# Ang "Filibusterismo" (Karugtóng ng Noli Me Tangere)

## Part 23

Book page: https://www.cyberlibrary.org/tl/books/ang-filibusterismo-karugtong-ng-noli-me-tangere-47629/index.md

Sa bagay na itó’y nang̃agkukuròkurò at nagpapalápalagáy ang mg̃a nag-aaral. Ang mg̃a unang balità ay tinanggáp nilá sa bantáy pintùan, na tumanggáp ng̃ balità sa isáng alilà sa Sto. Tomás, at itó’y sa isáng _capista_ namán nakábalità. Sinasapantahà na niláng magkákaroón ng̃ mg̃a _suspenso_, mg̃a pagkapiít, at ibp., at itinuturò na ang mg̃a mápaparusahan, na dilì ibá’t ang mg̃a nasa Kapisanan.

Noon naalala ni Basilio ang mg̃a pang̃ung̃usap ni Simoun: Sa araw na magágawâng kayó’y pawìin.... Hindî ninyó matatapos ang inyóng pag-aaral......

--¿Mayroón kayâ siyáng nalalamang bagay?--ang tanóng sa sarili;--tingnán natin kung sino ang lalòng makapangyayari.

At nang makapagbalík loob na, upang mabatíd ang nararapat niyáng gawín at maalám din namán ang ukol sa kaniyáng _licenciatura_ ay tinung̃o ni Basilio ang Universidad. Dumaan sa daang Legazpi, tumulóy sa daang Beaterio, at nang dumatíng sa likô ng̃ daáng itó at ng̃ Solana ay námatyagán ng̃â niya na tila may isáng malakíng bagay na nangyari.

Sa mg̃a dating pulúpulutóng na masasayá at maiing̃ay ay daládalawáng Guardia Veterana ang kaniyáng nákita sa mg̃a banketa na nang̃ag-aabóy sa mg̃a nag-aaral na lumalabás sa Unibersidad, na ang ilán ay walâng kakibôkibô, malalamlám ang mukhâ, ang ibá’y galít na nang̃agsísitayô sa dakong malayôlayô ó nang̃agsísiuwî sa kaníkaniláng mg̃a bahay. Ang kaunaunahan niyang nasagupà ay si Sandoval. Hindî pinuná ang kátatawag ni Basilio; warìng nagíng bing̃í.

--¡Gawâ ng̃ takot sa katás ng̃ bituka!--ang sinapantahà ni Basilio.

Pagkatapos ay si Tadeo namán ang natagpûán, na masayáng masayá. Tila mangyayari din ang walâng katapusáng _cuacha_.

--¿Anó ang nangyayari, Tadeo?

--¡Walâ tayong pasok ng̃ hindî bababà sa isáng linggó, bigan! ¡mainam! ¡mabuti!

At pinagkikiskis ang mg̃a kamáy sa katuwàan.

--Datapuwâ’y ¿anó ang nangyari?

--¡Ibíbilanggô tayong mg̃a kaanib sa kapisanan!

--¿At masayá ka?

--¡Walâng pasukán, walâng pasukán!--at lumayông hindî magkasiyá sa galák.

Nákitang dumáratíng si Juanito Pelaez na namumutlâ at nang̃ang̃anib; ang kaniyáng kakubàan noon ay umabot sa lalòng katambukán, nagtutumulin siyá sa pag-ilas. Siya’y nagíng isá sa mg̃a lalòng masigasig na nag-uusig na mátayô ang kapisanan samantalang mabuti ang lakad.

--¿E, Pelaez, anó ang nangyari?

--¡Walâ, walâ akóng nálalaman! Akó’y walâng pakialám--ang nang̃ing̃ilabot na sagót--sinasabi ko na sa kanilá; iyan ay kaululán.... ¿Hindî ba gayón ang sabi ko?

Hindî alám ni Basilio kung sinabi niyá ó hindî, ng̃unì’t sa pagbibigáy loob sa kaniyá ay sumagót:

--¡Oo! ng̃unì’t ¿anó ang nangyayari?

