Ang "Filibusterismo" (Karugtóng ng Noli Me Tangere)

Part 24

Chapter 24 3,872 words Public domain Markdown

--¡Oh, hindî, hindî iyan ang ibig kong sabihin! Ibig kong sabihin, na may mg̃a paniniwalà, may mg̃a palagáy at mg̃a kautusán na inilalagdâ ng̃ mabuti ang layon ng̃unì’t mg̃a kasakitsakit ang iniaanák. Ipaliliwanag kong lalòng mabuti sa pagbanggít ng̃ isáng halimbawà. Upang pigilin ang isáng muntîng kasamâán, ay naglalagdâ ng̃ maraming kautusán na nagiging sanhî ng̃ lalò pang maraming kasamâán: _corruptíssima in republica plurimæ leges_, ang sabi ni Tácito. Upang iwasan ang isáng pagdarayà, ay naglalagdâ ng̃ isáng ang̃aw ang̃aw at kalahatì na kapasiyahang nagbabawal at nakadudustâ, na ang iniaanák kaagád ay ang gising̃in ang bayan upang iwasan at linlang̃ín ang mg̃a tinurang pagbabawal: upang gawíng makasalanan ang isáng bayan ay walâng mabuting paraan na dî gaya ng̃ pag-alinlang̃anan ang kaniyáng kabaitan. Lumagdâ ng̃ isáng kautusán, huwag na rito kundî sa España, at tingnán ninyó kundî pag-aaralan ang paraan ng̃ paglinláng sa kaniyá, ang gayó’y sapagkâ’t nalimot ng̃ mg̃a gumágawâ ng̃ kautusán ang pangyayari na samantalàng ipinagkakatagòtagò ang isáng bagay ay lalò namáng pinagnanasàang makita. ¿Bakit ang masamâng gawâ at katalasan ay inaaarìng malakíng sangkáp ng̃ bayang kastilà gayóng walâ siyang mákakapantáy kung sa pagkamahál na tao, sa pagkamapagmataás at sa pagkamahaldika? Sapagkâ’t ang tagalagdâ namin ng̃ kautusán, sa loob ng̃ lalòng mabuting adhikâ, ay nang̃ag-alinlang̃an sa kaniyáng pagkamahál, sinugatan ang kaniyáng kataasan at hinamon ang kaniyáng pagkamahaldika! ¿Ibig ninyóng gumawâ sa España ng̃ isáng daanan sa gitnâ ng̃ mg̃a talampás? Kung gayó’y lagyán ninyó doon ng̃ isáng babalâng magahasà na ipinagbabawal ang magdaan, at iiwan ng̃ bayan, na tumututol sa pagbabawal, ang daanan upang mang̃unyapít sa mg̃a bató. Sa araw na ipagbáwal sa España ang kabaitan, ng̃ isáng manggagawà ng̃ kautusán, at ipaganáp na sápilitan ang kasamâan, sa kinábukasan ay mabait na lahát ang tao!

Humintô ang dominiko, at pagkatapos ay nagpatuloy:

--Ng̃unì’t masasabi ninyóng lumálayò tayo sa salitâan; magbabalík akó.... Ang masasabi ko upang kayó’y maniwalà, ay, na ang kasiràang tinátaglay ninyó ay hindî nararapat na ibintáng sa amin ni sa pamahalàan; iyan ay nasa sa dî wastóng pagkakatatag ng̃ aming kapisanan, _qui multum probat, nihil probat_, na nasasawî sa kahigitán sa pag-iing̃at, kakulang̃án sa kailang̃an at lampás doon sa kalabisán.

--Kung kiníkilala ninyó ang mg̃a kasiràang iyan ng̃ _inyong_ kapisanan,--ang tugón ni Isagani,--¿bakit nanghihimasok sa pag-aayos ng̃ kapisanan ng̃ ibá at hindî ang unahin ay ang sarili muna?

--Nápapalayô tayo sa ating salitàan, binatà; ang kaparaanang pagsang-ayon sa mg̃a bagay na nangyari na ay dapat tanggapin....

--¡Kahi’t na! tinátanggáp ko, sapagkâ’t isá ng̃ nangyari at patuloy akó sa pagtatanóng: ¿bakit, kung ang pagkakatatag ng̃ inyóng kapisanan ay may kasiràan, ay hindî ninyó palitán ó kayâ’y dinggín man lamang ang ting̃ig ng̃ mg̃a napipinsalàan?

