Ang "Filibusterismo" (Karugtóng ng Noli Me Tangere)

Part 26

Chapter 26 3,316 words Public domain Markdown

Si Hulî ay hindî umíimík, ng̃unì’t sa ganang kay hermana Balî ay warìng nabasa sa isáng nobena ang hatol: laan siyáng samahan sa bahay ng̃ parì ang dalaga. Lilimós pa namán siya ng̃ isáng kalmen sa halagáng isáng salapî.

Dátapwâ’y umíilíng si Hulî at ayaw pumaroon sa kombento. Si hermana Balî ay warìng nakararamdám sa sanhî ng̃ pag-ayáw (si P. Camorra ay may katawagán ding _si kabayo_ at nápakalikót) at pinanánahimik siya:

--¡Walâ kang dapat ikatakot! kasama mo akó!--aniya--¿hindî mo ba nabasa sa muntîng aklát na _Tandang Basio_ na bigáy ng̃ kura, na ang mg̃a dalaga’y dapat pumaroon sa kombento, kahì’t hindî nálalaman ng̃ mg̃a magulang, upang ipagsabi ang nangyayari sa bahay? Abá! Ang aklát na iyón ay nálimbág nang may pahintulot ang Arsobispo, abá!

Si Hulî, iníp na’t sa nasàng putulin ang usapan, ay namanhík sa mapanata na siyang pumaroon kung ibig, ng̃unì’t sinabi ng̃ Hukóm, sabáy sa pagdígháy, na ang samò ng̃ isáng mukhâ ng̃ dalaga ay nakaaakit ng̃ malakí kay sa mukhâ ng̃ isáng matandâ, na ang lang̃it ay nagkakalat ng̃ kaniyáng hamóg sa mg̃a sariwàng bulaklák at hindî sa mg̃a tuyô na. Ang talinhagà’y nagíng isáng magandáng kahalayan.

Si Hulî’y hindî sumagót at nanaog ang dalawáng babai. Sa daan ay nagmatigás ang dalaga sa pag-ayáw na pumaroon sa kombento, kayâ’t nang̃agsiuwî sa kaniláng nayon. Si hermana Balî na sumamâ ang loob dahil sa kakulang̃án ng̃ pagtitiwalà, gayóng siya’y kasama, ay naghihigantí sa paraang binigyán ng̃ isáng mahabâhabâng _sermon_ ang binibini.

Sadyâ ng̃âng hindî magagawâ ng̃ dalaga ang pagparoong iyon sa kombento nang hindî susuwatán ang kaniyáng sarili, na hindî siyá susuwatán ng̃ tao, na hindî siyá susuwatán ng̃ Dios! Makáilán nang sinabi sa kaniyá, may katwiran ó walâ, na kung susundín ang hang̃ád sa kaniyá, ay patatawarin ang kaniyáng amá, ng̃unì’t gayón man ay hindî siyá pumayag, kahì’t na isinísigáw sa kaniyá ng̃ kaniyáng budhî ang pag-aalaala ng̃ kautang̃án sa magulang. ¿At ng̃ayón ay gágawín niyá ng̃ dahil kay Basilio, dahil sa kaniyáng kasintahan? Yaón ay isáng pagsadlák sa mg̃a kutyâ at paglibák ng̃ lahát ng̃ tao, sampûng si Basilio ay aalipustâ sa kaniyá; hindî mangyayari ang gayón, magpakailan man! Magbibigtí na muna siyá ó magtatalón sa alín mang bang̃ín. Kahì’t na anó ang gawín ay nasuwatán na siyá na masamâng anák.

Binatá pa rin ng̃ kaawàawàng si Hulî ang mg̃a sisi ng̃ kaniyang mg̃a kamag-anak, na sa dahiláng hindî nakababatíd ng̃ nangyayari sa kanilá ni P. Camorra, ay kinúkutyâ ang kaniyang mg̃a katakután. Máiibigan bagá ni P. Camorra ang isáng dalagang tagá bukid gayóng marami namán sa bayan? At tinukoy ng̃ mg̃a babai, ang mg̃a pang̃alan ng̃ mg̃a dalagang magagándá’t mayayaman, na nagkaroon ng̃ ganitó ó gayóng kasawîán. At samantala’y ¿kung barilín si Basílio? tinátakpán ni Hulî ang kaniyang taing̃a, lumiling̃ap sa lahát ng̃ sulok at humahanap ng̃ isáng ting̃ig na sukat magtanggól sa kaniyá, tiningnán ang kaniyang lelong; ng̃unì’t ang lelong ay pipi at nakatitig sa dulo ng̃ kaniyáng tandós na gamit sa pang̃ang̃aso.