--¿Tunay ng̃â, anó? Tingnán mo, ikaw ay saksí; kailan man ay hadláng akó.... ¡ikaw ang saksí, tingnàn mo, huwag mong limutin!

--Oo, oo; ng̃unì’t ¿anó ang nangyari?

--Tingnán mo; ¡saksi ka! Hindî akó nakikilahók kailan man sa kapisanan kundî upang pagpaliwanagan ko kayó.... bakâ mo ipagkailâ pagkatapos! Huwág mong lilimutin ¿ha?

--Hindî, hindî ko itatakwíl, ng̃unì’t ¿anó na ang nangyari, anák ka ng̃ Dios?

Si Juanito ay malayò na: nákitang lumálapit ang isáng guardia at natakot na bakâ siyá hulihin.

Nang magkágayón ay tumung̃o si Basilio sa Unibersidad upang tingnán kung bakâ sakalìng bukás ang Kalihiman at upáng makátanggáp ng̃ balità. Nakalapat ang pintûan ng̃ kalihiman at sa bahay na iyon ay may dî karaniwang kilusán. Akyát manaog sa mg̃a hagdanan ang mg̃a prayle, militar, pulistas, matatandâng abogado at médiko, upang ihandóg marahil ang kaniláng tulong sa may kapang̃aniban.

Nátanáw sa malayò ang kaibigan niyang Isagani, na, namumutlâ at bago ang anyô, tagláy ang boong gilas kabatàan, na nag-uulat sa iláng kasama sa pag-aaral at inilalakás ang pagsasalitâ na warìng walâng kabuluhán sa kaniyá ang máding̃íg man ng̃ lahát.

--¡Kahalayhalay, mg̃a ginoo, kahalayhalay na ang isáng pangyayaring gangganiyan lamang ay makapagpatakbó sa atin at mapailas tayong warì’y mg̃a lang̃aylang̃ayan dahil lamang sa ang panakot upo ay gumaláw! ¿Ng̃ayon lamang ba mangyayaring ang mg̃a binatà’y mabibilanggô ng̃ dahil sa pagtatanggól ng̃ kalayàan? ¿Násaan ang mg̃a patáy, násaan ang mg̃a nábaril? Bakit tataliwakás ng̃ayón?

--Ng̃unì’t sino kayâ ang hang̃ál na sumulat ng̃ mg̃a gayóng paskín?--ang tanóng na pagalít ng̃ isá.

--¿Anó ang mayroon sa atin?--ang sagót ni Isagani--hindî natin katungkulan ang magsiyasat, siyasatin nilá! Bago matantô ang ayos ng̃ pagkakasulat ay hindî natín kailang̃an ang magpakita ng̃ pagkampí sa mg̃a ganitóng sandalî. Doon sa may pang̃anib, doon tayo dapat pumaroon, sapagkâ’t doon nároon ang karang̃alan! Kung ang sinasabi ng̃ mg̃a paskín ay kasang-ayon ng̃ ating karang̃alan at mg̃a damdamin, sino mán ang sumulat, ay mabuti ang ginawâ, nárarapát nating pasalamatan at agarín nating isama sa kaniyá ang ating lagdâ. Kung hindî kapit sa atin, ang ating inuugalì at ang ating mg̃a budhî ay sadyâ nang tumututol sa anománg sumbóng....

Nang máding̃íg ni Basilio ang gayóng pagsasalitâ, kahì’t na mahál sa kaniyá si Isagani, ay pumihit at umalís. Paparoon siyá sa bahay ni Makaraig upang sabihin ang tungkól sa pagsandalì.

Sa kalapít ng̃ bahay ng̃ mayamang nag-aaral ay nakápuná ng̃ mg̃a bulóng bulung̃an at mahiwagàng hudyatan ng̃ mg̃a kapitbahay. Sa dahiláng hindî talós ng̃ binatà ang sanhî ng̃ pinag-uusapan ay palagáy na ipinatuloy ang kaniyáng lakad at pumasok sa pintûan. Dalawáng bantáy na Veterana ang sumalubong sa kaniya’t siya’y tinanóng kung anó ang ibig. Nahalatâ ni Basilio na siya’y nagbiglâbiglâ ng̃unì’t hindî na makaurong.

