# Agawan ng Dangal

## Part 5

Book page: https://www.cyberlibrary.org/tl/books/agawan-ng-dangal-42851/index.md

Marahang pinuti ang mapapalad na bulaklak. Sa lumang luklukan ay malungkot na naupo ang dalaga. Dito naglaro sa kanyang isipan ang lalong maligayang dahon ng kasaysayan ng kanyang buhay sa pagka binibini. Hinalungkat ng kanyang alaala ang hapong pagtatalik niya sa galak. Noon ay araw ng Huwebes. Siya at si Artemyo ay kapwa pinalaya ng palad. Ang kanyang ali ay nakatulog yata sa pangginge. Doon nga, sa halamanang yaon, at sa luklukan ding yaon, sila ni Artemyo ay lihim na sumumpa, sa harap ng kanilang dangal at sa ngalan ng kanilang pagkatao. Ang mga puso nila ay kapwa ipinasulat na maging busabos at ipinakilalang panginoon din naman. Ano pa't noon niya binitiwan ang «oo» ng kanyang pagibig. At noon din siya pinangakuan ni Artemyo ng lalong matamis na pagmamahal. Sa ikapagtitibay nito, ay isinanla sa kanya ang isang singsing na hanggang ngayon ay nagniningning pa sa kanyang mga daliri.

--Singsing ng giliw ko! ¡Kaputol na ginto at batong nagniningning! ¡Hiyas, na tanging pamana sa akin, ng aking panginoon at buhay! ¡Lalong nadudurog ang puso ko, kung mapanood ka ng aking malas! ¡Ang nakaraan ay ipinatatanaw mo at ibinabalik mo ako sa aking kahapon! ¡Sa langit ka na tutubusin ng nagsanla sa iyo!...

Tanda ng pagkalunos sa hiyas ng kanyang kasi, ay magiliw na hinagkan ito. Kaya itinirik ang mata sa kalawakan at waring hibang na kinausap ang bumihag sa kanyang puso:

--Artemyo, bayaan mong alalahanin ka ng nagmamahal sa iyo....

Noon ay nagsipotsipot na sa kaitaasan ang mga hiyas ng gabi, ang mga brilyante ng malapad na lambong ng dilim. At sa gitna ng gayong kalungkutan, sa pamamayani ng alingawngaw, ay mga piping hibik na ¡ay! ang waring nahihigingan. Yaon ang hinagpis ng pusong sapupo ng sakit, ni Dolores na di na mabata ang pait na ipinalalasap sa kanya ng palad....

Kinabukasan, sa libingan sa Singgalong, ay dalawang babai ang pumasok. Pusong busabos ng pighati, kalulwang alipin ng hapis, ang kanilang dala. Kapwa luksangluksa, nagbabansag ng sakit na nilalasap ng buhay. Marahang nagsisilakad at nakatungong tulad sa mga banal. Sila ay si Dolores at si kapitana Martina.

Si Dolores? Oo. ¡Si Dolores! Si Dolores Balderrama; ang tala sa daang Sagat sa Pako, dalagang nakabighani sa maraming pusong palaboy ng pagibig. Nguni't hindi na siya si Dolores na larawan ng ganda; hindi na siya ang bituing kalaro ng kaligayahan. Siya ngayon ay si Dolores na nagpipighati; ang dalagang yapus ng matinding biro ng kapalaran.

Si kapitana Martina ang kasama? Oo. ¡Ang kapitana Martina! Ang mahal na asawa ng nasirang kapitang Andoy. Datapwa't hindi na siya ang kapitanang mapagsiste: matandang sa lagi na'y masaya. Siya ngayon ay babaing sapupo ng lungkot, matandang ulila sa galak.

Oh, panahon, kay dali mong magbago ng anyo!

Noon ay hapong napakalungkot. Sa libingan ay ganap na nagdidiwang ang pananahimik. Pamamanglaw lamang ang doo'y nakapangyayari. Ang mga krus na tanda ng patay ang tanging tanod ng mga nagpapahingalay. May mangilang ibong nagsisihuni, nguni't ¿ano pa? huning nakapagdadagdag ng lungkot sa mga ulila ng pinakamamahal.

Lumapit sila sa libing ni kapitang Andoy. Inilagak ang ilang bulaklak ng biyoleta, na dinilig muna ng luha. Doon ay naiwang tumatangis si kapitana Martina na pinagyayaman ang libing ng bunying kapitan.

Si Dolores ay doon naman lumuhod sa harap ng krus ni Artemyo. Ang bulaklak na dala bago inilagak ay hinagkan muna. Nauna pang pumatak ang mga luha ng kaawaawa.

Kay lungkot na panoorin!

--Artemyo!--ang wika--¡Bayaan mong sa iyong pananahimik ay paminsanminsang alalahanin ka, ng pusong di nakalilimot! ¡Naging sawi ka man sa iyong palad, ay dakila ka naman sa alaala ng iyong iniwan! ¡Diyan na! ¡Diyan na sa bayang payapa awitin natin ang tamis ng pagibig!... ¡Ang kapalaran ay di matutulan!...

At sa pisngi ng dalaga ay marahang umaagos ang mga patak ng luha; mga luhang pangalaala...

¡Kay tamis ng kamatayan kung gayon ang pagmamahal ng mauulila!...

WAKAS

KUROKURO AT PANSIN

NI G. HONORATO H. DE LARA

Sa matalino at mayuming Bbg. Fausta Cortes.

Marangal na binibini:

Matapos ko pong mabasa at manamnam ang unang supling na ito ng inyong makisig na panulat; matapos kong mapagukulan ng mahabang pagwawariwari, ay agad ko pong isinakamay ang aking pulpol na panitik upang boong ingat na panalaytayin ko sa maputing papel ang napakalaki ninyóng napithaya sa dahop kong kaya na katigan ng mga panghuling kurokuro ang napakamahalagang aklat ninyong ito, ang AGAWAN NG DANGAL, na handang iyalok sa lalong may pihikang panlasa, palibhasa'y pagkaing luto sa inyong sariwa at mayamang isipan.

Datapwa't, ¿paano po kaya ang aking gagawin, marangal na binibini, upang makayari ng isang tunay na epílogo?

¿Purihin ko na lamang po kaya ang pagkaing ito, at sabihin kong masarap, at sagana sa mga kailangang sangkap, kahi't na may nalalasahan akong anghang at pait?

¡Inaakala ko pong hindi wasto ang gayon!

Sapagka't ayon din po sa pasiya ng isang bantog na polemista, kilalang mangangatha, tanyag na mananagalog at datihang mamamahayag na si Inocencio Dilat (humigit kumulang) na, hindi anya kailangan ng isang epiloguista ang sabihing ang aklat na ito (halimbawa) ay mainam, may dakilang layong mag-alis ng piring sa mata ng hangal, may maningning na mga pangungusap, sagana sa mga palaisipang malalim, busog sa mga pantas na pagkukuro at mayamang mayaman sa pananagalog na tabas Balagtas, sapagka't anya'y isang kalabisan. Ang isang epiloguista ay katulad din anya ng isang crítico, magpasiya at turulin ang isang bagay na kamalian, bago suriin at hatulan, alalaon baga'y punahin ang mali bago itumpak at ilagay sa dapat kalagyan.

Nguni't ... ito nga kaya ang tunay na epílogo? ¡Iyan ang hindi ko mataya!

Datapwa't ... para kay Inocencio Dilat ay ganiyan, ganiyang ganiyan.

At ... ipalagay na po nating ganiyan na nga. Punahin ko ang lahat ng kamalian; sabihin kong namimilipit ang inyong mga pangungusap; minsang madapilok sa paglalarawan ng lalong mga kailangang ibadha ng inyong panitik; may mga pangyayaring madilim, malabo; may mga bigkasing kayong hawig sa wikang kastila ó ingles, ó ang gayon at ganito ay di mangyayari, anopa't ang lahat ng kamalian ay isa-isahin kong turulin, suriin, punahin, bago itumpak, at... iwan ang dapat suubin ng kamaniyang, ang dapat purihin, ang dapat itampok sa lalong napakatayog na karangalan, alalaon baga'y sabihin kong mapakla at hilaw ó kaya'y mapait at maasim ang inyong ipinalasap na ito sa ating mga mambabasa, gayong ang katotohana'y, sa kabila naman ng lahat ng iyan ay mayroong nalalasahang tamis, sarap, linamnam, ay ... ¿ano po kaya ang wiwikain ninyo sa akin?

¿Hindi po kaya mangunot ang inyong noo at sabihin na ako'y masamang epiloguista, kung epiloguista na ngang matatawag kahi't birobiro ang abang kaliitan?

¡Oh!.. kay laki ng inyong napita; pagkalakilaki... At sa kalakhan, ay hindi ko po tuloy matutuhan kung paano ang aking gagawin upang mapaunlakan ko kayo sa inyong hiling.

Sapagka't ... ang wika nga po ng isang mangwawagi't bantog na makata at balitang manlilinang sa napakatamis na wikang ginamit ng ating haring si Balagtas, sa kanyang walang kamatayang Florante at Laura, na si Itang Balbarin, na tubo sa mapalad na libis ng bundok ng Samat, na siyang kinakitaan niya ng unang liwanag ng araw, na: ang isang epiloguista raw po ay hindi dapat mamuna ni maglahad ng ano mang tutuntunin sa pagsulat, sapagka't, ang isang epiloguista ay kaibangkaiba anya sa isang crítico.

¡May matwid!

At, kung ganito nga ay ... ¿paano po kaya ang dapat kong gawin o saang landás ako tutungo upang makayari ng isang wastong panghuling salita?

Para kay Inocencio Dilat ay di wastó ang ganito...

At, para kay Itang Balbarin naman ay lalong di tumpak ang gayon.

¿Alin kaya ang dapat paniwalaan sa kanilang dalawa? ¡Kay laking suliranin!

At ... sa suliraning iyan ay para ko pong nakikinikinita sa dalawang bantog na manunulat na iyan, na darating ang isang pagkakataong maguunawaan din sila; pagtatapisin ang kapwa nila matwid sa pamamagitan ng pagpipinkian ng kanikanilang mga panitik sa larangan ng digmaan ng literaturang tagalog.

Nguni't samantalang tayo po'y nagiintay at upang ako'y makatupad sa inyong napithaya ay wala po akong ibang gagawing batayan sa epilogong inyong hinihingi kundi, ang sinabi ng kataastaasang Pangulong Wilson, na, anya'y: justicia y nada mas justicia.

Sa makatwid ay wala kayong sukat maintay sa akin, marangal na Bbg. Cortes, kundi ang dalawang bagay: purihin ang dapat purihin, at, punahin ang dapat punahin.

¡Kurokuro!

Ang aklat mo pong ito, Bbg. Cortes, ay isang aklat na tangi sa may layong mag-alis ng kulaba sa pangmalas ng mga hangal, magakay sa lalong may bulag na pagkukuro, nakapagtuturo pa rin sa ibang kadalagahan, diyan sa mga dalagang dahil sa kinang ng salapi ng sa kanila'y mamintuho, ay nalilikhang sapilitan ang pag-ibig at di inaantay ang kusang tibok ng kanilang puso.

Sa loob nga ng AGAWAN NG DANGAL ay parang namamalas ko pa hanggang ngayon ang animo'y mga larawang buhay na nagsisigalaw: ang magandang Dolores; ang mapalad na si Artemio; ang mapagsisting si kapitana Martina; ang antukin at matatakuting si kapitang Andoy; ang mabuting tao, nguni't masamang kristianong si Simon; ang matapat at walang kasingbuting katoto, ang may diwang Tasio, sa Noli ni Rizal, na si Pastor; ang mapagpansin na si Labadre; at ... ang nakatatawang pagkahuli ni kapitana Martina sa isang batang sisilipsilip ng nag-aagahan na si Beteng, yaong si Beteng na walang tanging ipinangahas mula't mula pa kundi ang kanyang kayamanan, ang kanyang pilak, sa pangingibig sa mayuming si Dolores, na siyang gumanbala ng kanyang isip, diwa't pagkatao.

Ang nakakapanaghiling kapalaran ng artistang si Artemio, si Artemiong kapangpangan, ang wika nga ni Beteng, yaong si Beteng na hindi makapaglakbay sa lupang pangako, kundi may kasama; hindi makapitas ng ibinabawal na bunga ng mansanas kung walang hagdanang matutungtungan, ay maging mabisa sanang tampal at matinding hagupit sa ilang mga lalaking kung walang tulay ay di makapangibig sa isang himala ng ganda, sa isang Venus.

Si Dolores, ang kapatid na bunsong ito, ni Maria Clara, sa Noli Me Tangere, ni Meni, sa Banaag at Sikat, ni Celia, sa Florante at Laura, at ni Ligaya sa ¡Kristong Magdaraya! ay pinaglupaypay ninyo ang matigas na puso sa darang ng maalab na pag ibig; pikitmatang pinatalaktak ninyo sa kaharian ni Kupido at pinahintulutan din ninyong magpamalas sa masinsing tabing ng pagkukunwari sa kanyang hinahangaang binata, sa umagaw ng kanyang pananahimik: kay Artemio.

At talagang ganyan nga po ang dapat ninyong gawin, marangal na binibini, upang magkaroon ng naturalidad ang isang pangyayari na, hindi gaya ng iba nating mangangatha na sa pagnanasang huwag masinagan ng bahagya mang gaspang ang isa sa mga kumakatawan ng kanilang aklat, na sapagka't binigyan na nila sa una ng mga caracter na mahinhin, mayumi ay pakapipilitin patain ó inisin ang itinitibok ng puso.

At upang patotohanan kong minsan pa sa inyo, na talagang hindi kamalakmalak na mangyari ang inyong ginawa na sa kahinhinan at kayumián ni Dolores ay paibabawin ninyo ang kagaspangang nililikha ng pag ibig ay ipahintulot ninyong sipiin ko rito ang matwid ng ating Balagtas sa kalakhan at kadakilaan ng ating tinutukoy:

Oh! pagsintang labis ng kapangyarihan sampung magaama'y iyong nasasaklaw, pag ikaw ang nasok sa puso nino man hahamaking lahat, masunod ka lamang.

¿Ano ang nangyari kay Beteng?

Humigit kumulang na sinasabi sa aklat ninyong ito, na siya, si Beteng ay wala ng sinikap sa gabi't araw ó sa lahat ng sandali, kundi ang ikalulukso ng dangal ng umagaw sa kanyang langit, sa kanyang paraluman. At, di nga inaksaya ni Beteng ang mahabang panahon at karakarakang isinagawa. Inanyayahan isang araw ang dalawa niyang kaibigan, si Simon at si Pastor at isinangguni ang kanyang maruming nais; datapwa't anong tiwaling pagtitiyap at sa isip at diwa nitong huli, kay Pastor ay itinanim ninyo, ang damdaming Delfín, ang pusong Felipe sa "Banaag at Sikat" ng makatang Lope, na sa harap ng matatalim na upasala at marungis na adhika ni Beteng, ay di ninyo pinapagtagal ang puso ni Pastor, pinapanalag ninyo sa mga ulos at taga ng mga kaaway na lihim ng kanyang kaibigan.

At sunodsunod ninyong isinabibig ni Pastor ang ganitong pangungusap, sa tulong ng kanyang dilang walang pangiming magsabi ng katotohanan:

"Mga kaibigan, huwag ninyong hamakin ang kanyang lahi. Kapangpangan man at tagalog ay iisa ang uri, at ang sumira ng pag-iisang iyan, ay yaon ang taksil na dapat pangilagan. Ang taong pumapatay ng pag-dadamayan ng pilipino ay yaon ang kalaban ng bayan. Ang kaluluwang nagtatanim ng pag-iiringan ay siyang uod na sumisira ng laya at pag-asa ng lahat".

¡Anong ningning ng pagkukuro ni Pastor!

At... nakaramdam ng kirot ang dalawang pinagsabihan...

"Hindi mga kaibigan--ang ganti ni Pastor--kailan ma'y di ko magagawa ang sumugat sa kapatid. Nguni't, oo; makikipaglaban ako sa kanino mang nagbibinhi ng pag-iiringan. Ang buhay ko'y aking itinataya lubha pa't ang pag-iiringan ay ipupunla dahil lamang sa inggit sa isang lalaking kinakandong ng palad..."

¿Ilan kaya sa mga kababayan natin, Bbg. Cortes, ang makapagtataya ng buhay sa pagtatanggol ng matwid ng isang tao?

¡Kay dakila ng inyong paghahaka!

Matapos magpaalaala ang baliw na si Beteng kay Pastor, na ito'y nasa ibang bahay, ay para ko pang nakikinikinitang nakangiti at hantad ang noong sumagot:

"Sa bahay na pinaghaharian ng dilim ay doon ko dinadala ang ilaw".

Pagkatayogtayog po ng kurokuro ninyong ito, Bbg. Cortes, na sa pamamagitan ng kaunting salita lamang ay halos niyayanig ninyo ang budhi ng mapagdunongdunungang mga hangal.

Ang dalawang katalo ni Pastor ay lalo ninyong pinagpuyos ang kapootan.

Ipinagtabuyan si Pastor, nguni't pangiti ring sinabi:

"Dapat ninyo akong itaboy; dapat ninyo akong turang ulol: sapagka't, ang gurong nagtuturo ay talagang kalaban ng mga musmus na tinuturuan."

Sa harap ng ganyang maigting na pagwawariwari ni Pastor, ay tahasang masasabi ko Bbg. Cortes na ang inyong baguhang panitik ay karapatdapat maisapiling ng lalong mga tanyag at dakilang mga manunulat natin, sapagka't minsan pa ninyong ipinakilala ang mataos ninyong paggalang at pagmamahal sa wastong matwid.

Si Pastor ay nilakipan ninyo ng kislap ng sosialismo ng mga banal na aral ni Tolstoy, Jaurès at iba pa, na, siya ninyong nais matutuhan ng ating mga kababayan.

Kusa kong iniwan at babayaan na, marangal na binibini, ang nakaiinggit na lambingan ng dalawang pusong bihag ng pagibig: si Dolores at si Artemio. Hindi ko na po paguukulan ng kurokuro ang kadalisayan ng puso ni Dolores na hindi maalam masilaw sa kinang ng salapi at sa hibo ng kisig. Kusa pong di ko na gagalawin o paguukulan pa ng mga wariwari ang kasiglahan ng handa sa kaarawan ni Dolores, maging ang kasanayan ninyang tumugtog ng alpa; maging ang kalunoslunos na hinangganan ng masayang handaan sa bahay ng ating dalaga; ang di ninyo paglimot sa paglalarawan ng mga kagandahan ng mga bituin ng "Kami Naman" na dumalo sa naturang kasayahan, palibhasa'y ang lahat ng iyan ay inaasahan kong sapat nang makapagudyok sa lahat ng makababasa ng aklat na ito, upang putungan kayo ng walang katapusang pagpupuri.

At, ¿kung alinalin ang aking isasakarurukan ng lalong kapurihan?

Wala pong iba Bb. Cortes kundi ang kinawilihan ko ngang paghahaka ni Pastor, na busog na busog ng pagibig sa kanyang mga kababayan, at ... ang mga pangungusap ng baliw na si Beteng ng siya'y napipiit na.

Sa ikaapat na kabanata, sa pangkat na naglalarawan ng boong pagsisigasig ni Pastor, sa pagdamay sa kanyang kaibigang Artemio at sa harap ng mga manunugtog na ipagpaparangal ni Beteng ay natunghayan ko na naman, matapos ang ilang paliwanag ang lalong dakilang kurokuro ni Pastor:

"Narinig na ninyo--ang saad ni Pastor na linawin natin: hindi raw dapat bigyan ng tungkulin ang isang dapo. Katwiran, nguni't ¿bakit nila natitiis ang mga dapong naghahari sa ating bayan? at ¿dapo ba si Artemio? ¿Ano kung kapangpangan siya? ¿Hindi ba pilipino rin? ¿Maaari bang magsarili ang tagalog na ang kapangpangan ay hindi? ¡Napakarupok na pagkukuro! Ang masasabi ko'y nakikilala ang dapong kapatid din nila, datapwa't hindi nila nakikilala ang tunay na dapong dito'y tumawid. [...] Ngayon at kalahi ay halos sakmalin. Nguni't kung maputi kahi't na lumapastangan, ay nginingitian din. Sinusurot, dinuduro at pinamumukhaan ang kabalat subali't ang dayo ay saka lamang mamura kung nakatalikod".

Kay sakit mo pong susugat Bbg. Cortes. Nguni't inaakala kong kailangan ngang ang mga bulok at uod na makasisira sa mabulas na pagkakaisa ay isa isang lasunin. ¡Patain!

¡Magbinhi nawa ang inyong magandang adhika!

Sa gitna ng pagtataka ng hindi mabilang na mga manggagawa sa bahay palimbagan ng pamahalaan na nakuwarentenas dahil sa sakit na di umano'y dipterya, sanhi sa pakakapag-abuloy sa lahat, kasapi at di man ng malusog na Samahang Kami Naman ay para ko pang nariringig magpahangga ngayon ang matalinghagang mga pangungusap ng isang ulol na sagana sa mga katotohanan.

At sa wakas ng kanyang maniningning na sinabi, sa huli ng kanyang mga pangarap sa sinasapit ng ating bayan, at pagkakaagwat ng kapalaran ng mayaman sa mahirap, ng pagkakalayo ng mahirap sa mayaman, ay di ko malirip magpahangga ngayon po, Bbg. Cortés, kung bakit naisipisipan ng ulol na si Beteng ang maglawit ng isang panyo at bago sinabi ng makita niyang pinapaspas na ng hangin:

"¡Hayan ang watawat ng pagsuko! ¡Hayan ang sagisag ng pananahimik! Batiin ninyo at igalang. Mahalin ninyo at ibigin. Kung iyan ang ating ilaladlad sa gitna ng digmaan ay unahan tayo ng paghawak. Datapwa't kung pula, tanda ng paglaban, ay magtuturuturuan tayo. ¡Magdarayang tapang!"

Subali't sino kaya ang pinatatamaan ng ulol na si Beteng?

Kundi ako namamali, ay walang iba kundi ang ibang mga kababayan nating matatapang sa bibig nguni't wala sa gawa.

¡Napakasasakit na pangungusap!

Ang aklat mo pong ito, Bbg. Cortés, ay inaasahan kong sa kahalagahan ng layunin ay magiging isang bagong tipan na ikapagbabago ng likong kaugalian ng marami. Mga pansin:

Bbg. Fausta Cortés: Itulot mo po naman ngayon na ilahad ko ang aking mga puna.

Tulad sa akin ng sinabi, na hahalunkatin ko't ibubunyag ang dapat purihin at ukol punahin, ngayon ay magtatapat ako sa aking pangungusap.

At, magsimula tayo.

Pagkarinig ko ng pamagat ng aklat na ito na AGAWAN NG DANGAL, ay kumilos na sa aking guniguni ang larawan ng pag-aagawan sa katungkulan ng ilang kapatid nating araw-araw ay nagbabangay. Inakala ko na't hinulaan na yaong pag tutunggali ng mga taong gumugulo sa ating bayan ay siya ninyong pinuna. Ang isip ko'y humula ng dalawang pangyayari, at boong boo ang aking pananalig na hindi sasala sa alin man sa dalawa kong akala, ang inilahad ninyo. Kung hindi ang nakahihiyang pag-aagawan sa karangalan ng ating mga politico ay walang salang ang ligalig sa mga halalan ang inyong tinuligsa. Ganyan ang boo kong sapantaha at marahil ay siya namang sasapantahain ng iba. Datapuwa't ¡kay laking pakakamali! ¡Agawan pala ng dalawang puso sa isang pain ng pag-ibig! Hindi ko po sinasabing malayo ang pamagat sa laman. Hindi po, sa pagka't nalalaman kong may mga taong iba ang pangalan sa asal. Lamang ay ipinagtatapat kong sumala ang aking hula.

Sa lahat ng dahon ng AGAWAN NG DANGAL ay pawang makabagong pananagalog ang aking napuná. Sa kabaguhan ay mayroong mga talatang nagkapilipilipit ang pagkasalaysay. Aywan ko lamang kung sinadyáng pinaikot ng masiglang panulat ninyó, Bbg. Cortes.

¿Kung alin alin? Na itó po:

"Ang maayos na tabas ng mukha ay napapatungan ng maiitím na buhók".

Paano po kaya ang bikas ng mukháng yaón? ¡Napapatungan ng maiitím na buhok! ¡Ina ko, kakilakilabot! Marahil ay sumusunong ng maiitim na buhók at di napapatungan. (Maalaala ko pala.) Hindi rin masasabing sumusunong at lalo nang hindi napapatungan; sapagka't lalabas na si Dolores ay panot, paano'y sunong o nakapatong lamang pala ang buhok...

Iba naman:

"..... sinungkit ..... ang mantekilya....."

¿Sinungkit? ¿Baka po kinahig? At kung ang sinungkit dito ay hindi mali, ay huwag naman kayong tumawa na sabihin kong "nginalot ang tubig."

Isa pa:

"Tumayo sa mesa....."

¿Tumayo sa mesa? ¿Saan tumayo: sa ibabaw po ba ng mesa? ¡Sus! ¿Si Dolores, ang mayuming dalaga, ang kaluluwa ng kasaysayang ito, ang tatayo sa mesa? Hindi mangyayari. Bakit noon ay kasalukuyan pa namang sila'y nag aagahan. Baka mayroon pang lalong tumpak na masasabi ang Bbg. Cortes, ay siya sana nilang ginamit.

Ganito at iba pang gaya nito ang sinasabi kong mga nagpandanggong pananagalog na makabago.

Pagtutuos:

Anhin ko man pong punahin ang mga katangían ng dakilang panulat ninyo, binibining Cortes, ay lagi ring nananaig sa aking diwa at isipan ang mga banal na layuning tinutungo ng inyong akda. Ang mga pansin na aking pinuna ay nagiging parang guhit na itim lamang sa isang malapad, matibay, marilag at napakapinong habi na niyári ng inyong bago nguni't magiting na panitik. Anopa't nakapagdadagdag lamang ng kainaman ang mangilangilan ninyong bagong ayos ng pananalaysay, sa mahalagang aklat.

At upang patotohanan ay napapakagat-labi ako sa katalinuhan ninyo na makapagsabi ng:

".....ang mahihirap ay magkakapatid na lahat. Kung paanong ang mahirap ay walang bayan, ay gayon din na walang lipi. Bayan niya ang Sangsinukob at lipi niya ang Sangkatauhan....."

Sa inyong matataas na isipang iyan ay kabilang ako sa mga humahanga at hahanga sa inyong panulat.

At talagang marunong kayo sapagka't marunong kayong magpahesus sa inyong aklat. Niwakasan ninyo sa taimtim at kalugodlugod na pagmamahal ni Dolores kay Artemio. Sinabi pa ninyong:

"¡Kay tamís ng kamatayan kung gayón ang pagmamahal ng mauulila!..."

Akó man po, Bbg. Cortes, ay makapagsasabi rin at talagang nais ko na rin ang mamatay kung may isang Dolores na tatangis sa aking pagyaón....

Honorato H. de Lara. Taga "Ilog-Beata."

KASAYSAYAN NG "KAMI NAMAN"

Aklatan ñg "kami Naman"

BAKAS ÑG SAMAHAN

Ó ang unang bahagi ñg kasaysayan ñg

"KAMI NAMAN"

(Samahan ñg mahihirap)

Sapul sa pagkatatag hanggang sa wakas ñg pamamahala ni G. A. de los Reyes

Sinulat ni

Bb. Gorgonia de Leon

Ika apat na aklat ñg aklatan ñg

Kami Naman Lupon ng mga Manunulat

(1915)

Aklatan ñg "Kami Naman" 1045, Daang Anak ñg Bayan (dating "Crematorio"), Pako, Maynila, K. P.

PAUNAWA

Ang aklat na ito ay nilimbag sa dalawang ayos: nilimbag na kalakip ng "Agawan ng Dangal" at nilimbag na may sariling balat ó takip. Sino mang magnais na magkaroon ay makabibili sa mga bilihan ng aklat dito sa Maynila, sa halagang isang peseta (P0.20). Ang mga na sa lalawigan ay makapagbibilin sa Aklatan ng "Kami Naman" sa halagang kahati (P0.25). Ipalilimbag din ang pangalawang bahagi at magtataglay ng mga larawan; gaya ng larawan ni G. Apolonio Umping, G. Paulino Centeno, at iba pang may halaga sa "Kami Naman".

BAKAS ÑG SAMAHAN

O ANG UNANG BAHAGI ÑG KASAYSAYAN ÑG

"KAMI NAMAN"

(SAMAHAN ÑG MAHIHIRAP)

SAPUL SA PAGKATATAG HANGGANG SA WAKAS ÑG PAÑGUÑGULO NI G. ANGEL DE LOS REYES.

Sinulat ni Bb. Gorgonia de Leon.

Noon ay ika 25 ng Agosto ng 1912. Sa umagang yaon ay isang panahong tagulan ang nagisnan ng mga taga Pako. Ang liwanag ng ilaw ng sangdaigdig ay di mang makagitaw sa makapal na ulap sa pangonorin. Nabigo ang mga ibong sa tuwing umaga'y nagpupuri sa bagong liwayway. Walang nasisiyahan sa mga sandaling yaon kung hindi ang mga bulaklak na nagpapakasawa sa ulang hindi tumitila. Noon nasiyahan ang kanilang uhaw. ¿Ilan kayang puso't kalulwa ang sumusumpa noon sa panahon dahil sa pagkapinsala ng kanilang tipan?

