Ang "Filibusterismo" (Karugtóng ng Noli Me Tangere)
Part 31
Sinimulán na ang pakikipagputukan sa mg̃a nasa sa itaás na untîuntîng linaganapan ng̃ asó. Dahil sa asóng itó at sa kadalang̃an ng̃ putók ay marahil hindî hihigít sa tatló ang baríl ng̃ mg̃a hindî nákikitang kalaban. Samantala namán ay sumasagupà at nagpapaputók ang mg̃a sundalo, nang̃agkakanlóng sa mg̃a punò ng̃ kahoy, humihigâ at nagpupumilit na makapaitaás. Umiilandáng ang mg̃a putol-putól na bató, nababaklî ang sang̃á ng̃ mg̃a punò, natutukláp ang lupà. Ang unang guardia na nagtangkâng makapanhík ay gumulong na may tamà ng̃ punlô sa balikat.
Ang lihim na kalaban ay nakalalamáng dahil sa kinalalagyán; ang mg̃a matatapang na guardia na hindî marunóng tumakbó ay kauntî nang umurong, sapagkâ’t nang̃ahihintô at ayaw mang̃agsisulong. Ang pakikipaglabang iyón sa hindî nákikita ay nakasindák sa kanilá. Walâ siláng nákikita kundî pawàng asó lamang at batuhán; walâng boses ng̃ tao, ni anino man lamang; mawiwikàng nakipaglaban silá sa bundók.
--¡Hale, Carolino! Násaán ang katalasan mong tumudlâ, p....!--ang sigáw ng̃ kabo.
Nang mg̃a sandalîng iyón ay isáng lalaki ang sumipót sa ibabaw ng̃ isáng bató at ikinúkumpáy ang baríl na hawak.
--¡Paputukán iyán!--ang sigáw ng̃ kabo na bumitíw ng̃ isáng malaswâng tung̃ayaw.
Tatlóng guardia ang sumunód, ng̃unì’t ang lalaki’y nakatayô rin; sumisigáw, ng̃unì’t hindî malinawan ang kaniyáng sinasabi.
Ang Carolino ay nápahintô, na warìng nákikilala ang anyông iyón na nababalot ng̃ liwanag ng̃ araw. Ng̃unì’t binantâan siyá ng̃ kabo na tátarakan kung hindî magpapaputók. Tumudlâ ang Carolino at náding̃íg ang isáng putók. Ang taong nasa bató ay umikit at nawalâng kasabáy ang sigáw na nakatulíg sa Carolino.
Isáng kilusán ang nangyari sa kagubatan na warìng nagpanakbuhan ang mg̃a nároroon. Sa gayó’y nang̃agsisalung̃a ang mg̃a sundalo, na walâ nang kalaban. Isá pang lalaki na ikinúkumpay ang isáng sibát ang sumipót sa ibabaw ng̃ mg̃a bató; pinaputukán ng̃ mg̃a sundalo, at ang lalaki’y untî untîng nápayukô, pumigil sa isáng sang̃á, isá pang putók at lumagpák na pasubasob sa bató.
Matuling nang̃agsipang̃unyapít ang mg̃a sundalo, na inilagáy sa dulo ng̃ baríl ang mg̃a bayoneta at laán sa isáng labanáng subûán; ang Carolino’y siyáng tang̃ìng dahandahan ang lakad, na ang ting̃ín ay pasulingsuling, malamlám, na inaalala ang sigáw ng̃ taong nabuwal dahil sa tamà ng̃ punlô. Ang unang dumatíng sa kaitaasan ay nakátagpô ng̃ isáng matandâng naghihing̃alô, na nakatimbuwang sa bató; sinaksák sa katawán ng̃ bayoneta ng̃unî’t hindî man lamang kumisáp ang matandâ: ang matá’y nakatítig sa Carolino, isáng titig na hindî mawarì, at sa tulong ng̃ mabutóng kamáy ay may itinuturò sa kaniyáng nasa likód ng̃ mg̃a bató.
