# Ang "Filibusterismo" (Karugtóng ng Noli Me Tangere)

## Part 25

Book page: https://www.cyberlibrary.org/tl/books/ang-filibusterismo-karugtong-ng-noli-me-tangere-47629/index.md

--Si Quiroga--ang patuloy ng̃ tagasulat,--ay may isáng daang libong pisong pilak mehikano, sa _bahía_. ¿Papano ang pagpapasok? Hindî maliwag; ginawâ ang mg̃a paskín, na sinamantalá ang usap ng̃ mg̃a nag-aaral, at samantalang ang lahát ng̃ tao’y nagúguló, ¡pum! pinadulasán ang mg̃a kawaní at nakaraan ang mg̃a kaha!

--¡Siya ng̃â, siya ng̃â!--ang bulalás ng̃ mapaniwalâín na sumuntók sa ibabaw ng̃ dulang.--¡Siya ng̃â! Kayâ palá si insík Quiroga...... ¡Kayâ!

At nápahintô dahil sa hindî maalaman kung anó ang sasabihing ukol kay insík Quiroga.

--¿At tayo ang magbabayad ng̃ kaniláng kagagawán?--ang tanóng ni Chichoy na nagagalit.

--¡Ehém, ehém, ehhhém!--ang ubó ng̃ platero na nakáding̃íg ng̃ lumálapít na yabág sa daan.

Tunay ng̃â, ang mg̃a yabág ay lumálapít at nang̃agsihintô ang mang̃a sa loob ng̃ platería.

--Si San Pascual Bailon ay isáng dakilàng banál,--ang sabing malakás na pakunwarîng nagbabanálbanalan ang platero, na kinindatán ang ibá;--si San Pascual Bailon....

Nang sandalîng iyón ay dumung̃aw ang mukhâ ni Plácido Penitente, na kasama ang manggagawâ ng̃ kastillo na ating nakitang tumanggáp ng̃ utos kay Simoun. Linibid ng̃ lahát ang mg̃a bagong datíng at tinanóng ng̃ mg̃a balíbalità.

--Hindî ko nakausap ang mg̃a bilanggô--ang tugón ni Plácido,--may mg̃a tatlóng pû!

--¡Mang̃agsihandâ kayó!--ang dugtóng ng̃ magkakastilló na nakipagsulyapan ng̃ may kahulugán kay Plácido,--sinasabing sa gabíng itó’y magkakaroón ng̃ katakot-takot na pugután......

--¿Ha? ¡Lintík!--ang bulalás ni Chichoy, na luming̃ap ng̃ sandata, ng̃unì’t nang walâng mákita, ay sinunggabán ang kaniyáng tsukoy.

Ang maestro ay umupô; ang kaniyáng mg̃a paá’y nang̃ang̃alóg. Nákinikinitá nang mapaniwalâín na ang ulo niyá’y pugót, at umiíyák na dahil sa mangyayari sa kaniyáng kaanák.

--¡She!--ang sabi ng̃ taga-sulat;--¡hindî magkakaroón ng̃ pugután! Ang taga udyók ng̃--at humudyát ng̃ may kahulugán--ay salamat at may sakít.

--¡Si Simoun!

--¡Ehém, ehém, ehhhém!

Si Plácido at ang magkakastilló ay mulîng nagting̃inan.

--Kung iyán ay hindî nagkasakít....

--Ay gágawâ ng̃ isáng warì’y himagsikan!--ang dugtóng na pawalâng bahalà ng̃ magkakastilló, samantalang idinuduldol ang isáng sigarilyo sa itaás ng̃ tubo ng̃ kinke--at ¿anó ang gagawín natin kung gayón?

--Totohanin na, sapagkâ’t yamang pupugutan na rin lamang tayo......

Ang malakás na ubóng sumasál sa platero ay nakapigil na máding̃íg ang karugtóng ng̃ salitâ. Marahil ay kakilakilabot na bagay ang pinagsabí ni Chichoy, sapagkâ’t umanyông mámamatay at ang mukhâ’y anyông hapón na pápatay ng̃ tao.

--Ang sabihin ninyó’y nagpapakunwarîng may sakit sapagkâ’t natatakot na lumabás! Kapag nákita ko siyá....

Mulîng sinasál ng̃ matindíng ubó ang maestro at natuluyan nang pamanhikán ang lahát na mang̃ag-uwîan.

