Agawan ng Dangal

Part 1

Chapter 1 3,716 words Public domain Markdown

Aklatan ñg "Kami Naman"

AGAWAN ÑG DAÑGAL

Kasaysayang Tagalog

Katha ni

FAUSTA CORTES

Nagíng Pangalawáng Pang-ulo ng "Liga de Mujeres Filipinas"; Kinatawán sa Unang Kapulungang Manggagawa at Taga-Ingat-yaman ng "Magdamayán At Nang Matanghál".

Ikatlong aklat ñg aklatan ñg

"KAMI NAMAN"

Aklatan ng "Kami Naman" 1045, Daang Dart, Pako, Maynila, K. P.

1914

SA TUTUNGHAY

Kapatid: ¡Kay laking pagkabigó mo! Oo, nabigo ka; sapagka't kaya mo binili at babasahin itong Agawan ng Dangal, ay sa paniniwala mong ito ay kagaya ng mga nabasa mo nang akda, na pawang mahahalaga at matatamis. Samantalang ang Agawan ng Dangal ay dahóp na dahóp sa palamuti ó hiyas na iyán. Salat sa matatamis na pananagalog. Dukha sa matatayog na isipan. Kapós sa mararangal na turo. Paano'y ako sa Lupon ng mga Manunulat ng "Kami Naman", ay isang baguhan sa larangan ng panulat. Lakas-loob lamang ang umakay at nagbunsod sa akin. Gayón ma'y naniniwala akóng pakikinabangan mo upang gawing aliwan. At huwag nawang kumupas ang kapuripuri mong pagmamahal sa wikang tagalog.

Ang Kumatha.

PATALASTAS

Ang AGAWÁN ÑG DAÑGAL ay siyáng ikátlóng aklat ñg Aklatan ñg "Kamí Namán" na pinalabás ñg Lupon ñg mga Manunulat. Una ang "Tagumpay ñg Apí" ni Bb. Pascuala Pintor at ikalawá ang "Tuntunin ñg Pulong" ni G. Rosendo S. Cruz.

Ang AGAWÁN ÑG DAÑGÁL ay ipinagbibilí sa lahát ñg bilihan ñg aklat dito sa Maynila, sa halagáng dalawang piseta (P0.40) ang bawa't salin.

Ang AGAWÁN ÑG DAÑGÁL ay mababasa rin ñg mga na sa lalawigan, kung magpapadalá ñg halagáng isáng salapi (P0.50) kay Bb. Carmen de la Rosa sa Aklatan ñg "Kamí Namán", 1045, daang Dart, Pako, Maynila, K. P.

Ang AGAWÁN ÑG DAÑGÁL ay mapapakyáw sa Aklatan ñg "Kamí Namán" at nagbabawas ñg malakí sa halagá.

Ang AGAWÁN ÑG DAÑGÁL ay aring tunay ñg kumatha.

Ang AGAWÁN ÑG DAÑGÁL ay gaya rín ñg lahát ñg sinulat ñg mga tagá "Kamí Namán", na maaaring bilhín sa pamamagitan ñg liham. Sumulat at ilakip ang halaga ñg aklat at gugol sa selyo sa nasabi ñg Aklatan ñg "Kamí Namán", at walang salang di nila tatanggapín sa pagbalík ñg korreo. Dapat ipadalá ang kalatas kay Bb. Carmen de la Rosa, ang Pañgulo ñg Lupon ñg mga Manunulat ñg "Kamí Namán".

AKLATAN ÑG "KAMI NAMAN" 1045, DAANG DART, PAKO, MAYNILA, K. P.

LUPON NG MGA MANUNULAT

MGA KATHANG LUMABAS NA

UNANG AKLAT TAGUMPAY NG API

Katha ni Bb. Pascuala Pintor, Pangulo ng Lupon ng mga Bituin ng "Kami Naman" at pangatlo sa mga babaing pilipina na sumulat ng nobela. Ang kathang ito ay larawan ng mga pusong kulang ng pagtatapat.