Ang mg̃a sundalo’y nang̃ápaling̃ón at nákitang si Carolino ay maputlâng maputlâ, nakang̃ang̃á at sa paning̃ín ay naglalarawan ng̃ hulíng kisláp ng̃ pag-iisip. Nákilala ng̃ Carolino, na dilì ibá’t si Tanò, ang anák ni kabisang Tales, na galing sa Carolinas, na ang naghihing̃alô ay ang kaniyáng lelong, si matandâng Selo, na, dahil sa hindî siya makausap ay naghahayág sa kaniyá, sa tulong ng̃ mg̃a naghihing̃alông matá, ng̃ isáng kabuhayang lipús ng̃ sákit. At nang bangkáy na ay patuloy din sa pagtuturò ng̃ isáng bagay na nasa likód ng̃ mg̃a bató......
XXXIX
Sa kaniyáng ulilang tahanan, sa baybáy ng̃ dagát, na ang magaláw na ibabaw nitó’y nákikita sa mg̃a bukás na durung̃awan, na umaabot sa malayò, hanggáng sa makiisá sa hulíng dako ng̃ nátatanáw, ay nililibáng ni P. Florentino ang kaniyáng pag-iisá sa pamag-itan ng̃ pagtugtóg sa armonium ng̃ mg̃a malulungkót at dî masasayáng tugtugin, na sinasaliwán ng̃ maugong na aling̃awng̃áw ng̃ mg̃a alon at ng̃ bulóng ng̃ mg̃a sang̃á ng̃ kagubatang kalapít. Mang̃a tunóg na mahahabà, malalakás, mahinagpís, na warì’y mg̃a plegaria, kahì’t matitindí, ang lumálabás sa matandâng panugtóg; si P. Florentino, na isáng tunay na músiko, ay tumútugtóg ng̃ alinsunod sa biglâng udyók ng̃ kalooban at sa dahiláng siya’y nag-iisá, ay ibinúbulalás ang mg̃a kalungkutang tagláy ng̃ kaniyáng pusò.
Sadyâ ng̃âng ang matandâ’y malungkót. Ang kaniyáng mabuting kaibigan na si D. Tiburcio de Espadaña ay kaáalís pa lamang na umiilas sa pag-uusig ng̃ asawa. Nang umagang iyón ay tumanggáp ng̃ isáng sulat ng̃ isáng teniente ng̃ guardia sibil, na ang sabi ay:
“Minamahal kong Capellán: Katatanggáp ko pa lamang ng̃ isáng telegrama ng̃ komandante na ang sinasabi’y: _español escondido casa Padre Florentino cojera remitirá vivo muerto_. Sa dahiláng ang telegrama ay lubhâng maliwanag ay pagsabihan ninyó ang kaibigan upang huwag siyang matagpûan pagpariyan kong huhulihin siya sa ika waló ng̃ gabí.
Ang inyóng tagisuyòng, PEREZ.”
Sunugin ninyó ang sulat.
--A... a.... ang Victorinang itó, ang Victorinang itó!--ang pautal-utal na sabi ni D. Tiburcio;--a.... a.... ay mangyayaring umabot hanggáng sa akó’y ipabaril.
Hindî siya napigil ni P. Florentino: walâng náhitâ sa pagpapaliwanag sa kaniya na ang ibig marahil sabihin ng̃ salitáng _cojera_ ay _cogerá_; na ang kastilàng nagtatagò ay hindî mangyayaring si D. Tiburcio kundî si Simoun, na may dalawáng araw pa lamang na kararatíng, na sugatán at warìng pinag-uusig, na huming̃îng patuluyin. Si D. Tiburcio ay hindî napahinuhod; ang _cojera_ ay ang kaniya ng̃âng pagkapilay, ang tandâ niya sa katawán: yaón ay pakanâ ni Victorina na ibig siyang mátagpûáng patáy ó buháy, gaya ng̃ isinulat ni Isagani buhat sa Maynilà. At iniwan ng̃ kaawàawàng Ulises ang bahay ng̃ parì upang magtagò sa kubo ng̃ isáng mang̃ang̃ahóy.