--Gayón man ay humandâ kayó, humandâ kayó,--ang sabi ng̃ magkakastilló--Kung pipilitin tayo sa pumatáy ó mamatáy....

Isá pang ubó ang sumasál sa kaawàawàng may pagawâan at ang mg̃a manggagawà ay nang̃ag-uwìan sa kaníkaniláng bahay na may daláng pamukpók, bandili at ibá pang kasangkapang maipang-iiwà ó maipamamalò, at humandâng ipaglabang mabuti ang kaniláng buhay. Si Plácido at ang manggagawà ng̃ kastillo ay mulîng nagsialís.

--¡Pag-iing̃at, pag-iing̃at!--ang bilin ng̃ maestro na ang ting̃ig ay warìng sa umiiyak.

--¡Kayó na lamang ang bahalà sa aking balo at mg̃a mauulilang anák!--ang samò ng̃ mapaniwalâin na ang ting̃ig ay lálò pa mandíng baság.

Nakikinikinitá na ng̃ kahabághabág na sa katawán niya’y lusútlusutan ang punlô at nálilibíng na siyá.

Nang gabíng yaón ay pinalitán ng̃ mg̃a artillerong kastilà ang mg̃a tanod sa mg̃a pintô ng̃ loob ng̃ Maynilâ, at nang kinabukasan, ng̃ dumudung̃aw na ang mg̃a unang liwanag, si Ben-Zayb, na nang̃ahás na maglakád upang tingnán ang kalagayan ng̃ mg̃a kutà, ay nakátagpô sa _glacis_ na malapit sa Luneta ng̃ bángkáy ng̃ isáng india na magdadalagá, na, halos hubád at nakabulagtâ roong nag-iisá. Si Ben-Zayb ay nalunusan at matapos na matangkî ng̃ kaniyáng tungkód ang patáy at makating̃ín ng̃ tung̃o sa mg̃a pintô, ay ipinatuloy ang kaniyáng lakad, na iniisip na gumawâ ng̃ isáng mapanimdím na kabuhayan dahil sa pangyayaring yaón. Gayón man, ni isáng pahiwatig man lamang ay walâng lumabás sa mg̃a pahayagan sa mg̃a araw na sumúsunód, na ang inatupag ay ang mg̃a pagkakadapâ’t pagkakadupilas na gawâ ng̃ mg̃a balát ng̃ saging, at, sa dahiláng walâng maibalità, si Ben-Zayb man ay nagpakaluritlurit sa pagsasalaysáy ng̃ isáng dumaang bagyó sa Amérika, na sumirà sa mg̃a bayan at nakamatáy ng̃ mahigít sa dalawáng libo katao. Kasama ng̃ iláng pasarìng ay sinabi niyang:

“Ang pagkamahabagin, NA LALONG BUHAY SA MAÑGA BAYANG KATÓLIKO KAY SA IBANG BAYAN, at ang alaala Niyong sa udyók din noon ay naghirap dahil sa _sangkatauhan_, sa amin ay _nagpakilos_ (sic) sa pagkahabág sa mañga kasawian nang ating kapuwa at idalañgin upang _sa lupaing_ itó, na salantangsalanta sa mañga bagyó, ay huwag maulit ang mañga kasakitsakit na pangyayaring napagmasdán nang mañga naninirahan sa Estados Unidos.”

Hindî pinaraan ni _Horatius_ ang pagkakátaón at hindî rin tinukoy ang mg̃a patáy, ni ang kaawàawàng indiang inutás, ni ang mg̃a kapaslang̃án, ay sinagót si Ben-Zayb sa kaniyang _Pirotecnia_ ng̃:

“Matapos ang gayong karaming pagkahabág at pagliñgap sa katauhan, si Fray Ibañez, itóng, si Ben-Zayb, ay nanirá sa pagdalañging patungkol sa Pilipinas.

Ñguni’t maaaninawan ang gayón.

Sapagka’t hindi siya katóliko at ang pagkamahabagin ay lalong buháy, at ibp.”

XXIX

MANG̃A HULÍNG SALITANG UKOL KAY KAPITANG TIAGO

Talis vita finis ita.

