# Ang "Filibusterismo" (Karugtóng ng Noli Me Tangere)

## Part 30

Book page: https://www.cyberlibrary.org/tl/books/ang-filibusterismo-karugtong-ng-noli-me-tangere-47629/index.md

Halos kasabáy noon ay dumatíng ang anghel na tagá-balità na tagláy ang tupa, na, anyông isáng pangloloob sa isáng bahay liwaliwan sa baybáy ng̃ ilog Pasig, bahay na tinítirahán ng̃ iláng prayle kung tag-inít! ¡Yaón ang panahón, at si Abraham-Ben-Zayb ay nagpuri sa kaniyáng dios!

--Ang mg̃a tulisán ay nakakuha ng̃ mahigít sa dalawáng libong piso, sinugatan nang malubhâ ang isáng parì at dalawáng alilà.... Ang kura ay nagtanggól sa likurán ng̃ isáng silla, na nagkásirâsirâ sa kaniyáng mg̃a kamáy......

--¡Hintáy, hintáy!--aní Ben-Zayb na nagtátalâ;--apat ó limangpûng tulisáng sa paraang taksíl.... mg̃a rebolber, iták, escopeta, pistola.... leong nanánandata, silla.... putólputól.... sinugatan nang walâng kaawà-awà... sampûng libong piso......

At sa kagalakán, at dahil sa hindî pa lubós na nasisiyahán sa mg̃a balità, ay tumung̃o sa pook na pinangyarihan, na, sa daan ay binabalak ang salaysáy ng̃ paglalaban. ¿Isáng muntîng bigkás na tinuran ng̃ namumunò? ¿Isáng salitâng paalipustâng galing sa bibíg ng̃ parì? Lahát ng̃ pagpaparis at talinghagà, na iniukol sa General, kay P. Irene at kay P. Salvi ay mákakapit sa parìng nasugatan, at ang salaysáy na ukol sa magnanakaw ay sa bawà’t isáng tulisán. Sa pagmumurá ay maaarìng lumawig pa, maaarìng banggitín ang pananampalataya, ang pananalig, ang kaawàan, ang tugtóg ng̃ mg̃a kampanà, ang utang ng̃ mg̃a indio sa mg̃a prayle, malungkót sa sarili at gumamit ng̃ maraming banggít at mg̃a himig na ayos Castelar. Bábasin yaon ng̃ mg̃a dalaga sa siyudad at sásabihing:

--Si Ben-Zayb ay mabang̃ís na gaya ng̃ león at masuyò na gaya ng̃ isáng tupa!

Nang dumatíng sa pook na pinangyarihan, ay napamanghâ siya nang mákita na ang nasugatan, ay dilì ibá’t si P. Camorra, na tinakdâán ng̃ kaniyáng _provincial_ na magdusa sa bahay liwaliwan, sa baybáy ng̃ ilog Pasig, dahil sa kaniyáng pinaggagawâ sa Tianì. May isáng muntîng sugat sa kamáy, isáng bukol sa ulo dahil sa kaniyáng pagkakátiwangwáng; ang mg̃a tulisán ay tatló at ang mg̃a sandata’y pawàng iták; ang halagáng nánakaw ay limang pûng piso.

--¡Hindî mangyayari!--ani Ben-Zayb;--magtigil kayó.... hindî ninyó alám ang inyóng sinasabi!

--¡Hindî ko malalaman, _puñales_!

--¡Huwag kayóng hang̃ál!.... ang mg̃a tulisán ay mahigít kay sa sinabi ninyó....

--¡Abá! ang manghihitit na itó ng̃ tintá....

Nagkaroon silá ng̃ isáng malakíng pagtatalo. Ang mahalagá kay Ben-Zayb ay ang huwag masirà ang isinulat, palakihín ang mg̃a pangyayari upang kumapit ang kaniyáng mg̃a pinagturán.

