Agawan ng Dangal

Part 3

Chapter 3 3,832 words Public domain Markdown

--Siya nga--ang ayon ng iba.

--Ang sarap niyan ay magaantay siya ng wala!--ang salo ng isa.

--Gayon ang dapat sa taong umaagaw ng dangal--ang katig ni Pastor--Ibitin sa kahihiyan. Isubo sa kagipitan.

--May balita pa akong nilalakad daw ni Simon na si Artemyo ay alisan ng tungkulin sa "Kumilos Tayo"--ang saad ng isang kanina pa'y ibig maglahad.

--Iyan ay pakana ni Beteng--ang sagot ni Pastor--¿Ano raw ang dahilan?

--Sarisari--ang salo ng tinanong--Hindi raw dapat bigyan ng tungkulin dito ang isang dapo lamang. Kabagongbago raw dito, ay nais nang lagpasan ang mga kanayon. Isang bata raw lamang ay ibig nang maghari. Kung minsan ay sinasabing mapagsamantala raw. Ang salapi raw ng Samahan ay kinukupit. Marami at napakarami pa ang dungis na ipinupukol sa mukha ni Artemyo.

--Narinig na ninyo!--ang saad ni Pastor--Linawin natin: hindi raw dapat bigyan ng tungkulin ang isang dapo. Katwiran, nguni't ¿bakit nila natitiis ang mga dapong naghahari sa ating bayan? At ¿dapo ba si Artemyo? ¿Ano kung kapangpangan siya? ¿Hindi ba pilipino rin? ¿Maaari bang magsarili ang Tagalog nang ang Kapangpangan ay hindi? ¡Napakarupok na pagkukuro! Ang masasabi ko'y nakikilala nila ang dapong kapatid din nila, datapwa't hindi nila nakikilala ang tunay na dapong dito ay tumawid. Kung nakikilala man ay kinatatakutan. Ngayon at kalahi ay halos sakmalin. Nguni't kung maputi, kahi't na lumapastangan, ay nginingitian din. Sinusurot, dinuduro at pinamumukhaan ang kabalat, subali't ang dayo ay saka lamang mamura kung nakatalikod....

--Siyang totoo--ang tango ng ilan.

--Kabagongbago'y nais nang lagpasan ang mga kanayon?--ang dugtong ni Pastor.

--Pasalamat tayo at hindi pa man ay nagpapakita na ng lakas at magagawa. Kung kaya siya lalagpas sa taga rito, ay sapagka't dapat siyang lumagpas. Ano man ang gawin ni Artemyo, kung talagang magaling sila, ay sila rin ang mamaibabaw. Ang iba pang dahilan ay pawa nang paninira na mga isip-lamok lamang ang mananampalataya....

--Ang inggit ay talagang nakalilikha ng sarisaring paninira--ang payo ng may katandaan.

--Kaya matakot at mangilag tayo--ang ayon ng iba.

--Walang sasama kay Beteng--ang paalaalang muli ng banduristang kapangpangan....

--Wala! ¡Wala! ¡Wala!--ang ayon ng lahat at pinamayani na naman ang kanilang mga hawak na kilabot ng panglaw, taga taboy ng lungkot at lumilikha ng tuwa: ang biyolin, bigwela at bandurya.

V

¡WALANG SALA! ¡ANG TAGUMPAY AY ATIN!

Maligayang umaga noon. Sa Looban, daang tumutumbok sa malaking pagawaan ng tabako, ay maraming kawal ng pawis ang nagmamadalían. Sa una'y langkay ng mga babai; sa dako roon ay nagsusumugod na mga lalaki; sa dako rito ay sunodsunod na may mga kagulangan na; at sa huli ay mga dalaga at binatang pawang nagtatalik sa galak. Walang alinlangang sarisaring bagay ang napaguusapan. Minsan ay may nagtatalumpati sa pagtatanggol sa kanyang ipinaglalaban. Minsan ay pumutok ang halakhakan. Ganyan ang mapupuna sa alin mang pangkatin.

