Ang "Filibusterismo" (Karugtóng ng Noli Me Tangere)

Part 3

Chapter 3 4,012 words Public domain Markdown

--¡Maano namáng huwag kayóng magsalitâ ng̃ ganyán, Vice-Rector!--ang sagót ng̃ kanónigong si P. Irene, sabáy sa pagtutulak sa luklukan noon--sa Hongkong ay malusog ang inyóng pang̃ang̃alakal at nagpapatayô kayó ng̃ mg̃a bahay na bawà’t isá ay.... ¡bá!

--¡Tate, tate!--ang sagót--hindî ninyó nákikita ang aming mg̃a gugol, at ang mg̃a naninirahan sa aming mg̃a arìng lupaín ay nagsisimulâ na sa pagtutol....

--¡Siyá, siyá na ng̃ kádadaíng, pagkâ’t kung hindî ay iiyák na akó!--ang masayáng sigáw ni P. Camorra.--Kami’y hindî dumádaíng gayóng walâ kamíng mg̃a lupaín ni mg̃a banko. At alamín ninyó na nagsisimulâ na ng̃ pagtawad sa mg̃a deretsos ang aking mg̃a indio at iniuukilkil sa akin ang mg̃a taripa! Sukat bá namáng ukilkilán akó ng̃ taripa ng̃ayón, at taripa pa namán ng̃ Arsobispo na si D. Basilio Sancho, _puñales_, warì bagáng mulâ noon hangáng ng̃ayón ay hindî námahal ang mg̃a bagay-bagay. Ha, ha, ha! Bakit mámumura pá ang isáng binyág kay sa isáng inahíng manók? Ng̃unì’t akó’y nagtataing̃ang kawalì, sinising̃il ko hangáng saan makaabót at hindî akó dumadaíng kailán mán. Hindî kamí makamkám, anó, P. Salvi?

Nang mg̃a sandalîng iyón ay siyáng paglabás sa eskotilya ng̃ ulo ni Simoun.

--Ng̃unì’t ¿saan bagá kayó nagsuot?--ang sigáw sa kanyá ni D. Custodio na nakalimot na sa samâ ng̃ loob:--hindî ninyó nákita ang pinakamainam sa paglalayág!

--¡Psh!--ang sagót ni Simoun nang makaakyát na ng̃ túluyan;--nakákita na akó ng̃ maraming ilog at maraming tánawín, kayâ’t walâ ng̃ may kabuluhán sa akin kun dî iyóng may mg̃a alamát....

--Kung sa alamát, ay may ilán ang Pasig--ang sagót ng̃ Kapitán, na ayaw mawaláng kabuluhán ang ilog na kaniyáng nilalayagan at pinagkakakitaan ng̃ pagkabuhay,--nariyan ang Malapad-na-bató, na sinásambá noong kapanahunang hindî pá dumárating dito ang mg̃a kastilà, na umano’y tirahan ng̃ mg̃a espíritu: ng̃ mawalâ na ang pananalig diyan at masalaulà na ang bató ay nagíng tirahán ng̃ mg̃a tulisán, na mulâ sa tugatog niya’y hinaharang ang mg̃a bangkâ na nakikilaban na sa agos ay nakikilaban pá sa mg̃a tao. Nang makaraan iyon at sa kapanahunan na natin, kahit nábabakás sa kanyá ang kamáy ng̃ tao, ay may nábabanggít díng mang̃isáng̃isáng bangkâng nátataób, at kung sa paglikô ay hindî ko ginagamit ang _anim kong sentido_ ay hindî malayòng mapabarandal sa kanyáng mg̃a tagiliran. Náriyan pá ang isáng alamát, ang sa yung̃íb ni doña Jerónima, na maibubuhay sa inyó ni P. Florentino.

--Walâng hindî nakaalam niyon!--ang pawalâng báhalàng sabi ni P. Sibyla.