Walâng pag-aalinlang̃an si P. Florentino na ang kastilàng hinahanap ay ang manghihiyas na si Simoun. Mahiwagà ang kaniyang pagdatíng, dugôdugûan, mapangláw at patângpatâ, na siya ang may pasán sa kaniyang takbá. Sa tulong ng̃ malayà’t masuyòng pagpapatuloy ng̃ mg̃a pilipino ay tinanggáp siya ng̃ klérigo ng̃ walâng kaanóanománg kasiyasiyasat, at sa dahiláng hindî pa umaabot sa kaniyang taing̃a ang mg̃a nangyari sa Maynilà ay hindî niya lubós na maisip ang gayóng kalagayan. Ang tang̃ìng paghuhulòng pumasok sa kaniyang pag-iisip ay ang pangyayari, na sa dahiláng umalís na ang General, ang kaibigan at nag-áampón sa mag-aalahás, marahil ang mg̃a kagalít nitó, ang mg̃a pinasláng, ang mg̃a napinsalàan, ay nang̃agsipagbang̃on ng̃ayón na sumísigáw ng̃ higantí, at siyá’y pinag-uusig ng̃ samantalang General upang makuha sa kaniyá ang kayamanang naipon. Iyán ang sanhî ng̃ pagtatanan! Ng̃unì’t ang kaniyáng mg̃a sugat ay ¿saan nagbuhat? ¿Nagtangkâ kayâng magpakamatáy? ¿yaón kayâ’y anák ng̃ paghihigantí? ¿anák kayâ ng̃ isáng kapusukán, gaya ng̃ ibig ipahiwatig ni Simoun? ¿Tinanggáp kayâ niyá yaón sa pag-ilas sa mg̃a kawal na umuusig sa kaniyá?
Ang hulíng paghuhulòng itó ang siyáng inaakalà niyáng siyáng lalòng nálalapít marahil sa katotohanan. Nakatulong pa sa pagpapatibay sa gayóng paghuhulò ang telegrama na katátanggáp pa lamang niyá at ang pagmamatigás ni Simoun sa mulâ’t mulâ pa na ayaw pagamót sa médikong nasa pang̃ulong bayan ng̃ lalawigan.
Ang tang̃ìng tinátanggáp ng̃ mag-aalahás ay ang pang̃ang̃alagà ni D. Tiburcio at yaón pa man ay napagháhalatâng walâ siyáng tiwalà. Sa pangyayaring itó’y itinátanóng sa sarili ni P. Florentino ¿anó ang dapat niyáng gawín pagdatíng ng̃ guardia sibil na huhuli kay Simoun? Sa kalagayan ng̃ may sakít ay hindî mangyayari ang gumaláw at lalò pa mandíng hindî mangyayari ang maglakbáy ng̃ mahabà.... Ng̃unì’t sinasabi ng̃ telegrama na patáy ó buháy......
Si P. Florentino ay humintô sa pagtugtóg at lumapit sa durung̃awan upang tanawín ang dagat. Ang patag na ibabaw, na walâ ni isá mang daóng, ni isá mang layag, ay walâng maiudyók sa kaniyá. Ang pulông maliit na nátatanáw na nag-íisá sa malayò, ay walâng sinasabi sa kaniyá kundî ang tagláy na pag-iisá at lalò pa mandíng nagpapakilala nang pagkaulila ng̃ tinátanáw na kalawakan. Ang walâng hanggáng kalawakan kung minsan ay pipingpipi.
Tinangkâ ng̃ matandâng hulàan ang ng̃itîng malungkót at pakutyâ na isinalubong ni Simoun sa balitàng siya’y huhulihin. ¿Anó ang kahulugán ng̃ ng̃itîng iyon? ¿At ang isá pang ng̃itî, na lalò pang malungkót at pakutyâ nang mabatíd na sa ika waló pa ng̃ gabí magsisidatíng? ¿Anó ang ibig sabihin ng̃ hiwagàng iyon? ¿Bákit ayaw magtagò si Simoun?