--Hinahanap ko ang aking kaibigang si Makaraig--ang patuloy na sagót.

Ang mg̃a bantáy ay nagting̃inan.

--Mag-antáy kayó rito--ang sabi sa kaniyá ng̃ isá,--antabayanan ninyó ang kabo.

Si Basilio ay nápakagát labì, at ang mg̃a pang̃ung̃usap ni Simoun ay mulîng umugong sa kaniyáng taing̃a.... Hinuhuli kayâ si Makaraig?--ang inisip niyá, ng̃unì’t hindî nakapang̃ahás na magtanóng.

Hindî nag-antáy nang malaon; ng̃ sandalîng yaón ay pumápanaog si Makaraig na masayáng nakikipag-usap sa kabo, na kapuwâ pinang̃ung̃unahan ng̃ isáng _alguacil_.

--¿Bakit? ¿Patí ba kayó, Basilío?--ang tanóng.

--Titingnán ko kayó....

--¡Marang̃al na asal!--ang sabing tumatawa ni Makaraig,--noong mg̃a araw na payapà, ay lumálayô kayó sa amin....

Itinanóng ng̃ kabo kay Basilio ang kaniyáng pang̃alan at tiningnán ang isáng talâan.

--¿Nag-aaral sa panggagamot, daang Anloague?--ang tanóng ng̃ kabo.

Kinagát ni Basilio ang kaniyáng labì.

--¿Bakit, patí ba akó?

Si Makaraíg ay humalakhák.

--Huwag kayóng mang̃anib, kaibigan; magkakaruahe tayo, at sa gayón ay isásalaysáy ko sa inyó ang hapunan kagabí.

At sa isáng mainam na kilos, na warìng nasa kaniyáng bahay, ay inanyayahan ang auxilio at ang kabo na lumulan sa sasakyáng nagaantáy sa kanilá sa pintô.

--¡Sa Gobierno Civil!--ang sabi sa kotsero.

Isinalaysáy ni Basilio, na nakapagbalík loób na, kay Makaraíg ang sanhî ng̃ kaniyáng pagdalaw. Hindî siyá binayàang matapos ng̃ mayamang nag-aaral at siya’y kinamayán.

--Maaasahan ninyó akó kaibigan, maaasahan ninyó akó at sa pistá ng̃ ating _investidura_ ay aanyayahan natin ang mg̃a ginoong itó,--ang sabing itinurò ang kabo at ang alguasíl.

XXVII

ANG PRAYLE AT ANG PILIPINO

_Vox populi, vox Dei._

Iniwan natin si Isagani na nagsasalitâ sa kaniyáng mg̃a kaibigan. Sa gitnâ ng̃ kaniyáng kasigabuhán, ay nilapitan ng̃ isáng kapista upang sabihin sa kaniyáng ibig siyáng mákausap ni P. Fernández, isá sa mg̃a katedrátiko sa _ampliación_.

Si Isagani’y namutlâ. Sa ganáng kaniya’y isáng taong kagalanggalang si P. Fernández: yaón ang _isá_ na kaniyáng itinatang̃ì kailan pa ma’t ang napag-uusapan ay ang pag-alimura sa prayle.

--At ¿anó ang ibig ni P. Fernández?--ang tanóng.

Kinibít ng̃ kapista ang balikat; sinundán ni Isagani na masamâ ang loób.

Si P. Fernández, yaóng prayleng nakita natin sa Los Baños, ay nag-aantáy sa kaniyáng silíd, malungkót at walâng imík, na nakakunót ang noó na warìng nag-iisíp. Tumindíg nang mákitang pumasok si Isagani, binatì itóng kinamayán, at inilapat ang pintûan; pagkatapos ay nagpayao’t dito sa magkábilâng dulo ng̃ silíd. Nakatayô si Isaganing inaantáy na siya’y kausapin.