Ng̃unì’t ni si Simoun, ni si Ben-Zayb, ni si P. Irene, ni si P. Camorra ay nakaaalám, kayâ’t hining̃î niláng isaysáy; ang ilán ay pabirô at ang ibá’y sapagkâ’t sadyâng ibig mabatíd. Ang klérigo ay umanyông pabirô, kagaya ng̃ paghilíng ng̃ ilán, gaya ng̃ pagsalaysay sa mg̃a batà ng̃ isáng sisiwa, at nagsabing:

--May isáng lalaking nag-aaral na nang̃akòng pakakasal sa isáng babai, sa kanyáng bayan, at pagkatapós ay hindî na naalaala ang pang̃akò. Dahil sa pagkamatapát ng̃ babai ay inantáy-antáy ng̃ malaon ang lalaki: nakaraan ang kanyáng kabatàan, nagíng dalagsót at isáng araw ay nabalitâang ang kanyáng katipán sa pag-aasawa ay siyang Arsobispo sa Maynilà. Nagsuot lalaki at lumigid sa ung̃ós ng̃ Cabo, sa pagparito, at humaráp sa Ilustrísima na hiniling̃áng tumupád sa pang̃akò. Ang kahiling̃a’y hindî mangyayari, at ipinagawâ ng̃â ng̃ Arsobispo iyang yung̃ib na nákita ninyóng may takíp at napapalamutihan sa pagpasok ng̃ mg̃a punòng gumagapang. Diyan siyá nanahán at namatáy, at diyan din siyá nálibing, at ayon sa sabisabihán ay tumatagilid si doña Jerónima kung pumapasok sa yung̃íb dahil sa katabaán. Ang kabantugan niyá sa pagkaenkantada ay buhat sa ugalì niyang paghahagis sa ilog ng̃ mg̃a kasangkapang pilak na ginagamít sa mg̃a pigíng niyang dinádaluhán ng̃ maraming ginoo. Isáng lambát ang nasa ilalim ng̃ tubig at siyang sumasahód sa mg̃a kasangkapang doon na nahuhugasan. Walâ pang dalawáng pung taón ang nakararaan na ang ilog ay dumadaang halos humáhalik sa pintúan ng̃ yung̃íb, ng̃unì’t untîuntîng lumálayô, gaya rin namán ng̃ pagkalimot ng̃ mg̃a taga rito sa kay doña Jerónima.

--¡Mainam na alamát!--ani Ben-Zayb,--susulat akó ng̃ ukol diyan. Nakaaawà.

Iniisip na ni aling Victorina na manirahan sa isá namáng yung̃ib at sasabihin na sana ng̃ unahan siyá ni Simoun, na nagsabing:

--Ng̃unì’t anó ang palagáy ninyó sa bagay na iyón, P. Salvi--ang tanóng sa pransiskano na walâng imík dahil sa may iniisip--¿hindí bagá lalóng mabuti, sa palagáy ninyó, na dapat sanang hindî sa isáng yung̃ib siyá inilagáy ng̃ Arsobispo kung dî sa isáng beaterio, sa Santa Clara, sa halimbawâ?

Galáw na pamanghâ ni P. Sibyla, na nakakitang si P. Salvi ay nang̃iníg at sumulyáp sa dako ni Simoun.

--Sapagkâ’t hindî namán mainam--ang patuloy na walâng tigatig ni Simoun,--iyáng bigyán ng̃ muntîng tahanan ang mg̃a nádadayà natín; labág sa pagkamapanampalataya ang ipain siyá sa mg̃a tuksó, sa isáng yung̃ib, sa tabí ng̃ ilog; nang̃ang̃amoy _ninfa_ ó kaya’y _driada_ ang gayón. Marahil ay nagíng mainam pá, lalò pang kabanalan, lalò pang magandá, lalò pang kápit sa ugalì dito, ang kulung̃ín siyá sa Santa Clara, na warìng isáng bagong Eloisa, upang madalaw at mahimok maminsánminsán, ¿Anó ang sábi ninyó?

--Hindî ko mahahatulan ni dapat kong hatulan ang kagagawán ng̃ mg̃a Arsobispo--ang tugóng mabigát ang loob ng̃ pransiskano.

--Ng̃unì’t kayó, na siyang _gobernador eclesiástico_, ang kahalili ng̃ Arsobispo, ¿anó ang gagawín ninyó kung sa inyó mangyari ang bagay na iyon?