--Nálalayô pa rin tayo: ang pinagsasalitàan natin ay kung anó ang nasà ng̃ mg̃a nag-aaral sa mg̃a prayle....

--Sapol sa sandalîng ang mg̃a prayle ay nagkakanlóng sa likód ng̃ pamahalâan ay itó na ang tutung̃uhin ng̃ mg̃a nag-aaral.

Ang paklí ay makatwiran; sa dakong iyon ay walâng lúlusután.

--Hindî akó ang pamahalàan at hindî ko masasagután ang kaniyáng mg̃a kilos. ¿Anó ang nasà ng̃ mg̃a nag-aaral na gawín namin, alang-alang sa kanilá, sa loób ng̃ hangganang aming kinalalagyán?

--Huwag humadláng sa kalayàan ng̃ pag-aaral, kundî tumulong pa ng̃â.

Inilíng ng̃ dominiko ang ulo.

--Kahì’t hindî ko tuturan ang sarili kong pagkukurò, iyán ay paghilíng sa aming kamí’y magpatiwakál,--ang sabi.

--Hindî pô, kung dî bagkús na ibá, iyan ay paghing̃îng kamí’y paraanin upang huwag kayóng masagasà at madurog.

--¡Hm!--ang sabi ni P. Fernández na humintô at nag-isíp--Simulán ninyó sa paghing̃î ng̃ bagay na hindî gayón kabigát, isáng bagay na maaarìng itulot ng̃ bawà’t isá sa amin na hindî ikasisirà ng̃ karang̃alan at mg̃a karapatáng tagláy, sapagkâ’t kung mangyayaring tayo’y magkalinaw at mamuhay ng̃ payapà ¿anó’t magkakagalít, anó’t maghihinalàan?

--Kung gayón ay tutung̃o tayo sa pagtukoy sa mg̃a kasanhîan....

--Oo, sapagkâ’t kung tatangkîín natin ang kinatitirikan ay maiguguhô natin ang bahay.

--Tung̃uhin natin ang mg̃a kasanhîan kung gayón, iwan natin ang kinalalagyán ng̃ mg̃a batayán ng̃ katwiran; at _hindi rin sasabihin ang sarili kong pagkukuro_--at dito’y idiniín ng̃ binatà ang salitâ--maghuhumpáy ang mg̃a nag-aaral sa kaniláng inaayos at mapapawì ang iláng kapaitan kung ang mg̃a nagtuturò ay mátututong pagpakitaan silá ng̃ mabuti kay sa ipinakikita hanggáng sa ng̃ayón.... Itó’y nasa sa inyóng mg̃a kamáy.

--¿Anó?--ang tanóng ng̃ dominiko--¿mayroon bagáng anománg daíng sa aking inúugalì ang mg̃a nag-aaral?

--Padre, sa simulâ pa’y nagkásundô tayong hindî tútukuyin ni akó ni kayó. Nag-uusap tayo ng̃ pangkalahatán: bukód sa walâng nápapalâ ang mg̃a nag-aaral sa mg̃a taóng dinádaán sa mg̃a klase, ay madalás pang iwan doon ang bahagi ng̃ kaniláng karang̃alan, kungdî man ang lahát.

Kinagát ni P. Fernandez ang kaniyáng labì.

--Walâng pumipilit sa kaniláng mag-aral; ang mg̃a bukirín ay hindî natatamnán--ang matigás na sagót.

--Oo, may bagay na pumipilit sa kaniláng mag-aral,--ang tugón, na gayón din ang ayos ni Isagani, na pinakaharápharáp ang dominiko.--Bukód sa katungkulan ng̃ bawà’t isá na hanapin ang kaniyáng ikawawastô, ay may isáng likás na nasà ang tao na patalasin ang kaniyáng pag-iisip, pagnanasàng lalòng masidhî dito sa dahiláng lubhâng pinipigil; at ang nagbíbigáy ng̃ kaniyáng salapî at buhay sa pamahalàan ay may karapatáng hing̃ín dito na bigyán siya ng̃ liwanag upang kitaing lalòng mabuti ang kaniyáng salapî at maing̃atang lalò ang kaniyáng buhay. Opò, Padre; may bagay na pumipilit sa kanilá, at ang bagay na iyan ay ang pamahalàan din, kayó ring kumukutyâng walâng habág sa indio na hindî nag-aral at ipinagkákaít ang kaniláng karapatán, sa pananang̃an sa sanhîng silá’y mangmáng. ¡Hinúhubarán ninyó silá at pagkatapos ay kinúkutyâ ang kaniláng ikahíhiyâ!