Isáng aling̃awng̃áw ang pumutol sa pagtatalo. Ang mg̃a tulisáng nang̃áhuli ay nang̃agpahayag ng̃ malalakíng bagay. Isá sa mg̃a tulisán ni _Matanglawin_ (si kabisang Tales) ay tinipán silá sa Santamesa upang makisama sa kaniyáng pulutóng at looban ang mg̃a kombento at ang mg̃a bahay ng̃ mg̃a mayayaman.... Ang mang̃ung̃ulo sa kanilá’y isáng kastílàng mataas, kayumanggí, maputî ang buhók, na ang sabi’y gágawâ nang gayón sa utos ng̃ General na matalik niyáng kaibigan, pinatibayan pa rin sa kanilá na ang _artillería_ at iláng regimiento ay makikisama sa kanilá, kayâ’t walâ siláng dapat ikatakot. Ang mg̃a tulisán ay patatawarin at ang isáng katlông bahagi ng̃ másamsám ay ibíbigáy sa kanilá. Ang palatandâan ay isáng putók ng̃ kanyón, at sa dahiláng hindî dumatíngdatíng ang kaniláng inaantáy na hudyát, ay inakalà ng̃ mg̃a tulisán na silá’y binirò, ang ilá’y nang̃agsiuwî, ang ilán ay nang̃agsibalîk sa kaníkaniláng bundók at nang̃akòng paghigantihán ang kastilà, na makalawá nang nagkulang sa kaniyáng salitâ. Sa gayón, siláng mg̃a náhuli ay nagnasàng gumawâ, kahì’t sa kaniláng sarili, at linooban ang isáng bahay liwaliwan na nasumpung̃án, at ipinang̃ang̃akòng ibigáy na walâng kakulangkulang ang dalawáng katlông bahagi ng̃ nasamsám kung paghahabulin ng̃ kastilàng maputî ang buhók.

Sa pagkakawangkî sa anyô ni Simoun ng̃ mg̃a tinurang ayos ay ipinalagáy na hindî katotohanan ang mg̃a pahayag na iyon, kayâ’t binigyán ng̃ katakottakot na pahirap ang magnanakaw, sampû ng̃ mákina eléctrica, dahil sa gayóng kahalayhalay na tung̃ayaw. Dátapwâ’t ang balitàng pagkawalâ ng̃ mag-aalahás na nápuná ng̃ lahát ng̃ taga Escolta, at dahil sa pagkakatagpô ng̃ mg̃a bayóng ng̃ pulburá at maraming punlô sa kaniyáng bahay, ay nagkaroon ng̃ warì’y katotohanan ang pahayag ng̃ tulisán at untîuntîng kumalat ang lihim, na nababalot ng̃ ulap, nang̃agbulóng-bulung̃an, umuubó, na ang ting̃í’y nang̃ang̃anib, mg̃a _puntos suspensivos_ at maraming salitâng pinalalakí na ukol sa mg̃a gayóng mg̃a pangyayari. Ang mg̃a nakabatíd ng̃ lihim ay hindî matapos tapos sa pagkakamanghâ, inihahabà ang mg̃a mukhâ, nang̃amumutlâ at kuntì nang nasiràan ng̃ isip ang marami nang mapag-alamán ang iláng bagaybagay na hindî nápuná.

--Mabuti’t nakaligtás tayo! ¿Sino ang makapagsasabi....?

Nang kináhapunan, si Ben-Zayb, na punông punô ng̃ mg̃a rebolber at bala ang mg̃a bulsá, ay dumalaw kay D. Custodio, na natagpûang masigasig na gumagawâ ng̃ isáng panukalà na laban sa mg̃a mag-aalahás na amerikano. Bumulóng na marahang marahan sa taing̃a ng̃ mámamahayag ng̃ mg̃a mahiwagàng salitâ sa pag-itan ng̃ dalawáng palad na pinagtaklóp.

--¿Tunay ba?--ang tanóng ni Ben-Zayb na idinukot ang kamáy sa bulsá, samantalang namumutlâ ng̃ bahagyâ.

--At kahì’t saán mátagpûan....

Tinapos ang salitâ sa isáng galáw na makahulugán. Itinaás ang dalawáng kamáy hanggáng pantáy mukhâ, na ang kanan ay lalò pang baluktót kay sa kaliwâ, ang mg̃a palad ay tung̃o sa ibabâ, ipinikít ang isáng matá at makálawang gumaláw ng̃ papasulóng.

--¡Psst, psst!--ang kaniyáng sipol.

--¿At ang mg̃a brillante?--ang tanóng ni Ben-Zayb.

--Kung mátatagpûan....

