# Ang "Filibusterismo" (Karugtóng ng Noli Me Tangere)

## Part 11

Book page: https://www.cyberlibrary.org/tl/books/ang-filibusterismo-karugtong-ng-noli-me-tangere-47629/index.md

--Kahì’t na anó, ang ibigin pô ninyó, Padre, ang inaakalà niyang isagót, ng̃unì’t hindî makapang̃ahás na turan ang gayón, dahil sa natatakot siyang mang̃agtawanan. Yaon ang matatawag na kagipitan at kailan pa man ay hindî pa siyá nápapasok sa gayóng kahigpít. May-roon siyang muntîng gunitâ na hindî mapapaayunan ang kahì’t nápakaliít na bagay sa mg̃a prayle, na hindî nilá pinalalabasán ng̃ lahát ng̃ pangyayari at kapakinabang̃áng mahahakà, kundî’y magsabi na ang kaniláng mg̃a lupaíng arì at mg̃a kurato. Kayâ’t ang iniuudyók ng̃ kaniyáng anghel na tagá pag-adyá ay ipagkaít ng̃ boong tibay ng̃ kaluluwá at katigasán ng̃ kaniyáng buhók ang ano máng bagay, at handâ nang bumitíw ng̃ isang matindíng _¡nego!_, sa dahiláng ang hindî umaamin ng̃ anoman ay walâng tinatanggáp, ang sabi sa kaniyá ng̃ isáng kawaní sa hukuman; datapwâ’y ang masamâng ugalìng hindî nakiking̃íg sa udyók ng̃ sariling budhî, ang dî pananalig sa mg̃a taong nakaáalám ng̃ kautusán at ang paghanap ng̃ abuloy sa ibá, gayóng sukat na ang kaniyáng sarili, ay siyang sa kaniyá’y sumirà. Hinuhudyatán siyáng umayon ng̃ mg̃a kasama, lalò na si Juanito Pelaez, at sa pagpapadalá sa masamâ niyáng kapalaran, ay bumitíw ng̃ isáng _umaayon po akó, Padre_ na ang boses ay malamlám na warìng ang tinuran ay _In manus tuas commendo spiritum meum_.

--_Concedo antecedentum_--ang ulit ng̃ nagtuturò na ng̃umitî ng̃ may kahulugán--_ergo_, maaarìng kayurin ko ang tinggáng putî ng̃ isáng salamíng bubog, palitán ng̃ kaputol na bibingka at mayroon din tayong salamín, ¿ha? ¿Anó, magkakaroon tayo?

Ang binatà’y tuming̃ín sa mg̃a nagsusuplóng sa kaniyá, ng̃unì’t nang mákitang silá’y pawàng gulilát din at hindî maalaman ang turan, ay nálarawan sa kaniyáng mukhâ ang mapaít na pagsisisi. _Deus meus, Deus meus, quare dereliquiste me_, ang ipinahahayag ng̃ kaniyáng hapís na paning̃ín samantalang ang kaniyáng mg̃a labì’y bumibigkás ng̃ _¡linintikán!_ Walâng nangyari sa kaniyáng káuubó, binatak ang petsera ng̃ kaniyáng barò, itatayô ang isáng paa, pagkatapos ay ang isá namán, walâng mátagpông kalinawan.

--Siya, ¿may anó tayo?--ang ulit ng̃ nagtuturò na nagtátalík sa bung̃a ng̃ kaniyáng tinuran.

--_¡Ang bibingka!_--ang bulong ni Juanito Pelaez--_¡ang bibingka!_

--¡Tumigil ka, hang̃al!--ang sigáw na tulóy ng̃ dî magkangtututong binatà na ibig ng̃ maiwasan ang kagipitan sa paraang mang-away.

--¡Tingnán natin, Juanito, kung mapaliwanagan mo ang bagay na itó!--ang tanóng ng̃ katedrátiko kay Pelaez.

Si Pelaez, na isá sa mg̃a kinagigiliwan niyá, ay dahandahang tumindíg, ng̃unì’t sinikó muna si Plácido Penitente na siyáng sumúsunod sa lagáy sa talàan. Ang ibig sabihin ng̃ pag-sikó ay:

--¡Huwag kang máliling̃át at tambisán mo akó!

--¡_Nego consecuentiam_, Padre!--ang sagót na walâng kagatol-gatól.

--¡Ahá, kung gayó’y _probo consecuentiam_! _Per te_, ang makintáb na ibabaw ay siyáng tunay na salamín.