Kinibít ni P. Salvi ang kaniyáng balikat, at payapàng tumugón ng̃:

--Walâng kabuluháng isipin ang isáng bagay na hindî mangyayari.... Datapwâ’y yayamang napag-uusapan na rin lamang ang tungkol sa mg̃a alamát, ay huwag ninyóng káligtâán ang lalòng mainam, dahil sa siyang lalóng katotohanan, ang kababalaghán ni San Nicolás, na marahil ay nákita ninyó ang mg̃a sirâng muog ng̃ kaniyáng simbahan. Ibubuhay ko kay G. Simoun na siyáng hindî dapat makaalám. Warìng noong araw ay maraming buwaya sa lawà’t sa ilog, mg̃a buwayang napakalalakí’t napakamasibà na dinudumog ang mg̃a bangkâ at pinalulubog sa hagkís ng̃ kaniláng buntót. Sinasabing isáng araw, ang isáng insík na hangga noon ay hindî pa nagbibinyagan, ay dumaraan sa harap ng̃ Simbahan, at walâng anó anó’y sásisipót sa kaniyáng harapán ang demonio, na anyông buwaya, na itinaob ang kaniyáng bangkâ upang lamunin siyá at dalhín sa Impierno. Sa tulong ng̃ Dios ay tinawagan ng̃ insík si San Nicolás at noon din ay nagíng bató ang buwaya. Sinasabi ng̃ mg̃a matatandâ na ng̃ kapanahunan nilá ay nákikilala pang maliwanag ang anyô ng̃ hayop sa putól putól na batóng nálalabí; sa ganang akin ay masasabi kong nakita ko pang malinaw ang ulo at kung huhulàan ang katawán dahil sa aking nákita ay dapat na magíng lubhâng malakí ang hayop na yaón.

--¡Kahang̃ahang̃àng alamát!--ang pabulalás ni Ben-Zayb,--at magigíng sanhî ng̃ isáng salaysayín. Ang pagsasabi ng̃ anyô ng̃ háyop, ang takot ng̃ insík, ang tubig ng̃ ilog, ang kakawayanan.... At magigíng sanhî ng̃ pagsusurì ng̃ mg̃a pananampalataya. Sapagkâ’t tignán ninyó; tawagan pá namán ng̃ isáng insík na hindî binyagan, sa gitnâ ng̃ kasakunàan, ang isáng santó na hindî niyá sinasambá at marahil ay kilala lamang sa ding̃íg.... Itó’y hindî sákop noong sáwikaíng _mabuti pá ang masamáng kilalá na, kay sa mabuting kikilalanin pá_. Kung akó’y mápapásakainsikán at málalagay akó sa gayong kagipitan ang una ko munang tatawagan ay yaóng lalong hindî kilalang santó sa _calendario_ kay sa kay Confusio ó Budha. Kung itó’y isáng kataasang tunay ng̃ urì ng̃ katolisismo ó kaya’y kahinàan sa paghuhulò at pagka walang katibayan ng̃ pag-iisip ng̃ mg̃a lahìng diláw, ay malilinaw lamang ng̃ isang pagkilalang masusì ng̃ _antropología_.

Si Ben-Zayb ay gumamit ng̃ kílos gurô at pinagalaw ang hintuturò sa hang̃ín, sabáy sa pagtataká sa sariling pag-iisip na marunong humang̃ò ng̃ maraming banggít at katuturán sa maliliit na bagay. At sa dahiláng nákita, na si Simoun ay nagbubulaybulay dahil sa bagay na kasasabi pá lamang niyá, ay tinanóng na kung anó ang iniisip.

--Dalawáng bagay na mahalagá--ang sagót ni Simoun,--dalawáng katanung̃ang maidaragdág sa inyóng susulatin. Una: ¿anó kayâ ang nangyari sa diablo ng̃ biglâng mákulong sa bató? ¿nakatanan? ¿naiwan doon? ¿napilpíl? At ang pang̃alawá, ay kung yaóng mg̃a háyop na naging bató na nápagkitá ko sa iláng museo sa Europa, ay hindî kayâ nagkagayón ng̃ dahil namán sa iláng santóng nabuhay na una sa panahón ng̃ pag-apaw ng̃ tubig sa sangmundó?

Walâng kaping̃asping̃as na birò ang pagkakasábi ng̃ mag-aalahás at itinukod pa sa noo ang kanyáng hintuturò, tandâ ng̃ malakíng pagmumunìmunì, kayâ’t si P. Camorra ay walâng kaping̃asping̃as ding sumagót na:

--¡Sino ang makapagsasabi, sino ang makapagsasabi!

--At yayamang mg̃a alamát ang napag-uusapan at pumapások tayo sa lawà,--ang tugón ni P. Sibyla--ang kapitán ay dapat makabatíd ng̃ marami....

