Part 4
--Bah! Iba po ang komparsa ni mang Beteng sa orkesta ni mang Artemyo--ang tugon ni Labadre.
Patuloy naman sa pagtugtog ang orkesta, at patuloy din sa pagikot sa sayaw ang mga bubuyog at bulaklak. Si Loleng naman at si Artemyo ang nagsasarili; kaya lalong naglalagablab ang poot ni Beteng. Paano'y dinadarang ng panibugho. Gayon ma'y nagtatagumpay din ang dakilang asal. Nagkamayan din ang dalawang binata. Kay Pastor ma'y parang walang ano mang bigat ng loob.
Natapos ang sayawan. Pumutok ang serbesa. Lalong namayani si Labadre. Datapwa't si Beteng ay parang nauupos na kandila. Lahat ay nakamata sa kanya o kay Artemyo kaya.
--Malaking pagkabigo!--ang pagkakalat na naman ni Labadre--¡Napeste na yata ang komparsa ni mang Beteng!
Halakhakan ang itinugón ng lahat. Ang binatang tinukoy ay maputlang maputla. Isang babai lamang yaong nakasagot:
--Si mang Labadre naman; itinatanghal ninyo ang lalaong dakila sa ating panauhin....
--Lalong dadakila kung sumipot ang komparsa--ang patlang ni Labadre.
--Sisipot din--ang pagtatanggol ni kapitang Andoy.
Walang imik at nakahalukipkip si Artemyo sa piling ni Pastor. Kapwa sila nagpapausok ng tabako.
--Sayang!--ang saad na naman ni Labadre--Mabuti, kapitang Andoy, at nagkaroon kayo ng isang Artemyo, disin ay nabitin tayong lahat.... ¡Sa akin ay si Artemyo ang lalong dakilang panauhin ngayon!...
--Salamat po--ang salo ng pinuri.
--Ehem,--ang tikim naman ng ilán na ginanti ng kindat ng ibang nakababatid ng lihim.
Dadaluhingin na sana ni Beteng ang Labadreng kanina pa'y kinaiinisan na niya, kung hindi dumatal na humahangos at may dugo sa damit si Simón.
--Mang Beteng!--ang wika--¡Humawak ka po ng patalim at ibangon natin ang iyong kahihiyan! ¡Narito ang umaagaw ng iyong dangal! ¡Ang isa ay napatay ko na!
--Ano ang nangyari? ¡Simón!--ang gulat na tanong ni Beteng.
--Kailangang pumatay ka po ng tao pagka't ang dangal mo ay inaagaw ng iba!
Boong tapang na isinaad na labis na nakatulig sa lahat ng nakikinig. Si Beteng ay lalong naupos. Si Labadre man ay napipilan din. Maging si kapitang Andoy, maging si kapitana Martina, ay napako sa pagkamangha. Ang magandang Dolores ay nangliit sa takot. Sino ma'y walang nakaimik. Isa isang minalas ni Simon ang panauhin. Hinanap ng kanyang mata ang mga kaaway ng kanyang katoto.
Sa gayong anyo, na lahat ay natitigilan, ay sumipot ang mga alagad, ng pamamayapa, ang kinatawan ng pamahalaan. Tinutok ng rebolber si Simon na:
--Bitiwan mo ang iyong patalim!
Binitiwan naman nito. Pinulot ng isa sa mga tiktik. Kinawit naman sa kamay ng isa si Simon. At magalang silang yumaon. Si Beteng ay sumama naman sa dinakip. At ang alingasngas ay lalong naghari.
Isa't isa'y lumapit ngayon kay Artemyo at kay Pastor. Balana'y nag-usisa kung ano ang nangyari. Nguni't sa lahat ng tanong ay pawang «aywan» ang sagot. At yumaon na rin ang magkaibigan, matapos magpasintabi kay Dolores at sa lahat ng panauhin.
--Baka di na kayo bumalik?--ang huling tanong ni Loleng.
--Babalik; sandali lamang kami--ang tugón ng dalawáng nagmamadali.
Sarisaring hinagap ngayon ang naghari sa kasayahan. Bulong dito, bulong doon, ang nangyari. Si Labadre nama'y lumikha na ng kung ano anong mga hiwaga na singaw marahil ng alak.
VII
ANG PAGKAKATAONG LALONG MASAKLAP
Hapon na noon ng araw ni Loleng. Ang panauhin nila ay mga katulong na lamang. Ang pagsasaya ay natapos sa di oras, dahil sa sigalot na nangyari.
--Bah!--ang nasabi na lamang ni Artemyo nang siya'y dumating na lahat ay natatahimik. Ang durungawan man ng bahay ay nakalapat. Isa mang tao ay wala siyang mamalas. Tunog ng pinggan sa labas ang kanyang napupuna. Nagalanganin tuloy na magpatao po. Subali't noong siya'y tatalikod na lamang ay nakarinig ng:
--Mang Artemyo, tuloy kayo! ¿Ano po ba ang balita?
Ang kapitana Martina pala ang tumawag kaya't pumanhik ang binata.
--Bakit ngayon lamang kayo?--ang bati naman ni Loleng na buhat sa silid.
--Bakit naman nagkatapos agad?--ang usisa ng binata.
--Nagkasakit sa nerbiyos si Andoy--ang salo ng kapitana--Nariyan sa silid na binabantayan ni doktor Borlongan. Malubhang totoo.
--Diyata!--ang taka ni Artemyo.
--Nasindak kay mang Simon--ang patunay ni Dolores--Bakit talagang may sakit sa puso.
--Ang nangyari po'y ganito--ang pagbabalita na ni Artemyo--Nangako rito, o kay kapitang Andoy, si Beteng ng komparsa. Ang komparsa pong yaon ay pinangangasiwaan ng isang nagngangalang Tomas. Si Beteng, upang matiyak na sisipot dito ang komparsa, ay nagbigay pa ng salapi. Si Simon po naman ang nagdala, sapagka't ito ang kasama ng Tomas sa hanapbuhay. Nagkasundo di umano sila, at tinanggap daw po ang pinakaupa. Nguni't kanina raw po ay antay ng antay si Simon ay walang sumisipot. Hinanap daw po si Tomas at nakita sa bilyar. Inusisa raw po nito kung bakit di tumupad sa salitaan. Sapagka't si Tomas daw po ay napagtatalo ay di raw hinarap si Simon. Sa gayon ay sumubo na ang poot ng sumundo. Isang kung sino naman ang bumulong daw kay Simon na "talagang hindi sila sasama sa inyo sapagka't salitaang ibibitin kayo." Lalong nagdilim daw po ang isip ni Simon. Nagbunot na raw po ng kortapluma at nilabnot ang damit sa dibdib ni Tomas. "¿Sasama ka o hindi?" ang makapangyarihan daw na tanong. "¡Huwag ka ngang buwisit!" ang tugon daw naman ni Tomás, "¡Hayan ang salapi mo!" at inihagis daw po ang pabuya. Sapat na yaon upang si Simon ay gumamit ng patalim. Tinarakan na raw po sa tapat ng puso si Tomas....
--Hesus!--ang pahiyaw ni kapitana Martina.
--Di namatay?--ang saad naman ni Loleng.
--Mangyari pa po! ¿Di ba ninyo narinig ang hagibis ng ambulansiya?--ang tanong pa ni Artemyo.
--Narinig nga namin at siya tuloy nagtaboy ng maraming panauhin--ang saad ng kapitana.
--Bakit sinabi ni mang Simon kay Beteng na narito ang umaagaw ng kanyáng dangal?--ang usisa pa ni Loleng.
--Ipinalagay po marahil nila na si Pastor o ako ang nagsulsol kay Tomas, na huwag sumipot.
--Patawarin ng Diyos!--ang saad ni kapitana Martina, at hinarap si Dolores--ipaghanda mo sila ng mirindal.
--Huwag na po. Marami pong salamat--ang maagap na pagayaw ni Artemyo.
--Hindi manyayari; kakain at kakain kayo--ang pasya ng kapitana.
Si Dolores nama'y yumaon na upang ipaghanda ang irog. Ilang sandali lamang ay magiliw na nagsabing:
--Tayo na.
--Huwag na po--ang pasalamat ng binata.
--Hala na--ang yaya naman ng kapitana.
Sa kapipilit ay tumayo rin si Artemyo. Silang tatlo ay nagharap sa lamesa. Sumungkit si Dolores ng mantikilya at ipinahid sa tinapay ng binata. Nilagyan naman ng kapitana Martina ng keso ang pinggan nito. Nguni't noong isusubo na lamang ni Artemyo ang biskuwit na isinahok sa mainit na sikulate ay nabigla sila sa tawag na:
--Kapitana! ¡Kapitana! ¡Dolores! ¡Dolores! ¡Madali kayo at mamamatay na ang kapitan!...
Madaling gumibik ang tatlo. Unahang pumasok sa silid ng kapitan. Isang higit na lamang ng balikat ang kanilang namalas, at:
--Patay na!--ang saad ng doktor.
Malakas na hagulhol ng magali ang nagbalita sa boong kabahayan, ng masaklap na pagyaon ni kapitang Andoy. Dumagsa sa silid ang tao mula sa labas. Madlang kapitbahay ay nagsidalo rin.
Samantalang nagsisitangis halos ang lahat, si Artemyo ay pagal na pagal namang inaaliw ang kanyang pinopoon. Sa pagkahandusay sa isang upuan ni Loleng, ay boong giliw niyang pinapaypayan. Pinipisilpisil ang mga daliri at hinahaplos ang mukha. Walang malay naman ang dinaklot ng pighati.
Isang sandali pa ang lumipas at tinanghal nang bangkay, ang kanikanina lamang ay tinawag na kapitang Andoy.
Sa isáng silid ay nagkulóng na naglapat ng pinto ang magali. Mula roon ay umalingawngaw ang malumbay na pagtangis nila sa dagok ng palad.
¡Kay saklap na naging kaarawan ni Loleng! ¡Nagsimula sa galak at natapos sa mapait na pagluha! ¡Sawing palad na pagkakataon!
VIII
MGA NALUGMOK SA LIWANAG NG BUWAN
Gabing maligaya. Ang buwan noon ay parang nabibitin sa langit. Nagpapalalo ng kanyang yaman. Sa daan Sagat naman noon, ay magulong maguló ang mga bata. May tubigan, may taguan, at kung ano-ano pang laro ang ginaganap. Nakikipaglamay sila sa liwanag na kaayaaya. Noon ang ika pitong gabi ng dasal na patungkol kay kapitang Andoy. Kaya't kung sino-sinong manang at manong ang nagsisidatal. At lalong marami ang dalaga at binatang mga kaibigan ni Dolores.
Ang masamyong halimuyak ng mga dama-de-notse, sa halamanan ni Loleng, ay sumusuob noon, at bumabati sa mga alindog na panauhing patungo sa dasal. Ang mga panggabing paroparo, o mga pusong palaboy ng pagibig, ay naglisaw naman sa daan at inaabangan ang kanikanilang bulaklak. ¡Sayang nga naman ang pagkakataon!
Mula naman sa langit ay nagkislapkislap ang mga hiyas ng kalawakan. Mga bituing waring nagsasaad na sinusubukan namin kayo. Hangin lamang marahil ang nakababatid ng kanilang isinasaloob.
Mana'y tatlong lalaki ang sa daang Erran ay waring nagaaliw na naglalakad. Sila ay si Artemyo, si Pastor at si Labadre. Makikipagdasal ding gaya ng mga sinundang gabi.
--Hiyanghiya siya noon--ang saad ni Labadre--wala pa kayo ay talagang iniinis ko na.
--Bakit naman?--ang salo ni Artemyo--baka tuloy isinaloob na tayo ay magkakasapakat.
--Maano yaon?--ang sabad ni Pastor.
--Hindi--ang matwid ni Labadre--Batid naman ng lahat na tayo ay di pa magkakakilala noon.
--Kung sakali man ay sa pangalan lamang--ang lagot ni Pastor.
Lumiko sila sa daang San Tiyago.
--Magtapatan nga tayo--ang hamon ni Labadre--¿ano ang ikinagalit ninyo kay Beteng?
--Galit kay Beteng!--ang pagtataka ni Artemyo--Ni sa guniguni ay wala akong galit sa kanya. Pilitin ko man yata ang mapoot ay di mangyayari.
--Sus!--ang di paniniwala ni Labadre.
--Talagang totoo kaibigan.
--Ako ang magtatapat--ang agaw ni Pastor--¿Bakit ba ako magbubulaan?
--Hala nga--ang sambot ni Labadre.
--Ang masama ay dapat bungkalin--ang patuloy ni Pastor--Ang magtakip sa isang kasamaan ay ginagawa lamang ng mga taksil.
--Siyang totoo--ang ayon ni Labadre.
--Sapagka't kami ay hindi taksil ay sasabihin ko ang katotohanan--ang dugtong pa ni Pastor--makasama o makabuti man sa amin.
--Iyan ang lalaki!--ang pagpuri ni Labadre.
--Hatulan mo:--ang simula na ni Pastor.--Si Beteng ay dinaig nito sa pangingibig kay Loleng. Dahil doon ay sarisaring paninirá ang kanilang inasal. At pati ako ay binantang sapakatin. Nguni't di pumayag ang puso ko. Nabigo ang kanilang amuki. Sila ni Simón ang nagkasundong mabuti. Ako naman, palibhasa'y di maamin ng aking sarili ang pagagaw ng dangal nito, ay siya ko namang inagapayanan. Hanggang sa loob ng Samahang «Kumilos Tayo» ay nagpanagupa kaming mabuti. ¿Doon ba naman ay sukat alisan ng tungkol at itiwalag ito?...
--Hindi lamang yaon--ang putol ni Artemyo--inilathala pa sa mga pahayagan na ako raw ay magdaraya, magnanakaw, at....
--Si Beteng ba o si Simón ang naglathala?--ang tanong ni Labadre.
--Si Beteng; nakalagda pa eh--ang patuloy ni Pastor--Ang nasapit ay nabagsak ang Samahan. Paano'y maraming nagsitiwalag at dinamdam ang nangyari. ¿Biro ba ninyong kahihiyan, yaon?
--Siya nga--ang ayon ni Labadre.
--Mula na noon--ang dugtong ni Pastor--ay inabatan ko na siya. Inabatan ko, ako lamang, sapagka't ito ay ayaw makipatol.
--Bakit makikipatol ay napapabuti na siya?--ang biro ni Labadre.
--Hindi naman--ang ngiti ni Artemyo.
--Nang mabalitaan ko ang araw ni Loleng--ang giit din ni Pastor--ay nilakad ko ang komparsa niyang inanyayahan upang huwag sumipot. Sa mabuting salita ay di lamang pumayag na sila ay di sisipot, kung hindi nangako pang sa amin sasama. Datapwa't inakala kong pangit ang gayon. Kaya pinaurong ko ang kanilang pagparoon, at humanap na ako ng orkesta....
--Ah! ¡Labis ang pagkaganti ninyo!--ang hatol ni Labadre--¡Malakas na sampal ang inyong ginawa! ¡Nguni't ... patas na kayo!
--Nakalalamang pa kami--ang habol ni Pastor.
--Mangyari pa! sa inyo tumining ang pagpuri ng lahat--ang ayon ni Labadre.
Noon ay na sa tapat na sila ng tahanan ni Beteng. Madilim ang bahay at wala ni kalatis mang marinig. Tahimik namang lumagpas ang tatlo. At lumiko sila sa daang Sagat.
--Kumusta naman kayo ni Loleng?--ang usisa na naman ni Labadre--Banta ko'y nakasapit na kayo sa lupang pangako....
--Malayong malayo--ang tugon ni Artemyo.
--Ang turo ko sa kanya--ang dugtong ni Pastor--ay pagkaraan ng dasal sa nasirang kapitan ay umaklás na sila....
--Bakit pa aaklas?--ang tanong ni Labadre--Magpamanhikan na lamang at ako....
Hindi natapos ang pananalita ni Labadre, at sunodsunod na, bumulagta ang tatlong magkakasama. Isang lalaki ang nanampalasan. Saksak dito, tarak doon ang ginawa. Nangakatimbuwang na'y di pa tinirahan ng búhay. Sa isang sandali, ito ay naganap. Bago napakilala yaong mamamatay:
--Ako'y si Beteng! ¡Si Silbestre Santos! ¡Ang lalaking isinubo ninyo sa kahihiyan! ¡Wala akong ginawa kun di maningil! ¡Ako na rin ang hahanap ng katarungan!...
Inihagis ang hawak na balaraw. Yumaon ang lalaking naghiganti. Nilisan sa liwanag ng buwan ang tatlong bangkay. Ang ulo ni Artemyo ay napatong sa dibdib ni Labadre. Si Pastor naman ay nakabulagtá sa may dalawang dipang layo. Ang dugo ng mga sawi ay parang idinilig sa pook ng sakuna.
--Tatlong bangkay!
--Inutás si Artemyo!
--Sino ang pumatay!
--Pinatay si Labadre!
--Hinarang!
--Tinapos si Pastor!
Ganyang mga alingawngaw ang sa ilang saglit lamang ay gumuló na sa bayan ng Pako. Ang tao sa mga sine, ay unahan ng paglabas. Maging mga pulis ay gulonggulong. ¿Ang dasal pa kaya kina kapitana Martina ang hindi naligalig? Naligalig din. Naligalig ng gayon na lamang. Takbuhan sila sa pagpanaog.
--Ay!--ang buntong hininga ni Loleng, nang mamalas niya ang bangkay ng kanyang giliw at nagunahan nang pumulas ang luha....
Ang kahihiyan ay sinupil ng pagibig. At ang lakas nito ay namayani na naman noon. Niyakap ni Dolores ang bangkay ni Artemyo. Inihiga sa kanyang kandungan. Luha naman ang itinulong ni kapitana Martina. At lahat ay nagtaglay ng habag sa busabos ng pagibig; kay Loleng na nagtanghal ng di karaniwan sa mata ng madla. Mabilís na umaagos ang kanyáng luha, na nagbabansag ng matayog na kadakilaan ng kanyang puso, at magtatanghal ng taimtim na pagdaramdam ng kanyáng kalulwa.
IX
BALIW NA NAGSASABI NG KATOTOHANAN
Waring mga salarín na hinahakot ang mga manglilimbag sa limbagan ng Pamahalaan, at dinadala noon sa pagamutan ng San Lásaro. Dahil sa pagkamatay ng isang kasama, sa sakit na dipterya, ay muntik ng ikulong ang lahat ng kawani sa boong limbagan. Kuwarentenas diumano ang kailangan, sapagka't mapanganib na sakit ang dipterya. Ang mikrobyo raw noon ay totoong mabisang makahawa. Ganyan ang pasya ng matatalinong doktor sa Kagawaran ng Karunungan. At naganap ang pasya, baga man kay daming anak ng dalita ang napinsalaan.
Lungkot, pighati, hinagpis, pamamanglaw, iyan ang lumalaro sa mga kaawaawa na ikinulong sa isang kamalig na ni lamok ay di makapasok. May tumatangis at may tumatawa. Datapwa't ... ¿ano pa? Pagtangis na inililihim at pagtawang pilit lamang. Ang iba'y malungkot na inaalaala ang asawa. Ang iba'y iniluluha ang mga anak. At ang iba nama'y mapanglaw na ginugunita ang kanilang pinopoon sa buhay, ang langit ng kanilang pagibig. Kung minsan sa hinagpis na ¡ay! ay buntong hiningang ¡ay! din ang tugon....
At ¿bakit di sila mamamanglaw? Tunay; sila'y malalakas pa kay sa humakot sa kanila. Paano'y wala namang sakít. Subali't ang pagkawalay sa mga pinakamamahal sa buhay, ang masabing sila ay may mikrobyo ng dipterya, ay labis nang makapanglumó ng puso. Isa lamang dito ay sapat nang sumupil sa kanilang lakas.
Noón ay isang hapong mapanglaw.
Salamat sa pagdalaw ng ilang mga kasama at kamaganak, ay nababawasan ang kanilang lungkot.
Salamat din naman sa mga alaala ng "Kami Naman", na paano't paano ma'y ikinaaaliw nila. Ang masasarap na biskuwit, welga, at sigarilyo, na abuloy ng Samahang yaon sa Pako, ay nakatutugon din kahi't bahagya sa kanilang hapis. Paano'y tanda yaon ng pagmamahal; pagmamahal na ibinuyo ng pagibig; at pagibig na likha ng banal na pagkakapatiran.
--Ano ang naisipan ng "Kami Naman" at nagpadala rito ng abuloy?--ang tanong ng isa.
--Wala. Tumupad lamang sila sa kanilang tungkulin. Dumamay sa kapatid--ang paliwanag ng nakasalamin.
--Tayo ba'y kapatid nila? ¿Hindi naman tayo kasapi?--ang patlang ng iba.
--Oo. Kapatid nila tayo; kasapi man at hindi sa kanilang Samahan. Sapagka't ang mahihirap ay magkakapatid na lahat. Kung paanong ang mahirap ay walang bayan, ay gayon din na walang lipi. Bayan niya ang Sangsinukob at lipi niya ang Sangkatauhan....
--Tama!
--Mabuhay!
--Katwiran!
Ganyan ang itinugon ng ilan at tinapos sa palakpak na pagpuri ng lahat.
--¡Mga kapatid!--ang malakas na hiyaw na kanilang narinig.
Natahimik ang lahat. Sila'y nagsidulog sa durungawan. At mula roo'y napanood nila kung sino ang sumigaw. Isang baliw sa kulungan ng mga sawing palad. Na sa bahay na katapat ng kanilang kinapipiitan. Mula sa durungawan noon ay isang talumpati ang binigkas sa kanila:
--Mga kapatid: Itigil ninyo ang pagawit ng galak. Ang dapat magalak ay ang nasisiyahan sa buhay. Samantalang tayo ay naghihikahos: gipít sa lahat ng kailangan; dahop sa salapi; uhaw sa paglaya; ay pawang pighati ang ating dalitin... Sapagka't, sapagka't, sapagka't siyang bagay sa ating kalagayan....
--Katwiran!--ang bulungan ng mga nakikinig.
--Makinig tayo!--ang saway ng ilan.
--Sa buhay na ito ng mga pangarap--patuloy ng nagtatalumpati--ay talagang pawang katiwalian ang malimit mapanood. Ang mahirap ay nasisiyahan sa kanyang kahirapan, nguni't ang mayaman ay di nabubusog sa kanyang kayamanan. Gayong ang dapat mangyari ay masiyahan ang masalapi sa kanyang kasaganaan, at dumaing ang dukha sa kanyang kadahupan. Subuking iwasto ang lakad ng buhay: tumahimik ang mayroon; magsigasig ang wala: at ang puso ng maralita ay hindi na tatangis....
--Totoo--ang turing ng ilang nakikinig.
--Makamahirap pa!--ang paghanga ng iba.
--Bayan ko--ang hiyaw na naman ng baliw--¿Kailan pa mapapanatag ang iyong kapalaran? ¿Habang panahon na ba ang iyong pagtitiis? ¿Talaga bang isinumpa ka sa kaapihan? ¿Bakit di ka kumilos? ¿Ano ang kabuluhan ng iyong lakas? ¡Walang kalayaang inililimos! ¡Ang ipinamimigay ay ang kalabisan ng nagbibigay! Ano pa't ang layang inaantay mo, ay ¡ang labi ng panginoon! Datapwa't alalahanin mong may mga labi, na ni hayop ay tumatanggi.... At ang bayang labi ng kapwa bayan, ay mahina. ¡Walang kasing hina! Marupok. ¡Walang kasing dupok! ¡Parang salamin lamang! ¡Sayang ang iyong matatalino! ¡Sayang ang iyong matatapang! ¡Masdan mo't isa isang nagsisitulog sa libingan! ¿Bakit di mo samantalahin ang kanilang lakas? Kung ang tao ay sumipot upang makipagagawan sa buhay, ang bayan ay nilikha upang makipaglaban sa karapatan....
--Iyan ang ulol na nagsasabi ng katotohanan!--ang pagtataka ng mga nakikinig.
--Sino kaya iyan?--ang tanong ng iba.
Ang baliw naman ay lalong gumilas sa paglalahad ng mga nangyayari. Kumuha ng pisi at sa dulo'y itinali ang kanyang panyolitong puti. Inilawit sa rehas. Binayaang iniwagayway ng hangin. At malakas na sinabing:
--Hayan ang watawat ng pagsuko! ¡Hayan ang sagisag ng pananahimik! Batiin ninyo at igalang. Mahalin ninyo at ibigin. Kung iyan ang ating ilaladlad sa gitna ng digmaan ay unahan tayo ng paghawak. Datapwa't kung pula, tanda ng paglaban, ay nagtuturuan tayo. ¡Magdarayang tapang!...
Sandaling natigilan. Bago nagpatuloy:
--Bandila ng kapayapaan! Ang kapangyarihan mo ay nagdidiwang sa ibabaw ng maliit at api. Nagdidiwang, sapagka't nasisiyahan sila sa kanilang kaliitan at kaapihan. Datapwa't sa malalakas at manglulupig, ang kapangyarihan mo'y hindi makapamayani. Hindi makapamayani, sapagka't di pa sila nabubusog sa kanilang tayog at kadakilaan. Dapat lumaganap sa lahat ang iyong lakas. ¡Masupil mo nawa ang sangkatauhan!...
Noon ay papaalis na ang mga dalaw. Nang mapuna ng baliw ang pagyaon ng ilang dalaga, ay maliksing hinigit ang kanyang watawat. Nagpugay sa mga paalis, na anya'y:
--Paalam mga dalaga ng lahi, masamyong bulaklak ng bayan. Dahil sa inyong dilag ang libo mang buhay ay ipasasawi. Si Plorante'y naging Plorante dahil kay Laura; si Ibarra'y naging Ibarra dahil kay Marya Klara; ako naman ay magiging ako dahil sa kagandahan ninyo. Paalam mga pangarap ng aking puso. Taglayin ninyo ang alaala ng inyong sawing lingkod....
--Malambingin pa--ang saad ng isang nakikinig.
--Parang hindi ulol--ang pasya ng iba.
--Siya nga--ang ayon ng ilan.
Nagpatuloy naman ang baliw; nguni't iba na ang uri ng isinasaad. Ang tinig man ay tinig panambitan na:
--Loleng ng buhay ko! ¡Dolores ng aking kaluluwa! Halika't pawiin mo ang lungkot ng iyong alipin. Dahil sa kagandahan mo, tampok ng pagibig, ako ay naging mamamatay. ¡Limang buhay ang inutang ko!...
At naghinagpis ng:
--Ay, kapalaran! ¡Napakadilim ng gabi na aking nilalamay! ¡Nakamatay ako sa di kinukusa! ¡Kaibigang Artemyo, katotong Pastor, kasamang Labadre, mga kulang palad na naparamay sa aking kasawian!... ¡Simón! ¡Simón! ¡Simón! ¡Huwag kang mahapis diyan sa bilibid! ¡Ang pagdurusa mo'y tanda ng iyong pagkamatapat na katulong! ¡Sa gaya mo, buhay man ay maipagkakatiwala!... ¡Ang kayamanan ko'y manahin mong lahat!... At magdiwang ka ng boong galak....
Nilagot ang salita sa halakhak. Nagpatuloy pa rin:
--Ako si Beteng! ¡Si Silbestre Santos! ¡Limang buhay ang aking inutang! ¡Apat ang inutas ko ng patalim at isa ang namatay sa takot sa aking ginawa! ¡Kay Tomás ay ako ang pumatay! ¡Hindi si Simon! ¡Palayain ninyo siya! Si Simón ay kinasangkapan ko lamang sa pagpatay. ¡Si Tomás ang unang tinampalasan ng marahas kong loób! ¡Kay Artemyo, kay Pastor, kay Labadre, ay ako rin ang pumatay! ¡Si kapitang Andoy man ay namatay sa pagkasindak sa sakuna! ¡Ano pa't dahil din sa akin! ¡Oo; inaamin kong limang buhay ang aking utang, kaya't ako na rin ang humanap ng katarungan!...
At tinapos ang talumpati sa:
--¡Pagibig! ¡Pagibig! ¡Itangis mo ang mga sinawi ng iyong lakas at kapangyarihan!.... ¡Dalaga! ¡Dalaga! ¡Alalahanin mo ang mga nalugmok dahil sa iyong kagandahan!...
X
SA LAOT NG HAPIS
Tumatakas na noon ang tuwa at marahang humahalili ang lungkot. Ang ilaw ng sangdaigdig ay sumisibsib na noon sa kalunuran. Iba't ibang bikas at kulay ng ulap ang napapanood sa kaitaasan. Samantalang sa lupa ang tinig ng panglaw ay namamayani na. Datapwa't lumalo pa sa looban nila Dolores, doon sa halamanang kinakitaang natin sa kanya noong siya'y nagaaliw at nagpapalipas ng isang mapanglaw na hapon. Oo; doon ay lumalo pa ang lungkot; paano'y naroon si Dolores at dinidilig ng patak ng luha ang kanyang alagang mga tanim.
--Ay!--ang buntong hininga--¡Kay saklap ng buhay!...
Tinutop ng dalawang palad ang kanyang mukha bago nagpatuloy:
--Halos kahapon lamang ay kasalo at kaulayaw ko ang aking Ama, ngayon ay na sa langit na.... ¡Kay pait gunigunihin!
Tinapos sa isang masaklap at malalim na ¡ay!... Ang perlas na luha ay naguunahang bumalong sa mga malas ng kaawaawa at sa di kinukusa ay napatanaw sa kaitaasan.
--Langit, oh, natungong langit.... Kung turan ng mga makata, ikaw ay maawain. Kung sabihin ng mga maralita, ikaw ay mapagkandili. Nguni't ang katotohanan ay inagaw mo ang boo kong kalwalhatian. Wala kang inalabi sa akin kung hindi isang pusong nalulunod sa hapis at isang pagibig na nabibilibid ng mga himutok. Sa ganap na pangungulila ay tinatawanan mo ako, ngayon....
At tumungo, tungongtungo, na sa masidhing pananaig ng lungkot ay napasandig sa puno ng kamuning. Noon ay may isang ibong nagparinig sa kanya ng lalong mapapanglaw na dalit. Sa puso ni Dolores ay lalong nagugat ang lumbay. Paano'y nagunita niya ang mga awit ni Artemyo, si Artemyong artista, ang kanyang kapapanaw na giliw.
Lumakad ang ulilang kalulwa at dumulog sa kanyang mga sampagitang noon ay naghahandog ng kawiliwiling bango. Isa isang hinagkan ng nalulungkot na dalaga.
--Kayo, kayong mga sumaksi sa lihim ng buhay, kayong naging aliwan ng aking giliw, halana, halana, aliwin ninyo ang ulila sa lahat ng kaligayahan.... At tayo'y magsalong magalaala sa kanya....