--_¡Nego suppositum!_--ang putol ni Juanito ng̃ mâramdamáng binabatak siyá ni Plácido sa amerikana.

--¿Papaano? _Per te_......

--_¡Nego!_

--_Ergo_ ¿inakalà mo na ang nasa likurán ay nagiging sanhî ng̃ nasa haráp?

--_¡Nego!_--ang sìgaw na lalò pang malakás, dahil sa pagkakáramdám ng̃ isá pang batak sa kaniyáng amerikana.

Si Juanito, ó lalóng tumpák si Plácido, na siyáng tumátambís, ay hindî nakahahalatâng ang ginagamit niyáng kaparaanan ay ang sa insík: huwág tumanggáp ng̃ isá mang dayuhan upang huwag siyang masalakay.

--¿Papaano ba tayo?--ang tanóng ng̃ nagtuturô na may kaontîng kalituhán at dî mápalagáy, na tinitingnán ang ayaw magparaang nag-aaral--¿nagbíbigay sanhî ó hindî sa harapán ang bágay na nasa likurán?

Sa tiyák na katanung̃ang itó, na maliwanag, na warì’y _ultimatum_, ay hindî maalaman ni Juanito ang isagót at walâ namáng iudyók sa kaniyá ang kaniyáng amerikana. Walâng mápalâ sa káhuhudyát kay Plácido; si Plácido ay alinlang̃an. Sinamantalá ni Juanito ang sandalíng pagkakáting̃ín ng̃ katedrátiko sa isáng nag-aaral, na palihím na inalís sa paa ang mahigpít na sapíng suot, at niyapakang malakás si Plácido na sabáy ang sabing:

--¡Tambisán mo akó, sulong, tambisán mo akó!

--_Distingo_.... ¡Aray! ¡nápakahayop ka!--ang sigáw na hindì kinukusà ni Plácido na tinitingnáng pagalít si Juanito, samantalang hinihipò ang kaniyáng sapatos na tsarol.

Náding̃íg ng̃ parì ang sigáw, nakita silá’t nahulàan ang nangyayari.

--¡Oy, ikáw, _espíritu sastre_!--ang sabi--hindî ikáw ang tínátanóng ko, ng̃unì’t yayamang ginawâ mo ang magligtás sa ibá, ay tingnán natin, iligtás mo ang katawán mo, _salva te ipsum_, at paliwanagan mo sa akin ang likwád.

Magalák na umupô si Juanito at katunayan ng̃ kaniyáng utang na loob ay pinanglawitán ng̃ dilà ang tumatambís sa kaniyá. Samantala namáng itó, namumulá dahil sa kahihiyán, ay tumindíg at bumulóng ng̃ dî malinawang mg̃a dahilán.

Tinaya siyáng sandalî ni P. Millón, kagaya ng̃ lumálasap sa ting̃ín ng̃ isáng kakanín. ¡Kay inam marahil ng̃ pang̃ayumpapàin at ilagáy sa kahihiyán ang binatàng iyóng magara, kailán ma’y mainam ang bihis, taás ang ulo at aliwalas ang paning̃ín! Isá ring kaawâáng gawâ ang gayón; kayâ’t ipinatuloy ng̃ boong pusò ng̃ nagtuturò ang gawâin, na maliwanag na inulit ang katanung̃an:

--Sinasabi ng̃ aklát na ang mg̃a salamíng metal ay binubuô ng̃ tansô ó pagkakahalò ng̃ ibá’t ibáng metal totoo ó hindî?

--Sinasabi ng̃ aklát, Padre......

--_Liber dixit ergo ita est_; hindî mo nasà ang dumunong pá kay sa aklát....--At pagkatapos ay idinugtóng, na, ang mg̃a salamíng bubog ay binúbuô ng̃ isáng palás na bubog, na ang dalawá niyang mukhâ ay kininis at ang isá sa kanilá ay may pahid na ginilong na tinggâng putî,--_¡nota bene!_ isáng ginilong na tinggâng putî. ¿Tunay ba itó?

--Kung sinasabi ng̃ aklát, Padre......

--¿Ang tinggâng putî ay metal?

--Tila pô, Padre; sinasabi ng̃ aklát......

--Metal ng̃â, metal ng̃â, at ang ibig sabihin ng̃ salitâng ginilong ay ang pagkakahalò niya sa asoge na isá ding metal. _Ergo_ ang isáng salamíng bubog ay isáng salamíng metal; _ergo_ ang mg̃a pagkakabahagi ay hindî maliwanag, _ergo_ ang pagiibáibá ay masamâ, _ergo_.... ¿Papaano ang pagpapaliwanag mo, _espíritu sastre_?