Nang mg̃a sandalîng yaón ay pumapások sa wawà ang bapór at ang tánawing nasa haráp ay lubhâng mainam. Ang lahát ay nalugód. Sa harapán ay nakalátag ang magandáng lawà, na nalilibid ng̃ baybaying berde at bughaw na bulubundukin, na warìng isáng malakíng salamín na nakúkulong ng̃ palibid na pawàng esmeralda at sápiro, na sa kaniyáng lunas ay nanánalamín ang lang̃it. Sa kanan ay nakalatag ang dalampasigang mababà, na may mg̃a look na may maiinam na anyô, at doon sa malayò, halos napapawì na sa paning̃ín, nároon ang káwit ng̃ bundók Sung̃ay; sa harapán at sa hulíng dákong abót ng̃ paning̃ín ay nakatayô ang Makiling, mataás, nakahahang̃à, napuputúng̃an ng̃ manipís na úlap; at sa kaliwâ ang pulông Talím, ang Súsong-dalaga na taglay ang matatambók niyang gúhit na nagíng sanhî ng̃ kaniyáng pang̃alan. Isáng malamíg na simuy ang nagpapakulót sa malápad na ibabaw ng̃ túbig.

--Maala-ala ko palá, Kapitán--ang sábi ni Ben-Zayb, na kasabáy ang pagling̃ón--¿alám bagá nínyó kung saan dako ng̃ lawà nápatay ang isáng nagng̃ang̃alang Guevara, Navarra ó Ibarra?

Lahát ay nápating̃ín sa Kapitán, tang̃ì lamang si Simoun na ibinaling ang mukhâ sa kabilâng dáko, na warîng may hinahánap sa dalampasigan.

--¡Ay siyá ng̃â!--ani aling Victorina,--¿saan Kapitán? ¿nakaiwan kayâ ng̃ bakás sa tubig?

Kumindát ng̃ makailán ang tinátanóng, bilang katunayan na laban sa kanyáng kalooban ang katanung̃an; ng̃unì’t ng̃ mabatyág ang samò sa mg̃a matá ng̃ lahát, ay lumápit ng̃ iláng hakbáng sa unahán ng̃ bapór at minataan ang baybayin.

--Tuming̃ín kayó roón--ang sabing marahan, matapos na maunawàng walâng ibáng tao:--alinsunod sa Cabo na nang̃ulo sa pag-uusig, ng̃ makita ni Ibarra na siya’y nakúkulóng, ay lumunsád sa bangkâ, sa malapit sa _Kinabutasan_ at sa kásisisid ay linang̃óy ang habàng may dalawáng milla, na hinahábol siya ng̃ punlô kailán ma’t ilálabas ang ulo sa tubig upang huming̃á. Sa dako pa roon ay hindî na siya nákita, at sa malayôlayô pa, sa may pangpáng, ay nakakita ng̃ warì’y kulay dugô. At ng̃ayón ang ikalabíng tatlóng taón ng̃ pangyayari, na walâng kulang at labis na araw.

--¿Kung gayón, ang kaniyáng bangkáy?...--ang tanóng ni Ben-Zayb.

--Ay nakisama sa bangkáy ng̃ kaniyáng amá,--ang sagót ni P. Sibyla;--¿hindî bá isá ring pilibustero, P. Salvi?

--Iyán ang mg̃a murang libíng, P. Camorra, ¿anó?--ang sábi ni Ben-Zaib.

--Lagì ng̃ sinasabisabi ko, na pilibustero ang mg̃a hindî bumabayad ng̃ maring̃al na libíng--ang sagót na tumatawa ng̃ tinukoy.

--Ng̃unì’t ¿anó ang nangyayari sa inyó G. Simoun?--ang tanóng ni Ben-Zayb nang makitang ang mag-aalahás ay nakatigil at nag-iísip--¿Nahihilo bagá kayó, kayóng mapaglakbáy, sa isáng paták na tubig na kagaya nitó?

--Ang masasabi ko sa inyó,--ang sagót ng̃ Kapitán na nagkaroón na ng̃ giliw sa mg̃a pook na iyón;--huwag ninyóng pang̃anlán itó ng̃ paták na túbig: itó’y malakí sa alín man sa mg̃a lawà sa Suisa at malakí pa kahit pagpisanin ang lahát ng̃ lawà sa España; nakákita akó ng̃ matatandâng mangdaragát na nang̃aliyó rito.