Nang gabíng yaón ay bahagyâ nang nákatulog. Mg̃a bung̃ang tulog át panaginip, kung minsán ay kahambálhambál, kung minsán ay madugô, ang nagdáraan sa kaniyáng matá at sandásandalî’y nágigisíng na pigtâ sa malamig na pawis. Parang nakadiding̃ig siyá ng̃ putukan, parang nákikita ang kaniyang amá, ang amá niyang nagsumakit ng̃ lubhâ dahil sa kaniyá, na nakikipaghamok sa mg̃a kagubatan, hinuhuling warì’y isáng hayop sapagkâ’t siya’y nag alinlang̃ang kaniyáng iligtás. At ang larawan ng̃ kaniyáng amá’y nagbago at nákita ni Basilio na naghihing̃alô at tinítitigan siya ng̃ mg̃a ting̃íng sumisisi. Ang kahabághabág ay titindíg, magdadasál, tataghóy, tatawagan ang kaniyáng iná, ang kamatayan, at sumapit ang sandalî na, patâ na sa sindák, kung hindî lamang nagíng gabí noon ay tumakbó na sanang tuloytuloy sa kombento, mangyari na ang mangyayari.

Dumatíng ang umaga, at ang mg̃a malulungkót na paghihinalà, ang mg̃a pang̃ing̃ilabot sa kadilimán ay bahagyâng nagbawa. Ang kaliwanagan ay nagbigáy sa kaniyá ng̃ mg̃a pag-asa. Ng̃unì’t ang mg̃a balitàng tinanggáp nang kinahapunan ay lubhâng kakilakilabot; napag-usapan ang mg̃a binaríl at ang gabíng yaó’y nagíng karumaldumal sa dalaga. Sa kaniyáng pagdadalitâ’y tinangkâ ng̃ ipagkaloob ang kaniyáng katawán pagsapit na pagsapit ng̃ umaga at pagkatapos ay magpakamatáy: lahát, huwag na lamang magdaán ng̃ gayóng paghihirap! Ng̃unì’t ang umaga’y nagtagláy ng̃ mg̃a panibagong pag-asa at ayaw pumanaog sa bahay ang binibini, ni pumaroón sa simbahan. Nang̃ang̃anib siyáng mapahinuhod.

At sa gayó’y nakaraan ang iláng araw: nananalang̃in at nagtutung̃ayáw, tumatawag sa Dios at ninanasà ang kamatayan. Ang umaga ay nagigíng isáng patláng, si Hulî’y umaasa sa isáng kababalaghán; ang mg̃a balitàng galing sa Maynilà, kahì’t dumáratíng na may dagdág, ay nagsasabing ang iláng bilanggô ay nakalayà na dahil sa kaniláng mg̃a ninong at mg̃a kaibikaibigan.... May maiiwang magtitiís, ¿sino kayâ? si Hulî ay nang̃ing̃ilabot at umuuwî sa kaniyáng bahay na ng̃inang̃atng̃át ang kaniyáng mg̃a kukó, sa gayón ay dumáratíng ang gabí na ang mg̃a pang̃ang̃ambá, na nagkakaroón ng̃ ibayong lakí, ay warìng nagigíng katotohanan. Kinatatakutan ni Hulî ang pananaginip; natatakot siyáng matulog, sapagkâ’t ang kaniyáng pananaginip ay isáng sunód-sunód na bang̃ung̃ot. Mg̃a titig na may hinanakít ang lumulusót sa kaniyáng mg̃a balintatáw kapag nápikít, mg̃a daíng at panang̃is ang umuukilkíl sa kaniyáng mg̃a taing̃a. Nakikitang pagalàgalà ang kaniyáng amá, dayukdók, walâng tigil ni pahing̃á; nakikitang si Basilio ay naghihing̃alô sa gitnâ ng̃ daan, may tamâ ng̃ dalawáng punglô, gaya ng̃ pagkakita niyá sa bangkáy ng̃ isáng kalapít-bahay na pinatáy samantalàng iniháhatíd ng̃ guardia sibil. At nakikita niyá ang mg̃a talìng gumitgít sa lamán, nakikita ang dugông lumálabás sa bibíg at nádiding̃íg na sinasabi sa kaniyá ni Basilio, na: “¡Iligtás mo akó, iligtás mo akó! ikáw lamang ang tang̃ìng makapagliligtás sa akin!” Mag-uumugong pagkatapos ang isáng halakhák, ililing̃ón ang mg̃a matá at makikita ang kaniyáng amá, na tinititigan siyá ng̃ isáng titig na lipos paghihinanakít. At si Hulî ay mágigisíng, tatagilid sa ibabaw ng̃ kaniyáng baníg, hihimasin ng̃ kamáy ang noó upang tungkusín ang buhók: malamíg na pawis, gaya ng̃ pagpapawís kung mamamatáy, ang nakababasâ sa kaniyá.