Sa karamihan ay may namumukod na dalawang lalaki. Ang isa ay may magarang gayak; pulus na puti ang suot at korbatang sutlang granate ang nakatali sa liig. Isang sombrerong kalasyaw ang nakatakip sa ulo, na lalong nagbibigay ganda sa mayamang tabas ng mukha. ¡Kay kintab ng sapatos na abelyana! At ¡kay lapad ng liston! Sa bikas at pananamit ay nagbabansag ng kalwagan sa buhay. Samantalang ang isa ay nakabarong intsik lamang. Lumang luma na ang pahang sunong. At isang tsinelas na kupas na ang kulay ang nagtatanggol sa paa. Naglalarawan ng karalitaan. Yaon, ang makisig, ay ang binatang Beteng. At ito ang anak-dalita, ay si Simon. Sa agos ng mga manggagawa sa Tabakalera ay napaanod sila.

--Sa linggo na ang araw ni Loleng--ang sabi ni Beteng kay Simón.

--Oh, ¿handa na po ba ang komparsa natin?--ang tanong naman nito.

--Hindi ko nga po matiyak kaya ko po kayo inabangan.

--Bakit po?

--Mangyari'y naparoon ako kagabi kina Dolores ay ibinalita sa akin ni kapitana Martina, na si Artemyo raw ay nangako rin ng komparsa.

--Lalong magaling. Ngayon tayo magsusubukan ng gilas. Upang makilala ang inyong katayugan kay Artemyo ay dapat kayong iyagapay sa kanya. Walang salang magbibigti siya sa kahihiyaan....

--Huwag tayong umasa.

--Bakit po?

--Hindi ko pa natitiyak na mabuti ang ating komparsa. Malaon ko nang kinausap sila at hindi ko na hinarap uli.

--Tiyakin mo po; at nang mapatabi ang gigirigiring iyan....

--Bah! Kung lumabas na magaling ang kanyang dala, ay ¿di naagawan tayo ng dangal?

--Hindi po! ¡Magagaling tumugtog ang tao natin! Tiyakin mo po lamang ay di na kayo dapat magalaala pa.

--Baka tayo mabitin ah!...

--Sa ano pong dahilan?

--Kung di tayo siputin.

--Bakit po? ¿Nauulol ba sila? ¿Binayaran at dí sisipot? ¿Magkano po ba ang ibinayad ninyo?

--Wala pa akong ibinibigay kung hindi limang piso lamang na ibibili raw ng kuwerdas.

--Sa tao po, ¿magkano ang isa?

--Huwag ko raw pong alalahanin.

--Iyan ang masama. Ang mabuti ay bayaran natin; upang kung hindi sila sumipot ay magkaroon tayo ng bibig.

--Gayon din po ang naisip ko kagabi kaya ninais kong makausap kayo....

Isang malakas na sigaw na ¡tabi! ang lumagot sa salitaan. Noon ay humahagibis ang dalawang karitela na naguunahan. Ang una'y pawang dalaga ang lulan, at ang huli'y pawang binata naman.

Lumingon at tumabi ang dalawang naguusap, bago nagpatuloy si Beteng:

--Kasama rin lamang ninyo riyan sa Kompanya ang pinaka maestro nila, ay kausapin lamang ninyong mabuti kung mangyayari.

--Opo, at titiyakin ko.

--Ibigay mo po lamang ito--at dumukut sa bulsa ng isang papel na sasampuin--sabihin ninyong para sigarilyo lamang iyan.

--Kay dami naman!

--Daragdagan ko pa po iyan, mapuri lamang tayo ni kapitang Andoy.

--Walang sala! ¡Ang tagumpay ay atin! ¿Alin daw po bang komparsa ang kinuha naman ni Artemyo?

--Hindi ko po masabi.

--Tiyak daw po bang sisipot?

--Marahil. ¿Mangangako ba iyon ng papaano? Mawawalan ba ng kakilalang komparsa iyon, ay sa siya ay isang artista.

--Hindi rin siya dapat humara sa ating dadalhin.

--At mabuti namang magdala siya, upang mapalapat ang kanyang kapangahasang bumanggá sa tapayan.

Na sa tapat na sila ng Tabakalera.

Kapwa sila tumigil at tumayo sa tabing daan. Noon ay dating at dating ang kawal ng paggawa. Babai at lalaki, dalaga at bagongtao, matanda at bata, ang nagsisisipot. ¡Kay daming anak ng pawis!

--Ano pong oras ang sasabihin kong ipagkikita natin sa linggo?--ang mana'y tanong ni Simon.

--Ika siyam ng umaga. Doon na tayo magtagpo sa bahay nila Loleng--ang tugon ng kausap.

--Sasabihin ko po.

--Baka malimutan ninyo?

--Hindi po.

--Baka tayo mabitin?

--Huwag mo pong alalahanin. Ako ang bahala.

--Walang sala! ¡Ang tagumpay ay atin!

Nagtuloy ng pumasok si Simón sa malaking pagawaan. Si Beteng ay yumaon naman. Hanggang doon natapos ang usap ng dalawang magkatiyap.

VI

ANG ARAW NI LOLENG

Madaling-araw ng linggo. Noon ang ganap na ika labing walong Mayo ni Dolores. Mula sa pinto ng Simbahan sa Pako ay dalawang babai yaong lumabas. ¡Mga pusong banal yata! At lumakad silang patungo sa daang Pas. Ang maliwanag na tanglaw sa daan, ay siyang nagsabing yaon ay si Dolores kasama ni kapitana Martina. Galing silang nagsimba na pinasalamatan sa Diyos, ang masayang pagsapit ng kaarawan ni Loleng. Ang malamig na simoy ng hangin, ang mga patak ng hamog sa damo, at ang liwanag ng ilaw sa daan, ay siyang unang naghandog ng maligayang bati sa mapalad na dalaga.

Dumatal sila sa bahay na ang lahat ay nagsisikilos na. Ang tunog ng pinggan, taginting ng kubyertos, at sagitsit ng mantika ay siyang unang maririnig. Bago mapupuna ang bango na isinasabog ng hangin: ang amoy ng ginisa. Kung minsan ay namamaibabaw din ang iyukan ng mga inahin, tandang at kapon na manok. Ito ang mga martir ng pista. Ang lalong maingay at di maipagkakaila ay ang iyak ng baboy. Tatlo ang pinatay noon.

Sa kabahayan naman ay iba ang kilusan. Ang tinig ni kapitang Andoy ay siyang naghahari. Utos dito, utos doon ang ginagawa. Lagatok naman ng mga upuan, at lagaslas ng dahong saging na ikinukuskos sa sahig, ay siyang sumasagot. Gayon na lamang ang paghahanda.

Sa siwang ng mga bundok sa silangan ay masayang dumudungaw ang bukang liwayway. Marahang tumatakas ang dilim at panglaw. Ang galak at liwanag naman ang bumabangon. Mana'y boong ningning na sumikat ang ilaw ng sangkatauhan, upang batiin marahil ang dalagang sapupo ng tuwa sa araw na yaon.

Ang mga taong naglalakad sa daang Sagat, ay napapatigil sa tapat ng bahay ni kapitang Andoy. Pawang humahanga sa napakakisig na pagkagayak. Mahahalagang enkahe ang naglawit sa itaas ng mga durungawan. Sa gitna nito'y malapad na lasong rosas ang pinagbuhol ng bikas paroparo. Sa mga haligi ng kabahayan ay tungkos ng sarisaring bulaklak ang naglawit. Magagarang san pransisko ang halamang nagtanod sa mga pinto.

--Dapat ngang pagubusan ng kaya si Loleng--ang wika ng isang napatigil--sapagka't siya ay bugtong na anak ni kapitang Andoy.

Ilang sandali pa ang nakaraan, bago sumipot si Beteng. Makisig na makisig ang binata at masayangmasaya na pumanhik.

--Kay aga ng buwisit na ito!--ang nasabi sa sarili ni Loleng nguni't masayang sumalubong--Tuloy kayo.

--Maligayang bati po--ang bungad na wika ni Beteng at kinamayan ang dalaga.

--Salamat po.

--Magandang araw po mang Andoy--ang paggalang nito sa kapitan.

--Tuloy kayo--ang tugon naman ng tinukoy.

Nagtuloy ang makisig na binata. At kung gaano ang bikas niya noong masalubong natin sa daan Looban ay lalo at higit ngayon. Ang buhok ay hating hati at ang mukha ay pinahiran ng pulbos. Bagong korbata na naman ang nakabitin sa liig, datapwa't walang alinlangang buhat sa almasen ng Siyap sa Eskolta. Ang ternong lana ng pusong gumilas, ay siyang nagbabansag ng kabusugan niya sa pananalapi. Nguni't ang lalong kapunapuna, ay ang malalaking brilyante na nagniningning sa dibdib at mga daliri. «Inubos ang peseta!», ang sabi nga ni Dolores sa sarili. Subali't lalo siyang namangha noong buksan ang balutang dala, na anya'y:

--Aling Loleng kung kayo man ay nagagalak sa pagsapit ng inyong araw, ay lalo at higit ako. Ang katunayang di magkasya sa puso ko ang tuwa, ay di na matutuhan kung alin sa likha ng tao o likha ng katalagahan ang pipiliin kong ihandog sa inyong mga yapak. Pagyamanin mo po ang nakaya ng inyong lingkod.

Pandidilat ng mata ni kapitang Andoy; matulin na paglabas ni kapitana Martina; at isang «salamat po» lamang ni Dolores, ang tumugon sa mahabang talumpati ng binata. Samantalang mula sa pinto ay maraming mukha ang nakasungaw na sabik makakita ng handog ni Beteng. Yaon ang mga katulong sa paghahanda, at mga kapit-bahay na katapatang loob. Ang matandang kapitana na inip sa matagal na pagkalas ng tali, ay tumulong kay Beteng bago bumulalas:

--Kay ganda nito!

At itinaas ng kanyang kamay, ang isang alpiler na may malaking bató, saka tinitigan ng papikitpikit pa. Ang mga nanonood, maging si kapitang Andoy, ay napipilan. Si Dolores naman ay pinapagpapawis ng pangingimi. Nahihiya na di maintindihan. Lalo namang sumisigla si Beteng ng pagtatanghal ng kanyang handog. Sa ibabaw ng mesang marmol ay inihanay na lahat upang hangaan ng nagsisitingin.

--Kay dami naman!--ang wika ni kapitang Andoy, nang mamalas niya ang mga botelya ng pabango, ang kaha ng pulbos, ang magarang pulbera, ang salaming pangmesa, ang sutlang pamaypay, at ang isang dosenang panyolitong nagpuputian.

--Inubos na niyong hinakot ang tinda sa Eskolta!--ang bulalas uli ni kapitana Martina, na idinuro sa alampay ni Dolores ang mahalagang alpiler.

--Aba!--ang magkakatulad namang paghanga ng ilan. Noon lamang sila nakamalas ng gayong mga alay. At isa isang nagsilabas upang ipagpatuloy ang ginagawa.

Gayon man ang paghanga sa mga handog ni Beteng ay lugi rin siya. Oo, lugi siya, sapagka't bahagya ng bayaran ng ngiti ng kanyang iniirog. Nguni't palibhasa'y dalagang Tagalog, ang yumi, hinhin at kadakilaan ng asal, ay di rin nasusupil ng pagkawalang loob kay Beteng. Si Dolores ay si Dolores din. Siya rin ang dalagang mapanghalina. Ang katotohanan ay ang anyaya niya kay Beteng:

--Tayo po ay magagahan muna.

--Salamat po--ang tugon ng binata.

--Kung di kayo magaagahan dito, ay di ko namang tatanggapin ang mga handog na iyan--ang tampo ng dalaga.

--Naku naman!--ang ngiti ni Beteng.

--Siya nga; tayo na muna magagahan--ang dugtong ni kapitang Andoy.

--Salamat po--ang ulit ng binata.

--Anong salamat? Tayo na--ang salo ng kapitana Martina.

--Nakatapos na po--ang tanggi rin ni Beteng.

--Ay ano kung nakatapos?--ang sambot ni Dolores--Ang agahan natin ay laan sa nakatapos na.

--Busog pa po ako--ang ayaw ng binata.

--Hindi naman handa sa gutom ang agahan dito--ang pagtatanggol ng dalaga.

Natapos ang pakunwari ng binata sa ganap na pagsuko. At ilang sandali pa ay napanood nang humihigop ng sikulate at nagpapahid ng mantikilya sa tinapay.

--Sinapul na mabuti ang handa!--ang wika ng isang batang utusan na sumisilip mula sa kusina--¡Pati agahan ay tinodas na!...

--Hayop! ¡Hayop!--ang parang tugon naman ni kapitana Martina na nakahuli sa sumisilip at nilapirot ang taynga.

--Aray!... ¡aray!...--ang iyak na lamang ng nadakip.

Salamat sa pagdatal ng ilang panauhin, at binitiwan din ng kapitana ang nahuli. Pumasok at sumalubong ng boong galak. Ang dumating ay dalawang dalaga at isang binata. Tumayo si Dolores sa mesa at pinakapilit na makisalo ang mga bagong panhik. Ilang sandali pa ay anim katao na yaong magkakasalo.

Sarisaring mga biro, sarisaring mga pagpuri ang naghari sa boong pagkakainan. Minsan ay mamayani si kapitang Andoy, at kung minsan ay mamaibabaw si Beteng. Datapwa't si Dolores ay ngiti lamang ang inilalaban. Matagal-tagal din bago sila nagkatapos.

Noon nama'y matindi na ang sikat ng araw. Dating at dating na ang panauhin. Kanina ay mga dalaga. Ngayon ay mga binata. Mamiya'y dalaga na naman. At marahil ay binata ang susunod. Dapat magkagayon: sapagka't araw ng bulaklak ay bulaklak din ang dapat magdiwang. At kung saan natitipon ang mga bulaklak ay doon nagkakagulo ang mga bubuyog at paroparo.

Halos sikip na ang bahay ni kapitang Andoy. Bawa't dumatal ay «maligayang bati» ang namumulas sa mga labi. Datapwa't si Artemyo, ang binatang giliw ng ipinagdidiwang, ang pusong lalong mapalad, ay di pa sumisipot. Gayon man ay di kapunapuna ang pagkawala nito sapagka't si Dolores lamang marahil ang di nakalilimot. Ang kapunapuna ay ang di pagsipot pa ng komparsa.

--Kapitang Andoy, wala ba tayong tugtugan?--ang usisa ni Labadre, ang kanina pa'y kantiyaw ng kantiyaw.

--Mayroon--ang tugon ng tinanong--Dalawa ang nangako sa akin.

--Saan po naroon?

--Hindi pa dumarating.

--Ika sampu na po ah?

--Maaga pa.

--Baka lawit ang púsod ng mga nangakong iyan!...

--Hindi po naman!--ang pagdaramdam na halo ni Beteng.

--Biro ko po lamang iyon. Patawarin ninyo ako--at tinapos sa halakhak.

Di na sumagot si Beteng at dumungaw upang tanawin marahil ang kanyang komparsa. Datapwa't wala siyang namalas at ni si Simon ay di sumisipot. "¿Bakit kaya?" ang naitanong sa sarili. Siya rin ang sumagot "Maaga pa naman." At naupong muli na ipinako ang malas kay Dolores.

--Kay ganda ng langit ko!--ang inipit na sigaw ng kalulwa. At mula sa ulo hanggang paa ay pinanooran niya, ang gumugulo sa kanyang buhay at pagkatao.

Si Dolores, kung talaga mang may katutubong ganda, ay higit at lalo pa noon. Batid niyang siya lamang ang magiging panoorin sa kasayahan, kaya bumikas ng dapat maging bikas. Ang damit na isinoot ay yaong talagang bagay sa kanyang ganda: kulay bughaw.

--Loleng--ang saad ni Labadre--kay dami mong kandidato ay wala na bang nagalay sa iyo ng tutugtog?

--Ayaw ko nga niyan!--ang yamot ng pinagukulan.

--Hindi ba?--ang patigas ni Labadre--may artista ka, may estudyante ka, may pintor ka, may....

--Mayroon ng lahat!--ang patalo ni Dolores.

Tawanan at titigan ang itinugon ng lahat. Siyang pagsipot ng anim na dalagang nagpapangagaw sa dilag. Ang gayak ay paraparang ternong bughaw. Yaon ay mga bituin ng "Kami Naman." Batian at kamayan ang nangyari. At naupo na naman ang lahat.

--Wala pa hanggang ngayon ang komparsa!--ang kantiyaw na naman ni Labadre, matapos magpausok ng tabako at makapagpaindayog sa kulumpiyó.

--Tanghali na nga--ang dugtong ni kapitang Andoy.

--Sayang ang mga sandaling nakararaan!--ang patuloy pa ni Labadre.

Si Beteng ay parang iniinis. Nabakla tuloy na baka di na nga sumipot ang komparsa. Hindi na mapalagay ang binata. Dudungaw; uupo; tatayo; at lalabas na lamang ang gawa.

Ang mga bubuyog ay patuloy sa pakikipagbulungan sa mga bulaklak. Ganap na kaligayahan ang inaawit nila. Bawa't isa'y kinalalarawanan ng galak, tuwa, aliw.

May mga binatang palipatlipat ng upo. At may mga dalagang nagbabanalbanalan. May mga bagong taong bibig at matá lamang ang kumikilos. At may mga dalagang kamay lamang ang pinagagalaw sa pamamaypay. Ano pa't halohalo na: ang mabait at ang malikot.

Si Dolores man ay masayang masaya rin. Samantalang si kapitana Martina ay lakad dito, lakad doon. Pumasok, lumabas, ang ginanap na tungkulin.

--Ano bang komparsa iyan?--ang di mapakaling bulas na naman ng bibig ni Labadre--¿hanggang ngayon ay wala pa?...

--Antabayanan natin--ang alalay naman ni kapitang Andoy.

--Sus!--ang payamot na ni Labadre--sinasabi ko't lawit yata ang púsod ng mga nangako....

--Mang Beteng, ¿anong oras po ba darating?--ang usisa na ni kapitang Andoy.

Pinawisan ng malamig ang binata at matagal din bago nakasagot:

--Ang sabi ko po ay ika walo.

--Bakit wala pa hanggang ngayon?--ang lahók ni Labadre.

--Talagang gayon po tayong pilipino: pag sinabing ika walo ay antayin mo sa ika labing dalawa....--ang katwiran ni Beteng.

--Samakatwid ay mamiya pa sila darating--ang pandidilat na ni Labadre.

--Malaking sisté!--ang yamot na ni kapitang Andoy--¡Pati si Artemyo ay nawala na ah!...

Nagbingibingihan si Beteng nguni't naglalagablab ang loob. Ang poot niya ay kay Labadre nabubuhos. «¿Sino bang hayop ito?» ang tanong sa sarili. ¡Kay luwag ng kuwelyo! ¡Kay iksi ng amerikana! ¡Tambakan yata ng basura ang bibig sa walang sawang pagnganga! Pausok ng pausok ng tabako at bibig na lamang niya ang naririnig. Sulot ng sulot sa kapitang Andoy na parang binubaeng gumigiri. Dapat ngang kainisan ni Beteng. Kung hindi sa kanya, kay Labadre, ay di pa lubhang maiinip ang ama ng kanyang Dolores.

--Kapitang Andoy,--ang pagitna na naman ni Labadre--kung batid ko lamang na walang tugtugan ay ako sana ang nagdala...

--Bakit po? ¿Wala po bang tugtugan?--ang usisa ng ilang kaharap.

--Mayroon--ang tugon ng kapitang Andoy--darating na.

--Sunduin ko yata?--ang putol ni Beteng.

--Huwag na po--ang pakunwari ni Dolores.

Ang sagot na ito ng binibini ay nakapagbawas din ng kaba ng dibdib ni Beteng. Paano't paano ma'y nakabuhay din ng kanyang loob. Lubha pa noong pumasok si kapitana Martina na nagsabing:

--Loleng, samantalang wala pa ang mga komparsa, ay ilabas mo ang iyong alpá at aliwin mo ang iyong mga kaibigan.

--Siya nga po.

--Yaon ang magaling.

--Ang inaantay namin.

--Halana.

Gayon ang naging tugunan ng lahat na pawang nagpako ng malas sa dalagang ipinagbubunyi. Sa likod nito ay namaibabaw din si Labadre. Anya'y:

--Ilabas mo't marami tayong paaawitin dito. Hayan si Nitang, ang tiple sa Mandaluyon, si Berang, ang dangal ng Tangke, si Siyon ang buhay ng "Kumilos Tayo," at....

--Silang lahat na!--ang dugtong ni kapitang Andoy.

--Siya nga po, siya nga po--ang ayon ng mga binata.

--Bah! ¡bah! ¡bah!--ang pagtanggi ng mga dalaga.

Ayaw pa sana si Dolores na ilabas ang kanyang alpá, dahil sa pagkatig sa kanyang mga kabaro, nguni't napilitan din. Ilang sandali pa ang lumipas at nagdiwang na ang mga daliri ni Dolores. Mahabang palakpakan ang tumapos.

--Talagang ang dalaga ni kapitang Andoy, ay madadala na sa esposisyon sa Panamá--ang pagpuri ni Labadre.

--Naman!--ang salo ni kapitana Martina at ni Dolores.

--Walang biro: ang mayaman sa ganda at mayaman sa talino, ay talagang pang-esposisyon--ang patuloy ni Labadre--Nguni't.... ¿wala pa ang mga komparsa?

Si Beteng na naman ang natisod. "¡Kulog na matanda ito!" ang bulong, "¡hindi na napagod ang bibig!" Salamat at nagbago ng salita si Labadre:

--Nitang, tiple ng Mandaluyon, ikaw naman ngayon.

--Si mang Labadre naman--ang patumpik ng pinagukulan.

--Halana; isang kundimang makalaglag matsing--ang pilit ni Labadre--Loleng, tugtugan mo.

Nagpalakpakan ang mga panauhin, nguni't si Nitang ay ayaw pa rin. Ang dalagang sibol sa langit ng Pilipinas ay talagang gayon. May talino man ay hindi ipinagpaparanya. Bagkus ikinukubli habang napipita. Lalo na't pagpuri at paghanga ang ipaghahalungkat.

Mana'y isang matining na tinig ang nagpatahimik sa lahat. Umaawit si Nitang at sinasaliwan ni Loleng. Si Labadre ay napatigil din. Sinamantala naman ni Beteng ang pagpanaog upang salubungin marahil ang komparsa.

Sa panulukan ng mga daan Sagat at Penyapransiya, ay doon tumanaw si Beteng. Sarisaring guniguni ang lumaro na sa binata noong hindi niya mamalas ang inaantay. ¿Biniro kaya siya ng komparsa? ¿Talaga kayang di na sisipot? ¿Ano ang ginawa ni Simon sa salapi? Ganyang mga tanong ang di niya matugon. Nangangawit naman sa pagtanaw sa wala, ang kanyang malas.