--Ginoong Isagani,--ang sabing ang ting̃ig ay nang̃ing̃iníg, ng̃ malaunan:--mulâ sa durung̃awan ay náding̃íg ko kayóng nagsasalitâ, sa dahiláng akó’y natutuyô, ay matalas ang aking pangding̃íg, kayâ’t ninasà kong kayó’y mákausap. Kailan man ay kinalugdán ko ang mg̃a binatàng nagpapahayag ng̃ maliwanag at mayroong kaniyáng sariling paghuhulò at pagkilos; walâng kailang̃an sa akin na ang kaniláng pagkukurò ay máibá sa pagkukurò ko. Alinsunod sa aking náding̃íg, ay nagkaroon kayó kagabí ng̃ isáng hapunan, huwag kayóng magdahilán....

--¡Sa hindî namán akó nagdadahilán!--ang putol ni Isagani.

--Lalòng mabuti, iyán ay nagpapakilalang inyóng pinang̃ang̃atawanán ang magiging bung̃a ng̃ inyóng ginawâ. Sa isáng dako ay masamâ pa ang kayó’y tumakwíl; hindî ko kayó sinisisi, hindî ko pinupuná ang mg̃a pinagsabí doon kagabí; hindî ko kayó binibigyang sala, sapagkâ’t may kalayàan kayóng magsabi ng̃ bawà’t maisip na laban sa mg̃a dominiko; kayó’y hindî sa amin aral; ng̃ taóng itó lamang nagkaroon kamí ng̃ lugód na mapatung̃o kayó rito sa amin at marahil ay hindî na kayó mápasok na mulî pa. Huwag ninyóng akalàin na tutukoy akó ng̃ ukol sa utang na loób, hindî; hindî ko aaksayahín ang aking panahón sa mg̃a bagay na walâng kabuluhán. Ipinatawag ko kayó, sapagkâ’t inakalà kong kayó’y isá sa mg̃a kakauntîng nag-aaral na kumikilos ng̃ dahil sa sariling pananalig, at sa dahiláng kinalulugdán ko ang mg̃a taong may lubós na pananalig, aniko sa sarili ay, makikipaglinawán akó kay ginoong Isagani.

Si P. Fernández ay humintông sandalî at ipinatuloy ang kaniyáng pagpapayao’t dito na nakatung̃ó at nakating̃ín sa dakong ibabâ.

--Kayó’y makauupô kung ibig ninyó,--ang patuloy;--may ugalì akóng lumalakad ay nagsasalitâ, sapagkâ’t sa gayón ay lalòng nátutumpák ang aking mg̃a pagkukurò.

Si Isagani’y nagpatuloy na nakatayô, mataas ang ulo, at inaantáy na tiyakín ng̃ katedrátiko ang salitâan.

--Mahigít nang walóng taóng na akó’y nagtuturò,--ang patuloy ni P. Fernández na palakadlakad--at nákilala ko’t nákasalamuhà ang mahigít sa dalawáng libo at limang daang binatà; tinurùan ko silá, pinunyagî ko ang mapadunong, inaralan ko ng̃ pagtatagláy ng̃ katwiran, ng̃ karang̃alan, ng̃unì’t gayón man, sa panahóng itó na lubhâng marami ang inilalait sa amin, ay walâ akóng nákitang isá man na nagkaroon ng̃ kapang̃ahasang pagmatigásan ang kaniyáng mg̃a sinasabi kapag náhaharáp sa isáng prayle.... ni masabi man lamang ng̃ malakás sa haráp ng̃ marami.... May mg̃a binatàng inuupasalàan kamí sa likód at hináhagkán ang aming mg̃a kamáy kung kaharáp at sa tulong ng̃ ng̃itîng bulisik ay nanánanghód ng̃ aming sulyáp! ¡Puf! ¿Anó ang ibig ninyóng gawín namin sa mg̃a ganiyáng tao?