Sumaalaala niya yaóng bantóg na tinuran ni San Juan Crisóstomo nang ipinagtanggól ang _eunuco_ na si Eutropio: “¡Kailan man ay hindî nagíng lalòng kapit na dî gaya ng̃ayón sabihíng: Kapalalùán ng̃ mg̃a kapalalùán at ang lahát ay kapalalùán!”
--Oo, ang Simoung yaón na nápakayaman, makapangyarihan, kinatatakutan, nang walâ pang iisáng linggó ang nakararaan, ng̃ayón, ay sawîng kapalaran pa kay Eutropio, humahanap ng̃ matutuluyan, at hindî sa mg̃a dambanà ng̃ isáng simbahan, kundî sa dukhâng bahay ng̃ isáng klérigong indio, na liblíb sa kagubatan, sa ulilang baybáy ng̃ dagat! Kapalalùán ng̃ mg̃a kapalalùán at ang lahát ay kapalalùán! At ang taong yaón, sa loob ng̃ iláng oras, ay huhulihin, aalisín sa hihigáng kinahihiligan, na dî igagalang ang kaniyáng kalagayan, dî bibigyáng halagá ang kaniyáng mg̃a sugat, sa _patáy_ ó _buháy_ ay hiníhing̃î siya ng̃ kaniyáng mg̃a kaaway! ¿Papano ang pagliligtás sa kaniyá? ¿Saan mátatagpô ang mg̃a bigkás na nakaaakit ng̃ obispo sa Constantinopla? Anó ang kapangyarihan ng̃ kaniyáng mg̃a dukhâng salitâ, ang salitâ ng̃ isáng klérigong indio, na ang kaniyáng kaapihán ay warìng ikinagágalák at iniuudyók pa ng̃â ng̃ Simoung iyon nang panahóng siya’y nagtatagumpáy.
Hindî na naaalaala ni P. Florentino ang pawalâng bahalàng pagtanggáp sa kaniyá ng̃ manghihiyás, na may dalawáng buwan pa lamang ang nakararaan, nang siya’y pinakiusapan tungkól kay Isagani na náhuli dahil sa isáng walâng hunos dilìng sigabó ng̃ kalooban; nalimot ang pagsusumakit ni Simoun upang mádalî ang pag-aasawa ni Paulita, pag-aasawang siyang nag-abóy kay Isagani sa isáng matindíng pag-ilag sa kapuwâ tao, na siyang ikinababalino ng̃ amaín: nalimot ni P. Florentino ang lahát, at walâng naáalaala kundî ang kalagayan ng̃ may sakít, ang kaniyáng katungkulan sa pagka may bahay, at sinasaliksík ang kaniyáng pag-iisip, ¿Dapat niyáng itagò upang huwag masunód ang nasà ng̃ may kapangyarihan? Ng̃unì’t ang may katawán ay walâng kaligáligalig: ng̃umîng̃itî....
Itô ang sumásaisip ng̃ mabuting matandâ nang dumatíng ang isáng alilà at sinabi sa kaniyáng ibig siyang mákausap ng̃ may sakít. Tumung̃o sa kanugnóg na silíd, na malinis at maaliwalas na tahanan, na ang pinakasahíg ay malalapad na tabláng makikintáb at makikinis, na may malalakí’t mabibigát na sillon, na may matandâng ayos, walâng barnis ni mg̃a dibuho. Sa isáng dako ay may isáng katreng kamagóng na may kaniyáng apat na haliging pumipigil sa lalagyán ng̃ kulambô, at sa siping ay may isáng mesa na punô ng̃ mg̃a botella, hilatsá ng̃ mg̃a putol putol na kayo. Ang isáng luhuran sa dakong ibabâ ng̃ isáng Cristo at isáng muntîng aklatan ang nagpapakilalang yaón ang silíd ng̃ parì, na ipinagamit sa tumuloy, alinsunod sa ugalìng pagpapatuloy ng̃ mg̃a pilipino na ipagkaloob sa nanunuluyan ang lalòng masaráp na pagkain, ang lalòng mabuting silíd at ang lalòng mabuting hihigán sa loob ng̃ bahay. Nang mákitang bukás na bukás ang lahát ng̃ durung̃awan upang bayaang makapasok ang dalisay na hang̃in sa dagat at ang aling̃awng̃áw ng̃ kaniyáng walâng patíd na hinagpís, ay walâng makapagsasabi sa Pilipinas na doo’y may isáng may karamdaman, sapagkâ’t nákaugaliang ilapat ang mg̃a bintanà at sampû ng̃ lalòng maliliit na puang kailan pa ma’t may isáng sinisipón ó kayâ’y nagdáramdám ng̃ muntîng sakít ng̃ ulo na walâng kakabúkabuluhán.