At gumawâ ng̃ isá pang kilos sa pamagitan ng̃ mg̃a dalirì ng̃ kanang kamáy, na pinaikit-ikit mulâ sa haráp hanggáng sa likód at mulâ sa labás na papaloób, na warì kilos ng̃ pamaypáy na nátitiklóp, warìng may iniipon, mg̃a labayang umiikit na pumapalís nang patung̃o sa kaniyá, na malinis ang pagkakapangdukot. Sinagót ni Ben-Zayb ng̃ isá ring kilos, na pinapangdilat na mabuti ang mg̃a matá, binalantók ang mg̃a kilay at malakás na lumang̃áp ng̃ hang̃in, na warìng ang hang̃ing nakabubusóg ay nátuklasán na.

--Jhs!!!

XXXVII

ANG HIWAGA

Todo se sabe.

Kahì’t na pinagkáing̃atan ng̃ labis ay nakaratíng din sa kabatirán ng̃ madlâ ang aling̃awng̃áw, subali’t malakí na ang kaibhán at marami na ang kulang. Yaón ang sanhî ng̃ mg̃a sang-usapan ng̃ sumunód na kagabihán sa bahay ng̃ isáng mayamang mag-aanak na sina Orenda, na nang̃ang̃alakal ng̃ hiyás sa masipag na bayang Sta. Cruz. Siyá na lamang náaatupag ng̃ marami niláng kaibigan. Hindî nang̃aglálarô ng̃ _tres-siete_, ni nagtutugtugan ng̃ piano, at ang muntîng si Tinay, ang pinakabatà sa lahát ng̃ dalaga, ay nayáyamót sa paglalarông mag-isá ng̃ _sungká_, na hindî mapag-unawà kung anó’t pinag-uusapan ang mg̃a pangloloob, panghihimagsík, ang mg̃a bayóng ng̃ pulbura, gayóng may maraming magagandáng sigay sa pitóng bahay, na warìng kiníkindatán siyá at ng̃iníng̃itîán ng̃ kaniláng mg̃a mumuntîng bibíg, na nakabuká, upang _isubí_ sa iná. Si Isagani, na kung pumáparoón, ay lagìng nakíkipaglarô sa kaniyá at napadadayàng mátikabó, ay ayaw making̃íg sa kaniyáng kátatawag; pinakíkinggáng tahimik at malamlám ni Isagani ang isinásaysáy ng̃ platerong si Chichoy. Si Momoy, ang katipán ni Sensia, ang pinakamatandâ sa mg̃a Orenda, maliksí at magandáng dalaga kahì’t may kauntîng pagka mapalabirô, ay umalís sa durung̃awang sa gabígabí’y lagìng pook ng̃ pag-uusap niláng magsing-ibig. Ang bagay na itó’y nakamúmuhî sa loro na ang kulung̃an ay nakasabit sa pairap ng̃ bahay, lorong minámahál ng̃ lahát ng̃ tagá bahay sapagkâ’t marunong bumatì sa lahát kung umaga sa pamagitan ng̃ maiinam na salitâng ukol sa pag-ibig. Si kapitana Loleng, ang masipag at matalinong si kapitana Loleng, ay pigil na nakabukás ang kaniyáng aklát talâan, ng̃unì’t hindî makuhang basahin ni masulatan; hindî minámasdán ang mg̃a pinggán, na punô ng̃ mg̃a perlas na lagás, ni ang mg̃a brillante; noon ay nakakalimot at ang pakiking̃íg lamang ang ginágawà. Ang kaniyá nang asawa, ang dakilàng si kapitang Toringoy, galing sa pang̃alang Domingo, ang lalòng maligaya sa boong arabal, na walâng gawâ liban sa magbihis ng̃ mainam, kumain, dumaldál, samantalang ang lahát ng̃ kaanak ay gumágawâ at nagsusumakit, ay hindî tumung̃o sa dati niyáng pinaparoonang pinakikipaglipunan, at pinakíkinggáng natátakóttakòt at nang̃áng̃ambá ang mg̃a kakilakilabot na ibinabalità ng̃ payagót na si Chichoy.

At hindî mangyayaring hindî magkágayón. Si Chichoy ay naghatíd ng̃ iláng gawâ kay D. Timoteo Pelaez, isáng pares na hikaw ng̃ bagong kasál, nang iginígibâ pa namán ang kiosko na ginamit na kakainan ng̃ mg̃a may lalòng mataás na kapangyarihan. Sa dakong itó’y namumutlâ si Chichoy at nanínindíg ang buhók.

