Ang "Filibusterismo" (Karugtóng ng Noli Me Tangere)

Part 16

Chapter 16 3,901 words Public domain Markdown

--¿Anó ang sasapitin mo?--ang patuloy ng̃ iná na pinagduop ang kamáy--¡pang̃ang̃anlán kang _pilibistiero_ at bibítayin ka! ¡Sinasabi ko na sa iyóng magtitiìs ka, ikáw ay magpapakumbabâ! Hindî ko sinasabi sa iyóng humalík ka sa kamáy ng̃ parì, alám kóng ang pangamóy mo’y maselan na gaya ng̃ amá mo na hindî makakain ng̃ keso sa Europa.... ng̃unì’t dapat tayong magtiís, huwag umimík, pa oo sa lahát ng̃ bagay.... ¿Anó ang magagawâ natin? Ang mg̃a prayle ay mayroon ng̃ lahát ng̃ bagay; kung ayaw silá ay walâng magiging abogado, ni médiko.... ¡Magtiís ka, anák ko, magtiís ka!

--¡Sa, nakapagtiís na akóng lubhâ, ináng; buwanang akó’y nagbatá!

Patuloy si kabisang Andáng sa kaniyáng paghihinagpís. Hindî niya hiníhing̃îng kumampí sa mg̃a prayle, siya man ay hindî rin; lubos niyáng batíd na sa bawà’t isáng mabuti ay may sampûng masamâ na kumukuha ng̃ salapî ng̃ mahihirap at nagpapadalá sa mayayaman sa tatapunán. Ng̃unì’t dapat na huwag kumibô, magtiís at magbatá; walâng ibáng paraan. At binanggít ang ganoon at ganitóng ginoo na dahil sa nagpakita ng̃ pagka _paciencioso_ at mapakumbabâ, kahi’t na sa kaibuturan ng̃ pusò’y nagagalit sa kaniyáng mg̃a pang̃inoon, ay nagíng promotor piskal gayong galing sa pagíging alilà ng̃ prayle; at si gayón na ng̃ayó’y mayaman at mangyayaring makagawâ ng̃ mg̃a kabang̃isáng asal na makáaasang may ninong na mag-aampón sa kaniya ng̃ laban sa mg̃a kautusan ay galing sa pagiging isáng maralitâng sakristang mapakumbabà’t masunurin, na nagasawa sa isáng magandáng dalaga na ang nagíng anák ay inanák ng̃ kura....

Patuloy si kabisang Andáng ng̃ pagtutukóy sa mg̃a pilipinong mapakumbabâ at _paciencioso_, gaya ng̃ sabi niyá, at babanggít pa sana ng̃ ibá na dahil sa hindî gayón ay nang̃ápatapon at pinag-uusig, nang si Plácido, dahil sa isáng muntîng bagay na dinahilán, ay umalís at naglagalág sa mg̃a lansang̃an.

Linibot na tátang̃á-tang̃á at masamâ ang uló ang Síbakong, Tundó, San Nicolás, Sto. Cristo, na hindî pinúpuná ang araw at ang oras, at nang makáramdam lamang ng̃ gutom at naunawàng walâ siyáng kuwalta dahil sa ibinigáy niyáng lahát sa mg̃a pistahan at mg̃a ambagan, ay sakâ umuwî sa kaniyáng bahay. Hindî niyá ináantáy na matatagpûán ang kaniyang iná, sapagkâ’t may ugalì itó, kailán ma’t lumuluwas sa Maynilà, na tumung̃o sa mg̃a oras na iyón sa isáng kapit-bahay na pinagsúsugalán ng̃ pangginge. Ng̃unì’t siyá’y ináantáy ni kabisang Andáng upang pagsabihan ng̃ binalak: ang matandâng babai’y patutulong sa _procurador_ ng̃ mg̃a agustino upang mapawì ang pagkamuhî ng̃ mg̃a dominiko sa kaniyáng anák. Pinutol ni Plácido sa isáng ing̃os ang kaniyáng pananalitâ.

--Magtátalón na muna ako sa dagat--ang sabi--manúnulisán na muna akó bago bumalík sa Unibersidad.

At sa dahiláng sinimulán na namán ng̃ iná ang salaysáy na ukol sa pagtitiís at kababàang loób ay umalís na mulî si Plácido na hindî kumain ng̃ anó man at tinung̃o ang daong̃ang himpilan ng̃ mg̃a bapor.