Si kapitang Tiago ay nagkaroón ng̃ mabuting hanggá, itó ng̃â, nagkaroón ng̃ mainam na libíng. Tunay ng̃â na ipinaalaala kay P. Irene ng̃ kura sa _parroquia_ na si kapitang Tiago ay namatáy nang hindî nagkukumpisál, ng̃unì’t ang mabuting parì, samantalang nakang̃itî nang palibák, ay hinimas ang kaniyáng ilóng at sumagót na:

--Báh ¡akó ba namán ang paglalakùán! kung ating ipagkákaít ang _exequias_ sa mg̃a namamatáy ng̃ hindî nagkukumpisal, ay malilimutan natin ang _De profundis_! Ang mg̃a kahigpitang iyán, gaya ng̃ inyóng pagkabatíd na mabuti, ay pinaiiral lamang kapag ang hindî nakapagkumpisál ay walâng ibabayad, ng̃unì’t ¡kay kapitáng Tiago!... ¡Bah! kung sampû ng̃ mg̃a insík na hindî binyagan ay inilibíng ninyó ng̃ may _misa de requiem_!

Si P. Irene ang inihalál ni kapitáng Tiago na kaniyáng _albacea_ at gáganáp ng̃ kaniyáng mg̃a habilin, at iniíwan ang bahagi ng̃ kaniyáng kayamanan sa Sta. Clara, ang bahagi ay sa Papa, sa Arsobispo, sa mg̃a Corporaciones, at nag-iwan ng̃ dalawáng pûng piso upang ipagbayad ng̃ _matrícula_ ng̃ mg̃a nag-aaral na marálitâ. Ang hulíng habiling itó’y ipinatalâ sa udyók ni P. Irene dahil sa pagkamapag-ampón nitó sa kabatàang masipag sa pag-aaral. Pinawalâng bisà ni kapitang Tiago ang pamanang dalawáng pû’t limáng piso na iniiwan niyá kay Basilio, dahil sa masamâng inugalì ng̃ binatà nang mg̃a hulíng araw, ng̃unì’t pinairal din ni P. Irene ang habilin at sinabing kukunin niyá ang halagáng iyón at dádalhín ng̃ kaniyáng bulsá at ng̃ kaniyáng budhî.

Sa bahay ng̃ namatáy na dinaluhán kinábukasan ng̃ mg̃a dating kakilala at mg̃a kaibigan, ay pinag-uusapang mátikabó ang isáng himalâ. Sinasabing noong oras nang paghihing̃alô ay napakita sa mg̃a mongha ang kaluluwá ni kapitang Tiago na libíd ng̃ maningníng na liwanag. Iniligtás ng̃ Dios ang kaluluwá, dahil sa karamihan ng̃ pamisang ipinagawâ at sa mg̃a pamanang iniwan sa mg̃a simbahan. Ang balità’y pinag-uusapan, inilálarawan, nagkákaroón ng̃ ayos at walâng isá mang nag-aalinlang̃an sa bagay na iyón. Isinásaysáy ang suót ni kapitang Tiago, na gaya ng̃ mahihinalà, ay ang prak, ang pisng̃í’y nakaumbók dahil sa sapá ng̃ hitsó, hindî nalimot ang kuakong panghitít ng̃ apian at ang manók na sasabung̃ín. Ang _sacristán mayor_ na kalahók sa umpukan ay nagpapatotoong walâng kaping̃asping̃as sa tulong ng̃ tang̃ô ng̃ ulo, at iniisip na, pagkamatáy niya, ay pakikita namáng dalá ang tasa ng̃ tahúng putî, sapagkâ’t, kung walâ ang pang-agahang iyon, ay hindî niya maunawà ang kaligayahan ni sa lang̃it ni sa lupà. Tungkól sa bagay na itó, at dahil sa hindî mapag-usapan ang mg̃a nangyari ng̃ kináhapunan at sa dahiláng mayroon doong mg̃a tahor, ay maiinam na hakàhakà ang nábabanggít, pinagkukuròkurò kung hahamunin ó hindî ni kapitang Tiago si S. Pedro upang silá’y magdaos ng̃ isáng _soltada_, kung magpupustahan, kung ang mg̃a manók ay pawàng walâng pagkamatáy, kung hindî tátalabán ng̃ iwà, at kung mangyari ang gayón, ay sino kayâ ang magiging _sentenciador_, sino ang mananalo, at ibp., mg̃a pagtatalong kinalulugdán ng̃ mg̃a nagtatatág ng̃ karunung̃an, mg̃a paghahakà, mg̃a paraang nábabatay sa isáng aklát na inaakalàng walâng kamalían, na ipinahayag ng̃ Dios sa kaniyáng kabig ó nauukol sa batayáng nagiging kautusán. Bumábanggít pa ng̃ mg̃a bahagi ng̃ nobena, ng̃ mg̃a aklát na ukol sa mg̃a kababalaghán, sabi ng̃ mg̃a kura, kalagayan ng̃ lang̃it at iba pang mg̃a bagaybagay na ukol din doon. Si D. Primitivo, ang pilósopo, ay galák na galák sa pagtutukóy niya ng̃ mg̃a hakà ng̃ mg̃a teólogo.

