Agawan ng Dangal

Part 2

Chapter 2 3,727 words Public domain Markdown

--Ang kalihim sa Samahang "Kumilos Tayo"--ang tugon ni Pastor--yaon bang nagtalumpati sa inyong nayon noong ipagdiwang si Rizal. May magandang pangangatawan at....

--Yaon pala--ang salo ni Simón--Kakilala ko po yaon at ako man ay kasapi rin sa "Kumilos Tayo." ¿Diyata't siya ang naiibigan? ¿Si Artemyo? ¿Ang artista? Aywan ko rin...--at tinapos sa iling at ngiti ang kanyang pagkamangha; iling na nagpapahayag ng pagpapawalang saysay kay Artemyo, at ngiti na nagtatanghal ng paglibak sa pagkatao noon.

Ang dalawang kaharap ay napatigil. Nabasa nila sa mukha ni Simón na siya ay may natatarok na lilim ni Artemyo. At di pinalagpas ni Beteng. Sinamantalá ang pagkakataón.

--Bakit po?--ang simula--¿may nalalaman ba kayong alimuom ni Artemyo?

--Sus!--ang buntong hininga ni Simón--¡Si Artemyo! ¿At bakit hindi ko malalaman ang kanyang lihim? Siya ay isang konduktor sa trambiya noong araw na dahil sa nahuli sa pagumit ay pinalayas tuloy ng empresa. Isang taong nagpagalagala sa pagbibilang ng bato, na kung kanikanino nangungutang ng makakain. Napasok na artista, at ang manakanakang pagtayo sa entablado ay siyang ipinagmamalaki ngayon. Gayong ang tinig ay tinig kanduli at kung umawit ay parang bumabasa ng Pasyon....

--Ha! ¡ha! ¡ha!--ang tawa ni Beteng.

--Aywan ko--ang tanggi ni Pastor--sa akin ay mabuting kaibigan si Artemyo.

--Mabuti kung mayroon--ang salo ni Simón--nguni't kung wala ay masama.

--Marahil nga--ang katig ni Beteng--sapagka't kung makailan ko nang makasama, ni minsan man ay di pa gumasta. Maging sa pagsakay namin sa trambiya, maging sa pagkain namin ng sorbetes, ay ¿maanong pabalat-bunga man lamang na magkunwaring dumukot sa bulsa?

--Ano ang hahanapin ninyo sa taong nagsasamantala?--ang masayang ikinabit ni Simón.

--Hindi gayon--ang tutol ni Pastor at hinarap si Beteng--Kayo ang nagaanyaya sa kanya ay talagang kayo ang dapat gumasta. Salamat at di kayo sinisingil sa kanyang abala at pagod....

--Mang Pastor!--ang tugon ni Simón--¿pinagtatanggol ba ninyo si Artemyo?

--Hindi po. Ipinaaalaala ko lamang ang ipinaguutos ng dakilang asal.

--At ¿kami pa pala ang lumalabas sa magandang ugali?--ang usisa ni Beteng.

--Hindi ko po sinasabi ang gayon--ang salag ni Pastor--nguni't ipinagugunita kong sa bibig ng mga lalaki ay alangang maglaro ang buhay ng kapuwa. Mga babai lamang ang naguututang dila. Mga musmos lamang ang nagngungusuan.

--How! ¡pshe!--ang putol ni Simón--Talaga pong si Artemyo ay lahi ng taksil: siya'y kapangpangan.

--Tama. Iyan ang totoo--ang dugtong ni Beteng--pinapaghahari ang kanyang pagkakapangpangan.

--Mga kaibigan--ang mainit ng saad ni Pastor--¡Huwag ninyong hamakin ang kanyang lahi! Kapangpangan man at Tagalog ay iisa ng uri, at ang sumira ng pagiisang iyan, ay yaon ang taksil na dapat pangilagan. Ang taong pumapatay ng pagdadamayan ng Pilipino ay yaon ang kalaban ng bayan. Ang kalulwang nagtatanim ng pagiiringan ay siyang uod na sumisira ng laya at pagasa ng lahat....