--¡Iná, iná!--ang taghóy.

At samantala’y ang mg̃a nakapagpápasiya ng̃ boông katuwâan sa mg̃a sasápitin ng̃ mg̃a bayan, ang nakapag-uutos ng̃ makatwirang pagpatáy, ang sumisirà ng̃ katwiran at ginagamit ang karapatán upang magpatibay sa lakás, ay mapayapàng nang̃ahihimbíng.

Sa kahulíhulihan, ay dumatíng ang isáng manglalakbáy na taga Maynilà at nagsalaysáy nang kung papano nakawalâ ang lahát ng̃ bilanggó, lahát, maliban si Basilio na walâng mag-ampón. Nababalità sa Maynilà, ang dagdág ng̃ manglalakbáy, na ang binatà ay mapapatapon sa Carolinas, at pinalagdâán na muna sa kaniyá ang isáng kahiling̃an na kinatatalâan na gayón ang hilíng niyáng kusà. Nákita ng̃ manglalakbáy ang bapor na magdadalá sa kaniyá.

Ang balitàng iyón ay tumapos sa mg̃a pagaalinlang̃an ng̃ dalaga na sadyâ namáng guló na ang pag-iisíp dahil sa karamihan ng̃ gabíng ipinagpuyát at sa kaniyáng mg̃a kakilakilabot na mg̃a pang̃ang̃arap. Maputlâ’t ang matá’y susuling suling, ay hinanap si hermana Balî at ang boses ay nakatatakot ng̃ sinabing siya’y nálalaán na at itinatanóng kung ibig siyáng samahan.

Natuwâ si hermana Balî at siya’y pinayapà, ng̃unì’t si Hulî ay hindî nakiking̃íg at warìng nagmamadalî upang makaratíng sa kombento. Siya’y nag-ayos, isinuot ang kaniyáng pinakamabuting gayák at warì pa mandíng siya’y may malakíng hang̃ád. Nagsasásalitâ kahì’t walâng linaw.

Lumakad silá. Si Hulî ay náuuna at naíiníp sapagkâ’t ang kasama’y náhuhulí. Dátapwâ’y samantalang nang̃alalapít sa bayan, ay untîuntî siyang nanghihinà, nagwawalâng imík, nag-aalinlang̃an, nápapahinà ang hakbang, at pagkatapos ay nápapahulí. Kailang̃an ang paliksihín pa siya ni hermana Balî.

--¡Gágabihín tayo!--ang sabi.

Si Hulî ay patuloy na namumutlâ, ang ting̃í’y sa ibabâ at hindî makapang̃ahás na itaás ang matá. Ang akalà niya’y siyá ang tinitingnán ng̃ lahát ng̃ tao at siya ang itinuturò. Isáng pang̃alang mahalay ang humihiging sa kaniyáng taing̃a, ng̃unì’t nagbibing̃íbing̃ihan at nagpapatuloy ng̃ lakad. Gayón mán, nang mákita ang kombento, ay humintô at nang̃iníg na.

--¡Bumalík na tayo sa nayon, bumalík na tayo!--ang samò na pinigil ang kaniyáng kasama.

