃a hayop at ang mg̃a buwís ay tumátaás, nádadagdagán nang dî maalaman kung bakit at sa anóng dahil, samantalang naglalalò namán ang pamamasláng ng̃ guardia sibil na siyáng pumápatáy sa kasayahan ng̃ mg̃a bayan.
Itó pá namán ang kaniyáng iniísip nang máding̃íg ang isáng _¡alto!_ na nagumugong. Kasalukuyang nagdáraán silá sa harapán ng̃ kuartel at nápuná ng̃ isáng bantáy na patáy ang tangláw ng̃ kalesa at ang bagay na iyón ay hindî dapat manatili. Sunód-sunód na mura ang tinanggáp ng̃ kaawàawàng kotsero na nagsabing ang kadahilanan noon ay ang kahabàan ng̃ prusisión, at sa dahiláng pipiitin at ilalathalà sa mg̃a pahayagan, sapagkâ’t lumabág sa ipinag-uutos ay lumunsád sa sasakyán ang ayaw ng̃ basagulo at mahinahong si Basilio at ipinatuloy ang lakad na pasán ang kaniyáng takbá.
Yaón ang San Diego, ang kaniyáng bayan, na walâ man siyá ni isáng kamag-anak......
Ang tang̃ìng bahay na nákita niyáng masayá ay ang kay kapitáng Basilio. Ang mg̃a tandáng at mg̃a inahín ay nag-iiyukan, na sinásaliwán ng̃ mg̃a tunóg ng̃ warì nagtátadtád ng̃ karné sa sangkalan at ng̃ sagitsít ng̃ mantikà sa kawalì. May handâ sa bahay at umaabot sa lansang̃an ang maminsan minsáng simoy na may halòng amóy ng̃ ginisá.
Sa entresuelo ay nákita ni Basilio si Sinang, na pandák ding gaya ng̃ mákilala ng̃ aming mangbabasa, kahit tumabâ at lalò pang bumilog sapol ng̃ magka-asawa. At siya’y nápamanghâ nang makitang kausap ni kapitáng Basilio, ng̃ Kura at ng̃ alperes ng̃ guardia sibil ang mag-aalahás na si Simoun na may salamíng asúl sa matá at kilos malayà ring gaya ng̃ dati.
--Yarì na, ginoong Simoun,--ang sabi ni kapitáng Basilio--tutung̃o kamí sa Tiani upang tingnán ang inyóng mg̃a hiyás.
--Akó ma’y paparoon din--anáng alperes--sapagkâ’t kailang̃an ko ang isáng tanikalâ sa relos, ng̃unì’t mayroon akóng maraming gawàin.... Kung iibigin sana ni kapitáng Basilio na siyá na ang mamanihalà....
Malugód na sumang-ayon si kapitáng Basilio at sa dahiláng ibig niyáng mákasundô ang militar upang huwag siyáng magambalà, sa paggambalà sa kaniyáng mg̃a tao, ay ayaw tanggapín ang halagáng pinagpipilitang dukutin ng̃ alperes sa bulsá.
--¡Iyon na ang aking pamaskó!
--¡Hindî ko mapapayagan, kapitán, hindî ko mapapayagan!
--¡Siyá, siyá! ¡Sakâ na tayo magtuós sa hulí!--ang sabing mapagparayà ni kapitáng Basilio.
Ang Kura man ay nang̃ang̃ailang̃an din ng̃ hikaw at ipinagbilin sa kapitán na ipakibilí na siyá.
--Ang ibig ko ay yaóng mabuti. Sakâ na tayo magtuós.
--Huwag kayóng mag-alaala P. Kura,--ang sabi niyá, na ibig díng mákasundô ang nasa dako ng̃ simbahan.
Isáng patibay na masamâ ng̃ kura ay ikagagambalà niyá ng̃ malakí at ibayo pá ang magugugol: ang hikaw na iyón ay isáng sápilitáng handóg. Samantala namá’y pinupuri ni Simoun ang kaniyáng mg̃a hiyás.
--¡Nakágugulat ang taong itó!,--ang sabi sa sarili ni Basilio--sa lahát ng̃ pook ay nakapang̃ang̃alakal.... At kung paniniwalàan natin ang _ilán_, ay biníbilí niyá sa iláng ginoo, sa muntîng halagá, ang mg̃a ipinagbilí din niyáng hiyás upang ipang-alay.... ¡Ang lahát ay nakapang̃ang̃alakal sa Sangkapulùang itó; kamí lamang ang tang̃ìng hindî!
At nagpatuloy sa kaniyáng bahay, sa bahay ni kapitáng Tiago, na tinátahanán ng̃ isáng katiwalà. Ináantay siyá, upang balitàan, ng̃ katiwalà na may malakíng paggalang sa kaniyá mulâ noong mákita siyáng bumúbusbós na warìng inahíng manók lamang ang iníiwàan. Ang dalawáng manggagawà ay nápipiít, ang isá’y mátatápon sana sa malayòng bayan.... namatáy ang iláng kalabáw.
--¡Ang dati rin, matatandâng balità!--ang may yamót na putol ni Basilio--¡Kailan pá man ay ganyán ang pasalubong ninyó sa akin!