IKALAWANG AKLAT TUNTUNIN NG PULONG

Sinulat ni G. Rosendo S. Cruz, Pangulo ng Pamahalaan ng "Kami Naman." Isang ganap na patakaran ng maayos na pagpupulong. Halaw sa bantog na "Robert's Rules of Orders".

IKATLONG AKDA AGAWAN NG DANGAL

Akda ni Bb. Fausta Cortes, isa sa mga Bituin ng "Kami Naman" at pangapat sa mga babaing pilipina na lumikha ng kasaysayang tagalog. Ang akda ay matatarok sa pabasa ng aklat na itó.

PANGUNANG HAKA NI G. ROSENDO S. CRUZ

Hiniling ng pinagpipitaganang kong Bb. Fausta Cortés, kumatha ng aklat na ito, na ako ang siyang magbigay ng pang-unang salita dito sa kaniyang akdang AGAWAN NG DANGAL. Pagkapalibhasa'y naging ugali ko na ang di marunong sumuay sa mga ganitong pithaya, lubha pa't ang humihiling ay isang gaya ni Bb. Fausta Cortés na di marapat pagkaitan, kaya mahirap man sakali sa akin ang tumungkol sa ganitong bagay ay tutupad ako at tahasang ilalahad ang aking mga kuro-kuro.

May ilan nang taong lumipas ngayon na ang suliranin ng feminismo dito sa ating bayan ay napagtalunan hanggang sa mga pahayagan. Pinagkuro kong matamán ang mga katwirang pinanghawakan ng mga sangayon at di sangayon, hanggang sa ang naging wakás ay napanig ang aking paniniwala sa salungat.

Parang pagsurot sa aking pagpanig sa mga di sangayon sa feminismo ay walang kaabogabog ay sumipot naman ang mga kilalang kapisanan ng mga babae na ang mga pamagat ay "Liga de Mujeres Filipinas" at "Ang Babae Ngayon". Ang mga kapisanang ito, na pawang itinataguyod ng mga babae ay nagpakita ng kanikanilang kasiglahan at kapuripuring kabayanihan. Nang mapagmalas ko ang ganitong kilusan ng mga babae ay unti-unting nahahapay ang aking pananalig sa di pagsangayon sa kababaihan. Unti-unting nawala ang aking pag-aakalang ang mga babae ay dapat lamang maging reina ng mga tahanan, bulaklak na humahalimuyak sa isang halamanan.

Hindi nga lamang ito ang siyang nakapaghawi sa tabing ng mali kong akala, kundi ng matunghayan ko ang mga ilang aklat na katha ng mga babae na ang mga ito ay ang "Sawing Pagasa" ni Bb. Francisca Laurel, ang "Nang Bata pa Kami" ni Bb. Pura L. Medrano, at ang "Tagumpay ng Api" ni Bb. Pascuala Pintor. Ang pagsipot ng mga nasabing aklat ay siyang lubusan na nagpagupo sa aking pananampalataya na ang mga babae ay batbat lamang ng hiwaga, palamuti ng isang tahanan, at aliwan sa magusot na buhay na ito. Ngayon ako nanalig na ang mga babae ay hindi nga lamang pala isang kasangkapan sa loob ng ating mga tahanan, ni bulaklak na samyuan ng bango, kun di ang mga babae nga pala ay isang tunay ding lakás, isang bahagi ng lahi na may karapatan at kakayahang makatulong ng pagpapaanyo ng isang bayan, ng isang lahi, at ng sangkatauhan.

Dapat alisin ang piring ng ating mga mata at ititig diyan, sa mga babaeng may mga ginintuang pagkukuro. Dapat hangaan ang kanilang katalinuhan at kailan man ay di nararapat ipalagay ng kahi't sino na ang babae ay alangan sa pagkukuro ng isang lalaki.