--Hindî nilá sarili ang kasalanan, Padre,--ang sagót ni Isagani,--ang kasalanan ay nasa sa mg̃a nagturò sa kanilá ng̃ pagbabalatkayông ugalì, nasa mg̃a sumisiíl sa malayàng kaisipán, sa malayàng pang̃ung̃usap. Dito, ang lahát ng̃ pagkukuròng sarili, ang anómang salitâ na hindî kasang-ayon ng̃ nasà ng̃ nakapangyayari, ay ipinálalagáy na pagkapilibustero, at alám ninyóng maigi ang kahulugán ng̃ salitâng itó: ¡Balíw ang sa pagnanasàng masabi lamang na malakás ang iniisip ay hahandâ sa pagtitiís ng̃ mg̃a pag-uusig!

--¿Anó ang mg̃a pag-uusig na inyóng tinitiís?--ang tanóng ni P. Fernández na itinaás ang ulo,--¿hindî ko kayó binayàang mang̃usap ng̃ malayà sa aking klase? Ng̃unì’t gayón man, kayó’y isáng maitatang̃ì, na, kung tunay ang sinasabi, ay dapat kong ituwid, upang mapalaganap ang kaugalìan, kung mangyayari, upang maiwasan ang masamâng halimbawà!

Ng̃umitî si Isagani.

--Pinasasalamatan ko kayó at hindî ko ipakikipagtalo kung akó’y nátatang̃ì ó hindî; tatanggapín ko ang katang̃ìan upang tanggapín namán ninyó ang aking sasabihin; kayó man ay tang̃ì rin; at sa dahiláng dito’y hindî natin pag-uusapan ang mg̃a pagkakátang̃ì, ni ang pagpaparangyâ ng̃ ating mg̃a pagkatao, sa ganáng akin ay gayón ang aking akalà, ay ipinamamanhík ko sa aking katedrátiko na mangyaring baguhin ang lakad ng̃ salitàan.

Kahì’t na may pagkukuròng malayà ay nápataás ang ulo ni P. Fernández at tinitigang lipós pagkakamanghâ si Isagani. Ang binatàng iyón ay may mahigít pang pagkamalayà kay sa inakalà niyá; kahì’t tinawag siyang _katedrátiko_, kung tatayahin, ay inaarì siyáng kapantáy, dahil sa nang̃ahás magmungkahì. Dahil sa mabuting magparaán sa pakipag-usap, ay hindî lamang tinanggáp ni P. Fernández ang pangyayari, kun dî siyá na ang nagbukás.

--¡Mabuti!--ang sabi,--ng̃unì’t huwag ninyóng ipalagáy na akó’y inyóng gurô; akó’y isáng prayle at kayó’y isáng nag-aaral na pilipino; walâng labis, walâng kulang! at ng̃ayón ay itatanóng ko sa inyó: ¿anó ang nasà sa amin ng̃ mg̃a nag-aaral na pilipino?

Dumatíng na pabiglâ ang katanung̃an: si Isagani ay hindî handâ. Iyón ay isáng ulos na biglâng lumusót samantalang nagmumuog, gaya ng̃ tawag sa _esgrima_. Sa kabiglâanang iyón, si Isagani, ay tumugón ng̃ isáng matindíng salág na warìng isáng baguhang nagsanggaláng:

--¡Na kayó’y mang̃agsitupád sa inyóng kautang̃án!--aniyá.

Si pray Fernandez ay umunat: nagíng warì’y putók ng̃ kanyón, sa ganáng kaniyá, ang kasagutan.

--¡Na kamí’y tumupád sa aming kautang̃án!--ang ulit na nagpakaunat-unat,-- kung gayó’y ¿hindî kamí tumútupád sa aming kautang̃án? ¿anóng mg̃a kautang̃án ang itinutungkól ninyó sa amin?