Si P. Fernandez ay hindî sumagót; nagpatuloy sa pagyayao’t dito, ng̃unì’t hindî mápalagáy na warìng nagugulumihanan.

--¡Sinasabi ninyóng ang mg̃a bukirín ay hindî nátatamnán!--ang patuloy ni Isagani na ibá na ang ayos, makaraán ang isáng sandalîng pananahimik--huwág tayong pumasok ng̃ayón sa pagsurì ng̃ kadahilanan, sapagkâ’t mápapalayô tayo sa pinag-uusapan; ng̃unì’t kayó P. Fernandez, kayó, gurô, kayó, taong may karunung̃an, ibig ninyó ang isáng bayan ng̃ mg̃a manananim, ng̃ mg̃a magsasaká! ¿Sa ganáng inyó bagá’y ang pagkamangsasaká na lamang ang kalagayang lalòng wastông maaabót ng̃ tao sa kaniyáng pagsulong? ¿O ibig ninyóng mapainyó ang karunung̃an at mapasá ibá ang paggawâ?

--Hindî, ibig kong ang karunung̃an ay taglayín noóng dapat magtagláy, noóng makapag-iing̃at sa kaniyá,--ang sagót,--kapag nagpakita ang mg̃a nag-aaral ng̃ katibayan ng̃ pag-ibig sa kaniyá; kapag nagkaroón na ng̃ mg̃a binatàng may pananalig, mg̃a binatàng marunong magtanggól sa kaniyáng karang̃alan at maipagalang itó, ay magkakaroón ng̃ karunung̃an, magkakaroón na ng̃ mg̃a gurông may pagling̃ap! ¡Kung may mg̃a gurông namamasláng ay sa dahiláng may mg̃a tinuturùang umaalinsunod!

--¡Kapag nagkaroón ng̃ mg̃a gurô ay magkakaroón ng̃ mg̃a nag-aaral!

--Kayó ang magpauna sa pagbabagong ayos, sapagkâ’t kayó ang nang̃ang̃ailang̃an ng̃ pagbabago, at kamí’y súsunód.

--Siyá ng̃â,--ang sabi ni Isagani na malungkót ang ng̃itî,--¡magpauna kamí sa dahiláng nasa dako namin ang kasiràan! Tahô ninyóng lubós kung anó ang maaantáy ng̃ isáng tinúturûang humaráp sa isáng gurô: kayó na, na tagláy ang boóng pag-ibig sa katwiran, ang boóng kagandahang loób, ay nagkakahirap kayó sa pagpipigil ng̃ tinuturan ko ang mapapaít na katotohanan, ¡kayóng kayó na, P. Fernandez! ¿Anó ang kabutihang nápalâ ng̃ nagnasàng maghasík sa amin ng̃ ibáng pagkukurò? At ¿anó anóng kasamàán ang dumagsâ sa inyó dahil sa ninasàng umugalì ng̃ mabuti at tumupád sa inyóng kautang̃án?

--Ginoóng Isagani,--ang sabi ng̃ dominiko na iniabót sa kaniyá ang kamáy,--kahì’t sa warì’y walâng lubós na nápalâ sa pag-uusap nating itó, gayón ma’y mayroon dín tayong kauntîng nápulot; sasabihin ko sa aking mg̃a kapatíd ang inyóng mg̃a tinuran at ináantáy kong kahì’t kauntî ay may magagawâ. Ang ipinang̃ang̃anib ko lamang ay ang bakâ hindî mang̃agsipaniwalàng may isáng gaya ninyó.

--Iyan din ang pang̃ambá ko,--ang tugón ni Isagani na kinamayán ang dominiko,--nang̃ang̃anib akóng bakâ ang aking mg̃a kaibigan ay hindî maniwalàng may isáng gaya ninyó, kamukhâ ng̃ pakikipagharapan ninyó sa akin ng̃ayón.

At dahil sa ipinalagáy na tapós na ang salitàan, ay nagpaalam ang binatà.