--Sapagkâ’t ang sinoman sa kanilá’y hindî mangyayaring matatalo,--ang sabing may lubós na pagkatahô;--ang pagkatalo’y nagbibigáy ng̃ samâ ng̃ loob at sa kalang̃itán ay hindî mangyayaring magkaroon ng̃ samàan ng̃ loob.

--Ng̃unì’t ang isá’y sápilitáng mananalo,--ang paklí ng̃ tahur na si Aristorenas,--ang inam ay nasa pananalo!

--Kapuwâ mananalo!

Iyong kapuwâ mananalo ay hindî matanggáp ni Martin Aristorenas, siya, na ang boông buhay ay dinaan sa sabung̃án at kailan ma’y kaniyáng nákita na ang isáng manók ay nananalo at ang isá’y natatalo; kung bagá mán ay magtablá na lamang ang nangyayari. Walâng náhitâ si D. Primitivo sa kálalatín, si Martin Aristorenas ay nag-iíilíng, gayóng ang latín ni D. Primitivo ay madalîng máwatasan: sinasabi niyáng: _an gallus talisainus, acuto ~tarì~ armatus, an gallus beati Petri bulikus sasabung̃us sit_ at ibp., hanggáng sa ginamit na tulóy ang pang̃ang̃atwiran nang marami kung ibig magpatigil at magpapanalig.

--Magkakasala ka, kaibigang Martín, mahuhulog ka sa isáng erehía! _Cave ne cadas!_ Hindî na akó makikipagmonte sa iyo! ¡Hindì na tayo magkakabakas! Hindî mo pinanánaligan ang kapangyarihan ng̃ Dios, _peccatum mortale_! Hindî mo pinaniniwalàan ang katunayan ng̃ Santísima Trinidad: ang tatló ay isá at ang isá ay tatló! ¡Dahandahan ka! ¡Hindî mo pinaniniwalàan warì na ang dalawáng katawán, dalawáng pag-iisip at dalawáng kalooban ay mangyayaring magkaroon ng̃ íisáng alaala lamang! ¡Dahandahan ka! _Quicumque non crederit, anathema sit!_

Si Martin Aristorenas ay nang̃untîng namumutlâ’t nang̃ing̃iníg, at si insík Quiroga na nakáding̃íg na buô sa pang̃ang̃atwiran, ay dinulutan ng̃ boóng galang ang pilósopo ng̃ isáng mabuting tabako at tinanóng ng̃ masuyò:

--Sigulo, puele akieng kontalata itóng aliendo sabong sa Kilisto, ha? Pag akó pagtáylo, akieng kontalatista, ha?

Sa ibáng pulutóng ang lalòng mahabàng salitàán ay ukol sa patáy; ang pinagtatalunan ay ang damít na isusuót sa bangkáy. Ipinalagáy ni kapitáng Tinong na damít pransiskano ang isuót; mayroón pa namán siyáng isá, lumà, sirâsirâ at takpî takpî, mainam na kasangkapan na, alinsunod sa patunay ng̃ prayle na pinaglimusán niyá sa halagáng tatlóng pû’t anim na piso, nakapagliligtás sa bangkáy sa apóy ng̃ inpierno, at nagsalaysáy ng̃ makapagpapatibay na mg̃a banál na pangyayaring hang̃ò sa mg̃a aklát na ikinákalát ng̃ mg̃a kura. Kahì’t pinakamamahal ni kapitang Tinong ang labíng iyon, ay laan siyáng ipagkaloob sa kaniyang matalik na kaibigang hindî niya nádalaw sa boong pagkakasakít. Ng̃unì’t ipinaklí ng̃ isáng sastré na yamang nákita ng̃ mg̃a mongha si kapitang Tiago na naka prak na umaakyát sa lang̃it, ay dapat suotan ng̃ prak at hindî kailang̃an ang mg̃a pananggól at mg̃a kasuutang hindî tatagusán: nagpaprak kung tumutung̃o sa isáng sáyawan, sa isáng pistá, at hindî maaasahang hindî gayón dín ang mátatagpûan niya sa kaitaasan.... at ¡tingnán! nagkátaón pa namáng mayroon siyáng isáng yarì, na maibibigáy niya sa halagáng tatlóng pû’t dalawáng piso, apat na piso ang kamurahan kay sa ábitong pransiskano, sapagkâ’t ayaw niyang pagtubùan si kapitáng Tiago: nagíng sukî niya noong buháy at ng̃ayón ay magiging pintakasi niya sa kalang̃itán! Ng̃unì’t si P. Irene na albasea at siyáng magpapatupád sa náuutos sa testamento ay sumalansáng sa dalawáng palagáy at ipinag-utos na bihisan ang bangkáy ng̃ alin man sa matatandâ niyang damít, at sinabing na tagláy ang anyông pagkabanál, na hindî tinítingnán ng̃ Dios ang bihis.