--Yaón díng malayàng iniatang sa sarili ninyó ng̃ kayó’y pumasok sa kalipunan, at yaóng pagkatapos, nang nasa sa loób na kayó, ay ninasàng taglayín! Ng̃unì’t sa aking pagkanag-aaral na pilipino, ay hindî ko inaakalàng akó’y may karapatáng sumurì ng̃ inyóng inaasal sang-ayon sa inyóng mg̃a palatuntunan, sa katolisismo, sa pamahalàan, sa bayang pilipino at sa boong sangkatauhan: mg̃a bagay iyang dapat ninyóng linawin sa mg̃a tagapagtatág ninyó, sa Papa, sa pamahalàan, sa boóng bayan ó sa Dios: sa aking pagkanag-aaral na pilipino, ay ang kautang̃án lamang ninyó sa amin ang tang̃ì kong tutukuyin. Ang mg̃a prayle, ang kalahatán, sa pagiging tagasiyasat ng̃ pagtuturò sa bayan bayán, sa mg̃a lalawigan, at ang mg̃a dominiko, sa ganáng kanilá, sa paglilikom sa kaniláng mg̃a kamáy ng̃ mg̃a pag-aaral ng̃ kabinatàang pilipino, ay tumanggáp ng̃ katungkulan, sa haráp ng̃ walóng ang̃aw-ang̃aw na mámamayán, sa haráp ng̃ España at sa haráp ng̃ sangkatauhan na ating kinasasamahan, na pabutihin sa tuwîtuwî na ang batàng binhî, sa ugalì at pang̃ang̃atawán, upang ilandás siya sa kaniyáng kaligayahan, lumikhâ ng̃ isáng bayang marang̃ál, malusog, matalino, mabaít, marilág at matapát. At ng̃ayó’y akó namán ang magtátanóng: ¿tumupád bagá ang mg̃a prayle sa kaniláng katungkulan?

--Gumáganáp kamí....

--¡Ah! P. Fernandez,--ang paklí ni Isagani;--kung itututóp ninyó ang kamáy sa inyóng pusò ay makasásagót _kayóng_ tumutupád, ng̃unì’t kung itútutóp ang kamáy sa pusò ng̃ inyóng kalipunán, sa ibabáw ng̃ pusò ng̃ lahát nang mg̃a kalipunang prayle, ay hindî ninyó masasabi ang gayón ng̃ hindî masisinung̃aling̃an! ¡Ah, Padre Fernandez! kapag náhaharáp akó sa isáng taong aking minamamahal at iginagalang, ay ibig ko pa ang akó ang sisihin kay sa sumisi, ibig ko pa ang magsanggaláng kay sa sumugat. Ng̃unì’t yamang pumasok na tayo sa pagpapáliwanagán ay magpatuloy na tayo hanggáng sa wakás! ¿Papano ang ginágawâng pagtupád sa kautang̃án ng̃ mg̃a nagsisiyasat ng̃ pagtuturò sa mg̃a bayán bayán? ¡Hináhadlang̃án! At ang mg̃a tang̃ìng may hawak dito ng̃ mg̃a pagpapaaral, ang mg̃a may ibig na mag-ayos ng̃ pag-iisip ng̃ kabatàan, na walâng ibáng makapanghimasok ¿papaano ang ginágawâng pagtupád sa kaniláng katungkulan? Ináawasán hanggáng mangyayaring awasán ang mg̃a pagkatahô, pinápatáy ang lahát ng̃ sulák at sigabó, ináabâ ang lahát ng̃ karang̃alan, tang̃ìng nagpapakilos sa káluluwá, at itinátaním sa amin ang matatandâng pagkukurò, ang mg̃a lipás na karunung̃an, ang mg̃a malîng batasán ng̃ katwiran na dî kaagpáng ng̃ pamumuhay sa pagsulong! ¡Ah! kung ang linalayon ay ang pagpapakain sa mg̃a bilanggô, ang pagbibigay ng̃ kakanin sa mg̃a nagkasala, ay inilálagáy ng̃ pamahalàan sa _subasta_ upang mátagpûán ang makapagdudulot ng̃ lalòng mabuting pagkain, ang hindî pápatáy ng̃ gutom sa kanilá; kapag ang tinutung̃o ay ang palusugin ang pag-iisip ng̃ isáng boông bayanán, palusugin ang kabatàan, ang bahaging lalòng mabuti, ang sa hulí’y magiging siyáng bayan at siyáng lahát, dî lamang hindî inilalagáy sa _subasta_ ng̃ pamahalàan, kung dî pinalalagì ang kapangyarihan doón sa kalipunán na nagpaparangyâ ng̃ pag-ayáw sa ikatututo, ng̃ pag-ayáw sa anománg pagkakasulong. ¿Anó ang wiwikàin natin kung ang nagdádalá ng̃ pagkáin sa mg̃a bilanggùan, matapos na makuha sa pailalím na paraán ang kasundùang pagpapakain, ay bayàang manglambót ang kaniyáng mg̃a bilanggô sa kakulang̃án sa dugô, dahil sa ang ibiníbigáy na pagkain ay lahát noong lipás at laós, at pagkatapos ay magdahiláng sabihin na hindî nababagay na magkaroon ng̃ mabuting katawán ang mg̃a bilanggô, sapagkâ’t ang mabuting katawán ay nagdudulot ng̃ masasayáng kaisipán, sa dahiláng ang katuwâan ay nagpapabuti sa tao, at ang tao’y hindî dapat bumuti, sapagkâ’t naaayon sa hang̃ád ng̃ nagpapakain ang magkaroon ng̃ maraming nagkakasála? ¿Anó ang wiwikàin natin kung ang pamahalàan at ang nagpapakain ay magkásundô na sa sikolo ó labindalawáng kualta na tinatanggap ng̃ isá, sa bawa’t isáng may sala, ay tanggapín namán ng̃ isá ang aliw?