Tuming̃ín si P. Florentino sa dako ng̃ hihigán at namanghâ siya nang makitang walâ na sa mukhâ ng̃ may sakít ang anyông palagáy at pakutyâ. Isáng lihim na sakít ang warì’y nagpapakunót sa kaniyáng kilay, sa kaniyáng paning̃ín ay namamalas ang dî kapalagayang loób at ang kaniyáng bibíg ay nápapang̃iwî dahil sa isáng ng̃itîng lipos ng̃ sakit.
--¿Nahihirapan bagá kayó, ginoóng Simoun?--ang masuyòng tanóng ng̃ parìng lumapit.
--Kauntî, ng̃unì’t sa loób ng̃ iláng sandalî, ay matatapos na ang paghihirap ko--ang tugón na iginaláw ang ulo.
Sindák na pinapagduop ni P. Florentino ang mg̃a kamáy, dahil sa warìng nákilala ang kakilákilabot na katotohanan.
--¿Anó ang ginawâ ninyo, Dios ko? ¿Anó ang inyóng ininóm?--at iniunat ang kamáy sa dakong kinalalagyán ng̃ mg̃a botella.
--Walâ nang magagawâ! walâ ng̃ lunas!--ang sagót sa tulong ng̃ kasakitsakit na ng̃itî--¿anó ang ibig ninyóng gawín ko? bago tumugtóg ang iká waló... Sa patáy ó sa buháy.... patáy ay oo, ng̃unì’t buháy ay hindî.
--¡Dios ko, Dios ko! ¿anó ang ginawâ ninyó?
--Huminahon kayó--ang putol ng̃ may sakít sa tulong ng̃ isáng galáw ng̃ mukhâ--ang nagawâ’y nagawâ na. Hindî dapat na akó’y mahulog na buháy sa kamáy ng̃ sino man.... maaarìng makuha ang aking lihim. Huwág kayóng magambalà, huwág kayóng malitó, walâ nang magagawâ.... Pakinggán ninyó akó! Sasapit na ang gabí at kailang̃ang huwág mag-aksayá ng̃ panahón.... kailang̃an kong sabihin sa inyó ang aking lihim, kailang̃an kong ipagkatiwalà sa inyó ang hulí kong nasà.... kailang̃an kong mákilala ninyó ang aking kabuhayan.... Sa mg̃a sandalîng itó na katang̃îtang̃ì ay ibig kong iibís sa akin ang isáng pasanin, ibig kong paliwanagan ninyó sa akin ang isáng pag-aalinlang̃an.... kayóng may malakíng pananalig sa Dios.... ibig kong sabihin ninyó sa akin kung may isáng Dios!
--Ng̃unì’t isáng panglunas sa lason, ginoóng Simoun.... mayroón akóng _apomorfina_.... mayroón akóng _eter_, _cloroformo_....
At humahanap ang parì ng̃ isáng botella hanggáng si Simoun ay yamót na sumigáw.
--Walâ nang mangyayari.... walâ nang mangyayari! Huwag kayóng magaksayá ng̃ panahón! Yayaon akóng dalá ang aking lihim.
Ang klérigo’y litóng nagpatiluhód sa kaniyáng _reclinatorio_, nanalang̃in sa paanan ng̃ Cristo, isinubsób ang mukhâ sa dalawáng kamáy at pagkatapos ay tumindíg na walâng imík at kagalanggalang na warìng tinanggáp sa kaniyáng Dios ang boông bagsík, ang boông sanghayâ, ang boông kapangyarihan ng̃ isáng Hukom ng̃ mg̃a budhî. Inilapit ang isáng sillón sa dakong ulunán ng̃ may sakít at humandâng making̃íg.