--Nakú!--aniya,--mg̃a bayóng ng̃ pulburá sa ilalim ng̃ tungtung̃an, sa bubung̃án, sa ilalim ng̃ dulang, sa loob ng̃ mg̃a uupan, sa lahát ng̃ sulok! Mabuti na lamang at walâ isá mang manggagawàng humihitit!

--At ¿sino ang naglagáy ng̃ mg̃a bayóng na iyon ng̃ pulburá?--ang tanóng ni kapitana Loleng, na may katapang̃an at hindî namumutlâ na gaya ng̃ máng̃ing̃ibíg na si Momoy.

Si Momoy ay dumaló sa kasalan, kayâ’t may katuwiran ang kaniyáng náhulíng pang̃ing̃ilabot. Si Momoy ay nápalapít sa kiosko.

--Iyan ang walâng makapagsabi,--ang sagót ni Chichoy:--¿sino ang dapat magkaroon ng̃ hang̃ád na guluhín ang kapistahan? Walâ kundî íisá lamang, ang sabi ng̃ bantóg na abogadong si G. Pasta na nároong dumalaw, ó isang kagalít ni D. Timoteo ó isáng kaagáw ni Juanito....

Ang mg̃a dalagang Orenda ay biglâng nápaling̃ón kay Isagani: si Isagani’y tahimik na ng̃umitî.

--Magtagò kayó,--ang sabi sa kaniya ni kapitana Loleng;--bakâ kayó pagbintang̃án.... magtagò kayó!

Mulîng ng̃umitî si Isagani at hindî sumagót nang anoman.

--Hindî maalaman ni D. Timoteo--ang patuloy ni Chichoy,--kung sino ang may kagagawán; siyá ang namahalà sa pagpapagawâ, siya at ang kaibigan niyang si Simoun, at walâ na. Sa bahay ay nagkaguló, dumatíng ang teniente ng̃ Veterana, at matapos na ipagbilin sa lahát ang paglilihim ay pinaalís akó. Ng̃unì’t....

--Ng̃unì’t.... ng̃unì’t....--ang bulóng na nang̃ing̃iníg ni Momoy.

--Nakú!--ang sabi ni Sencia na tiningnán ang kaniyang nobio at nang̃ing̃iníg din dahil sa pagka-alaalang náparoon sa pistá:--ang _señoritong_ itó.... kung sakalìng pumutók....

At tiningnán ng̃ matáng galít ang kaniyang iniibig at hinahang̃àan ang kaniyang katapang̃an.

--Kung sakalìng pumutók....

--Walâng mátitiráng buháy sa daang Anloague!--ang dagdág ni kapitang Toringoy na nagpatanáw ng̃ katapang̃an at pagwawalâng bahalà sa kaniyáng ának.

--Akó’y umuuwîng litóng litó,--ang patuloy ni Chichoy,--na iníisip na kahì’t isáng titis lamang, isáng sigarilyo, ay nagkátaóng nahulog ó may sumabog na isáng lámpara, sa mg̃a sandalîng itó’y walâ tayong General, ni Arsobispo, ni anomán, ni mg̃a kawaní man lamang! Abó ang lahát ng̃ nápatung̃o sa pistá kagabí!

--¡Virgen Santísima! ang máginoong itó....

--¡Susmariosep!--ang bulalás ni kapitana Loleng;--ang lahát ng̃ may utang sa atin ay nároroon; susmariosep! At mayroon kamíng isáng bahay na malapit doon. ¿Sino kayâ ang?...

--Ng̃ayón ninyó málalaman,--ang patuloy ni Chichoy na mahinà ang boses,--ng̃unì’t kailang̃an ninyóng ipaglíhim. Ng̃ayóng hapon ay aking nátagpûán ang isá kong kaibigang mánunulat sa isáng káwanihán, at sa pag-uusap namin ng̃ ukol sa bagay na iyan ay sinabi sa akin ang lihim: nabatíd niya sa iláng kawaní.... ¿Sino sa akalà ninyó ang naglagáy ng̃ mg̃a bayóng ng̃ pulbura?

Ikinibít ng̃ marami ang kaniláng balikat; si kapitáng Toringoy lamang ang tuming̃ín nang pasulyáp kay Isagani.

--¿Ang mg̃a prayle?

--¿Ang insík na si Quiroga?

--¿Isáng nag-aaral?

--¿Si Makaraig?

Si kapitang Toringoy ay umuubó at tinitingnán si Isagani.

