# Ang "Filibusterismo" (Karugtóng ng Noli Me Tangere)

## Part 32

Book page: https://www.cyberlibrary.org/tl/books/ang-filibusterismo-karugtong-ng-noli-me-tangere-47629/index.md

--Isáng Dios na lubhâng matapát, ginoong Simoun--ang sagót ng̃ parì;--isáng Dios na nagpaparusa sa kakulang̃án natin sa pananalig, sa ating masasamâng hilig, sa muntîng pagpapahalagá natin sa karang̃alan, sa ating pagkamámamayán.... Pinababayàan natin at tayo’y nagiging katulong ng̃ masamâng hilig, kung minsan pa’y ating pinupuri ang gayón; kayâ’t dapat, lubhâng nárarapat na batahín natin ang ibubung̃a at batahín din namán ng̃ ating mg̃a anák. Ang Dios ng̃ kalayàan, ginoong Simoun, na siyang nag-uutos sa ating ibigin itó, at ginagawâng magíng mabigát sa atin ang pasanin; isáng Dios ng̃ kaawàan, ng̃ pagpapantáypantáy, na sabáy sa pagpaparusa sa atin ay pinabubuti tayo, at ang binibigyán lamang ng̃ mabuting kalagayan ay yaóng nararapat bigyán dahil sa kaniyáng pagsusumakit; ang paaralan ng̃ pagtitiís ay nakapagpapatibay, ang kaparang̃an ng̃ tunggalìan ay nakapagpapalakás sa mg̃a káluluwa. Hindî ko ibig sabihin na ang ating kalayàan ay tuklasín sa talas ng̃ sandata; ang espada ay dî lubhâng kagamitán sa mg̃a bagong kabuhayan, ng̃unì’t, oo, ating tutuklasín sa pamagitan ng̃ karapatán, sa pamagitan ng̃ pagpapataás ng̃ urì ng̃ katwiran at ng̃ karang̃alan ng̃ tao, na ibigin ang tapát, ang mabuti, ang dakilà, hanggáng sa mamatáy ng̃ dahil dito, at kapag ang isáng bayan ay nakasapit na sa gayóng kalagayan, ang Dios ay nagbibigáy ng̃ sandata, at lumálagpák ang mg̃a diosdiosan, lumálagpák ang mg̃a maniniíl na warì’y mg̃a kastilyong baraha at kumikináng ang kalayàan na kasabáy ng̃ unang liwaywáy! Ang ating kasamâán ay sa atin din buhat, huwág nating sisihin ang kahì’t sino. Kung nákikita ng̃ España na tayo’y hindî lubhâng masunurin sa pagpapahirap, at handâ sa pakikipagtunggalî at pagtitiís ng̃ dahil sa ating mg̃a karapatán, ang España ay siyá nang unaunang magbibigáy sa atin ng̃ kalayàan, sapagkâ’t kapag ang bung̃a ng̃ paglilihí ay dumatíng na sa pagkahinóg ay ¡kahabághabág ang ináng magtangkâng doo’y lumunod! Subalì’t samantalang ang bayang pilipino ay walâ pang sapát na katigasang loób upang ipahayag, na mataás ang noo at lantád ang dibdib, ang kaniyáng karapatán sa pamamayan at patibayan itó sa pamagitan ng̃ mg̃a paghihirap, ng̃ kaniyáng sariling dugô; samantalang nákikita natin ang ating mg̃a kababayan, sa kaniláng sariling pamumuhay ay magdamdám hiyâ sa sariling kaloobán, máding̃íg ang sigáw ng̃ kaniyáng budhî na nagbabalikwás at tumútutol, at sa lantarang pamumuhay ay hindî umímík, makisama sa pumápasláng upang kutyaín ang pinasláng; samantalang nákikita nating naninirahan sa labis na pagling̃ap sa sarili at pinupuri sa tulong ng̃ pilít na ng̃ití ang lalòng mahahalay na kagagawán, at nagmamakaawàng hiníhing̃î, sa pamagitan ng̃ ting̃ín, ang isáng bahagi ng̃ nápalâ ¿anó’t bibigyán silá ng̃ kalayàan? Sa piling ng̃ España ó hiwaláy sa España silá’y hindî mag-iibá, at marahil, marahil ay lalò pang sásamâ! ¿Anó ang kailang̃an ng̃ pag-sasarilí kung ang mg̃a alipin sa ng̃ayon ay siyang magiging mániniíl bukas? At gayón ng̃â ang káuuwîan nilá sapagkâ’t umiibig sa paniniíl ang sumasailalim nitó! Ginoong Simoun, samantalang ang ating bayan ay hindî pa náhahandâ, samantalang tumutung̃o sa labanán nang nadadayà ó naiaabóy, na walâng lubós na kaalamán sa gágawín, ay masisirà ang lalòng matalinong pagtatangkâ at mabuti pa ng̃â ang masirà sapagkâ’t ¿anó’t ibibigáy ang asawa sa lalaki kung hindî lubós na iniirog at hindî nálalaáng magpakamatáy nang dahil sa kaniyá?

