# Ang "Filibusterismo" (Karugtóng ng Noli Me Tangere)

## Part 27

Book page: https://www.cyberlibrary.org/tl/books/ang-filibusterismo-karugtong-ng-noli-me-tangere-47629/index.md

--Hindî ng̃â!--ang paklí ng̃ mataas na kawaní na tumuwíd ng̃ may halòng pagkamataas.--Hindî ninyó akó pinipilit, hindî ninyó _akó_ mapipilit na makihatî sa _inyóng_ kapanagutan! Ibá ang pagkakilala ko sa aking sariling kapanagutan, at sapagkâ’t akó’y mayroon din namán, ay magsasalitâ akó, yamang hindî akó umimík ng̃ mahabàng panahón. ¡Oh huwag iayos ng̃ inyóng karang̃alan ang mg̃a ganiyáng anyô, sapagkâ’t ang pagkáparitó ko, na gayón ó ganitó ang katungkulan, ay hindî ang pagtakwíl ko na sa aking mg̃a karapatán ang ibig sabihin at manirá na lamang akó sa pagiging alipin, na walâng bibíg ni karang̃alan! Hindî ko ibig na mawalay sa España ang magandáng lupàíng itó, iyang walóng ang̃aw na sakop na masunurin at mapagtiís na nabubuhay sa mg̃a pag-asa at pagkakilala ng̃ mg̃a pagkakámalî, ng̃unì’t hindî ko rin namán ibig na dung̃isan ang aking mg̃a kamáy sa ganid na pang̃ang̃alakal sa kaniyá; ayokong masabi kailan man, na matapos lumipas ang pagbibili ng̃ tao, ay ipinatuloy ng̃ lalò pang malusog ng̃ España, na kinákanlung̃án ng̃ kaniyáng bandilà, at lalò pang iniayos sa ilalim ng̃ maraming magagarang kapasiyahan. Hindî, upang ang España ay magíng malakí ay hindî niya kailang̃an ang magíng maniniíl; sukat na ang España sa kaniyáng sarili, lalò pang malakí ang España noong walâng arì kundî ang sarili niyáng lupaín na naagaw sa kukó ng̃ moro! Akó ma’y kastilà rin, ng̃unì’t bago ang aking pagkakastilà ay naroroon ang aking pagkatao at bago ang España at sa ibabaw ng̃ España ay nároroon ang kaniyáng karang̃alan, nároroon ang matataás na turò ng̃ magandáng aral, ang mg̃a walâng lipas na batayán ng̃ dî mababalìng katwiran. ¡Ah! namamanghâ kayó na akó’y mag-isip ng̃ gayón, sapagkâ’t hindî ninyó nauunawà ang kalakhán ng̃ pang̃alang kastilà, hindî ninyó kilalá, hindî; ikinakapit ninyó sa mg̃a tao, sa mg̃a pag-aarì; sa ganang inyó, ang kastilà, ay mangyayaring magíng mangdadambóng, mangyayaring magíng mamamatáy, mapagbalatkayô, bulàan, lahát na, matang̃anan lamang ang kaniyáng inaarì; sa ganang akin, ang kastilà, ay dapat na iwan ang lahát, ang sakop, ang kapangyarihan, ang kayamanan, ang lahát na, lahát bago ang karang̃alan! A, aking ginoo! Tayo’y tumututol kung nababasa nating ang lakás ay nápapaibabaw sa katwiran, at pinapupurihan natin kung sa pag-gawâ ay nákikita nating siya’y balatkayô na hindî lamang inilílikô kundî ipinaiilalim sa inyóng kapasiyahan upang kayó’y makapangyari.... Sa dahilán ng̃âng iniibig ko ang España, ay nagsásalitâ ako dito at hindî ko pinang̃ang̃aniban ang pang̃ung̃unót ng̃ inyóng noo! Ayokong sa mg̃a daratíng na panahón ay masabing siya’y inainahan ng̃ mg̃a bansâ, manghihitít ng̃ mg̃a bayan, maniniíl ng̃ maliliít na pulô, sapagkâ’t ang gayó’y kakilakilabot na laít sa mg̃a mararang̃al na adhikâ ng̃ ating mg̃a unang harì! ¿Papano ang ginágawâ nating pagtupád sa kaniláng mg̃a banál na habilin? Pinang̃akùan nilá ang mg̃a pulông itó ng̃ pag-aampón at matuwíd, at pinaglalarùan natin ang mg̃a buhay at kalayàan ng̃ kaniyáng mámamayán; pinang̃akùan nilá ng̃ kabihasnán, at pinagkákaitán natin, sa katakutang magnasà ng̃ isáng lalòng marang̃al na kabuhayan; pinang̃akùan silá ng̃ liwanag, at binúbulag natin ang kaniláng mg̃a matá upang huwag mákita ang ating mg̃a kalaswâan; pinang̃akùang tuturùan silá ng̃ mg̃a kabaitan at pinaaayùan natin ang kaniláng masasamâng hilig at, sa lugál ng̃ kapayapàan at ng̃ katuwiran, ang naghaharì ay ang pag-aalinlang̃an, ang kalakal ay namamatáy at ang dî pananalig ay lumalaganap sa taong bayan. Lumagáy tayo sa lagay ng̃ mg̃a pilipino at itanóng natin sa sarili kung anó ang ating gágawín kung tayo ang nasa gayóng kalagayan! ¡Ay! sa inyóng hindî pag-imík ay nábabasa ko ang inyóng karapatán sa panghihimagsík, at kung ang mg̃a bagaybagay ay hindî bubuti ay mang̃aghihimagsik balang araw at ang katuwiran ay málalagáy sa kaniláng panig at kasama pa ang pagling̃ap ng̃ lahát ng̃ taong may puri, ng̃ lahát ng̃ bayani sa sangsinukob! Kapag ipinagkákait sa isáng bayan ang liwanag, ang tahanan, ang kalayàan, ang katwiran, mg̃a biyayang kung walâ ay hindî maaring mabuhay at dahil ng̃â doo’y silá ang taglayin ng̃ tao, ang bayang iyan ay may karapatáng arìin, ang sa kaniya’y nag-aalís ng̃ mg̃a gayón, na warìng isáng magnanakaw na humaharang sa atin sa daan: walâng kabuluhán ang pagtatang̃ì, walâ kundî iisáng pangyayari, isàng pag-aarì, isáng pagtatangkâ, at ang sino mang taong may kapurihán na hindî kumampí sa hinalay, ay nakikitulong at dinudung̃isan ang sariling budhî. Oo, hindî akó militar, at pinápatáy ng̃ kagulang̃an ang kauntìng sulák ng̃ aking dugô; ng̃unì’t gaya rin namán ng̃ pangyayari na ipagúgutáy ko ang aking katawán sa pagtatanggól sa katibayan ng̃ España na laban sa isáng mananalakay na taga ibáng lupà ó laban sa mg̃a walâng katwirang paggaláw ng̃ kaniyáng mg̃a lalawigan, gayon din namáng pinatutunayan ko sa inyó na makikipiling akó sa mg̃a pilipinong sinísiíl, sapagkâ’t nasà ko pa ang mamatáy nang dahil sa mg̃a niyuyurakang karapatán, ng̃ sangkatauhan, kay sa magtagumpáy sa piling ng̃ mg̃a hang̃arìng ikagagalíng ng̃ isáng bansâ, kahì’t na ang bansâng itó’y may pang̃alang kagaya ng̃ pang̃alan ng̃ España!

--¿Alám bagá ninyó kung kaílan áalís ang _correo_?--ang malamíg na tanóng ng̃ General ng̃ matapos nang makapagsalitâ ang mataas na kawaní.

Tinitigan siyang mabuti ng̃ mataas na kawaní, pagkatapos ay ibinabâ ang ulo at iniwang walâng imík ang palasyo.

Sa halamanan nátagpûan ang kaniyáng sasakyáng nag-aantáy sa kaniyá.

--Kapag balang araw ay nakapagsarilí na kayó,--ang sabing natutubigan sa indiong _lacayo_ na nagbukás ng̃ pintùan ng̃ sasakyán,--ay alalahanin ninyó na sa España ay hindî nagkulang ng̃ mg̃a pusòng tumibók ng̃ dahil sa inyó at nakitunggalî ng̃ dahil sa inyóng mg̃a karapatán!

--¿Saan pô?--ang sagót ng̃ _lacayo_ na hindî siya napakinggáng mabuti at itinátanóng kung saan silá paparoon.

Makaraan ang dalawáng oras, ay iniharáp ng̃ mataas na kawaní ang kaniyáng pagbibitíw sa katungkulan at ipinababatíd ang kaniyáng pagbalík sa España sa unang korreong áalís.

XXXII

MG̃A IBINUNG̃A NG̃ MG̃A PASKÍN

Dahil sa mg̃a pangyayaring isinaysáy, maraming iná ang tumawag sa kaniláng mg̃a anák na lalaki upang iwan kaagád agád ang pag-aaral at atupagin na lamang ang pagbubulagbul ó ang pagtataním.

Nang dumatíng ang mg̃a paglilitis, ay marami ang mg̃a hindî nakaraan at bihirà ang nang̃akalampás sa taón ng̃ kaniláng pag-aaral sa mg̃a nagíng kasapì sa nabantóg na kapisanan na hindî na mulì pang nabangít ng̃ kahì’t sino. Si Pecson, si Tadeo at si Juanito Pelaez ay pawà ring nang̃apigil; tinanggáp ng̃ una ang mg̃a kalabasa na tagláy ang kaniyáng tawang hang̃al at nang̃akòng papasok na opisial sa alin mang hukuman; si Tadeo, na natagpûán din ang walâng katapusáng _cuacha_, ay nagdaos ng̃ isáng pag-iilaw na ang ginagawâ’y sinigán ang kaniyáng mg̃a aklát; ang ibá’y hindî rin nang̃akaligtás na mabuti, kayâ’t nang̃apilitang iwan ang kaniláng mg̃a pag-aaral, sa gitnâ ng̃ kasiyahang loób ng̃ mg̃a iná, na kailan pa ma’y nang̃akakiníkinitáng ang kaniláng mg̃a anák ay bitáy pag nang̃akaalam ng̃ sinasabi ng̃ mg̃a aklát. Si Juanito Pelaez lamang ang tang̃ìng hindî nasiyahang loób sa bayóng iyon ng̃ kapalaran, na iniwan na ang paaralan dahil sa tindahan ng̃ kaniyáng amá, na mulâ noo’y isinamá na siya sa kalakal: ang tindahan ay hindî nagiliwan ng̃ alisagâ, ng̃unì’t nang makaraan ang kauntîng panahón ay nákita siyáng mulî ng̃ kaniyáng mg̃a kaibigan na bilóg ang kakubàan, bagay na nagpapakilalang bumábalík ang kaniyáng masayáng ugalì. Sa haráp ng̃ gayóng pagkadiwarà, ang mayamang si Makaraig ay naging̃at na mabuti upang huwag siyáng mapang̃anib at nang makakuha ng̃ _pasaporte_ sa tulong ng̃ lakás ng̃ salapî ay matuling sumakáy na tung̃o sa Europa: nábalitàng ang marilág na Capitán General, sa kaniyáng hang̃ád na gumawâ ng̃ kabutihan nang alang-alang sa kabutihan at sa pagiing̃at sa ikaluluwag ng̃ mg̃a pilipino, ay binigyáng salabíd ang pag-alís ng̃ sinománg hindî makapagpakilalang tunay na tunay na mangyayaring makapaggugol at makapamumuhay ng̃ maluwag sa mg̃a siyudad sa Europa. Sa ating mg̃a kilala, ang mg̃a nakalusót na mabutibutí ng̃ kauntî ay si Isagani at si Sandoval: ang una ay nakalampás sa _asignatura_ na pinag-aaralan sa ilalim ng̃ pagtuturò ni P. Fernández at napigil sa ibá, at ang pang̃alawá’y nagawâng mahilo ang mg̃a lumilitis sa tulong ng̃ mg̃a talumpatì. Si Basilio ang tang̃ìng hindî nakalampás sa mg̃a asignatura, ni hindî napigil, ni hindî nakapatung̃o sa Europa: nagpatuloy siyá sa pagkakakulóng sa Bilibid, na sa bawà’t ikatlóng araw ay isinásailalim siya ng̃ isáng pagtatanóng, yaón ding kagaya nang sa simulâ’t simulâ pa, na walâng ibáng kabaguhan kungdî ang pagpapalít ng̃ mg̃a “instructor”, sapagkâ’t warìng sa haráp ng̃ gayóng kalakíng pagkakasala ay napipipilang lahát ó nang̃agsísitakas na nang̃ing̃ilabot.

At samantalang nang̃akákatulóg at náuusad ang mg̃a kasulatan, samantalang ang mg̃a papel sellado ay dumádami na warì mg̃a tapal ng̃ mg̃a mangmáng na manggagamot sa katawán ng̃ isáng may sakít na pagkalungkót, si Basilio ay tumatanggáp namán ng̃ balità ng̃ boong nangyari sa Tianì, ang pagkamatay ni Hulî at pagkawalâ ni tandâng Selo. Si Sinong, ang kotserong nábugbóg na naghatíd sa kaniya sa S. Diego, ay nasa sa Maynilà noon, dumádalaw sa kaniya at sinasabi sa kaniya ang lahát ng̃ pangyayari.

Samantala namá’y gumalíng na si Simoun, gayón ang sabi ng̃ mg̃a pahayagan, si Ben-Zayb ay nagpasalamat sa “Nakapangyayari sa lahát na nag-ing̃at sa gayóng mahalagáng buhay” at ipinahayag ang pag-asa na gagawín ng̃ Lumikhâ na mákilala sa balang araw ang nagkasalang ang kagagawán ay hindî pa napaparusahan dahil sa kaawàan ng̃ nilapastang̃an, na lubós na nagpapalakad noong mg̃a wikà ng̃ Dakilàng Pinagpalà na: _Amá, patawarin mo silá, at hindi nalalaman ang ginágawa!_ Itó at ibá pang bagay ang sinasabi sa limbág ni Ben-Zayb, samantalang sa salitâ’y inuusisà kung tunay ang aling̃áwng̃áw na ang mayamang mag-aalahás ay magdaraos ng̃ isáng malakíng pistá, isáng pigíng na hindî pa nákikita magpakailan man, sa isáng dako’y bilang pasasalamat sa kaniyáng paggalíng at sa isá’y bilang pagpapaalam sa bayang nagdagdág sa kaniyáng kayamanan. Nababalità, at siyáng totoo, na si Simoun ay nagsusumakit, dahil sa ang Capitang General ay dapat nang umalís sapagkâ’t matatapos sa buwan ng̃ Mayo ang pagganáp sa katungkulan, upang málakad sa Madrid ang isáng palugit pa at inuudyukán ang General na gumawâ ng̃ isáng pagsalakay upang magkaroón ng̃ kadahilanan ang dî pag-alís, ng̃unì’t nábabalità rin namán na noón lamang hindî dining̃íg ng̃ General ang payo ng̃ kaniyáng itinatang̃ì, at inaarìng bagay na kapit sa karang̃alan niyá ang huwág binbinín ng̃ isáng araw man lamang sa kaniyáng kamáy ang kapangyarihang ipinagkaloób sa kaniyá, aling̃awng̃áw itóng nakapagpapaniwalà na ang nábabalitàng pistá ay gágawín sa loób ng̃ madalíng panahón. Sa isáng dako naman, si Simoun, ay hindî mapakimatyagán; lalò pang nagíng matahimik, bibihiràng pakita, at bumibigkás ng̃ ng̃itîng mahiwagà kapag kinákausap siyá ng̃ ukol sa sinasabing pistá.

--Anó, ginoóng Simbad--ang sabi sa kaniyáng minsan ni Ben-Zayb;--silawin ninyó kamíng minsan sa isáng bagay na ayos yankee! Isáng pinakagantí sa bayang itó.

--Mangyari ng̃â ba!--ang sagót sa pamagitan ng̃ kaniyáng ng̃itîng matigás.

--Ihahagis ninyó marahil ang bahay sa bintanà, anó?

--Marahil, ng̃unì’t sa dahiláng walâ akóng bahay....

--Binilí sana ninyó ang kay kapitang Tiago, na murang murang nakuha ni ginoóng Pelaez!

Si Simoun ay hindî umimík at mulâ na noón ay bihirà na siyáng nákita sa tindahan ni D. Timoteo Pelaez, na nábalitàng nakipagkasamá sa kaniyá. Makaraán ang iláng linggó, ng̃ buwán ng̃ Abril, ay kumalat ang sabisabihan na si Juanito Pelaez, ang anák ni D. Timoteo, ay mag-aasawa kay Paulita Gomez, ang dalagang ninanasà ng̃ mg̃a taga rito’t ng̃ mg̃a dayuhan.

