Ang "Filibusterismo" (Karugtóng ng Noli Me Tangere)

Part 14

Chapter 14 3,909 words Public domain Markdown

Ang tatlóng galáng na brillante na hining̃î kay Simoun upang ipakita sa kaniyáng asawa, ay hindî sadyáng para rito, kaawàawàng india na nakukulóng sa isáng silíd, na warìng isáng babaing insík, kundi para sa isáng magandá at kaayaayang babaing kaibigan ng̃ isáng mataás na tao, na kailang̃an niyá ang tulong, dahil sa isáng kalakal na pagtutubùan niyá ng̃ mg̃a anim na libong piso. At sa dahiláng ang insík ay walâng kabatirán sa mg̃a máiibigan ng̃ babai at nasà niyáng magpakita ng̃ garà, ay hining̃î ang tatlóng pinakamabuting galáng na mayroón ang mag-aalahás, na tatló ó apat na libo ang halagá ng̃ bawà’t isá.

Ang insík ay nag-anyông walâng malay at sa tulong ng̃ kaniyáng mahimok na ng̃itî ay sinabi sa babaing pumilì ng̃ máibigan; ng̃unì’t ang babai, lalòng walâng muwang at lalò pa mandíng mahimok, ay nagpahayag na ibig niyá ang tatló, at kinuhang lahát.

Si Simoun ay humalakhák.

--¡A, sinyolia! ¡akieng lugi, akieng hoghóg!--ang sigáw ng̃ insík na sabáy ang pagtatampál sa sarili ng̃ kaniyáng malíliít na kamáy.

Patuloy din ang mag-aalahás sa katatawa.

--¡Huu! ¡masamâ tao, sigulo híenne tutô sinyola!--ang patuloy ng̃ insík na ginágaláw ang ulong masamâ ang loob--¿Anó? bo hiyâ, kahi insiek sa akieng akó tao, ¡A, sigulo hienne tutô sinyola; kung sigalela belong pa kontî hiyâ!

--Náhuli kayó, náhuli kayó--ang bulalás ni Simoun na sabáy sa pagtumbók ng̃ marahan sa tiyán ng̃ insík.

--At lahát tao hieng̃e utang at hienne mayad ¿anó iyán?--at binilang sa kaniyáng dalirìng may mahahabàng kukó--impelealo, opisiá, tinienti, sunnalo, ¡a, sinyó Simoun, akieng talô, akieng hapay!

--Siyá, siyá na ang kádadaíng--ang sabi ni Simoun--iniligtás ko kayó sa maraming opisyal na humíhing̃î sa inyó ng̃ salapî.... Silá’y pinautang ko ng̃ huwág na kayóng gambalàin at batíd kong hindî nilá akó mababayaran......

--Ng̃unì, sinyó Simoun, kayó pautang sa opisiá, akó pautang sa mamae, sinyola, malinelo, lahát tao......

--¡Masising̃íl din ninyó!

--¿Akieng makásing̃íl? ¡A, sigulo hienne pô ikaw alam! ¡Pagtalo sa sugá walâ na mayad! Mamuti sa inyó melon konsu, maalì habol, akieng walâ....

Si Simoun ay nagiisíp.

--Tingnán ninyó insík Quiroga,--ang sabing warì’y natatang̃á--akó ang manining̃íl ng̃ utang sa inyó ng̃ mg̃a opisiyal at mg̃a marinero, ibigáy ninyó sa akin ang katibayan ng̃ pagkakátanggáp nilá.

Mulîng namighatî si Quiroga; hindî siyá binibigyán kailán man ng̃ katibayan.

--Pag nang̃agsiparitong hihing̃î ng̃ salapî, ay paparoonin ninyó sa akin; ibig kong iligtás kayó.

Napasalamat ng̃ lubós si Quiroga, ng̃unì’t nábalik na namán sa kaniyáng mg̃a pagdaíng, tinukoy ang mg̃a galáng at inulit-ulit ang:

--¡Kung sigalela belon pa hiyà!

--¡Putris!--ang sabi ni Simoun na tinitingnang pasulyáp ang insík na warìng ibig hulàan ang nasa kalooban--nang̃ang̃ailang̃an pa namán akó ng̃ salapî at inaakalà kong mababayaran ninyó akó. Ng̃unì’t ang lahát ay may kagamutan, ayaw kong mahapay kayó ng̃ dahil lamang sa walâng kabuluháng bagay na iyan. Siyá, isáng utang na loob at gágawin kong pitó ang siyám na libong utang ninyó sa akin. Kayó’y nakapagpapasok sa aduana ng̃ lahát ng̃ lámpara, mg̃a bakal, mg̃a pinggán, tansô, mg̃a pisong mehikano; ¿nagbíbigáy kayó ng̃ armas sa mg̃a kombento?

Napaoo ang insík sa tulong ng̃ tang̃ô; ng̃unì’t kailang̃an niyáng sumuhol sa maraming tao.

--¡Lahát akieng bigáy sa Pale!

--Kung gayón ay tingnán ninyó--ang marahang patuloy ni Simoun--kailang̃an kong ipapasok ninyó ang iláng kaha ng̃ pusíl na dumatíng ng̃ayóng gabí.... ibig kong itagò ninyó sa inyóng tindahan; hindî magkakasiyáng lahát sa aking bahay.

Si Quiroga’y nagulumihanan.

--Huwág kayóng masindák, hindî kayó maaanó: ang mg̃a baril na iyán ay untî untîng itatagò sa iláng bahay, at pagkatapos ay gágawâ ng̃ pagsisiyasat at marami ang ibinibilanggô.... marami tayong kikitain sa paglakad na makawalâ ang mg̃a nápipiít. ¿Batíd na ninyó?

Si Quiroga ay alinlang̃an; takót siyá sa mg̃a armas. Sa kaniyáng mesa ay mayroon siyáng isáng rebolber na walang punlô na hindî niyá hinihipò kailan man kundí liling̃on munang nakapikít ang matá.

--Kung hindî ninyó magagawâ ay hahanap akó ng̃ ibá, ng̃unì’t kailang̃an ko kung gayón ang aking siyam na libong piso upang padulasín ang mg̃a kamáy at ipikit ang mg̃a matá.

--¡Siyá, siyá!--ang sa hulí’y sabi ni Quiroga--¿ng̃unì’t huli ba malami tao? ¿utos lekisa, ha?

Nang bumalík sa kabahayán si Quiroga at si Simoun ay nátagpûán ang mg̃a galing sa paghapon na nang̃agtatalo: pinatabil ng̃ _champagne_ ang mg̃a dilà at nagpapagalaw sa mg̃a utak ng̃ ulo. Nang̃ág-uusapang walang kakimìkimì.

Sa isáng pulutóng na may maraming kawaní, iláng babai at si D. Custodio, ay pinag-uusapan ang isáng pasugò sa India upang pag-aralan ang ukol sa paggawâ ng̃ mg̃a sapatos ng̃ mg̃a sundalo.

--¿At sinosino ang bumubuô?--ang tanóng ng̃ isáng babaing malakí.

--Isáng koronel, dalawáng opisyal at ang pamangkin ng̃ General.

--¿Apat?--ang tanóng ng̃ isáng kawaní--¡ganyán na lamang ang lupon! ¿at kung magkahatì sa kapasiyahán? ¿may pagkabatíd man lamang kayâ sa bagay na iyon?

--Iyán ng̃â ang tanóng ko--ang dugtóng ng̃ isá--ang sabi ko’y dapat pumaroon ang isáng hindî kawal sa hukbo, isáng walâng hilig sa pagkamilitar.... sa halimbawà, isáng manggagawâ ng̃ sapatos.

--Iyan ng̃â--ang sagót ng̃ isáng manghahang̃ô ng̃ sapatos--ng̃unì’t sa dahilang hindî bagay na magpadalá ng̃ isáng indio ni ng̃ isáng makáw at ang tang̃íng magsasapatós na kastilà ay humihing̃î ng̃ malaking sahod....

--Datapuwâ’y ¿anó pa’t pag-aralan ang sapín sa paa?--ang tanóng ng̃ isáng babaing malakí--¡marahil ay hindî iuukol sa mg̃a artillerong kastilà! Ang mg̃a indio ay maaring waláng sapatos gaya nang kung nasa kaniláng bayan.

--Siyang dapat ¡at ang kabáng bayan ay lalòng makapag-titipíd!--ang dugtong ng̃ isáng señorang balò na hindî nasisiyahán sa kaniyáng sinasahod na _pensión_.

--Ng̃unì’t unawàin namân ninyó--ang sagót ng̃ isa sa mg̃a kaharáp, na kaibigan ng̃ mg̃a opisial na magsisiyasat--tunay ng̃âng ang maraming indio ay walâng sapín kung lumakad sa kaniláng bayan, ng̃unì’t hindî ang lahát, at hindî magkaisá ang lumakad nang alinsunod sa sariling kaibigán kay sa nasa paglilinkód: hindî napipilì ang oras, ni ang dáraanan, ni hindî nakapagpapahing̃á kung kailan ibigin. Tingnan ninyó, ali, na kung katanghalian ay nakalulutô ng̃ tinapay ang init ng̃ lupà. At maglakád pa kayó sa buhang̃inan, doon sa may mg̃a bató, araw sa itaas at apóy sa ibabâ, at punglô sa haráp....

--¡Sa sanayán din lamang iyan!

--¡Gaya ng̃ hayop na burro na nasanay sa hindî pagkain! Sa kasalukuyang labanán, ang lalòng marami sa nasasawî sa atin ay gawâ ng̃ mg̃a sugat sa talampakan.... ¡Inuulit ko ang sa _burro_, ali, ang sa _burro_!

--Ng̃unì’t anák ko--ang tutol ng̃ babai--isip-isipin ninyóng napakaraming salapîng magugugol sa katad. Sukat nang maibuhay sa maraming ulila’t balo upang mapagtibay ang karang̃alan. At huwag kayóng ng̃umitî, hindî ko sinasabi nang dahil sa akin na mayroon namán akong pensión, kahi’t kakauntî, lubhâng kauntî sa mg̃a ipinaglinkód ng̃ aking asawa, tinutukoy ko ang ibá na may napakamarálitâng kabuhayan ng̃ayón: hindî nárarapat na matapos ang maraming kahihing̃î upang máparito at matapos na makapaglakbáy dagat ay maging katapusán ang mamatáy dito ng̃ gutóm.... Ang sinasabi ninyóng ukol sa mg̃a sundalo ay totoo marahil, ng̃unì’t ang katunayan ay kahi’t mahigít na akong tatlong taón dito ay hindî pa akó nakakikita ng̃ pipiláypiláy.

--Sa bagay na iyan ay kasang-ayon akó ng̃ aling kuan--ang sabi ng̃ isáng babaing kalapít--¿ano pa’t bibigyan ng̃ sapatos sa walâ namán silang sapatos ng̃ sumipót sa maliwanag?

--¿At anó pa ang kailang̃an ng̃ barò?

--¿At anó pa ang kailang̃an ng̃ salawal?

--¡Isipisipin ninyó ang mápapalâ natin sa pagkakaroón ng̃ isáng hukbóng hubô’t hubád!--ang tapós ng̃ nagtatanggol sa mg̃a sundalo.

Sa isáng pulutóng ay lalòng mainit ang pagtatalo. Si Ben-Zayb ay nagsásalitâ’t nananalumpatì, gaya ng̃ dati’y hináhadlang̃án siyá sa bawà’t sandalî ni P. Camorra. Ang manunulat na prayle, kahì’t niya iginagalang na lubhâ ang mg̃a taong may satsát, ay palaging nakikipagtalo kay P. Camorra na inaarì niyáng isáng praylepraylihang mangmang; sa gayó’y ginagamit ng̃ anyông malayà at dinudurog ang mg̃a sabisabihan ng̃ mg̃a tumatawag sa kaniyáng Fray Ibañez. Kinalulugdán ni P. Camorra ang kaniyáng katunggalî; iyon lamang ang tang̃ìng nagpápalagáy na may katuturán ang kaniyáng mg̃a tinatawag na pang̃ang̃atwiran niya.

Ang pinag-uusapan ay ang ukol sa _magnetismo_, _espiritismo_, magia at ibp., at ang mg̃a salitâ’y sumasahimpapawíd na gaya ng̃ mg̃a sundáng at bola ng̃ mg̃a salamangkero: silá ang naghahagis at silá rin ang sumásaló.

Nang taóng iyón ay pinagkákaguluhán sa peria sa Kiyapò ang isáng ulo na dî bagay sa tawag na _esfinge_, na itinátanghál ni Mr. Leeds, isáng amerikano. Malalakíng pabalità na makababalaghán at nakapang̃ing̃ilabot na nakaaakit sa panonoód ang nang̃akadikìt sa pader ng̃ mg̃a bahay. Ni si Ben-Zayb, ni si P. Camorra, ni si P. Irene, ni si P. Salvi ay hindì pa nakakikita sa ulong yaón; si Juanito Pelaez ang tang̃ing nakakita isáng gabí, at siyáng nagbabalità ng̃ kaniyáng pagkahang̃à sa mg̃a magkakalipon.

Si Ben-Zayb, dahil sa kaniyáng pagkamámamahayag, ay nagpupumilit na makatuklás ng̃ kalinawan; binábanggít ni P. Camorra ang diablo; si P. Irene ay ng̃umíng̃itî; si P. Salvi ay walâng kaimík-imík.

--Ng̃unì’t, Padre, sa hindî na pumaparito ang diablo; tayo sa ating sarili ay sukat na upang magkasala....

--Kung hindî gayón ay hindî makukurò....

--Kung ang karunung̃an....

--¡Ulit na namán ang karunung̃an! _¡puñales!_

--Ng̃unì’t making̃ig kayó, aking ihahayag. Ang lahát ay alinsunod lamang sa paning̃in. Hindî ko pa nákikita ang ulo, ni hindì ko batíd kung papano itinatanghal. Anang ginoo--itinurò si Juanito Pelaez--ay hindî kagaya ng̃ mg̃a ulong nagsasalità na karaniwang itinatanghal--¡kahi’t na! Ng̃unì’t ang sanhî ay yaon din; lahat ay dahil lamang sa paning̃in; hintay kayó, ilalagay na paganitó ang isáng salamín, ang isá pa’y sa likurán, ang malalarawan ay matatanaw... anó, isá lamang suliranin ng̃ Písika.

At ibinabâ sa kinalalagyán ang isáng salamín, iniayos, ikiniling at sa dahiláng hindî niyá mapalabas ang kalinawan ay tinatapos sa wikàng:

--Gaya ng̃ sabi ko, walâng pinagibhán sa isang pagsirà lamang ng̃ paning̃in.

--Ng̃unì’t anóng salamín ang ibig pa ninyó, sa sinabi sa atin ni Juanito na ang ulo ay nasa lóob ng̃ isáng kaha, na ipinapatong sa isáng mesa.... Nakikinikinitá ko sa bagay na iyan ang espiritismo, sapagka’t kailan man ay gumagamit ng̃ mesa ang mg̃a espiritista, at sa akalà ko’y sapagka’t _gobernador eclesiástico_ si P. Salvi ay dapat niyáng ipagbawal ang pagtatanghal.

Si P. Salvi ay walâng kasalisalità; hindî sumásagot ng̃ oo ni hindî.

--Upang maalaman kung may diablo ó espíritu sa loob--ang sabi ni Simoun--ang mabuti’y paroonan ninyó’t tingnán ang bantóg na ulong iyan.

Ang palagáy ay minabuti at tinanggáp, ng̃unì’t si P. Salvi at si D. Custodio ay nagpakita ng̃ kaunting ng̃aníng̃aní. ¡Silá ay máparoon sa isáng peria, makipagsiksikan sa mg̃a tao at manood ng̃ mg̃a _esfinge_ at mg̃a ulong nang̃ung̃usap! ¿Anó na lamang ang wiwikàin ng̃ mg̃a indio? Ariin siláng tao na may hilig at kahinàan ding tagláy ng̃ ibá. Sa gayón, si Ben-Zayb, akay ng̃ kaniyáng pagkamamamahayag ay nang̃akòng ipamamanhik kay Mr. Leeds na huwag magpapasok ng̃ manonood samantalang silá’y nasa sa loob: nápakalaking karang̃alan ang ibibigáy nilá sa kaniláng pagdalaw upang huwag sumangayon, at sakâ hindì pa silá hihing̃an ng̃ upa sa pagpasok. At upáng mapang̃atwiranan ni Ben-Zayb ang sinabi, anyá ay:

--¡Sapagkâ’t akalàin na lamang ninyó! ¡Kung mahuli ko ang dayà sa haráp ng̃ mg̃a nanonood na indio! ¡Aalisán ko ng̃ kakanin ang kaawàawàng amerikano!

Si Ben-Zayb ay isáng taong maling̃ap.

May labíng dalawá ang pumanaog, na kabilang ang ating mg̃a kilaláng si D. Custodio, si P. Salvi, si P. Camorra, si P. Irene, si Ben-Zayb at si Juanito Pelaez. Inihatíd silá ng̃ kaniláng mg̃a sasakyán sa pagpasok sa liwasan ng̃ Kiyapò.

XVII

ANG PERIYA SA KIYAPO

Ang gabí’y magandá at ang anyô ng̃ liwasan ay lubháng masayá. Sa pagsasamantalá sa masaráp na simoy at maníngning na buwan kung Enero ay punông-punô ang periya ng̃ taong ibig makakita, mákita at makapaglibáng. Ang mg̃a músika ng̃ mg̃a kosmorama at ang ilaw ng̃ mg̃a parol ay siyang nagbibigáy galák at kasayahan sa madlâ. Mahahabàng hanay ng̃ mg̃a tindahan, nagniningning̃ang aliyamás at mg̃a pangkulay, lantad sa tíng̃ín ay may mg̃a kumpol-kumpol na pelota, mg̃a máskarang nang̃akatuhog sa matá, mg̃a larùang lata, mg̃a tren, karrong maliliít, kabayong maliliít na napagágalaw, mg̃a sasakyán, mg̃a bapor na may kanikaniláng maliliit na kaldera, mg̃a pingánpinganang maliliit, mg̃a beléng mumuntì na kahoy na pino, mg̃a manikàng gawâ sa ibáng lupaín at gawâ dito, ang mg̃a una ay masasaya at bulháw at ang mg̃a hulí ay mg̃a walâng katawatawa at mapagnilay na warìng mg̃a maliliit na babaing may gulang, sa piling ng̃ mg̃a batàng nápakalalakí. Ang tugtóg ng̃ mg̃a tambol na maliliít, ang kaing̃ayan ng̃ mg̃a trompetrompetahang lata, ang tugtuging ng̃ong̃ò ng̃ mg̃a kurdiyon at mg̃a organillo ay nagkakahalòng warì’y tugtugan sa karnabal, at sa gitnâ ng̃ lahát ng̃ iyon ay paroo’t parito ang makapal na tao na nang̃agtutulakán, nagkakabunggùang ang mukhâ’y nang̃akaling̃ón sa mg̃a tindahan kayâ’t madalás ang untugan at kung minsán ay katawatawa. Napipilitang pigilan ang takbó ng̃ mg̃a kabayo ng̃ mg̃a sasakyán, ang _tabi! tabi!_ ng̃ mg̃a kotsero ay nádiding̃íg na sunódsunód; nang̃agkakasalúsalubong ang mg̃a kawaní, mg̃a militar, mg̃a nag-aaral, mg̃a insík, mg̃a dalagindíng na kasama ng̃ kaniláng mg̃a iná at ali, nang̃agbábatián, nang̃agkikindatan, masasayáng nagtutudyuhan.

Si P. Camorra ay nasa karurukan ng̃ kaniyang kaligayahan sa pagkakita ng̃ gayóng karaming magagandáng dalaga; nápapatigil siya, nápapaling̃ón, itutulak si Ben-Zayb, mapapapaaták, sumusumpa’t aniya’y: at iyan, iyan, manghihitit ng̃ tintá? at doon sa isá ¿anó ang masabi mo? Sa kaniyang kagalakan ay hindî na pinupupô ang kaniyáng kalaban at katunggalî. Tinitingnán siyang maminsan minsan ni P. Salvi, ng̃unì’t hindî niya pinápansín si P. Salvi, kundî bagkús pa ng̃âng binubunggô ang mg̃a dalaga upang masagì silá, na kinikindatan at tinititigan ng̃ titig na may palamán.

--¡Puñales! ¿Kailan kayâ akó magiging kura sa Kiyapô?--ang tanóng sa sarili.

Si Ben-Zayb ay biglâng nakabitáw ng̃ isáng tung̃ayaw, nápalundág at pinigilan ang kaniyang bisig; sa gitnâ ng̃ kagalakan ni P. Camorra ay kinurot siya. Dumarating ang isáng nakasisilaw na binibining pinagtitingnanan ng̃ lahát ng̃ taong nasa liwasan; dahil sa hindî magkasiya sa kagalakan si P. Camorra ay pinagkámaláng bisig ng̃ dalaga ang bisig ni Ben-Zayb.

Ang binibini’y si Paulita Gómez, ang makisig sa madlâng makisig na sinusundán ni Isagani; sa likurán ay sumusunod si aling Victorina. Ang dalaga’y nagniningning sa kagandahan; ang lahát ay nápapatigil, ang mg̃a liíg ay bumabaluktot, napapahintô ang mg̃a usap-usapan, sinusundán ng̃ mg̃a paning̃ín at si aling Victorina ay tumatanggáp ng̃ mg̃a magalang na batì.

Ang suot ni Paulita Gomez ay barò’t panyông pinyá na binurdahan, ibá kay sa isinuot ng̃ umagang iyon sa pagparoón sa Sto. Domingo. Ang nang̃ang̃aninag na habi ng̃ pinya ay nagbibigáy ng̃ lalòng gandá sa kaniyáng ulo, at ang mg̃a pilipinong nakakamalas ay iginagaya siya sa buwang nalilibid ng̃ maputî’t manipís na ulap. Isáng sayang sutlâ na kulay rosa, na nagkakutonkutong mainam ang ayos sa pagkakápigil ng̃ kaniyáng muntîng kamáy, ay nagbibigay dilág sa kaniyáng tuwíd na ulo, na ang mg̃a kilos na inaayusan ng̃ malambót na liig ay nagpapahayag ng̃ pananagumpay na lubós ng̃ kataasan at kalindîán. Si Isagani’y warìng hindî nasisiyaháng loób; nayayamót siya sa gayóng karaming matá, karaming mg̃a talogigì na tumatanáw sa kagandahan ng̃ kaniyáng iniibig: ang mg̃a ting̃ín ay inaakalà niyang nakaw, at ang mg̃a ng̃itî ng̃ dalaga’y inaarì niyang pagtataksíl.

Nang makita ni Juanito ang binibini ay pinaglalò ang kakubâan at nagpugay: sinagót siya ng̃ pasumalá ni Paulita, at tinawag siya ni aling Victorina. Si Juanito ang kaniyang kinikiling̃an at sa ganang kaniya ay ibig pa itó kay sa kay Isagani.

--¡Anóng gandáng dalaga! ¡Anóng gandá!--ang bulóng ni P. Camorra na sumilakbó ang kalooban.

--¡Padre ang tiyan mo pò ang kurutin at bayaan ninyó kamí!--ang payamót na sabi ni Ben-Zayb.

--¡Anóng gandáng dalaga! anóng gandáng dalaga--ang ulit--at ang lumíligaw ay ang nag-aaral na kilalá ko, ang nanulak.

--¡Mapalad siyá at hindî taga roon sa bayan ko!--ang patuloy pagkatapos na iniling̃óng makailan ang ulo upang sundán ng̃ ting̃ín ang binibini. Ibig ibig nang iwan ang kaniyáng mg̃a kasama at sundán ang dalaga. Nahirapan si Ben-Zayb bago siyá napahinuhod.

Si Paulita ay patuloy sa paglakad at nakita ang kaniyáng magandáng anyô at ang kaniyáng muntîng ulo, na mainam ang pagkakápusód, na malindíng gumágaláw.

Ang ating mg̃a nagliliwalíw ay patuloy sa kaniláng paglakad na ang parìng artillero ay nagbúbuntóng hining̃á, at nakasapit silá sa isáng tindahang nalilibid ng̃ mg̃a nanonood na madalîng sila’y linuwagan.

Yaón ay isáng tindahan ng̃ mg̃a mumuntîng larawang kahoy, na gawâ dito, na nagpapakilala sa sarìsarìng lakí at anyô ng̃ mg̃a ayos, lahì at mg̃a paghahanap buhay sa kapulùan, mg̃a indio, kastilà, insík, mestiso, prayle, klérigo, kawaní, kapitán sa bayan, nag-aaral, sundalo at ibp. Dahil mandín sa ang mg̃a artista ay may hilig sa mg̃a parì, na ang mg̃a kutón ng̃ mg̃a _habito_ ay siyáng naaayos sa kaniláng mg̃a kagawìan sa pagyarì, ó dahil sa ang mg̃a prayle, sa pakikihimasok nitóng lubhâ sa mg̃a lipunang pilipino’y nakapagpapaulap sa pag-iisip ng̃ eskultor, magíng alín man sa dalawáng kadahilanan, ang katunayan, ay marami ang kaniláng kawangkî, na mabuti ang pagkakayarì, anyông anyô, at itinátanghál silá sa mg̃a dakilàng sandalî ng̃ kabuhayan, baligtád kay sa ginágawâ sa kanilá sa Europa, na doo’y inilálarawan siláng nákakatulog sa ibabaw ng̃ mg̃a barriles ng̃ alak, nang̃agsúsugál, tumútunggâ, nangaapung̃ot ó hináhaplós ang sariwàng mukhâ ng̃ isáng dalaga. Hindî: ang mg̃a prayle sa Pilipinas ay kaibá: mg̃a makikiyás, malilinis, mabubuti ang bihis, ang anit sa tuktok ay mainam ang pagkakaputol, ang mg̃a mukhâ’y ayós at maliwanag, ang matá’y mapagmasíd, anyông banal, may kauntîng pulá sa pisng̃í, may tungkód na palasan sa kamáy at sapatos na tsarol sa paa, na nakaaakit na sambahín silá at ilagáy sa birina. Kapalít ng̃ mg̃a sagisag ng̃ katakawan at kahalayang tagláy ng̃ kaniláng mg̃a kapatíd na nasa Europa, ang dalá ng̃ mg̃a nasa Maynilà ay ang aklát, ang _crucifijo_, ang sang̃áng sagisag ng̃ paghihirap; kapalít ng̃ panghahalík sa mg̃a mangmáng na babaing tagá bukid, ang mg̃a nasa Maynilà ay nagpapahalík ng̃ kamáy sa mg̃a batà, sa mg̃a taong may kagulang̃àn na nang̃akayukô’t halos nakaluhód; kapalít ng̃ paminggalang punô ng̃ kakanín at mg̃a kakanán na siyáng tanghalan nilá sa Europa, sa Maynilà ay mg̃a dálang̃inan, mesang aralán; kapalít ng̃ prayleng marálitâ na lumalapit sa mg̃a baháybaháy na dalá ang kaniyáng burro at ang supot upang manghing̃î ng̃ limós, ang prayle sa Pilipinas ay nagsasabog ng̃ dakótdakót na gintô sa mg̃a kaawàawàng indio......

--¡Tingnán ninyó, nárito si P. Camorra!--ang sabi ni Ben-Zayb na dalá pa ang sing̃áw ng̃ _champagne_.

At itinuturò ang larawan ng̃ isáng payát na prayle, na warì’y nag-íisíp, nakaupô sa piling ng̃ isáng dulang, ang ulo’y nakapatong sa palad at sumusulat mandín ng̃ isáng sermon. May isáng lámparang nakapagpapaliwanag sa kaniyá.

Ang pagkakaibayó ng̃ anyô’y ikinahalakhák ng̃ lahát.

Náramdamán ang tukoy ni P. Camorra, na nalimutan na si Paulita, at siyá namáng tumanóng:

--At ¿sino namán ang kamukhâ ng̃ larawang itó, Ben-Zayb?

At tumawa ng̃ kaniyáng tawang _paleto_.

Ang larawan ay isáng matandâng babaing bulág ang isáng matá, gusgusin, na nakalupasay sa sahig, gaya ng̃ mg̃a anito ng̃ mg̃a indio, na namimirinsá ng̃ damít. Ang kasangkapan ay nagayahang mabuti; tansô, ang ding̃as ay palará at ang alimpuyó ng̃ usok ay marurumí’t pinilipit na bulak.

--¿Hoy, Ben-Zaib, hindî hang̃ál ang nakámunakalà, anó?--ang tanóng na tumatawa ni P. Camorra.

--Hindî ko malaman ang ibig tukuyin!--ang sabi ng̃ manunulat.

--Ng̃unì’t _¡puñales!_ hindî ba ninyó nákikita ang pang̃alan, _la prensa filipina_? Ang kasangkapang iyan na ipinamimirinsá ng̃ matandâng babai ay tinatawag ditong _prinsá_!

Lahát ay nagtawanan at si Ben-Zayb man ay humalakhák din.

Dalawáng sundalong guardia sibíl na may tandâng _mg̃a sibil_, ay nálalagay sa likurán ng̃ isáng taong nakabalitì ng̃ matitibay na tanikalâ at ang mukhâ’y natatakpán ng̃ sambalilo: ang pang̃alan ay _Ang Lupaín ng̃ Abaká_ at warìng bábarilín.

Hindî naibigan ng̃ marami sa ating mg̃a dalaw ang tanghalan. Pinag-uusapan ang tuntunin ng̃ Arte, humáhanap ng̃ pagkakatimbángtimbáng ng̃ lakí, ang sabi ng̃ isá’y walâng pitóng ulo ang larawang gayón, na ang mukhâ’y kulang ng̃ isáng ilóng, walâ kundî tatatló, bagay na ikinapag-isíp ng̃ kauntî ni P. Camorra na dî makahulòng kung bakit, upang magíng ayos ang isáng larawan ay, dapat magkaroón ng̃ apat na ilóng at pitóng ulo; anáng isá’y kung bakit malitid, sa, ang mg̃a indio ay hindî gayón; na kung yaón ay matatawag na _escultura_ ó _carpintería_ lamang, at ibp.; balà na’y nagpahayag nang kaniyáng panunuligsâ at upang huwag namáng mápahulí sa ibá si P. Camorra ay nang̃ahás humanap ng̃ tatlóng pûng hità sa bawà’t manikà. Kung makahihing̃î ng̃ ilóng ang ibá ay ¿bakit ng̃â namán hindî siyá makahihing̃î ng̃ hità? At doon din nang̃agtatatalo kung ang indio’y may katalinuhan sa pag-eeskultor, kung nárarapat palusugin ang gayóng arte, at sisimulán na ang pagtatalong sabáy-sabáy na pinutol ni D. Custodio sa pagsasabing ang mg̃a indio ay may katalinuhan, ng̃unì’t ang paggawâ lamang ng̃ santó ang dapat harapín.

--Kahì’t sino ay magsasabi--ani Ben-Zayb na ng̃ gabíng yaón ay nagíng mapanudyó--na ang insík na iyan ay si Quiroga, ng̃unì’t kung pagwawarìing mabuti ay kamukhâ ni P. Irene.

--¿At anó ang masasabi ninyó sa indio-inglés na iyan? Náhahawíg kay Simoun.

Umaling̃awng̃áw ang pamulîng halakhakan. Hinaplós ni P. Irene ang kaniyang ilóng.

--¡Tunay ng̃â!--¡Tunay ng̃â!--¡Siyang siya!

--Datapwâ’y ¿násaan si Simoun? ¡Bilhín ni Simoun!

Si Simoun ay nawalâ, walâng nakakita sa kaniya.

--_¡Puñales!_--ang sabi ni P. Camorra--¡nápakakuripot ang amerikano! Natatakot na pabayaran natin sa kaniyá ang kaupahán ng̃ lahát sa pagpasok sa patanghalan ni Mr. Leeds.

--¡Hindî!--ang sagót ni Ben-Zayb--ang ipinang̃ang̃ambá ay ang magipít siya. Nahuhulàan na ang masamâng biròng aabot sa kaniyáng kababayang si Mr. Leeds, kayâ’t nagmamaangmaang̃an.

At nang̃agpatuloy ng̃ lakad, upang panoorin ang nábabantóg na ulo, na walâng binilíng anománg kahì’t masamâng larùan.

Humandóg si Ben-Zayb na siyáng makikipag-usap: hindî maáarìng hiyaín ng̃ amerikano ang isáng mámamahayág na mangyayaring maghigantí sa pamagitan ng̃ isáng mapaniràng lathalà.

--Mákikita ninyó’t pawàng kagagawán lamang ng̃ salamín--aniya--sapagkâ’t tingnán ninyó......

At mulîng nagsimulâ ng̃ isáng mahabàng pagpapaliwanag, at sa dahiláng walâ siyang kaharáp na salamín na makasisirà sa kaniyáng sinasabi, ay idinugtóng nang lahát ang kabulastugáng matuturan hanggáng sa káhulihulihan ay hindî na matumpakán ang sinasabi.

--At mákikita rin ninyó kung hindî pawàng pagkasirà lamang ng̃ paning̃ín.

XVIII

MG̃A KADAYAAN

Sinalubong silá ng̃ lubhâng maling̃ap ni Mr. Leeds, isáng tunay na yankee, na ang suót ay pulós na itím. Mabutíng magsalitâ ng̃ wikàng kastilà dahil sa nagtiráng malaon sa Amérika, sa Timog. Hindî sumalansáng sa nasà ng̃ ating mg̃a dalaw; sinabing maaarìng siyasating lahát lahát bago gawín at matapos ang pagtatanghál; sa kasalukuyan ng̃ pagtatanyág ay ipinamanhík na manahimik lamang. Si Ben-Zayb ay ng̃umíng̃itî at nilálasáplasáp na ang samâ ng̃ loob na ibíbigay niya sa amerikano.