Si Chichoy ay nakang̃itîng umilíng.

--¡Ang mag-aalahás na si Simoun!

--Si Simoun!!!

Isáng katahimikang anák ng̃ pagkakamanghâ ang sumunód sa mg̃a salitâng iyon. Si Simoun, ang nag-uudyók ng̃ kasamâán sa General, ang mayamang máng̃ang̃alakal na pinaparoonan nilá sa kaniyáng bahay upang bilhán ng̃ mg̃a batóng kalás, si Simoun na tumátanggáp sa mg̃a Orenda nang lubhâng magalang at pinagsasabihan silá ng̃ mg̃a maiínam na pang̃ung̃usap! Dahil ng̃â sa ang balità’y warìng hindî mangyayari, kung kayâ’t pinaniwalàan. _Credo quia absurdum_, ang sabi ni San Agustin.

--Ng̃unì’t ¿walâ ba si Simoun sa pistá kagabí?--ang tanóng ni Sensia.

--Nároroon,--ang sabi ni Momoy,--ng̃uní’t náalaala ko ng̃â palá! Umalís nang kamí’y maghahapunan. Umalís upang kunin ang kaniyáng handóg sa kasál.

--¿Ng̃unì’t hindî ba kaibigan ng̃ General? ¿hindî ba kasamá ni D. Timoteo?

--Opò, nakipagsamá upang magawâ ang pakay at nang mápatáy ang lahát ng̃ kastilà.

--¡Ah!--ani Sensia,--ng̃ayón ko nalinawan!

--¿Ang alín?

--Ayaw ninyóng paniwalàan si tia Tentay. Si Sîmoun ay siyang diablo na nakábilí sa kaluluwa ng̃ lahát ng̃ kastilà.... sinasabi na ni tia Tentay!

Si kapitana Loleng ay nag-antandâ, hindî mápalagáy na tiningnán ang mg̃a bató na nang̃ang̃anib siyáng makitang magíng baga; hinubád ni kapitáng Toringoy ang sinsíng na galing kay Simoun.

--Si Simoun ay nawalâ nang hindî nag-iwan ng̃ bakás,--ang dagdág ni Chichoy;--hinahanap siya ng̃ guardia sibil.

--Oo!--ang sabi ni Sensia,--hanapin nilá ang demonio!

At nag-antandâ. Ng̃ayón nilá nalinawan ang maraming bagay, ang malakíng kayamanan ni Simoun, ang katang̃ìtang̃ìng amóy ng̃ kaniyáng bahay, amóy asupré. Si Binday, isá sa mg̃a dalagang Orenda, mapaniwalâín at kaigaigayang binibini, ay nakaalaalang nakakita ng̃ mg̃a apóy na bugháw sa bahay ng̃ mag-aalahás, nang isáng hapon na kasama ang iná’y naparoón silá upang mamilí ng̃ bató.

Si Isagani’y taimtím na nakíking̃íg, na walâng kaimík-imík.

--¡Kayâ palá, kagabí....!--ang pabulóng ni Momoy.

--¿Kagabí?--ang ulit ni Sensia na may panibughô’t nasàng makaalám.

Hindî makapang̃ahás na makapagpatuloy si Momoy, ng̃unì’t nawalâ ang kaniyáng takot dahil sa mukhâng ipinatanáw sa kaniyá ni Sensia.

--Kagabí, samantalang kamí’y humahapon, ay nagkaroón ng̃ isáng guló; ang ilaw sa kinakainan ng̃ General ay namatáy. Sinasabing ninakaw ng̃ isáng hindî nákilala kung sino ang lámparang handóg ni Simoun.

--¿Isáng magnanakaw? ¿Isá sa mg̃a _Mano Negra_?

Si Isagani ay tumindíg at nagpalakadlakad.

--¿At hindî náhuli?

--Lumundág sa ilog; walâng nakakita sa kaniyá. May nagsasabing kastilà raw; anáng ibá’y insík; ang ibá’y indio....

--Inaakalàng sa pamagitan ng̃ lámparang iyón,--ang tugón ni Chichoy;--ay pag-aalabin ang boông bahay, ang púlbura....

Mulîng nang̃iníg si Momoy, ng̃unì’t nang mákitang náramdamán ni Sensia ang kaniyáng katakutan, ay tinangkâng iayos.