Binuksán ni P. Fernández ang pintô at sinundán siya ng̃ ting̃ín hanggáng nakalikô sa _corredor_. Malaong pinakinggán ang tunóg ng̃ kaniyáng yabág, pagkatapos ay pumasok sa silíd at inantáy na siyá’y lumabás sa daan. Nákita ng̃â niya at náding̃íg na sinasabi sa isáng kasama, na nagtatanóng kung saan paparoon, ná:

--Sa Gobierno Civil! Titingnán ko ang mg̃a paskín at makikisama akó sa ibá!

Ang kasama ay sindák na nápating̃ín sa kaniyá, na warìng nagmamalas sa isáng magpapatiwakál, at lumayông tumátakbó.

--¡Kaawàawàng binatà!--ang bulóng ni P. Fernandez, na náramdamáng nang̃ing̃ilíd ang luhà sa kaniyáng mg̃a matá,--kinaiingitán ko ang mg̃a hesuita na nagturò sa iyo!

Si P. Fernandez ay námalîng lubós; galít kay Isagani ang mg̃a hesuita, kayâ’t nang mabatíd sa kinahapunan na napipiit ang binatà, ay sinabi niláng silá’y mádadamay.

--¡Ang binatàng iyán ay sásamâ at makasisirà sa atin! Dapat mapag-alamang ang mg̃a pagkukuròng iyan ay hindî dito nátutuhan!

Hindî nang̃agbulàan ang mg̃a hesuita, hindî; ang Dios ang tang̃ìng nagkákaloób ng̃ mg̃a pagkukuròng iyón, sa tulong ng̃ Kalikasan.

XXVIII

TATAKUT

Nagíng parang manghuhulà si Ben-Zayb nang patunayan sa kaniyáng pamahayagan, ng̃ mg̃a nakaraang araw, na ang pag-papaaral ay masamâ, lubhâng makasasamâ sa Kapulùang Pilipinas: ng̃ayón, sa haráp ng̃ mg̃a nangyari niyong araw ng̃ biernes ng̃ mg̃a paskín, ay nang̃akak ang mánunulat at inaawit ang kaniyáng pagtatagumpáy, at pinapangliít at nilitó ang kaniyáng kalabang si _Horatius_ na nang̃ahás na kutyâín siya sa tudlíng ng̃ _Pirotecnia_ sa ganitóng paraan:

* * * * *

Sa aming kapamahayagang _El Grito_:

“Ang pagpapaaral ay masama, lubhang makasasama sa Pilipinas!”

Nalinawan na namin.

Malaon nang inaakala nang _El Grito_ na kinákatawan niya ang bayang pilipino; _ergo_........ gaya nang wiwikain ni Fray Ibañez, kung marunong nang latín.

Ng̃uni’t si Fray Ibañez ay nagiging musulmán kapag sumusulat, at alám natin kung papano ang ginágawa nang mañga musulman sa pagpapaaral.

_Testiga_, gaya nang sabi nang isáng maalindóg na _predicador_, ang aklatan sa Alejandría!

* * * * *

Ng̃ayón ay may katwiran siya, si Ben-Zayb! ¡Sa siya ang tang̃íng nag-iisìp sa Pilipinas, ang tang̃ìng nakahuhulà ng̃ mg̃a mangyayari!

Kayâ ng̃â, ang balitàng nakakuha ng̃ mg̃a paskíng masasagwâ ang sinásabi sa mg̃a pintô ng̃ Universidad, ay hindî lamang nakapag-alís ng̃ gutom sa marami at nakasirà ng̃ tiyan sa ibá, kundî nakapagpaguló rin sa mg̃a mahinahong insík, na hindî nakapang̃ahás na maupô sa kaniláng mg̃a tindahan na nakataás ang isáng paa na gaya ng̃ kaugalìan, sa takot na bakâ silá gahulín sa pag-uunat upang tumakbó. Nang ika labing-isá ng̃ umaga, kahì’t na patuloy ang araw sa kaniyang lakad at ang Marilág, ang Capitan General, ay hindî lumálabás na nang̃ung̃una sa kaniyáng mg̃a mapagwagíng kabig, ay naglalò pa mandín ang ligalig: ang mg̃a prayleng lagìng pumáparoón sa tindahan ni Quiroga ay hindî nang̃ásisipót at ang bagay na itó’y nagsasabing may mg̃a kakilakilabot na mangyayari. Kung ang araw ay parisukat sana ng̃ sumilang at ang mg̃a Kristo ay mg̃a nakapantalón, ay hindî marahil makabaklá kay Quiroga na dî gaya noón: inarì niyáng _liampó_ marahil ang araw at ang mg̃a santóng larawan ay mg̃a manglalarò ng̃ _chapdiquí_ na nang̃ahubarán; ng̃unì’t ¡ang hindî pagsipót ng̃ mg̃a prayle na nátaón pa namán sa pagtanggáp niyá ng̃ mg̃a bagong bagay!