¿May alinlangan pa kayo?

Naririto ang isa pang matibay na saksi ng aking mga pangungusap. Basahin ninyo ang kathang AGAWAN NG DANGAL na bunga ng isipan ng isa ding babae na si Bb. Fausta Cortés at pagkatapus ay dilidilihin ninyo ang mga nasasaysay, tutupin ang inyong dibdib at sabay na tanungin ang inyong sarili kung tunay ngang ang ganitong panulat ay dapat hangaan at sampalatayanan.

Ang aklat na ito ay isang matibay pa ngang saksi (aking inuulit) ng katalinuhan ng mga babae, lalo't higit ang sa kaniya'y kumatha. Dumadaliri ang aklat na ito sa maling kinahimalingan ng ilan na pagmamaimbot ng sandat at imbing karangalan, pagwawalang bahala na sa lahat, mangyari na ang ano mang mangyayari makaagaw lamang at magtagumpay ang pagiimbot ng dangal. Anopa't ang aklat na ito ay nararapat maging salaming malinaw ng mga masasama at mabubuting kalooban. Ang suliraning idinudulot ng aklat na ito ay nasa babasa ang kaibigan, alalaon baga'y, kung ang mangbabasa ay walang takot na maging ganid at matapang ang loob na maging asal Kain ay pupulutin niya ang mga pakana ng may masamang asal na nalalarawan sa aklat na ito. Nguni't kung ikaw na mangbabasa ay kapatid ni Mabuting asal at anak ni Malinis na budhi ay pupulutin mo naman ang mga bagay na kapuripuring tinungkol ng ulirán ng magagandang asal.

Dapat ngang hangaan ang panulat at pagkukuro ng babaing may katha ng aklat na ito. Ang isang kabaro ni Eva na may ganitong katalinuhan ay katangi-tangi. Ito'y talagang taglay ng kabihasnan.

¡Sulong kayo kababaihan! Ngayon ay panahon ng pagkilos. Pagbibigti ang pagwawalang kibo at pagpapakaimbi ang paghahalukipkip.

Rosendo S. Cruz. Agosto 2, 1914.

SA MGA BITUIN NG "KAMI NAMAN"

Makikislap na Bituin:

Lahat ng búhay ay nagtatapos sa mapanglaw na kamatayan. Lahat naman ng Samahan ay nagwawakas sa masaklap na paghihiwalay. Ang lakad na ito ng kalikasan ay talagang di na mababago ngayon at sa haharapin. Nguni't ang sanla ng pagaalaala, sagisag ng pagmamahal, ay di kumukupas kailan man. Bagkus lalong nagiibayo habang tumatagal, ang tingkad at uri ng katuturan. Paano'y walang pagmamahal na napariwara.

Ang kalakhan ng aking pananalig, na walang pagaalaalang nasawi, ay siyang nagutos sa akin, ng paghahandog ko ng maralitang akdang ito, sa inyong kapitapitagang mga bakás; saksi ng aking pagmamahal. Inihahandog ko sa inyong mga yapak, hindi upang kayo ay aralan, kung hindi upang aliwin ang inyong mga pusong laging nangangarap ng biyayang dulot ng pagibig.

At ¿sino ako sa harap ng makikislap na «Bituin»?

¡Ako!

¿Ako ang mangangaral?

¡Ni sa panaginip ay hindi mangyayari!

Kailangang masaulo ko ang dunong ng sangkatauhan; kailangang matarok ko ang lihim ng sangkalangitan; kailangang ako ay maging araw muna, bago ako lumuklok sa matayog na karangalang guro ng mga «Bituin».... At sapagka't hindi mangyayari ang ginto kong guniguni, ay manulos na lamang tayo, sa ang AGAWAN NG DANGAL ay inihahandog ko sa inyo, tanda pang minsan ng aking pagmamahal.