Ang pagkakita ng̃ isáng bapor na aalís na patung̃ong Hongkong ay nag-udyók sa kaniyá ng̃ isáng akalà: pumaroon sa Hongkong, magtanan, magpayaman doon upang bakahin ang mg̃a prayle. Ang pagparoon sa Hongkong ay gumising sa kaniyá ng̃ isáng alaala, isáng kasaysayan ng̃ mg̃a kagayakang pamukhâ ng̃ dambanà, mg̃a _ciriales_ at mg̃a titirikán ng̃ kandilà na pawàng pilak na inihandóg sa isáng simbahan ng̃ kabanalan ng̃ mg̃a mapanampalataya; anáng isáng platero, ay nagpagawâ sa Honkong ang mg̃a prayle ng̃ ibáng kagayakan sa dambanà, mg̃a _ciriales_ at mg̃a titirikàn ng̃ kandilà na pawàng pilák na Ruolz na siyáng ipinalít sa mg̃a tunay na pilak na ipinatunaw at ipinagawâng pisong mehikano. Itó ang kasaysayang kaniyáng náring̃íg at kahì’t mg̃a salísalitâ lamang yaón ó bulúngbulung̃an ay inaarì na niyáng totoo dahil sa samâ ng̃ kaniyáng loob at nagpapaalaala pa sa kaniyá ng̃ iláng gayón ding pangyayari. Ang paghahang̃ád na mabuhay ng̃ malayà at iláng balak na hindî pa lubós na yarì ay nakapag-udyók sa kaniyáng ipatuloy ang balak na tumung̃o sa Hongkong. Kung doon dinadalá ng̃ mg̃a _corporación_ ang lahát ng̃ kaniláng salapî ay dapat na lumakad na mabuti ang pang̃ang̃alakal doon at maáarìng siyá’y yumaman.

--¡Ibig kong magíng malayà, mabuhay ng̃ malayà!....

Inabot siya ng̃ gabí sa paglilibót sa S. Fernando, at sa dahiláng hindî makátagpô ng̃ isáng kaibigang mangdaragát ay nagpatuloy nang umuwî. At sapagkâ’t magandá ang gabí at ang buwan ay kumíkináng sa lang̃it na binibigyán ng̃ anyông kaharìang makababalaghán ng̃ mg̃a _hada_ ang maralitâng siyudad, ay tumung̃o sa periya. Doon nagpayao’t dito, linibot ang mg̃a tindá na hindî nápupuná ang mg̃a bagaybagay; ang pag-iisip ay nasa Hongkong upang mamuhay ng̃ malayà, magpayaman......

Iiwan na sana ang periya nang mámatàan mandín ang manghihiyas na si Simoun na nagpapaalam sa isáng taga-ibáng lupâ at kapuwâng sa wikàng inglés nag-uusap. Sa palagáy ni Plácido ay ang lahát ng̃ wikàng ginágamit sa Pilipinas ng̃ mg̃a dayuhan, kailan ma’t hindî ang kastilà, ay inglés: at sakâ naulinígan pa ng̃ ating binatà ang salitâng Hongkong.

¡Kung mangyayari sanang maipakiusap siya ng̃ magaalahás na si Simoun sa dayuhang yaón na tutung̃o mandín sa Hongkong!

Tumígil si Plácido. Nákikilala niya ang manghihiyás dahil náparoon sa kaniyáng bayan at nagbilí ng̃ alahas. Sinamahan niya sa isáng paglalakbáy at pinagpakitaan siya ng̃ magandáng loob ni Simoun na isinalaysáy sa kaniyá ang mg̃a pamumuhay sa mg̃a Unibersidad ng̃ mg̃a malalayàng bansâ: ¡anóng lakíng kaibhán!

Sinundán ni Plácido ang mag-aalahás.

--¡Ginoong Simoun, ginoong Simoun!--aniyá.

Nang mg̃a sandalîng yaón ay lululan sa sasakyán ang mang-hihiyas. Nang mákilala si Plácido ay tumigil.

--¡Ibig ko sanang makiutang ng̃ loob sa inyó...., dalawáng salitâ lamang!--ang sabi.

Si Simoun ay umanyông may pagkainíp, bagay na sa katuligán ni Plácido ay hindî nápuná. Sa iláng salitâ’y isinalaysáy ng̃ binatà ang nangyari sa kaniyá at ipinahayag ang nasàng tumung̃o sa Hongkong.