Ang mg̃a _exequias_ ng̃â ay ginawâ ng̃ boông ding̃al. Nagkaroón ng̃ _responso_ sa bahay, sa daan, tatlóng prayle ang gumawâ na warìng ang íisa’y hindî makakaya sa káluluwáng yaón, ginawâng lahát ng̃ _rito_ at mg̃a _ceremonias_ na magágawâ, at nábalitàng gumawâ pa ng̃ ibá, nagkaroón ng̃ _extra_ na gaya sa mg̃a tang̃ìng palabás dulàang ukol sa kapakinabang̃án ng̃ isáng tao. Yaón ang nagíng kaigáigaya: maraming kamanyáng ang sinunog, maraming awit sa wikàng latín, nag-aksayá ng̃ maraming agua bendita: alangalang sa kaniyáng kaibigan ay inawit ni P. Irene, sa coro, ang _Dies iræ_ na ang boses ay pahumál; at sumakít ang ulo ng̃ mg̃a nálalapít dahil sa kátutugtog ng̃ plegaria.

Si aling Patrocinio, ang dating katunggalî ni kapitáng Tiago sa pagkamasambahin, ay tunay na tunay na nagnasàng mamatáy namán sa kinabukasan upang makapagpagawâ ng̃ mg̃a exequias na lalò pang malakí kay sa roon. Ang maawâíng matandâ’y hindî makatiis, na iyong inaakalà niyáng talong talo na niyá ay magbang̃on ng̃ boông karang̃alan, sa pagkamatáy. Oo ninanasàng mamatáy siyá at warìng nádiding̃íg na niya ang mg̃a pabulalás ng̃ mg̃a taong nanonood ng̃ responso, na nagsasabing:

--¡Itó ang libíng! ganiyan ang marunong mamatáy, aling Patrocinio.

XXX

HULI

Ang pagkamatáy ni kapitáng Tiago at ang pagkakahuli kay Basilio ay napag-alamán kaagád sa lalawigan, at alang-alang sa ikadadang̃ál ng̃ mg̃a mapapayapàng tagá San Diego ay sasabihin naming dinamdám pa nang higít ang hulí at siyá lamang halos ang napag-usapan. At gaya ng̃ maaantáy, ang balità’y nagkaroon ng̃ ibá’t ibáng ayos, may nagbigáy ng̃ mg̃a pangyayaring malungkót, kakilakilabot, ipinaliwanag ang hindî nalilinawan, ang mg̃a patláng ay pinunán ng̃ mg̃a hakàhakà, ang mg̃a itó’y nagíng parang tunay na nangyari at ang multóng sumipót sa gayón ay nakatakot na, sampû sa mg̃a tunay na may likhâ.

Sa bayan ng̃ Tiani ay nabalità na batàng batá na sa kaniya ang mapatapon at marahíl ay patayín sa paglalakbáy na tung̃o sa tatapunán. Ang mg̃a matatakutín at mapaghinalà ng̃ masamâ ay hindî pa nasisiyahán sa gayón at pinag-uusapan ang mg̃a bitayán at mg̃a hukumang kawal; ang Enero ay isáng masamâng buan, Enero nang mangyari ang guló sa Kabite, at _ang mg̃a taong iyón_, gayóng mg̃a parì na, ay nang̃abitay; kayâ’t ang isáng marálitâng kagaya ni Basilio na walâng sukat mag-ampón at walâng mg̃a kakilala....