--Matutulis pong salita iyan!--ang pakli ni Simón.

--Nakasusugat ka po!--ang dugtong ni Beteng.

--Hindi, mga kaibigan--ang ganti ni Pastor--kailan ma'y di ko magagawa ang sumugat sa kapatid. Nguni't, oo; makikipaglaban ako sa kanino mang nagbibinhi ng pagiiringan. Ang buhay ko'y aking itinataya lubha pa't ang pagiiringan ay ipupunla dahil lamang sa inggit sa isang lalaking kinakandong ng palad....

--Na sa ibang bahay ka po!--ang paalaala ni Beteng--huwag ninyong lubusin ang pagalipusta sa mga kaharap.

--Sa bahay na pinaghaharian ng dilim ay doon ko dinadala ang ilaw!--ang matapang na sagot ni Pastor.

--Pawang kaululan ang sinabi ninyo!--ang tumbas ni Simón.

--Utang na loob ay manaog na kayo--ang taboy naman ni Beteng.

Tumayo si Pastor ng boong pagngingitngit. Ang malas niya'y naglalagablab. Maliksing kinuha ang kanyang sombrero at anya'y:

--Dapat ninyo akong itáboy; dapat ninyo akong turang ulol; sapagka't ang gurong nagtuturo ay talagang kalaban ng mga musmos na tinuturuan.... Nakilala ko na kayó ay dapat namán ninyó akóng makilala.... Paalam sa inyo nguni't alalahaning ako'y natatalaga sa ano mang mangyayari....

Titig lamang ang isinagot ng dalawa. Kaya't pumanaw na nagpuputok ang dibdib ni Pastor. Samantalang nawawala ang kanyang yabag ay patuloy sa pagwalang imik ang dalawang nilisan.

--Mang Simón--ang mana'y saad ni Beteng--yumaong galit na galit ang abogado ni Artemyo.

--Walang kailangan--ang tugon nito--¡Ibabagsak natin sila!...

--Iyan ang kanina pa'y inaantay kong pumilas sa inyong labi....

Kumuha ng kahon ng tabako si Beteng at inalok ang kaharap. Kapwa sila nagsuso at minsang pinagbuti ang upo. Bago naganasang marahil ay yumari ng paghihiganti. Panahon lamang ang makapagbubungkal ng lihim.

Isang mahigpit na kamayan ang tumapos ng salitaan. At taglay ang galak ng pagasa na naghiwalay ang dalawang nagtiyap.

III

MGA HALIK NG PAGIROG

Nagbabanguhang sampagita, bulaklak na nagpuputían, yaong tinutuhog ni Dolores, sa halamanan nila. Nagiisa siyang noon ay nagaaliw at pinalilipas ang mapanglaw na hapon. Sa isang upuang kawayan ay doon pinagbubuti ang pagyari ng isang kuwintas. Ang samyo na idinudulot ng mga ilang-ilang, ay sumusuob sa mabining dalaga. Marahan namang humahalik sa kanyang mga pisngi ang simoy ng hanging nagmumula sa bukid. Samantalang sa kanyang ulunan, ay namamaypay ang masingsing dahon ng kamuning.

Ang dilag ni Loleng noon ay lalong tumingkad kay sa dati. Bagay na bagay ang bagong gayak sa mayamang ganda ng kanyang pagka binibini. Sa biglang malas lamang ay mahuhulaan nang siya'y bago pa lamang dumudungaw sa pinto ng pagibig. At upang patotohanang naninibago ang kanyang puso sa pagtibok ng buhay sa pagkadalaga, ay masayang umaawit at sinasamyo ang mapapalad na sampagita.

--Kay bango ninyo!--ang di napigilang wika at nilangap ang samyo ng kanyang tinutuhog--¡Kay puti ninyo! ¡Kay dunong ng Diyos!...

Siya rin ang sumagot:

--Talagang kayo ay pinagyaman ng kalikasan! ¡Walang haring makapagsusuot ng inyong gayak! ¡Sutla na di nilikha ng kamay! At ¡puti, puting parang busilak!...

Dinugtungan pa rin:

--Hindi lamang iyan ang inyong yaman. Sa samyo, bango, halimuyak, ay kahanay kayo ng mga pangunahing bulaklak na ipinagmamalaki ng katalagahan....

Tinapos sa:

--Sa ulo, batok, at dibdib ng mga dalaga sa Silanganan, ay ginagamit kayong palamuti, katimbang ng rubi, perlas, at brilyante ng mga dalaga sa Kalunuran. Yaon ay binibili ng daan, libo, o yutang salapi, nguni't kayo ay ipinagpapalit sa isa o dalawang sentimos lamang. ¡Kay taas ng agwat ng halaga! Gayon ma'y lalong matayog ang inyong uri. Sila'y nagagamit lamang ng nakaririwasa, samantalang kayo ay pinakikinabangan ng lalong dukha at ng lalong mayaman. Ikinahihiya silang igayak ng mga dahop sa salapi, datapwa't kayo ay ikinararangal ng lahat....

At malaong nilangap na naman ang mapapalad na sampagita. Mana'y pinanood at kinausap:

--Gaano man ang inyong yaman, gaano man ang inyong dilag, ay di ko rin ipagpapalit sa inyo ang aking pinakamamahal sa buhay, ang giliw ng puso ko, si Artemyo ng aking pagibig....

Isang halik ang biglang lumagot sa kanyang pangungusap; halik na tumunog sa kanyang pisngi; halik na kaunaunahang idinulot ng pagibig. Nagulat at napalingon ang ating dalaga. Subali't napatungó na lamang at pumatak ang luha, noong mapagtanto niyang si Artemyo pala ang nagbigay ng ligalig.

--Loleng!--ang bati nito--napoot ka yata....

--Di ko akalain...!--ang tugon naman ng binibini.

--Huwag; huwag kang magalit. Tinugon ko lamang ang utos ng aking pagsintá. Kanina pa ako rito na nagsusubók sa iyo. Napanood ko ang lahat ng iyong ikinilos. Ang puso ko'y nilango ng tamis. At nakagawa tuloy ng kalapastanganan....

Patuloy sa pagkatungo ang binibini. Nahihiya o napopoot mandin sa nangyari. Talagang gayon ang dalagang Tagalog. Malambingin nguni't matampuhin. Magiliw datapwa't maselan. Sa di pagimik ay sarisaring katuturan ang maipalalagay.

--Loleng--ang muling saad ni Artemyo--kahapon lamang binihis mo ang aking puso, ngayon ay muli na namang pagdudusahin. ¡Kay sawing palad ko!...

Hinawakan ang kamay ni Loleng na may hawak na sampagita. Naupo sa piling nito at sinapupo sa likod ang dalaga ng kaliwang kamay. Bago nagpatuloy:

--Napakawalang awa ka! Parang tinakaw mo lamang ako sa galak. Mabuti pang di hamak ang di ako pinangakuan ng pagibig, kay sa naturang giliw ay nilulunod sa kapighatian....

--Ikaw ang may sala--ang marahang patlang ni Dolores--¿hindi ba kahapo'y isinumpa mong ako'y iyong igagalang?

--Tunay. At siya ko namang ginaganap...

--Paggalang pala ang iyong inasal!

--Hindi ba?

--Paglapastangan!

--Na naman!

--At di ba pagapi sa dangal?

--Loleng, huwag mong isaloob ang gayon. Ang paggalang ay kapatid ng pagibig. May halik ang paggalang at may halik ang pagibig. Ang halik ng paggalang ay idinadampi sa damit, sa paa, ó sa kamay. Ang halik ng pagibig ay sa noó, sa pisngi, ó sa kapuwa labi inilalagak. Pumili ka ngayon; ¿alin ang ibig ng Loleng ko?

--Ang halik ng paggalang--ang masaya nang tumbas ng binibini.

--Loleng, ¡lalong napopoot ka! Hagkan ko ang iyong damit ay tuturan mong kita'y nilalaro. Hagkan ko ang iyong paa, ay sasabihin mong kita'y inuuyam. Hagkan ko ang iyong kamay ay isasaad mong kita'y binibiro....

Isang ngiti at isang titig ang iginanti ng pusong nagtampo. Nagpalaot naman si Artemyo.

--Sapilitan, irog ko, na ang pipiliin mo ay ang halik ng pagibig. Siya kong ginanap, tanda ng aking pagmamahal. Doon ay kalakip na rin ang paggalang na aking ipinangako kahapon.

--Lahat ng matwid ay na sa iyo!

--Sapagka't ako ay taong may katwiran....

--Sinungaling!...

Isang malakas na tawag na "Loleng" ang gumambala sa paguulayaw ng dalawa. Yaon ang makapangyarihang tinig ni kapitana Martina. Lumingon ang tinawagan, bago nagpaalam sa kasi:

--Artemyo, tinatawag na ako ng Tiyang.

--Lilisanin mo ba ako?--ang lambing naman ng binata.

--Pumanhik tayong dalawa.

--Baka di maganda ang gayon?

--Mauuna ako't sumunod ka mamiya.

--Mabuti pa.

--Aantabayanan kita?

--Asahan mo.

At tumalikod ang binibini matapos ihandog sa giliw ang isang kumpol ng sampagita. Handog na waring walang katuturan, nguni't minahal ni Artemyo. Sapagka't yaon ay nilagakan muna ng isang halik ng kanyang pinopoon. At sinasamyo ng binata samantalang pinanonood niya ang pagyaon ni Dolores.

Noon nama'y naglilikom na ng liwanag ang ilaw ng sangdaigdig. Ang dilim ay marahang nagbubuka ng pakpak. Nagsisimula na ng pagawit ang panglaw at lungkot ng gabi. Mana'y marahang namumukadkad sa kaitaasan ang mga sampagita sa bukid ng Diyos, iyang mga bituing nagpapagunita ng luwalhati sa kabilang buhay.

Malaong sandali pa ang lumipas, bago narinig ang:

--Magandang gabi po--na patao ni Artemyo upang tumupad sa pangako.

--Magandang gabi po naman--ang pakunwaring salubong ni Dolores--Tuloy kayo....

Pumanhik ang panauhin at nagtuloy sa salas. Doon ay inabot niya si kapitana Martina. Nagbigay ng galang at payapang naupo. Si Dolores naman ay naupo na rin. Ito ang nagbukas ng salitaan:

--Saan po kayo nanggaling?

--Doon po sa bahay.

--Ngayon lamang kayo naligaw dito ah--ang pangatlo ni kapitana Martina.

--Bakit naman po?--ang tutol ng binata.--Noong lamang isang linggo ay narito kami.

--Siya nga pala--ang patalo na ng kapitana--at noon nga pala kayo nagharana. Hanggang ngayon ay di ko pa nalilimot yaong inawit ni mang Huwan na ayaw ko sa intsik....

At tinapos sa halakhak. Tawa rin ang itinugon ng dalawang kapulong.

--Bakit po ba hindi ninyo kasama noon si mang Beteng?--ang usisa ng binibini.

--Ayaw na pong makibarkada sa amin--ang tugon ni Artemyo.

--Kung ilan nang haranahan iyan na di nakakasama yaon eh....--ang katig ng kapitana.

--Napupuna ko nga rin--ang dugtong ng dalaga.

--At ¿bakit di mo mapupuna?--ang biro ng ali--sa iyon lamang ang itinatangi mo....

--Ang Tiyang naman!--ang tanggi ni Loleng.

--Ehem!--ang salo ni Artemyo.

--Siya; kung ayaw ka ng itinatangi ay minamahal...--ang dugtong ng kapitana.

--Nagkatabas tuloy!--ang tawa ng binata natin.

Isang makahulugang irap ang inihagis ng dalaga kay Artemyo. Ginanti naman nito ng isang titig. Ano pa't mga mata ang pinapagusap. At sa mukha nila ay nababasa ang pagkainip sa matandang kaharap. Salamat at ito ay mapagbigay at nataunang nanalo noon sa pangginge; kaya malamig ang ulo at binigyang panahon ang dalawang puso upang magulayaw. Lumabas ang kapitana at nilisan ang mga kausap. Lumaya ang dalawang pusong nagtatalik sa galak.

--Waring hindi batid ng ali mo ang ating lihim?--ang saad ni Artemyo.

--Hindi, at magingat ka--ang tugon ni Dolores.

--Naparito na ba si Beteng?

--Oo. Di ko pa pala naibabalita sa iyo na sila ay nagharana rito.

--Kailan?

--Noong Huwebes ng gabi.

--Sino sino sila?

--Wala akong nakilala; nguni't sa inyong magkakasama noong araw, ay si Beteng lamang ang kasama.

--Nagsarili na!

--Hindi lamang iyon. Sumulat pa sa Tatay na ikaw daw ay alipin lamang. Nagsisilbing-kanin ka raw sa kanya, kaya di ka dapat tanggapin dito.

Napipi at namutla sa galit ang nabiglang binata. Ang binigkas na yaon ng kanyang kasi ay naging matunog na kulog sa kanyang pangdinig. Siya ay nangliit. Aywan kung inapi ng kahihiyan ó sinupil ng poot. Datapwa't sa pagyaon ng ilang sandali ang mukha niya'y naging maamo. Tulad sa nagkasalang humihingi ng tawad.

--Salamat na lamang--ang patuloy ng dalaga--at ako ang nakatanggap. Kaya, ni ang Tatay, ni ang Tiyang, ni sino pa man dito, ay walang nakabatid.

--Nahan ang liham?--ang mana'y usisa ni Artemyo.

--Sinunog ko.

--Bakit mo sinunog?

--Sapagka't gawa ng taksil.

--Di mo na ipinabasa sa akin?

--Baka pa matunghayan ng iba.

--Bakit mo nalamang sulat niya?

--Dahil sa may lagda.

--Nilagdaan!

--Maniwala ka.

--Ng pangalan niya!

--Tunay.

--Kay tapang!

--Duwag, ang sabihin mo.

--Sayang at di ko nakita!

--Huwag na.

--Nananalig ka naman?

--Hindi! ¡Hinding hindi!

--Bakit?

--Sapagka't walang katotohanan.

--Totoo yaon!

--Ano sa akin?

--Tapat ang sumbong niya.

--Walang ano man.

--Paniwalaan mo!

--Ipalagay mong ako'y naniniwala. Maging totoo nang busabos ka niya, ¿ano ngayon? ¿Ang pagibig ba'y nahahadlangan ng mga bagay na iyan?

--Dolores!

--Kung ang pagirog mo ay naigigiba ng inggit at imbot, ang pagibig ko ay hindi. Matibay. Kasingtibay ng moog. Kamatayan lamang ang makapagwawalat.

--Bulaan!

--Masusubok mo rin.

--Nasubok ko na. Sa isang halik lamang ay pinatulo mo na ang iyong luha....

--Sapagka't nalunos ako sa aking pagkadalaga.

--Di lalong malulunos ka sa palad mong tatamuhin ng isang busabos?

--Kabila man ng busabos, kung iniirog ko at minamahal, sa akin ay daig pa ang haring na sa trono ng luwalhati.

--Diyata?

--Tunay.

--Ang katunayan?

--Kinamit mo na.

--Yaon bang tinamo sa lakas-loob; halik na itinangis ng hinagkan, ay siya mong patunay?

--Sapat na yaon.

--Ang pagibig ay walang kabusugan!

--Hindi pa panahon.

--Lahat ng sandali ay dapat pakinabangan.

--Sa iba nang pagkakataon.

--Naipagpapaliban pala ang sanla ng pagibig....

At tinapos sa pagpisil ng kamay ng binibini. Tumayo ang binata at naglingon-likod. Ang dalaga ay kinabahan at umiwas na:

--Hayun ang Tiyang!

--Mamatay na tayo!

At boong tapang na inilagda ni Artemyo ang pangalawang halik ng pagirog sa mapulang pisngi ni Dolores. Ito ay nagitla, subali't nang matiyak na di sila napuna ng kapitana Martina ay magiliw na nagsabing:

--Pangahas ka rin!

--Kay palad ko ngayon!--ang galak ni Artemyo--Sa gabing ito nahawi ang dilim ng aking pagasa. Nababanaag ko na ang liwayway ng aking kapalaran. Datapwa't, Loleng, Loleng, huwag ka sanang padadala sa dila ng mga umaagaw ng aking dangal....

--Hindi, at isinasamo ko sa iyong huwag mo nang mababanggit kay mang Beteng ang liham niya sa Tatay.

--Asahan mo.

--Ilagan mo sana ang sigalot.

--Huwag kang magalaala.

--Talagang gayon ang kalulwang sawi sa pagibig. Parang ulol na di nalalaman ang ginagawa. Awa ang dapat ihandog sa kanila.

--Siyang totoo.

--Naku, sukat bang siraan ka! At sira pa namang kahahalataan ng pagkaimbi....

--Kay pangit!

--Sawing palad na lalaki!

Ang orasang nakasabit sa dakong itaas ng pinto, ay nakisagot din. Walong pantig ng kanyang batingting ang pinaltik. Ang oras ng pagaalaala sa mga kalulwa sa purgatoryo'y siyang ibinansag.

--Ika walo na pala!--ang saad ni Artemyo na dinukot at minasdan ang kanyang orasan.

--Ay ¿ano kung ika walo na?--ang putol ng dalaga--¿naiinip ka ba?

--Naiinip? ¿Mainip ako sa piling mo? Loleng, kung makukuha ko lamang ang aking puso, at ihaharap ko sa iyo, ay makikita mong sabik na sabik sa iyong dilag at pagmamahal. Nais ay matali na sa puso mo kung mangyayari...

--Bulaan!

--Hindi. Talagang wala akong pinapangarap, kung di ang pagbabagong buhay natin. Maging malaya tayo sa pagduduyan sa tuwa... Nguni't samantalang di pa namimitak ang ating araw, ay sumunod na muna tayo sa palakad ng panahon.

Hindi tumugon ang dalaga sapagka't noon ay sa susungaw sa pinto si kapitana Martina.

--Maalaala ko pala--ang wika nito--huwag kayong mawawala sa isang linggo, at ating ipagdidiwang ang kaarawan ni Loleng.

--Sa isang Linggo po?--ang tanong ni Artemyo.

--Sa ika 21 ng kasalukuyan--ang salo naman ng dalaga.

--Bulaklak nga pala kayo ng Mayo--ang pagpuri ng binata.

--Kaya po kasingganda ng kamya--ang dugtong ng kapitana.

--Ang Tiyang naman!--ang hinampo ni Loleng--para pa tayong taga Palanyag.

--Kung ayaw ka ng kamya ay asusena. Kung ayaw ka ng asusena ay sampagita. Kung ayaw ka ng sampagita ay rosal. Alin man ang iyong piliin ay bagay sa iyong kagandahan--ang pagtatanggol ng kapitana na lubhang nawiwiling biruin ang kanyang alaga.

--Siya nga--ang ayon ni Artemyo.

--Siya na kayo--ang salag ni Dolores.

Napatigil ang salitaan sapagka't noon ay may narinig silang yabag. Ilang sandali lamang na nagdiwang ang pananahimik at napagsino na ng tatlo. Tinig ni kapitang Andoy ang kanilang napansin. Hindi nagkabula ang palagay. Sumipot sa pinto ang matanda. Sinalubong naman ni Artemyo ng bati ng paggalang.

--Nakasabay ko po ngayon si mang Beteng--ang balita nito.

--Saan?--ang usisa ng kapitana.

--Sa trambiya--ang patuloy ng matandang Andoy--at sinabi sa aking magdadala siya rito ng komparsa sa araw mo Loleng.

--Ehem! ¡ehem! ¡ehem!--ang tikim ng kapitana.

Nagtitigan naman ang dalawang pusong naglilihim. Bago nagngitian ng ngiti ng kasyahang loob.

--Hindi raw ikahihiya sa mga panauhin ang kanyang dadalhin dito--ang dugtong pa ng nagbalita--marahil daw ay mga labing anim katao.

--Kay dami! ¡Talagang pangatawanan!--ang tuwa ng kapitana--Kayo mang Artemyo, magdala rin kayo.

--Na naman ang Tiyang...--ang hadlang ng dalaga.

--Ito nga naman--ang habol ng kapitang Andoy na hinarap ang mapagsisteng asawa.

--Susubukin ko po--ang tugon naman ng binata.

--Baka matuloy!--ang pakli ng kapitana--Biro ko lamang iyon.

--Titingnan ko rin po--ang saad ni Artemyo na napapasubo.

--Huwag na--ang pigil naman ni kapitang Andoy--sapagka't sapat na ang dadalhin ni mang Beteng. Bakit nababalitaan kong waring may bigat ng loob sa inyo, ay baka kung ano pa ang ipakahulugan noon.

--Siya nga--ang ayon ni Dolores.

Hindi nakasagot si Artemyo. Namutla at napipi. Sumikdo ang loob. Marahang sumusubo ang pagngingitngit. Titig na lamang ang ipinukol kay Dolores. Ito naman na nakaramdam ng kagipitan noon ay sinamantala ang pagtatanggol sa giliw. Anya'y:

--Dumalo na lamang kayo at isama ninyo ang inyong mga kaibigan.

--Maaasahan po--ang pakli ng binata.

--Baka di kayo sumipot?--ang habol ng kapitana Martina.

--Baka pangakong napako iyan--ang salo naman ng kapitang Andoy--bakit na sa Pako pa naman tayo.

--Hindi po--ang sagot ni Artemyo--maaasahan po ninyo.

At tumayong kinuha ang kanyang sombrero bago nagpaalam.

--Aalis na ba kayo?--ang saad ng kapitana.

--Maaga pa naman--ang dugtong ng kapitang Andoy.

--Mayroon pa po kaming paroroonan--ang pakunwari ng binata.

Kinamayan ang tatlong lilisanin. Nanaog na nalulunod ang puso. Sumisinghap sa tuwa at sumisinghap sa galit. Naluluoy sa tuwa dahil sa pagtatamo ng halik ng pagirog. Nilalagnat sa galit dahil sa paninira ni Beteng. Gayon ma'y tahimik na yumaon ang kalulwang itinaguyod ng mapalad na pagkakataon.

IV

MASIGASIG NA KILOS NI PASTOR

--Mga kaibigan--ang bati ni Pastor sa mga kasamang kanyang inabot sa isang kamalig sa daang Penyapransiya, doon din sa Pako, na nagsasanay ng pagtugtog--¿kayo yata ang dadalhin ni Beteng sa bahay nila kapitang Andoy?

--Oo--ang tugon ng may bigwela.

--Utang na loob ay huwag kayong sumama--ang patuloy ni Pastor--at ibitin ninyo sa kahihiyan ang taong yaon...

--Bakit?--ang sambot ng may gitarra.

--Mangyari ay kung ano anong paninira ang ginagawa kay Artemyo--ang tugon ng Pastor--at kayo ay dadalhin doon upang patunayang lalong malakas siya kay Artemyo. ¿Yaon ba ay gawa ng kasama?

--Ang lagay pala ay nagkagalit sila ni Artemyo?--ang usisa ng nakasalamin.

--Oo--ang paliwanag ni Pastor--at ang pinagmulan ay dahil kay Dolores.

--Ano ang nangyari?--ang pagkamangha ng lahat.

Lumingon muna si Pastor, bago sumagot:

--Lubhang katawatawa.