--¿At bakit?--ang tanóng ni Simoun na tinitigan si Plácido sa tulong ng̃ kaniyáng mg̃a salamíng bugháw.

Hindî sumagót si Plácido. Sa gayó’y tuming̃alâ si Simoun at ng̃umitî ng̃ dati ring ng̃itîng tahimik at malamlám, at sinabi kay Plácido na:

--¡Siya! sumama kayó sa akin. ¡Sa daang Iris!--ang sabi sa kotsero.

Sa boong linakaran ay namalagìng walâng imík si Simoun na warìng may iníisip na isáng malakíng bagay. Sa pag-aantáy ni Plácido na siya’y kausapin ay hindî bumibigkás ng̃ anománg salitâ at naglibáng sa pagmamasíd sa maraming naglalakád na sinásamantalá ang kaliwanagan ng̃ buwan. Mg̃a binatà, magkakaakbáy na magkasintahan, mg̃a nagkakaibigan na sinúsundán ng̃ mg̃a maiing̃at na iná ó mg̃a inali; pulúpulutóng na mg̃a nag-aaral na nakadamít ng̃ putî na lalò pa mandíng pinatitingkád ng̃ buwan ang kaputîán; mg̃a sungdalong halos lasíng na nang̃akakaruahe, anim na paminsan, na dadalaw sa sambahang pawid na ukol kay Cíteres; mg̃a batàng naglalarô ng̃ tubigán, mg̃a insík na nagtitindá ng̃ tubó at ibp., ang pumúpunô sa dinádaanan at sa liwanag na maningníng ng̃ buwan ay nagkakaroon ng̃ anyông mamalikmatà’t mg̃a kaayaayang ayos. Sa isáng bahay ay tumútugtóg ng̃ mg̃a balse ang orkesta at nákikita ang iláng magkalangkáy na nagsasayawan sa liwanag ng̃ mg̃a kinké at lámpara.... ¡napakahabág na pánoorín iyon sa ganáng kaniyá kung ipapara sa nákikita sa mg̃a lansang̃an! At sa pag-iisíp ng̃ ukol sa Hongkong ay itinatanóng sa sarili kung ang mg̃a gabíng may buwan sa pulông yaon ay kasíng inam, kasíng sasaráp ng̃ sa Pilipinas, at isáng matindíng kalungkutan ang bumálot sa kaniyáng pusò.

Ipinag-utos ni Simoun na humintô ang sasakyan at lumunsád siláng dalawá. Nang mg̃a sandalîng yaón ay siyáng pagdaraán sa kaniláng tabí ni Isagani at ni Paulita Gómez na nagbubulung̃an ng̃ matatamis na salitâ; sa likurán ay kasunód si aling Victorina na kasama si Juanito Pelaez, na malakás ang pagsasalitâ, nagkúkukumpáy at lalò pang nakukubà. Sa pagkalibáng ni Pelaez ay hindî nákita ang kaniyang nagíng kasama sa pag-aaral.

--¡Iyan ang maligaya!--ang bulóng ni Plácido na nagbuntónghining̃á at nakating̃ín sa pulutóng na untî untîng nagiging parang anino na lamang, na ang tang̃ìng nákikitang mabuti ay ang mg̃a bisig ni Juanito na ibinábabâ’t itinátaás na warì’y pamagaypáy ng̃ isáng giling̃an.

--¡Sa gayón na lamang siya magagamit--ang bulóng namán ni Simoun--mabuti na ang lagáy ng̃ kabatàan!

¿Sino ang tinutukoy ni Plácido at ni Simoun?

Hinudyatán nitó ang binatà, iniwan nilá ang dáan at nagsuot sa isáng palikawlikaw na landás at mg̃a daanang pag-itan ng̃ iláng bahay; kung minsa’y nang̃agsisitalón sa maliliít na bató upang iwasan ang mumuntîng putikán at kung minsa’y yumuyukô upang dumaán sa bakod na masamâ ang pagkakayarì at lalò pa mandíng masamâ ang pagkakaing̃at. Namanghâ si Plácido nang mákitang naglalakád sa mg̃a poók na iyon ang mayamang mag-aalahás na warì’y sanáy na sanáy doón. Sa kahulihuliha’y nakaratíng silá sa isáng warì’y kulób na malakí na may nag-iisáng muntîng bahay na dukhá na nalilibid ng̃ saging̃án at mg̃a punò ng̃ bung̃a. Iláng balangkás na kawayan at putól putól na bungbóng ay nakapagpahinalà kay Plácido na silá’y nasa bahay ng̃ isáng kastillero.

