Part 6
Datapwa't nagmasungit man noon ang panahon, ay may isang binatang nagtatanghal ng kanyang kagitingan. Siya ay si G. Francisco V. Dizon, kawal ng bagong kabihasnan. Siya ang lalong nagsikap na magsabog ng liwanag ng araw ng sigla ng kabataan sa nayon ng Sapote sa Pako. Ang ulan ay di niya ikinabalino, bagkus sa pamamagitan ng isang payong ay isa isang sinusundo ang kanyang mga kaibigan upang magtulongtulong sa pagbalangkas ng isang Samahan. Ano pa't walang alinlangang dapat sabihin na utang sa kanya ang kilusang yaon ng kabataan.
Sa isang tahanan sa nayon ng Sapote, Pako, Maynila, ay doon nagkatipon ang ilang magkakapanalig. At sa pangungulo nga ni G. Dizon, ay sumipot sa silong ng langit ng Pilipinas ang isang bigkis ng kabataang pilipino. Sa mungkahi ni G. Luciano Suarez ay bininyagan ng "Kabataang Sikat". At, palibhasa'y pawang tinitibukan ng isang pusong uhaw sa dunong at aliw, ang mga nagkakatipong yaon, ay «magpalakas at magpatalino» ang pinagsaligan ng pagkabuo ng Samahan. Aralan ang mga pinagkaitan ng ilaw ng dunong at aliwin ang mga ulila sa ligaya, iyan ang tanging layon. At sa gayon ay nayari ang balak ni G. Dizon. Dapat alalahaning kinabukasan ng araw na yaon, ay siyang ika 26 ng Agosto, araw na napakaningning sa dahon ng kasaysayan ng Pilipinas, sapagka't siyang araw ng unang pagsigaw ng kalayaan ng bayang api ng kapwa bayan.
Nang sumunód na Linggo, unang araw ng Septiyembre, ay nagpulong na muli ang mga nagsisigasig sa pagbangon ng "Kabataang Sikat". Sa mungkahi ni G. Angel de los Reyes, ay binago ang pamagat at pinalitán ng "Kami Naman". "Kami Naman" ang ipinamagat, sapagka't sa ibabaw ng kalansay ng mga samahang nabuwag na, ang ibig sabihin ay "Kami naman ang magtutuloy ng layong itaguyod ang buhay ng mahihirap sa tugatog ng dangal"....
Katulad din ng ibang mga Samahan at Kapisanan ay inabot ng sakit na ningas-kugon ang "Kami Naman". Salamat sa ilang matatalinong manggagamot at ang sakit ay naihanap din ng lunas. Baga man ang "Kami Naman" noon ay para ng bangkay na malamig, dahil sa pagpapabaya ng ilan, ay muling sumigla. At noong ika 19 ng Oktubre ng taong 1912 rin, ay nagbitiw ng tungkulin si G. Francisco V. Dizon at si G. Angel de los Reyes ang napahalili, na naging Pangulo ng Samahan.
Ang bagong pangasiwaan ay nagpahayag noon din ng bagong palakad at binago na pati ang layon ng "Kami Naman". Boong puso namang pinagtibay ng lahat at sinalubong ng magiliw na palakpakan.
Ang mapanglaw na daing ng mahirap, ang malungkot na taghoy ng api, ang malumbay na hibik ng mahina, iyan, iyan ang nagbukas ng bagong isipan sa puso at diwa ng bagong Pangulo. Binago nga ang dating saligan ng Samahan. Ang layong magliwaliw at magpatalino ay dinagdagan ng pagdadamayan. Sa gayon, ay hindi pawang kabataan lamang ang yumakap sa "Kami Naman", kung hindi sampu ng may mga gulang na ay nakitulong.
"Buhayin ang naghihingngalong pagkakapatiran" ang naging saligan na ng "Kami Naman". At ang naging pananalig ay "Ang hirap ay bunga ng kapabayaan, at na sa tiyagá ang pagtatagumpay".
Kapalaran mandin ang siyang sumubaybay sa bagong pangasiwaan at ng sumunod na Sabado ng pagkahalal sa kanila ay nagtanyag na ng kanilang di karaniwang lakas at magagawa. Sa bahay paaralan sa daang Dart, Pako, ay ginanap ang pagtatanghal ng Samahan. Sa lamayang yaon ay may apat na raang tao ang dumaló. Ilang matatalino at litaw na mananalumpati ang nagpaningning sa pagdiriwang. (Ang buong tala ng kasayahang yaon ay matutunghayan sa pangalawang aklat ng Aklatang "Kami Naman" na Tuntunin ng Pulong.)
Dahil sa bagyong nanalanta sa Sebú noong Oktubre ng 1912, ang "Kami Naman" ay nagsimula ng pakikisama sa bayan. Binahaybahay na tinawagan ang maawaing pusó ng pilipino sa Sapote, at lumikom ng isang halagang iniabuloy sa mga nasawi. At dahil sa pagkamatay ng ilang angkan ng mga kanayon na kapwa anak-dalita, ay dumulog na naman ang "Kami Naman" sa bahaybahay upang abuluyan ang kapatid na dinatnan ng palad. Dapat talastasing ang mga unang inabuluyan ng "Kami Naman" ay mga taong ni ayaw man lamang makiyakap sa Samahang ito.
Sa ikapapaanyo ng damayan ay bumalangkas ng mga batas na susundin ng magkakapatid; at mula ng unang araw ng Disyembre ng 1912 ay nagsimula sa pag-iral. Marami rin ang mga namatay at namatayang mga kapatid. Sa malinis at maselan na pangangasiwa ng Ingatyamang si G. Dario Malonzo, lahat ay pawang tumanggap ng abuloy na nararapat. Walang nabinbin sa kanyang karapatan, bagkus ang lahat ay pawang nagtamo ng nauukol sa kanila sa lalong madaling panahon.
Dumatal ang ika 30 ng Disyembre ng 1912, araw na ipinangingilin ng lahat ng pilipino. Ang "Kami Naman" at ang nayong Sapote ay nagtuwang sa pagbubunyi sa lalong dakilang taga Silangan. Nagdaos ng isang dulang hayag, nagkaroon ng tugtugan, nagilaw ang boong nayon at nagtayo ng mga arko. Ang lalong kapunapuna ay ang pagiisa ng nayon na pawang parol ng "Kami Naman" ang ginamit. At natapos sa ganap na kasyahang loob ng lahat. Ang salaping lumabis sa pagdiriwang ay inihandog sa "Kami Naman" ng kapulungan ng nayon, na parang ganting pala sa maayos na pangangasiwa sa pagdiriwang.
Sumunod na ibinunsod ng Samahan ay ang balak ni G. Marcelino Dizon na lumikom ng isang kusang ambagan upang ibili ng kasangkapang pang-apula ng sunog. Nakatagpo ang balak na ito ng mga balakid at binaka ng ilang di nasisiyahan. Gayon man ay pinangatawanan din ng Samahan at nakabili rin ng mga palakol at timba na magagamit karakaraka sa isang simula ng sunog. Hanggang ngayon ay nakatanghal at nakahanda ang mga kasangkapang ito sa nayong Sapote.
Ang munisipyo ng Maynila ay siya namang hinarap ng "Kami Naman". Sunodsunod na daing at kahilingan ang iniharap upang ang nayong kinatatayuan ng Samahan ay ipaayos. Pinilit na maglagay man lamang ng gripo, sapagka't noon ay nagkakahalaga ng anim ó limang sentimos ang bawa't dalawang timba ng inumin sa pook na yaon. Bihirang linggo ang walang panawagan sa pitak ng pahayagan sa Maynila. At humangga sa paglalagay nga ng gripo at pagtatakda ng pamahalaan ng apat na libong piso sa ikaaayos ng nayon. Ito ang lalong malaking tagumpay na tinamo ng "Kami Naman".
Upang iligtas sa sakit ang mga kanayon dahil sa malabis na paglulusak sa pook ng Sapote, ang "Kami Naman" ay nagtayo ng mga tulayang kawayan sa tulong ng nayon.
Nang hakutin ng mga sanitaryo ang mga kawani sa Limbagan ng Pamahalaan at kulungin sa Pagamutang San Lasaro, dahil sa mikrobyo ng dipterya, ang "Kami Naman" ay siyang tangi at kusang umabuloy sa mga napinsalaang yaon. Wala ni isang kasapi sa "Kami Naman" na napalahok doon, datapwa't ginawa ang pagdamay sa paniniwalang magkakapatid na lahat ang mahirap. At ito'y tinugon ng di gagaanong pasalamat ng mga dinamayan. Noon ay Marzo ng 1913.
Sa gayong mga ipinakisama ng "Kami Naman" sa bayan ay marahang sumusungaw ang kanyang kabantugan. At lalo pang nabantog siya pagkatapos ipagbunyi ang ika isang taong buhay ng Samahan. Paano'y dalawang araw na ginawa ang kasayahan: ika 13 at ika 14 ng Septiyembre ng 1913. Nagbukas ng timpalak ng mga dula at gilasan ng artista, na siyang kaunaunahang timpalak na may ganitong uri na idinaos sa sangkapuluang Pilipinas. Nagdaos pa ng isang misang alaala sa lahat ng mga kasaping nangamatay sa ilalim ng watawat ng "Kami Naman". Nagkaroon ng binyag at kumpil at maghapong mga palaro. Ang nabantog na banda ng Meralko ay siyang tumugtog. At tinapos ang kasayahan sa isang magiliw na salosalong kapatid. Alinsunod sa mga pahayagan dito sa Maynila ay mahigit na apat na libong tao ang dumalo sa mga pagdiriwang na yaon. Dapat namang magkatotoo, pagka't may mga nagtayo pa ng mga tindahan at lahat halos ng tahanan sa Sapote ay may kanikanyang handa. Ano pa't ang pagdiriwang ng "Kami Naman" ay naging parang pista ng nayon. Sapul na noon ang "Kami Naman" ay nabantog na ng gayon na lamang at ang lalong nakatawag sa diwa ng marami ay ang mga kartelong nagsabit sa trambiya na nagbansag ng kasiglahang ipamamalas ng "Kami Naman".
Ang isa pa sa mga pagdiriwang ng Samahang ito na hinangaan din ng madla ay ang pagtatanghal ng mga "Bituin" ng "Kami Naman". Ginanap noong ika 21 ng Disyembre ng 1913, sa Dulaang Angel sa Singalong. Mahigit sa tatlong libong tao ang nanood. At noon ay minsan pang itinampok ang mayamang uri ng mga babaing pilipina.
Sa mga pamamahayag ng bayan ang "Kami Naman" ay palaging nakikilahok; nguni't pakikilahok na di sa gayongayon na lamang, kung hindi pakikilahok na kapunapuna; yaong nakapagpaparingal at umaani ng papuri. Kung walang karrosa ang "Kami Naman" ay nakalulan naman sa sasakyan ang kanyang mga kinatawan. Datapwa't hindi sa iisang sasakyan lamang kung hindi sa pito o labing apat kaya. At sa loob ng dalawang taon ay labing dalawang ganting pala ang tinamo ng "Kami Naman". ¿Ano pang sigla ang hahanapin? ¿Ano pang kilos ang magagawa? Wala na. Hanggan diyan na lamang talaga ang isang samahan.
Kasabay ang pagsisigasig na magtamo ng lalo at lalong karangalan, ang "Kami Naman" ay nagpapakatatag sa kanyang tayo. Inakala ng Pangulong De los Reyes na ang pagkakaibaiba ng hilig ng mga kasapi ay dapat tapatan ng kanikanyang ikasisiyang loob. Dahil dito ay binahagi niya ang "Kami Naman" sa iba't ibang Lupon na may kanikanyang uri, layon, pananalapi, at mga kaanib.
Ang unang Lupon ay ang Damayan. Magabuloy sa namatay o namatayang kasapi ang layon. Lupon sa Kalakal ang pangalawa at nagsimula ng pagkilos noong Pebrero ng 1913. Disyembre ng 1913 itinatag ang Lupon ng mga Bituin na binubuo ng pawang mapanghalinang binibini. Sila ay mga kasaping pangdangal sa "Kami Naman". Disyembre ring yaon ng itatag ang Lupon sa Pagpapalakas. Bago sumipot ang masikap at masiglang Lupon ng mga Manunulat.
Lahat ng lupon na ito ay nagtanghal ng kanikanyang lakas at magagawa. Bawa't isa'y naghandog ng matatayog na papuri sa boong Samahan. At sa lubos na paghanga ng isang kasapi sa "Ilog Beata" sa kakisigan ng "Kami Naman" ay tinula niya ang kasunod:
"KAMI NAMAN"
Bayang inaapi, ako'y nananalig na ang bawa't sikat ng araw sa langit, taglay ang tinig mong malungkot na tinig. At iya'y hindi ko matalos kung bakit ikaw'y lumuluha, ikaw'y tumatangis gayong may lakas ka't may Bayaning Bisig.
Subali't hintay ka; aking ibubuhay ang isang alagad na dapat asahan. Lumingon ka roon, sa dakong Timugan at mamamalas mong na nawawagayway ang isang Bandilang kapitapitagan ng kilala't bantog na ang KAMI NAMAN.
Yao'y Kapisanang sagana sa lahat, sagana sa dunong, sagana sa lakas at hindi marunong matakot sa tawag ng kanyang kalabang mayaman sa gilas, pagka't alam niya't kanyang natatatap na ang Mundong ito'y Mundo ng pangarap.
Isang Kapisanang ang bawa't kasapi ay may siglang taglay na kahilihili: isang Kapisanang ang hakbang ay laging tungo sa pagsulong, tungo sa lwalhati: sapagka't ang kanyang darakilang Mithi'y itanggol ang api: matwid ay maghari.
Yao'y binubuu ng dukha't mayaman ng mangmang at paham, bata at may gulang, sapagka't ang kanyang isang patakaran na salig sa loob noong Kapisanan, ang dukha'y ibangon, ang aba'y tulungan, wala ni mataas; pawang pantaypantay.
At, ito'y tulain ng mga makata, dakila sa lalong Samahang dakila, maningning sa lalong maningning na tala; at sapagka't ito'y butihing diwata, ako, ikaw, sila, ang lahat na'y pawa namang gumigiliw at nagsisihanga.
Kay Francisco Dizon dapat kilalanin ang pagkakatatag ng napakagiting na Samahang yaong may tanging layunin: siya ang pumukaw, siya ang gumising sa nangatutulog na mga damdaming na nangalalango sa pagkakahimbing.
Angel de los Reyes: iyan ang pamagat ng kanyang pangulo nang ito'y matanyag; Rosendo S. Cruz: isa ring masikap; Yaman na ang Bayan sa gitna ng gubat ay hindi nagtamo ng magandang palad kung kaya nangyaring yao'y itinatag.
Hindi ba't ang taong likha ni Bathala ay taglay sa kanyang pagsipot sa lupa ang mga Tuntuni't Batas ng Paglaya? Kung ito'y totoo: ¿bakit lumuluha tayong naririto? Pangarap nga yata lamang ang umasa't maghintay sa wala.
Hindi lamang yoon para sa lalaki kung hindi laan din sa mga babai: naron si Pascuala Pintor na may iwing ngiti na ang bawa't ngiti ay pagkasi; naron si Conchita; at isa pang saksi, si Anitang laging dinidilidili.
Nangagsapisapi ang mga binata, ang kadalagaha'y humalo sa haka na ang Langit nati'y itanghal, ipala, sapagka't ang ating darakilang nasa'y ibangon ang bayan nating lumuluha't humarap sa lalong malakas sa lupa.
Oo nga at tunay na dito'y nagkalat ang mga Samaha't Kapisanang tanyag subali't tulutang aking maisaad na ang KAMI NAMAN Samahang mahirap, sa matuling agos ng luha ng palad, ay ito ang siyang darampi, huhugas.
Ramon S. Torres Taga "Ilog-Beata".
Tundo, Maynila, K. P.
Sa likod ng mga papuring ito sa "Kami Naman" ay mayroon namang mga naiinis sa di maalamang sanhi. Aywan kung anong suliranin ang nagbubuyo at ang mga ito ay nagpapakaimbi sa pagwawasak ng Samahan. Kinakalaban ang sariling damdamin, niyuyurakan ang sariling dangal, at binubulag ang sariling paningin. Hindi pa man ipinanganganak ang "Kami Naman" ay binanta ng lasunin. Sa kanila ang lahat ng kilos ng "Kami Naman" ay pawang hindi matwid. Salamat sa pusong matimpi ng Pangulong De los Reyes at di man siya natukso. Salamat din sa kalamigang loob ng mga kasapi at di man sila nabalino. Talagang gayon: ang tao habang natatanyag ay lalong dumadami ang kaaway. At ang Samahan upang mabuhay kung minsa'y dapat magkaroon ng mga kalaban.
Kung paanong sa kasaysayan ng Pilipinas ay may isang siglo oscuro o isang daang taong madilim, ang "Kami Naman" ay nagkaroon din. Dahil sa katapangan ng isang kalulwa at dahil sa pagkatupad ng wikang ang pagtitiwala'y nakamamatay, ay nagkaroon ng isang maalingawngaw na usapin ang mga nagtataguyod ng Samahan. Dapat malamang ang usapin ay sa ilang tao lamang at di ng boong Samahan. Ang Pangulo at ang Ingatyaman ay kapuwa inupasalaang umano'y mga magnanakaw. Hinubaran ng puri at tinanghal na mga magdaraya. Hindi na kinilala ang pagkatao ng mga nagbintang at pinagbibintangan. Hindi na siniyasat ang kasaysayan ng isa't isa. ¡Kay taas na ganting pala sa nagpapakamatay sa pagtataguyod ng isang Samahan! Sa gayo'y umawit ng tagumpay ang mga sumasamantala sa sigalot. Ang pagkatagpo nila ng babaing lumabag sa kanyang kahinhinan ay siyang nagpatibay sa paguusig na ito. Nguni't sa pitak ng mga pahayagan ay tahasang inilahad ni G. De los Reyes, ang boong nangyari. At sa likod ng sigalot na ito ang mga umusig din ang nagpapahayag na batid nilang walang salaping nawawala. Ano pa't paghihiganti o pagkainis lamang ang kanilang ginawa. Matapat na awa ang dapat iyukol sa namamatay sa pagtupad sa kanyang pananalig....
Ipalagay ng ang Pangulong De los Reyes at ang Ingatyamang Malonzo, ay nagkasala; bulagin na natin ang ating dangal at bingihin na natin ang ating damdamin; aminin ng sila'y nagkamali: ¿ano ngayon? ¿Anong kapinsalaan mayroon sa Samahan? ¿Ang G. De los Reyes ba at ang G. Malonzo ang "Kami Naman"? ¿Sila bang dalawa ang bumubuo ng Samahan? ¡Hindi! ¡Hindi! At ang sumamba sa gayon ay walang pagsampataya sa kanyang dangal....
Upang pabulaanan pa ang kumalat na balita, na ang "Kami Naman" ay naligalig, ay na ito naman ang bahagi ng ilang salaysay ni G. De los Reyes:
"....Sa isang Samahang na walang tumitiwalag ni itinitiwalag na kaanib, ang Samahang iyan ay buo, matatag, at buhay. Iyan ay pinaghaharian ng kapayapaan at sapupo ng lalong matamis, dalisay, at matimyas na pagkakapatiran...."
Palibhasa'y lubos ang pagtitiwala ng mga kaanib sa "Kami Naman" sa kanilang Pangulo at Ingatyaman ang Samahan ay di mang naligalig sa sigalot na nangyari sa mga nagtataguyod ng Samahan. Bagkus lalong nagibayo ang sikap at sigla. At upang lalong mapaayos ang Damayan ay itinigil ng may dalawang buwan. Ang Damayan lamang ang itinigil dahil sa pagbibitiw ng tungkulin ni G. De los Reyes. Pagkatapos ayusin ay naghahalili ng Pamahalaan ng Samahan. Ano pa't malaking kabulaanan ang ipinamamansag ng iba na nalansag na raw ang "Kami Naman". Hindi, hindi nalalansag. Hayan at kumilos ng boong sigla at boong ningning. Gaya rin ng dati ay nakatayo pa ang kanyang mga haligi.
Sa kabantugan ng "Kami Naman" ay malaki ang naitutulong ng Lupon ng mga Manunulat. Nagbukas ito ng isang aklatan sa kapakinabangan ng lahat. Kasapi at hindi sa "Kami Naman" ay binibigyan ng laya. Doon ay sarisaring pahayagan at iba't ibang aklat ang nagaantabay sa kahi't kanino.
Bukod sa pagsisikap ng Lupon ng mga Manunulat ng "Kami Naman" na makapagpalabas ng mga akda, ay naguukol din ng panahon sa paglilinang ng wikang tagalog. Ang katotohana'y napalaban na sila sa tanyag na Aklatang Barusog. Ang mga taga "Kami Naman" ay ayaw gumalang sa pagpatay ng N sa piling ng G. Ano pa't hindi sila kaayon sa modang ang ANG ay isulat ng AG (pinatay ang N). Ang mga taga Aklatang Barusog ay nagtanggol naman sa kabilang panig.
Sa mga ikinilos na ito ng Lupon ng mga Manunulat ng "Kami Naman" ay kinilala ni G. Sofronio G. Calderon ang kanilang pagsusumakit. At na ito ang isa niyang lathala na tumutukoy sa:
KAPAKANAN ÑG WIKANG TAGALOG
Ito ngang wikang Tagalog, itong wika nina Solima't Lakandula, nila Balagtas at Pilapil, nila Rizal na ngayo'y kasalukuyang pinagmamasakitan ng Aklatang KAMI NAMAN, ay hindi lihim, at sa katunayan ay nariyan ang lagda ng mga bantog na mananalaysay na kumilala ng kasakdalan ng wikang ito, palibhasa'y ang wikang Tagalog ay isang wikang may sariling likas, may sariling ganda, may sariling yaman at isang wikang maipagbabadiya ng tanang saloobin at damdaming sumasapuso't ísip ng tao; anopa't sa katagang sabi, itong wikang Tagalog na ating kinamulatan, nilakhan at pinaka kaluluwa ng ating bayan ay may dakilang kapakanan ayon sa pagkakaakma't pagkakabalangkas sa isang paraang tumpak at kagilagilalas.
Sofronio G. Calderón.
Dahil sa talino ng isa sa mga "Bituin" ng "Kami Naman" ang Lupon ng mga Manunulat ay nagkamit ng karangalang sa "Kami Naman" nanggaling ang ikatlo sa mga babaing pilipina na kumatha ng kasaysayan. Iyan ay si Bb. Pascuala Pintor na sumulat ng nobelang "Tagumpay ng Api", na siyang unang aklat na pinalabas ng Lupon ng mga Manunulat. Kung ¿ano ang "Tagumpay ng Api"? ang isang liham ni G. Aurelio Tolentino ang dapat sumagot:
"Bb. Pascuala Pintor.
"Mahal na binibini:
"Tinanggap ko po at pinasasalamatan ang mahalagang handog ninyo sa akin, isang salin ng inyong matalinong nobelang "Tagumpay ng Apí".
"Kulang ang lahat ng papuring kaya kong sabihin, upang tumbasan ang hiwagang sarap ng aklat na nabanggit. Bukod sa talagang may kalugodlugod na ganda sa pagkakahanay ng mga salitang bihis ng kanyang mayayamang isipan, ay naghahandog pa sa damdamin ng ulirang buhay na gaya ng kay Teban, aralan gaya ng kay Titay at katarungang gaya ng kay Mameng at kay Leon.
"Palibhasa'y marami na ang mga nobelang Tagalog; dahil sa mga mahahalaga rin naman ay maitutulad sa isang kuwintas na gintong sinasagisag ng bagong buhay. Ang "Tagumpay ng Apí", ngayong mapakituhog sa kuwintas na iyan, ay naging pinakamaluningning na «relicariong» tinampakan ng makikinang na batong diamante, at may mahal na laman sa loob, ang buhay na larawan ng kabaitang nagtagumpay sa dagok ng kapaslangang binigti ng katarungan ng sariling damdamin.
"Naghihintay pagutusan ang talisuyo nilang si
"Aurelio Tolentino.
"Maynila, ika 30 ng Junio ng 1914."
Sumunod na pinalabas ng mga manunulat ng "Kami Naman" ang aklat ni G. Rosendo S. Cruz. "Tuntunin ng Pulong" ang pamagat at gaya rin ng "Tagumpay ng Api" ay nagtamo ng mga bati at papuri. Isa na rito ang kalatas ng isang taga Malabon, Rizal, na si G. Amado Jacinto. Aniya'y
"Malabon, Rizal, S. P. "Ika 30 ng Okt., 1914.
"G. Rosendo S. Cruz.
"Mahal na kaibigan: Tinanggap ko ang isang salin ng iyong mahalaga at munting aklat na ang pamagat ay "Tuntunin ng Pulong", at ako'y nagpapasalamat ng marami.
"Rosendo, ang iyong aklat, sa ganang sarili ko, ay dapat mong ipagkapuri. ¿At bakit? Sapagka't sa aklat mong itong maliit at mura lamang ay mayroon kang isang dakilang bagay na matuturo. At ito'y ang pagpapakilala mo sa iba, na ang kahalagahan ng isang katha'y wala sa kapal at sa laki, kundi nasa uri at saka sa layon: uring siyang bilang pinakapagaari ng isang aklat, at layon namang siyang tunay na ariariang kinapapalamnan ng dañgal ng isang kumatha.
"Ang uring tinutukoy ko rito ñgayon ay hindi ang tungkol sa kalinisan o karumham ng literatura, kundi ang kung nakapagtuturo o hindi nakapagtuturo; at ang sa layon nama'y kung mabuti o híndi, samakatuwid ay kung ang pakinabañgan o makinabang lamang.
"Kapag ang isang aklat ñga'y may uring nakapagtuturo at may mabuting layon, para sa akin ay sukat na, upang kalugdan kong basahin at hanggang sa purihin pa pati ng kumatha.
"¡At lalo pa marahil, kung ang kumathang iya'y isang kaibigang katulad mo! ¿Hindi ba?
"Tungkol sa pagbabasa ng mga aklat ay aking maipagtatapat sa iyong ako ñga'y mayroon ng kakaibang panglasa kay sa dati, at ang sabi ko'y ganito, sapagka't hindi na ako nalulugod ñgayon sa mga Felipe Trigo at Eduardo Zamacois, diyan sa mga mapaglarawan at mapaglikha ng mga kuwadrong nakapagpapagalaw ng laman at nakapagpapakalam ng balat, na sa mahinang loob ay sapat makapagdulot ng isang masidhing pagkakilití; kundi doon na unti-unting nawiwili ang aking loob sa mga Heberto Spencer at Samanuel Smiles, sa mga Noé Porter at Tomas Stanley.
"At dahil sa ganitong pagbabago ng aking hilig, ay huwag ilalaki ng iyong loob na ipalagay at sabihing kong ang aklat mo'y lalo pang kapuri-puri kay sa di iisa't dadalawang naghahalaga riyan ng 40 at 50 sentimos, sa pagka't ang iyo'y nakatutulong sa pagtitipid ng panahon ng mga samahan kung sila'y may pinagpupuluñgan, samantalang ang mga yao'y pawang mga awit ding mistula ng nakalipas na panahon natin, iba ñga lamang ang pañgalan, anyo at bihis; dapuwa'y sing-isa ring walang nagagawa kundi ang magparami ng mga pañgahas, pilyo, at palalo.
"Iyan ang mga sanhi, kung kaya't baga man may kulang at di mo binuó ang "Tuntunin ng Pulong" na iyong sinulat, ay hinahandugan din kita ng isang maligayang bati, na kasabay ng pakikikamay ko'y tanggapin mo rito sa tapat, at natatalaga mong kaibigan.
(May lagda.) "Amado Jacinto."
Ang ikatlong aklat na ipinalimbag ay ang "Agawan ng Dangal" na akda naman ni Bb. Fausta Cortes. Ang nagpanukala't nagtatag ng mga balitang "Ilaw at Panitik", "Aklatang Barusog" (mga Samahan ng mga manunulat na tagalog) at "Hijos del Siglo" na si G. Honorato H. de Lara ay siyang nagpakilala sa madla kung ano ang "Agawan ng Dangal".
Isang liga ng indoor base ball ang itinanyag naman ng Lupon sa Pagpapalakas. Ang bituing Concepcion Magallanes ay siyang naghagis ng unang pukol ng bola. Limang team ang lumaro at ito'y ang "Marte", "Katubusan", "Sinag Kapuluan", "Makabayan", at "Kami Naman". Ang "Marte" ang nagtamo ng tanging gantingpala.
Ang Lupon ng mga Bituin ay kalabisan ng sabihin pa kung ano ang nagawa at ginagawa. Sukat ang ipagtapat na utang sa mga "bituing" ito, ang lahat ng ikinilos ng "Kami Naman". Paano'y sila ang buhay at kalulwa ng Samahan.
Patuloy sa magiliw na pagdadamayan ang Lupon sa Damayan.
Nguni't ang Lupon sa Kalakal ay napahimbing. Ang Lupon na ito lamang ang nagmintis. Gayon ma'y nakapagtayo rin ng tindahan noong Febrero ng 1913, baga man nabuhay ng may anim na buwan lamang.
Sa mga kasiglahang ito ng mga lupon ng "Kami Naman" ang Samahan ay palaging nakapagwawasiwas ng watawat ng tagumpay sa lahat ng kanyang balak. At man sa tuwing bago siyang panukala, ang mga pahayagan ay nangagsabing «Bagong maningning na dahon na naman ang mapaparagdag sa hinahangaang kasaysayan ng "Kami Naman".»