At tinindihán ang mg̃a _ergo_ at ang mg̃a _mo_ ng̃ boong diín at ikinindát ang matá na warìng ang ibig sabihin, ay: ¡lutô ka na!

--Itóng.... ang ibig sabihin ay itóng....--ang bulóng ni Plácido.

--Kung gayón ay hindî mo nawatasan ang lisyón, budhîng abâ, na walâng namumuwang̃an ay sumúsulsól sa kapwà.

Ang boông klase ay hindî nagdamdám sa gayón, inarì pang mainam ng̃ marami ang pagkakátulâ, kayâ’t nang̃agtawanan. Kinagát ni Plácido ang kaniyáng mg̃a lábì.

--¿Anó ang pang̃alan mo?--ang tanóng ng̃ parì.

Matigás na sumagót si Plácido.

--¡Ahá! Plácido Penitente, mukhâ ka pang Plácido Soplón ó Soplado. Ng̃unì’t bibigyán kitá ng̃ _penitencia_ dahil sa iyong mg̃a _sopladuría_.

At siyáng siya sa kaniyáng mg̃a pasalisalikwát na pananalitâ, ay ipinag-utos kay Plácido na sabihin ang lisyón. Sa kalagayang yaón ng̃ binatà ay nagkaroón ng̃ mahigít na tatlóng malî. Nang makita ang gayón ng̃ parìng nagtuturò ay itinang̃ôtang̃ô ang ulo, binuksáng dahan dahan ang talàan at banayad na banayad na tinunghán, samantalang binabanggít na marahan ang mg̃a pang̃alan.

--Palencia.... Palomo.... Pang̃aniban.... Pedraza.... Pelado.... Penitente, ¡ahá! Plácido Penitente, labíng limáng araw na kusàng pagkukulang sa pagpasok.

Si Plácido ay umunat:

--¿Labíng limáng pagkukulang, Padre?

--Labíng limáng kusàng pagkukulang sa pagpasok--ang patuloy ng̃ nagtuturò--Kung gayó’y isá na lamang ang kulang upang maalís sa talàan.

--¿Labíng limáng pagkukulang, labíng limá?--ang ulit ni Plácido na nagugulumihanan--makaapat pa lamang akóng nagkukulang at kung bagá mán ay ng̃ayón ang ikalimá.

--_¡Husito, husito, señolía!_--ang sagót ng̃ parì, na minasdán ang binatà sa ibabaw ng̃ kaniyáng salamíng may kulob na gintô.--Kiníkilala mong nagkulang ka ng̃ makálima, at ang Dios lamang ang nakababatíd kung hindî ka nagkulang ng̃ higít pa sa roon! _Atqui_ sa dahiláng bihirà kong basahin ang talàan at sa bawà’t pagkahuli ko sa isá ay nilalagyán ko ng̃ limáng guhit, _ergo_ ¿ilán ang makálimang limá? ¡Nakalimot ka na marahil ng̃ multiplicar! ¿Makálimang limá ay ilán?

--Dalawáng pû’t limá.

--_¡Husito husito!_ Sa gayón ay nakalamáng ka pa ng̃ sampû sapagkâ’t makáitlo lamang kitáng náhuli sa pagkukulang.... ¡Uy! kung náhuli kita sa lahát ng̃ pagkukulang mo, a.... At ¿ilán ang makáitlóng limá?

--Labíng limá......

--Labíng limá, _parejo camarón con cangrejo_!--ang tapos ng̃ nagtuturò na itinupî ang talàan--pag nagkábisô ka pang minsán ay, sulong! _¡apuera de la fuerta!_ ¡Ah! at ng̃ayón ay isáng pagkukulang sa lisyón sa araw araw.

At mulîng binuksán ang talàan, hinanap ang pang̃alan at linagyán ng̃ isáng muntîng guhit.

--¡Siyá, isáng muntîng guhit!--ang sabi--pagkâ’t walâ ka pá ni isá man lamang!

--Ng̃unì’t Padre--ang sabi ni Plácido na nagpipigil pá--kung lalagyán po ninyó akó ng̃ pagkukulang sa lisyón, Padre, ay dapat pô namán, Padre, na alisín ninyó ang pagkukulang ko sa pagpasok na inilagáy ninyó ng̃ayón sa akin.