Sa mg̃a unang salitâng ibinulóng sa kaniyá ni Simoun, nang sabihin sa kaniyá ang tunay na pang̃alan, ay nápaurong ang matandâng parì at tiningnáng lipús sindák ang kaharáp. Ang may sakít ay malungkót na ng̃umitî. Dahil sa pagkakábiglâ ay hindî nasupil ang sarili, ng̃unì’t madalîng nakapagpigil, at matapos na matakpán ng̃ panyô ang mukhâ ay mulîng tumung̃ó upang making̃íg.
Isinalaysáy ni Simoun ang kaniyáng kasakitsakit na kabuhayan, ang pangyayaring may labíng tatlóng taón na, nang magbalík siyang galing sa Europa, na punô ng̃ pag-asa at magagandáng pang̃arap, ay umuwî siya upang mákasal sa isáng binibining iniírog, at laán sa paggawâ ng̃ kabutihan at magpatawad sa lahát nang gumagawâ sa kaniyá ng̃ masamâ, bayaan lamang siyang mabuhay nang mapayapà. Hindî nagkágayón. Isáng mahiwagàng kamáy ang nag-abóy sa kaniyá sa gitnâ ng̃ isáng kaguluhang gawâgawâ ng̃ kaniyáng kalaban; pang̃alan, yaman, pag-ibig, kinabukasan, kalayàan, nawalâ sa kaniyá ang lahát at nakaligtás lamang sa kamatayan dahil sa kagiting̃án ng̃ isáng kaibigan. Sa gayó’y isinumpâ niyang maghihigantí. Nagtanan siyang dalá ang kayamanan ng̃ kaniyáng kaanak, na nábabaón sa isáng gubat, nagtung̃o sa ibáng lupaín at inatupag niya ang pang̃ang̃alakal. Nakilahók sa himagsikan sa Cuba, na tinulung̃an ang magkabilâng pangkát, ng̃unì’t saan man, siya’y nakikinabang. Doon niya nákilala ang General, na noo’y komandante, na nagíng kakilala niyá dahil sa pang̃ung̃utang sa kaniyá at pagkatapos ay nagíng kaibigan dahil sa iláng kataksiláng ginawâ na alám ng̃ magaalahás ang lihim. Siyá, sa tulong ng̃ salapî ay nakuha niyáng máparito ang General, at nang nasa Pilipinas na ay ginawâ niyáng isáng bulág na kasangkapan at iniabóy niyá sa paggawâ ng̃ lahát ng̃ kasamâán na ang ginawâ niyáng pain ay ang walâng habas na katakawan sa salapî.
Ang pang̃ung̃umpisál ay nagíng mahabà at mabigát, ng̃unì’t sa boông hinabàhabà ay hindî nagpahalatâ ng̃ anománg pagkakagulat ang nagpapakumpisál at bíbihiràng pinatlang̃án ang may sakít. Gabí na nang si P. Florentino, ay tumindíg na pinapahid ang pawis sa mukhâ at nag-isíp. Mahiwagàng kadilimán ang naghaharì sa loob ng̃ silíd, na pinúpunô ng̃ sinag ng̃ buwán, na pumapasok sa mg̃a durung̃awan, ng̃ liwanag na malamlám at pang̃ang̃aninag na warì’y sing̃áw.
Sa gitnâ ng̃ katahimikan, ang ting̃ig ng̃ parì ay náding̃íg na malungkót, banayad, ng̃unì’t mahimok:
--Patatawarin kayó ng̃ Dios, ginoong.... Simoun,--ang sabi:--batíd Niyáng tayo’y anák sa pagkakámalî, nakita Niyá ang inyóng tiniís, at sa pagpapahintulot na mátagpûán ninyó ang kaparusahán ng̃ inyóng mg̃a sala sa pagtatamó ng̃ kamatayan sa kamáy din ng̃ mg̃a iniabóy ninyó, ay nakikita natin ang Kaniyáng walâng hanggáng awà! Siya ang sumiràng isá-isá sa inyóng mg̃a paraan, ang lalòng mabubuti ang pagkakabalak, ang una sa pagkamatáy ni María Clara, makaraan yaón ay dahil sa isáng pagkakáling̃át, at pagkatapos ay sa isáng paraang lubhâng mahiwagà.... ¡sundín natin ang kaniyáng kalooban at pasalamatan natin Siya!