Kinákagatkagát ni P. Fernandez ang kaniyang mg̃a labì.

--Nápakatindíng sumbóng iyan,--ang sabi,--at kayó’y lumálagpás sa hangganan ng̃ ating kasundùan.

--Hindî, Padre; patuloy akó sa pagtukoy ng̃ ukol sa pag-aaral. Ang mg̃a prayle, at hindî ko sinasabing kayóng mg̃a prayle, sapagkâ’t hindî ko kayó ibinibilang sa karamihan, ang mg̃a prayle ng̃ lahát ng̃ _orden_ ay nagíng pawàng tagapagdulot ng̃ aming ikatatalino, at sinasabi nilá at inihahayag ng̃ walâng kahiyâhiyâ, na hindî nararapat na kamí’y dumunong, sapagkâ’t balàng araw ay hahang̃arín namin ang maging malayà! Itó’y kagaya noong ayaw palusugin ang katawán ng̃ bilanggô upang huwag bumuti at makaalís sa bilanggùan. Ang kalayàan, sa tao’y, kagaya ng̃ ikátututo kung sa katalinuhan, at ang pag-ayáw ng̃ prayle na kamí’y tumalino ay siyáng sanhî ng̃ dî namin kasiyahang loób!

--Ang karunung̃an ay ibiníbigáy lamang doon sa karapatdapat magtamó!--ang paklí ni P. Fernández,--kung ipagkákaloob sa mg̃a taong walâng matibay na pusò at mabuting asal ay hahalay lamang.

--At ¿bakit may mg̃a taong walâng matibay na pusò at mabuting asal?

Kinibít ng̃ dominiko ang kaniyáng balikat.

--Mg̃a kasiràang násususo nang kasama ng̃ gatas, na nálalang̃áp sa loób ng̃ lipì.... ¿anó ang malay ko?

--¡Ah hindî pô, P. Fernández!--ang biglâng bulalás ng̃ binatà,--hindî ninyó sinurìng mabuti ang bagay na pinag-uusapan, hindî ninyó ginawâng tanawín ang kailalimilaliman dahil sa pang̃ambáng bakâ mamalas doón ang anino ng̃ inyóng mg̃a kakapatíd. Kayó ang may kagagawán ng̃ aming anyô. Ang bayang sinísiíl ay pinipilit na magtagláy ng̃ balát-kayông ugalì; yaóng pinagkakaitán ng̃ katotohanan ay binibigyán ng̃ kasinung̃aling̃an; ang nagpapakadahás ay gumágawâ ng̃ alipin. Walâng mabuting aral, ang wikà ninyó, kahì’t na! kahì’t mangyayaring pabulàanan kayó ng̃ mg̃a talàan, sapagkâ’t dito’y hindî nangyayari ang mg̃a pagkakasalang kagaya ng̃ sa maraming bayang nabubulag sa kaniláng palalòng tagurîng nang̃ag-aayos ng̃ ugalì. Datapwâ’y kahì’t hindî hang̃ád ang surìin sa ng̃ayón kung anó ang bumubuô ng̃ hilig at sa dahiláng nátutung̃od sa kabutihang ugalì ang aral na tinanggáp, ay sang-ayon akó sa inyó na kamí ng̃â’y may kasiràan. ¿Sino ang may sala sa pangyayaring iyán? ¿O kayóng may tatlong daa’t limang pûng taóng naghahawak ng̃ aming ikatututo ó kaming umaalinsunod sa lahát ng̃ bagay? Kung makaraán ang tatlóng daa’t limáng pûng taón ay walâng nayarì ang eskultor kundî isáng walâng ayos na larawan, ay lubhâng nápakatunggák.

--O masamâ ang putik na ginagamit.

--Lalò pang tunggák kung gayón, sapagkâ’t alám na masamâ palá ay hindî iniíwan ang putik at nagpapatuloy sa pag-aaksayá ng̃ panahón.... at hindî lamang tunggák, kungdî nagdadayà at nagnanakaw, sa dahiláng batíd na walâng kapararakan ang kaniyáng gawâ ay ipinagpapatuloy upang tanggapín ang kaupahán.... at hindî lamang tunggák at magnanakaw kung dî taksíl sapagkâ’t humáhadláng na ang lahát ng̃ ibáng eskultor ay sumubok ng̃ kaniláng kaya upang tingnán kung makakayarì ng̃ bagay na may halagá! ¡Kalaitlait na pang̃ing̃ilag ng̃ walâng kasapatán!

Ang tugón ay nápakatindí at naramdamán ni P. Fernández na siya’y násilò. Tiningnán si Isagani at namalas niyang malakí, hindî madadaíg, namamaibabaw at noon lamang siyá náranasan, sa boô niyáng kabuhayan, ang pag-aakalàng siya’y tinalo ng̃ isáng nag-aaral na pilipino. Nagsisi siya dahil sa kaniyáng pagkakahamon sa pagtatalo, ng̃unì’t hulí na. Sa kaniyáng kagipitan at sa pagkakalagáy sa haráp ng̃ gayóng dapat katakutang kalaban ay humanap ng̃ mabuting kalasag at pinanghawakan ang pamahalàan.

--Ipinapataw ninyó sa amin ang lahát ng̃ kasalanan, sapagkâ’t walâ kayóng nákikita kundî kamíng kalapít,--ang sabing ang boses ay walâ nang pagmamataas,--talagáng gayón, hindî ko ipinagtataká! kinamumuhîan ng̃ bayan ang sundalo ó ang alguasíl na humúhuli sa kaniyá at hindî ang hukóm na nag-utos ng̃ paghuli. Kayó at kamí’y sumasayáw na lahát ng̃ alinsunod sa lakad ng̃ isáng tugtugin: kung itinátaas ninyó ang inyóng mg̃a paa ng̃ sabáy sa amin, ay huwag kamí ang sisihin: ang tugtuging nagtatakdâ ng̃ ating kilos. ¿Inaakalà bagá ninyóng kamíng mg̃a prayle ay walâng budhî at ayaw kamí sa kabutihan? ¿Inaakalà bagá ninyóng hindî namin kayó naaalaala, na hindî namin naaalaala ang aming kautang̃án, at kamí’y kumakain lamang upang mabuhay at nabubuhay upang magharì? ¡Maanong magkagayón na ng̃â! Ng̃unì’t, gaya rin ninyóng kamí’y sumusunód sa lakad ng̃ tugtugin; kamí’y pigipít na pigipít: ó palayasin ninyó kamí ó kamí’y palayasin ng̃ pamahalàan. ¡Ang pamahalàan ay siyang nag-uutos, at sa nakapaguutos ay walâng katwiran kundî ang sumunód!

--Sa bagay na iyan, kung gayón, ay makukurò--ang sabi ni Isagani na nakang̃itî ng̃ malungkót,--na hang̃ád ng̃ pamahalàan ang aming ikasasamâ?