Ang parì ay hindî sumagót; inilagáy munang dahandahan ang pagkukulang, tiningnáng ikiniling ang ulo--marahil ay mainam ang pagkakaayos ng̃ guhit--tiniklóp ang talàan at pagkatapos ay pakutyâng tumanóng:

--¡Abá! at ¿bakit _ñol_?

--Sapagkâ’t hindî malilirip, Padre, na ang isáng tawo’y magkulang sa pagpasok at makapagbigáy ng̃ lisyón.... ang sabi pô ninyó, Padre, ay, ang naroon at ang walâ......

--¡Nakú! metápisiko pá, ¡walâ pa lamang sa panahón! Hindî malilirip, ha? _Sed patet experientia_ at _contra experientiam negantem, fusílibus est arguendum_, alám mo? At hindî mo malirip, pilósopo, na mangyayaring magkásabáy na magkulang sa pagpasok at hindî mátuto ng̃ lisyón? ¿Dî yatà’t ang hindî pagpasok ay katuturán na ng̃ karunung̃an? ¿Anó ang sasabihin mo pilosopastro?

Ang hulíng binyág na itó’y siyang nagíng paták na nakapagpaapaw sa sisidlán. Si Plácido, na kinikilalang pilósopo ng̃ kaniyáng mg̃a kaibigan, ay naubusan ng̃ pagtitiís, inihagis ang aklát, tumindìg at hinaráp ang parìng nagtuturò:

--¡Sukat na, Padre, sukat na! Maaarì pong lagyán ninyó akó ng̃ mg̃a pagkukulang na ibig ninyóng ilagáy, ng̃unì’t walâ pô kayóng karapatáng lumait sa akin. Maiwan kayó sa inyóng klase, sapagkâ’t hindî na akó makapagtitiís pá.

At umalís na ng̃ walâng paalam.

Ang boông paaralán ay nasindák: ang gayóng pagpapakilala ng̃ karang̃alan ay hindî pa halos nákikita: ¿sino ang makaákalà na si Plácido Penitente....? Ang parìng nagtuturò, na nabiglâ, ay nápakagát labì at minasdán siyá sa pag-alís na itinátang̃ô ang ulo na may pagbabalà. Ang boses ay nang̃ing̃iníg na sinimulán ang sermón na ang salaysayin ay ang dati rin, kahi’t lalòng malakás at lalòng mapusók ang pang̃ung̃usap. Tinukoy ang nagsisimulâng pagmamataás, ang dî pagling̃ap ng̃ utang na loob sapol pagkatao, ang kapalalùan, ang dî paggaláng sa mg̃a nakatataas, ang kapalalùang iniuudyók sa mg̃a binatà ng̃ sitán ng̃ kadilimán, ang kakulang̃án sa pinag-aralan, ang kadahupán at ibp. Matapos iyon ay tumulóy namán sa pagpaparunggít at pagkutyâ sa hang̃ád ng̃ iláng _sopladillo_ na magturò pá sa kaniláng mg̃a gurô at magtátayô ng̃ isáng akademia na ukol sa pagtuturò ng̃ wikàng kastilà.

--¡Ha, ha!--aniyá--iyáng mg̃a kamakalawá lamang ay babahagyáng makabigkás ng̃ _si, Padre, no, Padre_ ¿ay ibig páng lumalò sa mg̃a inubanan na sa pagtuturò? Ang sadyâng ibig matuto ay natututo mayroon man ó walâng mg̃a akademia! ¡Marahil iyán, iyáng kaáalis pa lamang, ay isá sa mg̃a may panukalà! ¡Kay inam ng̃ kalalabasán ng̃ wikàng kastilà sa mg̃a ganyáng tagapagtanggól! ¿Saáng kayó kukuha ng̃ panahóng ipaparoon sa Akademia sa halos kinákapós kayó sa ikagáganap sa kailang̃an ng̃ klase? Ibig naming matuto kayó ng̃ wikàng kastilà at masalitâ ninyóng mabuti upang huwág ninyóng siràin ang aming taing̃a sa inyóng mg̃a gawî at inyóng mg̃a pe, ng̃unì’t una muna ang katungkulan bago ang pagdadasál; tumupád muna kayó sa inyóng pag-aaral at sakâ kayó mag-aral ng̃ wikàng kastilà at pumasok pa kayóng mánunulat kung ibig ninyó.

At nagpatuloy sa gayóng kásasalitâ hangáng sa tumugtóg ang kampana at natapos ang klase, at ang dalawáng daan at tatlóng pû’t apat na nag-aaral, matapos makapagdasál, ay umalìs na walâ ring namumuwang̃áng kagaya ng̃ pumasok, ng̃unì’t nang̃agsihing̃áng warì’y naalisán ng̃ isáng malakíng pataw sa katawán. Ang bawà’t isá sa mg̃a binatà’y nawalán ng̃ isáng oras pa sa kaniyáng pamumuhay at kasabáy noón ang isáng bahagì ng̃ karang̃alan at pagpapahalagá sa sarili, ng̃unì’t sa isáng dako namán ay nararagdagán ang panghihinà ng̃ loob, ang dî pagkagiliw sa pag-aaral at ang mg̃a pagdaramdám ng̃ mg̃a pusò. ¡Matapos itó’y hing̃án silá ng̃ karunung̃an, karang̃alan, pagkilala ng̃ utang na loob!

--_¡De nobis post hæc, tristis sententia fertur!_

At gaya rin ng̃ dalawáng daa’t tatlóng pû’t apat na itó’y dinaán ang mg̃a oras ng̃ kaniláng klase ng̃ libo at libong nag-aral na náuna sa kanilá, at, kung hindî maaayos ang mg̃a bagaybagay, ay dáraan ding gayón ang mg̃a súsunod at magiging mg̃a bating̃ól, at ang karang̃alang sinugatan at ang sigabóng ligáw ng̃ kabatàan ay magiging pagtataním at katamaran, na gaya ng̃ mg̃a alon, na nagiging maputik sa iláng poók ng̃ dalampasigan, na sa pagsusunuran ay lalò’t lalò pang lumalapad ang naiiwanan ng̃ yagít. Datapwâ’y, Yaóng mulâ sa walâng katapusan ay nakakikita sa mg̃a ibubung̃a ng̃ isáng kagagawán na nakakalás na warì’y sinulid, Yaóng tumitimbang ng̃ mg̃a sandalî at nagtakdâ sa kaniyáng mg̃a nilaláng na ang unang batás ay ang paghanap ng̃ ikasusulong at ng̃ kawastûán, Yaóng, kung tapát, ay híhing̃î ng̃ pagtutuús sa dapat hing̃án, ng̃ dahil sa mg̃a yutàyutàng pag-iisip na pinalabò at binulag, ng̃ dahil sa karang̃alang pinawì sa yutàyutàng tao at ng̃ dahil sa dî mabilang na panahóng lumipas at gawâng nawalân ng̃ kabuluhán! At kung ang mg̃a turò sa Ebanhelio ay may tining na katotohanan, ay mananagót dín ang mg̃a yutàyutàng hindî nang̃atutong itagò ang liwanag ng̃ kaniyáng pag-iisip at ang karang̃alan ng̃ kaniyáng budhî, gaya rin namán ng̃ pag-uusisà ng̃ pang̃inoon sa alipin nang salapîng ipinanakaw niyá dahil sa karuwagan!

XIV

ISÁNG TAHANAN NANG MANG̃A NAG-AARAL

Lubhâng karapatdapat dalawin ang bahay na tinitirahán ni Makaraig.

Malakí, maluwang, may dalawáng patong na entresuelo na may magagaràng saláng-bakal, warì’y isáng páaralan sa mg̃a unang oras ng̃ umaga at isáng hinalòng linugaw magmulâ namán sa ika sampû. Sa mg̃a oras ng̃ paglilibáng ng̃ mg̃a nang̃ung̃upahan, mulâ sa pagpasok sa maluwang na silong hanggán sa itáas ng̃ kabahayán, ay walâng humpáy ang tawanan, ang kaguluhan at ang galawan. May mg̃a binatàng damít pangbahay na naglalarô ng̃ sipà, nang̃agsasanay sa pagpapalakás sa pamagitan ng̃ mg̃a trapesiong gawâ lamang nilá; sa hagdanan ay nagpapamook ang waló ó siyam na ang mg̃a sandata ay mg̃a tungkód, mg̃a sibát, mg̃a kalawit at silò, ng̃unì’t ang mg̃a lumulusob at nilulusob ay karaniwan nang hindî nagkakasakitan; ang mg̃a palò ay tumatamà sa likód ng̃ insík na nagbibilì ng̃ kaniyáng tindáng mg̃a kakanín at nakasisiràng kalamay, sa tabí ng̃ hagdán. Nalilibid siyá ng̃ maraming batà, binabatak ang kaniyáng buhók na kalág na’t gusót, inaagawan siyá ng̃ isáng kalamay, tinatawaran sa halagá, at ginagawán ng̃ ibá’t ibáng kabuktután. Ang insík ay nagsísisigaw, nagtutung̃ayáw sa lahát ng̃ wikàng kaniyáng batíd, sampû sa kaniyáng sariling wikà, mag-iiyakiyakan, tatawa, sasamò, isásayá ang múkhâ kung walâng mangyari sa kaniyá sa masamâ, ó pabalík.

--_¡A, muasama yan!_--_Bo kosiesia_--_Hienne kilistiano_--_Kayó limonyo_--_¡Salamahe!_--_¡tusu tusu!_ at ibp.

¡Piph, paph! ¡walâng kailang̃an! Ililing̃óng nakang̃itî ang mukhâ; kung sa kaniyáng likód lamang tumatamà ang mg̃a palò ay patuloy ding walâng kagambágambalà sa kaniyáng pang̃ang̃alakal, sumisigáw na lamang ng̃:--_No hugalo_ ¿e? _no hugalo_! ng̃unì’t pag tumamà sa biláo ng̃ kaniyáng mg̃a kakanín, ay sakâ susumpâng hindî na bábalik, pupulas sa kaniyáng bibíg ang lahát ng̃ tung̃ayaw at lait na maiisip; ang mg̃a batà namán ay lalòng nagsusumidhî upang siya’y pagalitin at pag nakitang naubos na ang masasabi ng̃ insík at silá namán ay busóg na sa hupyâ at inasnáng butó ng̃ pakuwán ay sakâ lamang siyá babayaran ng̃ walâng kadayàdayà at ang insík ay áalís na masayá, tumatawa, kumikindát at tinatanggáp na warì’y himas ang mahihinàng palò na ibiníbigáy ng̃ mg̃a nag-aaral na bilang pinakapaalam.

--¡¡Huaya, homia!!

Ang mg̃a tugtugan ng̃ piano at biolin, ng̃ biguela at kurdión ay nakikisalíw sa tunóg ng̃ palùán ng̃ bastón sa pag-aaral ng̃ eskrima. Sa paligid ng̃ isáng malapad at mahabàng dulang ay sumusulat ang mg̃a nag-aaral sa Ateneo, ginágawâ ang kaniláng mg̃a sulatíng iháharap, niyayarì ang kaniláng mg̃a suliranin sa piling ng̃ mg̃a ibáng sumusúlat sa mg̃a papel na kulay rosa at may palamuting úkit na batbat ng̃ mg̃a guhit sa kaníkaniláng mg̃a iniibig; ang isá’y gumágawâ ng̃ dulâ sa siping ng̃ isáng nag-aaral na tumugtóg ng̃ plauta, kayâ’t ang mg̃a tulâ’y napasusuwitán na sa simulâ pa lamang. Sa dako pa roón, ang may katandâan, mg̃a nag-aaral ng̃ _facultad_, na, mg̃a sutlâng midias at sapatilyang may burdá ang suot, ay nang̃aglílibáng sa pagpapagalit sa mg̃a batàng pinipirol sa taing̃a na namumulá na tulóy dahil sa kapiping̃ot; dalawá ó tatló ang pumipigil sa isáng maliít na sumísigáw, umiiyák at ipinagtátanggól sa pamagitan ng̃ kásisipà ang talì ng̃ kaniyáng salawál: ibig lamang na iwan siyáng kagaya noong sumipót sa liwanag.... pumapalág at umíiyák. Sa isáng silíd, sa paligid ng̃ isáng _mesa velador_, ang apat ay nagrerebesino sa gitnâ ng̃ tawanan at biruáng ikinayáyamót ng̃ isáng kunwarì nag-aaral ng̃ lisyón ng̃unì’t, ang tunay ay nag-áantay lamang na makahalili at siyá namán ang makásugal. Ang isá’y dumatíng na warì’y nagugulumihanan sa gayón, gulilát at lumapit sa mesa.

--¡Nápakamabisyo kayó! ¡Kaagaaga ay sugál na! ¡Tingnán ko, tingnán ko! ¡Tunggák! ¡ihatak mo ang tatlóng espada!

At itinupî ang kaniyáng aklát at nakilarô namán.

Náding̃íg ang sigawan, kumalabóg ang hampasan. Ang dalawá’y nag-away sa kanugnóg na silíd: isáng nag-aaral na piláy na napabarahin at isáng kaawàawàng kagagaling pa lamang sa kaniyáng lalawigan. Itó, na bahagyâ pa lamang nagsísimulâ sa pag-aaral, ay nakátagpô ng̃ isáng aklát na ukol sa pilosopía at binasang malakás, walâng kamalákmalák at masamâ ang diín sa pagbigkás ng̃ mg̃a banggít na:

--_¡Cogito, ergo sum!_

Inarì ng̃ piláy, na siya’y pinatatamàan, ang ibáng kasama’y namagitnâ’t pumapayapà, ng̃unì’t ang katunayan ay naguulót pa ng̃â, kayâ’t sa hulí’y nang̃agpanuntukan.

Sa kakanán ay isáng binatàng may isáng latang sardinas, isáng boteng alak at ang mg̃a baong dalá na galing sa kaniyáng bayan, ay naglulunggatî sa pagpupumilit na siya’y saluhan sa pagkain ng̃ kaniyáng mg̃a kaibigan, samantalang ang mg̃a kaibigan namán ay nang̃aglulunggatî rin sa pag-ayáw. Ang ibá’y nang̃aliligò sa _azotea_ at pinagsasanayan ang tubig sa balón sa pagbobombero, nang̃aglalaban ng̃ sabuyán sa gitnâ ng̃ kagalakán ng̃ mg̃a nanonood.

Ng̃unì’t ang ing̃ay at kaguluhán ay untîuntîng napapawì samantalang dumarating ang iláng may katang̃ìang nag-aaral, na tinipán ni Makaraig upang balitàan ng̃ lakad ng̃ Akademia ng̃ wikàng kastilà. Si Isagani’y sinalubong ng̃ boong giliw, na gaya rin ng̃ taga Españang si Sandoval, na kawaníng dumating sa Maynilà at tinatapos ang kaniyáng pag-aaral, na kaisáng lubós sa mg̃a hang̃arin ng̃ mg̃a nag-aaral na pilipino. Ang halang na inilalagáy ng̃ polítika sa mg̃a lahì ay nawawalâ sa mg̃a páaralan na warì’y natutunaw sa init ng̃ karunung̃an at ng̃ kabatàan.

Sa kawalán ng̃ mg̃a Ateneo at lipunáng ukol sa katarung̃án, sa wikà at sa polítika ay sinasamantalá ni Sandoval ang lahát ng̃ paglilipon upang gamitin ang kaniyáng malakíng kaya sa pagsasalaysay, sa pamag-itan ng̃ pagbigkás ng̃ mg̃a talumpatì, pakikipagtalo sa kahì’t na anóng sanhî at napapapagakpák ang mg̃a kaibigan at nakiking̃íg sa kaniyá. Nang mg̃a sandalîng yaón ang sanhî ng̃ salitàan ay ang pagtuturò ng̃ wikàng kastilà.

Sa dahiláng si Makaraig ay hindî pa dumárating, ang mg̃a paghuhulòhulò ay siyáng idinadaos.

--¿Anó kayâ ang nangyari?--¿Anó ang ipinasiya ng̃ General?--¿Ipinagkaít ang pahintulot?--¿Nagtagumpáy si P. Irene?--¿Nagtagumpáy si P. Sibyla?

Itó ang tanongtanung̃an ng̃ isá’t isá, mg̃a tanóng na ang tang̃ìng makasasagót ay si Makaraig.

Sa mg̃a binatàng nagkakalipon ay may mg̃a may palagáy na loob na gaya ni Isagani at ni Sandoval na nakikiníkinitá nang yarì ang bagay, at pinag-uusapan na ang pagkalugód at pagpupuri sa Pamahalàan, ang ukol sa pag-ibig sa tinubùan ng̃ mg̃a nag-aaral, mg̃a kapalagayang loob na nag-udyók kay Juanito Pelaez upang kanyahín ang malakíng bahagi ng̃ karang̃alan ng̃ pagtatatag ng̃ Kapisanan. Ang lahát ng̃ itó’y sinásagot ng̃ dî nasisiyaháng loob na si Pecson,--isáng matabâng kung tumawa’y animo bung̃ô--sa pagsasalitâ ng̃ ukol sa mg̃a sulsól na makapangyayari, na ang Obispo A., si Padre B., ang Provincial C. ay pinagtanung̃án ó hindî at ang ipinayo ó hindî ay ang ipasok sa bilangùan ang lahát ng̃ nasa kapisanan, balitàng nagdudulot ng̃ dî ikápalagay ni Juanito Pelaez, na naúutal namán sa pagsasabing:

--¡Abá, huwág ninyó akóng ihalò!......

Si Sandoval, dahil sa kaniyáng pagkakastilà at pagkamalayà, ay nag-iinit:

--¡Ng̃unì’t p....!--aniyá--ang ganiyán ay isáng paghihinalà ng̃ masamâ sa General! ¡Alám ko ng̃âng nápakamakaprayle, ng̃unì’t sa mg̃a ganiyáng bagay ay hindî napasúsulsol sa mg̃a prayle! ¿Ibig bagá ninyóng turan sa akin, Pecson, kung anó ang pinanunulayán ninyó sa pagsasabing walâng sariling pasiyá ang General?

--Hindî iyán ang sinasabi ko, Sandoval--ang sagót ni Pecson na sa pagtawa’y ipinatátanáw halos ang kaniyáng hulíng bagáng--sa ganáng akin, ang General, ay may sariling kapasiyahán, itó ng̃â, ang kápasiyahán sa lahát ng̃ nasa abót ng̃ kaniyang kamáy...... ¡Itó’y lubhâng maliwanag!

--¡At sulong pa rin! Ng̃unì’t turan ninyó sa akin ang isáng pangyayari--ang sigáw ni Sandoval--iwasan natin ang mg̃a pagtatalong walâng katuturán, ang mg̃a salitâng walâng kabuluhán, at tumung̃o tayo sa mg̃a pangyayari--ang dugtóng na sinabayán ng̃ makiyás na kilos ang pagsasalitâ--Mg̃a pangyayari, mg̃a ginoo, mg̃a pangyayari; ang hindî gayón ay mg̃a hulòhulòng dî ko ibig tawaging pilibustero.

Si Pecson ay tumawa at sinabát siyáng:

--¡Lumabás na ang pilibusterismo! Ng̃unì’t hindì na ba mangyayaring makapagkatwiranan ng̃ hindî sasapit sa masasamâng bintáng?

Si Sandoval ay tumutol at humíhing̃î ng̃ mg̃a pangyayaring tunay sa pamag-itan ng̃ isáng muntîng talumpatì.

--Hindî pa nalalaunang dito’y nagkaroón ng̃ usapín ang iláng taong bayan at iláng prayle, at pinasiyahán ng̃ samantalang General, na, ang humatol ay ang Provincial ng̃ mg̃a parìng kausáp--ang sagót ni Pecson.

At mulîng nagtawá na warì’y walâng kabuluhán ang pinag-uusapan. Tumukoy ng̃ mg̃a pang̃alan, araw at nang̃akòng magdadalá ng̃ mg̃a kasulatang magpapatunay ng̃ paraang ginamit sa pagkakapit ng̃ katwiran.

--¿Ng̃unì’t saan mananáng̃an, sabihin ninyó sa akin, saan mananang̃an upang huwag pahintulutan ang maliwanag na maliwanag na ikabubuti at kailang̃an?--ang tanóng ni Sandoval.

Ikinibít ni Pecson ang kanyáng balikat.

--Na mápapang̃anib ang tibay ng̃ tinubùang lupà....--ang tugón na ang pagsasalitâ’y kagaya ng̃ isáng abogado na bumabasa ng̃ isáng _alegato_.

--¡Iyán ang malakíng bagay! ¿Anó mayroon sa tibay ng̃ tinubùang lupà ng̃ mg̃a kaparaanan sa mabuting pagsasalitâ?

--May mg̃a doctor ang Santa Madre Iglesia.... ¿Anó ang malay ko? marahil ay pang̃ilagang mabatíd namin ang mg̃a batás at aming masunód.... ¿Anó kayâ ang mangyayari sa Pilipinas sa araw na ang isá’t isá sa amin ay magkaantiluhán?

Hindî naibigan ni Sandoval ang ayos na tugunan at pabirô ng̃ kaniláng pag-uusap. Sa paraang iyon ay hindî maaarìng sumipót ang isáng talumpatìng may kauntìng kabuluhán.

--Huwag ninyóng idaan sa birò--ang sabi--ang pinag-uusapan ay mahalagá.

--¡Iligtás akó ng̃ Lumikhâ sa pagbibirô kung napapagitnâ ang mg̃a prayle!

--Ng̃unì’t ¿saan mananang̃an....?