--Sa ganáng inyó,--ang mahinàng sagót ng̃ maysakít,--ang kalooban niya ay, na, ang mg̃a pulông itó’y....
--Magpatuloy sa kalagayang kinasasadlakán?--ang dugtóng ng̃ klérigo nang makitang ang isá’y humintô.--Hindî ko maalaman, ginoo; hindî ko matahô ang inaakalà noong Hindî malirip! Batíd kong hindî pinabayàan sa mg̃a mahihigpít na sandalî ang mg̃a bayang nananang̃an sa Kaniya at Siya ang ginawâng hukom ng̃ kaniláng pagkasiíl; alám ko na ang Kaniyang bisig ay hindî nawalâ kailan man kapag niyuyurakan na ang katwiran at ubós na ang lahát ng̃ paraan, ay humawak na ng̃ sandata ang sinisiíl at nakipaglaban nang dahil sa kaniyang tahanan, dahil sa kaniyang asawa, dahil sa kaniyang mg̃a anák, dahil sa kaniyang mg̃a dî maitatakwíl na karapatán, na, gaya ng̃ sabi ng̃ makatàng alemán, ay kumíkináng ng̃ walâng pagkaagnás at matibay doon sa kaitaasan ng̃ mg̃a walâng pagkapawìng mg̃a bituín! Hindî, ang Dios na siyang katwiran, ay hindî mangyayaring magpabayà sa kanìyang layon, ang layong kalayàan na kung walâ ay walâ namáng katwiran!
--¿Kung gayón ay bakit ipinagkaít sa akin ang kaniyang tulong?--ang tanóng ng̃ ting̃ig ng̃ maysakit, na lipús hinanakít.
--Sapagkâ’t pinilì ninyó ang isáng paraan na hindî Niya masasang-ayunan!--ang sagót ng̃ parì na matigás ang boses--ang kaluwalhatìang pagliligtás sa isáng bayan ay hindî kakamtín ng̃ isáng nákatulong sa pagpapahirap sa kaniya! Inakalà ninyóng ang dinung̃isan at sinirà ng̃ pagkakasala at kasamâán ay nangyayaring malinis at mailigtás ng̃ isá ring pagkakasala at isá ring kasamâán! Kamalìan! Ang pagtataním ay walâng ibubung̃a kundî kakilakilabot na anyô; ang sala ay mg̃a salarín; tang̃ìng ang pag-ibig ang nakagagawá ng̃ mg̃a bagay na kahang̃àhang̃à, ang kabaitan lamang ang nakapagliligtás! Hindî; kung balàng araw, ang ating bayan ay magiging malayà ay hindî dahil sa masasamâng hilig at pagkakasala, hindî sa paraang pasamâín ang kaniyang mg̃a anák, dayàin ang ilán, bigyán ng̃ salapî ang ibá, hindî; ang kaligtasan ay may kahulugáng kabanalan, ang kabanalan ay pagtitiís at pag-ibig.
--Siya! tinatanggáp ko ang inyóng sabi,--ang tugón ng̃ maysakít, makaraan ang isáng sandalî;--akó’y námalî; ng̃unì’t sa dahiláng akó’y námalî ¿ay ipagkákaít na ba ng̃ Dios na iyan ang kalayàan sa isáng bayan at ililigtás ang maraming lalò pang salarín kay sa akin? ¿anó na lamang ang kamalìan ko sa piling ng̃ mg̃a pagkakasala ng̃ mg̃a namamahalà? ¿Bakit pahahalagahán pa ng̃ Dios na iyan ang aking kabuktután kay sa mg̃a daíng ng̃ nápakaraming walâng sala? ¿Bakit hindî akó sinugatan at pinagtagumpáy pagkatapos ang bayan? ¿Bakit binabayàang magtiís ang gayóng karaming mg̃a karapatdapat at mg̃a tapát na loob at nasisiyaháng walâng katigátigatig sa kaniláng mg̃a paghihirap?