--¡A! ginoo....

At daglîng nanaog.

--¿Nariyan na ang pulburá?--ang tanóng ni Simoun.

--Nang̃asa bayóng; inaantáy ko ang mg̃a bungbóng.

--¿At ang mg̃a bomba?

--Náhahandâ.

--Mabuti, _maestro_.... Ng̃ayóng gabí rin kayó lalakad at makipag-usap sa teniente at sa kabo.... at pagkatapos ay ipatuloy ang inyóng lakad; sa Lamayan ay makatatagpô kayó ng̃ isáng tao sa isáng bangkâ: pagsabihan ninyó ng̃ “kabisa” at siya’y sásagót ng̃ “Tales”. Kailang̃ang dumatíng dito bukas. Hindî makapag-aaksayá ng̃ panahón!

At binigyán ng̃ iláng kuwaltang gintò.

--¿Bakit pô ginoo?--ang tanóng sa mabuting wíkàng kastilà ng̃ tao--¿may bagong bagay pô ba?

--Oo, gágawín sa loob ng̃ linggóng dáratíng.

--¡Sa linggóng dáratíng!--ang ulit ng̃ tao na nápauróng--ang mg̃a arabal ay hindî pa handâ; inaantáy na iurong ng̃ General ang utos.... ang akalà ko’y ipagpapaliban hanggáng sa pagpasok ng̃ kurismá.

Umilíng si Simoun.

--Hindî na natin kakailang̃anin ang mg̃a arrabal--ang sabi--ang mg̃a tao ni kabisang Tales, ang mg̃a nagíng karabinero at isáng _regimiento_ ay sapát na. Kung ipagpapaliban pa marahil ay patáy na si María Clara! ¡Lumakad kayóng agád!

Ang lalaki’y nawalâ.

Kaharáp si Plácido sa maiklíng pag-uusap na itó’t náding̃íg ang lahát; nang inaakalàng nakaaninaw siyá ng̃ bahagyâ ay nanindíg ang kaniyáng buhók at tiningnán si Simoun ng̃ matáng gulát. Si Simoun ay nakang̃itî.

--Ipinagtátaká ninyó--ang sabing malamlám ang ng̃itî--na ang indiong iyán na masamâ ang suót ay makapagsalitâng mabuti ng̃ wikàng kastilà? Nagíng gurô sa páaralán, na nagpumilit na turùan ng̃ kastilà ang mg̃a batà at hindî nagtigil hanggáng náalís sa tungkulin at napatapon dahil sa salang pangguguló ng̃ katiwasayáng bayan at sapagkâ’t nagíng kaibigan ng̃ kaawàawàng Ibarra. Kinuha ko sa kinátapunan na ang inaatupag doon ay ang pagtataním ng̃ niyóg at ginawâ kong magkakastilló.

Nang̃agsibalík sa daan at palakád na tumung̃o sa dakong Trozo. Sa harapán ng̃ isáng muntîng bahay na tablá, na ang anyô’y masayá at malinis, ay may isáng kastilà na naníniín sa isáng tungkód at nag-áalíw sa liwanag ng̃ buwán. Tinung̃o siyá ni Simoun; nang makita itó ng̃ kastilà ay nagtangkâng tumindíg na tinimpî ang isáng daíng.

--¡Humandâ kayó!--aní Simoun sa kaniyá.

--¡Kailán ma’y handâ akó!

--Sa linggóng dáratíng!

--¿Na ba?

--¡Sa unang putók ng̃ kanyón!

At lumayông kasunód si Plácido na nagsísimulâ na ng̃ pagtatanóng sa sarili kung siyá’y nanánaginip.