--Bakit?--ang pagkasabik ng ilan.

--Makinig kayo--ang patlang ni Pastor.

--Si Artemyo ay palaging niyayaya ni Beteng upang haranahin si Dolores, dahil sa ito ay artista at may mayamang tinig. Siya, si Artemyo, ang palaging pinaaawit sa kanilang pagtapat. Nguni't si Dolores ay di rin mahabag sa kaawaawang Beteng. Ang pista pa nito ay si Artemyo ang napusuan. Ano pa't ang tulay ay siyang naibigan.

--Aha!--ang pagtataka ng may dalang biyolin.

--Siya nga--ang ayon naman ng may hawak na gitarra--at noong magharana kami noon araw doon, ay umalis iyang si Beteng nang hindi man lamang nagpaalam sa amin.

--Nakahalata marahil!--ang hatol ng may katandaan na.

--Nakita na ninyo?--ang habol naman ni Pastor--Pati kayo ay hinahamak gayong nangungutang lamang ng loob.

--Ano ang magagawa natin sa taong walang turing?--ang tanong ng may hawak ng bigwela na malaon na yatang may poot kay Beteng.

--Gayon pala! ¿Bakit pa kayo sasama sa kanya?--ang ulos ni Pastor.--Ipagmamalaki lamang kayo at pagkatapos ay diyan na kayo...

--Bakit naman pumatol si Artemyo?--ang usisa ng isa.

--Tao namang ito!--ang agaw ng kasamahan din--¿May manok bang tumanggi sa palay?

--At ¿ano naman ang dapat itawag sa lalaking iniibig ng babai ay nagwawalang bahala?--ang tanong ni Pastor.

--Binubai!--ang maagap na salo ng may katandaan.

Isang matunog na halakhakan ang pumutok.

--Samakatwid--ang hadlang ni Pastor--ay tumupad lamang si Artemyo sa kanyang tungkulin upang huwag matawag na binabai...

--Katwiran--ang hatol ng marami.

--Bakit nagagalit si Beteng at sinisiraang mabuti si Artemyo?--ang tanong pa rin ni Pastor.

--Paano'y naagawan ng tuson!--ang salo na naman ng mapagsiste.

Panibagong halakhakan na naman.

--Isang sagot ngayon mga kasama--ang saad ni Pastor--¿sino ngayon ang dapat samahan, si Artemyo ó si Beteng?

--Bakit ba? ¿Magdadala rin ba ng komparsa si Artemyo?--ang usisa ng isa.

--Binabalak ko sana--ang tugon ni Pastor--pagka't totoo akong nasakitan noong sabihing si Artemyo raw ay taksil dahil sa kapangpangan...

--Sinabi ni Beteng ang gayon?--ang pandidilat ng isang kapangpangang bandurista.

--Maniwala ka kasama--ang patigas ng tinanong--at kaya sinabi ang gayon ay dahil sa nabigo sila sa akin. Ako'y inamuki nila ni Simon, upang agawan ng dangal si Artemyo, datapwa't nagkagalit lamang kami sapagka't di ako pumayag...

--Sa inyo ako sasama--ang pagkukusa na ng banduristang kapangpangan.

--Ako man--ang habol ng may hawak na biyolin.

--Ibilang na rin ninyo ako--ang sunod ng may plauta.

--Welga na tayong lahat--ang sabi naman ng isa.

--Welga! ¡Welga! ¡Welga!--ang sagutan na ng lahat.

--Mabuhay si Artemyo!--ang sabi naman ni Pastor.

--Mabuhay! ¡Mabuhay! ¡Mabuhay!

At tumugtog sila ng isang masarap na tugtugin, tanda ng tagumpay ni Artemyo. Galak na galak naman si Pastor. Samantala'y nagpapaindayog na mabuti ang tinig ng biyolin.

Natapos ang pamamayani ng bigwela at ang bibig na naman ni Pastor ang narinig.

--Upang malubos ang ating galak ay huwag ninyong sasabihin kay Beteng na hindi na kayo sasama sa kanya.