Kinailang̃an ni hermana Balî ang hawakán siyá sa bisig at halos binatak, na pinamamayapà at pinagsasabihan siyá ng̃ ukol sa mg̃a aklát ng̃ mg̃a prayle. Hindî siyá pababayàan, walâng dapat ikatakot; si P. Camorra ay may ibáng bagay sa ulo; si Hulî ay isáng tagabukid lamang....

Datapwâ’y nang dumatíng sa pintùan ng̃ kombento ó bahay pari ay nagmatigás na si Hulî sa pag-ayáw na umakyát at nang̃unyapít sa pader.

--¡Huwag, huwag!--ang samòng lipós sindák;--¡O, huwag; mahabág kayó!......

--Ng̃unì’t nápakahang̃ál......

Itinutulak siyáng marahan ni hermana Balî; si Hulî ay ayaw pumayag, namumutlâ, na ang mukhâ’y nakahahambál. Ipinahayag ng̃ kaniyáng paning̃ín na nakikitang kaharáp niyá ang kamatayan.

--¡Siyá, bumalík tayo kung ayaw ka!--ang bulalás na tulóy na masamâ ang loób ng̃ mabaít na babai, na hindî naniniwalà sa anománg sakunâng tunay na mangyayari. Kahì’t na may masamâng kabantugan si P. Camorra ay hindî mang̃ang̃ahás sa haráp niyá.

--¡Mádalá na sa tatapunán ang kaawàawàng si D. Basilio, barilín siyá sa daan at sabihing nagtangkâng tumakas!--ang dagdág;--pag patáy na ay sakâ magsisisi. Sa ganang akin, akó’y walâng anománg utang na loób sa kaniyá. Sa akin ay walâng isusumbát!

Yaón ang bayóng nakapagpanibulos. Sa harap ng̃ gayóng sumbát, may halòng galit, handâ sa lahát, gaya ng̃ isáng magpapatiwakal, ay ipinikít ni Hulî ang kaniyáng mg̃a matá, upang huwág mátanaw ang bang̃íng tatalunán, at tulóytulóy na pumasok sa kombento. Isáng buntóng-hining̃á na wárìng hing̃alô ang namulás sa kaniyang mg̃a labì. Sinundán siya at pinagbibilinan ni hermana Balî.

Nang kinagabihán ay marahang pinag-uusap-usapan ang nangyari ng̃ hapong iyon.

Sa durung̃awan ng̃ kombento ay tumalón ang isáng dalaga na bumagsák sa mg̃a bató at namatáy. Halos kasabáy noon, isá pang babai ang lumabás na nagsisigáw át nagtititilî sa mg̃a lansang̃an na warì’y balíw. Ang mg̃a maing̃at na mámamayan ay hindî makapang̃ahás na bumanggít ng̃ mg̃a pang̃alan at maraming iná ang kumurót sa kaniláng mg̃a anák na babai dahil sa pagkakabigkás ng̃ mg̃a salitâng makapagbibigáy ligalig sa kanilá. Makaraan yaón, ng̃unì’t malaon ng̃ nakaraan, ng̃ nagtatakipsilim, ay isáng matandâng lalaki ang nanggaling sa nayon at tumawag ng̃ malaon sa pintùan ng̃ kombento na nakasará at binabantayán ng̃ mg̃a sakristan. Ang matandâ’y tumatawag sa pamagitan ng̃ suntók, ng̃ ulo, bumibigwás ng̃ mg̃a timpîng sigáw, na walâng linaw, na gaya ng̃ sa isáng pipi, hanggáng sa napalayas doon sa pamagitan ng̃ palò at kátutulak. Nang mangyari ang gayón ay tumung̃o sa bahay ng̃ kapitán sa bayan, ng̃unì’t sinabi sa kaniya roon na walâ ang kapitán, na nasa kombento; tumung̃o sa Hukóm pamayapà, ng̃unì’t ang Hukóm pamayapà ay walâ rin, ipinatawag sa kombento; tinung̃o ang _teniente mayor_, gayon din, nasa kombento; tumung̃o sa kuartel, ang teniente ng̃ guardia sibil ay nasa kombento.... Sa gayón ay bumalík sa kaniyáng nayon ang matandâ na umiiyak na parang isáng batà: ang kaniyang ung̃al ay nádiding̃íg sa gitnâ ng̃ katahimikan ng̃ gabí; ang mg̃a lalaki’y nang̃apapakagátlabì, ang mg̃a babai’y nang̃agdadaóp-kamáy, at ang mg̃a aso ay pumapasok sa kaníkaniláng bahay, mg̃a takót, at ipít ng̃ dalawáng hità ang buntót!