Sa bilin ng̃ isáng _provincial_ na kaibigan niyá, ay ipinagbawal ni Quiroga sa kaniyáng mg̃a bahay na pinaglálarûán ng̃ _liampó_ at _chapdikí_ ang pagpasok ng̃ sino mang indio na hindî dating kilalá; ang magiging konsul ng̃ insík ay nang̃ang̃ambáng bakâ nakawin ang salapîng ipinatatalo roon ng̃ mg̃a mahihirap. Matapos na maihandâ ang kaniyáng tindahan na mangyayaring biglâng ilapat ang mg̃a pintô sa isáng sandalî, ay napaabay sa isáng bantay na _veterana_ sa maiklîng pag-itan ng̃ bahay ni Simoun sa kaniyáng bahay. Inakalà ni Quiroga na iyon ang sandalîng lalòng kapit upang gamitin ang mg̃a baríl at punglô na nasa kaniyáng imbakan, alinsunod sa paraang sinabi sa kaniyá ng̃ manghíhiyás: maaasahang sa mg̃a araw na súsunód ay ipag-uutos ang paghalughóg sa mg̃a baháybaháy at sa gayó’y gaano ang mábibilanggô, gaano ang taong sa katakutan ay hindî ibibigáy ang lahát ng̃ naiimpók! Yaón ang paraan ng̃ mg̃a dating _carabinero_, na nagsusulót sa mg̃a silong ng̃ bahay ng̃ mg̃a tabako at dahong ipinagbabawal, pagkatapos ay magpapakunwarîng manghahalughóg at pipilitin ang kahabághabág na may bahay na sumuhol ó magmultá! Ang kaibhán ng̃â lamang ay sa dahiláng lalòng naaayos ang paraan, at sa dahiláng hindî na pigíl ang tabako ay ang mg̃a armás na bawal namán ang ginagamit sa ng̃ayón!

Ng̃unì’t si Simoun ay ayaw makipagkita sa kanino man at ipinasabi kay insík Quiroga na bayaan sa pagkakalagáy ang mg̃a bagay na iyon, kayâ’t tinung̃o ng̃ insík si D. Custodio upang itanóng kung nararapat ó hindî nararapat balutihan ang kaniyáng tindahan, ng̃unì’t si D. Custodio man ay ayaw ring tumanggáp ng̃ dalaw: kasalukuyang pinag-aaralan ang isáng munakalàng ukol sa pagtatanggól, sakalìng siya’y makubkób ng̃ kalaban. Náalaala si Ben-Zayb upang hing̃án ng̃ balità; ng̃unì’t nang mátagpûang nakabalutî mulâ sa ulo hanggáng paa at dalawáng rebolber ang ginagamit na pabigát sa mg̃a papel ay dalìdalìng nagpaalam si Quiroga at umuwî sa kaniyáng bahay, at nahigâng dinahilán na masamâ daw ang kaniyáng katawán.

Nang iká apat ng̃ hapon ay hindî na mg̃a paskín lamang ang sang-usap-usapan. Umaling̃awng̃áw na ang mg̃a nag-aaral at ang mg̃a taga bundók S. Mateo ay nang̃agkakaalám; pinatítibayang pinagsumpâanan sa isáng magpapansít na biglâng lulusubin ang Maynilà; nábanggít ang mg̃a pangdigmâng dagat ng̃ mg̃a alemán, na nasa sa labás ng̃ dagat Maynilà, na tutulong sa kilusán; isáng pulutóng na kabinataan ang umanó’y tumung̃o sa Malakanyáng upang humandóg sa General, na ang dinahilán ay ang pagtutol sa kagagawán at ang kaniláng pagkamakakastilà, ng̃unì’t ipinapiít na lahát sapagkâ’t nakitang mg̃a batbát ng̃ sandata. Iniligtás ng̃ kalawing̃ì ang General, na pinigil na matanggáp yaóng mg̃a batàngbatà pa’y taksíl na, dahil sa noón ay nakikipag-usap sa mg̃a Provincial, sa Vice Rector at kay P. Irene, na kinatawán ni P. Salvi. May katunayan ang mg̃a aling̃awng̃áw na itó kung paniniwalàan natin si P. Irene, na dumalaw ng̃ hapong iyon kay kapitáng Tiago. Alinsunod sa kaniyá, ay may mg̃a taong nag-uudyók sa Capitán General na samantalahín ang pangyayaring yaon upang takutin at bigyán na ng̃ isáng mabuting aral ang mg̃a binatàng pilibustero.