--Ikinatátaká ninyó--ang tanóng sa kaniyá ni Simoun--ang pagkakita sa isáng kastilàng batà pa’y salantâ nang lubhâ ng̃ mg̃a sakít? May mg̃a dalawáng taón lamang na iyán ay kasingtibay ninyó sa pang̃ang̃atawán, ng̃unì’t nagawâ ng̃ kaniyáng mg̃a kalaban na siyá’y máipadalá sa Balabak upang gumawâ roong kasama ng̃ isáng pangkát na _disciplinaria_, at náiyán at tingnán ninyóng may isáng reuma at isáng walâng likat na lagnát na nag-aabóy sa kaniyá sa libing̃an. Ang kahabághabág na iyán ay nag-asawa sa isáng magandáng babai......

At sa dahiláng nagdaan ang isáng sasakyáng walâng lulan ay pinahintô ni Simoun at napahatíd na kasama si Plácido sa kaniyáng bahay sa daang Escolta. Nang mg̃a sandalîng iyón ay tinútugtóg sa mg̃a orasán ng̃ mg̃a simbahan ang iká sampû at kalahatì ng̃ gabí.

Makaraan ang dalawáng oras ay nilisan ni Plácido ang bahay ng̃ mag-aalahás at walâng imík at nagiisíp na lumakad sa Escolta, na walâ nang katao tao kahi’t na masayá pa rin ang mg̃a “_café_”. Mang̃isáng̃ísáng sasakyán ay nang̃agdádaang matulin na nag-uumugong ng̃ katakot-takot sa ibabaw ng̃ dinádaanang gasgás na batóng nakalatag sa lansang̃an.

Mulâ sa isáng silíd ng̃ kaniyáng tahanang nakaharáp sa ilog Pasig ay tinátanáw ni Simoun ang bayang kupkóp ng̃ muog na nakikita sa mg̃a dúrung̃awang bukás ang mg̃a bubóng na _hierro galvanizado_ na pinakikináng ng̃ buwan, at ang kaniyáng mg̃a torre na nábabadhâng malulungkót, bagól, malalamlám, sa gitnâ nang mapanatag na anyô ng̃ gabí. Si Simoun ay nag-alís ng̃ salamíng bugháw sa matá, ang kaniyáng maputing buhók na warì’y kulób na pilak ay nakalibid sa kaniyáng matigás at sunóg na mukhâ na malamlám, na naliliwanagan ng̃ isáng lámpara, na ang ilaw ay warìng mamamatáy dahil sa kakulang̃án sa petróleo. Dahil mandín sa isáng bagay na iniisip ay hindî napupuná ni Simoun na untîuntîng namámatáy ang lámpara at lumalaganap ang kadilimán.

--Sa loob ng̃ iláng araw--ang bulóng--pag nag-alab ang apat na tagiliran ng̃ sinumpâng bayang iyán na tirahan ng̃ mg̃a mapagpalalòng walâng namumuwang̃an at ng̃ walâng awàng panggagagá sa mangmáng at sa nagígipít; pag ang pagkakaguló ay mangyari na sa mg̃a arrabal at palusubin ko sa mg̃a lansang̃an ang aking mg̃a taong manghíhigantí na ibinung̃a ng̃ mg̃a panggagahís at kamalìan, ay sakâ ko bubuksán ang muog ng̃ iyóng bilanggùan, aagawin kitá sa kamáy ng̃ dalubhasàng pananalig, at maputîng kalapati, magiging _Fenix_ kang mulîng sísipót sa mainit na abó....! Isáng panghihimagsík na binalak ng̃ mg̃a tao sa gitnâ ng̃ kadilimán ay siyáng naglayô sa akin sa piling mo; isá namáng paghihimagsík dín ang mag-aabóy sa akín sa mg̃a bisig mo, bubuhay sa aking mulî at ang buwang iyan, bago sumapit sa kaniyáng kabilugan ay tatanglawán ang Pilipinas na linís na sa karimarimarim niyáng yamutmót.