--¡Sayang!--ang bulalás na nilakasán ang loób,--¡masamâ ang nágawâ ng̃ magnanakaw! Nang̃amatáy sanang lahát....

Tiningnán siyáng gulilát ni Sensia; ang mg̃a babai’y nang̃ag-angtandâ. Si kapitáng Toringoy na natatakot sa polítika ay umanyông lálayô. Si Isagani ang tinung̃o ni Momoy.

--Kailan ma’y hindî mabuti ang kumuha ng̃ hindî sariling arì,--ang sagót ni Isagani na may matalinghagàng ng̃itî;--kung nálalaman lamang ng̃ magnanakaw na iyón kung anó ang pinapakay at nakapag-isip sana, ay tunay na hindî gágawín ang gayón!

At idinagdág matapos ang muntîng hintô:

--Pantayán man ng̃ kahì’t gaano’y hindî akó lálagáy sa kalagayan niyá.

At nagpatuloy silá sa pagkukuròkurò at pagpapalápalagáy.

Makaraán ang isáng oras, ay nagpaalam na si Isagani sa mag-aanak upang manirahan na sa habàng buhay sa piling ng̃ kaniyáng amaín.

XXXVIII

KASAWIAN

Si _Matanglawin_ ay siyáng kilabot sa Lusón. Ang kaniyáng pangkát ay sísipot kung minsan sa isáng lalawigang hindî inaakalàng kaniyáng lulusubin at kung minsan ay biglâng susulpót sa isáng lalawigang humáhandâng maglabán sa kaniyá. Susunugin ang isáng kabyawan sa Batang̃an, sisiràin ang mg̃a pananím; kinabukasan ay pápatayín ang hukóm pamayapà sa Tianì, sa isá pa’y lolooban ang isáng bayan sa Kabite at kukunin ang lahát ng̃ armás sa tribunal. Ang mg̃a lalawigang panggitnâ, mulâ sa Tayabas hanggáng Pangasinan, ay inaabot ng̃ kaniyáng mg̃a kabang̃isan at ang kaniyáng madugông pang̃alan ay umaabot hanggáng Albáy, sa timog, at sa hilagà’y hanggáng Kagayán. Sapagkâ’t inalisán ng̃ sandata ang mg̃a bayánbayán dahil sa pagkukulang ng̃ tiwalà ng̃ isáng mahinàng pamahalàan ay nahuhulog sa kaniyáng mg̃a kamáy na warìng walâng kabuluháng bihag; paglapit niyá, ay iniiwan ng̃ mg̃a manananim ang kaniláng mg̃a bukid, ang mg̃a hayop ay napúpuksâ at isáng bakás na dugô at apóy ang nagiging tandâ ng̃ kaniyáng pagdaraan. Hinahalay ni Matanglawin ang lahát ng̃ mg̃a mahihigpít na kautusáng laban sa mg̃a tulisán: walâng napapahirapan sa mg̃a kautusáng yaón kundî ang mg̃a naninirahan sa mg̃a nayon, na kaniyáng binibihag ó sinasalantâ kung naglalabán, ó kung nakikipagkásundô sa kaniya ay ipinalalamóg ó ipinatatapon ng̃ pamahalàan, kung sakalìng dumáratíng sa pagtatapunan at hindî abutin ng̃ malubhâng sakunâ sa paglalakbáy. Dahil sa gayóng kalagayan ay marami sa mg̃a taga bukid ang sumasailalim sa kaniyang kapangyarihan.

Sanhî sa kakilakilabot na kaparaanang itó, ang naghihing̃alô nang pang̃ang̃alakal ng̃ mg̃a bayan ay nagpatuloy na namatáy ng̃ lubusan. Ang mayaman ay hindî makapang̃ahás na makapaglakbáy, at ang mahihirap ay natatakot na máhuli ng̃ guardia sibil, na, dahil sa nauutusang umusig sa mg̃a tulisán ay madalás na hinuhuli ang unang másumpung̃an at pinahíhirapan ng̃ katakot-takot. Sa kaniyáng dî karapatán, ang pamahalàan ay nagpapakita ng̃ kalakasan sa mg̃a taong kaniyáng pinaghihinalàan, upang, sa kápapahirap, ay huwag máhalatâ ng̃ mg̃a bayan ang kaniyáng kahinàan, ang takot na nagtatakdâ ng̃ mg̃a gayóng kautusán.