--¡A, Dios, á, Dios!--anáng isáng abâng babai na nang̃ang̃alirang dahil sa kákokolasión;--sa haráp mo ay walâng mayaman, walâng mahirap, walâng maputî, walâng maitím.... ¡ikáw ang hahatol sa amin!

--Oo,--ang sagót ng̃ asawa,--kailan ma’t ang Dios na iyáng kaniláng iniaaral ay hindî tunay na gawâgawâ lamang, isáng dayà! Silá na ang una unang hindî naníniwalà doon!

Nang ikawaló ng̃ gabí, ay sinasabing mahigít sa pitóng prayle, na galing sa mg̃a bayang kalapít, ang nang̃asa sa kombento at nagpupulong. Nang kinábukasan ay nawalâ nang patuluyan sa nayon si tandâng Selo na dalá ang kaniyáng tandós sa pang̃ung̃usá.

XXXI

ANG MATAAS NA KAWANÍ

L’Espagne et sa vertu, l’Espagne et sa grandeur Tout s’en va!

(VICTOR HUGO.)

Ang mg̃a pamahayagan sa Maynilà ay nang̃alululong sa pagsasalaysáy ng̃ ukol sa isáng nábunyág na patayang nangyari sa Europa, sa mg̃a pagpupuri at pagbibigáy karang̃alan sa iláng _predicador_ sa Maynilà, sa lalò’t lalò pang masigabóng pagtatatagumpáy ng̃ operetang pransés, kayâ babahagyâ nang makapaglaán ng̃ gayón ó ganitóng balitàng ukol sa mg̃a katampalasanang ginágawâ sa mg̃a lalalawigan ng̃ isáng pulutóng ng̃ tulisán na pinang̃ung̃uluhan ng̃ isáng pinunòng mabang̃ís at ganid na nagpapamagát na _Matanglawin_. Tang̃ì lamang, kung ang nilolooban ay isáng kombento ó isáng kastilà, ay sakâ lumálabás ang mahahabàng salaysáy na nagsisiwalat ng̃ mg̃a kakilakilabot na pangyayari at hinihing̃î ang _estado de sitio_, mg̃a matitindíng panupil, ibp. Kayâ’t hindî rin naatupag ang nangyari sa bayan ng̃ Tiani, ni hindî man nagkaroon ng̃ isá mang banggít ni isáng aling̃awng̃áw. Sa mg̃a lipunáng tang̃ì ay may kauntìng bulungbulung̃an, ng̃unì’t nápakalabò, nápakamahinà, napaka walâng katibayan na hindî man lamang nabatíd ang pang̃alan ng̃ nasawî, at yaóng mg̃a nagpakita ng̃ malakíng nasàng makaalám ay madalîng nakalimot, na naniwalàng nagkaroon nang kasundùan sa kaanák ó mg̃a kamag-anak na may galit. Ang tang̃ìng tiyák na napag-alamán ay ang pag-alís sa bayang iyon ni P. Camorra upang lumipat sa ibá ó manirahan ng̃ kauntîng panahón sa kombento sa Maynilà.

--¡Kaawaawàng P. Camorra!--ang bulalás ni Ben-Zayb na nagwarìng mahabagin,--gayóng kasayá, gayóng kabuting pusò!

Tunay ng̃â na ang mg̃a nag-aaral ay nang̃akalayà sa kálalakad ng̃ kaniláng mg̃a kamag-anak, na hindî tiningnán ang magugugol, mg̃a handóg at mg̃a paghihirap. Ang uná unang nakalayà, gaya ng̃ maaantáy, ay si Makaraíg, at ang hulí’y si Isagani, sapagkâ’t si P. Florentino ay hindî nakaratíng sa Maynilà kung dî nang makaraan muna ang isáng linggó sapol ng̃ mangyari ang mg̃a bagaybagay. Ang gayóng karaming pagkahabág ay nagíng sanhî upang bigyan ang General ng̃ palayaw na mahabagin at maawàín na dalìdalìng idinagdág ni Ben-Zayb sa mahabàng kabilang̃an ng̃ kaniyáng mg̃a palayaw.