Biglâng humintô si Simoun na warìng natigilan. Isáng ting̃ig ang tumátanóng sa loob ng̃ kaniyáng budhî kung siya, si Simoun, ay hindî bahagi rin ng̃ yamutmót ng̃ kalaitlait na bayan, ó marahil ay siya pa ang bulók na may lalòng masidhîng sing̃áw. At kagaya ng̃ mg̃a magbabang̃ong patáy pagtugtóg ng̃ pakakak na kakílákilabot ay líbo líbong marugông multó, mg̃a aninong nanggígipuspós ng̃ mg̃a lalaking pìnatáy, mg̃a babaing ginahasà, mg̃a amáng inagaw sa kaniláng mg̃a anák, masasamâng hilig na inudyukán at pinalusog, mg̃a kabaitang hinalay, ay nang̃agsipagbang̃on ng̃ayón sa tawag ng̃ matalinghagàng katanung̃an. Noón lamang, sa kaniyang masamâng pamumuhay sapol nang sa Habana, sa tulong ng̃ masamâng hilig ng̃ pagsuhol ay tinangkâ niya ang pagyarì ng̃ isáng kasangkapan upang magawâ ang kaniyang mg̃a balak, isáng taong walâng pananalig, walâng pag-ibig sa bayan at walâng budhî, noón lamang, sa kabuhayang yaón, tumataliwakás ang isáng bagay sa loób niyang sarili at tumututol ng̃ laban sa kaniyang mg̃a inaasal. Ipinikít ni Simoun ang kaniyang mg̃a matá at malaong namalagì na walâng katinagtinag; matapos ay hinaplós ang kaniyang noo, ayaw silayan ang kaniyang budhî at natakot. Ayaw, ayaw surìin ang kaniyang sarili, kinulang siya ng̃ katapang̃an upang ling̃unín ang dakong kaniyang dinaanan.... Kulang̃in pa namán siya ng̃ katapang̃an nang nálalapít na ng̃ sandalî ng̃ pagkilos, kulang̃in siya ng̃ paniniwalà, ng̃ pananalig sa sarili! At sa dahiláng ang mg̃a kakilákilábot na larawan ng̃ mg̃a sawîng palad, na siya ay nákatulong sa sinapit, ay nasa sa kaniyáng harapán pa rin na warì’y nang̃agsisipanggaling sa makináng na îbabaw ng̃ ilog at nilulusob ang silid na sinísigawán siya’t inilalahad sa kaniya ang mg̃a kamáy; sa dahiláng ang mg̃a sisi at panaghóy ay warìng namumunô sa hang̃in at nádiding̃íg ang mg̃a pagbabalà at mg̃a sigáw ng̃ paghíhigantí ay inilayô ang kaniyáng ting̃ín sa durung̃awan at marahil ay noon lamang siya nang̃iníg.

--Hindî, marahil ay may sakít akó, marahil ay masamâ ang aking katawán--ang bulóng--marami ang nagagalit sa akin, ang mg̃a naghíhinalàng akó ang sanhî ng̃ kaniláng kasawîán, ng̃unì’t.....

At sa dahiláng nararamdamáng nag-aalab ang kaniyáng noó ay tumindíg at lumapit sa durung̃awan upang sagapin ang malamíg na simuy sa gabí. Sa kaniyáng paanan ay pinauusad ng̃ ilog Pasig ang kaniyáng pilak na agos, na sa ibabaw ay nanghihinamád na kumíkináng ang mg̃a bulâng umíikit, sumusulong at umuurong na sumúsunód sa lakad ng̃ mumuntîng ulìulì.

Ang siyudad ay nátatayô sa kabiláng ibayo at ang kaniyáng maiitím na muog ay nákikitang nakakikilabot, matalinghagà, at napapawì ang kaniyáng karukhâán sa liwanag ng̃ buwan na nakapagpaparikít at nagpapagandá sa lahát ng̃ bagay. Dátapwâ’t si Simoun ay mulîng nang̃ilabot; warìng nakita sa kaniyáng harapán ang mabagsík na mukhâ ng̃ kaniyáng amá, na namatáy sa bilanggùan, ng̃unì’t namatáy dahil sa paggawâ ng̃ mabuti, at ang mukhâ ng̃ isá pang lalaki na lalò pang mabagsík, ng̃ isáng lalaking nagdulot ng̃ buhay ng̃ dahil sa kaniya, dahil sa inaakalàng kaniyáng hahanapin ang ikabubuti ng̃ kaniyáng bayan.

--Hindî, hindî akó makauurong--ang bulalás na pinahid ang pawis ng̃ kaniyang noó--ang gawàin ay magtatapós na at ang kaniyang pagtatagumpáy ay siyang magbibigáy katwiran sa akin.... Kung akó’y gumaya sa inyó ay nasawî akó marahil.... Siya na ang pang̃ang̃arap, siya na ang malîng pagkukurò! Apóy at patalím sa bikat, parusa sa kasamâán, at masirà pagkatapos kung masamâ ang kasangkapan! Hindî, pinag-isip ko nang mabuti, ng̃unì’t akó’y nilalagnát ng̃ayón.... ang pag-iisip kó’y uulik-ulik.... talagá.... kung ginawâ ko ang kasamâán ay upang makápalâ ng̃ kabutihan at ang nápapalâ’y siyáng nagliligtás sa kaparaanan.... Ang gágawín ko’y ang huwag mápará....