Isáng hanay ng̃ mg̃a kaawàawàng itó na pinaghihinalàan, mg̃a anim ó pitó, na nang̃akabalitì ng̃ abot siko at nang̃átatalìng warì’y pilíng nang tao, ay nang̃aglálakád isáng tanghalìng tapát sa isáng daang namamaybáy sa isáng bundók, na dalá ng̃ sampû ó labíng dalawáng guardia na nang̃akabaríl. Lubhâng matindí ang init. Ang mg̃a bayoneta ay nagkikintaban sa araw, ang kanyón ng̃ mg̃a baríl ay nag-iinit, at ang mg̃a dahon ng̃ sambóng na nálalagáy sa mg̃a kapasete ay halos hindî makapagpahina sa tindí ng̃ nakasusunog na araw sa buwan ng̃ Mayo.

Dahil sa hindî máikilos ang mg̃a bisig at nang̃agkakadikitan, upang huwag gumamit ng̃ maraming lubid, ay lumalakad ang mg̃a huli na halos lahát ay walâng takíp sa ulo at mg̃a walâng sapín ang paa: mabuti na ang may isáng panyông nakatalì sa ulo. Hing̃ál na hing̃ál, hiráp, punông punô ng̃ alikabók na nagigíng putik dahil sa pawis, ay náraramdamáng natutunaw ang kaniláng utak, may lumilipanàng ilaw sa kaitaasan, mg̃a badhâng pulá sa himpapawíd. Ang kapatâán at ang panghíhinà ay nálalarawan sa kaniláng pagmumukhâ, ang paghihinagpís, ang pagkagalit, isáng bagay na hindî mawarì, ting̃íng mamámatáy na sumusumpâ, taong naiiníp sa buhay, sa sarili, na nagtutung̃ayáw sa Dios.... Ang mg̃a lalòng nakapagtátagál ay itinútung̃ó ang ulo, ikinúkuskós ang mukhâ sa marumíng likurán ng̃ sinúsundán upang mapahid ang pawis na tumátakíp sa kaniláng mg̃a matá; ang marami’y pípiláy-piláy. Kapag may nakaabala sa lakad dahil sa pagkadapâ ay mádiding̃íg ang isáng tung̃ayaw at lalapit ang isáng sundalo na iniwawasíwas ang isáng sang̃á, na kinuha sa isáng punò, at pinipilit na pinatitindíg sa palò dito’t palo doon. Sa gayó’y tumátakbó ang hanay, na, kaladkád ang nádapâ na nágugumon sa alabók at umuung̃al na hiníhing̃îng siya’y patayín: sa isáng pagkakátaón ay nápapatindíg, nápapatayô, at sakâ ipinatutuloy ang kaniyáng paglakad na umiiyak na warì’y batà at isinúsumpâ ang oras na siya’y nagíng tao.

Ang pilíng na tao ay maminsan minsang humihintô samantalang nang̃agsisiinóm ang mg̃a may dalá sa kanilá, at pagkatapos ay ipatutuloy ang lakad na ang bibíg ay tuyô, ang pag-iisip ay madilím at ang pusò’y punô ng̃ paglait. Ang uhaw ay siyáng pinakamuntîng bagay na inaalintana ng̃ mg̃a kaawàawàng taong iyon.

--¡Lakad, mg̃a anák ng̃ p....!--ang sigáw ng̃ sundalo, na nakapagpanibagong lakás, na ibinigkás ang karaniwang lait ng̃ mg̃a pilipinong pinakadukhâ.

At sumasagitsít ang sang̃á at tumatamà sa likurán ng̃ kahì’t sino, ng̃ lalòng nálalapít, kung minsan ay tumatamà sa isáng mukhâ, nag-iiwan muna ng̃ isáng bakás, pagkatapos ay mapulá, at mayâmayâ’y marumi dahil sa alikabók ng̃ lansang̃an.

--¡Lakad mg̃a duwág!--ang sigáw sa wikàng kastilà na pinalálakíng mabuti ang boses.

--¡Mang̃a duwág!--ang ulit ng̃ aling̃awng̃áw ng̃ bundók.