--Barilín ang ilán--anáng isá--mg̃a dalawáng pû’t apat na makabago na ipadaláng agád sa tatapunán at sa gitnâ ng̃ katahimikan ng̃ gabí, ay makaaapulà na ng̃ lubusan sa sigabó ng̃ kalooban ng̃ mg̃a walâng kasiyahang loób!

--Huwag,--ang tugón ng̃ isáng may mabuting pusò,--sukat nang ang mg̃a kawal ay palibutin sa mg̃a lansang̃an, ang batallón ng̃ mg̃a kábayuhan sa halimbawá, na mg̃a bunót ang sable; sukat nang kaladkarín ang iláng kanyón.... sukat na iyón! Ang bayan ay nápakamatatakutín at ang lahát ay mang̃agsisípasok sa kaníkaniláng bahay.

--Huwag, huwag,--ang palagáy ng̃ isá,--itó ang panahóng kapit upang pawìin ang kalaban; hindî sukat ang mang̃agsipasok sa kaniláng pamamahay, kailang̃ang palabasín, na gaya ng̃ masasamâng sing̃áw, sa pamagitan ng̃ mg̃a parapit. Kung hindî mang̃akapang̃ahás na gumawâ ng̃ guló, ay dapat na silá’y udyukán sa tulong ng̃ mg̃a sugòng hahamon.... Inaakalà kong ang nárarapat ay ihandâ ang mg̃a kawal at magkunwarîng nagpapabayà at nagwawalâng bahalà, upang mang̃agsitapang at pangyayari ng̃ anománg kaguluhan ay piyapisin na nang boông tindí!

--Ang layon ay siyáng nagbibigay katuturán sa mg̃a paraan,--ang sabi ng̃ isá pa,--ang layon natin ay ang ating banál na Relihión at ang katibayan ng̃ Inang bayan. Ihayág ang _estado de sitio_, at sa anománg muntîng kaguluhan ay paghulihín ang mg̃a mayayaman at mg̃a marurunong.... at linisin ang bayan!

--Kung hindî akó dumatíng sa panahón upang pagpayuhan ng̃ pagdadahandahan--ang dugtóng ni P. Irene, na ang hinaráp ay si kapitáng Tiago,--ay tiyák nang umaagos ng̃ayón ang dugô sa mg̃a lansang̃an. Ang naaalaala ko ay kayó, kapitán.... Ang pangkát ng̃ mg̃a masisidhî ay walâng nápalâng gaano sa General, kayâ’t nang̃anghihinayang dahil sa pagkawalâ ni Simoun.... ¡Ah! kung hindî nagkasakít si Simoun....

Ang pagkahuli kay Basilio at ang paghalughóg na ginawâ pagkatapos sa kaniyáng mg̃a aklát at mg̃a papel, ay nakapagpalubhâng lalò kay kapitáng Tiago. Ng̃ayó’y dinagdagán pa ni P. Irene ang kaniyang sindák sa pagsasalaysáy ng̃ mg̃a bagay na nakapang̃ing̃ilabot. Ang kahabághabág ay pinasukan ng̃ isáng matindíng pagkatakot na náhalatâ muna dahil sa isáng mahinàng pang̃ing̃iníg, na untîuntîng lumálakás hanggáng sa siyá’y hindî na nakapang̃usap. Nang̃akadilat ang mg̃a matá, pawisán ang noo, pumigil sa bisig ni P. Irene, nagtangkâng bumang̃on; ng̃unì’t hindî mangyari at matapos na makaung̃ol ng̃ makálawá ay biglâng bumagsák sa ibabaw ng̃ unan. Nang̃akadilat ang matá ni kapitang Tiago at sumasago ang laway: patáy na. Sa pagkasindák ni P. Irene ay tumakbó, ng̃unì’t sa dahiláng kumapit sa kaniyá ang patáy ay nakaladkád niyá at nápaalís sa hihigán sa kaniyáng pagtakas, at naiwan sa gitnâ ng̃ silíd.