At nahigâng guló ang pag-iisip at tinangkâng mákatulog.

Nang kinabukasan ay pinakinggáng nakasukot at nakang̃itî ni Plácido ang pang̃aral ng̃ kaniyáng iná. Nang tinuran nitó sa kaniyá na makikiusap sa _procurador_ ng̃ mg̃a agustino ay hindî tumutol ni humadláng man lamang; kundî bagkús pa ng̃âng humandóg na siyá na ang gagawâ upang maibisán ng̃ kagambalàán ang kaniyáng iná na pinamanhikáng bumalík na kaagád sa kaniláng lalawigan at kung mangyayari’y sa araw ding yaón. Itinanóng sa kaniyá ni kabisang Andáng kung bakit.

--Sa dahiláng.... sa dahiláng kung mabatíd ng̃ prokurador na náririto kayó ay hindî gágawín ang inyóng kahiling̃an samantalang hindî muna siyá nabibigyán ng̃ anománg handóg at iláng pamisa.

XX

ANG NAGPAPALAGÁY

Tunay ang sinabi ni P. Irene: ang ukol sa akademia ng̃ wikàng kastilà, na malaon nang iniharáp, ay tumutung̃o na sa isáng pagkalutas. Si D. Custodio, ang masipag na si D. Custodio, ang lalòng masipag sa lahát ng̃ mg̃a nagpápalagáy sa boông mundó, alinsunod kay Ben-Zayb, ay siyáng tumútungkól sa kaniyá at dinádaán ang mg̃a maghapunan sa pagbabasá sa mg̃a kasulatan at nákakatulóg nang walâng naipapasiyáng anomán: babang̃on sa kinabukasan, gayón din ang gágawín, matutulog na mulî at sunód sunód na gayón ang nangyayari. ¡Gaano ang iginágawâ ng̃ kaawàawàng ginoo, ang lalòng masipag sa lahát ng̃ nagpápalagáy sa Sangsinukob! Ibig niyáng makalusót doon, sa paraang mabigyáng loob ang lahát, ang mg̃a prayle, ang mataas na kawaní, ang kondesa, si P. Irene at ang kaniyáng mg̃a pagkukuròng labusáw. Nagtanóng kay G. Pasta at siya’y hinilo at linitó ni G. Pasta matapos na mahatulan siya ng̃ isáng yutàng bagay na magkakalaban at hindî mangyayari; nagtanóng kay Pepay na mánanayaw, at ang mánanayaw na si Pepay, na hindî nakatatarók ng̃ pinag-uusapan, ay umikot ng̃ isáng ikot, hining̃án siya ng̃ dalawang pû’t límáng piso upang ipagpalibíng sa isáng ali niya na biglâng kamamatáy ng̃ ikalimáng pagkamatáy, ó ipagpapalibing sa ikalimang ali na namatáy sa kaniya, alinsunod sa lalòng masakláw na paliwanag, matapos na mahing̃îng mapasok na _auxiliar de fomento_ ang isá niyáng pinsang lalaki na marunong bumasa, sumulat at tumugtóg ng̃ biolin, mg̃a bagay bagay na pawàng malayòng makapag-bigáy kay D. Custodio ng̃ isáng hakàng makapagliligtás.

Makaraán ang dalawáng araw ng̃ pangyayari sa periya sa Kiyapò, ay gumágawâ si D. Custodio, na gaya ng̃ dati, na pinag-aaralan ang mg̃a kasulatan na hindî mátagpô ang kailang̃ang panglutás. Datapwâ’y samantalang naghihikáb, umuubó, humihitít ng̃ tabakó at inaalaala ang mg̃a ikot at mg̃a hità ni Pepáy, ay babanggitín namin ang iláng bagay ng̃ mataás na taong itó, upang mákilala ang katwiran na kung bakit siyá ang ipinalagáy ni P. Sibyla na lumutas ng̃ matiník na salitâán at kung bakit tinanggáp namán ng̃ kabilâng pangkát.

