Ang Bagong Robinson (Tomo 1)

Part 2

Chapter 2 3,977 words Public domain Markdown

Sa isang bahay sa parang na di nalalayóng lubhâ sa Hamburgo, mariquit na ciudad nang Alemania, na nalalagay sa dalampasigan nang mayamang ilog na Albis, ay tungmatahan ang isang malaquing ancan nang man~ga tauong magcacamaganac at magcacaibigan. Mahirap matalastas cung alin ang lalong minamahal nang ama at ina, na pinacaulo nang ancang yaon ó familia; cung ang caniyang man~ga anac na lalaqui na si Nicolás at si Juan, ó ang man~ga anac na babayi na si Teodora at si Luisa; ó ang caniyang man~ga pamangquin na si Enrique at si Cárlos, ó si Ramon at si Basilio, man~ga anac nang dalaua nilang caibigan. Ang dalauang ito,y, man~ga binatà na, at ang iba,y, man~ga batà na di parapara ang canilang edad. Ang lahat ay nacacaisaisang loob na parang magcacapatid; at ang lahat ay paraparang nagsisisunod nang maligaya sa ama at sa ina, at nagsusumicap nang pagaaral at nang pagpapacabuti nang asal, sa pamamaguitan nang ayos na turò, na sa pagpapaliuanag sa canilang pagiisip ay nalilimbag naman ang magandang ugali sa canilang man~ga pusò. May oras silang iguinagaua, at may oras na ipinaglilibang; datapoua,t, ang caraniua,y, sila,y, nagsasamasama, at habang gungmagaua sila nang anoman, ay pinagsasalitaan sila nang canilang ama nang sarisaring Historia at man~ga salitâ, na bucod sa nagbibigay caliban~gan sa canila, ay nacacaroon sila nang mabuting halimbaua nang cabanalan, nang puri at uastong caugalian.

Ang susunod na Historia Moral ni Robinson ay siyang nagamit nilang salitaan sa maraming hapon; at nang maunauà nang ama na totoong isinasaloob at iquinaliligaya nang man~ga batà ang man~ga di caraniuang bagay na nangyari doon sa sauing palad na binatà, at ang paquinabang sa salitang ito, ay minatapat na isulat at icalat, nang maguing liban~gan nang ibang man~ga bata na macababasa ó macaririn~gig nang gayon ding caligayahan, at cung magcaminsa,y, gayon ding capaquinaban~gan.

--Ama co, ang uica ni Teodora nang isang hapong masayá nang tagarao. ¿Pagsasalitaan caya ninyo cami n~gayon, para nang dati, nang anomang Historia?

--Oo, anac co, ang sagot nang ama, datapoua,t, sayang na di natin macamtan ang caligayahan nitong matahimic na hapon. Tayo,y, pasa parang, na doo,y, ang pananariuà nang man~ga halaman ay nagaanyaya sa atin.

--¡Oh, totoong mabuting bagay ang inyong naisipan! ang sigao nang lahat; ¡doo,y, paano caya ang ating caliban~gan!--At naglulucsuhan sa touâ ay nanaog nang bahay, at capagdating sa masayang parang ay pinasimulan ang ganitong salitaan.

=UNANG HAPON.=

Si Teodora. ¿Dito baga tayo, ama?

Ang Ama. Oo, dito sa ilalim nang punò nang manzano.

Si Nicolás. Ito,y, isang lugar na totoong cauiliuili.

Ang Lahat _(nan~gaglucsuhan sa malaquing toua at ang uica nila,y,)_. Cauiliuiling totoo dito.

Ang Ama. Datapoua,t, ¿anong iniisip ninyong gauin habang sinasalita co sa inyo ang Historiang ito? Caraniua,y, ayao cayong magtun~gan~ga lamang: ang ualang guinagaua cailan man ay di mabuti.

Si Juan. Nararapat na tayo,y, magcaroon nang anomang pagliliban~gan dito.

Ang ina. Aco,y, may dala náng gulay na hihimayin. ¿Sinong ibig tumulong sa aquin?

Ang Lahat. Aco, aco, aco.

Si Teodora. Caming dalaua ni Luisa, at icao, Cárlos, ¿maghihimay baga tayo nang gulay?

Si Luisa. Aco,y, hindi, sa pagca,t, gagauin co ang tanicalang itinuturo sa aquin nang ating ina.

Si Teodora. Cung gayo,y, tayo,y, maghimayhimay na dalaua lamang. Halica, Cárlos, umupo ca.

Si Basilio _(naquiupo naman, at naguica:)_ Ibig co namang gumaua na para ninyo.

Si Ramon. At aco naman.

Si Enrique. Dito,y, maluag. Tingnan natin cung sino pa ang maghihimay.

Ang Ama. Lumagay cayo na mangyaring maquita ninyo ang paglubog nang arao, sa pagca,t, n~gayon ay totoong mariquit ang lagay nang lan~git.

_(Nagsiupong lahat, at pinasimulan ang paggaua nila.)_

Ang Ama. N~gayon, man~ga anac co, sasalitin co sa inyo ang isang Historia, ó isang nangyaring totoong cacaiba, na sa pasimula,y, maninindig ang inyong man~ga buhoc, at pagcatapus ay ilulucso ninyo sa touà.

Si Tedodora. Oh! houag sanang totoong malungcot.

Si Luisa. Cung totoong malungcot, ay houag; sa pagca,t, iiyac caming ualang pagsala.

Si Juan. Pabayaan natin, at naaalaman nang ating ama ang caniyang guinagaua.

Ang Ama. Houag cayong matacot, man~ga anac co, at sasalitin co sa inyo nang boong pagiin~gat, nang houag magcaroon nang anomang bagay na totoong malungcot.

Sa ciudad nang Hamburgo ay may isang tauong ang apellido,y, _Robinson_, na may tatlong anac. Ang pan~ganay ay nacaibig na magsundalo; nagsundalo na n~ga, at namatay sa isang digmà laban sa man~ga francés. Ang icalaua,y, nahilig sa pagaaral, at isang arao sa paginom nang tubig na malamig sa oras na totoong naiinitan, ay nagcasaquit nang dibdib at namatay.

Si Luisa. Caya n~ga ang uicà nang ating ama, ay capagca tayo,y, totoong naiinitan, ay di dapat uminom.

Ang Ama. Ualang natitirá cundi ang anac na bunsò, na ang n~gala,y, si Conrado; at caya n~ga ang ama at ina magmulà niyon ay ang boong pagasa,y, inilagay sa nacaisaisang anac, na iniibig na parang balintatao nang man~ga mata; datapoua,t, ang canilang pagmamahal ay hindi mabuti.

Si Teodora. ¿At anong ibig ninyong sabihin, ama co, dito sa hindi mabuting pagmamahal?

Ang Ama. N~gayo,y, ipahahayag co sa iyo.--Cayo,y, iniibig naman namin, para nang natatalastas na ninyo: datapoua,t, gayon man ay pinagpipilitan namin na cayo,y, matutong gumaua, tinuturuan namin cayo nang maraming bagay na nacauiuili at paquiquinaban~gan, sa pagca,t, natatalastas namin na sa paraang ito ay cayo,y, babait, at cung gayo,y, ualang pagsalang cayo,y, magcacapalad. Datapoua,t, ang man~ga magulang ni Conrado ay iba ang pagpapalagay, sa pagca,t, pinababayaang gauin ang balang maibigan nang minamahal nilang anac; at pagca,t, ang munting caballero,y, ualang iniibig cundi ang maglaro, at ayao magsipag at magaral nang anomang bagay, pinababayaang ualang guinagaua at maglicot sa boong maghapon; na sa macatouid, ay sa pagaaral at sa mabuting turò nang magulang ay ualang pinapaquinabang. Ito n~ga, anac co, ang tinatauag na pagmamahal na hindi mabuti.

Si Teodora. N~gayon co natalastas.

Ang Ama. Lungmalaqui ang batang si _Robinson_ na ualang matutuhang paglag-yan sa caniya. Ninanasà nang ama na magaral nang pan~gan~galacal; datapoua,t, hindi ibig nang anac, sa pagca,t, ayon sa caniyang uicà, ang lalong ibig niya,y, macaquita nang mundo at magpagalagala: sa catagang uica,y, ualang iniibig cundi ang siya,y, mabuhay na pagayon lamang, ualang gauà at ualang quinapapacanan, na parang hindi tayo itinalaga sa alin mang calagayan na sucat paquinaban~gan. Sa catunaya,y, ang batang ito,y, ualang munting pagiisip nang pagsasalità. Cung siya,y, nagaral nang man~ga bagay na sucat paquinaban~gan at quinacailan~gan, ay ibang iba sana ang caniyang pananalità; datapoua,t, ¿anong mahihità sa paggalà sa mundo nang isang binatang ualang munting pinagaralan na para ni Conrado? Capag nagnanasang maghanap buhay sa alin mang bayan ay quinacailan~gan ang pagcatalastas at catalasan; at ang ating _Robinson_ ay hindi nag-iisip nang ganitong bagay.

Tumuntong na siya sa labing pitong taon, at hangan nion ay ualang guinagaua cundi ang acsayahin ang panahon sa pagpapalibotlibot sa lahat nang oras. Ualang arao na di inuun~gutan ang caniyang ama na siya,y, big-yang pahintulot na maglayag; datapaoua,t, ang sagot nang ama, ay ang caniyang ninanasà ay isang malaquing caululan, cailan man ay ayao na maririn~gig ang bagay sa paglayag. Isang arao ...

Si Luisa. N~gayon, pasisimulan ang salita.

Si Nicolás. Houag cang magiin~gay.

Ang Ama. Isang arao, na ayon sa caniyang caugalian, ay naglilibot sa tabi nang dagat, ay nasumpun~gan ang isa niyang caibigan. Ito,y, anac nang isang Capitan sa isang sasac-yan, at nahahandang paroon sa Lóndres na casama nang caniyang ama.

Si Cárlos. ¿Saan sila sasacay, sa carruaje baga?

Si Enrique. Hindi, Cárlos; nang mangyaring macarating sa Lóndres ay quinacailan~gan ang lumayag, at daanan ang malaquing bahagui nang tubig, na tinatauag na dagat sa Hilagaan.

Ang Ama. Itinanong nang caniyang casama ibig niyang sumama sa paglalayag. Totoong ibig co, ang sagot ni Conrado Robinson; datapoua,t, hindi magsisipayag ang aquing man~ga magulang.--Hayo, ang sagot nang isa; sumama ca sa aquin: sa loob nang tatlong lingo ay magbabalic na tayo; at cung ayao cang pumayag dahil sa iyong ama at iyong ina, ¿mayroon pa cayang dapat gauin, cundi ang sabihin ang quinalalag-yan mo?--Datapoua,t, uala acong salapî sa supot, ang uicà ni Conrado Robinson.--¿Anong cailan~gan? ang sagot nang isa: ipinagbabayad quita sa paglayag.--Napahintong sandalî si Robinson, at pagcatapus caracaraca,y, tinapic ang camay nang caniyang casama, at naguicà: «caibigan, tayo,y, magcamay at sumacay na tuloy.»

Capagca uica nito ay ipinagbilin sa isa na sa loob nang ilang oras ay paroon siya sa caniyang ama at ina, at sabihing siya,y, lumayag, at nang macarating lamang sa Inglaterra, at caracaraca,y, sila,y, magbabalic. Tambing na lumulan ang dalauang magcaibigan.

Si Juan. Ay, ay! hindi co naiibigan yaong si Robinson.

Si Nicolàs. Aco man.

Si Basilio. ¿At baquit?

Si Juan. Sa pagca,t, iniuan ang caniyang man~ga magulang na uala silang pahintulot.

Si Basilio. Mayroon cang catouiran, Juan: gumaua siya nang malaquing camaliang dapat nating icahabag. Mabuti na lamang at bihira ang binatà na di nacatatalastas nang dapat gauin sa canilang man~ga magulang.

Si Nicolás. ¿Sa bagay ay mayroong ibang catulad si Robinson?

Si Basilio. Hangan n~gayo,y, uala acong naquiquitang sinoman; datapoua,t, ang natatalastas cong malinao ay ualang mangyayaring magaling sa man~ga binatang para niya.

Si Juan. Cung gayo,y, paquingan natin ang nangyari cay Robinson.

Ang Ama. Ang man~ga marinero,y, itinaas ang man~ga sinipete, at iniladlad ang man~ga layag; humihip ang han~gin at tumulac ang sasacyan, at ang Capita,y, napaalam sa ciudad at macaanim na nagpaputoc nang cañon. Si Robinson ay na sa ibabao nang cubierta ó carang, casama nang caniyang caibigan, at ualang pagcasiyahan nang touâ, sa pagcaquitang siya,y, nacapaglayag din.

Ang arao ay mapayapa, at ang han~gin ay ayon sa canilang patutun~guhan, caya caracaraca,y, di na nila maquita ang ciudad nang Hamburgo; at nang sumunod na arao ay na sa calauacan na sila nang dagat. Ang lupa,y, unti-unting nanaualà sa canilang man~ga mata; datapoua,t, ¡laquing pagcagulat ni Robinson sa pagcaquitang uala siyang natatanao sa caliua,t, canan, sa licod at harapan, cundi pulos na tubig, at sa itaas naman ay lan~git!

Si Teodora. Marahil ay iya,y, totoong mariquit pagmasdan.

Ang Ina. Hindi malayong iyong mapagmasdan n~gayong man~ga ilang arao ang naquita ni Robinson.

Si Teodora. Cung gayo,y, ¿tayo pô baga naman ay paparoon?

Si Ramon. Paparoon tayo cung ating isasaloob ang pagtuturò sa atin nang Geografia, at capag natutuhan natin ang pagpapalipatlipat sa iba,t, ibang lugar.

Ang Ama. Cung sa lagui ninyong pagsusumaquit sa paggaua, at sa inyong casiyahan sa pagcain at sa paginom ay magcaroon nang lacas ang inyong catua-an, nang mangyaring cayo,y, macapaglayag doon, marahil ay tayo,y, macapagpasial isang arao hangang Travemunda, na doon ang mulà nang dagat na tinatauag na Báltico.

Ang Lahat. ¡Oh, totoong buti cung gayon!

Ang Ama. Diya,y, lululan tayo, at tayo,y, dadalhin sa dagat hangang sa may icaapat na leguas. _(Capagcarin~gig nito,y, agad nagtindigang lahat, at niyacap sa liig ang canilang ama. May naglalambitin sa caniyang camay, at mayroong yumayacap sa caniyang man~ga paa, na ipinaquiquilala ang canilang man~ga catouaan sa paglulucsahan at pagtatacbuhan.)_

Si Luisa. ¿Ipagsasama po naman ninyo aco?

Ang Ina. Oo, cung sacali,t, icao ay malacas na, na sucat cang madala roon.

Si Luisa. Datapoua,t totoong malayò, ¿ano pô, di pô baga ganoon? Marahil ay malayò pa sa Vandesbec,[1] na tinatahanan nang Sr. Claudio, at nang isang Caballlero na may isang bahay na malaqui, at isang halamanan na totoong malaqui, malaquing di palac sa halamanan natin. Aco,y, naparoon na niyong arao na humahanap tayo nang man~ga batóng sarisaring culay; at niong....

[Talababa 1: Isang bayang ang layò sa Hamburgo ay calahating oras, hindi nalalayô sa bahay sa parang na tinatahan nang autor ay doon ipinalalagay na pinagsalitaan ang Historiang ito.]

Ang ama. At niong pinanonood natin ang pagaararo nang lupa.

Si Luisa. Oo n~ga pò; at niong tayo,y, pumasoc sa pandayang malapit sa daan.

Ang ama. At tayo,y, umaquiat sa guilin~gan.

Si Luisa. ¡Aba! oo n~ga pò: doon inilacpac nang han~gin ang aquing sombrero.

Ang ama. Ang sombrero na pinulot at iniabot sa iyo nang batà sa guilin~gan.

Si Luisa. Yao,y, isang batang mabuti, ¿ano pô?

Ang ama. Isang batang totoong mabuti, na nagpautang sa atin nang loob, cahi,t, di tayo niya naquiquilala.

Si Luisa. ¿At inyo pò baga namang guinanti?

Ang ama. Oo: ang baua,t, isa ay dapat gumanti sa nagpapautang sa atin nang loob. Datapoua,t, tila nalilimutan natin si Robinson. Magmadali tayo,t, cung hindi, ay di na natin siya aabutan, sa pagca,t, parang inalilipad ang caniyang paglayag.

Dalauang arao ay nagcaroon sila nang mabuting panahon at mabuting han~gin. Sa icatlong arao ay nagdilim ang lan~git at ang dagat, at nararagdagan nang nararagdagan ang dilim, at saca humihip ang han~ging totoong malacas. Cung minsa,y, totoong maninin~gas ang quidlat, na anaqui tila nagaalab ang lan~git; cung minsa,y, totoong nagdidilim na anaqui hating gabi; sacá sumusunod ang ualang licat na culog; catacottacot ang ulán, na anaqui ibinubuhos, at ang alon ay catacottacot na parang bundoc.

¡Cung ating maquiquita ang linucsco-lucso nang sasac-yan! Sinasalubong nang isang mataas na alon na iquinatataas; sacá biglang ibinubulid sa cailaliman. Ang man~ga tauo,y, humahanap nang macapitan, at nang houag silang man~gahulog sa guiniuang guiuang nang sasac-yan. Si Robinson na hindi datihan sa man~ga bagay na ito, ay totoong nalulà, ualang licat ang pagsusucá na halos mamatay.

Si Juan. Ito ang caniyang napalâ.

Ang ama. «¡Ay ama,t, ina co! ang palaguing isinisigao ni Robinson: cailan ma,y, di na ninyo aco maquiquita. ¡Laquing capalamarahan ang guinaua co sa pagbibigay sa inyo nang ganitong capighatian!»

Saca biglang narin~gig na umalatiit sa ilalim nang cubierta ó carang. «¡Mahabag ca pô sa amin. Pan~ginoon namin!» ang isinisigao nang man~ga marinero, na nan~gamumutlang di hamac. ¿Ano iyan? ¿ano ang nangyari? ang tanong ni Robinson, na halos mamatay sa tacot.--¡Ca auaaua tayo! ang tugon sa caniya: tayo,y, mamamatay: ibinual nang culog ang palong trinquete, (sa macatouid, ay isa sa man~ga tatlong árbol na matotouid nang isang sasac-yan, itong nabali ay siyang lalong nalalapit sa daong) at ang árbol mayor ay bahaguia na lamang tumatayò, na cailan~gang putulin at ihulog sa tubig.

«¡Tayo,y, mamamatay!» ang uicà nang isang na sa bodega: «ang sasac-yan ay mapupunò nang tubig.»

Capagcarin~gig nito ni Robinson na nacaupò sa camarote, ay naghimatay. Ang lahat ay nagsipaglimas, at nang cung mangyayari ay houag lumubog ang sasac-yan. Nang maquita nang isang marinero na si Robinson lamang ang hindi cumiquibò, ay siya,y, itinulac, at pinagsabihan na cung siya lamang ang hindi gagaua nang anoman.

Tinicman ni Robinson na siya,y, nagban~gon, cahi,t, totoong nanghihinà, at siya nama,y, naquilimas. Sa oras na ito,y, nagutos ang Capitan na magpaputoc nang cañon, at nang cung may nalalapit na ibang sasac-yan ay nang matalastas ang capan~ganibang quinalalag-yan nila. Hindi natalastas ni Robinson ang dahilan nang putoc na yaon, ay inacalang nabiac ang sasac-yan, at dahil dito,y, muling naghimatay. May isang marinero na sa maquitang hindi siya cumiquilos ay itinulac siya,t, sinicaran at inacalang siya,y, patay.

Sinasaquit ang paglilimas, datapoua,t, ang tubig ay lalong dumarami, at ualang inaantay cundi ang lumubog ang sasac-yan. Nang mangyaring gumaangaan, ay inihaguis sa dagat ang man~ga bagay na hindi nila totoong quinacailan~gan, para nang man~ga cañon, man~ga cahoy at iba pa; datapoua,t, uala ring quinasapitan. Narin~gig nang isang sasac-yan ang putoc nang cañon na palatandaan na may humihin~ging tulong na ibang sasac-yan, at inilapit sa canila ang isang bangcá at nang maligtas ang man~ga tauo; datapoua,t, ang bangcang ito,y, hindi macalapit, sa pagca,t, totoong malacas ang alon. Sa catapusa,y, nacalapit din sa popa ó huli at sila,y, hinaguisan nang lubid nang na sa pan~ganib na sasac-yan, at sa paraang ito,y, nailapit na mabuti ang bangcà at caracaraca,y, nagsilipat na lahat. Si Robinson na hindi macatayó ay inihaguis sa bangcà nang ibang man~ga marinerong may auà sa caniya.

Bahaguia na lamang nacagagaod, ay ang sasac-yan na hindi pa nalalayò sa canila ay lumubog. Mabuti na lamang at pumayapà na ang panahon, at cundi ay lalamunin din nang alon ang bangcang punô nang tauo. Nang macaraan na sa di mamagcanong capan~ganiban, ay dumating din sa isang sasac-yan, at doon sila,y, pinalulan.

Si Teodora. Mabuti na lamang at ang man~ga tauong ito,y, di nan~galunod.

Si Nicolás. ¡Totoong aco,y, nagaalaala at baca n~ga man~galunod sila!

Si Luisa. Cung gayo,y, madadalâ si Robinson, at hindi na gagauang mulî nang gayong capan~gahasan.

Ang ina. Ito rin ang inaacalà co; at marahil ay magcacabait na.

Si Enrique. ¿At ano ang guinagaua sa caniya?

Ang ama. Ang sasac-yang linipatan nila ay napatun~go sa Lóndres. Nang macaraan ang apat na arao ay na sa sa uauà na sila nang Támesis; at sa icalimang arao ay dumoong na sila sa tapat nang ciudad nang Lóndres.

Si Cárlos. ¿Ano pong cahulugan niyong uicang Támesis?

Si Basilio. Ang Támesis ay isang ilog na Ingalaterra, na para naman nang ilog natin ditong Albis, na pinapasucan sa dagat at hindi nalalayô sa Lóndres. Capag nalalapit na sa dagat ang isang ilog ay tinatauag na uauà.

Ang ama. Ang lahat ay nagsiahon sa lupà nang malaquing touà at naligtas sila sa capan~ganiban. Datapoua,t, ang unang guinauà ni Robinson ay ang panonood nang daquilang ciudad nang Lóndres, at nacalimutan ang caniyang sasapitín. Gayon ma,y, siya,y, nagdamdam cagutuman, at napagtalastas niya na ang pagtirá sa ciudad nang Lóndres ay hindi nacabubusog; at caya n~ga inisip niyang siya,y, magsalità sa Capitan, at ipagmacaauà niyang siya,y, ipagsalo. Tinangap siya nang Capitan nang magandang loob, at quinasalo sa pagcain, at habang sila,y, cungmacain ay itinanong cay Robinson cung ano ang dahilang iquinaparoon niya sa Lóndres, at cung ano ang ninanasa niyang gau-in doon. Sinalitâ sa caniya ni Robinson nang maliuanag, na caya siya naglayag ay sa pagaalio lamang, at idinugtong pang nan~gahas siya nang ualang pahintulot ang caniyang man~ga magulang, at n~gayo,y, ualâ náng matutuhang gau-in.

«Hindi pala naaalaman nang iyong man~ga magulang.» ang uicà nang nagugulumihanang Capitan; at nahulog sa camay ang cuchillong guinagamit niya sa pagcain. «¡Dios co! maanong naalaman co muna ang bagay na ito. Paniualaan mo aco, pan~gahas na binatà; na cung napagalaman co ito sa Hamburgo, disin ay di quita tinangap sa aquing sasac-yan, cahit aco,y, hinandogan mo nang isang millon.» Ibinabâ ni Robinson ang man~ga matá; ang cahihiyan ay napagquilala sa caniyang muc-hà, at hindi macaimic.

Ang may puring Capitan nang sasac-yan, ay ipinatuloy ang pagpapahayag sa caniya nang lahat niyang camalian. Sinabi sa caniya, na cailan ma,y, hindi siya maguiguing mapalad, liban na lamang cung baguhin niya ang caniyang loob, at humin~ging tauad sa caniyang man~ga magulang. Si Robinson nama,y, umiiyac.

«Datapoua,t, ¿anong dapat cong gau-in?» ang tanong ni Robinson.--«¿Anong dapat mong gau-in?» ang sagot nang Capitan: «magsauli ca sa bahay nang iyong man~ga magulang, humalic ca sa canilang man~ga paa, at humin~gi cang tauad dahil sa iyong man~ga camalian, para nang isang anac na may mabuting turò.»

Si Luisa. Ah! iniibig cong totoo ang Capitang iyan. ¡Totoong mabuting tauo siya!

Ang ama. Ang guinaua niya,y, ang dapat nating gau-ing lahat, capag naquiquita natin na ang ating capouâ tauo ay nagcacamit nang anomang camalian: itinurò niya cay Robinson ang pagganap nang caniyang catungculan.

«¿Ibig ninyong aco,y, ihatid na mulî sa Hamburgo?» ang tanong ni Robinson sa Capitan.--«¿Paanong paghahatid co sa iyo? ¿Nalimutan mo na baga na ang aquing sasac-yan ay nalubog? Hanggang hindi aco macabili nang iba, ay hindi aco macababalic, at marahil ay totoong magtatagal ca dito, cung yaon ang hihintin mo. Icao,y, nararapat na lumulan sa unang sasac-yan na patutun~go sa Hamburgo, at houag mong palibanin n~gayon ó bucas.»--«N~guni,t, ualà acong salapi,» ang uica ni Robison.--«Cunin mo, ang sagot nang Capitan, itong man~ga _guinea_.»

Si Teodora. ¿Ano ang ma~nga _guinea?_

Ang ama. Ang _guinea_ ay salaping guintô na guinagamit sa Inglaterra, at ipaquiquita co sa iyo ang isa, capag tayo,y, nagbalic sa bahay.

Si Juan. Ating ipatuloy.

Ang ama. «Narito n~ga, ang uicà nang Capitan, itong man~ga _guinea_ na ipinahihiram co sa iyo; cahit aco,y, may malaquing cailan~gan nang caunting salaping natira sa aquin. Paroon ca sa lalauigan, at itanong mo cung magcanong ibabayad sa pagsacay sa sasac-yan. Cung tunay ang pagbabago nang loob mo, ay pagpapalain nang Dios ang iyong pagouî, na di para nang pagparito mo.»--Pagcatapus ay quinamayan na siya,y, magcaroon nang isang payapang paglayag. Lumacad na si Robinson ...

Si Nicolás. ¿Cung sa bagay ay oouî na sa caniyang bahay? Á Dios; cung gayo,y, tapus na ang salità, at ang isip co,y, n~gayon lamang pinasisimulan.

Ang ina. ¿At di mo iquinatotouâ, Nicolás na siya,y, magbalic sa bahay nang caniyang man~ga magulang, at nang mapayapà ang catacot-tacot na pagcalingatong at pagcasindac nila?

Si Ramon. ¿At di mo iquinaliligaya ang pagcatalastas niya nang caniyang camalian, at nang houag namang gauing mulì?

Si Nicolás. Oo n~ga, datapoua,t, gayon ma,y, ang acalà co ay may mangyayari sa caniya na sucat nating icaalio.

Ang ama. Hintay ca muna, at hindi pa natin masasapit. Paquingan natin ang man~ga nangyari sa caniya.

Habang siya,y, lumalacad na patun~go sa lalauigan, ay sarisaring bagay ang pungmapasoc sa caniyang pagiisip. «¿Anong sasabihin caya nang aquing man~ga magulang,» ang uicà niya sa sarili, «cung aco,y, magbalic sa bahay? Marahil aco,y, parurusahan nila dahil sa guinauà co. At pagtatauanan nang aquing man~ga caquilala at iba pang man~ga tauo ang madali cong pagbalic. Pupulaan nila aco na ualang naquita cundi dalaua ó tatlong lansan~gan sa Lóndres.» Ito at man~ga ganganitong man~ga bagay ang sungmasagui sa caniyang pagiisip.

Cung minsa,y, hungmihintô, at parang nagmumulimuli, at hìndì mapasiya ang loob na siya,y, umalis agad; cung minsa,y, nadidilidili ang sinabi sa caniya nang Capitan; sa macatouid, cailan ma,y, di siya maguiguing mapalad, cung hindi siya magbabalic sa bahay nang caniyang man~ga magulang. Nagsasalauahan siya nang mahabang panahon, na di maalaman cung ano ang gagauin, at gayon ma,y, nagpatuloy siya nang paglacad sa lalauigan ó hinihimpilan nang man~ga sasac-yan. Datapoua,t, malaqui ang caniyang touà, nang matalastas na ualà pang sasac-yang patun~go sa Hamburgo, na ibinabalità sa caniya nang isa sa man~ga Capitan na palaguing lungmalayag sa Guinea.

Si Cárlos. ¿At ano ang paglalayag sa Guinea?

Ang Ama. Ipaaaninao sa iyo ni Enrique, at caniyang natatalastas.

Si Enrique. ¿Di mo naaalaala na may isang bahagui nang mundo na tinatauag na África? at ang Guinea ay isa sa man~ga lugar na malapit sa dagat.

Ang Ama. At sa Guinea sila naghahanap buhay. Ang tauong nagsasalitâ cay Robinson ay isa sa man~ga Capitan sa man~ga sasac-yang caraniuang naglalayag sa Guinea.

Natotouà ang Capitan na maquipagpanayam cay Robinson, at inanyayahan siyang uminom nang isang tasang cha sa caniyang Cámara. Pungmayag naman si Robinson.

Si Juan. ¿Cung sa bagay ang Capitan ay marunong nang ating uica?

Ang Ama. Nacalimutan cong di nasabi sa iyo, na sa Hamburgo ay natuto si Robinson nang uicang inglés, na siyang sinasalitâ sa Inglatérra.