At tinutulinan ang lakad ng̃ mg̃a duwág, sa silong ng̃ lang̃it na warì’y nagbabagang bakal, sa isáng daáng nakapapasò na iniáabóy ng̃ mabukóng sang̃á na nalúluráy sa malatay na balát. Ang lamíg sa Siberia ay mabuti pa kay sa araw sa buwan ng̃ Mayo sa Pilipinas! Gayón man, sa mg̃a sundalo ay may isáng namúmuhî sa gayóng mg̃a kabang̃isáng walâng kapararakan: lumalakad ng̃ walâng imík at kunót ang kilay na warìng masamâ ang loob. Sa káhulíhulihan, nang mákita na ang guardia ay hindî na nasísiyahán sa sang̃á kundî pinagsisipâ pa ang mg̃a huli na nápaparapâ, ay hindî na nakapagpigil at bugnót na sumigáw nang:

--Hoy, Mautang, bayàan mo na siláng lumakad na mapayapà!

Si Mautang ay luming̃óng nápamanghâ.

--At anó ang mayroón sa iyo, Carolino?--ang tanóng.

--Sa ganáng akin ay walâ, ng̃unì’t naaawà akó!--ang sagót ni Carolino;--mg̃a tao rin iyáng kagaya natin!

--Napagkíkilalang baguhan ka pa!--ang paklí ni Mautang na tumawang may habág,--¿kung gayó’y anó ang inaasal ninyó sa mg̃a máhuli sa labanán?

--Mabuting dî sápalâ kay sa ganiyán!--ang sagót ni Carolino.

Nápahintông sandalî si Mautang, at pagkatapos, warìng nakátagpô ng̃ isásagót ay panatag na tumugón, na:

--A, ang mg̃a huli doon ay mg̃a kaaway at lumalaban, samantalang ang mg̃a itó ay.... itó’y mg̃a kababayan natin!

At lumapit na ibinulóng kay Carolino:

--¡Nápakahang̃ál ka! Ginágawâ sa kanilá ang ganiyán upang magtangkâng lumaban ó tumanan, at sa gayón ay.... pung!

Ang Carolino ay hindî sumagót.

Ang isá sa mg̃a huli ay namanhík na pahintulutan siyáng tumigil sapagkâ’t mayroón lamang gágawíng kailang̃an.

--¡Ang poók na itó’y mapang̃anib!--ang sagót ng̃ kabo, na dî mápalagáy na tinítingnán ang bundók:--sulong!

--Sulong!--ang ulit ni Mautang.

At humaging ang pamalò. Ang hulí ay namilipit at tiningnán siyá ng̃ ting̃íng may sumbát.

--Mabang̃ís ka pa kay sa tunay na kastilà--ang sabi ng̃ balitî.

Tinugón siyá ni Mautang ng̃ iláng palò. Halos sabáy doo’y humaging ang isáng punlô na sinundán ng̃ isáng putók: nabitiwan ni Mautang ang baril, bumitíw ng̃ isáng tung̃ayaw at matapos madalá sa dibdib ang dalawáng kamáy ay umikit at bumagsák. Nákita siyá ng̃ hulí na kumikisáy sa alikabók at linálabasán ng̃ dugô sa bibíg.

--Tigil!--ang sigáw ng̃ kabo na biglâng namutlâ.

Ang mg̃a sundalo’y humintô at tuming̃ín sa kaniláng paligid. Isáng muntîng bugá ng̃ asó ang lumalabás sa isáng kasukalan sa dakong itaás. Humaging ang isá pang punlô, náding̃íg ang isá pang putók at ang kabo’y namaluktót na nagtutung̃ayáw at may sugat sa hità. Ang pulutóng ay binabaka ng̃ mg̃a taong nang̃agkakanlóng sa mg̃a batóng nasa kaitaasan.

Ang kabo, lipós kagalitan, ay tumurò sa dako ng̃ kumpol ng̃ mg̃a balitî, at sumigáw nang:

--_Fuego!_

Ang mg̃a huli ay nang̃ápaluhód, na punô ng̃ sindák. Sa dahiláng hindî máitaás ang mg̃a kamáy, ay nang̃agmamakaawàng humáhalík sa lupà at iniuuna ang ulo: may tumutukoy sa kaniláng mg̃a anák, may sa kaniyáng iná na walâ nang mag-aampón; ang isá’y nang̃ang̃akò ng̃ salapî, binábanggít ng̃ isá ang ng̃alan ng̃ Dios, ng̃unì’t ang bung̃ang̃à ng̃ mg̃a baril ay nakababâ na at isáng kakilákilabot na putók ang nagpapipi sa kanilá.