Inihahandog ko rin namán sa inyo, upang kung kayo ay umaawit na ng bagong búhay, ay magunita man lamang, na kayo ay naging «Bituin» ng «Kami Naman», suló na tumanglaw sa landás na binagtasan ng masisikap na kawal ng kilusan ng mararalita. At mapagukulan nawa ninyo ng dukha mang alaala ang mga nasawi sa pagsisigasig na itanghal ang bayang mahirap. Sa gayon ay mabibilang tayo sa boong sangsinukob na humahanga at nagdadangal sa mga pinagpala dahil lamang sa pagsisikap na buhayin ang naghihingngalong pagkakapatiran....

¡Maging dapat nawa sa inyong kadakilaan!...

Nakikipagkapatiran,

Fausta Cortes. Pako, 5 ng Mayo ng 1914.

AGAWÁN ÑG DANGÁL

"Pagpipilitan naming bakahin ang lalong masamang sakít ng tao: ang AGAWÁN NG DANGÁL, sakít na nagbabagsak ng mga banal na layon at dakilang pangarap; sakít na lalong mabisa sa pagpatay sa naghihingngalong pagkakapatiran at pipilitin naming sa ibabaw ng sakit na iyán, ay magluningníng ang tagumpay ng wastong ugali, ang paggalang at pagibig ng tao sa tao...."

--Mga pangungusap ni G. Angel de los Reyes, Pangulo ng "Kami Naman," sa talumpating binigkás nitó sa pagtatanghál ng Samahán, noóng iká 26 ng Oktubre, 1912.

I

MGA PUSONG NAMANDAW NG KAPWA PUSO

Ang kapanglawang naghari ng gabing yaon sa isang nayon ng Pako ay binulahaw ng pagtapat ng ilang pusong namamandaw ng kapwa puso. Noon ay isa sa mga gabi ng Enero; gabing napakalungkot, palibhasa'y mangilangngilang bituin lamang na nagbabansag ng kadakilaan ng Diyos, ang nagaantilaw sa nagtatampong langit. Ang buwan noon ay nagmaramot ng kanyang liwanag, at aywan kung saang sulok ng kalawakan nagkubli ang kaibigan ng gabi. Samantalang ang mga kuliglig at panggabing ibon ay umaawit ng tagumpay, ang mga bulaklak naman ay ipinagpapalalo ang kanilang bango, alindog, at halimuyak. Nguni't, sa lahat ng ito ay namamaibabaw ang tinig ng mga kalulwang idinadaing ang pagirog, gayong ang bahay na tinatapatan ay waring libingang lahat ay natatahimik.

Natapos ang pangbungad na tugtog. Isinunod naman ang isang magandang gabi pong kundiman. At dito'y tinawagan na ang dalagang pinipintuho. Sa pamamagitan ng malalambing na tinig, ay naunawa ng lahat ng doroon, na si Dolores pala ang dinadaingan.

Pagkatapos ng kundimang yaon, ay siya nang pagbubukas ng langit. Ang lapat na durungawan ng bahay na tahimik ay nabuklat. Isang diwata ng bagong panahon, isang bituing mayaman sa ganda, ay siyang tumanglaw sa mga pusong mapagpuyat; nagsabog ng liwanag at tuwa.

--Magandang gabi po!--ang magalang na bati ng lahat ng na sa lupa.

--Magandang gabi po naman!--ang magiliw na tumbas ng binibini--Tuloy kayo!... ¡tuloy!...

Ang bahay na may kaliitan ay nagsikip sa labing tatlong kalulwang umakyat sa langit.

Ilang sandali lamang ang nakaraan at namayani na naman ang bigwela, biyolin, bandurya at plauta. Ang kaniláng tunog na tagapagtaboy ng hapis, ay minsan pang nagtanghal ng gilas.