Ang tang̃ìng hindî nakalayà ay si Basilio, na násasakdál pa sa kasalanang pagkakaroon ng̃ mg̃a aklát na bawal. Hindî namin malaman kung ang sinasabi nilá’y ang aklát na _Medicina Legal y Toxicología_ ni Dr. Mata ó ang iláng pahayagan na ukol sa mg̃a bagay bagay sa Pilipinas na natagpûán sa kaniyá, ó magkasama na ang dalawáng bagay na iyon; ng̃unì’t sinasabi rin namán na nagbibilíng palihím ng̃ mg̃a aklát na bawal at napataw sa kaawàawàng binatà ang boông bigát ng̃ timbang̃an ng̃ katwìran.

May nagbalitàng sinabi sa General:

--Kailang̃an na magkaroon ng̃ isá upang máligtás ang karang̃alan ng̃ kapangyarihan at huwag masabing tayo’y nag-ing̃áy nang katakot-takot ng̃ walâ namáng sanhî. Una muna sa lahát ang kapangyarihan. Kailang̃ang may mátira!

--Iisá na lamang ang nátitirá, isá na, alinsunod kay P. Irene ay, nagíng alilà ni kapitáng Tiago.... Walâng naghahabol sa kaniyá....

--¿Alilà at nag-aaral?--ang tanóng ng̃ General:--kung gayón ay iyan, mátirá, iyan!

--Maipahintulot po sa akin ng̃ inyóng Karilagán--ang sabi ng̃ mataas na kawaní na nagkátaóng kaharáp;--ng̃unì’t may nagsabi sa akin na ang binatàng iyan ay nag-aaral sa Medicina, ang kaniyáng mg̃a gurô’y mabutí ang sinasabing ukol sa kanyá.... kung magpapatuloy sa pagkábilanggô ay masasayang̃an ng̃ isáng taón, at sa dahiláng sa taóng itó magtátapós....

Ang pamamagitnâ ng̃ mataas na kawaní na ayon kay Basilio, sa lugal na makabutí dito, ay nakasamâ pa. Malaon nang ang kawaní at ang General ay nagkakabigatan, may samàan ng̃ loob, na naragdagán ng̃ mg̃a salísalitàan. Ang General ay ng̃umitî at sumagót:

--¿Siya ng̃â ba? Kung gayó’y lalò pa ng̃âng dapat na magpatuloy sa pagkakábilanggô; isáng taón pang pag-aaral, sa lugal na makasasamâ, ay makabubutí sa kaniyá, sa kaniyá at sa lahát ng̃ mahuhulog pagkatapos sa kaniyáng mg̃a kamáy. Dahil sa maraming pagsasanay ay hindî magiging masamâng manggagamot ang isáng tao. Isá pa ng̃âng katwiran upang mátirá! At pagkatapos ay sasabihin ng̃ mg̃a mapagbagong pilibustero na hindî namín ináalagatâ ang bayan!--ang dagdág ng̃ General na tumatawang paaglahì.

Nakilala ng̃ mataás na kawaní ang kaniyáng kamalìan at pinang̃atawanán na ang usap ni Basilio.

--Dátapwâ’y sa ganáng akin ay inaakalà kong ang binatàng iyán ay siyáng lalòng walâng kakasákasalanan sa lahát,--ang tugón na may kauntìng katakutan.

--Náhulihan siya ng̃ mg̃a aklát,--ang sagót ng̃ kalihim.

--Oo, mg̃a aklát sa panggagamot at mg̃a pahayagang sinulat ng̃ mg̃a taga España.... na hindî pa nagugupít ang mg̃a dahon.... at ¿anó ang ìbig sabíhin nitó? At sakâ, ang binatàng iyan ay walâ sa pigíng na idinaos sa magpapansít, ni hindî nakihimások sa anómán.... Gaya ng̃ sinabi ko, siyá ang lalòng walâng kakasákasalanan....