Nang kinágabihán ay umabot na sa lalòng sidhî ang katakután. May iláng pangyayari na nag-udyók sa mg̃a matatakutín sa paniniwalàng mayroóng mg̃a sugòng nanghahamon.

Dahil sa isáng binyagan, ay naghagis ng̃ kauntìng kualta sa mg̃a batà at sukat nang maasahan na nagkaroón ng̃ kauntìng kaguluhan sa pintô ng̃ simbahan. Nátaón namáng náparaán doón ang isáng mabalasik na militar, na may iniisip mandín, na inakalàng ang kaguluhan ay isá nang pagsalakay ng̃ mg̃a pilibustero, kayâ’t piniyapis ng̃ sable ang mg̃a batà, pumasok sa simbahan, at kung hindî nagkasalásalabíd sa tabing na nakasabit sa _coro_ ay pinagpupugután sana ng̃ ulo ang lahát ng̃ naroón. Makita ang gayón ng̃ mg̃a matatakutín at magpanakbuhang ipinamamalità na ang himagsikan ay magsísimulâ na, ay bagay na nangyari sa isáng sandalî. Daglîdaglîng nagsarahan ang mg̃a pintô ng̃ mang̃ilán-ng̃iláng tindâng naiiwang bukás, may mg̃a insík na nakaiwan sa labás ng̃ mg̃a piesa ng̃ kayo, at hindî kakauntîng babai ang nawalán ng̃ sinelas dahil sa pagtakbó sa mg̃a lansang̃an. Salamat na lamang at íisá ang nasugatan at ilán ang nasaktán, na isá na ng̃â sa kanilá ang militar nang masubasob dahil sa pakikipagtunggalî sa tabing na may amóy balabal ng̃ pilibusterismo. Ang gayóng kabayanihan ay nagbigáy sa kaniyá ng̃ kabunyîán, at isáng kabunyîáng malinis, na ¡harì na ng̃âng ang lahát ng̃ kabantugan ay makuha sa gayóng paraan! ang mg̃a iná’y hindî na lubhâng íiyák at lalò pa sanang marami ang tao sa mundó!

Sa isáng arrabal ay nakakita, ang mg̃a naninirahan doon, ng̃ dalawá kataong nagbábaón ng̃ armás sa silong ng̃ isáng bahay na tablá. Naguló ang nayon; tinangkâ ng̃ mg̃a naninirahan na habulin ang dalawáng táong iyon na hindî kilalá upang patayín at iharáp sa mg̃a may kapangyarihan, ng̃unì’t sínawatâ silá ng̃ isáng kapit-bahay at sinabing sukat na ang iharáp sa tribunal ang sanhî ng̃ kasalanan. Sakâ ang mg̃a armás namán ay matatandâng baríl na tiyak na makasusugat sa magtangkâng gumamit noon.

--¡Siya!--ang sabi ng̃ isáng matapang--kung ibig na tayo’y manghimagsík ay ¡sulong!

Ng̃unì’t ang matapang ay nilambanog ng̃ palò at suntók, pinagkukurót ng̃ mg̃a babai na warìng siya ang may arì ng̃ mg̃a baríl.

Sa Ermita ay lalòng mahigpít ang nangyari, kahì’t hindî lubhâng nábalità, gayóng nagkaroon pa ng̃ putukan. Isáng kawaníng nápakamaing̃at na nagbalutîng mabuti ay nakakita, nang magtatakíp-silim, ng̃ isáng bulto sa kalapít ng̃ kaniyáng bahay; inakalà na niyáng buôngbuô na yaon ay isáng nag-aaral, kayâ’t pinaputukán ng̃ dalawáng putók ng̃ rebolber. Nang makita ang bulto pagkatapos ay isá paláng beterana, kayâ’t inilibing at, _pax Christi! Mutis!_

Sa Dulungbayan ay umugong din ang iláng putók na ang nápatáy ay isáng kaawàawàng matandâng bing̃í na hindî nakading̃íg sa _quien vive_ ng̃ bantáy, at isáng baboy na nakading̃íg ng̃unì’t hindî sumagót ng̃ _España_. Ang matandâ’y hindî náilibíng kaagad sapagkâ’t walâng maibayad sa simbahan, at ang baboy ay pinagkainanan.