Sa isang dako naman ng harapang yaon, ang magandang si Dolores, ay nagsasabog ng kanyang yaman: ng dilag at hinhin. Ang maayos na tabas ng mukha ay napapatungan ng maiitim na buhok. Ang mapupulang pisngi ay tumatapat sa matingkad na itim ng kilay. Malalagong pilik-mata ang nagaalaga sa maamong malas. Isang katatagang tangos ng ilong ang nagmamalaki sa madugong mga labi. At nagiinamang mga ngipin ang bakod ng katamtamang bibig na binubukalan ng magigiliw na pananalita.

Samantalang ang mga kaharap ay isinasaloob ang pagpapasarap sa kanilang tugtugin, si Dolores naman ay isinasabog ang kanyang mga sulyap at titig. Inisaisang lihim na minasdan ang mga binatang yaon. Ang puso niya'y sisikdosikdo; parang giniginaw na nilalagnat. Alangang magmalaki at alangang mangimi.

Sa isang dako naman, ay payapang nakikinig ang isang ginoo. Matabang sa mukha ay nababasa ang kagulangan na. Siya ay si kapitang Andoy na ama ni Dolores; ang kilala sa pangalang Alehandro Balderrama. Siya ay isa sa mga kinaaalangalanganan sa daang yaon ng Sagat. Baga man lipas na ay kapitan pa rin ang tawag sa kanya. Sa tabi nito ay mukhang napopoot, nakasimangot, at maasim na maasim ang mukha, ng kapitana Martina, ang ali ni Dolores. Marahil ay dahil sa pagkabulahaw sa kanyang tulog. Liban sa tatlong ito, kay Dolores, sa kanyang ama, at sa kanyang ali, lahat na ng doroon ay kabilang na ng mga namamandaw ng puso.

«Loleng nalulungkot ako!...» ang manay siyang bungad na kundiman noong binatang tagaawit. Isang malumbay na tugtog ang isinaliw naman ng bigwela. Si Dolores ay napalingon sa di kinukusa at naabala tuloy na magpasigarilyo. Ang puso niya'y lalong nilagnat, at pinawisan siya ng malamig. Irap naman ang itinugon ni kapitana Martina. At matapos ang magiliw na awit sa «...ay, Loleng ng buhay ko!...»

--Aling Loleng--ang saad ng isang makisig na binatang kanina pa, ay mapupupuna na, na siya ang may patapat--ipinakikilala ko sa inyo ang aking kaibigan--at iniharap ang binatang umawit.

--Bagong lingkod mo po;--ang sambot ng ipinakilala.--Artemyo de la Pas.

--Salamat po;--ang magiliw na tugon ng dalaga--gayon din po naman: Dolores Balderrama.

At sila'y nagkamayan, hanggang sa naipakilala ang lahat. Habang si kapitana Martina, ay lalong nagniningas ang poot, si Beteng naman, ang binatang may paharana, ay parang nagmamalaki sa kanyang mga kaibigan. Bawa't makasiping ay binulungan ng «¿Bagay na ba sa akin?» Lihim na tatawa at panakaw na tititig sa masayang mukha ni Dolores. Hindi mapalagáy ang binata. Sa lahat ay masasayáng ngiti ang iniuukol. Palipatlipat ng upo, at sa labing-dalawáng kasama ay siyá ang lalong masigla at nagtatalík sa galák.

Ang katahimikan ay ginambala na naman ng tugtugan. Parang sinasadyang binibiro ang pagkaasim ng mukha ng kapitana Martina. Nguni't ¡himala yata at biglang nagbago ang kunot na noo, noong madinig na muli ang panambitan ni Artemyo! Masayang nakiumpok at sinipingan ang kanyang ipinagmamalaking si Dolores.

"Ay Loleng! ay Loleng!... ako'y mamamatay... kung hahabagin mo ang daing ng buhay..."

Iyan ang simula ng mapanglaw na pagdaing, balot ng taos na hinagpis, at sa tinig na waring nalulunod sa hirap.