--¡Sinasabi ko na!--ang buntóng hining̃á ng̃ Hukom pamayapà na warìng minsan man lamang ay nabigyán niya ng̃ isáng payo si Basilio--sinasabi ko ná....

--¡Sadyâng ganiyán ang maaantáy!--ang dugtóng ni hermana Penchang--pumapasok sa simbahan at kapág nakitang marumí ng̃ kauntî ang agua bendita ay hindî na nag-aantandâ! May sinasabing mg̃a mumuntîng hayop at mg̃a sakít, abá, parusa ng̃ Dios! ¡Nararapat iyon sa kaniyá! Warì bagáng ang agua bendita ay mangyayaring makapagpahawa ng̃ mg̃a sakít! Lubhâ pa ng̃âng kaibá, abá.

At ibinuhay ang kaniyáng paggalíng sa isáng pagkasirà ng̃ tiyan sa paglalagáy lamang ng̃ agua bendita sa pusod, na sabáy sa pagdadasál ng̃ _Sanctus Deus_, at inihahatol ang kagamutan sa mg̃a kaharáp, kapag nang̃agkasakít ng̃ iti ó kabag ó kung may salot, datapwâ’y kailang̃ang dasalín lamang kung gayón sa wikàng kastilà:

Santo Dios Santo fuerte Santo inmortal, Líbranos Señor de la peste Y de todo mal.

--Ang kagamutan ay walâng pagkasirà, ng̃unì’t lalagyán ng̃ agua bendita ang dakong masakít ó may damdám,--aniyá.

Datapuwâ’y marami sa mg̃a lalaki ang hindî naniniwalà sa mg̃a bagay na itó, ni hindî ipinalalagáy na parusa ng̃ Dios ang pagkakabilanggô ni Basilio. Hindî rin nang̃aniniwalà sa mg̃a panghihimagsík at mg̃a paskín, sa pagkakilala sa ugalìng ibayo pa ng̃ pagkamapayapà at pagkamaing̃at ng̃ nag-aaral, at minagalíng pang iambíl ang gayón sa mg̃a paghihigantí ng̃ mg̃a prayle, dahil sa pagkakátubós sa pagkaalilà, kay Hulî, na anák ng̃ tulisáng mahigpít na kalaban ng̃ isáng malakás na _corporación_. At sa dahiláng may masamâ siláng pagkákilala sa mg̃a kaugalìan ng̃ korpórasióng iyon at naaalaala ang mg̃a abâng paghihigantí, ay ipinalagáy, na, ang mg̃a hulòhulòng iyon ay siyang malapitlapít na nangyari at siyáng mapaniniwalàan.

--¡Mabuti ng̃â ang nágawâ kong pinalayas sa aking bahay ang babai!--ang sabi ni hermana Penchang--ayokong makipagsirâ sa mg̃a prayle, kayâ’t pinagmadalî kong humanap ng̃ salapî.

Ang katotohanan ay dinamdám niya ang pag-layà ni Hulî; inaakò siya ni Hulî sa pagdadasál at pag-aayuno, at kung lumagì pa ng̃ mahabâhabâng panahón ay marahil nagdigala ng̃ dahil sa kaniyá. ¿Bakit, kung ang mg̃a kura ay nagdádasál ng̃ patungkol sa atin at si Kristo ay namatáy dahil sa ating mg̃a kasalanan, bakit hindî makagagawâ ng̃ gayon din si Hulî na patungkol kay hermana Penchang?

Nang ang balità’y nakasapit sa kubong tinitirahan ni Hulî at nang kaniyáng lelong, ay nang̃ailang̃an ang dalaga na uliting makálawa ang balità. Tiningnán si hermana Balî, na siyang nagbabalità, na warìng hindî maliwanagan ang sinasabi, hindî mapagtuwíd ang kaniyáng pagkukurò; naghumugong ang kaniyáng mg̃a taing̃a, nagkaramdám ng̃ pagsisikíp ng̃ pusò at nagtagláy ng̃ isáng kutób ng̃ kalooban, na ang pangyayaring yaón ay makapagbibigay hapis sa kabuhayan niyáng sásapítin. Gayon ma’y tinangkâng manang̃an sa isáng banaag ng̃ pag-asa, ng̃umitî, inakalàng binibirò siyá ni hermana Balî ng̃ isáng masamâng birò, ng̃unì’t dî pa man ay ipinatatawad na niyá kung sasabihing birò ng̃â, ng̃unì’t pinagkurús ni hermana Balî ang kaniyáng hinglalakí’t hintuturò at hinagkán, sa katunayang totoo ang kaniyáng sinasabi. Sa gayón ay nawalâ na ang ng̃itî sa labì ng̃ dalaga, namutlâ, maputlâng maputlâ, naramdamáng nawalán siyá ng̃ lakás at, noon lamang nangyari sa boô niyang buhay, nawalán ng̃ diwàng tuminbuang.