IV

SI KABISANG TALES

Ang mg̃a nakabasa ng̃ unang bahagi ng̃ kabuhayang itó, ay maaalaala marahil ang isáng matandâng magkakahóy na naninirahan doon sa kalookan ng̃ isáng gubat.

Si Tandâng Selo ay buháy pá at kahi’t ang kaniyáng buhók ay pumutî na ay mabuti rin ang kaniyáng katawán. Hindî na nanghuhuli sa bitag at hindî na rín nagpuputól ng̃ káhoy; sa dahiláng bumuti na ang kabuhayan ay naggagawâ na lamang ng̃ walís.

Ang kaniyáng anák na si Tales (palayaw ng̃ Telesforo) ay nakisamá muna sa isáng namumuhunan; ng̃unì’t ng̃ malaunan, ng̃ magkaroon ng̃ dalawáng kalabáw at mg̃a iláng daáng piso, ay gumawâ na sa sarili, na katulong ang kaniyáng amá, ang kaniyáng asawa at ang kaniyáng tatlóng anák.

Hinawan ng̃â at lininís ang makapál na gúbat na nasa labasan ng̃ bayan na inakalà niláng walâng may-arì. Nang kaniláng ginágawâ ang lupà at máayos ay linagnát na isá isá siláng mag-aanak at namatáy ang Iná at anák na pang̃anay na si Lucía, na nasa katamtamang gulang. Ang bagay na iyón na sadyáng ibiníbigáy ng̃ pagkakabungkál ng̃ lupà na saganà sa sarisarìng bágay, ay inakalà niláng higantí ng̃ mg̃a lamán-lupàng naninirahan sa gubat, kayâ’t kinalamay nilá ang kaniláng loob at ipinagpatuloy ang gawàin sa pag-asang lumipas na ang pagkamuhî ng̃ espíritu. Nang aanihin na ang unang taním ay inangkín ang mg̃a lupàng iyón ng̃ isáng “Corporación” ng̃ mg̃a prayle na may pag-aarì sa bayang kalapít, na ang ikinakatwiran ay nasa sa loob ng̃ kaniláng mg̃a hanganan, at upáng mapatunayan ang gayón ay itinayô noon dín ang kaniláng mg̃a muhón. Gayón man, ay pinabayàan siyá ng̃ tagapang̃asiwà ng̃ mg̃a parì upang pag-anihan, kailan man at magbabayad siyá sa taón taón ng̃ isáng muntîng halagá, isáng walâng gaano, dalawáng pû ó tatlóng pûng piso.

Si Tales, na mabaít sa dilàng mabaít, ayaw sa usapín na gaya ng̃ ibá at masunurin sa mg̃a praile gaya ng̃ ilán, sa pag-iwas na ibunggô ang isáng palyók sa isáng kawalì, gaya ng̃ sábi niyá, (sa ganáng kanya’y kasangkapang bakal ang mg̃a prayle at siya’y kasankapang pútik), ay umalinsunod sa kahiling̃an, dahil sa naisip niyáng siya’y hindî marunong ng̃ wikàng kastilà at walâng maibabayad sa mg̃a tagapagtanggol. At sakâ sinabi sa kanyá ni tandâng Selo, na:

--Tiisín mo na! malakí pá ang magugugol mo sa pakikipag-usapín ng̃ isáng taón kay sa magbayad ng̃ makásampû ng̃ hinihilíng ng̃ mg̃a parìng putî. ¡Hmh! Marahil ay gantihín ka namán nilá ng̃ misa. Ipagpalagáy mong ang tatlóng pûng pisong iyán ay natalo sa sugal, ó kayâ’y nahulog sa túbig at kinain ng̃ buwaya.

Ang ani ay nagíng masaganà, nábilí sa mabuting halagá, at inisip ni Tales ang magtayô ng̃ isáng bahay na tablá sa nayon ng̃ Sapang, ng̃ bayang Tiani, na kalapít ng̃ San Diego.

Nakaraán ang isá pang taón at dumatíng ang isá pang mabuting ani, at dahil sa paganitó ó pagayóng sanhî ay ginawâ ng̃ mg̃a prayle na limáng pûng piso ang _canon_, na pinagbayaran namán ni Tales upang huwag siláng magkagalít at sa dahiláng umasang maipagbibilí sa mabuting halagá ang asukal.

--¡Tiisin mo na! Ibilang mong lumakí ang buwaya,--ang páyo ni matandâng Selo.

Nang taóng yaón ay naganáp ang kaniláng pang̃arap: manirahan sa bayan, sa kaniláng bahay na tablá sa nayon ng̃ Sapang, at inisip ng̃ amá at ng̃ nunò ang papag-aralin ang dalawáng magkapatíd, lalònglalò na ang babai, si Juliana ó Hulî, gaya ng̃ kaniláng tawag, na magiging magandá sa warì. Isáng batàng lalaki, si Basilio, na kaniláng kaibigan at kagaya rin nilá sa urì ay nag-aaral na noon sa Maynilà.

Ng̃unì’t ang pang̃arap na itó’y warìng ukol sa hindî pangyayari.

Ang unang ginawâ ng̃ bayan, ng̃ mákita ang untîuntîng pagtigháw nilá, ay ang paghahalal na kabisa sa pinakamalakás na gumawâ sa mag-aanak; ang anák na pang̃anay na si Tanò ay may labíng apat na taón pá lamang. Tinawag na ng̃âng kabisang Tales, nang̃ailang̃ang magpagawâ ng̃ _chaqueta_, bumilí ng̃ isáng sambalilong pieltro at humandâ sa paggugugol. Upang huwag makipagkagalít sa Kura at sa Pamahalàan ay pinagpapaluwalan niya ang náaalís sa padrón, ipinagbabayad ang mg̃a umaalís at namamatáy, nag-aaksayá ng̃ maraming panahón sa panining̃íl at pagtung̃o sa _Cabecera_.

--¡Magtiís ka na! Ipagpalagáy mong dumatíng ang mg̃a kamag-ának ng̃ buwaya,--ang sabing nakang̃itî ni tandâng Selo.

--Sa taóng dárating ay magsusuot ka na ng̃ _de cola_ at paparoon ka sa Maynilà, upang mag-aral na gáya ng̃ mg̃a dalaga sa bayan!--ang sabí-sabí ni kabisang Tales sa kaniyáng anák kailan ma’t mádiding̃íg dito ang mg̃a pagkatuto ni Basilio. Ng̃unì’t ang taóng dáratíng na iyon ay hindî sumasapit at sa kanyá’y nápapalít ang pagdaragdág sa buwís ng̃ lupà; natubigan na si kabisang Tales at nagkakamót ng̃ ulo. Ibiníbigáy na ng̃ lutùang putik ang kaniyáng bigás sa _caldero_.

Nang umabot sa dalawáng daang piso ang _canon_ ay hindî na nagkasiyá si kabisang Tales sa pagkamot sa ulo at pagbubuntóng hining̃á: tumutol at bumulóngbulóng. Nang mangyari ang gayón ay sinabi sa kaniyá ng̃ prayleng tagapang̃asiwà, na, kung hindî siyá makababayad ay ibá ang magtataním sa mg̃a lupàng yaón. Maraming may nasà ang nagbabayad.

Inakalà ni kabisang Tales na nagbíbirô ang prayle, ng̃unì’t tinótotoó ng̃ parì ang pagsasalitâ’t itinuturò ang isá sa mg̃a alilà niyá na siyáng kukuha ng̃ lupà. Ang kaawàawàng tao’y namutlâ, ang taing̃a niya’y umugong, isáng mapuláng ulap ang tumakíp sa kaniyáng paning̃ín at doo’y namalas ang kaniyáng asawa’t anák na babaing nang̃amumutlâ, yayát, naghíhing̃alô, dahil sa walâng gisaw na lagnát. At pagkatapos ay namalas ang makapál na gubat na nagíng bukirín, namalas niyá ang agos ng̃ pawis na dumídilíg sa mg̃a lubák, namalas niyá siyá, siyá rín, ang kaawaawàng si Tales, na nag-aararo sa gitnâ ng̃ arawán, na nasusugatan ang mg̃a paa sa mg̃a bató’t tuód, samantalang ang uldóg na iyón ay nagliliwalíw na nakasakáy sa isáng sasakyán at yaóng kukuha ng̃ kaniyáng arì ay súsunódsunód na gaya ng̃ isáng alipin sa kaniyáng pang̃inoon. ¡Ah, hindî! ¡makálilibong hindî! Lumubóg na muna ang mg̃a kaparang̃ang yaón sa káilaliman ng̃ lupà at málibíng na siláng lahát. ¿Sino ang dayuhang iyón upang magkaroon ng̃ karapatáng makapag-arì sa kaniyáng mg̃a lupaín? ¿Nagdalá bagá siya ng̃ pumarito ng̃ isáng dakót man lamang ng̃ alabók na iyón? ¿Nabaluktót bagá ang isá man sa mg̃a dalirì niyá sa pagbunot ng̃ isáng ugát man lamang na nanuód doon?

Bugnót na sa mg̃a pagbabalà ng̃ prayle na nag-aakalàng papagharìin ang kaniyáng mg̃a karapatán sa lahát ng̃ paraan, sa haráp ng̃ ibáng naninirahan doon ay nagmatigás si kabisang Tales, ayaw magbáyad, ni isá mang kualta, at dalá rin sa haráp ang mapuláng ulap, ay sinabing ipagkakaloob lamang niyá ang kaniyáng mg̃a bukirín sa dumilíg muna doón ng̃ dugô ng̃ kaniyáng mg̃a ugát.

Nang makita ni matandâng Selo ang mukhâ ng̃ kaniyáng anák, ay hindî nakapang̃ahás na banggitín ang buwaya, ng̃unì’t tinangkâ niyáng paglubagín sa pagsasabi ng̃ ukol sa mg̃a kasangkapang pútik at ipinaalaala, na sa mg̃a usapín, ang nananalo’y nawáwalán ng̃ barò’t salawál.

--Sa alabók tayo mauuwî, amá, at walâ tayong damít ng̃ sumilang sa malíwang!--ang sagót.

At nagmatigás na sa hindî pagbabayad ni ibigáy ang isáng dangkal man lamang ng̃ kaniyáng lupà, kung hindî ipakikilala muna ng̃ mg̃a prayle ang katibayan ng̃ kaniláng paghahabol sa paraan ng̃ pagpapakita ng̃ kahi’t anóng kasulatan. At sa dahiláng walâng máipakita ang mg̃a prayle ay nagkaroón ng̃ usapín, at tinanggáp ang gayón ni kabisang Tales sa pag-asang kundî man ang lahát ay may iláng lumiling̃ap sa katwiran at gumagalang sa mg̃a kautusán.

--Naglilingkód akó at marami ng̃ taóng akó’y naglilingkód sa harì, sa tulong ng̃ aking salapî at mg̃a pagpapagod,--ang sábi sa mg̃a nagwiwikàng walâ siyáng mararatíng:--hiníhilíng ko sa kaniyá ng̃ayón na ling̃apín ang aking katwiran at liling̃apín niyá akó.

At akay ng̃ isáng kasawíán at parang sa usapín ay nátatayâ ang kaniyáng kabuhayan sa araw ng̃ búkas at ang sa kaniyáng mg̃a anák, ay ginugol ang kaniyáng naiipon sa pagbabayad sa mg̃a abogado, escribano at procurador, na hindî pa kabilang dito ang mg̃a kawaní at mg̃a taga-sulat na sinasamantalá ang kaniyáng kamangmang̃án at kalagayan. Yao’t dito siyá sa pang̃ulong bayan ng̃ lalawigan, nakararaan siyá ng̃ boong maghapon na hindî kumakain at hindî nátutulóg, at ang kaniyáng pakikipagusap ay pawàng tungkol sa mg̃a kasulatan, pagharáp, paghahabol sa lalòng may mataás na kapangyarihan, ibp. Noon nákita ang isáng labanáng hindî pá námamasdán sa silong ng̃ lang̃it ng̃ Pilipinas: ang sa isáng marálitâng indio, mangmáng at walâng mg̃a kaibigan, tiwalà sa kaniyáng katwiran at sa kabutihan ng̃ kaniyáng pinag-uusig, na nakikilaban sa isáng malakás na “corporación” na niyuyukuán ng̃ kapangyarihan at sa haráp niyá’y binibitiwan ng̃ mg̃a hukóm ang kaniláng timbang̃an at isinusukò ang kaniláng tabák. Mapilit sa pakikitunggalî na warìng langgám na kumákagát, gayóng nakikilalang siyá’y matitirís, warìng lang̃aw na tinátanaw ang kalawakang walâng hanggán sa likód ng̃ isáng salamín. ¡Ah! Ang kasangkapang lupà, sa pakikipaglaban sa mg̃a _caldero_, ay may nakahahang̃à ring anyô, sa pagkadurog: tagláy niyá ang kaigting̃án ng̃ pagdumog ng̃ walâng pag-asa. Sa mg̃a araw na hindî siyá naglalakbáy, ay dinadaán niyá sa paglilibót sa kaniyáng bukirín na dalá ang isáng baríl, sinásabisabí niyáng ang mg̃a tulisán ay nangloloob at nang̃ang̃ailang̃áng magtanggol siyá upang huwag mahulog sa kaniláng mg̃a kamáy at matalo ang úsap. At warìng pagsasanay sa pagtudlâ ay binabaríl ang mg̃a ibon at mg̃a bung̃ang káhoy, bumabaríl ng̃ mg̃a paróparó ng̃ walâng kalihíslihís, kayâ’t ang tagapang̃asiwàng uldóg ay hindî na nang̃ahás na tumung̃o sa Sapang kung walâng kasamang mg̃a guardia sibil, at ang palamon ng̃ parì na nakakita sa magandáng tíkas ni kabisang Tales na naglilibót sa kaniyáng bukirín na warì’y isáng bantáy, ay umayáw nang lipús ng̃ tákot na kunin ang pag-aarì.

Datapwâ’y hindî makapang̃ahás na bigyán siyáng katwiran ng̃ mg̃a hukóm pamayapà sa bayan at nang nasa _cabecera_, dahil sa natatakot maalís sa katungkulan, sapagkâ’t nadadalâ na dahil sa isáng kaagad-agad ay inalís. At hindî namán masasamâ ang mg̃a hukóm na iyón, pawàng taong matatalino, matapát, mabubuting mámamayán, maririlag na mg̃a magulang, mabubuting anák... at nakatataya ng̃ kalagayan ni Tales ng̃ mabuti pa kay sa sariling may katawán. Marami sa kanilá ang nakababatíd ng̃ mg̃a sanhî at pangyayari nang pagkakaarì, alám niláng ang mg̃a prayle ay hindî dapat magkaroon ng̃ mg̃a pag-aarìng lupà alinsunod sa kaniláng mg̃a palatuntunan, ng̃unì’t alám dín namán nilá na ang panggagaling sa malayò, ang pagtatawíd dagat sa pagtupád sa katungkulang pinaghirapang lubhâ bago nákamít, mag-usig na makagampáng mabuti at pawalán ang lahát ng̃ iyon dahil lamang sa sinapantahà ng̃ isáng indio na ang katwiran ay gáganapín sa lupà ng̃ gaya sa lang̃it, ¡abá! isá rin namáng kahibang̃án ang gayón! Silá ay mayroon dín namáng mg̃a kaának at marahil ay may malakí pang pang̃ang̃ailang̃an kay sa indiong yaon: ang isá’y may ináng pinadadalhán sa tuwina ng̃ salapî, at ¿mayroon pa bang kabanalbanalang bagay na gaya ng̃ pakanin ang isáng iná?; ang isá ay may mg̃a kapatíd na babaing nápapanahón sa pag-aasawa, ang isá pa’y may mg̃a anák na maliliít na nag-aantáy ng̃ pagkain na warìng mg̃a inakáy sa pugad na marahil ay mang̃amatáy pagdatíng ng̃ araw na maalís sa katungkulan; at ang pinakamuntî ay may asawang nálalayô, lubhâng malayò, na kung hindî tumanggáp ng̃ ukol na salapî ay magigipít...... At ang lahát ng̃ hukóm na iyon, na ang marami sa kanilá’y may mg̃a budhî at may malinis na hilig, ay nag-aakalàng ang lalòng pinakamabuti niláng magagawâ ay ang himukin sa pagkakasundô, sa paraang magbayad si kabisang Tales ng̃ buwís na hinihing̃î. Ng̃unì’t si Tales, gaya ng̃ sinomang may maiklîng paghuhulò, ay patuloy sa layon, kailan ma’t nakakábanaag ng̃ katwiran. Humihing̃î ng̃ mg̃a katunayan, katibayan, kasulatan, _título_, ng̃unì’t walâng máipakita ang mg̃a prayle at walâng pinanghahawakan kundî ang mg̃a nakaraang pag-alinsunód.

Datapwâ’y, ang tutol namán ni kabisang Tales: