# Ang "Filibusterismo" (Karugtóng ng Noli Me Tangere)

## Part 17

Book page: https://www.cyberlibrary.org/tl/books/ang-filibusterismo-karugtong-ng-noli-me-tangere-47629/index.md

Kahì’t na may maraming tungkulin, si D. Custodio, ay hindî kabilang ng̃ mg̃a natutulog sa mg̃a pagpupulong at nasisiyahán nang kagaya ng̃ mg̃a kinatawáng kimî at tamád na makikiboto na lamang sa lalòng marami. Hindî kagaya ng̃ maraming harì sa Europa na nagtátagláy ng̃ kabunyîáng harì sa Jerusalém, pinaghaharì ni D. Custodio ang kaniyáng kalagayan at sinásamantalá ang lahát ng̃ mápapakinabang dito, ikinúkunót na mabuti ang kilay, pinalálakí ang boses, umuubó sa pagsasalitâ at madalás na siyá na lamang ang umuubos ng̃ isáng pagpupulong dahil sa pagsasalaysáy ng̃ isáng kabuhayan, paghaharáp ng̃ isáng panukalà ó paglaban sa isáng kasama na nákainipán niyá. Kahì’t hindî pa siyá lumálampás sa apat na pûng taón ay nagsásalitâ na noong dapat dáw magdahandahan sa paggawâ ng̃ anomán, na iwan munang mahinóg ang bubót na bung̃a ng̃ _higuera_, at idinúdugtóng na marahan ¡mg̃a milón!--nagsasalitâ ng̃ ukol sa paglirip na mabuti at paglakad ng̃ marahan, ng̃ pang̃ang̃ailang̃ang kilalanin muna ang bayan, na ang mg̃a hîlig ng̃ indio ay paganitó, na ang karang̃alan ng̃ pang̃alang kastilà, na sa dahilang una muna ang mg̃a kastilà, na ang pananampalataya at ibp. Náaalala pa sa Maynilà ang isá niyáng talumpatì ng̃ unang ipalagáy ang pag-iilaw ng̃ petróleo, bilang kahalili ng̃ dating lang̃ís ng̃ niyog: sa pagbabagong iyon ay hindî nakita ang pagkamatáy ng̃ paggawâ ng̃ lang̃ís kundî ang tutubùin ng̃ isáng konsehal--sapagkâ’t si D. Custodio ay may matalas na pangamóy--at humadláng ng̃ inubos ang lahát ng̃ tunóg ng̃ kaniyáng boses, na ipinalagáy na ang panukalà ay walâ sa panahón at hinulàang magkakaroon ng̃ malalakíng sakunâng bayan. Hindî rin hulí sa kabantugan ang kaniyáng paghadláng sa isáng pananapatan na ibig gawín ng̃ ilán sa isáng gobernador bago umalís: si D. Custodio na mayroong kaunting samâ ng̃ loob dahil sa iláng paghiyà sa kaniyá, na hindî na namin naaalala, ay natutong ikalat ang balibalitàng ang talàng daratíng ay kalabang masidhî ng̃ aalís, bagay na ipinang̃ambá ng̃ mg̃a mananapát kayâ’t hindî nátuloy.

Isáng araw ay hinatulan siyáng bumalík sa España upang magpagamót ng̃ isáng sakít sa atáy at binanggít siyá ng̃ mg̃a pahayagan na warì’y isáng Anteo na nang̃ang̃ailang̃ang tumuntóng sa Ináng bayan upang kumuha ng̃ mg̃a panibagong lakás; ng̃unì’t ang Anteong taga Maynilà ay nang̃untî at nawalâng kabuluhán sa Corte. Doon ay hindî siyá gasino at hinahanaphanap ang kaniyáng mg̃a kaibigibig na banság. Hindî siyá nákahalobilo ng̃ mg̃a lalòng mayayaman, ang kakulang̃an niyá sa pinag-aralan ay hindî makapagbigáy sa kaniyá ng̃ malakíng kahalagahan sa mg̃a lipunang ukol sa karunung̃an at mg̃a akademia, at dahil sa kaniyang pagkakáhulí at pagtatagláy ng̃ polítikang kombento ay litóng umaalís sa mg̃a lipunán, walâng kasiyahang loob, muhî, at walâng malinawan kundî ang doo’y kinukunan ng̃ kuwalta ang tang̃á at doo’y malakás ang sugál. Inaalala ang kaniyang masunurìng mg̃a utusán sa Maynilà na nang̃agtitiís sa lahát ng̃ kaniyang nakayayamót na maibigan, at sa gayón ay nákikita niyang ang mg̃a yaón ay siyang mabuti; sa dahiláng sa taglamíg ay nang̃ailang̃an siyang maglalapít sa dupàan at kung hindî’y makasasagap ng̃ isáng pamamagâ ng̃ bagà ay ipinagbubuntóng hining̃á ang pag-aalala sa taglamíg sa Maynilà na sukat na ang magtagláy ng̃ isáng _bufanda_; walâ ang kaniyang hiligán at ang batàng tagapamaypáy kung taginít; sa isáng sabi, sa Madrid ay nagíng isá siya sa mg̃a pangkaraniwan, at, kahì’t na mayroon siyang mg̃a brillante, minsan ay pinagkamalán siyang _paleto_ na hindî marunong umimbáy, at minsan ay pinagkamalán siyang _indiano_, kinutyâ ang kaniyang mg̃a pagng̃ang̃aning̃aní at talampák siyang inutô ng̃ iláng máng̃ung̃utáng na kaniyang hiniyâ. Muhî sa mg̃a _conservador_, na hindî pinahalagahán ang kaniyáng mg̃a payo, na gaya rin namán sa mg̃a kákabitkabít sa kaniyang humihitít sa kaniyang bulsá, ay sumapì sa pangkating _liberal_, at bago matapos ang taón ay bumalík sa Pilipinas, na, kung hindî man magalíng na sa sakít sa atáy ay gulóng guló namán ang paghahakà.

Ang labíng isáng buwang ipinamuhay niya sa Corte na dinaang kahalobilo ng̃ mg̃a polítikong tindahan, mg̃a walâng pinapasukan ang lahát halos; ang iláng talumpatìng náding̃íg sa mg̃a suloksulók, ang gayón ó ganitóng lathalàng laban sa pamamahalà at lahát noong pamumuhay sa polítika na nálalang̃áp doon, mulâ sa pagupitan, sa pag-itan ng̃ mg̃a paggupít ng̃ Fígaro, na naghahayag ng̃ kaniyang pátakarán, hanggáng sa mg̃a piging̃an na pinaghahayagán, sa pamag-itan ng̃ maiinam na pagsasalaysáy at mg̃a nakabibighanìng banggít ng̃ mg̃a sarisarìng kulay ng̃ mg̃a pananalig sa suliraning bayan, ang mg̃a pagkakaibá, mg̃a pagtiwalág, mg̃a dî kasiyahang loob, at ibp., ang lahát ng̃ iyon, samantalang siya’y lumálayô sa Europa, ay mulîng nabubuhay nang lubhâng malusóg sa kaniyáng alaala, na warì’y binhîng nátaním, na napipigláng lumakí ng̃ mg̃a malalabay na punòng nakatatakíp, kayâ’t ng̃ dumaóng sa Maynilà ay inakalàng itó’y maiaayos niya, at gayón ng̃â, tagláy ang lalòng banal na adhikâ at ang lalòng malilinis na mithî.

Sa mg̃a unang buwan ng̃ kaniyáng pagdatíng ay walâ nang nababanggít kundî ang Madrid, ang kaniyáng mabubuting kaibigan, ang ministrong si ganoon, ang nagíng ministrong si ganitó, ang kinatawáng C, ang manunulat na si B; walâng pangyayarí sa polítika, mg̃a kagusutan sa _Corte_, na hindî niya batíd ang lalòng kaliítliítang pangyayari, ni mg̃a taong bantóg na hindî niya kilalá ang lihim ng̃ kabuhayan, ni walâng nangyaring hindî niya hinulàan ni paglalathalà ng̃ isáng pagbabagong hindî muna isinangunì sa kaniya; at ang lahát nang itó’y may kalahók na pagsundót sa mg̃a _conservador_, na tagláy ang tunay na pagkasuklám, pagpupuri sa pangkating _líberal_, isáng kabuhayan dito, isáng salitâ doon ng̃ isáng bantóg na tao, na ipinápatláng, na warìng hindî kinukusà, ang mg̃a pag-aalóg sa kaniyá at mg̃a tungkuling hindî tinanggáp upang huwág lamang magkaroón siyá ng̃ anó máng utang na loob sa mg̃a _conservador_. Nápakalakí ang kapusukán niyá ng̃ mg̃a unang araw na iyón, na ang ilán sa kausap-usap sa tindahan ng̃ mg̃a sarìsaring kakanín na dinadalaw niyáng maminsanminsan ay nang̃agsisapì sa pangkating liberal, at nagpanggáp nang liberal si D. Eulogio Badana, _sargento retirado sa carabinero_; ang marang̃ál na si Armendia, piloto at matalik na _carlista_; si D. Eusebio Picote, kawaní sa aduana, at si Don Bonifacio Tacón, sapatero at talabartero.

Gayón man, ang mg̃a sigabó, dahil sa kakulang̃án ng̃ tunggalìan at mg̃a bagay na makapag-udyók, ay untî-untîng napawì. Hindî niyá binabasa ang mg̃a pamahayagang dumáratíng sa kaniyáng buhat sa España, sapagkâ’t balubalutan kung tanggapín at ang pagkakita noón ay nakapagpapahikáb sa kaniyá; ang mg̃a paghahakàng kaniyáng nápulot na pawàng gamít na, ay nang̃ang̃ailang̃an ng̃ abuloy na dagdág, at doo’y walâ ang kaniyáng mg̃a mánanalumpatî; at kahì’t na malalakás ang larô sa mg̃a _casino_ sa Maynilà at mayroón ding nang̃ing̃risto, gaya ng̃ sa mg̃a lipunán sa Madríd, gayón man ay hindî namán ipinahihintulot sa mg̃a tinuran ang anó mang talumpatì upang buhayin ang mg̃a imbót sa polítika. Ng̃unì’t si D. Custodio ay hindî tamád; gumágawâ ng̃ higít sa pagnanasà lamang, kumikilos; at sa pagkakilala niyáng sa Pilipinas siyá málilibíng at sa pag-aakalàng yaón ang kaniyáng makikilusan, ay pinag-ukulan ng̃ kaniyáng mg̃a pagsusumikap at inakalàng mapabubuti sa pagbabalak ng̃ maraming pagbabago at mg̃a panukalàng kawiliwili. Siya, ang dahil sa náding̃íg sa Madrid ang pag-uusap ng̃ ukol sa mg̃a daang nilalatagan nang kahoy sa Paris, na noon ay hindî pa ginágawâ sa España, ay nagpalagáy na gawín sa Maynilà, sa paraang maglatag ng̃ mg̃a tablá sa mg̃a lansang̃an at ipagpakô na gaya ng̃ nákikíta sa mg̃a baháy-baháy; siya, ang dahil sa mg̃a kasawîáng nangyayarí sa mg̃a sasakyáng dádalawá ang gulóng, at upang maiwasan, ay ipínalagáy na magtagláy ng̃ tatló man lamang; siya rin namán, ang samantalàng gumáganáp sa pagka pang̃alawáng pang̃ulo ng̃ Junta de Sanidad ay nakaisip na wiligán ng̃ panglinis ang lahát ng̃ bagay, sampû ng̃ mg̃a balítàng pahatíd kawad na galing sa mg̃a bayang may sakít na nakahahawa; siya rin ang, sa pagkahabág sa mg̃a presídiario na nang̃agsisigawâ sa init ng̃ araw at sa pagnanasàng makapagtipíd ang Pamahalàan sa paggugol sa mg̃a kasuotan noon, ay ipinalagáy na suotan na lamang ng̃ isáng bahág at pagawín sa gabí at huwag sa umaga. Nahahang̃à at namumuhî, na, ang kaniyáng mg̃a palagáy ay makatagpô ng̃ humahadláng; ng̃unì’t kinakalamay ang saríli pag náiisip na ang taong may halagá, ay sadyâng may kalaban, at naghihigantí namán siya sa paraang pagtuligsâ at pagpapawalâng kabuluhán sa lahát ng̃ panukalà, magíng masamâ ó magíng mabuti, na iharáp ng̃ ibá.

Sapagkâ’t ipinagmamalakí ang kaniyáng pagkalabusáw, kailan ma’t mátatanóng siya kung anó ang palagáy sa mg̃a indio ay karaniwang isagót na, nararapat sa mg̃a gawàin sa kamáy at mg̃a _artes imitativas_ (ang ibig sabihin ay músika, pintura at eskultura), at idinádagdág ang kaniyáng matandâng pabuntót, na, upang mákilala silá’y kailang̃ang bumilang ng̃ maraming maraming taóng pamumuhay sa lupaíng yaón. Gayón man, kung nakadiding̃íg na may nápapabantóg sa anomán na hindî dahil sa mg̃a gáwàin sa kamáy ó _arte imitativa_, sa kímika, sa medisina ó pilosopia, sa halimbawà, ay sinasabi niyáng: ¡Psh! maaarì.... ¡hindî tang̃á! at sinasapantahà niyá na ang indiong iyon ay may maraming dugông kastilà sa ugát; at kung hindî niya makitàan kahì’t na magpilit ay humahanap namán ng̃ isáng pinanggaling̃ang hapón: noon ay nagsisimulâ ang gawì na iukol sa mg̃a hapón at sa mg̃a árabe ang anománg mabuting bagay na tagláy ng̃ pilipino. Sa kay D. Custodio, ang kundiman, ang balitaw, ang kumintáng ay mg̃a tugtuging árabe, gaya rin namán ng̃ mg̃a titik sa pagsulat ng̃ matatandâng pilipino, at sa bagay na itó’y walâ siyáng pag-aalinlang̃an, kahì’t hindî niya kilala ang árabe, ni hindî man siya nakákita ng̃ katitikang pilipino.

--¡Árabe at lubos na árabe!--aniyá kay Ben-Zayb sa isáng pagsasabing hindî matutulan--kung dilì man, ay insík.

At idinúdugtóng pang may kindát na makahulugán:

--Walâng walâ, walâng bagay na sadyâng likás ang mg̃a indio, ¿batíd ninyó? Malakí ang pagmamahál ko sa kanilá; ng̃unì’t hindî silá dapat purihin, sapagkâ’t nang̃agmamalakí at nagiging mg̃a kahabaghabág.

Kung minsa’y sinasabi na:

--Pinakamamahál ko ang mg̃a indio, ako’y lumálagáy nang para niláng amá’t tagapagtanggol, ng̃unì’t kailang̃ang ang bawà’t bagay ay málagay sa nararapat kalagyán. Ang ibá’y ipinang̃anák upang mag-utos at ang ibá’y upang sumunód; kung sa bagay ay hindî masasabing malakás ang katunayang itó, datapwâ’y ginágawâ nang walâng maraming salitàan. At tingnán ninyó, ang paraan ay walâng kahiraphirap. Pag kailang̃an ninyóng piglán ang bayan ay paliwanagan ninyóng siyá’y pigíl; tatawa sa unang araw, sa ikalawá’y tututol, sa ikatló ay mag-aalinlang̃an at sa ikaapat ay panalig na panalig ná. Upang mapalagì ang pilipino sa pagkamasunurin, ay kailang̃ang uulit-ulitin sa kaniyá sa araw-araw na siyá’y gayón at pananaliging siyá’y walâng magágawâ. ¿Sa isáng dako namán, ay anó pá’t mananalig siyá sa ibáng bagay kung masásawî lamang? Paniwalàan ninyó akó, isáng kawanggawâ ang palagìin ang bawà’t isá sa kalagayang kinaroroonan; diyán naririyan ang kaayusan, ang pagkakasundô. Iyan ang lihim ng̃ _karunung̃an_ sa pamamahalà.

Kung tinutukoy ni D. Custodio ang kaniyáng paraan sa pamamahalà ay dî na nasisiyahan sa salitâng _arte_. At pagsasabi niya ng̃ _pamamahala_ ay iniuunat ang kamáy na ibinábabâ hanggáng sa taás ng̃ isáng taong nakaluhód, nakaukód.

Tungkol namán sa pananampalataya ay ipinagmámalakí ang kaniyáng pagkakatóliko, lubós na katóliko, ¡á! ang katólikang España, ang lupàín ni María Santísima!.... Ang isáng labusáw ay maaarì at dapat magíng katóliko doon sa pook na, ipinalalagáy silá ng̃ mg̃a kalaban ng̃ pagkakasulong, na sila’y mg̃a diosdiosan ó santó man lamang, gaya nang pangyayaring ang isáng kayumanggí ay inaarìng maputî sa Kaprería. Gayón man, ay kumakain siya ng̃ lamáng kati sa boóng kurismá, tang̃ì lamang sa _Viernes Santo_; hindî nagkukumpisál kailán man, hindî naniniwalà sa mg̃a kababalaghán, ni sa hindî pagkakámalî ng̃ Papa, at kung nagsisimbá, ay nagsísimbá sa ika sampû ng̃ umaga ó sa lalòng maiklîng misa, sa misa ng̃ tropa. Kahì’t sa Madrid ay nagsalitâ siya ng̃ laban sa mg̃a parì, na ipinalalagáy niyang lipás na sa kapanahunan, upang huwag mátiwalî sa kaniyáng kinagigitnâán, nagsalitâ ng̃ mg̃a paglait sa Inquisición at nagsasalaysáy ng̃ gayón ó ganitóng kabuhayang malaswâ ó palibák na kinalalahukán ng̃ mg̃a hábito, ó, sa lalòng tiyakan, mg̃a prayleng walâng _hábito_, gayón man, pagsasalitâ ng̃ ukol sa Pilipinas, na dapat pamahalàan ng̃ alinsunod sa mg̃a tang̃ìng batás, ay umuubó, titing̃ín ng̃ isáng titig na may kahulugán, uulitin ang paglalahad ng̃ kamáy na kasingpantáy ng̃ taas na matalinghagà.

--Ang mg̃a prayle ay kailang̃an, silá’y isáng bagay na masamâ, ng̃unì’t kailang̃an--ang sabi.

At nagagalit pag ang isáng indio ay nang̃ahás na mag-alinlang̃an sa mg̃a kababalaghán ó hindî naniniwalà sa Papa. Ang lahát ng̃ pahirap ng̃ Inquisición ay hindî sapát na parusa sa kapang̃ahasang iyón.

Kung ikinakatwiran sa kaniyá na ang panggagagá ó ang mabuhay na sinásamantalá ang kamangmang̃án ay may ibá pang tawag na masamâng dinggín at pináparusahan kapag ang nagkakasala ay nag-íisá, ay lumúlusót namán siyá sa paraang pagtukoy sa ibáng bayang sakóp.

--Kamí--ang sabi, na ang boses ay ang ginagamit sa mg̃a seremonia--kamí’y makapagmámalakí! Hindî kamí kagaya ng̃ mg̃a inglés at mg̃a holandés, na upang mapanatili sa pag-alinsunod ang mg̃a bayan ay gumagamit ng̃ pamalò.... ang aming ginagamit ay ibáng paraan na lubhâng malumanay, lubhâng matibay; ang malunas na tulong ng̃ mg̃a prayle ay higít sa pamalòng inglés......

Ang sabi niyáng itó’y lumaganap at sa mahabàng panahó’y binanggít banggít ni Ben-Zayb at gayón dín ng̃ boông Maynilà; pinakapuripuri ng̃ Maynilàng naghuhulò. Ang salitâ ay nakaabót sa Madrid, at binanggít sa Parlamento, na parang sabi ng̃ isáng _labusáw na may mahabang paninirahan_ at ibp., at sa dahiláng nagíng karang̃alan ng̃ mg̃a prayle ang gayóng paghahawig ay hinandugán siyá ng̃ iláng arrobang sikulate, bagay na ipinabalík ng̃ dî malamuyot na si D. Custodio, na, sa dahiláng ito’y ipinantáy namán ni Ben-Zayb ang tagláy na kabaitan sa kabaitan ni Epaminondas. Dátapwâ’t gayón mán, ay gumagamit din ng̃ yantók ang bagong Epaminondas kung inaabot ng̃ pagkagalit, at ang gayón ay inihahatol sa ibá!

Nang mg̃a araw na iyón, ay inulit ng̃ mg̃a kombento ang kaniláng mg̃a handóg dahil sa pang̃ang̃ambáng bakâ siyá magbigáy ng̃ isáng kapasiyaháng sang-ayon sa kahiling̃an ng̃ mg̃a nag-aaral, at ng̃ hapong nátagpûán natin siyá ay lalò pa mandíng hindî mápalagáy kay sa dati sapagkâ’t malapit masirà ang kaniyáng kabantugang masipag.

Mahigít nang labíng limáng araw na nasa kamáy niya ang mg̃a kasulatan, at nang umagang iyón, matapos na mapuri ang kaniyáng pagka masusì, ay ìtinanóng ng̃ mataás na kawaní ang kaniyáng kapasíyahan. Si D. Custodio ay sumagót ng̃ lubhâng matalinghagà, na ang ibig sabihin ay yarì na: ang mataas na kawaní ay ng̃umitî, at ang ng̃itîng iyon ng̃ayón ay gumágambalà’t umuusig sa kaniya.

Gaya nang sinabi na namin, ang hikab niya’y sunódsunód. Sa isáng pagkilos niya, ng̃ sandalîng idinidílat ang mg̃a matá at inilalapat ang bibíg, ay nápatítig sa mahabàng hanay ng̃ mg̃a sapíng mapulá, na ayós na ayós ang mg̃a pagkakalagáy sa mainam na aklatang kamagóng: sa mg̃a gulugód ng̃ bawà’t isá’y may mg̃a malalakíng titik na ang sinasabi, ay: MAÑGA PANUKALA.

Nalimot sumandalî ang kaniyáng mg̃a kagipitan at ang mg̃a pag-ikot ni Pepáy, upang alalahanin na ang lahát ng̃ linálamán ng̃ mg̃a baitang na iyon ay pawàng sumipót sa kaniyáng palanak na ulo sa mg̃a sandalîng pagliliwanag. ¡Gaano karaming bung̃ang isip na walâng kamukhâ, gaano karaming maririlág na pagkukurò, gaano karaming mg̃a kaparaanang ikaliligtás sa pagsasalát ng̃ Pilipinas! Kailan pa man ay hindî na siya malilimot at tataglayín niya ang pagkilala ng̃ utang na loob ng̃ bayan!

Warìng isáng matandâng magatod na nakátagpô ng̃ isáng balutang ináamag na mg̃a sulat sa palasintahan, ay tumindíg si D. Custodio at lumapit sa lalagyán ng̃ mg̃a aklát. Ang unang balangkáp na makapal, magâng-magâ, punôngpunô, ay may tagláy na taták na “MAÑGA PANUKALANG _minumunakala_”.

--¡Huwag!--ang bulóng--may mg̃a bagay na maíinam, ng̃unì’t kailang̃an ang sangtaón upang mabasang mulî.

Ang pang̃alawá, na makapálkapál dín, ay may taták na “MAÑGA PANUKALANG _nasa pagsusuri_”.--¡Huwag dín!

Pagkatapos noon ay sumúsunód ang “MAÑGA PANUKALANG _ipinag-aantáy ng̃ panahón_.”.... “MAÑGA PANUKALANG _iniharáp_....” “MAÑGA PANUKALANG _pinawalang kabuluhán_....” “MAÑGA PANUKALANG _pinagtibay_....” “MAÑGA PANUKALANG _pinigil_....” Ang mg̃a hulíng balangkáp ay kákauntî ang lamán, ng̃unì’t ang hulí ay lalò pa, ang sa “MAÑGA PANUKALANG _isásagawa_”.

Ikinislót ni D. Custodio ang kaniyáng ilóng ¿anó kayâ ang lamán? Nalimot na niyá ang nasa sa loob niyón. Isáng putol na papel na naníniláw ang nakaung̃ós sa dalawáng takíp, na warì’y dinidilàan siyá ng̃ balangkáp.

Kinuha sa lalagyán at binuksán: yaón palá’y ang bantóg na panukalà ng̃ Páaralang Artes y Oficios.

--¡A, putris!--ang bulalás--ng̃unì’t itó’y nasa sa kamáy na ng̃ mg̃a parìng agustino......

Walâng anó anó’y biglâng tinapík ang kaniyáng noo, inihubog ang kilay, isáng pagtatagumpáy ang nálarawan sa kaniyáng mukhâ.

--¡Sa heto palá ang aking pasiyá, C.!--ang bulalás na bumitíw ng̃ isáng mahalay na salitâng hindî ang _eureka_, ng̃unì’t nagsísimulâ sa pangkatapusán nitó--ang aking kapasiyahán ay yarì na.

At makálimá ó makaanim na inulit ulit ang kaniyáng kinaugalìang _eureka_, na humaging sa hang̃in na warì’y magalák na hagkís, at masayáng tinung̃o ang kaniyáng mesa at sinimulán ang pagsulat.

XXI

MG̃A AYOS MAYNILA

Nang gabíng yaón ay may isáng malakíng palabás sa dulàang “Variedades”.

Ang samahán ng̃ óperang pransés ni Mr. Jouy ay magdadaos ng̃ una niyáng palabás na ang itatanghál ay “_Les Cloches de Corneville_” at ipamamalas sa madlâng manonood ang kaniyáng mg̃a pilìng _troupe_ na inihayag na iláng araw ng̃ mg̃a pahayagan ang kaniláng kabantugan. Sinasabing sa mg̃a aktrís ay mayroong mg̃a may magandáng ting̃ig, ng̃unì’t lalò pa mandíng magandá ang anyô, at kung paniniwalàan ang mg̃a bulongbulung̃an, ay higít pa sa kaniláng ting̃ig at anyô ang kaniláng kagandahang loob.

Ika pitó at kalahatì pa lamang ng̃ gabí ay walâ nang billete ni para sa naghihing̃alông si P. Salvi, at ang mg̃a papasok sa “entrada general” ay mahabàng mahabà ang hanay. Sa takilya ay nagkaroon ng̃ kaguluhan, awayán, tinukoy ang pagpipilibustero at ang ukol sa lahì, ng̃uní’t gayón man ay hindî rin nakakuha ng̃ bilyete. Nang labíng limáng minuto na lamang ang kulang sa ika waló ay malalakíng halagá na ang itinatawad sa isáng uupán sa _entrada general_. Ang anyô ng̃ dulàan, na naiilawang mabuti, may mg̃a punò’t bulaklák sa mg̃a pintùan, ay nakauulól sa mg̃a náhuhulíng nápapahang̃à at napapasuntók. Isáng makapál na tao ang nang̃agkíkisawan sa mg̃a paligid at pinagmamasdáng naíinggít ang mg̃a pumapasok, ang mg̃a maagang dumáratíng dahil sa natatakot na maunahan sa kaniláng luklukan: tawanan, aling̃awng̃áw, mg̃a pag-aantabáy, nang̃agsisíbatì sa mg̃a bagong datíng na masamâ ang loob na nakikihalobilo sa mg̃a nanonood, at, yamang hindì makapasok ay nang̃atítirá na lamang sa pagtanáw sa mg̃a pumapasok.

Gayón ma’y may isáng warì’y dî kahalò sa mg̃a pag-aasámasám at pagnanasàng makapanood. Siya’y isáng mataas na lalaking payát na kung lumakad ay marahan at kinákaladkád ang isáng paang nanínigás. Ang suot ay isáng masamâng ameríkana na kulay kapé at isáng pantalóng paríparísukát ang guhit, marumí, na nákakapit sa kaniyáng katawáng mabutó at yayát. Isáng sambalilong _hongo_ na maarte na, dahil sa kasiràan, ang nakataklób sa kaniyáng malakíng ulo at nagpapakawalâ sa buhók na ang kulay ay marumíng abuhín, halos bulháw, mahahabà, kulót ang mg̃a dulo na warì’y buhók makatà. Ang lalòng katang̃ìtang̃î sa taong iyon ay hindî ang kaniyáng kasuotan, ni ang kaniyáng mukhâng taga Europa na walâng balbás ni bigote, kundî ang kulay niyáng sagà, kulay na nagíng sanhî ng̃ tawag na _Camaroncocido_, na siyáng banság sa kaniya. Ang anyô niya’y walâng kapara: anák ng̃ isáng mabuting lípì, ng̃unì’t siya’y nabubuhay sa pagbubulagbul, sa panghihing̃î ng̃ limós; lahìng kastilà, ay hindî pinahahalagahán ang karang̃alang lahì na inaalípustâ sa pamag-itan ng̃ kaniyáng gulágulanít na kasuotan, ipinalalagáy siya ng̃ lahát na warì’y tagapamalità sa mg̃a pahayagan, at tunay ng̃â namáng ang kaniyáng matáng malalakí’t abuhín, na malamlám at warìng mapagnilay kung tuming̃in, ay naroon saan ma’t may bagay na maibabalità. Ang kaniyang kabuhayan ay hindî batíd ng̃ marami; walâng nakaaalám kung saan siyá kumakain at natutulog: marahil ay mayroon siyáng isáng bariles saan mang pook.

Nang mg̃a sandalîng iyon ay hindî tagláy ni Camaroncocido ang dati niyáng anyông matigás at walâng bahalà: isáng warì’y masayáng pagkaawà ang nananaw sa kaniyáng paning̃ín. Isáng muntîng lalaki, isáng mababàng matandâ ang masayáng sumagupà sa kaniyá.

--¡Kaibigaaaan!--ang sabi, na paós ang boses na warì’y sa palakâ, at ipinakikita ang iláng pisong mehikano.

Nákita ni Camaroncocido ang mg̃a mamiso, at kinibít ang balikat. ¿Anó ang mayroon sa kaniya noon?

Ang matandâ’y isáng mainam na kaibayó niya. Maliit, lubhâng maliit, natataklubán ang ulo ng̃ isáng sambalilong _de copa_ na nagíng isáng uod na may balahibo, at nápapaloob sa isáng maluwang na lebita, lùbhâng maluwang at napakahabà hanggáng sa mápantáy sa isáng salawál na nápakaiklî na hindî lumalampás sa bintî. Ang kaniyáng katawan ay warìng siyang lelong at ang mg̃a paa’y siyáng apó, samantalang ang kaniyáng mg̃a sapatos ay naglalayág mandín sa katihan--¡yaón ay dalawáng malalakíng sapatos marinero na tumututol ng̃ laban sa uod na may balahibo na nasa kaniyang ulo na gaya ng̃ matindíng tutol ng̃ isáng kombento na nasa píling ng̃ isáng _Exposición Universal_! Si Camaroncocido ay sagà, ang matandâ’y kayumanggí; yaón ay walâng buhók sa mukhâ kahì’t lahìng kastilà, ang indio ay may patilla at bigoteng mapuputî, mahahabà’t madalang. Ang paning̃ín ay malikót. Kung tawagin siyá’y Tio Kikò, at, gaya ng̃ kaniyang kaibigan ay nabubuhay din siyá sa pamamahayag: siyá ang nagpapatawag ng̃ mg̃a palabás at nagdidikít ng̃ mg̃a kartel ng̃ mg̃a dulàan. Siya marahil ang tang̃ìng pilipino na kahì’t naka _chistera_ at lebita ay nakapaglalakád nang hindî ginágambalà, gaya rin namán ng̃ kaniyang kaibigan na siya ang tang̃ìng kastilà na nagtátawá sa karang̃alan ng̃ lahì.

--Binigyán akó ng̃ malakíng pabuyà ng̃ pransés--ang sabing nakang̃itî at ipinatanáw ang kaniyáng gilagid na warì’y isáng lansang̃an matapos ang sunog--¡nápabuti ang kamáy ko sa pagdidikít ng̃ mg̃a kartel!

Mulîng ikinibít ni Camaroncocido ang kaniyang mg̃a balikat.

--Kikò--ang sagót na maugong ang boses--kung anim na piso ang ibinigáy sa iyo dahil sa gawâ mo ¿magkano kayâ ang ibibigáy sa mg̃a prayle?

Dahil sa kaliksihang likás ni Tio Kikò, ay itinaas ang ulo.

--¿Sa mg̃a prayle?

--Sapagkâ’t dapat mong maalaman--ang patuloy ni Camaroncocido--na ang pagkapunông itó’y kagagawán ng̃ mg̃a kombento!

Sadyâ ng̃â namáng gayón, ang mg̃a prayle na pinang̃ung̃uluhan ni P. Salvi at iláng hindî parì na pinang̃ung̃uluhan ni D. Custodio ay laban sa pagtatanghál na iyon. Si P. Camorra, na hindî makapanood, ay nanglilisik ang matá’t tátakámtakám; ng̃unì’t nakikipagtalo kay Ben-Zayb na malambót na nagtatanggól sapagkâ’t náiisip ang billeteng walâng bayad na ipadadalá sa kaniyá ng̃ may palabás. Pinagsasalitaán siya ni D. Custodio ng̃ ukol sa maayos na hilig, sa pananampalataya, sa mabubuting kaugalìan, at ibp.

--Ng̃unì’t--ang bulóng ng̃ manunulat--ang ating mg̃a dulàng sainete na may mg̃a salitâ’t pang̃ung̃usap na dalawá ang kahulugán....