--¡Lalò’t lalò pa ng̃âng mabuti!--ang masayáng bulalás ng̃ General;--sa gayóng paraán, ang parusa, ay magigíng lalòng malunas at katang̃ìtang̃ì sapagkâ’t makasisindák pang lalò! Mamahalà ay ang umasal ng̃ ganiyán, ginoo; madalás na kailang̃ang ipailalim ang ikabubuti ng̃ isá sa ikabubuti ng̃ marami.... Datapwâ’y higít pa sa roón ang ginágawâ ko: sa ikabubuti ng̃ isá, kinukuha ko ang ikabubuti ng̃ lahát, inalíligtás ko ang tibay ng̃ kapangyarihan na nápapang̃anib, ang karang̃alan ay naigagalang at tumátatág. Sa ginawâ kong itó ay naaayos ko ang mg̃a kamalìán ng̃ mg̃a tagarito’t ng̃ mg̃a hindî tagarito!

Gumamit ng̃ malakíng lakás ang mataás na kawaní upang makapagpigil, hindî pinuná ang mg̃a parunggít, at nagtangkâng humanap ng̃ ibáng paraán.

--¿Ng̃unì’t hindî pô ba ninyó kinatatakutan ang kapanagutan?

--¿Anó ang ikatatakot ko?--ang paklíng nayayamót ng̃ General;--¿hindî ba mayroón akóng kapangyarihang magagamit ng̃ alinsunod sa sariling kapasiyahan? ¿hindî ko ba magagawâ ang máibigan sa ikabubuti ng̃ pamamahalà sa kapulùáng itó? ¿Anó ang ikatatakot ko? ¿Maaarì bagáng ipagsakdál akó sa mg̃a hukuman ng̃ isáng alilà at akó’y hing̃án ng̃ kapanagutan? ¡Ba! At kahì’t na mayroón siyáng magagamit na kaparaanan ay dadaán muna sa Ministerio, at ang Ministro....

Ikinumpáy ang kamáy at nagtawá.

--Ang Ministrong naghalál sa akin, ay ang diablo lamang ang nakaaalám kung saán na nároroón, at aarìin na niyáng malakíng karang̃alan ang akó’y kaniyáng mábatì sa aking pagbalík! Ang kasalukuyan, iyán ay pararaanín ko sa.... at dadalhín din iyán ng̃ diablo.... Ang hahalili diyán ay malilitó sa bago niyáng tungkulin na hindî makukuhang pumuná ng̃ mg̃a mumuntîng bagay. Akó, ginoo, walâ akóng anomán kundî ang budhî ko lamang, gumágawâ akó ng̃ alinsunod sa aking budhî, ang budhî ko ay nasisiyahán, at walâng kakabukabuluhán sa akin ang hakà ni ganoón ó ni ganitó. Ang aking budhî, ginoo, ang aking budhî!

--Opò, aking General, ng̃unì’t ang bayan....

--Tu, tu, tu, tu! Ang bayan, ¿anó ang mayroon sa akin ng̃ bayan? ¿Nagkaroón bagá akó ng̃ pakikipagkasundùan sa kaniyá? ¿Utang ko ba sa kaniyá ang aking katungkulan? ¿Síya ba ang naghalál sa akin?

Nagkaroon ng̃ muntîng pananahimik. Ang mataas na kawaní’y nakatung̃ó. Pagkatapos, warìng may tinangkâ nang gawín, ay tuming̃alâ, tinitigan ang General at, namumutlâng nang̃ing̃iníg ng̃ kauntì, ay nagsabing pigil ang katigasan:

--¡Walâng kailang̃an, aking General, walâng kailang̃an iyan! Kayó’y hindî inihalál ng̃ bayang pilipino kundî ng̃ España, katwiran pa ng̃â upang pagpakitaan ninyó ng̃ mabuti ang mg̃a pilipino upáng walâng maisisi sa España! Katwiran pa ng̃â, aking General! Sa pagparito ninyó ay nang̃akòng ilalagáy sa katwiran ang pamamahalà, hahanapin ang kabutihan....

--¿At hindî ko ba ginagawâ?--ang tanóng na pabugnót ng̃ General na humakbáng,--¿hindî ko ba sinabi sa inyó na kinukuha ko sa ikabubuti ng̃ isá ang ikabubuti ng̃ lahát? ¿Tuturùan pa ba ninyó akó ng̃ayón? Kung hindî ninyó maliwanagan ang aking mg̃a gawâ ¿anó ang kasalanan ko? ¿Pinipilit ko ba kayóng makihatî sa aking kapanagutan?