Sa kalagitnaan, ay nagpahalata ng panibugho; panibugho na bunga ng pagmamahal; at pagmamahal na likha ng pagirog. Anya'y:

Kung tumititig ka sa ibang binata, ang buhay ko Loleng ay papanaw yata...

Lalong sinasal ng pagtibok ang puso ni Dolores. Waring kinikiliti naman si kapitana Martina. Gayong nakangiti ng galak ang inaantok na kapitang Andoy. Patuloy naman sa pagsasaloob ng tugtog yaong labing tatlong panauhin.

Napalaot ng napalaot yaong si Artemyo sa pagawit. Halos tinig na lamang niya ang nagdidiwang sa loob ng bahay. Dahil sa sarap ng kundiman, kung minsan ay itirik ang mata sa ilaw na nakabitin. Nguni't lalong marami ang lihim na sulyap niya kay Dolores, ang nahuhuli ni matandang Martina.

"Sa paglalaro mo ng mga bulaklak gunitain lamang ang aba kong palad..."

Iyan ang patuloy ng binatang Artemyo sa kanyang pamamaibabaw. Sinasamantala naman itó ni Beteng upang kaulayawin ang kanyang pinopoon.

--Aling Loleng,--ang wika--talaga pong sa kaibigan kong iyan ay ipinagkakatiwala ko ang aking boong buhay...

--Gayon pala!--ang sambot ni Dolores--na ipinagkatiwala na ninyo sa kanya ang boong buhay ninyo, ay ¿bakit pa kayo sumama rito?

--Ba!--ang tutol ni Beteng--ang ibig kong sabihin ay ipinagkakatiwala kong siya na ang dumaing ng hirap ko...

--Sapagka't ang damdamin ng puso ni Pedro ay maidadaing ng bibíg ni Huwan....

--Napopoot ba kayo?--ang maamong tanong ni Beteng na nakahalatang totoong mailap si Dolores. Napuna niyang ang mga tugon sa kanya ay nasasaputan ng suliranin.

--Bakit ako mapopoot?--ang pakli ng dalaga--sa ang katotohana'y ariin mang biro; ay ipinagtatapat kong walang itatagal ang aking puso sa kanyang panambitan....

"Di ka na naawa sa aking pagdaing: buhay ng buhay ko ligaya at aliw..."

Ang waring pakikihalobilo ng kundiman na ikinauntol ng pagsasalaysay ni Dolores. Sandali silang nanahimik, bago nagsalita si Beteng ng:

--Diyata't ¿wala kayong itatagal sa kanyang panambitan?

--Kung wariin ko--ang salo ng dalaga.

--Sa gayo'y namamanaag na ang aking tagumpay!

--At bakit po?

--Di ba sinabi ninyong nahahabag ang puso ninyo sa kanyang panambitan?

--Opo.

--Di nababagbag na ang loob ninyo sa akin? Sapagka't ang daing ni Artemyo ay siyang daing ko....

--Gayon po ba?

--Sinabi ko na pong ipinagkakatiwala ko sa kanya ang boong buhay ko.

--Ah, ¡mali kayo! ¡Iba si Artemyo kay Beteng! Ang daing ni Artemyo ay buhat sa kanyang puso kaya ang pagkahabag doon, ay pagkahabag sa kanyang pagkatao.....

--Nagbibiro yata kayo!

--Hindi. At ¿bakit ko kayo bibiruin?

--Aling Loleng!

--Talagang totoo: ang puso ko'y nababagbag sa kanyang panambitan. ¡Kay tamis niyang umawit! ¡Kay sarap dumaing!

--Aling Loleng! ¡Nilulunod ninyo ako!...

Hindi sumagot ang dalaga nguni't ang malas ang pinapagsalita. Tinitigan si Beteng ng titig na makahulugan. Aywan kung bakit kinuha nito ang kanyang sombrero at matuling umalis. Nilisan ang kanyang mga kaibigan at kasama ng walang pasintabi. Sa katamisan ng kundiman ni Artemyo ay di naman siya napuna. Liban kay Dolores, ang mahinhing si Loleng, ay walang nakaino. Ito lamang ang nakatatarok na si Beteng ay yumaong may taglay na poot at banta. May poot sapagka't nabigla siya sa mga tugon ni Dolores. At may banta sapagka't nalalamangan siya ni Artemyo. Anaki'y isáng bayang nilubugán ng araw ang dibdib niyáng binabayó ng pagngingitngit.

"Titigil na naman ako sa pagdaing, na nagaantabay ng awa mo Loleng..."

Diyan natapos ang malungkot nguni't magiliw na kundiman, na dinaluhan ng nakakikiliting taginting ng bigwela at biyolin.

Hindi napigilan ni kapitana Martina ang kanyang palakpak; datapwa't si kapitang Andoy ay tinalo na tuloy ng antok.

--Salamat po--ang magiliw na sabi ng ating dalaga, bago pinagukulan si Artemyo ng--¡Kay buti pala ninyong umawit!...

--Baka kung ano na po iyan?--ang may hiyang pakli ng binatang pinuri.

Ang usisaang "¿nahan si Beteng?" ay siyang pumigil sa dalaga upang tugunin ang binata. Isa't isa'y nagtanungan. Sa tanóng ay tanong din ang itinutumbas. Kaya't nagdiwang ang alingasngas at lahat, liban kay Dolores at sa nakakatulog na kapitang Andoy, ay pinagharian ng pagtataka.

--Marahil ay may sumundo--ang saad ni kapitana Martina.

--Magpaalam na tayo--ang lihim namang anyaya ng may hawak ng bigwela sa kanyang katabi.

--Siya nga--ang ayon naman nito.

--Tayo na--ang ulit ng isa.

--Gabi na tayo--ang patuloy ng iba.

At lahat ay pinatahimik na naman ng tagingting ng tuwa. Tumugtog sila ng isang pangwakas. Si Artemyo noon ay napatabi.

--Aalis na ba kayo?--ang tanong ni Dolores sa mapalad na binata.

--Opo,--ang tugon nito--sapagka't totoong mababagabag kayo.

--Wala po kayong aalalahanin.

--Salamat po.

--Kayo pala'y kinatawan ni mang Beteng--ang may ngiting salaysay ng dalaga.

--Siya pong totoo.

--Di ang inawit ninyo'y parang inawit nila?

--Gayon nga po.

--At ang panambitan ninyo ay panambitan nila?

--Yaon po ang dapat.

--Nagkasala ako!--ang waring hinampo ng dakilang babai--boong akala ko'y lahat ng inyong inawit ay bukal sa inyong puso, mula sa ubod ng inyong buhay!...

Kinabahan si Artemyo ng marinig ito. Ang puso niya'y di mapalagay. Parang binabayo ang kanyang dibdib. Sampung paghinga ay nangangapos. ¡Kaawaawang kalulwá sa gitna ng kagipitan! At ang boóng pagkatao niya'y dagling sumuko sa gayóng dilág. Subali't ang kapalaran ay itinapat siya sa landas na dapat tuntunin. At anya'y:

--Ikaw po ang masusunod: maiyuukol mo saan man ibigin, at di malilihis ang iyong akala...

Hindi tumugon ang dalaga at sinamantala ni Artemyo:

--Aling Loleng, kung batid mo lamang ang itinitibok ng aking loob, ang iniluluha ng aking puso, ay sasabihin mong ako'y sinungaling....

--At hindi ba kayo sinungaling?--ang dugtong ng dalaga--¿Di ba kasinungalingan ang maglahad ng wala sa loob?

--Wala sa loób!

--Kayo na rin po ang nagsabi.

--Yaon po'y lambing lamang ng pusong nagtataglay ng hiya.... Isang pakunwari ng pagibig na nagaalangan sa dakila mong ganda....

--Nagaalangan?

--Opo, aling Loleng, at baka di maging dapat na maglingkod sa inyo....

Tinotoo na ni Artemyo ang pangungumpisal. Nilimot na niya ang kanyang tungkulin. Hindi na naaalaalang siya ay kasangkapan ni Beteng. Wala na sa gunitang siya ay bibig lamang ng kanyang kaibigan.

Si Dolores, ang mabining dalaga na sumuko ang puso sa mga pagawit ni Artemyo, ay parang nagayuma. Sa kanyang mukha at pangungusap ay nalalarawan ang paggiliw na nabihag ng mapalad na binata.

Sa pagtititigan ng dalawang kalulwa ay natapos ang pangwakas na tugtog. Ang mga namamandaw ng puso ay nagtayuan na. Isa't isang nagpaalam at nakipagkamay sa bunying binibini. Ang pagkakataon ay di sinayang ni Artemyo. Siya ang nagpahuli sa lahat. Kinamayan niya ng boong higpit si Dolores at dinamdam naman nito ang katuturan noon. Mga titig nila ang nagpalitan ng damdamin ng kanilang dibdib.

Doon natapos ang masayang gabi.

II

HINDI NAPAWASTONG PAGTITIYAP

Doon sa kabilang dulo ng daang Sagat, sa hanay din ng inuuwian ng mapanghalinang si Dolores, ay dalawang lalaki yaong ipinagtatanong si Beteng. Sa isáng magandang tahanan, doón silá pumanhík, sapagka't yaón ang itinuro sa kanilá ng napagsanggunian.

--Mga kaibigan--ang buhat sa itaas ay kanilang narinig--tulóy kayo, tulóy kayo....

--Magandang araw po mang Beteng--ang bati namán ng dalawá.

Silá'y pumanhík at ginanáp ang karaniwang kumustahan. Matapos ilapat ni Beteng ang pinto ay nagsaád ng ganito:

--Malakíng suliranin ang gumuguló sa isip ko, kaya inabala ko kayong ipinatawag. Sa inyong pangangailangan ay nalalaan namán ako.

--Salamat po--ang salo ni Pastor na isá sa mga panauhin.

--Sapagka't kayo'y inaári kong mga kapatid ay sa inyo ko dapat ipagtapat.

--Ipatuloy mo po--ang pakli ni Simón, na kasama ni Pastor.

--Malaon nang ang puso ko'y pinapagdudusa ni Dolores--ang patuloy ni Beteng--nguni't ¡kay pait ng nasasapit ko!... ¡Pawang tiwali! At kagabi lamang ay hinarana namin, nguni't gaya rin ng dati, ay pawang paglibak sa akin ang aking napala....

--Bakit po?--ang tanong ni Pastor.

--Di ba kayo pinaakyat?--ang usisa ni Simón.

--Pinatuloy kami, dili ang hindi--ang patlang ni Beteng--nguni't ang pagkapatuloy sa amin, ay siyang lalong nagbansag ng kaapihan ko. Opo, kaapihan, pagka't sukat bang itanóng sa akin ni Dolores na kung bakit pa raw ako sumama roon....

--Yaon po'y ugali na ng dalaga: lahat ng nais nilang sabihin ay dinadaan sa hinampo--ang putol ni Simón.

--Hindi kaibigan,--ang tutol ni Beteng--pagka't malaon ng kumukulili sa tainga ko, na si Artemyong aking pinakikiusapang siyang umawit sa aming pagtapat doon, ay siya daw ang napupusuan ng babaing yaon, gayong ito ay wala namang pagibig sa kanya.

--Ganyan din po ang balita ko--ang pagayon ni Pastor--nguni't, kailan ma'y di ako naniwala.

--Sino po bang Artemyo yaon?--ang pagsisiyasat ni Simón.