Si D. Custodio de Salazar y Sanchez de Monteredondo (p.) Buenatinta ay nalalahók diyán sa bahagi ng̃ sosyedad sa Maynilà na hindî nakakikilos ng̃ isáng hakbáng na hindî sinasabitan sa likód at haráp ng̃ mg̃a pamahayagan ng̃ libo libong banság at tinatawag siyáng _walang kapaguran_, _bantóg_, _maing̃at_, _masipag_, _malirip_, _matalino_, _bihasa_, _mayaman_, ibp., na warìng ipinang̃ing̃ilag na ipagkámalî sa ibáng may gayón ding pang̃alan at banság na bulagbul at mangmáng. At sakâ walâ namâng kasamâang iaanák ang gayón at hindî nagagambalà ang _previa censura_. Ang _Buena Tinta_ ay galing sa kaniyáng pakikipagkaibigan kay Ben-Zayb, nang itó, sa dalawáng matunóg na pakipagtunggalî na inabot ng̃ buwanan at lingguhan sa mg̃a tudlíng ng̃ pahayagan ukol sa kung nárarapat ó hindî gumamit ng̃ sombrerong _hongo_, _de copa_ ó salakót, at kung ang paggamit ng̃ ukol sa marami ng̃ salitâng _caracter_ ay dapat magíng _carácteres_ at hindî _caractéres_, upang patibayan ang kaniyáng mg̃a pang̃ang̃atwiran ay lumulusót kailan man sa mg̃a salitâng “_cónstanos de buena tinta_”, “_lo sabemos de buena tinta_” at ibp. at napag-alamán pagkatapos, sapagkâ’t sa Maynilà ay napag-aalamán ang lahát ng̃ bagay, na ang _buena tintang_ itó ay dilì ibá’t si D. Custodio de Salazar y Sanchez de Monteredondo.

Batàng batà pa ng̃ dumatíng sa Maynilà, na may isáng mabuting katungkulan na siyang nakapagparaan sa kaniyang makapag-asawa sa isáng magandáng mestisa na isá sa mg̃a magkakaanak na lalòng mayaman sa siyudad. Sapagkâ’t may likás na katalinuhan, kapang̃ahasan at walâng pagkatigatig, ay nátutong samantalahín ang lipunáng kaniyang kinalalagyán, at sa tulong ng̃ salapî ng̃ kaniyang asawa ay nang̃alakal at tumanggáp ng̃ anománg pagawâ ng̃ Pamahalàan at ng̃ Ayuntamiento, kayâ’t ginawâ tuloy siyang konsehal, pagkatapos ay alkalde, kagawad ng̃ Sociedad Económica de Amigos del País, kasanggunì ng̃ Pang̃asiwàan, Pang̃ulo ng̃ Lupong Nang̃ang̃asiwà sa Obras Pias, kagawad sa Lupong ng̃ Kawanggawâ, _conciliario_ ng̃ Banco Español Filipino, at ibá’t ibá pa. At huwag akalàing ang ibá’t ibá pang itó ay kagaya ng̃ karaniwang inilalagáy matapos na mabanggít ang isáng mahabàng talâ ng̃ mg̃a kabunyîán: si D. Custodio, kahì’t hindî nakátungháy kailan man ng̃ anománg aklát na ukol sa _Higiene_, ay nakasapit hanggáng sa pagiging pang̃alawáng pang̃ulo ng̃ Junta de Sanidad sa Maynilà, kahì’t tunay din namán na sa walóng bumubuô ng̃ Lupon ay isá lamang ang kailang̃ang magíng manggagamot at ang isáng itó’y hindî mangyayaring magíng siyá. Gayon dí’y nagíng kagawad ng̃ Junta Central sa pagbabakuna, na binubuô ng̃ tatlóng manggagamot at pitóng walâng pagkabatíd sa bagay na iyon, na sa mg̃a ito’y isá ang arsobispo at ang tatló’y mg̃a _provincial_: nákakapatíd sa mg̃a _cofradía_ at _archicofradía_, at, gaya ng̃ naunawà na natin, ay kagawad na magpapalagáy sa Kataastaasang Lupon ng̃ Paaraláng bayan na hindî lagìng kumikilos, mg̃a sanhîng higít na sa kailang̃an upang balutin siya ng̃ mg̃a pamahayagan ng̃ mg̃a palayaw, kailan ma’t naglalakbáy ó nagbábahín.