Nang sa káhahampás, kákukurót, wisík ng̃ tubig, mg̃a krús at paglalagáy ng̃ mg̃a palaspás na benendita ay pinagsaulán ang dalaga at napag-unawà ang kaniyáng kalagayan ay piping bumalong sa kaniyáng mg̃a matá ang luhà, sunód sunód ang paták, walâng hibík, walâng panaghóy, walâng daíng! Inaalaala niyá si Basilio na walâng ibáng tagapag-ampón kung dî si kapitáng Tiago, at sa pagkamatáy nitó, ay lubós nang nawalán ng̃ kandili at kalayàan. Batid nang sa Pilipinas ay kailang̃an ang ninong sa lahát ng̃ bagay, mulâ sa araw na binibinyagán ang isáng tao hanggáng sa mamatáy, sa pagtatamó ng̃ katwiran, sa pagkuha ng̃ isáng katibayan sa paglalakbáy ó upang magawâ ang isáng paghahanap-buhay. At sa dahiláng sinasabing ang pagkakábilanggông yaón ay alinsunod sa mg̃a paghihigantí ng̃ dahil sa kaniyá at sa kaniyáng amá, ang kalungkutan ng̃ binibini ay nagíng isáng paghihinagpís. Ng̃ayón ay siyá namán ang nárarapat na magligtás, gaya ng̃ ginawâ ng̃ lalaki ng̃ siya’y alisín sa pagkaalilà, at ang isáng boses na lihim ang nag-uudyók sa kaniyá ng̃ gagawín at naghahain sa kaniyáng pag-iisip ng̃ isáng kakilakilabot na paraan.

--¡Si P. Camorra, ang kura!--ang sabi ng̃ boses.

Si Hulî’y nápapakagát labì at nahuhulog sa isáng malamlám na pag-iisíp.

Dahil sa pagkakasala ng̃ kaniyáng amá ay dinakíp ang lelong, sa pag-asang sa gayóng paraan ay lilitáw ang anák. Ang tang̃ìng nakapagbigáy ng̃ kalayàan ay si P. Camorra, at si P. Camorra ay nagpakilala ng̃ dî kasiyahang loob sa mg̃a pasasalamat at sa pamag-itan ng̃ kaniyáng karaniwang ugalìng tiyakan kung magsalitâ ay huming̃î ng̃ mg̃a paghahandóg.... Mulâ noon ay iniwasan ni Hulî ang siya’y mákatagpô, ng̃unì’t pinahahalík siya ng̃ kamáy ng̃ parì, hinihipò siya sa ilóng, sa pisng̃í, biníbirò siyáng may mg̃a kindát at tumatawa, tumatawang siya’y kinúkurot. Si Hulî ang sanhî ng̃ pagkakabugbóg ng̃ mabuting kura sa iláng bìnatà na naglilibót sa nayon at nanánapatan sa mg̃a dalaga. Ang mg̃a mapaghinalà, kung nakikita siyáng nagdáraan na walâng kaimík-imík at nakatung̃ó, ay nagsasabing ipinadíding̃íg sa kaniyá:

--¡Kung iibígin, ay magtatamóng kapatawarán si kabisang Tales!

Ang binibini’y dumáratíng na malungkót sa kaniyáng bahay at susuling suling ang matá.

Malakí ang ipinagbago ni Hulî; nawalâ ang kaniyáng kasayahan, walâng nakakitang siya’y ng̃umitî, bahagyâ ng̃ magsalitâ at warì mandíng nang̃ang̃ambáng malasin ang mukhâ niyáng sarili. Minsan ay nakita siya sa bayan na may malakíng guhit na uling sa noo, siya, na palagìng maayos at mahusay ang gayák kung lumakad. Minsan ay itinanóng kay hermana Balî kung nátutung̃o sa impierno ang mg̃a nagpapatiwakál.

--Walâng sala!--ang tugón ng̃ babai, at isinalaysáy ang poók na iyón na warìng siyá’y galing doón.