Náramdamán ni P. Florentino na pinigilan ng̃ may sakít ang kaniyáng kamáy at pinisíl; humintô na inantáy na magsalitâ, ng̃unì’t ang tang̃ìng náramdamán niya ay ang dalawá pang pisíl, nakading̃íg ng̃ isáng buntónghining̃á at mahabàng katahimikan ang naghari sa loób ng̃ silíd. Ang dagat lamang, na ang mg̃a alon ay nang̃agsilakí dahil sa hang̃in sa gabí na warìng nágisíng sa init ng̃ umaga, ang nagtatapon ng̃ kaniyáng paós na ung̃ol, ng̃ kaniyáng walâng katapusáng awit, pag bayó sa mg̃a nagtayông talampás. Ang buwan, na walâ nang kalabang araw, ay payapàng nagtatalík sa lang̃it, at ang mg̃a punò sa gubat na nang̃agyuyukùan ay nagsasalaysayan ng̃ kaniláng matatandâng alamát sa pamag-itan ng̃ mahiwagàng bulung̃an na ipinaghahatidhatiran ng̃ hang̃in.

Nang mákitang walâng sinasabi sa kaniyá ang may sakít, si Padre Florentino ay bumulóng na warì’y natutubigan dahil sa isáng iniisip:

--¿Násaan ang kabatàan na maglálaán ng̃ kaniláng mg̃a magagandáng sandalî, mg̃a pang̃arap at kasigabuhán sa ikabubuti ng̃ kaniláng bayan? ¿Násaan ang maling̃ap na magbúbubô ng̃ kaniyáng dugô upang hugasan ang ganiyáng maraming kahihiyán, ang gayón karaming pagkakasala, ang gayón karaming bagay na kamuhîmuhî? Malinis at walâng bahid dung̃is ang kailang̃ang magíng buhay na alay upang ang handóg ay magíng karapatdapat!.... ¿Saan kayó nang̃ároón, mg̃a kabinatàan, na magtátagláy ng̃ lakás ng̃ buhay na tumanan na sa aming mg̃a ugát, ang kalinisan ng̃ mg̃a pagkukurò na nadung̃isan sa aming mg̃a kaisipán at ang lagabláb ng̃ sigabó na namatáy na sa aming mg̃a pusò?.... Inaantáy namin kayó, oh mg̃a binatà, halíkayó at kayó’y aming ináantáy!

At sa dahiláng náramdamáng ang kaniyáng mg̃a matá’y pinang̃ing̃ilirán ng̃ luhà ay binitiwan ang kamáy ng̃ maysakít, tumindíg at lumapit sa durung̃awan upang tanawín ang malawak na dagat. Iláng mahinàng katóg sa pintûan ang pumukaw sa kaniyá sa gayóng pag-iisíp. Yaón ay ang alilà na nagtatanóng kung magsísindí ng̃ ilaw.

Nang ang parì’y lumapit sa may sakít at nakita itó, sa tulong ng̃ liwanag ng̃ lámpara, na hindî kumikilos, nakapikít ang mg̃a matá, ang kamáy na pumigil sa kaniyáng kamáy ay nakabuká at nálalahad sa gilid ng̃ hihigán, ay inakalà niyáng natutulog; ng̃unì’t nang máramdamáng hindî humíhing̃á, ay marahan niyáng hinipò at sakâ pa lamang náhalatâng patáy: untî-untî nang lumálamíg.

Nang magkágayó’y lumuhód at nanalang̃in.

Nang tumindíg at pinagmasdán ang bangkáy na sa mukhâ’y nábabakás ang isáng matindíng hapis, ang sakit ng̃ isáng boông buhay na walâng kabuluhán, na tinagláy hanggáng sa dako pa roon ng̃ kamatayan, ay nang̃ilabot ang matandâ at bumulong na:

--¡Kaawâán nawâ ng̃ Dios ang mg̃a naglikô sa kaniyá ng̃ daan!

At samantalang ang mg̃a alilàng tinawag niyá ay nang̃agsísiluhód at nang̃agdádasál ng̃ patungkól sa namatáy, mg̃a alilàng maurirà at nang̃alílibáng sa pagting̃ín sa hihigán at inuulit-ulit ang mg̃a sunód sunód na _requiem_, ay kinuha ni P. Florentino sa tatagûán ang bantóg na takbáng bakal na kinalalagyán ng̃ malakíng kayamanan ni Simoun. Iláng sandalîng nag-alinlang̃an, dátapwâ’y biglâng pumanaog sa hagdanang dalá ang takbá, na may tangkâ nang gágawín, tínung̃o ang batóng lagìng inuupán ni Isagani upang siyasatin ang kailaliman ng̃ dagat.

Tuming̃ín si P. Florentino sa dako ng̃ kaniyáng paanan. Sa ibabâ’y nákikita ang paghampás sa mg̃a ukab ng̃ bató ng̃ mg̃a maiitím na alon ng̃ Pasípiko, na lumilikhâ ng̃ mauugong na kulóg, na sabáy sa pagniningníng na warì’y apóy ng̃ mg̃a alon at mg̃a bulá, dahil sa tamà ng̃ sinag ng̃ buwan, na warì’y dakótdakót na brillante na inihahagis sa hang̃in ng̃ isáng gawi ng̃ kailaliman. Tumanáw sa boô niyang paligid. Nag-íisá siya. Ang ulilang baybayin ay nagtátapós sa malayò na warì’y isáng paguulap, na pinapawì untî-untî ng̃ buwan hanggáng sa makiisà sa lalòng malayòng dako na abot ng̃ tanáw. Ang kagubatan ay bumúbulóng ng̃ mg̃a ting̃ig na walâng linaw. Sa gayó’y inihagis ng̃ matandâ na itinapon sa dagat ang takba, sa tulong ng̃ kaniyáng malalakás na bisig. Umikit na makáilan at matuling tumung̃o sa kailaliman na gumuhit ng̃ pabalantók at naglarawan sa kaníyáng makinis na ibabaw ng̃ iláng malamlám na sinag ng̃ buwán. Nakita ng̃ matandâ ang pagtilampon ng̃ mg̃a paták, nakáding̃íg ng̃ isáng buluwák at naghilom ang tubig matapos malamon ang kayamanan. Nag-antabáy ng̃ iláng sandalî upang tingnán kung may isasaulî ang kailaliman, ng̃unì’t mulîng naghilom ang mg̃a alon na mahiwagàng gaya ng̃ dati, at hindî naragdagán ng̃ isá mang kutón ang kaniyáng kulót na ibabaw, na warìng sa nilapadlapad ng̃ dagat ay walâng nahulog kundî isáng muntîng bató lamang.

--¡Itagò ka ng̃ Kalikasán sa kailaliman na kasama ng̃ mg̃a korales at mg̃a perlas ng̃ kaniyáng walâng pagkapawìng mg̃a dagat!--ang sabi ng̃ klerigo na iniunat ang kamáy.--Kapag sa isáng banal at mataás na layon ay kakailang̃anin ka ng̃ mg̃a tao, ay mátututuhan kang kunin ng̃ Dios sa sinapupunan ng̃ mg̃a alon.... Samantala, diyán ay hindî ka makagagawâ ng̃ kasamâán, hindî mo ililikô ang katwiran, hindî ka mag-uudyók sa kasakimán!....

=Wakás ñg “Ang Filibusterismo”.=

[Talâ ng Tagapagsalin:

Ang mga larawan ng mga pahina (page scans) na pinagbatayan ng e-text na ito ay matatagpuan sa archive.org/details/angfilibusterism00riza.

May mga ibang edisyon ng nobelang ito sa Project Gutenberg:

“El Filibusterismo (Continuación del Noli me tángere)”, sa orihinal na Kastila, sa gutenberg.org/ebooks/30903 “The Reign of Greed: A Complete English Version of El Filibusterismo”, salin ni Charles E. Derbyshire, sa gutenberg.org/ebooks/10676

Ang sinundang nobelang “Noli Me Tángere” ay may Tagalog na edisyon na salin ni Pascual Hicaro Poblete sa gutenberg.org/ebooks/20228.

* * * * *

Ang Indice ay inilipat mula sa hulihan ng teksto, at iwinasto ang mga maling bilang ng pahina dito.

Isinaayos ang pagbabantas (punctuation).

Walang binago sa mga salita sa orihinal, kabilang ang mga di pagkakatulad sa pagbabaybay, paggamit ng gitling, paggamit ng mga tuldik, at pag-eestilo sa teksto, maliban lamang sa mga sumusunod:

