Ang Bagong Robinson (Tomo 1)

Part 9

Chapter 9 3,980 words Public domain Markdown

Di pa nalalaong natatapus siya nang pagcain, ay naquita niya sa malayò ang man~ga hayop na llama na naglulucsuhan na patun~go sa caniya. Caracaraca,y, humandà ang ating bayani, at nacaacmà ang silong inaantay niyang may malapit. Nagdaan ang marami, datapoua,t, ualang nalalapit isa man; datapoua,t, caguinsa-guinsa ay may salalapit sa caniyang isa, ay ibinabà lamang niya ang caniyang camay na may tan~gang silò, ay nahuli na ang hayop na yaon.

Ito,y, nagsisigao: datapoua,t, sa tacòt ni Robinson na baca magulat ang iba ay hinigpit niyang magaling ang silò, at saca itinagò niya agad sa damohan, at nang houag maquita nang iba.

Babayi ang caniyang nahuli at may dalauang inacay, na sumusunod sa canilang ina, at ito,y, totoong iquinatouà ni Robinson, na di nagdadalang tacot sa caniya. Caniyang pinaghihinimashimas ang man~ga inacay, at sa malaquing caamoan ay hinihimuran ang caniyang camay, na parang nagmamacaauang paualan ang canilang ina.

Si Teodora. Mangyayaring caniyang paualan.

Ang ama. Malaquing han~gal siya cung gayon ang caniyang gagau-in.

Si Teodora. Oo n~ga pò; datapoua,t, ang man~ga caauaauang hayop ay hindi gumagauà nang masamà sa sinoman.

Ang ama. Quinacailan~gan sila ni Robinson, anac co; at sinabi na natin na hindi masamà na gamitin natin at patayin ang man~ga hayop, cung cailan~gan, liban na lamang cundi natin paquiquinaban~gan.

Totoo n~gang natouà si Robinson sa pagcaquitang nasunod ang caniyang nasà; at baga ma,t, nagpupumiglas ang nahuli niyang hayop, ay pinagpilitan niyang supilin nang boong lacas, at itinaboy niyang casama nang caniyang man~ga inacay sa daang lalong madali na patun~go sa caniyang tahanan.

Datapoua,t, ang cahirapan lamang ay hindi niya maalaman ang caniyang paglalag-yan sa caniyang man~ga hayop, sa pagca,t, nasasarhan nang man~ga bacod ang harapan nang caniyang tinatahanan. Cung caniyang ihugos magmula sa ibabao nang yun~gib ay may pan~ganib na mabicti. Caya minarapat ni Robinson na siya,y, gumauà nang isang munting culun~gan na paglalag-yan muna, samantalang hindi siya nacagagauà nang lalong mabuti.

Habang hindi pa nayayari ang caniyang culun~gan ay itinali ang hayop sa isang punò nang cahoy at pinasimulan na niya ang paggauà, na nagputól siya nang maliliit na san~ga nang cahoy, at ipinagbabaon niya nang diquitdiquit na naguing parang isang culun~gan. Habang guinagauà niya ito ay sa capaguran nahiga ang hayop na llama, at ang ualang malay niyang inacay ay sumususong mapayapa, na di natatalastas na sila,y, na sa iba nang camay. ¡Laquing pagcalugod ni Robinson sa pagcaquita nito! hindi miminsang itinitiguil ang caniyang gauà sa pagcalibang sa panonood nang caniyang man~ga hayop, at totoong nagpapasalamat siya sa caniyang capalaran, at siya,y, may casama na. Mula sa oras na yaon ay inaacalà niyang hindi na siya nagiisa; at ang pagcagunitang ito,y, nagbigay sa caniya nang lacas at calicsihan, na sa sandaling panahon lamang ay nautas ang caniyang man~ga hayop, at ang pinagpasucan ay sinarhan nang man~ga san~ga nang cahoy.

Dili sucat maipahayag ang caguilioguilio na caligayahan nang loob ni Robinson sa sandaling yaon, sa pagca,t, bucod sa mayroon siyang macacasamang man~ga hayop, na totoong iquinaliligaya niya, ay inaasahan niyang totoo na mayroon pa siyang macucuhang man~ga malalaquing capaquinaban~gan. Marahil ay sa calaunan nang panahon ay matututo siyang humabi nang damit sa balahibo nang gatas at magagauà pa niyang mantequilla at queso. Tunay n~ga,t, hindi pa niya napagaalaman cung paano ang paraan nang paggauà nang man~ga bagay na ito; datapoua,t, totoong nararanasan na di dapat pahinain ang loob nang sinoman sa paggauà nang anomang bagay ang nagcuculang sa caniya sa icapupuspos nang caniyang capalaran; sa pagca,t ang ibig niya,y, tumahang casama nang man~ga minamahal niyang hayop, at nang palagui niyang namamasdan, na aalagaan, at magcaroon siya nang catouaan cung maquita niyang totoong umaamo sa caniya.

Pinagpilitan niyang matagal na pagcurocuroin cung paano ang pagcaganap nang caniyang ninanasà; at sa catapusa,y, pinasiya sa loob na na houag patauarin ang anomang capaguran, at bubuscan niya ang isang panig na nacababacod na cahoy sa caniyang tahanan, at caniyang paluluan~gin. Datapoua,t, na ang caniyang tinatahanan ay di maualan nang catibayan, ay hangang guinagauà niya ang bagong bacod ay hindi niya iniuasac ang dati hangan sa di muna nayari.

Sa caniyang caligayahan ay natapus niyang man~ga ilang arao ang gauang ito at nagcaroon siya nang totoong malaquing caaliuan sa pagcacaroon nang tatlong casama, at hindi dahil dito,y, quinalimutan ang caniyang aliuan sa pagpapacain sa gagambang naguing una niyang casama, bagcus pa n~gang ipinatuloy ang pagpapacain niya nang man~ga lan~gao at lamoc arao arao sa gagamba at ang gagambang ito, na sa pagcatalatas na siya,y, minamahal, ay umamo totoo, na bahaguia na lamang lumalapit si Robinson sa caniyang bahay ay quinacagat na sa caniyang camay.

Nahirati namang totoo sa paquiquisama sa caniya ang man~ga hayop na llama; at sa touî siyang magbabalic sa caniyang tahanan ay sumasalubong sa caniyang naglulucsuhan, inaamoy siya at nang matalastas na cung may ouî siyang cacanin, at hinihimuran ang caniyang man~ga camay tandà nang pagpapasalamat, capag binibig-yan niya nang sariuang damó, ó man~ga murang san~ga nang cahoy. Nang di na sumususo ang dalauang inacay, ay pinasimulan na ang paggatas sa umaga,t, hapon, na ang guinagamit niyang saro ay ang man~ga bauo; at ang gatas na caniyang iniinom, ay totoo niyang minamasarap, na nacapagbibigay guinhaua sa caniya doon sa maralità at capanglaopanglao na pamumuhay.

Sa pagca,t, ang punò nang niyog ay totoo niyang pinaquiquinaban~gan at marami siyang pinaggagamitan, ay nagnanasà siyang masaquit na maparami niya ang man~ga punò nang niyog; datapoua,t, ¿ano cayang paraan ang caniyang gagauin? di mamacailang narin~gig niya na ang man~ga punó nang cahoy ay pinapagsusupling, datapoua,t, cailan man ay hindi niya pinagaralan ang tunay na paraan nang paggauà nito. ¡Macalilibong mapabuntong hinin~ga siya! ¡Laquing cahan~galan co, aniya, at di aco nagsamantala sa panahon nang aquing cabataan, sa pagaaral nang dapat matutuhan! Cung natalastas co sana niyong mabuti ang man~ga bagay na aquing paquiquinaban~gan ¿pababayaan co baga na di matutunan ang man~ga bagay na aquing naquiquita at naririn~gig? Cung ang aquing caisipan ay hindi macaabot sa nararating nang iba ay pagpipipilitan cong matuto man lamang aco nang caunti, at disin sana,y, ang caunting carunun~gang yaon ay paquiquinaban~gan cong totoo n~gayon. Cung aco,y, sana,y, magcapalad na magbalic sa aquing cabataan, ¡laquing pagpipilit co na matatalastas ang lahat nang guinagauà nang ibang man~ga tauo! ualang anluagui at magsasacá na di co tutularan.

Datapoua,t, ¿anong caniyang mapapala; sa pagsisising ito, n~gayong ualà na siyang magauà? Ang nararapat ay pan~gahasan niyang ticman ang hindi niya napagaalaman; at ito n~ga ang siya niyang guinauà.

Hindi niya naaalaman cung siya,y, natutumpac ó hindi, ay caniyang pinutol sa itaas ang tatlong supling, humucay siya sa guitna nang punò, at ipinasoc niya ang isang murang san~ga nang niyog, at nang caniyang mabalot na nang balat ang canyang hinucayan, ay inaantay niyang masaquit cung ano ang lalabas doon. At tingnan ninyo,t, siya,y natumpac sa paggaua nito; sa pagca,t, nang macaraan ang ilang panahon ay tumubo ang supling, cung sa bagay ay natutuhan niya ang paraan nang pagpaparami nitong totoong mahalagang halaman. Bagong caligayahan, bagong pagquilala at pagpapasalamat ni Robinson sa Maycapal na nagcaloob sa man~ga bagaybagay dito sa lupà nang man~ga bisà at tan~ging capangyarihan, nang masundan nang man~ga tauo saansaan man ang man~ga paraan nang canilang icabubuhay at icaguiguinhaua. Sa sandaling panahon ay totoong nagsiamò ang man~ga hayop ni Robinson, na cung baga sa atin ay parang man~ga aso; at caya n~ga nagagamit niya paglala nang anomang bagay na ibig niyang ilipat saan mang lugar.

Si Juan. Datapoua,t, ¿paano pong guinagaua niyang pagpapalabas sa loob nang bacuran?

Ang ama. Totoo ang sabi mo: nacalimutan cong di naipahayag na sa isang tabi nang bagong bacuran, ay may isang munting pintô, n~gunit, sucat malabasan at mapasucan nang man~ga hayop na yaon cung yuyucod. Sa dacong labas ay mahirap maquita ang pintong yaon, at dacong loob ay sinasarhang matibay ni Robinson cung gabi nang pinagsalasalang san~ga. Totoong mariquit panoorin ang pagoui ni Robinson sa caniyang tahanan na ang nan~gun~guna,y, ang maamong hayop at nacatatalastas nang daan na pagdating nang caniyang pan~ginoon, capagdating sa pintò ay tumitiguil at nang maibis siya nang pasan, pagcatapus ay pumapasoc na nacayucod, at saca sumusunod kay Robinson.

Datapoua,t, ¿ano ang sasabihin co sa pagsalubong nang man~ga inacay sa canilang ina? Caracaraca,y, sinasalubong siya, na ipinahahayag ang canilang catotouaan nang paglucso at pagsigao; nagdudumali naman nang pagsalubong sa canilang pan~ginoon. Natotouang di hamak si Robinson sa gayong asal nang caniyang man~ga hayop, tulad sa isang ama sa pagcaquitang di magcamayao ang caniyang man~ga anac, sa pagcaquitang siya,y, bagong dating, na mahaba nang panahong di siya naquiquita at muli niyang yayacapin sila.

Si Basilio. Tunay n~ga at totoong nacatotoua, at bucod dito,y, naguiguing isang aral sa atin ang pagganting loob nang m~ga hayop sa tauong nagmamahal sa canila.

Ang ama. Tungcol sa bagay na iyan ay may marami at man~ga catacatacang halimbauà, na mapipilitan tayong magacalà na tila tunay na sila,y, mayroong pagiisip na para nang tauo, cung ualang man~ga ibang catunayan na nagpapatotoong uala n~ga siyang pagiisip.

Si Enrique. Caya n~ga, sa ating librito nang Moral ay sinasalitâ ang pagganting loob nang leon sa tauong bumunot nang tinic sa caniyang paa.

Si Teodora. Ay, naalaala co na. At yao,y, isang leong totoong magaling, sa pagca totoong umiibg sa tauong nagcauang gauà sa caniya; at pagcatapus ay minsang sila,y, nagquita, ay sa gayong matatampalasan niya, ay hindi inanó: ibig cong magcaroon nang isang leong munti, cung gayon ang asal nang lahat.

Ang ama. Man~ga anac co, n~gayo,y, nalilimutan natin si Robinson, at quinaliliban~gan natin ang caniyang historia, itiguil muna natin n~gayon, at saca na natin ipagtuloy sa ibang arao.

Si Teodora. Houag pò, houag pò, caunti pa pong salitâ cay Robinson.

Ang ama. Tumigas na ang caniyang man~ga ladrillo na magagaua niyang pader, at sa caualan nang apog, ay humanap siya nang lupà. Isang manipis at malinis na bató ang guinaua niyang sandoc; at sa pagnanasa niyang magcaroon nang lahat nang casangcapan nang cantero ay nagpumilit siyang gumauà na cahit papaano.

Si Nicolás. Oo pô, at naquita namin ang man~ga casangcapang iyan.

Ang ama. Yayamang siya,y, mayroon nang man~ga ladrillo,t, casangcapan, ay ipinapasan niya ang man~ga quinacailan~gan niyang ladrillo sa caniyang hayop.

Si Juan. Datapoua,t ¿paano ang gagau-in niyang pagpapasan sa hayop na llama nang man~ga ladrillo?

Ang ama. Mahirap ninyong mahulaan; datapoua,t, sasabihin co sa inyo.

Malaon nang panahong iniisip ni Robinson cung gaanong capaquinaban~gan ang caniyang cacamtan sa pagcatutong gumauà nang buslò; datapoua,t, nang siya,y, batà pa ay pinauaualan niyang halaga ang paggauà nang man~ga manlalala nang buslò, na inaari niyang totoong madali, na para naman nang inaacalà niya sa man~ga ibang bagay. Gayon ma,y, sa pagca,t, siya,y, natumpac nang gumauà nang balancas nang caniyang payong, nang matapus ay pinagaralan niyang matagal sa man~ga oras na ualà siyang guinagaua ang paglala nang buslò hangan sa natutuhan niya na macayari siya nang isang buslong may catibayan. Natatalastas na ninyo na ang macagauà nang isang daan. Si Robinson ay gumauà nang dalaua, pinagcabit at inilagay na pinapagtimbang sa licod nang caniyang hayop na llama.

Si Juan. ¡Ay ama co! matotouà acong magaral na maglala nang buslò.

Ang ama. At aco naman, Juan. Isang arao ay paparituhin natin ang isang manlalala nang buslò, at tayo ay paturò sa caniya.

Si Juan. Mabuti pò; at cung gayo,y, gagauà aco nang isang canastillong totoong mariquit na ibibigay co cay Luisa.

Si Luisa. Aco po,y magaaral naman: ¿ibig pò baga ninyo, ama co?

Ang ama. Malaqui ang ibig co; at iyong mapapaquinaban~gan. Mangyayari n~gang sa atin ay marapat ang paglalala nang buslò, sa man~ga oras na nagsasalità aco sa inyo nang anomang historia, at ualà tayong nagagaua na pinagcacaliban~gan.

Totoong madali ang pagcayari ni Robinson sa bago niyang guinagauà, at naiban~gon na ang isang panig nang pader, at nailagay na ang simiento nang cabilang panig, ay siyang pagcacataon na may nangyari sa caniyang biglang biglâ na isang bagay na di niya nagugunitâ at di nararanasranasan na sa isang sandali ay nasira ang lahat niyang binabantà at napaui ang lahat niyang pagasa.

Si Juan. ¿Ano pò ang sacunang yaon?

Si Luisa. Natapus na: dumating ang man~ga tauong damó, at siya,y, nilamon.

Si Teodora. ¡Dios co! ¿Tunay n~ga pô baga na siya,y, nilamon, ama ko?

Ang ama. Hindi: hindi iyan, cundi ibang bagay na totoong quinatacutan niya para nang cung iihao siyang buháy niyong man~ga tauong damo.

Si Juan. Maanong sabihin pò ninyo sa amin, at aco,y, nan~gin~ginig nang tacot.

Ang ama. Niyon ay gabi na; ang bouan ay totoong nagliliuanag, humihihip ang palaypalay na han~gin, at ang boong sangsinucuban ay na sa isang daquilang capayapaan. Si Robinson ay sa capaguran sa caniyang man~ga guinagauà, ay naghihilighiligang matahimic sa caniyang hihigan na na sa caniyang paanan ang caniyang man~ga hayop; at siya,y, nacalilimot na, at napapanaguinip na para nang caraniuang nangyayari sa caniya ang caniyang man~ga iniibig na magulang, caguinsaguinsa,y, ... Datapoua,t, houag nating ipatuloy itong nangyayaring caquilaquilabot, at baca inyong mapanaguinip ay magcaroon cayo nang caligaligan sa gabing ito.

Ang lahat. ¡Ay sayang na sayang!

Ang ama. Itiguil natin n~gayon ang bagay na ito, at ang isipin natin ay ang macalilibang sa inyo, at nang matapus ang arao sa caligayahan, yayamang ang naguing pasimulâ ay sa caligayahan din, at sa pagca,t, pinabayaan nang Dios na pacamtan sa atin.

Hali cayo, man~ga anac co, tayo,y, magalio na sandali sa ating jardin, at alagaan natin ang ating man~ga bulaclac; yayamang hangang n~gayon ay hindi pa natin nadadalao.

=ICASIAM NA HAPON.=

Magmulâ nang salitin nang ama ang caquilaquilabot na sasapitin ni Robinson, na di mapagcuro nang man~ga batà, ay nagcaroon nang totoong maraming caabalahan, na nacaraan ang maraming hapon na di nagcalouagang ipatuloy ang historia.

Totoong naiinip ang man~ga batà, ibig matalastas cung ano ang nangyari sa caauaauang cay Robinson, at ipagpapalit na malouag ang canilang trompo ó ang lalong minamahal na laroan, macaquita lamang nang magsasalitâ sa canila nang nangyari cay Robinson sa gabing yaon, na hindi ipinatuloy na sinalitâ nang canilang ama. Datapoua,t, ang casam-an ay sino ma,y, di macapagsalitâ sa canila cundi ang canilang ama lamang, n~guni,t, di minamarapat na salitin, hangan sa siya,y, matahimic, at nang masalitâ niya nang boong cahusayan.

Hangang di nasisiyasat ang bagay na ito, ay ualang malamang gau-in ang man~ga batà nang paghuhulohulò; mayroong nagsasabi nang ganito, at ang iba nama,y, ganoon; datapoua,t, sino ma,y, di macatuclas nang tunay na nangyari, at sa pagca n~ga,t, di nila natatalastas.

¿At baquit ayao pa pô ninyong paalaman sa amin? ang tanong nila. Ang sagot nang ama,y, sa pagca,t, may cabagayan.

Ang man~ga batà, na sa mabuting pagcaturò ay nahihirating tumahimic capag ganoon ang isinagot nang canilang ama, ay hindi na umuulit na tumanong, at nagtiis na naghintay cung cailan sasalitin sa canila ang lihim na yaon.

Datapoua,t, sa pagca,t, ang man~ga tauong may cabaitan ay madaling macapaguauari nang na sa sa loob nang man~ga batà, ay capagdaca,y, natalastas nang ama sa muc-hâ nang caniyang man~ga tinuturoan, na itinatanong nang baua,t, isa sa canilang sarili. ¿At baquit ipagcacait nang ating ama itong ating ninanasà? ¿Anong cahirapan sa caniya ang sabihin sa atin ang ating icatotoua? Inacala niyang mabuting ipahayag niya nang mahusay; at caya n~ga ganito ang sinabi: nang matalastas ninyong hindi sa caayauan cong magbigay sa inyo nang icalulugod, at ang itiniguil co ang historiang yaon, ay sa pagca,t, mayroon tayo n~gayong man~ga mahalagang bagay na gagau-in, n~gayon, man~ga anac co, maghanda cayo, at bucas nang umagang umaga ay tayo,y, paparoon sa Travemunda sa tabi nang dagat Báltico.

--¿Sa Travemunda pò baga tayo paroroon? na malapit sa dagat Báltico? ¿Bucas pò baga nang umaga? ¿At aco pò baga nama,y, macacasama? ang tanong nang baua,t, isa sa man~ga batà.

Pinaoohan silang lahat; di masabi ang pagcacain~gay nila. ¡Paparoon tayo sa Travemunda! ¡Paparoon tayo sa Travemunda! ¿Saan naroroon ang aquing tungcod, Juanito, saan naroon ang aquing man~ga bota? magmadali tayo: dalhin ang cepillo; ang suclay; magdala tayo nang damit na malinis. Sa pagcacain~gay sa boong bahay, ay halos hindi magcarinigan.

Ang lahat ay humahanda sa pagalis sa quinabucasan, at sa malaquing catouaan nila ay hindi magcaintindihan. Totoong pinaghirapan ang pagpapatulog sa canila sa gabing yaon: sa pagca,t, totoong nagugulo sila, at ang ibig ay magumaga na.

Nang quinabucasa,y, pinasimulan na ang pagcacain~gay nang boong bahay; at nagguiguisin~gan sila hangan sa nagban~gong lahat.

Bucod tan~gi ang ama na di nagpapaquita nang caligayahan, quinucusot ang matá at naguica nang ganito: ¡ay, man~ga anac co, malaquing caligayahan ang cacamtan co sa inyo, cung aco,y, inyong pababayaang houag tuparin ang aquing ipinan~gacò!--«¿Ano pong pan~gaco yaon?» ang tanong nang lahat nang man~ga batà na napapan~gan~ga ang bibig, na tila nan~gatatacot.

Ang ama. Sa ipinan~gaco co sa inyong tayo,y, paroroon sa Travemunda.

_Naragdagan ang catacutan: sinoma,y, di macapan~gusap nang cataga man lamang._

Pinagcurocurò co sa gabing ito, na isang malaquing caululan ang paglacad natin n~gayon.

Ang lahat. _Nan~gasasamáan nang loob, at pinipiguil ang luhà._ ¿At baquit pò?

Ang ama. Sasabihin co sa inyo ang aquing catouiran, at aco,y, pahihinunod sa marapatin ninyo. Ang unang una,y, sa pagca,t, man~ga ilang arao nang humihihip ang amihan, na nagtataboy nang malacas sa dagat nang lahat nang tubig nang ilog Trava, na ang sasac-yang papasoc at lalabas sa uaua nang Travemunda, ay may malaquing capan~ganiban ¿anong cailan~gan at lalagay tayo sa capan~ganiban dahil sa isang pagaalio lamang?

Si Juan. Mangyayari pô namang magbago n~gayon nang han~gin.

Ang ama. Ang icalaua,y, may isa pa acong naisipan. Mangyayaring iliban natin man~ga sangbouan ang ating paglacad, sa pagca,t, siyang capanahunan nang pagpasoc nang isdang arenque sa Baltico na nangagaling sa Glasial, at dumadating ang sangbunton sa uaua nang ilog na Trava, na doo,y, hindi pinaghihirapan ang paghuli nang totoong maraming isdâ. ¿Di caya magcacaroon cayo nang isang malaquing caligayahan sa panonood nang pan~gin~gisdâ?

Si Nicolás. Oo pò; datapoua,t, gayon man pô ...

Ang ama. Paquimatiagan pa ninyo n~gayon ang lalò pang malaquing catouiran. ¿Ano ang sasabihin sa atin nang ating man~ga caibigan na si Mateo at si Fernando, na sa loob nang isang bouan ay darating dito sa bahay, cung canilang matalastas na tayo,y, nagsipagalio doon, na di na natin inantay sila? ¡Laquing pagdaramdam nila sa touing sasalitin natin ang ating caaliuan doon! Sa catunaya,y, sisisihin tayo nang ating pusò na cung baquit hindi natin guinauà sa canila ang nìnanasà nating gau-in sa atin. ¿At dahil dito,y, ano ang minamarapat ninyo?

_Dito,y, ualang nacasagot sino man._

_Ipinatuloy nang ama._ Natatalastas na ninyo na cailan ma,y, hindi aco nagpapacasira sa pan~gun~gusap; at caya n~ga cung nagpipilit cayo, ay lumacad tayo; datapoua,t, cusang cayo,y, napahihinuhod na aco,y, maligtas sa aquing capan~gacuan, ay isang malaquing caaliuan ang ibibigay ninyo sa aquin, at sa ating dalauang catoto na ating inaantay, at pati sa inyo naman. ¿N~gayo,y, sabihin ninyo ang inyong minamarapat?

Ang lahat. Hihintin pò namin, ang sagot nila, at naliban ang canilang paglacad.

Ating mapaguunaua na marami sa man~ga batà ang papipilitan lamang sa pagsunod, at hangan tanghali na hindi sila naquiquitaan nang cahit calahati nang dating casayahan, ito,y, naguing dahil na sila,y, pan~gusapan nang canilang ama nang ganito:

Ang ama. Ang nangyari sa inyo n~gayon, man~ga anac co, ay mangyayari sa inyong macaisang libo habang cayo,y, nabubuhay. Totoong cayo,y, umaasa sa alin mang cagalin~gan at caguinhauahan dito sa lupa: totoong napapanatag ang inyong pagasa, at pinagnanasaan ninyong masaquit na maganap. Datapoua,t, sa oras na inaacala na ninyong maaabot na nang camay ang inyong capalaran, ay ang carunun~gang ualang hangan nang Dios ay hindi sinusunod ang inyong nasà, at nasisira ang inyong pagasa.

Anong man~ga catouiran ang tinataglay nang inyong Ama sa lan~git sa pagaasal sa inyo nang ganito, ay bihirang bihira ninyong maquiquilala nang totoong maliuanag, at di para nang pagcaquilala ninyo nang man~ga catouiran co caya di natutuloy ang ating pagparoon sa Travemunda, sa panahong totoong nagugulo ang inyong loob, at lubos ninyong inaasahan; sa pagca,t, ang Dios na ualang hangan nang carunun~gan, ay natatalastas ang darating, cahit anong layò pa, at totoong madalas na ipinahihintulot niya sa icagagaling natin, na tayo,y, datnan nang man~ga bagay na hindi natin napagtatalastas ang cagalin~gan hangan sa malaong panahon, at madalas ay hangan sa icalauang buhay. Datapoua,t, ang aquing pagpapatalastas ay hindi nalalayô, at sa mangyayari lamang sa loob nang isang bouan. N~gayo,y, cung sa inyong cabataan ay ang lahat nang mangyayari ay maaayon sa inyong caibigan, cung ang lahat ay mangyayari sa oras na inyong inaantay, ¡ay totoong samà nang inyong pagcacaugalian, man~ga anac co! ¡mahihirati sa masamâ ang inyong pusò! ¡Laquing pagdaramdam ninyo sa touing mangyayari ang anomang bagay na hindi ninyo naiibigan at macasasamâ nang inyong loob! at sa catunaya,y, darating ang panahon na inyong mararanasan, para nang nararanasang lahat nang man~ga tauo; sa pagca,t, magpahangang n~gayon ay uala pa sa lupa na isa mang tauong macapagsabi na ang lahat niyang ninanasà ay nangyayaring lahat.

At n~gayo,y, ¿sabihin ninyo sa aquin, man~ga anac co, cung ano ang inyong gagau-in? Uala na cundi ang cayo,y, maghirati sa pagcauala nang alin mang caguinhauahan cahit ang lalong ninanasà; ang pagtatagumpay na ito,y, inyong paghihirapan cung bagobago pa, pagcatapus ay di na ninyo lubhang mamabigatin; at sa cauulit ay magcacaroon cayo nang isang catibayan nang loob, na sa boong buhay ninyo,y, inyong matitiis na mapayapa ang man~ga cahirapan ó caralitaang ipahahatid sa inyo nang marunong at maauaing may ari nang capalaran nang lahat nang tauo.

Sa paraang ito,y, natatalastas ninyo, man~ga anac co, ang cadahilanan na caming man~ga punò, ay di na namin ipinagcacaloob sa inyo ang anomang caaliuan, at cung minsan pa,y, ipinaglilihim namin sa inyo ang man~ga catouiran sa paggauà nang gayon; na ang caraniuang pinacadaquila, ay ang pagtuturô sa inyo nang pagtitiis at pagpapacatibay nang loob, na siyang man~ga cabanalang quinacailan~gan sa pagdaraan dito sa maralitang buhay.

N~gayon nama,y, mapagcucurò ninyo cung baquit di co ipinatuloy na man~ga ilang arao ang pagsasalitâ nang man~ga cahan~gahan~gang nangyari sa ating Robinson. Natatalastas na ninyo na hindi aco cuculan~gin nang panahon nang pagsasalitâ sa inyo niyon man lamang na capanglaopanglao na nangyari sa caniya na quinatiguilan natin, at totoong hindi ninyo mapagcurò. Datapoua,t, hindi inibig na sabihin sa inyo ang bagay na ito, cahit aco,y, inaamoamò ninyo; baga ma,t, nagcacailan~gan naman aco na magpiguil nang sariling calooban sa pagcacait sa inyo nang anomang bagay. Hindi quinuculang aco nang mabuting calooban sa pagbibigay lugod sa inyo: cung gayo,y, ¿anong dahil nito, Luisa?

Si Luisa. Sa pagca,t, quinacailan~gan pô namin ang cami,y, matutong magtiis.