Ang "Filibusterismo" (Karugtóng ng Noli Me Tangere)
Part 13
--Ipagpatawad po ninyó--ang putol ni Isagani na namuhî sa mg̃a pang̃ang̃atwirang ginamit sa kaniyá ng̃ abogado--pag sa makatwirang paraan ang isáng bayan ay humihing̃î ng̃ anó man sa isáng pamahalàan ay sapagkâ’t inaakalàng mabuti at nálalaáng pagkalooban siyá ng̃ isáng kabutihan, at ang kagagawáng itó, ay hindî dapat makamuhî sa kanyá kundî bagkús pa ng̃âng dapat makagalák; humihing̃î sa iná, sa inainahan ay hindî, magpakailán man. Ang pamahalàan sa ganáng pahát kong pag-aakalà, ay hindî isáng may laganap na paning̃ín na nakikita’t napaglalaanan ang lahát ng̃ bagay, at kahì’t na magíng gayón, ay hindî mangyayaring mamuhî, sapagkâ’t naririyan ang Pananampalataya na walâng ginágawâ kundî maghihing̃î sa Dios na nakakikita at nakakikilala ng̃ lahát ng̃ bagay, at kayó man ay humíhing̃î at humíhilíng ng̃ maraming bagay sa mg̃a hukuman ng̃ pamahalàan ding iyan, at ni ang Dios, ni ang pamahalàan hanggáng sa ng̃ayón ay hindî pa nagpapahalatâ ng̃ kamuhîán. Nasa sa budhî ng̃ lahát na ang pamahalàan, dahil sa siya’y itinatag ng̃ mg̃a tao, ay nang̃ang̃ailang̃an ng̃ tulong ng̃ ibá, nang̃ang̃ailang̃ang ipakita at iparamdám sa kaniyá ang katunayan ng̃ mg̃a bagay bagay. Kayó na sa sarili ay hindî naniniwalàng lubós sa katotohanan ng̃ inyóng mg̃a ikinatwiran; kayó sa sarili’y alám ninyóng marahás at dî nátutungtóng sa matuwid ang pamahalàan, na, upang makapagparang̃al ng̃ kalakasán at pagkamapagsarilí, ay nagkákaít ng̃ lahát ng̃ bagay sa katakután ó sa kakulang̃áng tiwalà, at ang mg̃a bayan lamang na dinádahás at inaalipin ay siyá lamang may katungkulang huwág huming̃î ng̃ kahì’t anó magpakailán man. Ang isáng bayang nasúsuklám sa kaniyáng pamahalàan ay walâng dapat hiling̃ín dito kundî ang iwan ang pamamahalà.
Ang matandâng abogado ay ng̃umíng̃iwî at pinaíilíng-ilíng ang ulo, tandâ ng̃ dî kasiyaháng loob at hináhaplos ng̃ kamáy ang kaniyáng upaw; pagkatapos, sa isáng pananalitâng mapag-ampón na warì’y may pagkahabág ay nagsabing:
--¡Hm! masamâng aral iyán, masamâng palagáy, ¡hm! ¡Napagkikilalang kayó’y batà at walâ pa kayóng pagkatalós sa ukol sa kabuhayan! Tingnán ninyó ang nangyayari sa Madrid sa mg̃a binatàng walâng muwáng na humíhing̃î ng̃ maraming pagbabago: lahát silá’y pinararatang̃ang mg̃a nag-uusig ng̃ paghiwaláy, marami ang hindî makapang̃ahás na umuwî, ng̃unì’t gayón man ay ¿anó ang kaniláng mg̃a hiníhing̃î? Mg̃a banal na bagay, matatandâ na’t hindî makasásamâ sapagkâ’t lubós nang kilalá.... Datapwâ’y may mg̃a bagay na hindî ko maipaliliwanag sa inyó, mg̃a lubhâng maselang.... siyá.... ipinagtátapat ko sa inyóng may ibá pang katwiran, bukód sa mg̃a tinuran na, na naguudyók sa isáng matinóng pamahalàan upang kailán mán ay huwág duming̃íg sa mg̃a kahiling̃an ng̃ isáng bayan...... hindî.... mangyayari ding makatagpô tayo ng̃ mg̃a pinunòng palalò at mahang̃in ang.... ng̃unì’t mayroón díng ibáng katwiran.... kahì’t na ang hiníhing̃î ay yaóng lalòng nararapat.... ang mg̃a pamahalàan ay may ibá ibáng palakad......
At ang matandâ’y nag-aalinlang̃ang nakatitig kay Isagani, at pagkatapos ay tumalagá na sa isáng bagay, ikinumpáy ang kamáy na warì’y may inilálayông paghahakà sa kaniyáng pag-iisip.
--Nahuhulàan ko ang inyóng ibig sabihin--ang patuloy ni Isagani na ng̃umitîng malungkót--ibig ninyóng sabihin na ang pamahalàang ukol sa nasasakupan, yamang natatatág ng̃ hindî lubós na wastô at sa dahiláng nananáng̃an sa mg̃a palápalagáy......
--¡Hindî, hindî, hindî iyan, hindî!--ang biglâng hadláng ng̃ matandâ na nagpakunwarîng may hinahanap sa kaniyáng mg̃a papel--hindî, ang ibig kong sabihin.... ng̃unì’t ¿násaán kayâ ang aking salamín sa matá?
--Hayán pô--aní Isagani.
Ikinamá ni G. Pasta ang kaniyáng salamín, warìng may binasang iláng kasulatan, at ng̃ mákitang inaantáy siyá ng̃ binatà ay nagwikàng pautal-utal:
--May ibig akóng sabihing isáng bagay.... ibig kong sabihin, ng̃unì’t nakalimutan ko na.... kayó sa inyóng kapusukán, ay pinigil ninyó akó.... isáng bagay na walâng malakíng kabuluhán.... Kung alám lamáng ninyó kung papaano ang ulo ko, ¡napakarami kasí ng̃ aking gagawín!
Náramdamán ni Isaganing siyà’y iniaabóy na.
--Kung gayón,--ang sabing sabáy tindíg--kamí ay......
--¡Ah!.... mabuti pang bayàan na ninyó sa kamáy ng̃ pamahalàan ang bagay na iyan; siyá na ang bahalàng magpapasiyá diyan ng̃ alinsunod sa kaniyáng máibigan.... Sinasabi ninyóng ang Vice-Rector ay laban sa pagtuturò ng̃ wikàng kastilà, marahil ng̃â’y gayón, ng̃unì’t hindî sa panukalà kundî sa paraan ng̃ panukalàng iyan. Sinasabing ang Rector na páparito ay may daláng panukalàng pagbabago ng̃ pagtuturò.... magantáy kayó ng̃ kauntî, bigyán ninyó ng̃ panahón ang panahón, mang̃agaral kayó, sapagkâ’t nálalapít na ang _examen_ at ¡putris yatà! kayóng mabuti nang magwikàng kastilà at maluwag na magsalitâ ¿anó’t nakikihimasok pá sa guló? anó pa ang hang̃ád ninyóng bukód na iturò? ¡Matitiyak na si P. Florentino ay káisa ko sa pasiyá! Ipakikumustá ninyó......
--Kailán pa man ay kabilinbilinan sa akin ng̃ aking amaín--ang sagót ni Isagani--na alalahanin ko ang ibá gaya ng̃ pag-aalaala ko sa sarili.... hindì akó naparito ng̃ dahil sa akin, naparito akó sa ng̃alan ng̃ mg̃a nasa sa kalagayang lalò pang abâ.....
--¡A, putris! gawín nilá ang ginawâ ninyó, sunugin nilá ang kaniláng kilay sa pag-aaral at magíng upawin siláng gaya ko sa pagsasaulo ng̃ boô boông salaysáy.... At inaakalà kong kung kayâ kayó nakapagsásalitâ ng̃ wikàng kastilà ay sapagkâ’t pinag-aralan ninyó; ¡kayó’y hindî tagá Maynilà ni anák ng̃ kastilà! Pag-aralan nilá ang pinag-aralan ninyó at gawín nilá ang ginawâ ko.... Akó’y nagíng alilà ng̃ lahát ng̃ prayle, ipinaglutò ko silá ng̃ _chocolate_, at samantalang ang kanan ko’y ipinanghahalò sa _batidor_ ay pigil ko sa kaliwâ ang gramátika, nag-aaral akó at, salamat na lamang sa Dios, hindî akó nagkailang̃an ng̃ ibá pang mg̃a gurô, ni ibá pang akademia, ni mg̃a pahintulot ng̃ pamahalàan.... Paniwalàan ninyó akó; ¡ang ibig na mag-aral ay nakapag-aaral at natututo!
--¿Ng̃unì’t ilán na sa mg̃a ibig na matuto ang makaaabot sa inabot ninyó? Isá sa isáng libo, at yaón pa man!
--¡Psch! ¿at anó pa ang kailang̃an ng̃ higít pa roon?--ang sagót ng̃ matandâ na ikinibít ang balikat--Ang mg̃a abogado’y labis na, ang marami’y pumapasok na lamang na tagá sulat. ¿Mg̃a médiko? silá silá’y nagmumurahán, nag-uupasalàan at nagkakamatayan dahil sa pag-aagawán sa isáng gágamutín.... ¡Bisig, ginoo, ang kailang̃an natin ay bisig na ukol sa pagtataním!
Nákilala ni Isagani na nag-aaksayá siyá ng̃ panahón, ng̃unì’t tumugón:
--Tunay ng̃â--ang sagót--maraming abogado at médiko, ng̃unì’t hindî ko masasabing lumalabis, sapagkâ’t mayroon tayong mg̃a bayang walâ ng̃ isá man sa kanilá; ng̃unì’t kung marami man sa bilang, marahil ay kulang sa mabuti. At yayamang hindî mapipigil na mag-aral ang kabatàan at dito’y walâ na namáng ibáng _carrera_ ¿bakit babayàang masayang ang kaniláng panahon at pagsisikap? Kung ang kasiràan ng̃ pagtuturò ay hindî makahadláng na ang marami’y magíng abogado ó médiko, kung tayo’y magkakaroon din lamang ¿bákit hindî pá mabubuti? at gayón man, kahì’t na ang nasà’y gawíng lupaín ng̃ mg̃a mánananim ang lupaíng itó, isáng lupaín ng̃ mg̃a manggagawà sa lupà, at patayín sa kaniyá ang lahát ng̃ gawàing isip, ay hindî ko maunawà ang kasamâan ng̃ patalinuhin ang mg̃a mánananim at mg̃a manggagawàng lupàng iyán, bigyán man lamang silá ng̃ isáng pinag-aralang magpahintulot sa kanilá, pagkatapos, na máwastô at magwastô ng̃ kaniláng mg̃a gawàin, na ilagáy bagá silá sa kalagayang máwatasan ang maraming bagay na hindî batíd sa ng̃ayón.
--¡Bah, bah, bah!--ang bulalás ng̃ abogado na ikinumpay ng̃ palikawlikaw sa hang̃in ang kamáy na warìng ibig bugawin ang mg̃a paghahakàng nábanggít--upang maging mabuting mang-aani ay hindî kailang̃an ang maraming _retórica_. ¡Pang̃arap, malîng akalà, buko ng̃ pag-iisip! ¡Siya! ¿ibig bagá ninyóng sumunód sa isáng hatol?
At tumindíg, masuyòng ipinatong ang kamáy sa balikat ng̃ binatà, at nagpatuloy:
--Bíbigyan ko kayó ng̃ isáng lubhâng mabuti, sapagkâ’t nakikita kong kayó’y matalino at ang hatol ay hindî mápapagayón lamang. ¿Magaaral kayó ng̃ panggagamót? Kung gayón ay magkasiyá kayó sa pag-aaral ng̃ kung papaano ang paglalagáy ng̃ tapal at pagpapasigíd ng̃ lintâ at huwag ninyóng panghimasukan ang pagpapabuti ó pagpapasamâ ng̃ kalagayan ng̃ inyóng kapuwâ. Pag kayó’y _licenciado_ na, ay mag-asawa kayó sa isáng dalagang mayaman at mapanata, pagpilitan ninyó ang makapanggamót at makasing̃il na mabuti, layûán ninyó ang lahát ng̃ bagay na may pakialám sa kalagayan ng̃ bayan, magsisimbá kayó, magkumpisál at makinabang pag ang ibá’y gumágawâ ng̃ gayón, at makikita ninyóng pagkatapos ay pasasalamat kayó sa akin at ang gayó’y makikita ko kung akó’y buháy pa. Palagì ninyóng aalalahanin na ang lalòng wastông pagling̃ap ay ang ling̃apin muna ang sarili; walâng dapat hanapin ang tao sa mundó kundî ang lalòng malakíng kaligayahan ng̃ kaniyáng sarili, gaya ng̃ sabi ni Bentham; pag kayó’y nanghimasok sa mg̃a kaululán, ay hindî kayó magkakaroón ng̃ _carrera_, ni hindî kayó magkakaasawa, ni hindî kayó magiging anomán. Pag-iiwananan kayó ng̃ lahát at ang una unang magtátawá sa inyóng kalinisang ugalì ay ang inyó ring mg̃a kababayan. ¡Maniwalà kayó sa akin, akó’y maaalaala din ninyó at sasabihin ninyóng may katwiran akó pag kayó’y nagkaroon na ng̃ ubang kagaya ko, mg̃a ubang kagaya nitó!
At hinipò ang iilan niyáng buhók na putî ng̃ matandang abogado na ng̃umitî ng̃ malungkót at inilíng-ilíng ang ulo.
--Pag nagkaroon na akó ng̃ mg̃a ganiyáng uban, ginoo,--ang sagót na malungkót dín ni Isagani--at pag iniling̃ón ko ang aking paning̃ín sa nakaraan at mákita kong walâ akóng ginawâ kundî ang ukol sa sarili, na hindî ginawâ ang mangyayaring gawín at dapat kong gawíng ukol sa bayang nagbigáy sa akin ng̃ lahát ng̃ bagay, ukol sa mg̃a namamayang tumutulong sa aking kabuhayan, ang bawà’t uban ay magiging isáng tiník sa akin, at hindî ko silá ikadadang̃al kundî bagkus ikahihiyâ!
At masabi itó ay yumukô at umalís.
Nápatigil ang abogado sa kaniyáng kinalalagyán, na ang matá’y susulingsuling. Náding̃íg ang mg̃a yabág na lumalayông untîuntî at mulîng umupô na bumúbulóng:
--¡Kaawàawàng binatà! Ang mg̃a ganiyán ding hakà ay sumagì isáng araw sa aking pag-iisip! ¿Maanong ang lahát ay makapagsabing: ginawâ ko itó ng̃ dahil sa aking bayan, iniuukol ko ang aking buhay sa ikabubuti ng̃ lahát....? ¡Putong na laurel, na pigtâ ng̃ katás ng̃ kamansá, mg̃a dahong tuyô na nagkakanlóng ng̃ mg̃a tiník at mg̃a uód! ¡Hindî iyan ang kabuhayan, iyan ay hindî nagbibigáy ng̃ kakanin, ni hindî nagdudulot ng̃ karang̃alan; ang mg̃a laurel ay bahagyâ nang mágamit sa isáng sawsawan.... ni hindî nagbibigáy ng̃ katiwasayán.... ni hindî nagpapanalo ng̃ mg̃a usap, kundî tiwalî pa ng̃â! Ang bawà’t bayan ay may kaniyáng hilig, gaya rin ng̃ kaniyáng sing̃áw ng̃ lupà at kaniyáng mg̃a sakít, na ibá sa sing̃áw ng̃ lupà at mg̃a sakít ng̃ ibáng bayan!
At idinugtóng pagkatapos:
--¡Kaawàawàng binatà!.... Kung ang lahát sana’y nag-iisip at gumágawâ ng̃ gaya niyá, ay hindî ko sinasabing hindî.... ¡Kaawàawàng binatà! ¡Kaawàawàng Florentino!
XVI
ANG MG̃A KAPIGHATIAN NG̃ ISANG INSÍK
Nang kinagabihán ng̃ Sábado ring yaón, ang insík na si Quiroga na nagnanasàng makapagtatag ng̃ isáng _consulado_ ng̃ kaniyáng bansâ, ay naghandâ ng̃ isáng hapunan sa itaás ng̃ kaniyáng tindahan na nasa daang Escolta. Maraming dumaló sa kaniyáng pistá: mg̃a prayle, mg̃a kawaní, mg̃a militar, mg̃a mang̃ang̃alakal, lahát ng̃ kaniyáng mg̃a sukì, mg̃a kasamá ó mg̃a ninong, ay pawàng nang̃aroroon; ang kaniyáng tindahan ay siyáng kinukunan ng̃ lahát ng̃ kailang̃an ng̃ mg̃a kura at ng̃ mg̃a kombento, tumatanggáp ng̃ _vale_ ng̃ lahát ng̃ kawaní, mayroon siyáng matatapát na alagád na masunurin at masisipag. Ang mg̃a prayle ay hindî nang̃ang̃aníng̃aníng dumaan ng̃ mg̃a buô buông oras sa kaniyáng tindahan, magíng sa pook na tanáw ng̃ madlâ, magíng sa mg̃a silíd na nasa loob, na, may mg̃a kaayaayang kapulong....
Nang gabí ng̃âng iyon, ang kabahayán ay may katang̃ìtang̃ìng anyô. Namumunô sa mg̃a prayle at mg̃a kawaní na nang̃akaluklók sa mg̃a uupáng Viena at mg̃a mumuntîng bangkông maitím ang kahoy at ang uupán ay marmol na galing sa Cantón, sa haráp ng̃ mg̃a mumuntîng dulang na parisukat, at nang̃aglalarô ng̃ tresillo ó nang̃ag-uusap usap, sa tulong ng̃ maníngníng na liwanag ng̃ mg̃a ginintûáng lámpara ó ng̃ kukutakutatap na ilaw ng̃ mg̃a parol insík na may matitingkád na palamutìng borlas na sutlâ. Sa mg̃a dingdíng ay magulóng nagkakahalò ang mg̃a pánooríng payapà at bugháwin na gawâng Cantón at Hongkong, na kasama ng̃ mg̃a _cromo_ ng̃ mg̃a babaing naglilingkód sa mg̃a sultán, mg̃a babaing halos hubád, mg̃a larawan ng̃ Cristo na mukhâng babai, ng̃ kamatayan ng̃ banal at ng̃ makasalanan, na pawàng yarì sa mg̃a pagawàang hudio sa Alemania upang ipagbilí sa mg̃a bayang katóliko. Naroroón din ang mg̃a larawang insík na nasa puláng papel na may isáng lalaking nakaupô na ang anyô’y kagalanggalang, mapayapà at nakang̃itî, sa likuran nitó’y may nakatayông aliping napakapang̃it, na ang pigil ay isáng sibát na ang talím ay malapad at matalas: tinatawag na Mahoma ng̃ mg̃a taga roon at tinatawag na Santiago ng̃ ilán, hindî namin maalaman kung bakit; ang mg̃a insík namán ay hindî nagpapaliwanag tungkol sa pagkakakilalang iyon sa dalawáng pang̃alan. Mang̃a putók ng̃ botella ng̃ Champagne, bunggûan ng̃ mg̃a kopa, tawanan, usok ng̃ tabako at isáng tang̃ìng amóy ng̃ bahay insík, na may halòng pebete, apian at mg̃a imbák na bung̃ang kahoy ang nagiging kabuôan ng̃ lahát ng̃ iyon.
Suot warì’y mandarín, na bugháw ang _borlas_ ng̃ kopià, ay nagpapalakadlakad sa mg̃a silíd, si insík Quiroga, na tuwíd at unát na unát, na pasulyápsulyáp na warìng sinisiyasat kung walâng nangduduwit ng̃ anó mán. Datapwâ’y kahì’t na tagláy ang gayóng dî pagtitiwalàng likás sa kaniyá ay nakikipagkamayan, binabatì ang ilán sa tulong ng̃ mg̃a masuyò at pakumbabâng ng̃itî, at ang ilán ay batìng mapag-ampón, at ang ibá’y batìng palibák na warìng ang ibig sabihin ay:
--¡Alám ko na! hindî kayó naparito ng̃ dahil sa akin kundî dahil sa aking hapunan.
May katwiran si insík Quiroga. Yaong matabâng ginoo na pumupuri sa kaniyá at nagsasabi ng̃ pang̃ang̃ailang̃an ng̃ isáng _konsulado_ ng̃ insík dito sa Maynilà, na ang ibig mandíng sabihin ay walâng makagaganáp sa katungkulang iyón liban na kay Quiroga, ay si G. Gonzalez na pumipirmang _Pitilí_ kung tinutuligsâ sa mg̃a tudlíng ng̃ pahayagan ang pagparito ng̃ insík. Yaóng isá na may kagulang̃an na at sinisiyasat na malapit na malapit ang mg̃a bagay bagay, ang mg̃a lámpara, at mg̃a _cuadro_, at ibp., at ng̃umíng̃iwî at bumubulalás ng̃ padustâ, ay si G. Timoteo Pelaez, amá ni Juanito, máng̃ang̃alakál na nang̃ang̃alandakan ng̃ laban sa pakikiagáw ng̃ mg̃a insík na naghahapay sa kaniyáng kalakal. At ang isá, ang nasa dako pa roon, iyóng kayumanggíng ginoo, payát, na ang paning̃ín ay magasláw at banayad ang ng̃itî, ay yaón ang bantóg na may kagagawán ng̃ ukol sa mg̃a pisong mehikano na nagbigáy ng̃ dî kakauntîng samâ ng̃ loob sa isáng kinakalong ni Quiroga; ang kawaníng iyon ay kilalá sa Maynilà dahil sa katalasan! Ang nasa malayòlayô pa, yaóng kung tuming̃ín ay pairáp at hindî husáy ang bigote ay siyang kawaníng kiníkilalang lalòng karapatdapat sapagkâ’t nagkaroón ng̃ katapang̃ang magsalitâ ng̃ laban sa pang̃ang̃alakal ng̃ mg̃a billete sa lotería na ginágawâ ni Quiroga at ng̃ isáng babaing bantóg sa mg̃a lipunán sa Maynila. Sadyâ ng̃âng kung hindî man ang kalahatì ay ang dalawá ng̃ katlông bahagi ng̃ mg̃a billete ay dinádalá sa kainsikán at ang nálalabíng kauntî sa Maynilà ay ipinagbíbilíng may patong na sikolo. Lubós ang pananalig ng̃ tinurang ginoo na sa balang araw ay mápapasa-kaniyá ang pinakamalakíng tamà, kayâ’t muhîng muhî sa mg̃a gayóng kagagawán.
Samantala namá’y nagtatapós ang hapunan. Mulâ sa kakainán ay umaabot sa kabahayán ang mg̃a bahagi ng̃ talumpatì, tawanan, mg̃a pagsalangsáng, halakhakan.... Ang pang̃alan ni Quiroga ay paulit-ulit na nádiding̃íg, na kahalò ng̃ mg̃a salitâng _consul_, pagpapantáypantáy, mg̃a karapatán....
Ang may pigíng, na hindî kumakain ng̃ lutòng Europa, ay nakikitunggâ na lamang maminsánminsán sa kaniyáng mg̃a panaohin, at nang̃ang̃akòng makikisabáy sa pagkain ng̃ mg̃a hindî nakadulóg sa unang hain.
Nakapaghapunan na si Simoun ng̃ dumatíng at nakikipag-usap, sa kabahayán, sa iláng máng̃ang̃alakál na nang̃agsisidaíng dahil sa kalagayan ng̃ paghahanap buhay: masamâ ang lakad ng̃ lahát, náhihintô ang pang̃ang̃alakal, ang pakikipagsuklîan sa Europa ay nápakataás ang halagá; nang̃agsisihing̃î ng̃ liwanag sa mag-aalahás ó inuudyukán siyá ng̃ iláng paraan sa pag-asang sasabihin sa Capitan General. Sa bawà’t kaparaanang ipalagáy ay tinutugunán ni Simoun ng̃ isáng ng̃itîng pakutyâ’t paglibák. ¡Ba! ¡kaululán! hanggáng sa nang mamuhî na ang isá, ay itinanóng ang kaniyáng hakà.
--¿Ang aking hakà?--ang tanóng--pag-aralan ninyó kung bakit lumulusog ang ibáng bansâ at gayahan ninyó silá.
--¿At bakit nang̃agsisilusog, G. Simoun?
Kinibít ni Simoun ang kanyáng balikat at hindî sumagót.
--¡Ang mg̃a gawàin sa daong̃an na nakabibigát sa pang̃ang̃alakal at ang daong̃ang hindî mayarìyarì!--ang buntonghing̃á ni G. Timoteo Pelaez--ay isáng kayo ni Guadalupe, gaya ng̃ sabi ng̃ anák ko, na hinahabi at kinakalás.... ang mg̃a buwis....
--¡At dumadaíng kayó!--ang bulalás ng̃ isá--¡At ng̃ayóng kapapasiyá pa lamang ng̃ General ng̃ pagpapagibâ ng̃ mg̃a bahay na pawid! ¡Kayóng may maraming _hierro galvanizado_!
--Oo--ang sagót ni G. Timoteo--¡ng̃unì’t ang nagugol ko namán sa kapasiyaháng iyán! At sakâ ang pagpapagibâ’y hindî pa gágawin kundî sa loob ng̃ isáng buwán, hanggáng dumatíng ang kurismá; mangyayaring may dumatíng pang ibá.... ang ibig ko sana’y ipagibâ ng̃ayón din, datapwâ’t.... Bukód sa rito, anó ang ibíbilí sa akin ng̃ mg̃a may arì ng̃ bahay na iyán sa pawàng marálitâ?
--Mangyayari ding mábilí ninyó ng̃ murang mura ang kaniláng mg̃a bahay....
--At pagkatapos ay lakaring pawalâng bisà ang kautusán at ipagbilíng mulî, na ibayo ang halagá....! Naiyan ang isáng kalakal!
Si Simoun ay ng̃umitî ng̃ ng̃itî niyang malamlám, at sa dahiláng nákitang sumásalubong din si insík Quiroga ay iniwan ang mg̃a madaing̃ing mang̃ang̃alakál upang batìin ang magiging _consul_. Bábahagyâ pa lamang siyang nakita nitó ay nawalâ na ang anyông may kasiyahang loob at ang mukhâ’y iginaya sa mg̃a máng̃ang̃alakál, at yumukô ng̃ bahagyâ.
Iginagalang na lubhâ ng̃ insík na si Quiroga ang mag-aalahás, hindî lamang sa dahiláng kilalá niyang mayaman, kundî dahil sa mg̃a bulungbulung̃ang umanó’y kaututang dilà ng̃ Capitán General. Nababalitàng inaayunan ni Simoun ang mg̃a hang̃arin ng̃ insík, kasang-ayon sa ukol sa _consulado_, at sa gitnâ ng̃ mg̃a banggitin, mg̃a parunggít at mg̃a _puntos suspensivos_ ay tinukoy na siyá ng̃ isáng pamahayagang laban sa insík, sa isáng nábantóg na pakikipagsagutan sa isáng kasamang kampí sa mg̃a may buhók. Idináragdág pa ng̃ ilán kataong malumanay na iniúudyók sa Capitán General ng̃ Eminencia Negra na gamitin ang mg̃a insík sa pagsugpô sa matibay na karang̃alan ng̃ mg̃a tagá rito.
--Upang magíng masunurin ang isáng bayan--aniyá--ay walâng paraang gaya ng̃ duhagihin at ipakilala sa kaniyá ang sariling kaabàan.
Madalîng nagkaroón ng̃ isáng pagkakátaón.
Ang mg̃a balang̃ay ng̃ mg̃a _mestiso_ at ng̃ mg̃a _naturales_ ay nang̃agmamanmanan at ginagamit ang kaniláng katapang̃an at kasipagan sa paghihinalà at dî katiwalàan. Isáng araw, sa misa, ang kapitan sa naturales na nakaupô sa bangkông nasa dakong kanan at lubhâng payát, ay nakaisip na pagpatung̃in ang kaniyáng mg̃a paá, na anyông _nonchalant_, upang lumakílakí sa warì ang kaniyáng mg̃a pigî at maipamalas ang kaniyáng mainam na sapatos; ang sa mestiso namáng náluluklók sa kabiláng ibayo, sa dahiláng may _juanete_ at hindî mapagpatong ang paa dahil sa katabâán at buyunin ay umanyô namáng ibinikakâ ang kaniyáng mg̃a hità upang málantád ang tiyang nakukulong ng̃ isáng _chaleco_ na walâng kakutón kutón na napapalamutihan ng̃ isáng magandáng tanikalâng gintô at brillante. Ang dalawáng pangkatin ay nagkapakiramdaman at nagsimulâ na ang paghahamok: sa sumunód na pagsisimbá, ang lahát ng̃ mestiso, patî ng̃ mg̃a lalòng payát, ay pawàng may mg̃a buyon at ibinikakàng mabuti ang mg̃a hità na warìng nang̃ang̃abayo: lahát ng̃ naturales ay pinagpatong ang kaníkaniláng paa, sampû ng̃ lalòng matatabâ, kayâ’t may kabisa tulóy na umarinkín. Ang mg̃a insík na nakakita sa kanilá, ay gumamit namán ng̃ kaniláng anyô: nang̃agsiupông gaya ng̃ kung nasa sa kaniláng tindahan, ang isáng paa’y baluktót at nakataás, ang isá’y nakabiting kukuyákuyakoy. Nagkaroón ng̃ mg̃a tutulán, mg̃a kasulatan, mg̃a _expediente_, at ibp., ang mg̃a kuadrilyero ay matuling nang̃agsipanandata upang pasimulán ang paghahamok ng̃ magkakababayan, ang mg̃a kura ay galák na galák, ang mg̃a kastilà’y nasasayahán at ang lahát ng̃ itó’y pinagkakakitàan ng̃ salapî, hanggáng sa pinigil ng̃ General ang kaguluhan sa pamagitan ng̃ pag-uutos na silá’y mang̃ag-upùang kagaya ng̃ insík, sa dahiláng ang mg̃a itó’y siyáng bumabayad ng̃ lalòng malakí, kahì’t hindî siyáng lalòng katóliko. At dito nangyari ang kagipitan ng̃ mg̃a mestiso at naturales, na, sa dahiláng makikipot ang salawál ay hindî makagaya sa insík. At upang ang nasàng duhagihin silá’y mabunyág, ay ginanáp ang kautusán ng̃ boong karing̃alan at ginamitán ng̃ mg̃a sangkáp, nilibid ang simbahán ng̃ isáng pulutóng na kábayuhan, samantalang ang lahát ng̃ nasa loob ay pinapawisan. Ang usapín ay nakaratíng sa España, ng̃unì’t doo’y náulit ding sa dahiláng ang nagbabayad ng̃ lalóng malakí ay ang mg̃a insík ay mangyayaring pairalin ang kaniláng ibigin sampû sa mg̃a _ceremonias religiosas_, kahì’t pagkatapos ay tumakwíl sa pananampalataya at libakín ang pagkakristiano. Nasiyaháng loob ang mg̃a naturales at mestiso at pinag-aralan nilá ang hindî pag-aaksayá ng̃ panahón sa mg̃a gayóng bagay na walâng kabuluhán.
Sinuyòsuyò ni Quiroga si Simoun sa tulong ng̃ kaniyáng haluang pananalitâ’t ng̃itîng napakamakumbabâ; ang kaniyáng ting̃ig ay nápakamahimok, paulit-ulit ang kaniyáng yukô, ng̃unì’t pinutol ng̃ mag-aalahás ang kaniyáng pang̃ung̃usap at itinanóng sa kaniyáng biglâ:
--¿Náibigan bagá ang mg̃a galáng?
Sa tanóng na ító’y napawìng warì’y pang̃arap ang siglá ng̃ kalooban ni Quiroga; ang ting̃ig na dating mahimok ay nagíng mahinagpís, lalò pang nagpakáyukôyukô at matapos pinapagdoop ang mg̃a kamáy na itinaas na pantáy mukhâ, anyông pagbatì sa kainsikán, ay dumaíng ng̃:
--¡Uu, sinyó Simoun! ¡akieng lugí, akieng hughóg!
--¿Bakit, insik Quiroga, kayó’y lugi at hughóg? ¡at ganyáng karami ang botella ng̃ _champagne_ at mg̃a panaohin!
Ipinikít ni Quiroga ang kaniyáng mg̃a matá at ng̃umiwî. ¡Hss! Ang nangyari ng̃ hapong iyon, ang nagíng hanggán ng̃ mg̃a galáng, ay nakapaghughóg sa kaniyá. Si Simoun ay ng̃umitî: kapag ang isáng mang̃ang̃alakál na insík ay dumádaíng ay sapagkâ’t mabuti ang lagáy; kapag ang ipinamalas ay warìng mabuting mabuti ang kaniyáng lakad ay sapagkâ’t nakikinikinitá ang isáng pagkalugi ó magtatanang tung̃o sa kanyáng bayan.
--¿Kayó mo hienne alam akieng lugi, akieng hughóg? ¡A, sinyó Simoun, akieng hapay!
At upang lalòng maipabatíd ng̃ insík ang kaniyáng kalagayan ay sinabayán ang salitâng hapay ng̃ anyông pagpapatimbuwang.
Ibig ibig ni Simoun na siya’y pagtawanán, ng̃unì’t nagpigil at sinabing walâ siyáng anó máng nalalaman, walâ, walâng walâ.
Dinalá siyá ni Quiroga sa isáng silíd, na inilapat na mabuti ang pintô, at ipinaliwanag sa kaniyá ang sanhî ng̃ kasawîán ng̃ insík.