--Ang mg̃a tapát na loob at ang mg̃a karapatdapat ay kailang̃ang mang̃agtiís upang ang kaniláng mg̃a adhikâ’y mákilalà’t lumaganap! Kailang̃ang iwaksí ó basagin ang sisidlán upang halimuyak ang bang̃ó, kailang̃ang pingkîín ang bató upang sumipót ang apóy! Mayroon ding pasiya ng̃ kalang̃itán sa mg̃a paguusig ng̃ mg̃a maniniíl, ginoong Simoun!
--Alám ko,--ang bulóng ng̃ may sakít--kayâ ng̃â’t inudyukán ko ang kabang̃isan....
--Tunay, kaibigan ko, ng̃unì’t ang lalòng maraming sumabog ay ang may tagláy na kabulukán! Pinalusog ninyó ang kabulukán sa kapamayanan nang hindî naghasík ng̃ anomang adhikâín. Sa pagtitiím na iyan ng̃ mg̃a masasamâng hilig ay walâng sisipót kundî ang pananawà, at kung mayroon mang biglâng sumipót, ay hindî mangyayaring hindî kabutí lamang, sapagkâ’t sa biglâbiglâan ay walâng sisipót sa layák kundî ang kabutí. Tunay ng̃â’t ang mg̃a masasamâng hilig ng̃ isáng pamahalàan ay makamamatáy sa kaniya, ng̃unì’t pumapatáy din namán sa kapisanang pinangyayarihan ng̃ gayón. Sa isáng pamahalàan na may masamâng hilig ay bagay ang isáng bayang walâng tuus; sa pang̃asiwàang walâng budhî ay mg̃a mámamayang maninibad at mapang̃ayupapà sa loob ng̃ bayan, ng̃unì’t mg̃a tulisán at magnanakaw sa mg̃a kabundukan! Kung anó ang pang̃inoon, gayón ang alipin. Kung anó ang pamahalàan, gayón ang bayan.
Nagharì ang sandalîng pananahimik.
--Kung gayó’y ¿anó ang nararapat gawín?--ang tanóng ng̃ ting̃ig ng̃ may sakít.
--¡Magtiís at gumawâ!
--¡Magtiís.... gumawâ!--ang malungkót na ulit ng̃ may sakít--¡ah! madalîng sabihin iyan kapag hindî nagtitiís.... kapag ang paggawâ ay pinapagkákamít ng̃ gantíng-palà!.... Kung hiníhing̃án ng̃ inyóng Dios ang tao ng̃ gayóng karaming mg̃a paghihirap, ang taong babahagyâ nang makapanang̃an sa kasalukuyan at nag-aalinlang̃an sa mangyayari sa kinabukasan; kung nakákita lamang kayó ng̃ gaya ng̃ mg̃a nápagkitá kong mg̃a marálitâ, mg̃a kahabághabág na nang̃agbatá ng̃ katakot-takot na pahirap dahil sa mg̃a pagkakasalang hindî nilá ginawâ, mg̃a pagpatáy upang mapagtakpán ang sala ng̃ ibá ó ang dî kasapatán sa panunungkulan, mg̃a kaawàawàng amá na inagaw sa kaniláng tahanan upang gumawâ ng̃ walâng kapararakan sa mg̃a lansang̃an na nasisirà sa tuwîng umaga at warìng naglilibáng lamang sa pagsusugbá sa mg̃a boô boông magkakaanak sa karalitàan.... ¡ah! magtiís.... gumawâ.... siyang kalooban ng̃ Dios! Papanaligin ninyó silá na ang kaniláng pagkamatáy ay siya niláng kaligtasan, na ang kaniláng paggawâ ay siyang ikagiginhawa ng̃ kaniláng tahanan! Magtiís.... gumawâ.... ¿Anóng Dios iyan?