Ang "Filibusterismo" (Karugtóng ng Noli Me Tangere)
Part 28
--Oo, nitro-glicerina!--ang dahandahang ulit ni Simoun na tagláy ang kaniyáng malamlám na ng̃itî at malugód na tinitingnán ang praskó;--itó’y higít pa kay sa nitro-glicerina! Itó’y mg̃a luhàng naipon, mg̃a pagtataním na tinimpî, mg̃a kagagawáng walâ sa katwiran, at mg̃a pag-apí! Itó ang dakilàng katwiran ng̃ mahinà, lakás laban sa lakás, bayóng laban sa bayó.... Dî pa nalalaong akó’y nag-aalinlang̃an, ng̃unì’t kayó’y dumatíng at akó’y napapanibulos! Sa gabíng itó’y mang̃agsisiilandáng ang mg̃a lalòng mapang̃anib na maniniíl, ang mg̃a mániniíl na walâng muwáng, ang mg̃a nagkakanlóng sa likód ng̃ Dios at ng̃ Pamahalàan, na ang kaniláng mg̃a pamamasláng ay hindî napaparusahan sapagkâ’t walâng makausig sa kanilá! Sa gabíng itó mádiding̃íg ng̃ Pilipinas ang putók na dudurog sa walâng wastông monumento na pinadalî ko ang pagkabulók!
Si Basilio ay uulíg-ulíg: ang kaniyáng mg̃a labì’y gumágaláw nang walâng mapalabás na tunóg, nararamdamán niyáng hindî maikilos ang kaniyáng dilà, nanúnuyô ang kaniyáng ng̃aláng̃alá. Noon lamang niyá nakita ang marahás na tubig na napagdíding̃íg niyáng sinasabi, na warì’y tinigis sa dilím ng̃ mg̃a mapapangláw na tao, na lantád na kalaban ng̃ kalipunán. Ng̃ayó’y nasa sa haráp niyá, malinaw at naníniláwniláw, na ibinubuhos ng̃ boông pag-iing̃at sa loób ng̃ mapanutong granada. Sa ganáng malas niya, warìng si Simoun ay yaóng _genio_ sa _Sanglibo’t isáng gabí_ na lumalabás sa gitnâ ng̃ dagat: nag-aanyông malakíngmalakî, ang ulo’y abot sa lang̃it, pinasabog ang bahay at niyaníg ang boông siyudad sa isáng galáw ng̃ kaniyáng likód. Ang granada ay nag-aanyông isáng malakíng _esfera_, at ang biták ay isáng kakilakilabot na ng̃isi, na nilálabasán ng̃ apóy at lagabláb. Noon lamang napadalá si Basilio sa katakutan at nawalâng lubós ang kaniyáng kalamigang loób.
Samantala namá’y itinotornilyo ni Simoun ang isáng katang̃ìtang̃ì at pasalisalimuot na kasangkapan, inilagáy ang túbong bubog, ang bomba, at ang lahát ng̃ iyon ay pinutung̃an ng̃ isáng magaràng pantalya. Pagkatapos ay lumayô nang kauntî upang tanawín ang anyô, pinakilingkiling ang ulo sa magkabikabilâng tagiliran upang lalòng mataya ang ayos at kainaman.
At nang makitang tinítitigan siya ni Basilio ng̃ ting̃íng nagtatanóng at nang̃ang̃anib, ay nagsabing:
--Mamayâng gabí’y magkákaroon ng̃ isáng pistá at ang lámparang itó’y ilalagáy sa gitnâ ng̃ isáng kioskong kakainán na sadyâ kong ipinagawâ. Ang lámpara ay magbibigáy ng̃ isáng maningníng na ilaw na sukat na siyang mag-isá upang magpaliwanag sa lahát: ng̃unì’t pagkaraan ng̃ dalawáng pûng minuto ay lalamlám ang ilaw, at sa gayón, kapag tinangkâng itaás ang lambal ay púputók ang isáng kapsulang _fulminato de mercurio_, ang granada ay sasabog at kasabáy niyá ang kakainán na sa bubóng at sahíg ay kinanlung̃án ko ng̃ mg̃a bayóng ng̃ pulbura upang walâng makaligtás na sino man......
Nagkaroón ng̃ sandalîng pananahimik: pinagmámasdán ni Simoun ang kaniyáng _aparato_ at si Basilio ay bahagyâ nang humíhing̃á.
--Kung gayón ay hindî na kailang̃an ang aking tulong,--ang paklí ng̃ binatà.
--Hindî, kayó’y may ibáng katungkulang gáganapín,--ang sagót ni Simoung nagkukuròkurò,--sa iká siyám ay nakaputók na marahil ang mákina at ang tunóg ay náding̃íg na sa mg̃a kanugnóg na bayan, sa mg̃a bundukin, sa mg̃a yung̃íb. Ang kilusáng aking minunakalà na kasabwát ang mg̃a artillero ay hindî nangyari sa kakulang̃án ng̃ pamamahalà at pagsasabáysabáy. Sa ng̃ayó’y hindî na magkakagayón. Pagkáding̃íg ng̃ putók, ang mg̃a mahihirap, ang mg̃a sinísiíl, ang mg̃a naglálagalág na inuusig ng̃ kapangyarihan, ay mang̃agsísilabás na may sandata at makíkisama kay kabisang Tales sa Santamesa upang lusubin ang siyudad; sa isáng dako namán, ang mg̃a militar na pinaniwalà kong ang General ay nagpakanâ ng̃ isáng warì’y panghihimagsík upang huwag umalís, ay lálabás sa kaniláng mg̃a kuartel upang paputukán ang sino mang iturò ko. Samantala namáng ang bayan, sindák, at sa pag-aakalàng dumatíng na ang oras na silá’y pagpúpupugután, ay magbabang̃ong handâ sa pagpapakamatáy, at sa dahiláng walâng sandata at hindî silá ayós, kayó, na kasama ang ilán pa, ay siyáng mang̃ulo sa kaniyá at itung̃o ninyó sa tindahan ni insík Quiroga na pinagtagùan ko ng̃ aking mg̃a baríl. Kamí ni kabisang Tales ay magtátagpô sa siyudad at itó’y aming kukunin, at kayó sa mg̃a arabal ay tátayô kayó sa mg̃a tuláy, magmumuog kayó roon, háhandâng sumaklolo sa amin at patayín ninyó, hindî lamang ang laban sa panghihimagsík, kungdî ang lahát ng̃ lalaking ayaw sumamang manandata!
--¿Ang lahát?--ang bulóng ni Basilio na ang boses ay mahinà.
--¡Ang lahát!--ang ulit ni Simoun na ang boses ay kasindáksindák,--ang lahát, indio, mestiso, insík, kastilà, ang lahát ng̃ mátagpûang walâng tapang at lakás ng̃ loob.... kailang̃ang baguhin ang lipì! Ang mg̃a amáng duwag ay walâng iaanák kundî mg̃a alipin, at walâng kabuluhán ang maggibâ kung magtatayô rin, na, ang gagamitin ay mg̃a bulók na sangkáp! ¿Anó? nang̃ing̃ilabot kayó? ¿Nang̃ing̃iníg, natatakot kayóng magsabog ng̃ kamatayan? ¿Anó ang kamatayan? ¿Anó ang kabuluhán ng̃ pagkamatáy ng̃ dalawáng pûng libong sawî? ¡Dalawángpûng libong paghihirap na mababawas at mg̃a ang̃awang̃aw na dahóp ang máililigtás sapól sa pinanggaling̃an! Ang lalòng matatakutíng namamahalà ay hindî nag-aalinlang̃an sa paglalagdâ ng̃ isáng kautusán, na nagiging sanhî ng̃ pagdadahóp at ng̃ untîuntîng paghihing̃alô ng̃ libo at libong nasasakop, na masasagwâ, masisipag, marahil ay maliligaya, upang masunod lamang ang isáng nasà, ang isáng náiisip, ang pagmamataás: at ¿kayó’y nang̃ing̃ilabot sapagka’t sa iisáng gabí ay matatapos na ang paghihirap ng̃ budhî ng̃ maraming duwag, sapagkâ’t ang isáng bayang hindî kumikilos at náhilig sa masamâ ay mamámatáy upang paraanin ang isáng bago, batà, masipag, punô ng̃ lakás? ¿Anó ang kamatayan? Isáng bagay na walâng kabuluhán ó isáng paghimbíng! ¿Ang kaniyáng mg̃a panagimpán bagá ay maipapantáy sa katunayan ng̃ paghihirap ng̃ lahát ng̃ dustâng anák sa isáng kapanahunan? Kailang̃ang lipulin ang kasamâán, patayín ang dragon upang ipaligò ang kaniyáng dugô sa bayang bago upáng gawin itóng malusog at dî madadaig! ¿Anó pa ang dî mababalìng batás ng̃ kalikasán, batás ng̃ pagtutunggalî na ang mahinà’y sápilitáng madadaíg upang huwag mamalagì ang lipìng masamâ at ang mg̃a lumikhâ ay pumauróng? ¡Iwaksí ng̃â ang mg̃a pagninilay babai! Maganáp ang mg̃a batás na walâng paglipas, tulung̃an natin siyá, at yayamang ang lupà ay lalò pang tumátabâ kapag siyá’y dinídilíg ng̃ dugô, at ang mg̃a trono ay lalòng nagtitibay kapag pinatitibayan ng̃ mg̃a pagkakasala at ng̃ mg̃a bangkáy, ay hindî dapat mag-uróng sulóng, hindî dapat mag-alinlang̃an! ¿Anó ang sakít ng̃ kamatayan? Ang sandalîng pagkakaramdám, marahil ay walâng linaw, marahil ay masaráp gaya ng̃ sandalîng pag-itan ng̃ pag-aantók at nang paghimbíng.... ¿Anó ang mapapawì? Isáng kasamâán, isáng pagtitiís, mg̃a damóng unsiyamî upáng sa kanilá’y ipalít na itaním ang ibáng sariwà! ¿Tatawagin bagá ninyóng pag-utás ang gayón? Sa ganang akin ay tatawagin kong paglíkhâ, pagyarì, pagpapaunlád, pagbibigáy buhay....
Ang gayong mg̃a marurugông paghuhulòhulò na sinabi sa loob ng̃ boông pananalig at kalamigang loob, ay nakapanglupaypáy sa binatà, na ang pag-íisip ay ng̃aláy na dahil sa mahigit na tatlóng buwáng pagkakábilanggô at bulág sa hang̃àd na makapaghigantí, ay hindî na laan sa pagsurì nang tinutung̃o ng̃ mg̃a bagaybagay. Sa lugal na isagot na ang taong lalòng masamâ ó matatakutín ay mahigít magpakailan man sa damó, sapagkâ’t may isáng káluluwa at isáng pag-íisip, na, kahì’t mapakasamâ-samâ at magpakaasal hayop, ay mangyayarìng mapabuti; sa lugal na itugóng ang tao ay walâng karapatáng mamahalà sa buhay ng̃ sino man sa kapakinabang̃án ng̃ kahì’t sino, at na ang karapatán sa buhay ay tagláy ng̃ bawà’t isá, gaya rin namán ng̃ karapatán sa kalayàan at sa kaliwanagan; sa lugal na ipinaklíng kung kapaslang̃án man ng̃ mg̃a pamahalàan ang pagpaparusa sa mg̃a pagkukulang ó kasamaanggawâ, na kaniláng pinag-abuyán dahil sa kakulang̃án sa pag-iing̃at ó kamalìan, gaano pa kayâ ang isáng tao, kahì’t na nápakalákí at nápakasawî, na magpaparusa sa kaawàawàng bayan ng̃ pagkukulang ng̃ kaniyáng mg̃a pamahalàan at mg̃a ninunò; sa lugal na sabihing ang Dios lamang ang tang̃ìng makagágawâ ng̃ mg̃a gayóng paraan, na, ang Dios ay maaarìng lumikhâ, ang Dios ang may hawak ng̃ gantíngpalà, ng̃ walâng katapusán at ng̃ kinabukasan upang mabigyáng katwiran ang kaniyáng mg̃a gawâ, ng̃unì’t ang tao’y hindî, magpakailan man! Sa lugál ng̃ mg̃a pang̃ang̃atwirang itó, ay walâng inilaban si Basilio kundî isáng karaniwang puná:
--¡Anó ang sasabihin ng̃ boong mundó sa haráp ng̃ gayong pagpapapatáy!
--Gaya ng̃ karaniwan, ang mundó’y papagakpák, at bibigyáng katuwiran ang lalòng malakás, ang lalòng mabang̃ís!--ang pang̃itîng sagót ni Simoun.--Ang Europa ay pumagakpák nang ang mg̃a bansâ sa kanluran ay pumatáy ng̃ ang̃aw ang̃aw na indio sa Amérika, at hindî pa upang makapagtatag ng̃ mg̃a bansâng lalòng may mabubuting hilig ni lalòng matahimik; nariyan ang Hilagà, na may tagláy na kalayàang sinasarili, may batás ni Lynch, may mg̃a dayà sa polítika; naiyan ang Timog na may mg̃a walâng katahimikang repúblika, may mg̃a himagsikan ng̃ magkababayan, mg̃a pagbabang̃on, gaya ng̃ nangyari sa kaniyáng ináng España! Ang Europa ay pumagakpák ng̃ hubarán ng̃ Portugal ang mg̃a pulông Molukas, pumagakpák ng̃ pugnawín ng̃ makapangyarihang Inglaterra ang mg̃a lipìng likás sa Pasípiko upang ilagáy ang sa kaniyang mg̃a taong naglilipat bayan. Ang Europa ay papagakpák nang gaya ng̃ pagakpák sa pagtatapós ng̃ isáng _drama_, sa pagkatapós ng̃ isáng _tragedia_: hindî lubhâng pinapansín ng̃ madlâ ang pinakalayon, ang tinitignán lamang ay ang ipinamamalas na mainam sa matá! Gawíng maayos ang kabuktután at hahang̃âan at magkakaroon pa nang higít na kampí kay sa mg̃a gawâng kabutihan, na ginanáp sa paraang mabanayad at kimî.
--Siya ng̃â,--ang paklí ng̃ binatà,--¿at sakâ anóng mayroon sa akin ang pumagakpák man ó pumulà, kung ang mundóng iyan ay hindî nababalino ng̃ dahil sa mg̃a sinisiil, sa mg̃a maralitâ’t sa mg̃a babai? ¿Anóng ipagpipitagan kó sa kalipunan sa siyá’y hindî nagtatagláy ng̃ gayón sa akin?
--Ganiyán ang ibig ko,--ang sabing matagumpáy ng̃ nag-uudyók.
At kumuha ng̃ isáng rebolber sa isáng kahón, at iniabót sa kaniyang ang sabi’y:
--Sa ika sampû ay antabayanan ninyó akó sa tapát ng̃ simbahan ng̃ S. Sebastián upang tanggapín ang aking mg̃a hulíng bilin na dapat gawín. ¡Ah! Sa ika siyam ay nárarapat kayóng málayô, lubhâng malayò, sa daáng Anloague!
Siniyasat ni Basilio ang armás, linagyán ng̃ punglô at itinagò sa kaniyáng bulsáng pangloob ng̃ amerikana. Nagpaalam sa pamagitan ng̃ isáng putól na:--¡Hanggáng mámayâ!
XXXIV
ANG KASÁL
Nang nasa sa daán na si Basilio ay iniisip kung anó ang kaniyang mágagawâ hanggáng sa sumapit ang kalagím lagím na sandalî; mag-iika pitó pa lamang. Panahón niyon nang pamamahing̃á sa pag-aaral at ang mg̃a nag-aaral ay nasa sa kaníkaniláng bayan. Si Isagani ang tang̃ìng hindî umuuwî, ng̃unì’t nawalâ mulâ ng̃ umagang iyon at hindî maalaman kung saan nároroon. Itó ang sinabi kay Basilio, ng̃ makapanggaling sa bilanggûan at dinalaw ang kaniyang kaibigan upang makituloy. Hindî maalaman ni Basilio kung saan siya páparoon, walâ siyang kualta, walâ siyang anoman, liban na lamang sa rebolber. Ang pagkaalaala sa lámpara ang siyáng gumiít sa kaniyáng pag-iisip: sa loób ng̃ dalawáng oras mangyayari ang malakíng sakunâ at, kung maalaala ang gayón, sa warì niya’y pawàng walâng ulo ang mg̃a lalaking nagdadaán sa kaniyáng harapán: nagdamdám siya ng̃ isáng mabang̃ís na katuwàan sa pagsasabi sa sarili, na kahì’t gayóng dayukdók sa gabíng iyon ay magiging siyang kakilakilabot, na kahì’t galing sa pagka nag-aaral at alilà marahil ay makita siya ng̃ araw na kasindáksindák at kalagímlagím, na nakatayô sa ibabaw ng̃ buntón ng̃ mg̃a bangkáy, naglalagdâ ng̃ mg̃a kautusán doon sa mg̃a nagdadaang nakalulan sa kaniláng maiinam na sasakyán. Humalakhák na warì’y isáng napakasamâ, at kinapâ ang puluhán ng̃ rebolber: ang mg̃a kaha ng̃ punglô ay nasa sa kaniyáng mg̃a bulsá.
Bumukó sa kaniyang loob ang isáng katanung̃an ¿saan magsisimulâ ang patayan? Sa kaniyáng kalituhán ay hindî niya naisip ang itanóng kay Simoun, ng̃unì’t sinabi sa kaniyá ni Simoun na lumayô sa daang Anloague.
Nang magkagayó’y nagkaroon siya ng̃ isáng hinalà; nang kinahapunang iyon, ng̃ siya’y lumabás sa bilanggûan, ay tumung̃o siya sa dating bahay ni kapitáng Tiago, upang hanapin ang kaniyáng kauntìng kasangkapan, at nátagpûan niyáng ibá ang anyô at laan sa isáng pistá; yaon ang kasál ni Juanito Pelaez!
May sinabing isáng pistá si Simoun.
Nákitang nagdaan sa harapán niya ang isáng mahabàng hanay ng̃ mg̃a sasakyán na punô ng̃ babai’t lalaking kaginoohan na nang̃agsasalitâan; warìng nakakita siya sa loób ng̃ malalakíng kumpol ng̃ bulaklák, ng̃unì’t hindî niya pinuná ang bagay na iyon. Ang mg̃a karuahe ay patung̃o sa daang Rosario, at sa dahiláng násagupà sa mg̃a nanggagaling namán sa tuláy ng̃ España, ay nang̃áhihintông madalás at dahandahan ang lakad. Sa isáng sasakyán ay nakita si Juanito Pelaez sa piling ng̃ isáng babai na putî ang bihis at may talukbong na madalang; nákilala niyang iyon ay si Paulita Gomez.
--¡Si Paulita!--ang bulalás na pamanghâ.
At nang makitang tunay ng̃âng siyá, gayák ikinasal, na kasama si Juanito Pelaez, na warìng nang̃agsipanggaling sa simbahan.
--¡Kaawàawàng Isagani!--ang bulóng--¿anó kayâ ang nangyari sa kaniyá?
Inalalang iláng sumandalî ang kaniyáng kaibigan, káluluwáng dakilà, mahabagin, at itinanóng sa sarili niya kung hindî kayâ mabuting balítàan ng̃ balak, ng̃unì’t sinagót din niya ang sarili, na si Isagani ay hindî makíkialám magpakailan man sa gayóng patayan.... Hindî inasal kay Isagani ang ginawâ sa kaniyá.
Pagkatapos ay naisip na kung hindî sa pagkakabilanggô, sa mg̃a oras na iyon, siya’y ikinákasal ó may asawa na, _licenciado_ sa Medicina, namumuhay at nanggagamót sa isáng sulok ng̃ kaniyáng lalawigan. Ang larawan ni Hulî, na lurayluráy dahil sa pagkakalagpák, ay nagdaán sa kaniyáng pag-iisip; mg̃a maitím na lagabláb ng̃ pagtataním ang nag-apóy sa kaniyáng balintatáw, at mulîng hinimas ang puluhán ng̃ rebolber na dináramdám ang hindî pa pagsapit ng̃ kakilakilabot na sandalî. Sa gayó’y nákita si Simoun na lumabás sa pintô ng̃ kaniyáng bahay na tagláy ang sisidlán ng̃ lámpara, na nababalot nang boông ing̃at, lumulan sa isáng sasakyáng nakisunód sa hanay ng̃ mg̃a umaabay sa mg̃a bagong kasál. Upang huwag maligtâan ni Basilio si Simoun ay kinilala ang kotsero, at namanghâ siya ng̃ mákilala na iyón ay ang kaawàawàng naghatíd sa kaniyá sa S. Diego, si Sinong, ang binugbóg ng̃ Guardia Civil, iyón ding nagbabalità sa kaniyá sa bilanggûan ng̃ lahát ng̃ nangyayari sa Tiani. Sa pagkukuròkurò niya na ang daang Anloague ay siyang pangyayarihan, ay doon tumung̃o ang binatà, na nagmadalî’t nagpáuna sa mg̃a karuahe. Tunay ng̃â, ang lahát ay tung̃o sa dating bahay ni kapitang Tiago: doon nagkakatipong ang hanap ay isáng sáyawan upang magsiikot sa hang̃in! Nátawá si Basilio nang makita ang mg̃a Guardia Veterana na nang̃ag-aayos doon. Dahil sa kaniláng dami ay mahúhulàan ang kahalagahan ng̃ pistá at ng̃ mg̃a panaohin. Siksikan ang tao sa bahay, ang liwanag ay tumatapon sa kaniyáng mg̃a durung̃awán; ang silong ay nakakalatan ng̃ alpombra at punô ng̃ bulaklák; sa itaás, marahil ay sa kaniyáng ulila at dating silíd, tumútugtóg ang orkesta ng̃ masasayáng tugtugin, na hindî namán nakatatakíp na lubós sa magusót na aling̃awng̃áw ng̃ tawanan, salitàan at halakhakan.
Si D. Timoteo Pelaez ay umaabot sa tugatog ng̃ kapalaran, ng̃unì’t ang mg̃a nákikitang iyón ay higít sa kaniyáng mg̃a pinang̃arap. Naipakasál din ang kaniyáng anák sa isáng binibining magmamana sa mg̃a Gómez, at salamat sa salapîng ipinautang sa kaniyá ni Simoun, ay nábilí niya ang bahay na iyon sa kalahatì ng̃ halagá, doon niya ginawâ ang pistá, at ang mg̃a pinakamalalakíng diosdiosan ng̃ Olimpo sa Maynilâ ay kaniyáng magiging panaohin, upang sapuhín siya sa kináng ng̃ kaniláng mg̃a karang̃alan. Sapol sa umaga ay masidhîng pumapasok sa kaniyáng kalooban, na warì’y isáng karaniwang awit, ang isáng malabòng sambít na nábasa sa kaniyáng mg̃a pakikinabang: “¡Sumapit na ang oras na mapalad! Lumapít na ang sandalîng maligaya! Matutupad nang madalî sa iyó ang mg̃a kahang̃àhang̃àng salitâ ni Simoun: Buháy akó, ng̃unì’t hindî akó kundî ang Capitán General ang nabubuhay sa akin, at ibp.” Ang Capitán General ay ináama ng̃ kaniyáng anák! Tunay ng̃â’t hindî kaharáp sa kasál, kinatawán siya ni D. Custodio, ng̃unì’t páparoong hahapon, at magdadalá ng̃ isáng handóg sa ikinasál, isáng lámpara na kahì’t ang kay Aladín ay hindî makapapantáy....--sa lihim--si Simoun ang nagbigáy ng̃ lámpara. Timoteo ¿anó pa ang ibig mo?
Ang pagkakabago ng̃ bahay ni kapitáng Tiago ay lubhâng malakí; diniktán ng̃ mg̃a bagong papel na maiinam; ang usok at amóy ng̃ apian ay nawalâ. Ang malakíng salas na lalòng pinaluluwang ng̃ malalakíng salamín na nakapagpaparami pa sa mg̃a ilaw ng̃ mg̃a _araña_, ay nalalatagan ng̃ alpombra: may alpombra ang mg̃a salón sa Europa, at kahì’t ang daling ay makintáb na makintáb at malalapad ang tablá, ay dapat ding magkaroon ng̃ alpombra ang kaniyang salas, sapagkâ’t ¡hindî mangyayaring hindî magkágayon! Ang maiinam na _sillería_ ni kapitang Tiago ay nawalâ, siya’y napalitán ng̃ ayos Luis XV, malalakíng tabing na tersiopelong pulá na may burdáng gintô, may letra ng̃ pang̃alan ng̃ mg̃a ikinasál, at napipiglán ng̃ tinuhog na bulaklák ng̃ suhàng huwad, ang nang̃akasabit sa mg̃a _portiers_ at nagwawasiwas sa sahíg ng̃ kaniláng malapad na laylayang gintô rin. Sa mg̃a sulok ay may malalakíng pasông yarì sa Japón na násasalít sa mg̃a gawâ sa Sevres, na kulay bugháw na malinis, na nang̃alalagáy sa mg̃a pedestal na kahoy na may lílok. Ang tang̃ìng walâ sa ayos ay ang mg̃a matitingkád na _cromo_ na ipinalít ni D. Timoteo sa mg̃a dating _grabado_ at mg̃a larawan ng̃ santó ni kapitang Tiago. Hindî siya nahikayat ni Simoun; ayaw ng̃ mg̃a _cuadrong óleo_ ang mang̃ang̃alakal, bakâ may maghinalàng gawâ ng̃ mg̃a artistang pilipino.... ¡siya ay magbigáy buhay sa mg̃a artistang pilipino, iyan ang hindî mangyayari kailan man! sa gayó’y mahahalò ang kaniyáng katiwasayán at marahil ay sampû ng̃ buhay, at alám niya kung papano ang pamamangkâ sa Pilipinas! Tunay ng̃â’t nakáding̃íg siya ng̃ pag-uusap na ukol sa mg̃a artistang taga ibáng lupà na gaya nina Rafael, Murillo, Velázquez, ng̃unì’t hindî niya maísip kung papano ang gágawíng pakikipagalám sa mg̃a taong yaón, at sakâ ang isá pa’y bakâ mang̃agsilabás na may laban sa pamahalàan..... Sa cromo ay walâ siyang ináalaalang anomán, hindî gawâng pilipino, mura pa, gayon din ang anyô, kundî lalong mabuti, ang mg̃a kulay ay lalòng makikináng at mabuti ang pagkakayarì! Alám ni D. Timoteo kung papano ang dapat ugalìin sa Pilipinas!
Ang malakíng _caida_, na nahiyasán ng̃ mg̃a bulaklák, ay siyang nagíng kakainán, isáng malakíng dulang na sukat sa tatlóng pû katao ang nasa gitnâ, at sa mg̃a paligid, nátatabí sa mg̃a pader, ay may iláng maliliít na sukat sa dalawá ó tatló katao. Mg̃a kumpól na bulaklák, mg̃a buntón ng̃ bung̃ang kahoy na kahalò ng̃ mg̃a sintás at ilaw ang siyáng namumunô sa gitnâ ng̃ mg̃a dulang. Ang pinggán ng̃ ikinasál na lalaki ay may tandâng isáng kumpol na alehandría, ang sa babai ay isá namáng kumpol na bulaklák ng̃ suhà at asusena. Sa haráp nang gayóng karing̃alan at karaming bulaklák ay papasok sa guníguní ng̃ kahì’t sino, na mg̃a _ninfa_ na madalang ang damít at mg̃a kupidong malilíit, na ang pakpák ay makulay, ang siyáng magdudulot ng̃ mg̃a alak at pagkain ng̃ mg̃a dioses sa mg̃a panaohing taga alapaap, na sinasaliwán ng̃ mg̃a kudyapî at alpá ng̃ mg̃a taga Eolia.
Gayón man, ang dulang na ukol sa malalakíng dioses, ay walâ roón, nálalagáy sa gitnâ ng̃ malapad na asotea, sa isáng magandáng kiosko, na sadyâng niyarìng ukol doon. Isáng persianang kahoy na ginintûan, na kinákapitan ng̃ mg̃a punòng gumágapang, ang nagkakanlóng ng̃ pinakaloób sa malas ng̃ madlâ, ng̃unì’t hindî nakapipigil sa paglalabás pumasok ng̃ hang̃in, upang mapalagì ang masaráp na simoy na kailang̃an. Isáng mataás na tuntung̃an ang pinagpatung̃an ng̃ mesa upang tumaás kay sa ibáng dulang na kakanan ng̃ mg̃a tao lamang, at isáng bubóng, na pinalamutihan ng̃ lalòng mabubuting artista, ang magsasanggaláng sa mg̃a tuktók harì sa mg̃a may inggit na tanáw ng̃ mg̃a bitûin.
Doó’y walâ kun dî pípitóng _cubiertos_; ang mg̃a kagamitán ay pawàng pilak, ang mg̃a mantel at serbilyeta ay manipís na lino, ang mg̃a alak ay yaóng lalòng pinakamahál at masaráp. Hinanap ni D. Timoteo ang lalòng bibihirà at mahalagá at hindî siyá marahil nag-alinlang̃ang gumawâ ng̃ isáng kabuktután kung násabi sa kaniyáng ang General ay maibigíng kumain ng̃ lamán ng̃ tao.
XXXV
ANG PISTÁ
“Danzar sobre un volcán.”
Nang iká pitó ng̃ gabí’y nagdatíngdating̃an na ang mg̃a inangyayahan: una, ang mg̃a mumuntîng diosdiosan, mg̃a kawaníng may mababàng katungkulan, mg̃a pang̃ulo sa kagawarán, mg̃a máng̃ang̃alakal, at ibp., na tagláy ang mg̃a pagbatìng lubós na magalang at ang mg̃a kilos na tuwíd na tuwíd, sa mg̃a unang sandalî, na warìng noón lamang natutuhan: ang gayóng karaming ilaw, tabing at mg̃a kristal ay nakapagpapang̃aníng̃aní ng̃ kauntî. Pagkatapos ay nawawalâ na ang gayóng ayos at palihím na nagtutumbukan, tampalan sa tiyán at ang ilán ay umabót sa pagkukutusan. Tunay ng̃âng ang ilán ay umaayos ng̃ anyông pagwawalâng bahalà upang ipakilala na silá’y dagí sa mg̃a bagay na higít pa sa roón, ¡at sadyâ ng̃âng gayón! May diosa na naghikáb dahil sa ang lahát nang iyón, sa palagáy niya, ay tiwalî at sinabing may _gazuza_; isá pa’y nagalit sa kaniyang dios, ikinumpáy ang kamáy upang tampalín. Si D. Timoteo ay payukôyukô sa lahát ng̃ pook; nagtatapon ng̃ isáng ng̃itî, igagaláw ang baywáng, uurong, bibigáy ng̃ kalahatìng ikit, boong ikit, ibp., kayâ’t ang isá pang diosa ay nakapagsabi tulóy sa kaniyáng kalapít, sa tulong ng̃ pagkákanlóng sa pamaypáy, na:
--_¡Chica, que filadelfio está el tío! Mía que paese un fantoche._
Pagkatapos ay dumatíng ang mg̃a bagong kasál, na kaakbáy si aling Victorina at ang lahát ng̃ kaang̃ay. Mg̃a maligayang batì, kámayan, mg̃a tapík na warìng pag-aampón sa lalaking bagong kasál, mg̃a ting̃íng patitíg, malansá, masurì ng̃ mg̃a lalaki sa binibining bagong kasál; sa dako ng̃ mg̃a babai ay pagsisiyasat ng̃ kagayakan, ng̃ hiyás, pag taya ng̃ lakás, ng̃ buti ng̃ katawán, ibp.
--¡Si Psiquis at si Cupido na dumatíng sa Olimpo!--ang binuko sa sarili ni Ben-Zayb at itinalâ niyang mabuti sa pag-iisip ang pag-aanyô upang bitiwan sa lalòng katampatang sandalî.
Ang lalaking bagong kasál ng̃â’y may tagláy ng̃ mukhâng palabirô ng̃ dios ng̃ pag-ibig, at kung ipagpapaumanhin ng̃ kauntî ay mapagkákamalang lalagyán ng̃ panà ang kaniyang kakubàang napakaumbók, na hindî maikanlong sa suot niyang _frac_.
Si D. Timoteo ay nagdáramdam na ng̃ pananakít ng̃ baywang, ang mg̃a kalyo ng̃ kaniyáng paa ay untîuntîng nananakít, ang kaniyang liig ay nang̃ang̃awit at ¡walâ pa ang Capitán General! Ang mg̃a malalakíng dioses, na sa kanilá’y kabilang si P. Irene at si P. Salvi, ay nang̃agsidatíng na ng̃â ng̃unì’t walâ pa ang malakíng kulóg. Hindî siya mápalagáy, nang̃ang̃anib, ang kaniyang pusò’y tumítibók nang malakás, sinusumpóng siya ng̃ isáng kailang̃an, ng̃unì’t dapat munang unahin ang pagbatì, pagng̃itî, at pagkatapos ay paparoon, ng̃unì’t hindî mangyari, uupô’t titindíg, hindî nádiding̃íg ang sa kaniyá’y sinasabi, hindî masabi ang ibig sabihin. At samantala’y isáng malulugdíng dios ang nagsabi sa kaniyá ng̃ iláng punáng ukol sa mg̃a cromo, ná tinútuligsâ’t sinasabing nakadudung̃is sa mg̃a dingdíng.
--¡Nakadudung̃is sa mg̃a dingdíng!--ang ulit ni D. Timoteo na nakang̃itî ng̃unì’t ng̃alíng̃alíng labnutín ang nagsasalitâ:--datapuwâ’y yarì iyan sa Europa at siyang mg̃a pinakamahál na nátagpûan ko sa Maynilà! ¡Nakadudung̃is sa mg̃a dingdíng!