Minsan ay magningas ang poot kay Labadre. Kung wala ang taong yaon ay di gaanong mapupuná ni kapitang Andoy ang di pagsipot ng komparsa. Ang kapitan ay nawiwiling makipagusap sa mga panauhin. Datapwa't laging sinusulot ng masalitang matanda. Ito ang nagpapalaki ng sunog. Ang kanyang pagkatao ay nabingit tuloy sa pilapil ng kahihiyaan.

Si Simón naman ang nahagilap ng alaala. ¿Pinagtaksilan kaya siya? Hindi mangyayari. Kagabi lamang ay ika labingisa na ng umalis sa bahay ni Beteng. At sinabi nitong naibigay niya ang salapi at tinanggap naman. ¿Saan naroon? Marahil ay tinitipon ang manunugtog. Walang sala; pagka't pinainum pa niya ng herés, bago umalis.

Humakbang ng ilan ang binata at idinukot sa bulsa ang kamay. Tumanaw na naman sa malayo, nguni't wala pa rin. "Mga tao na namang iyon, ¿di kaya inaalala ang kahihiyan ko?" ang tanong na magisa. Tinanggap ang salapi at ¿di sisipot? ¡Malaking pagkukulang sa pagsasama! Datapwa't ¿ano ang magagawa ni Beteng? Siya'y nagaanyaya lamang. ¿Ang salapi? Yaon ay pabuya lamang. Iba ang upa sa pabuya. Kung upa, kahi't umulan ay sisipot sa takdang oras. Sapagka't pabuya, ay daratal kung kailan sipagin. ¡Utang na loob pa!

Inip na inip na ang binata. Pumagitna na naman sa daan at muling tumanaw. Wala pa rin. Si Simon man ay wala rin. ¿Tuluyan na kayang mabibitin ang kaawaawa? Sumisikdo ang loob; sumasasal ang tibok ng puso; nangangapos ang hininga. ¡Mahirap na talaga ang mabingit sa kahihiyan!

Waring nabuksan ang langit kay Beteng nang marinig niya ang tunog ng bigwela. Walang alinlangang yaon ay kina kapitang Andoy. Halos ay tumakbo ang binata sa galak. Matulin na pumanhik. Lalong sikip na ang bahay na bago ng kapitan. Noon ay nagsasayawan na. Taas ang noo, lantad ang mukha, na dumulog sa harapang yaon. Nguni't ¡kay laking pagkabigo! Ang tumutugtog pala ay hindi ang komparsang kanyang inaantay, kung hindi ang orkesta ni Artemyo at ni Pastor. Napipi at napamangha ang binata. Lalong ibinaon siya ng kahihiyaan. Malalamig na patak ng pawis ang umaliw sa kanya. Ang mata naman ng mga kaharap ay parang umuuyam sa kaawaawa.

--Naito na pala si mang Beteng!--ang bulalas ni Labadre--¿nahan ang inyong komparsa? ¡Wala! ¡Nilagpasan kayo ni Artemyo!...

Walang naitugon si Beteng kung hindi sarisaring banta. Poot kay Artemyo, sapagka't napaibabawan na naman siya. Galit kay Labadre, dahil sa lagi siyang hinihiya at ibinibilad. Ngitngit kay Simón at sa komparsa, sanhi sa siya'y isinubo sa kahihiyaan. Gayon ma'y nagbakasakali ring daratal. At pinilit ang ngiting nagsaad kay kapitang Andoy:

--Nahuli ang komparsa natin.

--Tanghali na nga--ang tugón naman ng pinagukulan.

--Nahan mang Beteng ang inyong komparsa?--ang pagitna na naman ni Labadre--¿mayroon ba o wala?

--Mayroon--ang salo ni kapitana Martina na noon ay abalang abala--Ito namang si Labadre, ¿hindi pa ba kayo nasisiyahan sa orkestang iyan?