Dahil sa pagkakábilanggô ni Basilio, ang mg̃a dukhâ’t marunong luming̃ap na mg̃a kaanak ay gumawâ ng̃ lahát ng̃ magagawâ upang máiligtás ang binatà; ng̃unì’t sa dahiláng siláng lahát ay hindî pa makabuô ng̃ tatlóng pûng piso, ay si hermana Balî, gaya rin ng̃ dati, ang siyáng nagkaroón ng̃ lalòng mabuting akalà.

--Ang dapat nating gawín ay ang huming̃îng sanggunì sa taga-sulat,--aniyá.

Sa mg̃a abâng taong iyón, ang taga-sulat sa tribunal ay siyáng oráculo sa Delfos ng̃ matatandâng griego.

--Bigyán lamang ng̃ sikapat at sakâ isáng tabako,--ang dugtóng--ay sasabihin pa sa iyo ang lahát ng̃ batás na magpapalakí ng̃ ulo mo sa pagding̃íg sa kaniyá. Pag mayroón kang piso ay maililigtás ka kahì’t nasa sa paanán ka ng̃ bibitayán. Nang ipasok sa bilanggùán ang kapit bahay kong si Simón at hinagupít ng̃ palò, dahil sa hindî nakapagpahayag ng̃ ukol sa isáng nakawáng nangyari sa malapit sa kaniyáng bahay, abá ¡sa halagáng kahatì’t sikolo lamang at isáng balukay na bawang, ay nakuha siya ng̃ taga-sulat! At nákita ko si Simón na babahagyâ nang makalakad at náhigâng isáng buang mahigít. ¡Ay! nabulók ang pigî, abâ ¡at namatáy dahil doón!

Ang payo ni hermana Balî ay tinanggáp at siyá na ang nakipag-usap sa taga-sulat; binigyán siyá ni Hulî ng̃ isáng salapî at dinagdagán pa ng̃ iláng putol na pindáng na usá na náhuli ng̃ lelong. Mulî na namáng inatupag ni tandâng Selo ang pang̃ang̃aso.

Ng̃unì’t walâng magawâ ang taga-sulat; ang bilanggô ay nasa Maynilâ at hindî umaabot doón ang kaniyáng lakás.

--¡Kung nasa sa kabesera man lamang, maná pa!..--ang sabi na ipinagpaparangyâ ang kaniyáng kaya.

Lubós na batíd ng̃ tagasulat na ang kaniyáng lakás ay hindî lumalampás sa mg̃a hanggahan ng̃ Tianì, ng̃unì’t kailang̃an niya ang huwag masirà ang pananalig sa kaniyá at upang maiwan ang pindáng na usá.

--Ng̃unì’t mabibigyán ko kayó ng̃ isáng mabuting payo, na dìlì ibá kundî ang pumaroón kayóng dalawá ni Hulî sa Hukom pamayapà. Kailang̃ang pumaroón si Hulî.

Ang Hukom pamayapà ay isáng taong pabugál-bugál, ng̃unì’t kung makikita si Hulî marahil ay mapipigil ng̃ kauntì ang dating ugalì: náriritó ang katalinuhan ng̃ payo.

Pinakinggáng walâng kaping̃asping̃as sa tigás ng̃ ginoong Hukóm si hermana Balî, na siyáng nagsasalitâ, na maminsanminsan ay tinitingnán ang dalagang nakatung̃ó at hiyâng hiyâ. Masasabí na lamang ng̃ tao na malakí ang pagling̃ap niya kay Basilio, hindî naáalala ng̃ mg̃a tao ang kaniyáng utang na loob at na ang sanhî ng̃ pagkakábilanggông iyon, ayon sa balità, ay dahil sa kaniya.

Matapos makadigháy ng̃ makáitló ó makaapat, sapagkâ’t may masamâng ugalìng itó ang ginoong Hukóm, ay nagsabing ang tang̃ìng makapagliligtás kay Basilio ay si P. Camorra, _kung íibigin niya_--at tiningnán ng̃ may makahulugáng títig ang binibini.--Itó’y pinápayuhan niyáng makípag-usap sa kura.

--Alám na ninyó ang kaniyáng lakás; nakuha sa pagkakábilanggô ang inyóng nunò.... Sukat na ang isáng salítâ niya upang mapasa tatapunán ang isáng batàng bagong pang̃anák ó máligtas sa kamatayan ang isáng binitay.