Sa loob ng̃ Maynilâ, sa isáng tindahan ng̃ matamís na kalapít ng̃ Unibersidad, na lagìng dinadayo ng̃ mg̃a nag-aaral, ay pinag-uusapan ang mg̃a pagkakáhulihán, sa ganitóng ayos:

--¿Ya cogí ba con Tadeo?--ang tanóng ng̃ babaing may arì ng̃ tindahan.

--Abá, ñora,--ang sagót ng̃ isáng nag-aaral na nátitirá sa Parian,--_pusilau ya!_

--¡Pusilau! ¡Naku! No pa ta pagá conmigo su deuda.

--¡Ay! no jablá vos puelte, ñora, bakâ pa de quedá vos cómplice. ¡Ya quemá yo ng̃â el libro que ya dale prestáu conmigo! ¡Bakâ pa de riquisá y de encontrá! ¡anda vos listo, ñora!

--¿Ta quedá dice preso Isagani?

--Loco-loco también aquel Isagani,--ang sabing namumuhî ng̃ nag-aaral;--no sana de cogí con ele, ta andá pa presentá! ¡Oh, bueno ng̃â, que topá rayo con ele! ¡Siguro pusilau!

Kinibít ng̃ babai ang balikat.

--¡Conmigo no ta debí nada! ¿Y cosa de jasé Paulita?

--No di faltá novio, ñora. Siguro de llorá un poco, luego de casá con un español.

Ang gabíng iyón ay nagíng isá sa mg̃a lalòng malulungkót. Sa mg̃a baháybaháy ay nagdadasál ng̃ rosario at may mg̃a maawâíng babaing nagpapatungkól na ng̃ mahahabàng _padrenuestro_ at mg̃a _requiem_ sa kaluluwa ng̃ mg̃a kamag-anak nilá’t kaibigan. Ika waló pa lamang ng̃ gabí’y bahagyâ nang makakita ng̃ mang̃isáng̃isáng naglálakád; maminsan minsan ay nakakading̃íg ng̃ takbó ng̃ isáng kabayo na ang tagiliran ay nápapalòng malakás ng̃ isáng sable, pagkatapos ay pasuwít ng̃ mg̃a tanod, mg̃a sasakyáng matutulin ang takbó na warìng hinahabol ng̃ kawan ng̃ mg̃a pilibustero.

Gayón man, hindî sa lahát ng̃ pook ay naghaharì ang pang̃ambá.

Sa plateríang tinitirahán ni Plácido Penitente ay pinag-uusapan din ang mg̃a pangyayari at pinagtatalunan nang may kauntîng layà.

--¡Hindî akó naniniwalà sa mg̃a paskín!--ang sabi ng̃ isáng manggagawàng payát at tuyô na sa kágagamit ng̃ tsukoy;--sa ganáng akin, ay kagagawán iyan ni P. Salvi!

--¡Ehém, ehém!--ang ubó ng̃ maestro platero na, sa pang̃ing̃ilag na pang̃anláng duwag, ay hindî makapang̃ahás na putlín ang pag-uusap. Ang kaawaawàng tao’y nag-uuubó na lamang, kikindatán ang manggagawà at titing̃ín sa daan, na warìng ibig sabihin na:--¡Bakâ tayo masubukan!

--¡Dahil sa opereta!--ang patuloy ng̃ manggagawà.

--¡Ohó!,--ang bulalás ng̃ isáng mukhâng tang̃á;--sinasabi ko na ng̃â! Kayâ’t....

--¡Hm!--ang tugón ng̃ isáng tagasulat na may anyông pagkahabág,--ang ukol sa mg̃a paskín ay totoo, Chichoy, ng̃unì’t ipaliliwanag ko sa iyo!

At idinugtóng na ang ting̃ig ay matalinghagà:

--¡Yaón ay isáng kagagawán ni insík Quiroga!

--¡Ehém, ehém!--ang ulit na ubó ng̃ maestro na inilipat sa kabilâng pisng̃í ang sapá ng̃ hitsóng nasa bibíg.

--¡Paniwalàan mo akó, Chichoy, kagagawán ni insík Quiroga iyán! Náding̃íg ko sa aking pinápasukan.

--¡Nakú, _siguro_ ng̃â!--ang bulalás ng̃ tang̃á, na agád nang naniwalà.