--May mg̃a taong mapapalad!--anáng mg̃a naiinggít na máng̃ang̃alakal;-- makabilí ng̃ bahay na murang-mura, magbilí ng̃ kaniyáng tindáng _zinc_, makisamá kay Simoun at maipakasal ang kaniyáng anák sa isáng mayamang binibini, ang wikàin ninyó’y mg̃a kakanín iyáng hindî natitikmán ng̃ lahát ng̃ mg̃a taong may puri.

--Kung nalalaman lamang ninyó kung sa anóng paraán natamó ni G. Pelaez ang kakaníng iyan!

At sa tunóg ng̃ ting̃íg ay ipinahihiwatig ang sarili niya.

--At mapatitibayan ko rin sa inyó na magkakaroon ng̃ pistá at malakí,--ang dugtóng na may hiwagà.

Tunay ng̃â na si Paulita ay mag-aasawa kay Juanito Pelaez. Ang kaniyáng pag-ibig kay Isagani ay napawì na gaya ng̃ alin mang mg̃a unang pag-ibig, na nanánang̃an sa magagandáng pang̃arap, sa damdamin. Ang mg̃a pangyayaring dahil sa mg̃a paskín at ang pagkakabilanggô ay nag-alís sa binatà ng̃ lahàt ng̃ tagláy na pang-akit. ¿Kang̃ino bagá mangyayari ang hanapin ang kasawîán, nasàin ang makíisá sa kapalaran ng̃ kaniyáng mg̃a kasama, humaráp na kusà, gayóng ang lahát ay nagtatagò at umiiwas sa lahát ng̃ kapanagutan? Iyón ay isáng kabang̃awán, isáng kaululán, na hindî maipatatawad sa kaniya ng̃ sino mang taong matinô sa Maynilà at may lubós ng̃âng katwiran si Juanito Pelaez sa pagkutyâ sa kaniyá, na ginagayahan ang sandalîng pagtung̃o niya sa Gobierno Civil. Gaya ng̃ maáantáy, ang maníngníng na si Paulita ay hindî na mangyayaring umibig sa isáng binatàng lubhâng malîng malî sa pagkaunawà sa kalipunan at sinísisi ng̃ lahát. Si Paulita ay nagsimulâ na ng̃ pagkukurò kurò. Si Juanito ay matalas, maliksí, masayá, malikót, anák ng̃ isáng mayamang máng̃ang̃alakal sa Maynilà, at may dugông kastilà pa, at kung paniniwalàan si D. Timoteo, ay tunay na tunay na dugông kastilà; samantalang si Isagani ay indiong taga lalawigan na nang̃ang̃arap sa kaniyáng mg̃a kagubatan na punô ng̃ lintâ, ang kaanak ay malabò, may isáng amaíng klérigo na marahil ay kalaban ng̃ pagmamagarâ at ng̃ mg̃a sayawan, na kaniyáng kinalulugdán. Isáng magandá ng̃âng umaga ay napaghulòhulò niya na malakíng kahang̃alán ang nágawâ niyáng nápilì pa si Isagani kay sa kaniyáng kaagáw at mulâ na noon ay nápuná ang pagdaragdág ng̃ kakubàan ni Pelaez. Ang batás na natuklás ni Darwin ay gináganáp ni Paulita ng̃ walâng kamalaymalay, ng̃unì’t buôngbuô; ang babai’y napaaarì sa lalaking lalòng may kasanayán, sa marunong makibagay sa kalagayang kinabubuhayan, at upang mamuhay sa Maynilà ay walâng makapapantáy kay Pelaez, na sapól pagkabatà ay nakatátalós na ng̃ gawâng palikawlikaw.

Ang kurismá ay nakaraang kasama ang kaniyáng mahál na araw, kasama ang kaakbáy niyang mg̃a prusisyon at mg̃a _ceremonias_, na walâng ibáng kabaguhang nangyari kundî isáng mahiwagàng pagkakaguló ng̃ mg̃a artillero, na ang sanhî ay hindî sumapit na mákalát. Iginibâ na ang mg̃a bahay na pawid, sa tulong ng̃ isáng pulutóng na “caballería” upáng dumumog sa mg̃a may arì, sakalìng mang̃agsilaban: nagkaroon ng̃ maraming iyakan at maraming paghihinagpís, ng̃unì’t hindî na namán lumalò pa roon. Ang mg̃a mapag-usisà, na isá na sa kanilá’y si Simoun, ay nang̃agsiparoong lálakadlakad na dî pinahahalagahán ang nangyayari, na pinanonood ang mg̃a nawalán ng̃ tahanan at anilá sa sarili’y makatutulog na nang payapà.

Nang magtatapós ang Abril, nang nalimot na ang lahát ng̃ pang̃ambá, ay walâng pinaghuhunhunan sa Maynilà kundî íisang bagay. Ang pistáng gágawín ni D. Timoteo Pelaez, dahil sa pag-aasawa ng̃ kaniyáng anák na ang humandóg na mag-aanák, malugód at mapagbigáy loob, ay ang General. Sinasabing si Simoun ang may kagágawán noon. Ang kasál ay idadaos nang dalawáng araw muna bago umalís ang General; papupurihan nitóng dumaló sa bahay at maghahandóg sa _novio_. Kumakalat ang aling̃awng̃áw na ang mag-aalahás ay magpapabahâ ng̃ brillante, magtatapon ng̃ dakótdakót na perlas, alang-alang sa anák ng̃ kaniyáng kasamá, at sa dahiláng hindî siyá makapagpistá dahil sa walâ siyáng bahay na sarili at dahil sa siyá’y matandâng bagong-tao, ay sasamantalahín ang pagkakátaón upang biglâín ang bayang pilipino ng̃ isáng dáramdamíng pagpapaalam. Ang boông Maynilà ay humáhandâ nang mapapaanyayahan: Kailán ma’y hindî pumasok ang pagkagulumihanan sa mg̃a budhî ng̃ gayón kabagsík na gaya ng̃ hinalàng bakâ dî máanyayahan. Nang̃ag-úunahán sa pakikipag-ibigang mabuti kay Simoun, at maraming lalaki, ang sa pilit ng̃ kaniláng mg̃a asawa, ang bumilí ng̃ mg̃a tanák at mg̃a _zinc_ upang magíng kaibigan ni D. Timoteo Pelaez.

XXXIII

ANG HULÍNG MATUWID

Sumapit din ang araw.

Si Simoun, magmulâ sa umaga, ay hindî umalís sa kaniyáng bahay, dahil sa pag-aayos ng̃ kaniyáng mg̃a sandata at mg̃a hiyás. Ang kaniyáng malakíng kayamanan, ay nasa sa loob na ng̃ malakíng takbáng patalím na may sapot na lona. Kákauntîng sisidlán na lamang na may mg̃a galáng at mg̃a panusok ang nalalabí, marahil ay mg̃a panghandóg na kaniyáng ipamímigáy. Aalís na ng̃â siyáng kasama ng̃ Capitan General, na ayaw na ayaw palawigin ang panghahawak sa katungkulan, dahil sa pang̃ing̃ilag sa sasabihin ng̃ tao. Ibinúbulóng ng̃ mg̃a malabigà na si Simoun ay ayaw mang̃ahás na maiwang mag-isá, na, kung mawalán ng̃ pinanánang̃anan, ay ayaw na mapaghigantihán ng̃ maraming pinagtubùan at mg̃a nasawî, at ang lalò pa mandíng malakíng sanhî ay ang pangyayaring ang General na dáratíng, ay kilalá sa pagka may matuwíd na hilig, at marahíl-dahíl ay ipasaulì sa kaniyá ang lahát ng̃ kinita. Sa isáng dako namán ay sinasapantahà ng̃ mg̃a mapamahiing indio na si Simoun ay isáng diablo na ayaw málayô sa kaniyáng huli. Ang mg̃a mapaghakà ng̃ masamâ ay kumíkindát ng̃ may pakahulugán at nagsasabing:

--Kung pudpód na ang parang ay lilipat na sa ibáng dako ang balang.

Ang ilán lamang, kakauntî, ang nang̃agsising̃itî’t hindî umíimík.

Nang kináhapunan ay iniutos ni Simoun sa kaniyáng alilà na kung daratíng ang isáng binatàng nagng̃ang̃alang Basilio, ay papasuking agad. Pagkatapos ay nagkulóng sa kaniyáng silíd at warìng nasadlák sa isáng malalim na pagkukuròkurò. Mulâ’t sapul noong magkasakít, ang mukhâ ng̃ mag-aalahás ay lalò pa mandíng tumigás at lalòng pumangláw, lumalim na mabuti ang guhit niya sa pag-itan ng̃ dalawáng kilay. Warìng nahukót ng̃ kauntì; ang ulo’y hindî na tayôngtayô, náyuyukô. Lubhâng nálululong sa kaniyáng pag-iisíp na hindî tulóy nading̃íg na may tumatawag sa pintûan. Kinailang̃ang ulitin ang katóg. Si Simoun ay nang̃ilabot:

--¡Tulóy!--aniya.

Ang dumatíng ay si Basilio, ng̃unì’t _quantum mutatus_! Kung ang pagkakabago ng̃ anyô ni Simoun sa loób ng̃ dalawáng buwan ay malakí, ang sa binatà’y kakilakilabot. Ang kaniyáng mg̃a pisng̃í’y hukáy, walâng ayos ang bihis, gusót ang buhók. Nawalâ ang matamís na kalamlamán sa kaniyáng mg̃a paning̃ín at ang nagniningníng ay ang madilím na lagabláb; masasabing siya’y namatáy at ang kaniyáng bangkáy ay mulîng nabuhay sa pagkasindák sa mg̃a bagay na nákita sa kabiláng buhay. Kundî man ang gawâng linsíl, ay ang kakilákilabot na anino noon ang nakakalat sa boô niyáng tikas. Si Simoun na ay nágulat pa at nagdamdám habág sa sawîng palad na iyon.

Si Basilio ay lumapit na dahandahan, na hindî na bumatì, at nagwikàng ang ting̃ig ay nakapagpakilabot sa mag-aalahás, na:

--Ginoong Simoun, akó’y nagíng masamâng anák at masamâng kapatíd; linimot kó ang pagkakapatáy sa hulí at ang pagpapahirap sa una, at pinarusahan akó ng̃ Dios! Ng̃ayó’y walâ na akó kungdî isáng nasà upang gantihín ng̃ samâ ang samâ, ng̃ linsíl ang linsíl, ng̃ dagok ang dagok.

Tahimik siyáng pinakikinggán ni Simoun.

--May apat na buwan na,--ang dugtóng ni Basilio--na kinausap ninyó akó nang ukol sa inyóng mg̃a balak; tumanggí akóng makilahók, at masamâ ang nágawâ ko; may katwiran kayó. May tatlóng buwan na at kalahatìng kamuntík nang bumugá ang panghihimagsík; hindî ko rin inibig ang makilahók, at ang galawan ay nábakô. Ang kapalít ng̃ aking inasal ay ang mábilanggô at utang ko sa inyóng pagsusumakit ang aking paglayà. May katwiran kayó, at naparito akó ng̃ayón upang sabihin sa inyó, na: bigyán ng̃ sandata ang aking kamáy at bumugá na ang himagsikan! Laan akóng paglinkurán kayóng kasama ang tanáng sawî!

Ang ulap na nagpapadilím sa noo ni Simoun ay biglâng napawì, isáng sinag ng̃ pagtatagumpáy ang kumináng sa kaniyáng paning̃ín, at warìng nátagpûán ang hinahanap, ay bumulalás nang:

--¡May katwiran akó, oo, may katwiran akó! ang karapatán ay tagláy ko, ang matuwíd ay nasa sa aking piling, sapagkâ’t ang itinatanggól ko’y ang mg̃a sawî.... ¡Salamat, binatà, salamát! Dumatíng kayó upang pawìin ang aking mg̃a pagaalinlang̃an, upang bakahin ang aking pag-uuróngsulóng....

Si Simoun ay tumindíg at ang kaniyáng mukhâ’y galák na galák: ang silakbóng nag-uudyók sa kaniyá nang, may apat na buwan na, ipinahahayag kay Basilio ang kaniyáng mg̃a balak sa gubat ng̃ kaniyáng mg̃a ninunò, ay mulîng namakás sa kaniyáng mukhâ na warì’y isáng mapuláng pagtatakípsilim, matapos ang isáng maghapong malamlám.

--Oo,--ang patuloy,--ang kilusán ay nábakô at marami ang lumayô sa akin sapagkâ’t nákita akóng lupaypáy na uuróngsulóng nang sandalîng kikilos na: may itinagò pa akó sa aking pusò, hindî ko supíl ang lahát ng̃ aking damdamin at umiibig pa akó noon!.... Patáy na ang lahát sa akin, at walâ ng̃ bangkáy na dapat kong igalang ang kaniyáng paghimláy! Hindî na magkakaroon ng̃ pag-uuróngsulóng; kayóng kayó na, binatàng huwaran, kalapating walâng apdó, ay nakakakilala ng̃ pang̃ang̃ailang̃an, pumarito sa akin at inuudyukán akó sa pagkilos! May kagabihán na nang buksán ninyó ang inyóng mg̃a matá! Tayong dalawá sana’y nakapagbalangkás at nakagawâ ng̃ mg̃a kahang̃àhang̃àng balak: akó’y sa itaás, sa mataás na lipunán, magsasabog akó ng̃ kamatayan sa gitnâ ng̃ mg̃a bang̃ó at gintô, gawíng asal hayop ang may masasamâng hilig, at pasamâín ó huwag pakilusin ang iláng mabuti, at kayó namán ay sa dakong ibabâ, sa bayan, sa gitnâ ng̃ kabinatàan, na gising̃in ang buhay sa gitnâ ng̃ dugô at mg̃a luhà! Ang ating gawâ, sa lugal na magíng madugô at ganid, ay nagíng kahabagán sana, ayós, anyông anyô, at ang tagumpáy sana ay siyáng nagíng dulo ng̃ ating pagsusumíkap! Ng̃unì’t walâng katalinuhang tumulong sa akin; tákot at kahinàang loób ang nátagpûán ko sa mg̃a may kabihasnán, pagkamapagsarilí sa mayayaman, pagkamapaniwalà sa kabatàan, at sa mg̃a bundók lamang, sa mg̃a kaparang̃an, sa mg̃a may mahihirap na kabuhayan lamang natagpûan ko ang aking mg̃a tao! Datapwâ’y walâng kailang̃an! kung hindî tayo makatapos ng̃ isáng ayós na larawan, na makinis ang lahát ng̃ kaniyáng anyô, sa batóng magaspang na ating tatapyasín, ay ang mg̃a súsunód na ang siyang magsisiganáp.

At pinigilan sa bisig si Basilio, na nakiking̃íg nang hindî nawawatasan ang kaniyáng sinasabi, at dinalá siyá sa gawàan na pinagtatagùan ng̃ kaniyáng mg̃a yarìng ukol sa kímika.

Sa ibabaw ng̃ isáng mesa ay may isáng kahang maitím na _chagrín_, na náhahawíg sa mg̃a pinagsisidlán ng̃ mg̃a kasangkapang pilak na inihahandóg sa kapwâ ng̃ mg̃a mayayaman at mg̃a harì. Binuksán ni Simoun at inilantád, sa ibabaw ng̃ rasong pulá, ang isáng lámpara na katang̃ìtang̃ì ang ayos. Ang sisidlán ay anyông isáng granada, kasinglakí ng̃ ulo ng̃ tao, may kauntîng biták, na kinakakikitàan ng̃ mg̃a butil sa loób, na ginayahan ng̃ malalakíng _cornalina_. Ang balát ay gintông nang̃itím at kuháng kuhá sampû ang mg̃a kilabot ng̃ bung̃ang kahoy.

Dahandahang kinuha ni Simoun, at matapos na maalís ang ilawán, ay inilantád ang loób ng̃ sisidlán: ang bao ay patalím, na ang kapal ay mg̃a dalawáng dalì, at maaarìng maglamán ng̃ higít sa dalawáng litro. Tinátanóng siyá sa ting̃ín ni Basilio: walâng máwawàan sa bagay na iyón.

Hindî na nagsalisalitâ ay maing̃at na kinuha sa isáng tinggalan ang isáng praskó at ipinakita sa binatà ang nasusulat sa ibabaw.

--¡Nitro-glicerina!--ang bulóng ni Basilio na nápaurong at inilayông biglâ ang kamáy.--¡Nitro-glicerina! Dinamita!

At nang maunawà na mandín ay nang̃alisag ang kaniyáng mg̃a buhók.

